Sherlocke Holmes: A Game of Shadows (Unang subok sa paggawa ng film review sa Tagalog)

Sherlocke Holmes: A Game of Shadows ang unang pelikula mula Hollywood na pinanood ko (pati na rin ang maraming iba pa na nakapanood na ng iba’t-ibang pelikulang kalahok sa MMFF) sa taong ito. Sa ikinaganda nung unang pelikula tungkol sa magiting na detective na ipinalabas noong 2009, inasahan kong magagandahan din ako sa pelikulang ito. At hindi nga ako nagkamali.

Sa mga unang eksena palang ay masasabi mo nang napakaganda ng pagkakagawa sa pelikula. Makikitang pinagkagastusan ito sa pamamagitan ng mga natatanging gusali, istruktura, sasakyan, sandata at iba pa na magbibigay ng 20th century feel: yung tipong nararamdaman natin kapag tayo’y nanonood ng mga palabas sa telebisyon o pelikula na sumasabuhay sa mga taong nabuhay nung panahong late 1800s. Kung hindi matatawaran ang  sinematograpiya ng pelikula, abangan mo ang tunog at musikang inilapat sa mga eksena. Mas magdudulot ang mga ito ng pakiramdam na naaayon sa mood, pati na rin sa tema ng mga eksena. Napaka-ismarte rin ng istorya pati ng bawat linyang namumutawi sa bibig ng mga karakter sa pelikula. At di rin dapat kalimutan ang mga nakakatawang eksena na ilan na yata sa pinakanatatawang napanood ko.

Ang pinakanagustuhan ko sa lahat ay ang mga eksena nitong aksyon. Sa pamamagitan ng napakagaling na cameraworkediting pati na ang direksyon ni Guy Ritchie, mapapahanga kang lubos sa mga eksenang aksyon na talagang umaatikabo sa ganda.

Magagaling din ang mga aktor na nagsipagganap sa pangunguna nina Robert Downey Jr. at Jude Law bilang magkaibigang Sherlocke Holmes at Dr. John Wilson. Di maitatanggi ang chemistry nila at mararamdaman ito sa lahat ng kanilang mga eksena. Magaling din si Noomi Rapace na gumanap bilang isang gypsy na kinailangan nila ang tulong para magtagumpay sa kanilang misyon. Di ko alintana nung una siya rin ang gumanap na karakter ni Lisbeth Salander sa pelikulang The Girl with the Dragon Tattoo hanggang sa mabasa ko ang pangalan niya sa credits ng pelikula. Nakakatawa si Stephen Fry na gumanap na weirdong kapatid ni Sherlocke at maiinis ka naman kay Paul Anderson bilang sidekick ng pinaka-kontrabida sa pelikula na ginagampanan  ni Jared Harris. Ngunit, sa lahat ng mga artistang nagsipagganap, si Harris ang nakita kong kulang ang atake para maisabuhay ng maganda ang karakter na ginampanan niya.

Sa kabuuan, kahit na talagang nagustuhan ko ang pelikulang ito, di ko pa rin maiwasang ikumpara ito sa naunang Sherlocke Holmes film. Ang dami mang aspeto kung saan mas maganda itong ikalawa, mas nagustuhan ko pa rin yung una. Dahil siguro ito sa katotohanang kung ano ang inabangan kong mapanood ay siya ngang napanood ko sa sinehan. Hindi nakuha nitong pelikulang ito ang pagkabagong pupukaw ng matinding antisipasyong dulot nung nauna. At inaasahan kong sa ikatlong pelikulang gagawin ng Warner Brothers tungkol kay Sherlocke ay maibalik nila iyon.

P.S.

Mahirap-hirap din palang gumawa ng film review sa Tagalog. Di ko tuloy alam kung mapapangatawanan kong gumawa palagi ng Tagalog na bersyon ang film reviews na nagagawa ko sa Ingles. Kung interesado ka, pwede mo ring basahin ang review ko sa pelikula sa wikang Ingles dito sa http://korj523.multiply.com/reviews/item/91/Sherlocke_Holmes_A_Game_of_Shadows. Salamat!

Alamin mo muna ito!

Sa wakas, nakalikha na rin ako ng blog kung saan Tagalog ang pinakagagamitin kong wika. Totoo ang sabi nila na pinakamadaling lumalabas sa bibig ang nilalaman ng isip kung gamit ang wikang gamit mula pagkabata. Matatas man ako sa Ingles, sa Tagalog ko mas maihahayag ang aking mga saloobin at opinyon. Pero di pa rin maiiwasang gumamit ako ng Ingles sapagkat madalas ko rin naman itong gamitin. Gayunman, magsusulat ako ayon sa kagustuhan ko sa sandaling ako’y maglalathala.

Para saan ba ang blog na ito? Sabihin na nating ibig kong ibahagi ang aking mga opinyon sa iba’t-ibang mga bagay. Isa sa aking mga mithiin (goals) dito ay maipahayag ang aking sarili tungkol sa mga bagay na napapanahon o kaya naman sa mga bagay na gusto ko lang pag-usapan.

Kaya sa mga magbabasa sa blog kong ito, maraming salamat!