Maselang Usapan

MTRCB-Logo4

Nitong nakaraang araw, Pebrero 9, 2013, ay ibinalita ang pagkastigo sa programang Party Pilipinas ng The Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil sa pagpapalabas ng isang mahalay na production number. Tama ba ang MTRCB sa kanilang ginawa? Ating alamin.

Ano ba ang nangyari?

Enero 27, 2013 nang ipalabas ang nasabing kontrobersyal na production number. Tampok dito ang mga artistang sina Lovi Poe at Rocco Nacino na habang sumasayaw ay iginigiling ang kanilang mga katawan na tila nagpapahiwatig na sila’y nagniniig.

Anong problema rito? Palabas ang programa tuwing tanghaling tapat ng Linggo, kung kailan maraming mga bata ang nanonood kasama ng kanilang pamilya. Kaya di kataka-takang marami ang nag-react agad sa mga social networking sites tulad ng Facebook at Twitter tungkol dito. Kinondena ng mga taong nakapanood ang programa sapagkat pinahintulutan nila itong mangyari. Anila, may tamang panahon at oras para sa mga ganitong uri ng pagpapalabas.

Ano kayang dahilan at ipinalabas ang nasabing production number?

ASAP 18 (courtesy of ABS-CBN)

Tila naging pabaya ang mga taong nasa likod ng programa sapagkat di nila naisip kung naaayon ba sa panahon ng pagpapalabas nila ang ganung uri ng production number. Huwag naman sanang ang dahilan ay upang mapukaw ang atensyon ng mga tao lalo na’t talo ang programang Party Pilipinas ng katapat nitong musical-variety show din na ASAP. Kahit pa sabihing nakuha nga nila ang atensyon ng mga tao kahit na sa hindi magandang paraan, napukaw pa rin nila ang atensyon nila. Sabi nga sa mga katagang Ingles, negative publicity is still publicity. Abangan na nga na lang natin kung may magiging epekto nga ito sa kanilang ratings.

Party Pilipinas (courtesy of GMA)

Ano bang pwedeng maging epekto ng ganung pagpapalabas sa mga bata?

Alam nating lahat na kung anong nakikita ng bata ay kanilang ginagawa. Kahit na insinuwasyon lamang ang nakita sa palabas, di maiiwasang magtaka sila kung ano ang nakikita nila. Maaari silang magtanong, sapagkat di pa nila ito nalalaman. Yun nga lang, tatanungin nga ba nila ang kanilang mga magulang tungkol dito? At kung magtanong man sila, sasagutin ba sila ng tama at maayos ng kanilang mga magulang?

Isa pa, may mentalidad ang ibang tao na kung anong nakikita nila sa mga palabas tulad ng telebisyon at pelikula ay nagiging isang lisensya para sa kanilang gawin ang mga ito. Inaakala kasi nilang kung anong nakikita nilang ginagawa ng kanilang mga paboritong artista ay dapat nilang gawin, tama man ito o mali. Dapat mahinto ang mentalidad na ito sapagkat di porke’t kilala ang mga sikat ay magandang modelo na sila sa mga tao, lalo na sa kabataan.

Anong ginawang aksyon ng MTRCB?

Ayon sa balita, sa loob ng anim na buwan ay mamatiyagan ng ahensiya ang Party Pilipinas. Kung sila’y magkaroong muli ng violation ay papatawan sila ng parusang magpapawala sa kanilang programa sa ere. Binigyang utos din nilang magbigay ng report ang GMA-7 (channel na nagpapalabas ng Party Pilipinas) tungkol sa ginagawa umano nitong internal investigation tungkol sa nangyaring insidente. Ngayong araw din ay inaasahang hihingi ng tawad ang mga taong nasa likod ng programa sa pamamagitan ng isang public apology sa kanilang palabas. Ang mga taong tinuturong may sala sa nangyari, kasama na sina Jose Mari Abacan (VP for Programming), Mark Reyes V (director ng programa) at Lui Cadag (executive producer) ay kinakailangang kumuha ng Gender and Development (GAD) Training para umano magkaroon ng epektibong self-regulation ang programa ukol sa gender sensitivity sa kanilang ipinapalabas.

Huling Salita

Sana’y magsilbing aral sa lahat ng mga nagtatrabaho sa mga palabas sa telebisyon ang nangyari sa Party Pilipinas na kinukondena ngayon dahil sa nagawang mali ng mga tao sa likod nito. Di naman siguro mahirap maging sensitibo. May klasipikasyon din namang binibigay ang MTRCB sa mga pinapalabas sa telebisyon. Maraming paraan upang mapukaw ang atensyon ng mga tao, lalo na’t libre lang naman ang panonood ng telebisyon. Pagandahin ang programa at pagbutihin ang ginagawa ay mga sapat nang paraan. Di na kinakailangan pang magpakita ng mga bagay na maselan.

Opinyon ng Isang Blogger Lang

Gumawa ng malaking ingay nung nakaraang linggo si Senador Vicente “Tito” Sotto III hindi dahil sa matagumpay n’yang naipaglaban ang adhikain ng mga taong tutol sa RH Bill kundi dahil sa kanyang pagmamaliit sa mga blogger na tulad ko. Ano ba ang kanyang ginawa at ano ang inirireklamo ng mga blogger na tulad ko? Alamin natin.

Matatandaang una n’yang ginamit ang gawa ng ilang bloggers, partikular na si Sarah Pope,sa kanyang talumpati bilang pagtutol sa RH Bill ilang linggo na ang nakararaan. Maganda sana yun lalo na kung makatutulong ang kanyang mga hiniram na impormasyon sa kanyang nais sabihin. Pero, ang naging problema, di man lang niya binigyan ng kaukulang pagkilala ang kanyang mga pinagkuhanan ng mga impormasyon.

Nagulat siguro siya at ang kanyang staff nang may mga pumalag at bumatikos sa kanyang mga sinabi. Anila, kopyang-kopya ang maraming salitang kanyang binitawan sa ilang blog na mababasa sa internet. (Kung nais n’yong malaman ang ilang pangongopyang nangyari, puntahan n’yo ito.)

Pero anong ginawa n’ya at ng kanyang mga tauhan? Nang malaman ng blogger na si Sarah Pope ang kontrobersiya, gumawa ito ng blog post na ang pamagat ay On Plagiarism, the Pill and Presumptousness bilang reaksyon. Ayon sa ulat ng GMA News, nag-komento roon ang chief of staff ni Tito Sotto na si Atty. Hector Villacorta at ang sabi niya’y:  “I understand you felt slighted that your blog was not attributed to you which became part of the speech of the senator. Let me say that after asking my staff, indeed your blog was used but only in quoting also from the same book of Dr. Campbell-McBride. If you wish that you also be credited with the contents of the book, let this be your affirmation. I can do it and by this message I am doing it. Hope it satisfies you.” Pero sumagot din agad si Pope ng, “My BLOG was quoted, not Dr. Natasha Campbell-McBride. I put her work in my own words and you copied my words. No, your lame comment does not make me ‘feel’ any better.” Nang makapanayam naman ni Karen Davila si Tito Sotto sa kanyang programang Headstart sa ABS-CBN News Channel (o ANC), sinabi n’yang, “Natatawa ako nung marinig ko yan. Kasi yung blogger na sinasabi nila e, pareho kami ng pinagkunan… si (Dr.) Natasha Campbell- McBride.” Idinagdag pa n’ya, “Ba’t ko naman iku-quote yung blogger? Blogger lang yun.”

***

Anong mahihinuha natin sa itaas?

Una, hindi basta-basta ang pagkuha ng ideya ng iba. Sinasabi man nilang sa panahon ngayon ay wala nang orihinal sapagkat lahat ay hango na sa mga nauna, di iyon dahilan para di bigyan ng tamang pagkilala ang pinagkuhanan. Lalo pa ngayong napakadaling kumuha ng impormasyon sa pamamagitan ng internet, madaling mahuli ang mga nangongopya lamang lalo na kung mga kilalang tao ang gumawa ng krimeng tinatawag na plagiarism*.

*Ano ang plagiarism?

Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ito ay ang akto ng pagkuha ng mga ideya o salita ng iba na parang kanila.  Sa ibang sabi, pagkuha ito ng ideya o salita nang walang pagkilala man lang na ginawa tungkol sa pinagkunan ng ideya o salitang ginamit.

Ikalawa, napakayabang magsalita ni Tito Sotto. Bakit n’ya raw gagamitin ang gawa ng isang blogger? Dapat n’yang malaman na hindi porke’t blogger ay walang kwenta. Oo, walang kwenta ang ginamit kong mga salita dahil yan ang tila ibig sabihin niya sa kanyang mga sinabi. Gusto kong malaman n’ya na hindi porke’t blogger ay maaari nang maliitin. Ang mga blogger ay gumagawa ng blog sapagkat gusto nilang ibahagi ang kanilang mga nalalaman, nararamdaman o nararanasan. May halaga ang mga iyon, di man para sa lahat pero sa iilan.  Baka di n’ya alam na may mga taong nagbabasa ng mga blog dahil sila ay nakikinabang sa kung anumang paraan mula sa iba’t-ibang paksa mayroon ang mga ito. Pero kung tutuusin, siya dapat ang unang nakakaalam n’yan sapagkat siya mismo ang gumamit ng mga salita ng isang blogger lang sa kanyang talumpati sa Senado.

Ikatlo, hindi tamang maging arogante sa pagsagot sa mga pagtuligsa sa atin lalo na kung tayo ay nasa mataas na posisyon sa gobyerno. Lalabas at lalabas na mayabang at hindi marunong magpatalo ang isang taong nahuli na nga’y hindi pa marunong tumanggap ng pagkakamali. Kung ako kay Tito Sotto, hihingi ako ng tawad sa mga nasagasaan sa aking mga ginawa at sinabi lalo na sa mga blogger lang.

Mga huling salita ukol sa:

  • RH Bill

Dapat malaman ni Tito Sotto na kaisa n’ya ang marami tulad ko sa pagtutol sa RH Bill. Pero dapat n’yang idaan sa tamang paraan ang pagtatanggol sa mahalagang buhay.

  • Pagba-blog

Iba-iba ang mga katayuan sa buhay ng mga tao at ibig sabihin nun, iba-iba ang kaalaman at mga karanasan nila. Tulad din ng mga nasa Senado, ibang-iba ang katayuan nila sa ating maituturing na ordinaryong mamamamayan lang. Ibig bang sabihin nun ay di na mahalaga ang ating mga sinasabi? Hindi. Bagkus, nangangahulugan iyon na anuman ang katayuan mo sa buhay, Senador man o hindi, blogger man o hindi, ay hindi dapat nila-lang. Nagkataon lamang na mas malaki ang kapasidad ng ilan sa atin upang ipaalam ang kanilang mga gustong sabihin at gawin ang gusto nilang gawin. Pero di iyon nangangahulugang sila ang nasa tama o sila lamang ang tama. Di dapat nila-lang ang mga sinasabi o mga ginagawa ninuman sapagkat lingid sa ating kaalaman ay mayroon at mayroon ditong mangangailangan.

Comedy King

Kung hindi mo pa alam kung ano ang pinakahuling balita tungkol kay Comedy King Dolphy, baka sa kweba o sa bundok ka nakatira. Kung hindi naman, baka abala ka lang sa iba’t-ibang bagay tulad ng trabaho, eskwela, kasintahan, kaibigan at pamilya. Pero sige ka, baka multuhin ka n’ya dahil di mo man lang napansin ang nangyari nitong gabi lang.

Ngayong araw, Hulyo 10, 2012, ay pumanaw na ang nag-iisang Hari ng Komedya sa Pilipinas, walang iba kundi si Dolphy. Sa maraming taon ng kanyang pagpapatawa ay hindi na kataka-takang marami ang nalungkot nang malaman nila ang balita. Trending topic sa twitter at patuloy pa ring pinag-uusapan sa facebook, ang pagpanaw ni Mang Dolphy ay nagbigay senyales sa lahat ng Pilipino na isang di matatawarang alagad ng sining ang kinuha na ng Panginoon.

Ayon sa opisyal na pahayag ng Makati Medical Center, pumanaw si G. Rodolfo “Dolphy” Quizon sa oras na 8:34 ng gabi dahil sa Multiple Organ Failure sanhi na rin ng kumplikasyong dulot ng mga sakit na Severe Pneumonia, Chronic Obstructive Pulmonary Disease at Acute Renal Failure.

Isa ako sa milyun-milyong Pinoy napatawa ni Mang Dolphy. At dahil yan sa mga karakter na ginampanan niya mula pa noong araw. At sa lahat ng mga iyon, pinakanagustuhan ko ang karakter n’yang Mang Kevin Kosme sa Home Along Da Riles. Lahat na yata ng mga batang Pinoy na nabuhay noong Dekada ’90 ay alam ang karakter na Mang Kevin. At bakit naman hindi, talaga naman kasing tinutukan ang nasabing sitcom tuwing Huwebes ng gabi. Pinakita rito ng Hari ng Komedya ang kanyang walang kupas na galing sa pagpapatawa habang nagbibigay aral sa mga manonood. Naaalala kong tinuturo ng kanilang palabas noon na kahit mahirap ang buhay nila ng kanyang pamilya, masaya sila basta’t sila ay sama-sama.

Tiyak na magkakaroon ng interes ang mga taong panooring muli ang mga magagandang palabas at pelikula ni Mang Dolphy, kahit yung mga lumang-luma pa at naka-black and white lamang. Sana magkaroon ng ideya ang ABS-CBN ( o iba pang channel) na ipalabas muli ang mga ito upang mapanood ng marami ang iniwang yaman ng Hari ng Komedya. Alam naman natin kasing hindi lang saya pati mga ngiti ang maidadala nito sa ating mga labi kundi mga iba’t-ibang aral sa buhay, ipinadaan man sa komedya o madadramang eksena ng kanyang mga likha.

Sa huli, isama na lang natin sa pagdarasal ang ikapapayapa ng kaluluwa ni Mang Dolphy. Siya man ay lumipas na sa ating mundo, tandaan na lang nating ang kanyang naging kontribusyon sa kulturang Pilipino ay di matatawaran kailanman. Pangalan ng komedya na mismo ang magsisilbing ala-ala natin para sa kanya.

Tatanda at lilipas din ako/ Ngunit mayroong awiting/ Iiwanan sa inyong ala-ala/ Dahil minsan tayo’y nagkasama.”

Reyalidad sa mga Reality Show

Nauso ang mga reality show noong unang dekada ng ika-21 siglo at patuloy pa rin itong namamayagpag sa mga telebisyon hanggang ngayon. Alam mo ba ang kwento ng mga reality show na kilala at popular sa buong mundo?

Pero bago yan, alamin muna natin kung ano ang reality show. Ayon sa akda ni Annette Hill na Reality TV: Audiences and Popular Factual Television, ang reality show ay isang kategorya ng palabas kung saan pinapakita ang mga ”totoong” eksena, sitwasyon at pangyayari sa isang patimpalak man o hindi. Kumbaga, bahagi ng mga palabas na ito ay ang mga totoong nangyayari sa harap ng kamera. Layunin ng ganitong palabas ang mang-aliw, magpatawa, magsimula ng tsismis at kung ano-ano pa.

Reyalidad ba talaga?

Maaaring totoo ang nakikita sa kamera pero hindi maiiwasang lagyan ng kaunting script ang mga palabas na ito para magkaroon ng linaw at direksyon ang mga ito. Challenges sa Survivor, tasks sa Big Brother, tema ng kakantahin sa American Idol, mga lugar na pupuntahan at gawain na kailangang harapin sa The Amazing Race ang mga halimbawa. Ayon naman sa artikulo ni William Booth sa Washington Post na may titulong Reality is Only an Illusion, Writers Say, may mga pagkakataong talagang scripted ang ilang mga linyang binabanggit sa mga reality show: mga patawa o panukso na sinasabi ng mga host at mga hurado. May mga pagkakataon din daw na may mga linyang direktang pinapasabi sa mga kalahok. Nabanggit din n’yang binubuo ang mga banghay o narrative arcs sa mga ganitong uri ng palabas, bagay na katulad ng binanggit ko kanina.

Saan ito nagsimula?

Ang sinasabing pinakanaunang reality TV show sa mundo ay ang Candid Camera ni Allen Funt. Hango sa palabas n’ya sa radyong Candid Microphone noong 1947, ang Candid Camera na nagpapakita ng mga reaksyon ng mga tao sa pagbibiro o pagpapatawang ginagawa ng mga tao sa likod ng programa ay unang ipinalabas noong 1948.

Naging mas matunog at popular ang reality shows sa buong mundo noong naging matagumpay ang palabas na Survivor sa Amerika. Sinundan ito ng The Amazing Race, American Idol, The Apprentice, Fear Factor, at maraming-marami pang iba.

Bakit pinipili ng mga network ang pagpapalabas ng reality show?

Simple ang kasagutan d’yan. Bukod sa maraming tumatangkilik at nanonood ng mga palabas na ito, mas nakakatipid kasi sila sa gastusin. Isipin mo, hindi tulad ng mga palabas sa telebisyon tulad ng teleserye o kaya variety show kung saan kumukuha sila ng mga malalaking artista at nagbibigay ng malalaking papremyo sa mga patimpalak, ang mga reality show ay hindi. Nagtataka ka ba kung bakit nakaabot sa ikaapat na edisyon ang Pinoy Big Brother? O kaya ilang taon din ang itinagal noon ng Extra Challenge? Ngayon ay alam mo na ang kasagutan.

Reality shows sa ngayon

Ang mga reality show na nakasanayan ng panoorin ng maraming Pilipino (lalo na ang may cable television) ay mga palabas na nagmula pa sa Europa at Amerika. Nangunguna na sa listahan ang mga nabanggit ko kanina tulad ng The Amazing Race, American Idol, Survivor at Big Brother. Naririto ang kanilang pinagmulan at ang kanilang mga manlilikha:

  • The Amazing Race

Ang unang pagtatanghal ng reality show na ito kung saan ang mga koponan na binubuo ng 2 ay nagpapaunahan at nagpapaligsahan sa palibot ng buong mundo ay noong 2001. May pagkakataong nagpunta na ang palabas na ito sa Pilipinas kung saan pinakita ang mga lugar sa Palawan, pati na ang Rizal Park.

*Pinapalabas ito tuwing Lunes sa cable channel na AXN.

*May sariling bersyon na ang Asya ng palabas na ito. Sa pinakahuling paglabas nito noong 2010, mga Pilipino ang nanalo. May bali-balita rin na magkakaroon ng sariling bersyon ang Pilipinas ng The Amazing Race at ipapalabas umano ito sa TV-5.

  • American Idol

Binase ang programang ito ng pagalingang kumanta sa Pop Idol na likha ni Simon Fuller sa United Kingdom. Unang inere ang American Idol noong 2002 sa Amerika at nung taon na iyon nanalo si Kelly Clarkson.

*Pinapalabas ito sa Star World at ETC tuwing Huwebes at Biyernes.

*Sa aking pagkakaalam, limang Pilipina na ang napapabilang sa finals ng American Idol. Sila ay sina Jasmie Trias, Camille Velasco, Ramiel Malubay, Thia Megia at Jessica Sanchez.

*Ilang palabas na kagaya ng American Idol: The Voice, X-Factor

  • Survivor

Ang sinabi kong nagpasikat sa reality shows higit isang dekada na ang nakakaraan, ang Survivor ay isang natatanging pagkakataon para makita kung paanong umasal ang mga tao at gumawa ng mga istratehiya. Ginagawa nila ito para manatili ng pinakamatagal sa isang liblib na lugar (madalas sa isang isla) kung saan sila ay naglalaban-laban sa iba’t-ibang palaro. Ang palabas na ito ay hango sa palabas sa Sweden na tinatawag na Expedition Robinson na likha ni Charlie Parsons noong 1997.

*May bali-balita na ang susunod daw na season ng palabas na ito ay kasalukuyang kinukunan sa may Bicol Region. Kung nagkataon, malaking bagay ito para sa ikatataas ng turismo sa ating bansa sapagkat makikita nila kung gaano kaganda ang mga tanawin sa atin.

*Dati itong napapanood sa Studio 23, pero ngayon ay ipinapalabas na lamang sa Jack TV.

  • Big Brother

Sa apat na babanggitin kong mga sikat na reality show ng Amerika, ito ang hindi ko pinapanood. Bukod sa di ito pinapalabas sa kahit anong cable station dito sa atin, di ako interesadong malaman kung anong asal o gawain mayroon ang mga Amerikano kung sila ay ikukulong sa isang bahay lamang at napapanood buong araw at gabi sa loob ng ilang buwan. Pero ibang usapan naman kung ang bersyong Pinoy nito na dahil minsan ay nakakapanood ko nito (Basahin pa ang iba sa baba para sa mga reality show na may sarili na tayong bersyon). Ang unang bersyon ng Big Brother ay nagmula sa Netherlands at ito ay pinalabas noong 1999. Nagkaroon ng iba’t-ibang bersyon nito sa buong mundo tulad ng napapanood natin ngayon sa ating mga telebisyon.

*Dalawa sa mga naging kalahok rito ay mga kalahok naman ngayon sa The Amazing Race.

Ang ilan naman sa mga reality show na hango sa mga nabanggit sa itaas o kaya naman orihinal na ideya ng Pinoy ay ang mga sumusunod:

  • X-Factor: Philippines

Malapit na umanong ipalabas ang bersyon natin ng pinakapopular na reality competition program sa Britanya. Ilan sa mga napiling hurado ay sina Martin Nievera at Charice. Ang palabas ay ihu-host ni KC Concepcion.

*Sa totoo lang, napakarami ng reality competition program na pinalabas sa Pilipinas bago pa man nagkaroon ng American Idol o kaya X-Factor. Nandyan ang Tawag ng Tanghalan kung saan nagwagi si Nora Aunor. Nandyan din ang Ang Bagong Kampeon kung saan naman nanalo si Regine Velasquez. Noong early 2000s naman, parang kabuteng nagsilabasan ang mga palabas na tulad ng mga nabanggit. Nariyan ang Star for a Night (pinagwagian ni Sarah Geronimo), Star in a Million (pinagwagian ni Erik Santos) Search for a Star (pinagwagian ni Rachelle Anne Go) at marami pang iba. Nung nagdaang taon, ipinalabas naman ang Star Power, kung saan nagwagi si Angeline Quinto. Kung may mga palabas na pinanood at tinangkilik ng mga tao, may mga palabas ding hindi gaanong pinanood. Alam n’yo bang ang American Idol ay dalawang beses ng nagkaroon ng bersyon dito sa atin? Una sa ABC-5 (ang dating tawag sa TV-5), ito ay tinawag na Phillipine Idol at nung inilipat sa GMA-7, ginawang Pinoy Idol. Nakakadismaya dahil hindi gaanong tinangkilik ang mga nabanggit na programa. Kung sa ABS-CBN kaya ito pinalabas, tinangkilik kaya ng marami? Sa GMA-7 kasi, panay di tinangkilik ang mga palabas nilang pangkantahan tulad ng Pinoy Pop Superstar, Are You the Next Big Star, at marami pang iba. Walang biro ha, magbigay kayo ng pangalan ng mga nanalo na riyan na talagang tumatak at patuloy na tumatatak sa malay ng mga Pilipinong manonood. Sa TV-5 ay sinasabing magpapalabas ng orihinal na palabas na may titulong Kanta Pilipinas. Maganda ang titulo pero sana, maganda rin ang palabas kapag ito ay umere na.

  • Talentadong Pinoy

Hindi tulad ng Pilipinas Got Talent, buong taon ay napapanood ang Talentadong Pinoy sa TV-5. Kahit pa sabihing hango ito sa America’s Got Talent (kung saan halaw ang PGT), iba pa rin kung maituturing na orihinal ang isang palabas kahit pa sabihing binago lamang ng kaunti ang ilang mechanics na pinaggayahan nito.

  • Survivor: Philippines

Dahil ako ay masugid na manonood ng Survivor ng Amerika, hindi ko napigilang subaybayan kahit ilang linggo ang unang pagtatanghal ng bersyon natin nito sa GMA-7. Maganda ang mga kuha, interesante ang mga napili nilang kalahok at magaling ang noo’y host nitong si Paolo Bediones. Di ko nga lang natagalan ang panonood dahil hindi magandang araw-araw ang ganitong uri ng palabas sapagkat masyadong numinipis ang mga kwentong inilalahad. Isipin mo, 39 araw lamang ang tinagal ng mga kalahok sa liblib na lugar kung saan sila dinala at ipapalabas ang mga ginawa nila rito limang beses isang linggo sa loob ng maraming buwan. Anong klase na ng palabas ang mapapanood mo? Syanga pala, bago ko malimutan, bakit puro artista o celebrity na ang kinukuha nila? Tsaka, bakit si Richard Gutierrez ang kinuha nilang host gayung maraming mas makakapantay sa galing ng nauna sa kanya?

  • Pinoy Big Brother

Isa sa mga talagang nakaka-adik na reality show ang PBB. Mga interesante ang pinipili nilang kalahok at magagaling ang mga pinipili nilang host. Di ko nga lang tipo ang lahat ng mga task na binibigay sa mga housemate lalo na kung kinakailangan nilang magpanggap, magsinungaling at iba pang klase ng panloloko sa kapwa. Dahil sa hindi pagiging consistent ng kagandahan ng palabas na ito, itinuturing kong parehong maganda at pangit ang PBB. Kaya ang hiling ko para sa bago nitong edisyon, ang PBB: Teen Edition 4, sana ay magaganda at naaayon sa mga teenager ang ibigay na tasks sa mga housemate. At sana, hindi lang panay kilig, harot at landi ang ipairal ng mga HM, lalo na ang mga babae. Ipakita nilang maganda pa rin ang katangian ng isang dalagang Pilipina at hindi yung tipong kaladkarin kahit na nasa loob lamang ng bahay ni Kuya.

Maraming-marami pang reality shows ang hindi ko nabanggit. Yung iba ay tungkol sa pagluluto, pagsasayaw, pagmu-modela, atbp. Alam ko rin, nagpapalabas din ang GMA News TV at TV-5 ng mga reality show, pero dahil wala akong masyadong panahong manood ng TV at magpalipat-lipat ng channel bukod sa mga pinapanood kong palabas, di ko sila nakikita o nasusulyapan man lang. ikaw, may alam ka pa bang di ko nabanggit? Sabihin mo sa ibaba ng malaman din ng iba. 🙂

Hari ng Noontime

Sa Pebrero 6, 2012 ay ipapalabas na ang panibagong noontime show ng ABS-CBN, ang “It’s Showtime.” Dalawang taong namayagpag ang “Showtime” (kung saan hango ang bagong “It’s Showtime”) sa oras nito sa umaga at dahil hindi kinayang tapatan ng mga programang “Pilipinas, Win na Win” at “Happy, Yipee, Yehey!” ang “Eat Bulaga,” ito marahil ang naisip ipangtapat ng Dos sa tinaguriang hari ng noontime.

Kung dati na kayong nanonood ng “Eat Bulaga!,” marahil ay alam n’yo na ang lahat ng mga sasabihin ko tungkol sa palabas na ito dito. Kung hindi pa, ipagpatuloy ang inyong pagbabasa.

Ang “Eat Bulaga!” ay ang pinakamahabang variety show sa kasayasayan ng Pilipinas. Una itong umere noong Hulyo 30, 1979 sa numero unong network noon, ang RPN-9. Una nitong hosts ay ang mga pinakamatagumpay na komedyante noong mga panahong iyon, sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, kasama na sina Chicqui Hollman at Richie D’ Horsie. Nang maibenta ang RPN-9 noong 1989, lumipat ang “Eat… Bulaga!” kasama ang ibang programa na pag-aari ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE, Inc.) tulad ng “Okey Ka, Fairy Ko!” at “Coney Reyes on Camera” papuntang ABS-CBN 2. Itong panahon na ito ko nakamulatan ang “Eat… Bulaga!” Nakatutok palagi ang aming pamilya sa mga pakulo nila tuwing tanghali, lalo na ang “Bulagaan,” kung saan nauso ang ‘Knock! Knock! Who’s there?’ sa masang Pilipino at “Little Miss Philippines,” kung saan naman nauso sa ‘Pinas na mga batang babae ang beauty queen kasama ng kanilang mga eskorte na kalimiting niloloko ng mga host ng programa. Nitong mga panahong ding ito ko nakilala hindi lamang ang TVJ, kung hindi pati na sina Aiza Seguerra, Ruby Rodriguez, Jimmy Santos, at marami pang iba na talaga namang nakakatuwang panoorin. Kaya laking gulat ko na lamang nang lumipat sila sa GMA-7 noong 1995. Oo, bata pa lamang ako ay talagang Kapamilya na ako, pero hindi ito naging hadlang para di ko panoorin ang Eat Bulaga. Nakatulong din noon na ito ang palabas na tinututukan ng lola at lolo ko sa bahay nila tuwing nagbabakasyon ako sa kanila pag summer. Minsan din, nililipat ko ang channel para mapanood sila kung may pagkakataon kaya di ko naman gaanong na-miss itong palabas.

Sa dami ng bumangga sa Eat Bulaga, isa lang ang muntikan nang nagpatumba rito. Ang palabas na tinutukoy kong muntik nang maging hari ng noontime ay walang iba kung hindi ang “Wowowee” ni Willie Revillame noong nasa ABS-CBN pa siya. Nagsimula noong Feb. 5, 2005, “Wowowee” ang palabas na nagpauso ng “Hep-hep Hooray,” “Biga-10” at “Willie of Fortune.” Kwela ang mga pakulo ng “Wowowee” kaya marami ang tumutok hanggang sa madalas na nilang natatalo ang “Eat Bulaga!” sa television ratings o ang mga datos na tinitingnan ng mga advertiser para malaman kung aling programa ang tinututukan o hindi. Sa aking palagay, ang segment nilang Willie of Fortune ang talagang tinututukan ng masa noon. Dito kasi sa parteng ito ng programa ibinabahagi ng mga tao ang personal nilang mga kwento, kaya di maiiwasang makadama tulad ng nadarama ng mga kalahok ang mga manonood. Ang pagka-ayaw ko tuloy noon kay Willie ay nawala. Pero, babalik din pala ang pagkaayaw ko sa kanya dahil naputol ang magandang relasyon niya at ng ABS-CBN. Maraming dahilan ang ibinalita noon pero ang pinakatumatak sa mga tao ay ang dahilang pambabastos ni Revillame sa network na nagbigay sa kanya ng pagkakataong sumikat at yumaman. Pagkatapos tuloy ng 5 taong pag-ere ng “Wowowee,” isa na s’ya sa mga pinakakinaiinisan ng marami. Pero sino o ano ang pinakanakinabang sa pangyayaring iyon? Walang iba kung hindi ang “Eat Bulaga” dahil balik na naman sila sa pamamayagpag nang walang patumangga.

Ngayong tatapatan na ng isang paboritong palabas na araw-araw nagpapaindak sa mga manonood at nagpauso ng mga katagang “madlang people,” “unkabogable,” at iba pang mga katagang nauuso ang isa ng institusyon sa noontime, ano ang magwawagi? Ang bago bang kinahihiligan ng marami lalo na ang mga nakababatang populasyon o ang lumang tinibay na ng panahon? Ating malalaman ‘yan pag sabay nang umere ang “It’s Showtime” at “Eat… Bulaga!” sa Lunes. Gayunman, anuman sa kanila ang lumabas na magwawagi sa paghikayat ng manonood, ang talaga pa ring panalo nito ay ang mismong mga tagapanood dahil tiyak na pagbubutihin ng dalawang programa ang mga ihahanda nilang pakulo at palabas sa tanghali.

“Ako Budoy”


Ang titulo sa itaas ay ang sikat na linya mula sa kontrobersyal na palabas ngayon- “Budoy.” Kahapon, Enero 16, nang inilathala ang artikulong, Is Budoy sending the wrong signals? sa pahagayang Manila Bulletin. Tinuligsa ng nasabing artikulo ang palabas na ito ng ABS-CBN tungkol sa isang special child o child with special needs (CSN) na ginagampanan ng aktor na si Gerald Anderson. Sinabi ni Angelo G. Garcia, may-akda ng artikulo, na maganda ang intensyon ng palabas upang turuan ang mga manonood tungkol sa karapatan ng mga CSN sa tamang edukasyon at pagtanggap mula sa lipunan. Kung tutuusin, sa umpisa pa lamang ay tinawag na itong “advocacy serye” dahil umano’y ninanais ng mga tao sa likod ng programa na bigyan ng kamalayan ang mga tao na may mga batang tulad nila na nangangailangan ng ating tulong at pang-unawa. Ngunit di inasahan ng mga tao na ang palabas na may maganda sanang mithiin ay namamali ang mensaheng naibibigay sa mga manonood.

Ako ay isang speech pathologist at marami sa aking mga tinuturuan ay mga special child.  Sa halos araw-araw na nakakasalamuha ko sila at ang kanilang mga kapamilya, ang paksang ito ay malapit sa aking puso. Naiintindihan ko kung bakit magandang malaman ng mga tao ang tungkol sa kanila. Kahit hindi na umabot sa pagmamahal, basta nariyan ang pang-unawa, pag-intindi at pagtanggap sa kanila ay sapat nang mga dahilan. Kung pagbabasehan ang mga unang linggo ng pagpapalabas ng “Budoy,” masasabi nating ang kanilang ginawa ay di matatawaran. Sila kasi ay nagbigay-daan para mapanood ng maraming tao ang kalimitang nararanasan ng isang special child sa pamilya man, eskwelahan o lipunan.

Kung gayun pala, ano ang nangyari?

Sabi ng may-akda, nagsimula ito nang “gumaling” si Budoy nang maaksidente siya. Pero para sa akin, nagsimula na ito mula nung pinapakita na bata pa lamang siya. Sa panonood ko ng palabas nung unang dalawang linggo nito (at paminsan-minsan na lamang nung mga sumunod), nalaman kong bata pa lamang ay na-disgnose na si Budoy na may kondisyon siyang tinatawag na Angelman syndrome. Ang ginawa ng kanyang pamilya, itinago siya para raw protektahan ang kanilang pangalan. Nang mamatay ang kanyang tagapangalaga nang di inaasahan, inampon siya ng naging kasambahay ng namayapang tagapangalaga. Subalit, kahit na alam ng pamilya o maging ng umampon sa kanya na may kakaiba siyang kondisyon, hindi lubos na pinakita o bigyang-diin man lang na kailangan niyang tumanggap ng mga serbisyong tulad ng special education, speech therapy at occupational therapy. Dito pa lamang ay makikita nang may mali, dahil paglaki ni Budoy ay mataas na ang pinakapakitang skills na meron siya, gayung walang sapat na interbensyon ang nangyari noong siya ay bata-bata pa.

Nung dumating na sa puntong malaki na ang pinagbago ni Budoy na halos di na siya makilala sa dating siya, maraming manonood na ang umalma. Bago pa man mangyari pagbabagong ito, matagal na akong bumitiw sa araw-araw na panonood dahil ang istoryang pinapakita sa palabas ay di na kapani-paniwala. Ang reyalidad sanang kwento ni Budoy ay naging pantasya bigla. Nawala ang pokus sa tunay na karakter at napunta na lamang sa ideyal na karakter ng bida. Sa puntong ito natin talaga masasabing tama si Angelo G. Garcia sa pagsasabing mali na ang binibigay na kamalayan sa mga taong nanonood sa programa.

Ang tangi kong hiling noon pang nagsisimula ang “Budoy,” sana lahat ng kanilang manunulat ay talagang kumausap ng mga magulang, mga guro at mga therapist na laging nakakasalamuha ng mga batang may espesyal na pangangailangan at hindi yung nag-research lang gamit ang internet o kaya naman umasa lang sa napakamalikhain nilang isip. Di lamang kredibilidad ng palabas kundi pati na ng istasyon ang naaapektuhan kung di na kapani-paniwala ang mga pinakita nilang kwento.

Kung tutuusin, di na bago ang ganitong pangyayari na ang maganda sanang kwento at adhikain ng isang palabas ay nawawala sa pagtagal. Ano kayang mga dahilan? Ang sinasabi ng iba, ratings at PR ng mga artista. Kung matagumpay ang isang programa, papahabain ito ng network. Maganda sana ito sa mga artistang gumaganap para mas mapalawig pa ang kanilang exposure pero sa isang karakter na matuturing na against the type tulad ni Budoy, mahirap itong gawin. Ang naisip siguro nilang solusyon para di masyadong ma-identify ang di tipikal na karakter ni Budoy sa bida nitong si Gerald Anderson, gawing sobrang kaaya-aya na kumpara dati ang karakter niya.

Anumang kahantungan ng usapin tungkol sa “Budoy,” umaasa akong makagawa ng paraan ang mga tao sa likod ng programa para maisaayos ang mga dapat nang naisaayos dati pa. Sayang naman kung tuluyan nang mawawalan ng kredibilidad ang unang “advocacy serye” ng bansa.

Walang Hanggan

 

Simbolo ng Walang Hanggan

Eternity. Infinity. Perpetuity.

Ang mga magagandang salitang Ingles na nabanggit sa itaas ay nangangahulugang walang katapusan o walang hanggan. Tiyak kong sasang-ayon ka na maganda ngang pakinggan ang mga katagang iyan, pero lubos na mas maganda naman ang kanilang kahulugan. Walang patumangga, walang tigil-tigil, tuloy-tuloy hanggang kailanman.

Marami siguro ang mag-iisip na naaayon ngayon ang paksang ito dahil palabas ngayong gabi ang teleserye ng ABS-CBN na may titulong “Walang Hanggan.” Para sa akin, naaayon ang paksang ito kailan man at ang palabas na nabanggit ang nagpaalala lamang na mahalaga itong pag-usapan. Kung aalamin natin ang buod ng palabas, maaaring hulaan ngayon pa lang na ang walang hanggan na tinutukoy nila ay ang pag-ibig ng mga karakter sa kwento, lalo na ang mga ginagampanan nina Richard Gomez at Dawn Zulueta. Hindi mahirap isipin kung bakit sila ang kinuhang mga artista sa palabas na ito. Dati na silang loveteam noong mga panahong wala pa akong muwang sa mundo (o bago pa nga yata ako isinilang) at ngayong ang dami-dami ko nang sinasabi tungkol sa iba’t-ibang bagay, ang tambalan pa rin nila ang kinuha para sa programa. Tila sinasalamin ng pangyayaring ito na walang hanggan ang kanilang tambalan. Teka, may ganoon ba? Walang hanggang loveteam? Pero bago pa ako mawala sa gusto ko talagang itanong, posible bang walang hanggan ang pag-ibig ng mga tao sa isa’t-isa tulad ng hinuhulaang magiging kwento sa nabanggit na programa? Hindi ba nawawala ang pagmamahal ng isang tao sa kanyang minamahal oras na siya ay mamatay? Bakit “Mamahalin kita habambuhay” ang sinasabi ng mga ikinakasal at hindi “Mamahalin kita hanggang sa dulo ng walang hanggan?” Hindi kaya dahil di talaga natin alam kung mapapangatawanan natin ang huling nabanggit na linya?

Hindi man talagang totoo ang walang hanggang pagmamahal ng tao sa isa’t-isa, mayroong isang paniniwala naman ang maraming relihiyon sa mundo na magpapaliwanag tungkol sa mga katagang walang hanggan. Ito ay ang kabilang buhay. Ayon sa paniniwalang ito, hindi nagtatapos ang ating buhay sa mundong ginagalawan natin ngayon. Oo’t magtatapos ang pisikal nating katawan sapagkat ito talaga ay namamatay, pero ang tinatawag na ispiritwal na katawan ay walang hanggan ang buhay. Iyon nga lang, pagtapos ng oras mo sa mundong ito, dalawa lang ang ultimong magiging destinasyon ng kaluluwa mo at mananatili ka roon ng walang hanggan.

Kaluluwa lang ba ang sinasabing walang hanggan? Hindi. Ang Diyos na Siyang Simula at Wakas na Siya ring maygawa ng lahat (kasama na ang kaluluwa) ay walang hanggan. Walang hanggan din ang Kanyang pagmamahal. Kung aalamin natin ang dahilan kung bakit isinugo ng Diyos Ama ang Diyos Anak dito sa mundo mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan, masasabi nating ang pagmamahal Niya ay talagang walang hangganan. Di alintana sa maraming Kristiyano sa buong mundo na si Hesus, ang Diyos Anak, ay nagkatawang-tao at namatay sa krus para tubusin ang pagkakasala ng lahat. Ang parusang dapat tanggapin ng mga tao dahil sa mga bagay na hindi mabuti ay Kanyang inako. Di nararapat sa Kanya ang pagkamatay sa krus, pero dahil sa Kanyang walang hanggang pagmamahal, ito ay kanyang ginawa.

Kaya, wala mang walang hanggang loveteam o walang hanggang pagmamahal ng tao sa isa’t-isa, meron namang walang hanggang pag-ibig ang Diyos para tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.