Dama Mo Ba Ang Kapaskuhan?

Christmas Lights

Christmas decor sa Ayala Fairview Terraces

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi. Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon, nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo, pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi, hindi pa gaano.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang mga himig pang-Pasko sa radyo kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre, humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Sa totoo lang, pakiramdam ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Haha. Noong mas tumanda na ako ng kaunti, mas inaabangan ko na ang mga reunion kasama ng mga kamag-anak namin. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa probinsiya ng Ilocos Sur para bisitahin ang mga kamag-anak namin doon. Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng bakasyon. Free time e!

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo. Haha. Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili (pati na rin sa kapwa syempre).

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa harap natin mismo?

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala (ngayon siguro dahil binabasa mo ito, haha), isipin mo kung para saan ba at ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

Maniwala ka.

image

Advertisements