Missing blogging!

Ang aking Instagram account :)

Ang aking Instagram account 🙂

Higit tatlong buwan na rin mula nung huli akong nakapaglabas ng post dito sa aking main blog na alaminmokasi.com. Ako’y humihingi ng tawad kung may mga taong nag-aabang sa mga sasabihin ko tungkol sa kung anu-anong mga bagay. Marami lamang kasi akong pinagkakaabalahan sa nakaraang mga buwan. Nariyan ang personal na buhay, trabaho pati na ang kinagigiliwan kong tunay sa kasalukuyan, ang pagkuha ng mga litrato at pagpapakita nito sa Instagram (ang aking account sa Instagram ay @karl_olivier). Pero, ganun pa man, ay nangangako akong hindi bibitawan ang blog kong ito sapagkat marami ang nagpapasalamat sa mga nauna ko nang naiposteng blog post dahil sila ay may mga natututunan kahit papaano sa mga sinusulat ko.

Hindi ako nagba-blog ngayon para lamang humingi ng paumanhin dahil sa matagal na pagkakawala. Ating pasadahan ang mga maiiinit na isyu na ating kinakaharap nitong mga nagdaang linggo.

PROBLEMA SA IGLESIA NI CRISTO (INC)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

Marahil, ang pinakapopular na relihiyong itinatag dito sa Pilipinas (paalala: itinatag o founded sa Ingles) sa kasalukuyan ay ang Iglesia ni Cristo. Wala man sa kalingkingan ng populasyon nila ang dami ng mga Katoliko, Born Again Christians at Muslim sa ating bansa ay hindi maitatangging malaki-laki rin ang impluwensiya nila sa lipunan. Sa katotohan niyan, kadidiriwang lang nila ng kanilang ika-101 taon nitong Hulyo 27, 2015.

Gayunpaman, nababalot ang relihiyong aking nabanggit sa kontrobersiya sa kasalukuyan. Itinawalag ng punong ministro nilang si Eduardo Manalo ang kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo at ang inang si Cristina “Tenny” Manalo matapos maglabas ang dalawang huling nabanggit na nanganganib ang kanilang mga buhay. Hindi pa klaro noong una kung bakit nila ito sinabi ngunit sa paglipas ng mga araw ay lumalabas na internal conflict ang kadahilanan. May nagsasabing hindi umano pabor ang ilan sa mga kapamilya ni Eduardo Manalo kung paano niyang ginagamit ang salapi ng kanilang simbahan. May mga haka-haka rin ang media na may namumuong pagtitiwalag dahil sa mga iregulidad umano sa simbahan. May bali-balita ring maraming ministro ang nawawala o kaya’y nanganganib ang buhay at ito raw ay may kinalaman sa mga nangyayari sa kasalukuyan.

Hindi man natin alam ang katotohan sa mga nangyayari sa kanila, maigi pa ring tayo ay maghintay, magmasid at mag-obserba sa mga susunod na mangyayari sapagkat marami tayong mahihinuhang mga aral sa bagay na ito.

MAR vs JEJOMAR

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

Ito naman ang pinakamalaking balitang bumulaga ngayong araw, Hulyo 31, 2015. Nag-anunsyo ng pagkandidato sa pagkapresidente ang dating senador na si Mar Roxas habang nag-anunsyo rin ng kanyang suporta ang katatapos lang na magbigay ng State of the Nation Address na si Noynoy Aquino sa kaalyado.

Nagkibit-balikat lang naman si Jejomar Binay sa balitang ito sapagkat para sa kanya, hindi siya matatalo ni Roxas sa halalan.

Bakit hindi kaya nila tinatanong kung gusto sila ng sambayanan?

Sa totoo lang, WALA AKONG GUSTO SA DALAWANG KANDIDATONG ITO. Si Binay ay pinuputakti ng mga reklamo at kaso ng matinding korupsyon at hindi lang siya kundi ang kanyang ring pamilya tulad na lamang ng kanyang anak na si Junjun Binay na kasalukuyang suspendido sa Makati bilang alkalde. At ito namang si Mar Roxas. Ano ang nagawa niya noong siya ay senador pa? Malaki ang ekspektasyon sa kanya ng mga taong bumoto sa kanya noon pero para namang wala tayong napala. Bakit nga ba uli siya tinawag na Mr. Palengke? Ah, dahil yata sa komersiyal nyang nagpapanalo sa kanya.

Kanino ka kakampi, sa umano’y makapal na matinding corrupt o sa umano’y inutil?

#MMSHAKEDRILL: METRO MANILA “SHAKE” DRILL

MMDA Chairman Francis Tolentino explains what will happen during the July 30 Metro-wide earthquake drill during his visit at the Philippine Daily Inquirer office in Makati City. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Ipinapaliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa opisina ng Philippine Daily Inquirer sa Makati ang magaganap na Metrowide earthquake drill ilang araw bago ang Hulyo 30. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Isinagawa sa buong Metro Manila kahapon, Hulyo 31, ang tinatawag na Metrowide Shake Drill bilang paghahanda sakaling tamaan ng lindol ang Metro Manila. Sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority (MMDA) pati na iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ay nagpalaganap sila ng impormasyon sa publiko kung anu-ano ang mga kailangang gawin sakaling dumating nga ang lindol. Habang nangyayari ang lindol, sinasabi nilang gawin ang mga sumusunod: DROP – COVER – HOLD. Nasaan ka man, pag lumindol ay iwasan nang tumayo kung hindi kailangan. Ibaba agad ang sarili at humanap ng matibay na mesa o anumang pwedeng pagtaguan na sa tingin mo’y hindi basta-basta masisira. Hawakan ito hangga’t hindi natatapos ang pagyanig. Pag natapos ang lindol, tsaka lamang tingnan kung ligtas nang lumabas at dumiretso sa evacuation centers.

Maganda ang isinagawang proyektong ito ng gobyerno. Sana lang talaga ay maging handa sila pati na syempre ang mga tao sakaling dumating ang mapeligrosong lindol. Nakakairita lang marinig sa media ang katagang The Big One sa lindol na inaasahang darating sa hinaharap. Baka mamisinform ang mga tao sapagkat hindi lang iisa ang maaaring tumamang lindol sa atin kung may tatama man.

Metro-Quake-Drill-4

Photo courtesy of Philippine Star

Kayo, ano ang opinyon n’yo sa mga isyu nitong nagdaang mga linggo? Tara, ibigay mo ang opinyon mo!

***

Na-miss ko ang pagbablog kaya hindi ko mang intensyong mag-blog ngayong gabi, hindi ko napigilan ang aking sarili! Sarap sa pakiramdam ng nasasabi natin ang opinyon natin sa iba’t-ibang bagay, ano? Kaya pinapangako ko sa sarili ko na bibigyan ng kaukulang oras ang pagbablog kahit na abalang-abala sa iba’t-ibang mga bagay.

Instagrammer

IG pic 4Ang pinakaginagamit kong app sa kasalukuyan ay walang iba kundi ang Instagram. Kung may isa man sa maraming dahilan kung bakit di ako masyadong nakakapagsulat sa blog ko, ang Instagram yun. Haha. Para ring pagba-blog ang Instagram pero ang kaibhan nito, mga larawan ang gamit at mas madalian ang pagbabasa rito. Alamin pa natin ang tungkol sa Instagram sa post kong ito.

Ano ang Instagram?

Instagram_logo

Ang INSTAGRAM ay isang social networking site tulad ng Facebook at Twitter kung saan maaaring magpost ng mga larawan at video ang mga gumagamit nito. Ang pinagkaiba nito sa ibang site o app, tanging mga larawan at video pati na captions ng mga ito ang makikita ng mga gumagamit. Maaari ding gamiting ang IG upang kumilala ng mga tao sa buong mundo na magaganda ang mga likhang mga larawan. Pwede ka ring makilala rito lalo na ng mga taong kaparehas ng mga tema ng larawan na iyong gusto. [Tip: Dito ginagamit ang tinatawag na hashtag (#). Makakakita ang gumagamit (user) ng kapwa niya user na may kaparehas na tema tulad ng #travel. Posibleng mga larawan kung saan nagpunta ang user ang may hastag na #travel at kung sino man ang gustong makakita ng mga lugar na pinupuntahan ng iba, ito ang kanilang gagamitin. Kaya marapat lang na gamitin natin ito ng wasto.] Maaaring buksan ang Instagram sa mga laptop o personal computers (tulad ng larawan sa itaas), pero pinakamagagamit ito sa pamamagitan ng smartphones at tablets na mayroong Apple App Store (halimbawa, iPhone at iPad), Google Play (halimbawa, Samsung Galaxy series) at Windows Phone Store.

Dalawa sa natatanging features ng Instagram ay ang paggamit ng parisukat na hugis (square shape) sa pagpapakita ng larawan o video pati na syempre ang tinatawag na filters kung saan maaaring gamitin ng mga gumagamit para mas mapaganda ang kanilang pictures o bigyang arte ang kanilang videos. Aling filter ang pinakagusto mo? Ako, paiba-iba pero natatangi ang filter na tinatawag na Aden.

IG pic 2

Dahil sa popularidad ng mga photo editing apps tulad ng Snapseed at VSCO ay gumawa na rin ng feature ang Instagram upang makontrol ng users ang key aspects ng photograph editing tulad ng brightness, contrast, warmth, saturation, atbp. na pwedeng magpaganda sa larawan.

Sino ang may pakana ng photo-sharing at video-sharing app na ito?

Nilikha ng mga software engineer na sina Kevin Systrom at Mike Krieger ang Instagram noong October 2010. Madali itong nakilala dat sa ngayo’y umaakit ito ng higit 400 milyong tao sa mundo. Noong Abril 2012 ay binili ni Mark Zuckerberg ng Facebook sa halagang $1 bilyon ang Instagram.

Ano ang napapala ng mga tao sa IG?

IG pic 3

Depende sa atin kung ano ang gusto nating gawin o ipakita sa ating Instagram profile. May mga kakilala ako na panay magagandang larawan ng pagkain ang pinapakita niyang mga larawan. Talagang gaganahan kang kumain sa ganda ng pagkakapresenta niya ng mga larawang ito. Minsan, mga lutong ulam sa bahay ang pinapakita niya pati na ng ibang gumagawa nito, pero minsan din ay kuha mula sa iba’t ibang kainan mula sa iba’t ibang lugar. Kung tutuusin, tinutulungan nila ang mga negosyo ng pagkain kung saan kinuha ang larawang kanilang pinapakita. Mayroon pa akong kakilala na mga selfeet naman niya ang bida sa kanyang IG feed. Ang pagkakaiba, iba’t ibang sapatos sa iba’t- ibang lugar ang kanyang pinipresenta. Sa tagal ko na sa IG, iba’t ibang pamamaraan at presentasyon ang ginagawa ng milyung-milyong tao sa kanilang mga larawan. Pero, mayroon pa rin yung panay selfie nila ang kanilang pinapakita. Hindi ako pabor dito pero hayaan na natin… basta sana hindi palagi. Haha. Mayroon ding kung ano ang gusto nilang ipakita sa pang-araw-araw nilang buhay ang kanilang nilalagay.

Ako naman, noong simula ay iba-iba rin ang pinapakita sa aking Instagram. Halu-halo kung tutuusin, maski naman ngayon, pero mas pinipili ko na ang nilalagay kong mga larawan sa kasalukuyan. Dahil gusto kong gumawa ng sarili kong identity sa IG, mayroong isang buwan noon na pawang mga naipon kong magagandang larawan ang aking pinakita na may kasamang quote. Isang challenge o project ko ito sa sarili. Ang hirap nga lang iayon ng larawan sa kung anong quote na babagay sana rito. Haha. Pero nagawa ko naman ng mahusay. Sa ngayon, madalas ko ng ipakita ang mga lugar na pinuntahan at pinupuntahan ko (lalo na ang aking mga #travel), pati na rin ang aking mga aktibidad tulad ng trabaho bilang isang speech pathologist (#speechtherapy) pati na hobbies tulad ng pagtakbo (#running, #sightseenwhilerunning) at pag-eehersisyo (#gym, #fitness, #health), mga pagkain na natuwa akong kainin (o kahit hindi gaano basta maganda pa ring ipakita, haha, #spotmyfood, #foodph, #yummyph, #forkspoonmanila, #wheninmanila), at marami pang iba. Sa totoo lang, personal ang mga ito sapagkat kung ano ang gusto nating ipakita sa iba ang siyang nilalagay natin dito. Mas nakikilala tayo rito ng ibang tao.

Kasama ng maraming tao ay natutuwa ako sa paggamit ng IG. Bakit ba naman hindi? Tunay na nahahasa ang creativity at lumalawak ang imagination ng mga seryosong gumagamit nito. Nai-inspire ako ng ibang taong nakikilala ko sa pamamagitan nito kaya sa abot ng aking nakakaya ay ginagandahan ko ang nilalalagay kong mga larawan dito. Maarte kung tutuusin. Isang avenue ang Instagram para ipakita ang pagiging malikhain ng mga tao. Dito ko naipapakita ang aking originality kahit na maaaring hango sa isang ideyang aking nahagilap mula sa ibang tao ang parte sa mga gawa kong ito. Para naman kasi sa akin, hindi lang simpleng pagpapakita ng mga larawan ang IG. Para sa akin, PHOTOGRAPHY + ART ang Instagram.

May IG ba kayo? Wag n’yo akong kalimutang i-follow, ha? Ako si @karl_olivier dito. 🙂

Salutatorian Speech Controversy

Mainit na mainit pa rin sa kasalukuyan ang isyung lumabas noong Lunes, Marso 23, 2014, tungkol sa speech ni Krisel Mallari, isang high school salutatorian ng isang paaralan sa Quezon City na pinahinto ng mga guro dahil naglalaman ito ng kasiraan laban sa kanila pati na sa paaralang kanilang pinagsisilbihan.

Panoorin ninyo ang video na ito sa baba:

Naganap ang insidente habang graduation ceremonies ng Sto. Niño Parochial School sa Quezon City noong nakaraang Sabado, Marso 21, 2015. Iba ang sinumiteng talumpati ni Krisel sa administrasyon ng paaralan sa ginamit niya sa kanyang speech. Kaya tuwing tumatawid sa usaping pandaraya ang kanyang binabahagi ay kinakausap siya’t pinahihinto ng tila emcee ng programa. Ilang beses itong nangyari hanggang sa hindi na talaga niya natapos ang kanyang gustong sabihin sapagkat pinigilan na siya ng iba pang mga guro na naroon sa harap.

Madaling humusga. Unang reaksyon ng mga nakapanood, may inhustisyang nangyari. Hindi umano sasabihin ni Krisel ang kanyang mga sinabi kung wala talagang nangyaring kababalaghan sa pagpili ng valedictorian ng kanilang paaralan. Inatake ng marami sa mga nakapanood ng video ang paaralan ng Sto. Niño Parochial School (na nagkataong naging paaralan ko mula Kinder hanggang Grade 1) at ang mga guro nito. Kumalat agad ang balita kaya’t naging usap-usapan ito hindi lang  sa Kamaynilaan kundi sa buong bansa. Resulta sa kasalukuyan ng kontrobersiya, binigyan ng memorandum ang nasabing paaralan ng Kagawaran ng Edukasyon upang ipaliwanag ang buong pangyayari. Aalamin ang mga aktwal na sinabi ng bata, ano ang mga hindi pinasabi, pati na ang mga bagay na inungkat tulad ng hindi pagpapakita ng mga grado ng mga estudyante.

Kung panonooring mabuti ang video malalaman mong matatapang ang mga salita ni Krisel pero biktima pa rin kanyang dating sapagkat tila humihingi ng saklolo ang kanyang boses karga-karga ang intyensiong mabigyan ng sagot ang kanyang mga hinaing. May mga pagkakataong tila marahan ang kanyang pagbibigkas ng mga salita at saka na lamang titimo ang bigat ng mga ito pagkanarinig na.

Sa pagtatapos ng video ay tila nakakaawa siyang pinahinto hindi lamang ng iisang guro kundi ng marami pa sa kanila. Hindi n’ya tuloy natapos ang mga gusto niyang sabihin. Sa ating paghahanap sa internet, nakuha ng inyong lingkod ang kabuuan ng kanyang salutatorian speech:

A pleasant morning to my fellow batchmates, to my teachers, guests, welcome to the 13th Commencement Exercises. Sa okasyong ito ay pinipili kong magsiwalat sa wika na aking kinagisnan, ang wikang Filipino o wikang Tagalog. Taong 2004 ng una akong umapak sa silid-aralan ng eskwelahang ito, upang mag-aral. Ngayon, makalipas ang labing isang taon, ay narito ko sa inyong harapan upang ibahagi ang aking karanasan at magbigay-aral. Sa bawat taon na lumipas ay puspusan ang pag-aaral na ginawa ko sa eskwela, naniwala ko sa patas na labanan. Sa pagtatapos ng school year na ito’y isang hakbang nalang ang layo ko sa finish line, ngunit sa pagdating ko rito’y naglaho ang pulang tali na sisimbolo sana sa aking tagumpay, naglaho nga ba o sadyang kinuha? Maraming tao ang nagbulag-bulagan sa isang sistemang marumi at kaduda-duda. Ngunit di ko ito tinuluran, ipinaglaban ko ang sa tingin ko’y tama, nanindigan ako bilang isang Pilipino na palaban at may takot sa Diyos. Chismis, isang piyesta ng chismis ang inabot ko ng pinagmukha nila akong masama. Ganun talaga minsan, pag umayon ka sa kung alin ang tama, ikaw pa ang lumalabas na mali. Di na nga nila pinakinggan ang iyong hinaing, nakuha ka pa nilang laitin. Kung sinasabi niyong wala akong acceptance, marami ako niyan, pero pano kong tatanggapin ang isang bagay na di naaayon sa katotohanan. Para san pa ang aking dedikasyon sa pag-aaral at hustisya kung di ko naman ito ipaglalaban. Sa kabila ng nangyari ay masaya padin ako, tulad nga ng laging sinasabi sa teleseryeng Dream Dad, “Maganda ang buhay”, kaya bakit ako mag-aaksaya ng oras sa kanila kung mas maraming mas kapaki-pakinabang na bagay ang pwede kong gawin. Ngayon ay may piling indibidwal akong gustong pasalamatan, ito yung mga tao na sumuporta sakin sa kabila ng eskandalo na idinulot ng ipaglaban ko kung ano ang sa tingin ko ay tama. Una sa lahat, gusto kong pasalamatan ang Diyos, isa siyang ama, kapatid, kaibigan na naging sandigan ko sa lahat ng pagkakataon, sa hirap at ginhawa. Sa aking ama, dad salamat, salamat kasi ni minsan ay di mo kami sinukuan, salamat kasi naniwala ka sa kakayanan ko, salamat kasi ipinaglaban mo ko kahit pa sumama ang tingin sayo ng iba, salamat kasi ikaw si Ernesto Mallari, ang haligi ng tahanan na nakukuha paring magpatawa kahit alam ko na sa loob niya ay nahihirapan na siya. Sabi nga sa isang pelikula ni Robin Williams, “You are the world’s greatest dad”. Sa aking ina, isang napakalaking thank you, siguro nga’y madalas akong makulitan sa’yo dahil sa madalas mong pangangaral, paulit-ulit nga siguro ang mga sinasabi mo, pero ma, yan ang tunay na dahilan kung bakit the best ka, dahil di ka tumitigil na pangaralan kami pag alam mong naliligaw kami ng landas. Talaga ngang totoo yung kataga na “Mother knows best”. Sa pinakamaganda kong ate, Ate Kat, salamat kasi ikaw ang pinaka nakakaintindi sa mga hilig at pinagdadaanan ko bilang isang babae, ikaw ang aking selfie buddy, church buddy, at shopping buddy na pinagkakatiwalaan ko ng mga sikreto. Sa napakatalino kong kuya, Kuya Kerwin mainitin ang ulo mo, medyo mayabang ka nga siguro, at medyo tamad mag-aral; pero ang di alam ng marami, busilak ang puso mo, salamat kuya, sa pagturo sakin na manindigan pag alam kong ako ang nasa tama. Sa napaka-cute kong kapatid, salamat Kristine, ikaw na siguro ang pinakamatuturing kong tunay na BFF. Julia, Clang, Katrina, Faye, Dane, Nico at sa iba pa, napatunayan niyo sakin na tama ang katagang “quality over quantity”, siguro nga’y di kayo karamihan, pero alam ko na bawat isa sa inyo ay maaasahan at mapagkakatiwalaan ko, kaya salamat! Sa mga teachers na napalapit na sa aking puso, Ma’am Factora, Mam Calanoga, Mam Amil, Mam Garcia, Mam Restor, Mam Castillo, Mam Acacio at Sir Francis, nagsilbi po kayong pangalawang magulang ko, salamat po. At siyempre pa, sa mga taong bumabatikos at nagbibigay ng negatibong komento sa akin, isang napakalaking thank you, kayo ang dahilan kaya’t mas pinagbubuti ko pa ang pag-aaral, tulad nga ng sinabi ng basketbolistang si Dwyane Wade, “My belief is stronger than your doubt”. Panibagong kabanata ang aking haharapin, bilang isang accountancy student sa University of Santo Tomas. Panibagong hamon na nakangiti kong haharapin. At para sa ating lahat mga kapwa ko graduates, ito’y isang mahalagang kabanata kung saan natin gagawin ang pinakamahalagang mga desisyon sa ating buhay. Kaya naman good luck sa inyo, at good luck din para sa kinabukasan ng paaralang ito. Let me finish this in style and say my last words in the vernacular language of the world. I am Krisel Mallari, a Filipino citizen who would rather choose to fail with honor, than win by cheating. Adios!

Sayang. Hindi niya napasalamatan ang bawa’t miyembro ng kanyang pamilya sa harapan ng madla. Hindi na rin niyang nagawang isa-isahin pa ang kanyang mga kaibigang tumulong sa kanyang laban pati na rin mga guro na nagsilbi niyang pangalawang magulang.

Sana sa lalong madaling panahon ay maglabas na ng kanilang panig ng kwento ang paaralan ng Sto. Niño. Maigi rin sanang malaman ang opinyon ng valedictorian ng klase nina Krisel. Hindi patas kung hindi natin maririnig ang kanilang mga saloobin sa pangyayari. Pwede kasing biktima lang din sila. Kung papaano ay malalaman na lamang nating pag malaman natin ang kanilang panig.

Mga Alaala

Sa kabila ng lahat, hanga ako sa tapang at dedikasyong alamin ang katotohan ni Krisel. Isang pangyayari noong ako ay nasa grade school pa lamang ang naalala ko sa pangyayaring ito sapagkat may isa akong kakilala na halos pareho ang ginawa habang graduation nila. Matalino ang taong ito at talagang malakas ang loob sapagkat sinabi niya ang gusto niyang sabihin sa harap ng mismong mga taong kanyang tinutuligsa sa kanyang talumpati. Miminsan lang tayong makasalamuha ng mga taong may talagang matibay ang paninindigan kaya di mo maiiwasang sa kanila ay humanga.

Ang pangyayaring ating pinag-uusapan ay nagpaalala rin sa aking labing-isang (11) taon na ang nakararaan mula ng ako’y tumayo sa harap ng napakaraming tao upang bigkasin naman ang aking valedictory speech. Hindi ko na sasabihing lahat ang mga sinabi ko noon dahil gusto ko lamang sabihing naramdaman kong muli ang mga paghihirap na aking naranasan noon, pagtiyatiyagang ginawa ko pati ng aking buong pamilya at pagpapasalamat na aking hinandog sa aking mga magulang, mga kapatid, mga kaibigan, mga guro at lalung-lalo na sa Diyos na ginawang posible ang lahat. Maligaya ako sapagkat walang salutatorian na kumwestyon sa aking pangunguna sa aming paaralan. Haha, biro lang. Pero sa totoo lang, masasabi kong naging patas ang lahat at talagang pinaghusayan ko makamit lamang ang pinakanatatanging kagustuhan ko noong ako ay nasa mataas na paaralan.

Huling Salita

Noon pa mang panahon namin sa parehong elementary at high school, isa na talagang mainit na usapin ang mga grado at pagkakapwesto sa Top 10, lalo na yung mga nasa itaas ng listahan. Bakit naman hindi? Isang pribilehiyong matawag na pasok ka sa lupon ng mga matatalino sa klase. Kaya hindi maitatangging gugustuhin ng maraming pagbutihin ang pag-aaral at magkaroon ng maraming extra-curricular activities makabilang lamang rito. Nagulat nga lang ako sa mga kwento sa akin noon ng aming bunso na ang mga sumunod na batch ng mag-aaral sa amin ay mas grabe ang kumpetisyon. Isa itong patunay na habang tumatagal ay nagiging grade-conscious masyado ang mga estudyante. Kaya hindi na ako masyadong nagtaka noong lumabas ang isyung pinag-usapan natin dito. Grabe pa rin talaga ang kumpetisyon sa pagitang ng mga mag-aaral, kasama na minsan ang kanilang mga magulang at guro sa paaralan.

Sa totoo lang, hindi natin lubusang masisisi si Krisel sa kanyang ginawa o kaya ang paaralan sa kanilang aksyon habang siya ay nagtatalumpati. Ang namamayagpag na kultura kasi sa maraming eskwelahan ay pataasan ng grado, pagalingan sa pagsagot at paramihan ng mapi-perfect na eksamen. Anong aasahan natin sa mga bata? Syempre, ang pag-uugaling mataas na grado ang pinakamahalaga. Walang masama sa pag-asam ng mataas na grado kung tutuusin. Maganda nga itong motibasyon para pag-igihan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral. Ngunit may mali rito. Hindi dapat sa grado lamang tayo nakatutok. Dapat tutukan din ang kabutihan ng kalooban at kagandahan ng katauhan. Maiging paghusayan din kung paano makakatulong sa bayan, sa kalikasan at kapwa nating may pangangailangan. Hindi lang naman grado ang mahalaga. Pati na rin ang kung ano ang naisasapuso, naisasaisip at naituturo sa kaluluwa.

Para sa’yo, Krisel

Bilib ako sa’yo at sa ginawa mo. Sana mahanap mo ang kasagutan sa iyong mga katanungan. Sana maging malinaw ang lahat bago ka pa man sumuong sa mas kaabang-abang na aspeto ng iyong buhay, ang college life. Iba ang buhay na iyong dadanasin dito kumpara noong hayskul. Isang hakbang tungo sa tunay na mundo ang iyong gagawin at panalangin ko para sa’yo at sa lahat ng mga magtatapos ngayong taon na makaya ninyo ang hindi ganun kadaling mundo ng kolehiyo. Tatandaan mo ring sa lahat ng ito, hindi lamang grado ang mahalaga. Ngumiti ka sapagkat may pamilya kang nakasuporta sa’yo. Makinig kang mabuti sa kanila. Kumilala ka ng mga tunay na kaibigan sapagkat sila ang tutulong sa’yo sa iyong paglalakbay. Umidolo ka ng mga magagaling na tao, maging ng iyong mga guro, at sundan ang kanilang mga yapak. Patuloy kang magtiyaga at magsipag. At huwag na huwag kalimutang humingi ng tulong at magbigay ng pasasalamat sa Maykapal.

KSPs Be Like

Liker 6

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 2May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 4Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila, gaano man ito ka-tacky (Sige, i-search mo kung ano ibig sabihin nyan nang makapagkunsulta ka naman ng diksyunaryo. Hehe.). Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha.

Like 3Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.

Ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup

Gilas Pilipinas!

Nasa alapaap pa malamang ang buong sambayanan isang araw bago magkamit ang Gilas Pilipinas ng kauna-unahang panalo ng ating bansa sa International Basketball Federation, o mas kilala sa tawag na FIBA, sa loob ng 40 taon. Tinalo ng Pilipinas ang Aprikanong bansang Senegal, na sinasabing niyabangan ang ating mga koponan doon sa Espanya kung saan ginaganap ang FIBA. Nakita nila ang hinahanap nila nang manaig ang galing ng ating mga kababayang basketbolista. Kaya ngayo’y di nakakapagtakang masayang-masaya tayo. Pagkatapos ng tatlong napakalalapit na laban sa huling limang laro ng ating pambansang koponan (Croatia, Argentina at Puerto Rico), lahat tayo ay umaasang magkakamit ng kahit isang panalo man lang. At nang magawa ito ng mga kagilalas na manlalaro ng Gilas, buong bayan ang natuwa at nagdiwang.

Nanood ang maraming Pilipino nang ipalabas ang FIFA World Cup dalawang buwan na ang nakararaan. Pero mas maraming Pilipino ang tumutok sa kanilang mga telebisyon at computer nang ipalabas ang FIBA ngayong buwan sapagkat isa sa mga koponang kasali ay ang ating sariling basketball team. Ang Gilas Pilipinas ay kinabibilangan ng mga magagaling na manlalaro buhat sa Philippine Basketball Association (PBA) tulad nina Jimmy Alapag (ng Talk N’ Text; siya ang kapitan ng Gilas Pilipinas), Gabe Norwood (ng Rain or Shine) at LA Tenorio (ng Barangay Ginebra San Miguel) kasama ang isang manlalarong Fil-Am na naglaro para sa mga koponang Washington Wizards at Brooklyn Nets sa National Basketball Association (NBA) ng Estados Unidos, walang iba kundi si Andray Blatche.

Ano ang FIBA?

Ang International Basketball Federation o FIBA (hango mula sa pangalan nito sa Pranses na Federation Internationale de BAsketball) ay ang asosasyon ng mga organisasyon mula sa iba’t-ibang bansa na namamahala ng mga internasyonal na kumpetisyon sa larong basketball. Sila ang nagpapanukala ng mga patakarang internasyonal sa larong basketball, nagbibigay ng panuntunan tungkol sa mga kagamitan at lugar na paglalaruan, nangangasiwa sa paglipat-lipat ng mga atleta mula at papunta sa ibang bansa, pati na rin ang pagkontrol sa mga internasyonal na referees.

Itinatag ang FIBA noong 1932 sa Geneva, Switzerland, dalawang taon mula nang opisyal na kinilala ng International Olympic Committee (IOC) ang basketball bilang sports sa Olympics. Walong miyembro ang kasama sa pagkakatatag nito: Argentina, Czechoslovakia, Greece, Italy, Latvia, Portugal, Romania at Switzerland.

Ang orihinal na pangalan ng FIBA ay Federation Internationale de Basketball Amateur. Subalit simula noong 1989 kung kailan pinayagan ng FIBA ang mga propesyonal na manlalaro tulad ng mga manlalaro mula sa NBA, tinanggal nila ang salitang Amateur pero ipinagpatuloy ang paggamit ng acronym na FIBA.

Ano ang FIBA World Cup? 

Spain_2014_FIBA_Basketball_World_Cup_logo

Ang FIBA Basketball World Cup ay isang internasyonal na kumpetisyon para sa basketball na idinadaos bawat apat na taon (dapat 2018 ang susunod na FIBA subalit iuurong ito ng isa pang taon upang hindi makasabay ng FIFA) at pinasisinaya ng FIBA. Naglalaban-laban ang mga koponan mula sa iba’t-ibang bansa para mapanalunan ang Naismith Trophy, ipinangalan mula sa lumikha ng larong basketball na si James Naismith.

Paano makakasali ang bansa sa FIBA World Cup?

Dalawampu’t apat (24) ang mga koponan na pipiliin upang makasali sa World Cup at sila’y mapipili sa iba’t-ibang paraan. Otomatikong kasali na ang koponan ng bansang pagdarausan nito (1). Ang magwawagi naman sa sports na basketball sa Summer Olympics ay garantisadong kasali na rin (1). Lima ang tinatawag na FIBA zones (limang hati base sa lokasyon o kontinenteng kinabibilangan ng mga sasali: Asia, Oceania, Europe, Americas, Africa), at sa bawat zone ay tinatayang hindi bababa sa dalawa (2) ang makukuha. Madaragdagan ang makukuha depende sa lakas ng mga koponan sa bawat zone. Ngayong taon, anim (6) ang nakuha mula sa FIBA Europe, apat (4) naman sa FIBA Americas, tig-tatlo (3) sa FIBA Africa at FIBA Asia at dalawa (2) mula sa FIBA Oceania. Apat (4) na wild card na koponan din ang pipiliin para makumpleto ang mga magkakatunggaling koponan.

Ayon sa balita, sa 2019 ay itataas ang bilang ng mga maglalaban sa 32 (mula sa 24 na koponan) at pagsasamahin ang dalawang FIBA zones (Asia at Oceania).

Nahahati ang mga laban sa mga sumusunod:

Preliminary Rounds

Ang dalawampu’t apat (24) na koponan ay magkakaroon ng limang laro kalaban ang limang bansang kasama nila sa grupo. Tanging labinganim (16) lamang ang aabante sa susunod na round base sa pagkapanalo at goal averages ng mga koponan sa bawat laro nila. 

Round of 16

Mas mabilis na ang laban sa round na ito sapagkat isang laro na lamang ang kanilang kinakailangan upang umabante. Ang mananalo ay aabante at ang matatalo ay uuwi. Pasok na rito ang mga bansang Espanya, Brazil, France, Serbia, Greece, Croatia, Argentina, Senegal, Estados Unidos, Turkey, Dominican Republic, New Zealand, Lithuania, Slovenia, Australia at Mexico

Quarter-finals

Tig-iisang laban na lamang ang gagawin ng natitirang walong (8) koponan. Apat (4) ang aabante.

Semi-finals at championship

Ang magwawagi sa susunod na dalawang laban ay tatanghaling kampeon. Ang matatalo sa final round ay ang 2nd placer. Ang dalawang matatalo sa semi-finals ay maglalaban upang kamtin ang 3rd place.

***

 

 

Sa mga napanood ninyong laban, aling koponan ang gusto ninyong magwagi hanggang dulo? Maganda sana kung kasama pa rin ang Gilas Pilipinas, pero dahil tanggal na sila sa kumpetisyon, maiging pumili na lang ng ibang susuportahan. Malalakas ang Espanya, Estados Unidos at Greece kaya’t hindi kataka-taka kung ito ang susuportahan mo.               

Gilas2013

GILAS PILIPINAS

Narito ang listahan ng mga magigiting nating manlalaro kasama na ng kanilang coach at iba pang kasama sa buong Gilas Pilipinas team:

  1. Jimmy Alapag (team captain, guard)
  2. LA Tenorio (guard)
  3. Jeffrei Chan (guard)
  4. Jayson Castro (guard)
  5. Gary David (guard/forward)
  6. Ranidel de Ocampo (forward)
  7. Gabe Norwood (forward)
  8. Andray Blatche (center)
  9. Junmar Fajardo (center)
  10. Paul Lee (guard)
  11. Japeth Aguilar (forward/center)
  12. Marc Pingris (forward)
  • Coach: Chot Reyes
  • Assistant Coaches: Jong Uichico, Josh Reyes
  • Consultants: Tab Baldwin, Naxto Lezcano
  • Team Manager: Butch Antonio

#LabanPilipinas (mula sa philnews.ph)

Huling Salita

Bagamat hanggang preliminary rounds lang ang inabot ng Gilas Pilipinas, kakaibang sense of pride naman ang ibinigay nila sa buong sambayanan. Makapasok lamang sa FIBA World Cup ay isa nang karangalan. Ano pa kaya iyong tapatan ang mga malalakas na kalaban? Sa ginawa nila, kakaibang kaligayahan ang idinulot nila sa ating lahat. Trending ang mga hashtag na #puso, #LabanPilipinas at #GilasPilipinas sa nakaraang linggo dahil na rin sa buong pusong paglalaro nila at paglaban para sa ating bansa. Sa bawat shoot nila ng bola sa ring, sa bawat rebound nila kasabay ng pagtalon ng mga higante nilang kalaban, sa bawat steal nila ng bola ay nakatutok tayo’t umaasa sa kanilang tagumpay. Muntikan na tayong umabante sa susunod na round, pero kahit na hindi, pinatunayan nilang magagaling ang mga Pilipino. Wala iyan sa tangkad at laki. Matatangkad man at malalaki ang mga kalaban ay kaya itong tapatan ng ating lahi sa galing, liksi at gilas.