Fallen 44

Fallen 44 (picture courtesy of ABS-CBN)

Halos isang buwan na mula nang mangyari ang kahindik-hindik na pagpaslang sa magigiting nating mga pulis na miyembro ng Special Action Force (SAF) group sa Maguindanao na binansagan ng media na Mamasapano clash. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin gaanong malinaw kung ano ang mga nangyari noong araw na iyon. Pag-usapan natin ang nangyari at kung ano o sino ang dapat managot sa nakalulungkot na pangyayari.

Ano ang SAF?

SAF

Ayon sa artikulong ito mula sa website ng Philippine National Police, ang PNP Special Action Force (PNP-SAF) ay ang natatanging lupon ng kapulisan na binuo upang kalabanin ang mga terorista, rebelde at organized crime group na naghahasik ng lagim sa bansa. Dahil tinatawag silang rapid deployment force, ginagamit sila upang supilin ang mga masasamang loob saan man at kailan man sa Pilipinas.

Ang vision ng grupo ay ang sumusunod:

“We envision SAF as a highly motivated, highly disciplined and specially trained unit armed with the most modern equipment that technology can provide and working in active partnership with the community living up to the virtues: Maka-Diyos, Maka-Bayan, Maka-Tao at Maka-Kalikasan.”

Ang mission naman nila ay ang sumusunod:

“To conduct special operations as a rapid deployment force in the country specifically in the areas of counter-terrorism, hostage rescue, commando-type unconventional warfare, search and rescue operations and national civil disturbance control in times of calamities, disasters and national emergencies.”

Kailan at bakit sila binuo?

SAFLOGO

Noong dekada 80, maraming grupo ang nais magpabagsak sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos. Ang iilan sa mga ito ay ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na noo’y pinangungunahan ni Nur Misurari at ang Communist Part of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA). Ang kaguluhang ginagawa noon ng mga nasabing grupo ang nagtulak sa Philippine Constabulary (isa sa apat na service commands ng Armed Forces of the Philippines dati bago sila isinama sa PNP) na bumuo ng espesyal na lupon upang supilin ang mga ito. Mayo 12, 1983 nang mabuo ang grupo na sinasabing ideya ng dating AFP Vice Chief of Staff Lieutenant General Fidel V. Ramos (na magiging pangulo noong dekada 90) kasama ng kantang Chief of Operations na si Renato De Villa.

Ano ang ginagawa ng SAF sa Maguindanao ng mga panahong iyon?

Ayon sa ulat na ito ng ABS-CBN, dalawang linggo bago ang Mamasapano Clash ay nakipagpulong diumano ang pangulo ng bansa na si Noynoy Aquino pati na ang noo’y suspended na PNP Chief na si Alan Purisima sa mga opisyal ng SAF (kasama na rito ang dating PNP-SAF Chief Getulio Napenas) tungkol sa operasyon na tinawag nilang Oplan Exodus. Ang operasyong ito ay isa lamang sa mga napakaraming naiplanong operasyon sa mga lumipas na taon upang tugisin ang kilalang teroristang si Zulkifli Abdhir o mas kilala sa bansag na Marwan na maraming taon na ring pinaghahanap sa buong mundo. May mga ulat umano na tinatago ang nasabing terorista ng mga grupong MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (o BIFF, isang pangkat ng MILF na humiwalay sa grupo dahil salungat sila sa kasalukuyang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at MILF) at Abu Sayyaf. Gaya ng nasabi kanina, maraming operasyon na ang naiplano noon ngunit hindi naisagawa o hindi ipinagpatuloy sa maraming kadahilanan. Pero noong Enero ng taong kasalukuyan ay isinagawa ang operasyon upang tugisin si Marwan na nagresulta nga sa pagkakapatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force.

Ano ang sinasabing nangyari noong araw na iyon?

Ayon sa balita, 3 pangkat ng SAF ang pumasok sa baryo ng Tukanalipao, sa Maguindanao, Mindanao madaling araw noong Enero 25 upang dakpin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman. Pinasok umano ng SAF ang bahay kung saan itinuturong naroon si Marwan ngunit dahil sila ay pinaputukan, sila ay lumaban hanggang sa mapatay ang terorista. Hindi umano alam ng MILF at BIFF na may mga SAF sa lugar kaya nang marinig nila ang putukan, sila rin ay nagpaputok ng armas. Ang resulta ay ang tinatawag natin ngayong Mamasapano Clash na dahilan kung bakit nasawi ang 44 na miyembro ng SAF pati na umano’y 350 miyembro ng mga teroristang grupo.

Fallen 44 (courtesy of GMA News)

Sino ang may pananagutan sa mga pangyayari?

noynoy

Inaako ni Napenas ang nangyari, ngunit tama bang siya lang ang umako ng responsibilidad na ito? Hindi ba’t may kasalanan at pananagutan din ang ibang grupo lalo na ang mga sumupil at kumitil sa buhay ng mga miyembro ng SAF? Bakit binibigyan ng proteksyon ng MILF si Marwan, na isang kilalang terorista sa buong mundo? Ibig sabihin ba na ganun ang ginawa (at marahil, patuloy na ginagawa) ay mga terorista rin sila? Kasama rin daw sa operasyon ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika. Ibig sabihin, malaking operasyon talaga ang naganap. Hindi lamang gobyerno ng Pilipinas ang nakakaalam kundi ang makapangyarihang bansa ng Amerika. May pananagutan din ba sila sa pangyayari?

Kung aalamin natin ang mga detalye, sinasabing umabot ng maraming oras ang putukan sa pagitan ng SAF at MILF. Bakit hindi agad nagpatawag ng ceasefire? O kung nagpatawag man ng ceasefire, bakit hindi agad huminto ang mga miyembro ng MILF? Bukod pa diyan, kung ilang oras na palang nakikipagbakbakan ang SAF sa MILF, bakit hindi tumulong ang AFP at iba pang miyembro ng SAF? Ano o sino ang pumigil sa kanila? Hindi naman siguro ganun kalakas ang MILF para katakutan nila o kayabang ang kanilang mga pinuno upang maging kumpiyansa sa ipinadala nilang tatlong pangkat ng SAF. Marami tayong katanungan hanggang ngayon na sana ay mabigyan ng linaw sa madaling panahon lalo na’t galit pa rin tayong mga Pilipino sa nangyari. Pero ang isang pinakanakakapag-init sa damdamin ng mga Pilipino lalo na ang mga kamag-anak ng mga namatayan ay ang paghuhugas ng kamay ng tinuturing na ama ng bansa.

HULING SALITA

Ang pangulo ng Pilipinas ang siyang commander-in-chief kaya dapat ay akuin ng anak nina Ninoy at Cory Aquino ang responsibilidad sa pagkakapatay ng 44 na miyembro ng SAF. Alam niya ang operasyon at may kakayahan sana siya upang pigilan, tulungan o iligtas ang mga pulis natin na nandoon noon sa Mamasapano. Ngunit, ano ang kanyang ginawa? WALA. Maging sa kanyang mga talumpati ay ibinibida niya ang kanyang sarili at pamilya na kung tutuusin ay walang kinalaman sa insidente at kung mayroon man ay napakainsensitibo at walang kaemosyon-emosyon para sa mga namatayan ang dating. Natatandaan n’yo pa ba nung inunan nya ang pagbubukas ng isang car shop kaysa salubungin ang mga bangkay ng mga bayani nating Fallen 44? Doon pa lang ay malalaman mo na kung ano ang karakter ng pangulong ito. Nito lamang nagdaang Miyerkules, Pebrero 18, ay nakipagkita siya sa mga kamag-anak ng Fallen 44. Tsansa na sana niyang bumawi o kaya ipakita man lang sa mga tao ang kanyang pakikidalamhati. Ngunit ano ang bumandila pangkatapos ng pangyayaring iyon? Pagkabastos at pagkahambog  ng pangulong piniling iboto ng nakararaming Pilipino noong 2010. Hindi tuloy nakapagtataka ngayon na maraming grupo ang gustong magpatalsik sa kanya sa pwesto. Sa araw na ito, Pebrero 22, ay inaasahang maraming magpuprotesta laban sa kanya.

Noynoy, hindi kita inaasahang bababa sa pwesto mo lalo na’t ayaw ko ring si Binay ang pumalit sa’yo. Pero sana, pakinggan mo itong payo ko at hindi ng payo ng umano’y corrupt mong kaibigang nangingialam pa rin kahit suspendido na na si Alan Purisima. Tumingin ka sa salamin at pagmasdan mo ng mabuti ang makikita mo. Natatakot ka ba? Oo, dapat matakot ka. Matakot ka sa sarili mo at sa mga pinaggagagawa mo.

Sandaang Libo

alaminmokasi.wordpress.com header

Mahigit isang taon na mula nang simulan ko ang aking kauna-unahang blog sa WordPress na pinamagatan kong ALAMIN MO KASI. Sabi ko nga sa blog kong ito, ang aking pakay sa paggawa nito’y upang alamin ang mga bagay na nakakaapekto sa atin, tuklasin ang mga bagay na di pa natin nalalaman at gunitain ang mga bagay na dati na nating alam. Di ko akalaing isang taon pagkatapos kong ihayag ang aking kauna-unahang blog post ay aabot na ng isandaang libo ang bumasa o kaya’y dumaan (man lang) sa aking website. Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng bumasa at patuloy na bumabasa sa blog kong ito. Asahan n’yong susubukan kong maparami pa ang mga aalamin nating mga bagay-bagay sa mundo!

Multiply

Matagal na panahon ko ring gamit-gamit ang social networking site na Multiply. Hula ko’y kayo rin na nagbabasa nito ngayon. Salamat sa isang kaibigan dahil sa kanya’y naging isa ako sa milyun-milyong gumamit o patuloy na gumagamit ng nasabing website.

Ano ba ang magagawa sa Multiply? Tulad ng Friendster noon at ng Facebook ngayon, maaari tayong makipag-ugnay sa ating mga kaibigan, kakilala at kamag-anak sa Multiply. Maaari tayong makapagpaskil ng mga larawan, magbahagi ng video na kuha natin o galing sa iba, maglabas ng saloobin sa pamamagitan ng blog, magbigay ng mga review ng mga pelikula, palabas sa telebisyon o kaya mga kanta, makinig sa musika (na dati pa nga’y maaaring i-download) at maraming-marami pang iba. Nung naglaon, nakilala ang Multiply sa online shopping at selling.

Nakalulungkot dahil sa lakas ng Facebook at Twitter ay napag-iwanan na ang Multiply sa aspeto nitong pagiging social network. Bida ito ilang taon na ang nakararaan sa dami ng bumibisita para makapag-labas ng kung anong gusto nilang ibahagi sa iba. Ngunit ngayon, mas tinatangkilik na lang ito sa aspeto nitong pangangalakal ng mga gamit, damit at kung anu-ano pa.

Ilang buwan na ang lumipas nang lumiham si Stefan Magdalinski, ang Chief Executive Officer ng Multiply, upang ipaalam na hanggang Disyembre 1, 2012 na lamang maaaring gamitin ang social networking features nito. Ibig sabihin, mawawala na ang opsyon nating magpaskil pa rito ng kung anong gusto nating ibahagi sa mundo. At, ang mas importante, mawawala na rin ang lahat ng mga larawan, mga video, mga review, mga blog post at kung anu-ano pang inilagay natin sa Multiply.

Nagbigay naman ang mga taong nasa likod ng nasabing website ng ilang pamamaraan sa paglipat ng mga content na iniligay natin dito. Kung gusto ninyong isalba ang mga nilalaman ng inyong Multiply site, alamin ninyo rito kung paano ito gawin. Sa mga nagnanais namang kunin maging ang mga komento sa mga pahina ng kanilang Multiply website, gumamit na lamang ng Print Screen. Matrabaho ito pero para sa isang magandang layunin naman kaya tiyak na ayos lang ito sa inyo.

Sa totoo lang, mahal ko ang website na bida sa blog post kong ito. Dito kasi ako unang nakapag-blog. Kahit na di gaanong marami ang nagbabasa sa mga bina-blog ko noon, sa Multiply ko unang naramdaman ang kalayaang ipahayag ang sarili upang mabasa ng mga tao saan mang parte sila ng mundo. Naaalala ko pa ngayon ang pakiramdam nung una kong ipaskil ang una kong blog na naglalaman ng mga napakapositibong bagay. Nasa panahon kasi ako noon ng magandang pagbabago sa aking buhay. Malinaw pa rin sa aking alaala yung mga panahong binubuhos ko ang aking isip at puso tungkol sa iba’t-ibang bagay, sa pagba-blog man o maging sa paggawa ng review ng mga napanood kong pelikula. Masasabi kong mas napamahal ako sa panonood ng pelikula dahil na rin sa mga pinaggagagawa ko sa Multiply. Hehe. Ang saya ring alalahanin na nakakapag-download ako nang libre ng mga kantang gusto kong pakinggan sa website na ito. Yun nga lang, nahinto ang feature na ito dahil ipinagbabawal ang pamimirata. Nakatutuwa ring naging daan ang Multiply upang mas maging malapit ako sa ilang mga kakilala lang dati. Pinakamagandang ehemplo rito ang aking mga kasama sa WordPress blog na threemindsoneblog.wordpress.com (Bisitahin ninyo ang aming blog, tiyak na di kayo magsisisi. Hehe.). Dagdag pa riyan, may ilang tao akong naging online buddy dahil sa pagkahilig sa ilang mga bagay tulad ng pelikula kahit di kami magkakakilala ng personal.

Ilang buwan na rin ang nakararaan mula noong una kong naramdaman ang kalungkutan sa nalalapit na pamamaalam ng minahal kong website. Ilang taon din kasi itong naging kasangkapan ng pakikipag-ugnayan sa ating mga kaibigan at kakilala. Gayunpaman, tulad ng laging sinasabi ng mga tao pag may lumilisan, patuloy pa rin ang buhay. Maigi na lamang na magpasalamat sa lahat-lahat ng mabuting naidulot ng website na ito sa atin sa anumang pamamaraan. Tama ba?

Opinyon ng Isang Blogger Lang

Gumawa ng malaking ingay nung nakaraang linggo si Senador Vicente “Tito” Sotto III hindi dahil sa matagumpay n’yang naipaglaban ang adhikain ng mga taong tutol sa RH Bill kundi dahil sa kanyang pagmamaliit sa mga blogger na tulad ko. Ano ba ang kanyang ginawa at ano ang inirireklamo ng mga blogger na tulad ko? Alamin natin.

Matatandaang una n’yang ginamit ang gawa ng ilang bloggers, partikular na si Sarah Pope,sa kanyang talumpati bilang pagtutol sa RH Bill ilang linggo na ang nakararaan. Maganda sana yun lalo na kung makatutulong ang kanyang mga hiniram na impormasyon sa kanyang nais sabihin. Pero, ang naging problema, di man lang niya binigyan ng kaukulang pagkilala ang kanyang mga pinagkuhanan ng mga impormasyon.

Nagulat siguro siya at ang kanyang staff nang may mga pumalag at bumatikos sa kanyang mga sinabi. Anila, kopyang-kopya ang maraming salitang kanyang binitawan sa ilang blog na mababasa sa internet. (Kung nais n’yong malaman ang ilang pangongopyang nangyari, puntahan n’yo ito.)

Pero anong ginawa n’ya at ng kanyang mga tauhan? Nang malaman ng blogger na si Sarah Pope ang kontrobersiya, gumawa ito ng blog post na ang pamagat ay On Plagiarism, the Pill and Presumptousness bilang reaksyon. Ayon sa ulat ng GMA News, nag-komento roon ang chief of staff ni Tito Sotto na si Atty. Hector Villacorta at ang sabi niya’y:  “I understand you felt slighted that your blog was not attributed to you which became part of the speech of the senator. Let me say that after asking my staff, indeed your blog was used but only in quoting also from the same book of Dr. Campbell-McBride. If you wish that you also be credited with the contents of the book, let this be your affirmation. I can do it and by this message I am doing it. Hope it satisfies you.” Pero sumagot din agad si Pope ng, “My BLOG was quoted, not Dr. Natasha Campbell-McBride. I put her work in my own words and you copied my words. No, your lame comment does not make me ‘feel’ any better.” Nang makapanayam naman ni Karen Davila si Tito Sotto sa kanyang programang Headstart sa ABS-CBN News Channel (o ANC), sinabi n’yang, “Natatawa ako nung marinig ko yan. Kasi yung blogger na sinasabi nila e, pareho kami ng pinagkunan… si (Dr.) Natasha Campbell- McBride.” Idinagdag pa n’ya, “Ba’t ko naman iku-quote yung blogger? Blogger lang yun.”

***

Anong mahihinuha natin sa itaas?

Una, hindi basta-basta ang pagkuha ng ideya ng iba. Sinasabi man nilang sa panahon ngayon ay wala nang orihinal sapagkat lahat ay hango na sa mga nauna, di iyon dahilan para di bigyan ng tamang pagkilala ang pinagkuhanan. Lalo pa ngayong napakadaling kumuha ng impormasyon sa pamamagitan ng internet, madaling mahuli ang mga nangongopya lamang lalo na kung mga kilalang tao ang gumawa ng krimeng tinatawag na plagiarism*.

*Ano ang plagiarism?

Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ito ay ang akto ng pagkuha ng mga ideya o salita ng iba na parang kanila.  Sa ibang sabi, pagkuha ito ng ideya o salita nang walang pagkilala man lang na ginawa tungkol sa pinagkunan ng ideya o salitang ginamit.

Ikalawa, napakayabang magsalita ni Tito Sotto. Bakit n’ya raw gagamitin ang gawa ng isang blogger? Dapat n’yang malaman na hindi porke’t blogger ay walang kwenta. Oo, walang kwenta ang ginamit kong mga salita dahil yan ang tila ibig sabihin niya sa kanyang mga sinabi. Gusto kong malaman n’ya na hindi porke’t blogger ay maaari nang maliitin. Ang mga blogger ay gumagawa ng blog sapagkat gusto nilang ibahagi ang kanilang mga nalalaman, nararamdaman o nararanasan. May halaga ang mga iyon, di man para sa lahat pero sa iilan.  Baka di n’ya alam na may mga taong nagbabasa ng mga blog dahil sila ay nakikinabang sa kung anumang paraan mula sa iba’t-ibang paksa mayroon ang mga ito. Pero kung tutuusin, siya dapat ang unang nakakaalam n’yan sapagkat siya mismo ang gumamit ng mga salita ng isang blogger lang sa kanyang talumpati sa Senado.

Ikatlo, hindi tamang maging arogante sa pagsagot sa mga pagtuligsa sa atin lalo na kung tayo ay nasa mataas na posisyon sa gobyerno. Lalabas at lalabas na mayabang at hindi marunong magpatalo ang isang taong nahuli na nga’y hindi pa marunong tumanggap ng pagkakamali. Kung ako kay Tito Sotto, hihingi ako ng tawad sa mga nasagasaan sa aking mga ginawa at sinabi lalo na sa mga blogger lang.

Mga huling salita ukol sa:

  • RH Bill

Dapat malaman ni Tito Sotto na kaisa n’ya ang marami tulad ko sa pagtutol sa RH Bill. Pero dapat n’yang idaan sa tamang paraan ang pagtatanggol sa mahalagang buhay.

  • Pagba-blog

Iba-iba ang mga katayuan sa buhay ng mga tao at ibig sabihin nun, iba-iba ang kaalaman at mga karanasan nila. Tulad din ng mga nasa Senado, ibang-iba ang katayuan nila sa ating maituturing na ordinaryong mamamamayan lang. Ibig bang sabihin nun ay di na mahalaga ang ating mga sinasabi? Hindi. Bagkus, nangangahulugan iyon na anuman ang katayuan mo sa buhay, Senador man o hindi, blogger man o hindi, ay hindi dapat nila-lang. Nagkataon lamang na mas malaki ang kapasidad ng ilan sa atin upang ipaalam ang kanilang mga gustong sabihin at gawin ang gusto nilang gawin. Pero di iyon nangangahulugang sila ang nasa tama o sila lamang ang tama. Di dapat nila-lang ang mga sinasabi o mga ginagawa ninuman sapagkat lingid sa ating kaalaman ay mayroon at mayroon ditong mangangailangan.

Alamin mo muna ito!

Sa wakas, nakalikha na rin ako ng blog kung saan Tagalog ang pinakagagamitin kong wika. Totoo ang sabi nila na pinakamadaling lumalabas sa bibig ang nilalaman ng isip kung gamit ang wikang gamit mula pagkabata. Matatas man ako sa Ingles, sa Tagalog ko mas maihahayag ang aking mga saloobin at opinyon. Pero di pa rin maiiwasang gumamit ako ng Ingles sapagkat madalas ko rin naman itong gamitin. Gayunman, magsusulat ako ayon sa kagustuhan ko sa sandaling ako’y maglalathala.

Para saan ba ang blog na ito? Sabihin na nating ibig kong ibahagi ang aking mga opinyon sa iba’t-ibang mga bagay. Isa sa aking mga mithiin (goals) dito ay maipahayag ang aking sarili tungkol sa mga bagay na napapanahon o kaya naman sa mga bagay na gusto ko lang pag-usapan.

Kaya sa mga magbabasa sa blog kong ito, maraming salamat!