Sa ikalawang taon ng blog kong ito ay nais kong ipagpatuloy ang panghuhulang ginawa ko noong isang taon tungkol sa mga mananalo sa Academy Awards o Oscars sa Amerika. Tara’t sabay-sabay tayong manghula sa iba’t-ibang kategorya sa ibaba.
BEST PICTURE. Tulad nung isang taon, napanood kong lahat ang mga kalahok para sa pinakamagandang pelikula noong 2012. Nagandahan ako sa lahat ng mga nominado, pero aaminin kong ang huli sa mga iyon ay ang Lincoln ni Steven Spielberg. Nakakaaliw ang ilang eksena ng nabanggit na pelikula pero masasabing mas habol nitong magturo ng kasaysayan kaysa mang-aliw. Sa mga nominado, pinakanagustuhan ko ang Life of Pi lalo’t napanood ko ito sa 3D. Ang galing ng pagkakagawa ni Ang Lee sa pelikulang ito! Sayang nga lamang dahil sinasabing matatalo ito ng magaling din namang Argo ni Ben Affleck.
BEST ACTOR. Napanood ko ang pagganap ng mga kalahok dito sa kani-kanilang pelikula. Mamamangha ka kay Bradley Cooper sa nakaaaliw na pagganap n’ya bilang isang lalaking may kondisyong Bipolar Disorder sa pelikulang Silver Linings Playbook. Magagalingan ka naman kay Joaquin Phoenix bilang isang kakaibang alagad ng isang cult leader sa The Master. Magaling din sina Hugh Jackman (Les Miserables) at Denzel Washington (Flight) sa kani-kanilang pelikula pero higit na magaling ang ibang tatlong nominado sa kanila. Walang duda na mag-uuwi ng parangal ngayong taon ay si Daniel Day-Lewis dahil sa kanyang natatanging pagganap bilang Abraham Lincoln sa Lincoln. Kung nominado rin siguro si John Hawkes dahil sa kanyang napakagaling na pag-arte sa The Sessions ay di masisigurong maiuuwi nga ni Day-Lewis ang parangal na ito sa pag-arte.
BEST ACTRESS. Paborito ko si Jennifer Lawrence (Silver Linings Playbook) simula pa nung magbida siya sa Winter’s Bone ilang taon na ang nakararaan. Magaling siya sa pelikulang iyon at simula noon, natatangi ang kanyang pagganap sa mga pelikulang kanyang sinasalihan. Magaling at talagang naaayon ang kanyang pagganap sa Silver Linings Playbook kaya’t di ako magtataka kung siya ang mag-uwi ng tropeo bilang pinakamagaling na aktres. Pero, malaki rin ang laban ni Jessica Chastain sa kanyang magaling na pagganap bilang agent na nasa likod ng pagkakapatay sa teroristang si Osama bin Laden sa pelikulang Zero Dark Thirty. Nakaiiyak ang pagganap ni Naomi Watts sa The Impossible at nakatutuwa naman si Quevenzhane Wallis sa Beasts of the Southern Wild. Ganunpaman, sa 5 nominado, pinakamagaling talaga ang batikang aktres na Pranses na si Emmanuelle Riva sa kanyang natatanging pagganap sa Amour.
Lahat ng mga nominado sa kategoryang ito ay nanalo na noon sa Oscars kaya kung angking galing ang pag-uusapan, walang maiiwan sa kanila. Ang pinakanatatangi nga lamang sa pagganap ay mapupunta kay Christoph Waltz dahil sa kanyang pagganap bilang isang bounty hunter sa pelikulang Django Unchained.
Gusto kong manalo si Helen Hunt sa kategoryang ito dahil sa kanyang napakagaling na pagganap bilang isang sex surrogate sa pelikulang The Sessions. Ngunit, may mas magaling sa kanya sa katauhan ni Anne Hathaway na talagang damang-dama ang emosyong nais ipakita ng kanyang karakter sa Les Miserables. At yun ay habang kumakanta pa.
Kung sakaling matalo ang Life of Pi sa Argo bilang pinakamagaling na pelikula, sana’y sa kategoryang ito bumawi ang pelikula sa katauhan ni Ang Lee. Talagang napakagaling at napakaganda ng pagkakagawa sa pelikulang base sa nobela ni Yann Martel. Ang nobelang inakalang di magagawang isalin sa pelikula ay naisalin ng napakaganda ni Lee, kaya’t siya ang pinakanatatanging manalo sa karangalang ito.
Dalawa lamang sa mga nominado ang napanood ko pero ibibigay ko ang karangalang ito sa Wreck-It Ralph na isa sa mga pinakamagagandang animated feature na napanood ko simula pa nung bata ako.
Dalawa pa lamang din ang napapanood ko sa kategoryang ito pero halata namang mananalo ang Amour ni Michael Haneke dito sapagkat ang pelikula lamang iyon ang nominado para sa Best Picture category. Maganda rin ang Kon-Tiki pero mas maganda ang Amour.
Malakas ang laban ni Quentin Tarantino para sa karangalang ito sapagkat nagawa niyang sagutin ang katanungang Ano kaya ang mangyayari kung may isang Amerikanong Itim ang tutugis sa mga Puting kriminal? Lubos na nakakaaliw ang kanyang pelikula at isa sa mga dahilan nito’y ang natatanging dayalogong nakapaloob dito. Kung di si Tarantino ang mananalo, ibibigay ko ang parangal kina Wes Anderson, Roman Coppola para sa nakatutuwang pelikula na Moonrise Kingdom o kaya kay Mark Boal ng nakakabilis ng pintig ng puso na Zero Dark Thirty.
Kailangang manalo ng Life of Pi sa kategoryang ito sapagkat sa screenplay na ginawa ni David Magee nahulma ang istorya ni Pi sa pelikulang natatangi ang pagkakagawa ni Ang Lee. Kung matatalo man siya, sana kay Chris Terrio ng Argo sapagkat napakaganda rin ng pagkakagawa rito.
Nakamamangha ang musical score na natunghayan ko sa Life of Pi kaya sa kanila ko ibibigay ang parangal na ito.
Kung hindi Life of Pi, Django Unchained o kaya Argo ang makakakuha ng parangal na ito.
Magaling ang pagkakahalu-halo at pagkakalapat ng tunog sa mga eksena sa Les Miserables.
Life of Pi ang mag-uuwi ng parangal na ito.
Kung napanood mo lahat ng mga nominado sa kategoryang ito ay sasang-ayon ka sa aking ang Life of Pi ang may karapatang mag-uwi ng karangalang ito.
Magtataka ako kung hindi The Hobbit ang magkamit ng parangal na ito.
Kung hindi Les Miserables ay Lincoln ang mananalo rito.
Walang duda na ang pelikulang Argo ang pinaka-suspenseful sa limang kalahok dito at nakatulong ng malaki ang magandang pagkaka-edit dito. May laban din naman ang Life of Pi at Zero Dark Thirty.
Dalawa ang mahigpit na maglalaban sa kategoryang ito at ang mga iyon ay ang The Avengers at Life of Pi.
Sinasabing ang Skyfall ni Adele ang mag-uuwi ng karangalang ito.
Ating abangan ang Oscars ngayong araw upang malaman kung tama ba ang aking mga hinulaang mananalo. 😀