Salutatorian Speech Controversy

Mainit na mainit pa rin sa kasalukuyan ang isyung lumabas noong Lunes, Marso 23, 2014, tungkol sa speech ni Krisel Mallari, isang high school salutatorian ng isang paaralan sa Quezon City na pinahinto ng mga guro dahil naglalaman ito ng kasiraan laban sa kanila pati na sa paaralang kanilang pinagsisilbihan.

Panoorin ninyo ang video na ito sa baba:

Naganap ang insidente habang graduation ceremonies ng Sto. Niño Parochial School sa Quezon City noong nakaraang Sabado, Marso 21, 2015. Iba ang sinumiteng talumpati ni Krisel sa administrasyon ng paaralan sa ginamit niya sa kanyang speech. Kaya tuwing tumatawid sa usaping pandaraya ang kanyang binabahagi ay kinakausap siya’t pinahihinto ng tila emcee ng programa. Ilang beses itong nangyari hanggang sa hindi na talaga niya natapos ang kanyang gustong sabihin sapagkat pinigilan na siya ng iba pang mga guro na naroon sa harap.

Madaling humusga. Unang reaksyon ng mga nakapanood, may inhustisyang nangyari. Hindi umano sasabihin ni Krisel ang kanyang mga sinabi kung wala talagang nangyaring kababalaghan sa pagpili ng valedictorian ng kanilang paaralan. Inatake ng marami sa mga nakapanood ng video ang paaralan ng Sto. Niño Parochial School (na nagkataong naging paaralan ko mula Kinder hanggang Grade 1) at ang mga guro nito. Kumalat agad ang balita kaya’t naging usap-usapan ito hindi lang  sa Kamaynilaan kundi sa buong bansa. Resulta sa kasalukuyan ng kontrobersiya, binigyan ng memorandum ang nasabing paaralan ng Kagawaran ng Edukasyon upang ipaliwanag ang buong pangyayari. Aalamin ang mga aktwal na sinabi ng bata, ano ang mga hindi pinasabi, pati na ang mga bagay na inungkat tulad ng hindi pagpapakita ng mga grado ng mga estudyante.

Kung panonooring mabuti ang video malalaman mong matatapang ang mga salita ni Krisel pero biktima pa rin kanyang dating sapagkat tila humihingi ng saklolo ang kanyang boses karga-karga ang intyensiong mabigyan ng sagot ang kanyang mga hinaing. May mga pagkakataong tila marahan ang kanyang pagbibigkas ng mga salita at saka na lamang titimo ang bigat ng mga ito pagkanarinig na.

Sa pagtatapos ng video ay tila nakakaawa siyang pinahinto hindi lamang ng iisang guro kundi ng marami pa sa kanila. Hindi n’ya tuloy natapos ang mga gusto niyang sabihin. Sa ating paghahanap sa internet, nakuha ng inyong lingkod ang kabuuan ng kanyang salutatorian speech:

A pleasant morning to my fellow batchmates, to my teachers, guests, welcome to the 13th Commencement Exercises. Sa okasyong ito ay pinipili kong magsiwalat sa wika na aking kinagisnan, ang wikang Filipino o wikang Tagalog. Taong 2004 ng una akong umapak sa silid-aralan ng eskwelahang ito, upang mag-aral. Ngayon, makalipas ang labing isang taon, ay narito ko sa inyong harapan upang ibahagi ang aking karanasan at magbigay-aral. Sa bawat taon na lumipas ay puspusan ang pag-aaral na ginawa ko sa eskwela, naniwala ko sa patas na labanan. Sa pagtatapos ng school year na ito’y isang hakbang nalang ang layo ko sa finish line, ngunit sa pagdating ko rito’y naglaho ang pulang tali na sisimbolo sana sa aking tagumpay, naglaho nga ba o sadyang kinuha? Maraming tao ang nagbulag-bulagan sa isang sistemang marumi at kaduda-duda. Ngunit di ko ito tinuluran, ipinaglaban ko ang sa tingin ko’y tama, nanindigan ako bilang isang Pilipino na palaban at may takot sa Diyos. Chismis, isang piyesta ng chismis ang inabot ko ng pinagmukha nila akong masama. Ganun talaga minsan, pag umayon ka sa kung alin ang tama, ikaw pa ang lumalabas na mali. Di na nga nila pinakinggan ang iyong hinaing, nakuha ka pa nilang laitin. Kung sinasabi niyong wala akong acceptance, marami ako niyan, pero pano kong tatanggapin ang isang bagay na di naaayon sa katotohanan. Para san pa ang aking dedikasyon sa pag-aaral at hustisya kung di ko naman ito ipaglalaban. Sa kabila ng nangyari ay masaya padin ako, tulad nga ng laging sinasabi sa teleseryeng Dream Dad, “Maganda ang buhay”, kaya bakit ako mag-aaksaya ng oras sa kanila kung mas maraming mas kapaki-pakinabang na bagay ang pwede kong gawin. Ngayon ay may piling indibidwal akong gustong pasalamatan, ito yung mga tao na sumuporta sakin sa kabila ng eskandalo na idinulot ng ipaglaban ko kung ano ang sa tingin ko ay tama. Una sa lahat, gusto kong pasalamatan ang Diyos, isa siyang ama, kapatid, kaibigan na naging sandigan ko sa lahat ng pagkakataon, sa hirap at ginhawa. Sa aking ama, dad salamat, salamat kasi ni minsan ay di mo kami sinukuan, salamat kasi naniwala ka sa kakayanan ko, salamat kasi ipinaglaban mo ko kahit pa sumama ang tingin sayo ng iba, salamat kasi ikaw si Ernesto Mallari, ang haligi ng tahanan na nakukuha paring magpatawa kahit alam ko na sa loob niya ay nahihirapan na siya. Sabi nga sa isang pelikula ni Robin Williams, “You are the world’s greatest dad”. Sa aking ina, isang napakalaking thank you, siguro nga’y madalas akong makulitan sa’yo dahil sa madalas mong pangangaral, paulit-ulit nga siguro ang mga sinasabi mo, pero ma, yan ang tunay na dahilan kung bakit the best ka, dahil di ka tumitigil na pangaralan kami pag alam mong naliligaw kami ng landas. Talaga ngang totoo yung kataga na “Mother knows best”. Sa pinakamaganda kong ate, Ate Kat, salamat kasi ikaw ang pinaka nakakaintindi sa mga hilig at pinagdadaanan ko bilang isang babae, ikaw ang aking selfie buddy, church buddy, at shopping buddy na pinagkakatiwalaan ko ng mga sikreto. Sa napakatalino kong kuya, Kuya Kerwin mainitin ang ulo mo, medyo mayabang ka nga siguro, at medyo tamad mag-aral; pero ang di alam ng marami, busilak ang puso mo, salamat kuya, sa pagturo sakin na manindigan pag alam kong ako ang nasa tama. Sa napaka-cute kong kapatid, salamat Kristine, ikaw na siguro ang pinakamatuturing kong tunay na BFF. Julia, Clang, Katrina, Faye, Dane, Nico at sa iba pa, napatunayan niyo sakin na tama ang katagang “quality over quantity”, siguro nga’y di kayo karamihan, pero alam ko na bawat isa sa inyo ay maaasahan at mapagkakatiwalaan ko, kaya salamat! Sa mga teachers na napalapit na sa aking puso, Ma’am Factora, Mam Calanoga, Mam Amil, Mam Garcia, Mam Restor, Mam Castillo, Mam Acacio at Sir Francis, nagsilbi po kayong pangalawang magulang ko, salamat po. At siyempre pa, sa mga taong bumabatikos at nagbibigay ng negatibong komento sa akin, isang napakalaking thank you, kayo ang dahilan kaya’t mas pinagbubuti ko pa ang pag-aaral, tulad nga ng sinabi ng basketbolistang si Dwyane Wade, “My belief is stronger than your doubt”. Panibagong kabanata ang aking haharapin, bilang isang accountancy student sa University of Santo Tomas. Panibagong hamon na nakangiti kong haharapin. At para sa ating lahat mga kapwa ko graduates, ito’y isang mahalagang kabanata kung saan natin gagawin ang pinakamahalagang mga desisyon sa ating buhay. Kaya naman good luck sa inyo, at good luck din para sa kinabukasan ng paaralang ito. Let me finish this in style and say my last words in the vernacular language of the world. I am Krisel Mallari, a Filipino citizen who would rather choose to fail with honor, than win by cheating. Adios!

Sayang. Hindi niya napasalamatan ang bawa’t miyembro ng kanyang pamilya sa harapan ng madla. Hindi na rin niyang nagawang isa-isahin pa ang kanyang mga kaibigang tumulong sa kanyang laban pati na rin mga guro na nagsilbi niyang pangalawang magulang.

Sana sa lalong madaling panahon ay maglabas na ng kanilang panig ng kwento ang paaralan ng Sto. Niño. Maigi rin sanang malaman ang opinyon ng valedictorian ng klase nina Krisel. Hindi patas kung hindi natin maririnig ang kanilang mga saloobin sa pangyayari. Pwede kasing biktima lang din sila. Kung papaano ay malalaman na lamang nating pag malaman natin ang kanilang panig.

Mga Alaala

Sa kabila ng lahat, hanga ako sa tapang at dedikasyong alamin ang katotohan ni Krisel. Isang pangyayari noong ako ay nasa grade school pa lamang ang naalala ko sa pangyayaring ito sapagkat may isa akong kakilala na halos pareho ang ginawa habang graduation nila. Matalino ang taong ito at talagang malakas ang loob sapagkat sinabi niya ang gusto niyang sabihin sa harap ng mismong mga taong kanyang tinutuligsa sa kanyang talumpati. Miminsan lang tayong makasalamuha ng mga taong may talagang matibay ang paninindigan kaya di mo maiiwasang sa kanila ay humanga.

Ang pangyayaring ating pinag-uusapan ay nagpaalala rin sa aking labing-isang (11) taon na ang nakararaan mula ng ako’y tumayo sa harap ng napakaraming tao upang bigkasin naman ang aking valedictory speech. Hindi ko na sasabihing lahat ang mga sinabi ko noon dahil gusto ko lamang sabihing naramdaman kong muli ang mga paghihirap na aking naranasan noon, pagtiyatiyagang ginawa ko pati ng aking buong pamilya at pagpapasalamat na aking hinandog sa aking mga magulang, mga kapatid, mga kaibigan, mga guro at lalung-lalo na sa Diyos na ginawang posible ang lahat. Maligaya ako sapagkat walang salutatorian na kumwestyon sa aking pangunguna sa aming paaralan. Haha, biro lang. Pero sa totoo lang, masasabi kong naging patas ang lahat at talagang pinaghusayan ko makamit lamang ang pinakanatatanging kagustuhan ko noong ako ay nasa mataas na paaralan.

Huling Salita

Noon pa mang panahon namin sa parehong elementary at high school, isa na talagang mainit na usapin ang mga grado at pagkakapwesto sa Top 10, lalo na yung mga nasa itaas ng listahan. Bakit naman hindi? Isang pribilehiyong matawag na pasok ka sa lupon ng mga matatalino sa klase. Kaya hindi maitatangging gugustuhin ng maraming pagbutihin ang pag-aaral at magkaroon ng maraming extra-curricular activities makabilang lamang rito. Nagulat nga lang ako sa mga kwento sa akin noon ng aming bunso na ang mga sumunod na batch ng mag-aaral sa amin ay mas grabe ang kumpetisyon. Isa itong patunay na habang tumatagal ay nagiging grade-conscious masyado ang mga estudyante. Kaya hindi na ako masyadong nagtaka noong lumabas ang isyung pinag-usapan natin dito. Grabe pa rin talaga ang kumpetisyon sa pagitang ng mga mag-aaral, kasama na minsan ang kanilang mga magulang at guro sa paaralan.

Sa totoo lang, hindi natin lubusang masisisi si Krisel sa kanyang ginawa o kaya ang paaralan sa kanilang aksyon habang siya ay nagtatalumpati. Ang namamayagpag na kultura kasi sa maraming eskwelahan ay pataasan ng grado, pagalingan sa pagsagot at paramihan ng mapi-perfect na eksamen. Anong aasahan natin sa mga bata? Syempre, ang pag-uugaling mataas na grado ang pinakamahalaga. Walang masama sa pag-asam ng mataas na grado kung tutuusin. Maganda nga itong motibasyon para pag-igihan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral. Ngunit may mali rito. Hindi dapat sa grado lamang tayo nakatutok. Dapat tutukan din ang kabutihan ng kalooban at kagandahan ng katauhan. Maiging paghusayan din kung paano makakatulong sa bayan, sa kalikasan at kapwa nating may pangangailangan. Hindi lang naman grado ang mahalaga. Pati na rin ang kung ano ang naisasapuso, naisasaisip at naituturo sa kaluluwa.

Para sa’yo, Krisel

Bilib ako sa’yo at sa ginawa mo. Sana mahanap mo ang kasagutan sa iyong mga katanungan. Sana maging malinaw ang lahat bago ka pa man sumuong sa mas kaabang-abang na aspeto ng iyong buhay, ang college life. Iba ang buhay na iyong dadanasin dito kumpara noong hayskul. Isang hakbang tungo sa tunay na mundo ang iyong gagawin at panalangin ko para sa’yo at sa lahat ng mga magtatapos ngayong taon na makaya ninyo ang hindi ganun kadaling mundo ng kolehiyo. Tatandaan mo ring sa lahat ng ito, hindi lamang grado ang mahalaga. Ngumiti ka sapagkat may pamilya kang nakasuporta sa’yo. Makinig kang mabuti sa kanila. Kumilala ka ng mga tunay na kaibigan sapagkat sila ang tutulong sa’yo sa iyong paglalakbay. Umidolo ka ng mga magagaling na tao, maging ng iyong mga guro, at sundan ang kanilang mga yapak. Patuloy kang magtiyaga at magsipag. At huwag na huwag kalimutang humingi ng tulong at magbigay ng pasasalamat sa Maykapal.

Advertisements

Opinyon ng Isang Blogger Lang

Gumawa ng malaking ingay nung nakaraang linggo si Senador Vicente “Tito” Sotto III hindi dahil sa matagumpay n’yang naipaglaban ang adhikain ng mga taong tutol sa RH Bill kundi dahil sa kanyang pagmamaliit sa mga blogger na tulad ko. Ano ba ang kanyang ginawa at ano ang inirireklamo ng mga blogger na tulad ko? Alamin natin.

Matatandaang una n’yang ginamit ang gawa ng ilang bloggers, partikular na si Sarah Pope,sa kanyang talumpati bilang pagtutol sa RH Bill ilang linggo na ang nakararaan. Maganda sana yun lalo na kung makatutulong ang kanyang mga hiniram na impormasyon sa kanyang nais sabihin. Pero, ang naging problema, di man lang niya binigyan ng kaukulang pagkilala ang kanyang mga pinagkuhanan ng mga impormasyon.

Nagulat siguro siya at ang kanyang staff nang may mga pumalag at bumatikos sa kanyang mga sinabi. Anila, kopyang-kopya ang maraming salitang kanyang binitawan sa ilang blog na mababasa sa internet. (Kung nais n’yong malaman ang ilang pangongopyang nangyari, puntahan n’yo ito.)

Pero anong ginawa n’ya at ng kanyang mga tauhan? Nang malaman ng blogger na si Sarah Pope ang kontrobersiya, gumawa ito ng blog post na ang pamagat ay On Plagiarism, the Pill and Presumptousness bilang reaksyon. Ayon sa ulat ng GMA News, nag-komento roon ang chief of staff ni Tito Sotto na si Atty. Hector Villacorta at ang sabi niya’y:  “I understand you felt slighted that your blog was not attributed to you which became part of the speech of the senator. Let me say that after asking my staff, indeed your blog was used but only in quoting also from the same book of Dr. Campbell-McBride. If you wish that you also be credited with the contents of the book, let this be your affirmation. I can do it and by this message I am doing it. Hope it satisfies you.” Pero sumagot din agad si Pope ng, “My BLOG was quoted, not Dr. Natasha Campbell-McBride. I put her work in my own words and you copied my words. No, your lame comment does not make me ‘feel’ any better.” Nang makapanayam naman ni Karen Davila si Tito Sotto sa kanyang programang Headstart sa ABS-CBN News Channel (o ANC), sinabi n’yang, “Natatawa ako nung marinig ko yan. Kasi yung blogger na sinasabi nila e, pareho kami ng pinagkunan… si (Dr.) Natasha Campbell- McBride.” Idinagdag pa n’ya, “Ba’t ko naman iku-quote yung blogger? Blogger lang yun.”

***

Anong mahihinuha natin sa itaas?

Una, hindi basta-basta ang pagkuha ng ideya ng iba. Sinasabi man nilang sa panahon ngayon ay wala nang orihinal sapagkat lahat ay hango na sa mga nauna, di iyon dahilan para di bigyan ng tamang pagkilala ang pinagkuhanan. Lalo pa ngayong napakadaling kumuha ng impormasyon sa pamamagitan ng internet, madaling mahuli ang mga nangongopya lamang lalo na kung mga kilalang tao ang gumawa ng krimeng tinatawag na plagiarism*.

*Ano ang plagiarism?

Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ito ay ang akto ng pagkuha ng mga ideya o salita ng iba na parang kanila.  Sa ibang sabi, pagkuha ito ng ideya o salita nang walang pagkilala man lang na ginawa tungkol sa pinagkunan ng ideya o salitang ginamit.

Ikalawa, napakayabang magsalita ni Tito Sotto. Bakit n’ya raw gagamitin ang gawa ng isang blogger? Dapat n’yang malaman na hindi porke’t blogger ay walang kwenta. Oo, walang kwenta ang ginamit kong mga salita dahil yan ang tila ibig sabihin niya sa kanyang mga sinabi. Gusto kong malaman n’ya na hindi porke’t blogger ay maaari nang maliitin. Ang mga blogger ay gumagawa ng blog sapagkat gusto nilang ibahagi ang kanilang mga nalalaman, nararamdaman o nararanasan. May halaga ang mga iyon, di man para sa lahat pero sa iilan.  Baka di n’ya alam na may mga taong nagbabasa ng mga blog dahil sila ay nakikinabang sa kung anumang paraan mula sa iba’t-ibang paksa mayroon ang mga ito. Pero kung tutuusin, siya dapat ang unang nakakaalam n’yan sapagkat siya mismo ang gumamit ng mga salita ng isang blogger lang sa kanyang talumpati sa Senado.

Ikatlo, hindi tamang maging arogante sa pagsagot sa mga pagtuligsa sa atin lalo na kung tayo ay nasa mataas na posisyon sa gobyerno. Lalabas at lalabas na mayabang at hindi marunong magpatalo ang isang taong nahuli na nga’y hindi pa marunong tumanggap ng pagkakamali. Kung ako kay Tito Sotto, hihingi ako ng tawad sa mga nasagasaan sa aking mga ginawa at sinabi lalo na sa mga blogger lang.

Mga huling salita ukol sa:

  • RH Bill

Dapat malaman ni Tito Sotto na kaisa n’ya ang marami tulad ko sa pagtutol sa RH Bill. Pero dapat n’yang idaan sa tamang paraan ang pagtatanggol sa mahalagang buhay.

  • Pagba-blog

Iba-iba ang mga katayuan sa buhay ng mga tao at ibig sabihin nun, iba-iba ang kaalaman at mga karanasan nila. Tulad din ng mga nasa Senado, ibang-iba ang katayuan nila sa ating maituturing na ordinaryong mamamamayan lang. Ibig bang sabihin nun ay di na mahalaga ang ating mga sinasabi? Hindi. Bagkus, nangangahulugan iyon na anuman ang katayuan mo sa buhay, Senador man o hindi, blogger man o hindi, ay hindi dapat nila-lang. Nagkataon lamang na mas malaki ang kapasidad ng ilan sa atin upang ipaalam ang kanilang mga gustong sabihin at gawin ang gusto nilang gawin. Pero di iyon nangangahulugang sila ang nasa tama o sila lamang ang tama. Di dapat nila-lang ang mga sinasabi o mga ginagawa ninuman sapagkat lingid sa ating kaalaman ay mayroon at mayroon ditong mangangailangan.

Mga Wari-wari sa Facebook at Twitter

 

Di maitatangging parte na ng pang-araw-araw na buhay ng marami ang paggamit ng Facebook at Twitter, dalawa sa pinakapopular na social networking sites. Bakit ba naman hindi? Gusto ng mga taong maging in, at kung wala kang kahit isa sa mga nabanggit, iisiping napag-iiwanan ka. Pero di lang naman yun ang dahilan. Maraming rason kung bakit gumagawa ng account ang mga tao sa facebook at twitter.

June 17, 2008 nang ako ay gumawa ng aking facebook account sa udyok na rin ng ilang kaibigan sa kolehiyo. Siguro, kami ang ilan sa mga pinakaunang nagkaroon ng FB account dito sa Pilipinas kasi di pa ganun kakilala noon ang FB. Pero nang dumating ang taong 2009, halos lahat na yata ng mayroong internet ay nasa FB na. Di naman ito kataka-taka dahil ang mga social networking site na tulad ng FB ay nagbibigay ugnayan sa mga magkakapamilya, magkakaibigan, magkakatrabaho at magkakaklase. Bukod dun, nagbibigay tulay din ito para sa mga taong dati nang magkikilala pero hindi nagkikita, mga magkakamag-anak na malayo sa isa’t-isa, mga magkakaibigang pinaglayo na ng lugar at panahon, pati na mga taong minsan nang nagkasama o nagkasalamuha sa buhay.

Anong gamit ng Facebook? Napakarami kung tutuusin. Pwede kang maglaro, makibalita, magbahagi ng mga larawan at video (personal man o galing sa iba, komersyal man o hindi), mangamusta lang ang iilan sa mga iyon. Sa paglipas ng panahon, dumami pa itong gamit, mabuti man o hindi.

Taong 2010 naman noong ako’y gumawa ng twitter account. Sa totoo lang, ang persepsyon ko sa twitter noon ay para makapang-tsismis lamang sa buhay ng iba kaya di ko ito agad ginamit. Dumating din ang panahong kahit may twitter account na ako’y di ko ito gaanong pinupuntahan. Pero nang mapagtanto kong pwede itong maging napakadaling kasangkapan para makatanggap ng balita, madalas ko na itong ginagamit. Madalas pa nga, dito ko unang nababalitaan ang mga bagay na sa primetime news TV ko pa malalaman dati. Kaya, kung gusto mong mauna o manguna sa balita, mag-twitter ka na. Pero hindi lamang sa pag-alam ng mga balita ang twitter. Ginagamit din ito para ilabas ang mga saloobin ng mga tao, maganda man o hindi. Kaya bago ka mag-twitter, alamin mo muna sa sarili mo kung handa ka na bang makabasa ng mga kwento ng mga tao tungkol sa iba’t-iba’t-iba’t-ibang bagay. (Talagang apat na “iba” yun, napakarami kasing iniisip at gustong pag-usapan ang mga tao. Hehe.) Kung ikaw din, alam mo sa sarili mo na handa ka nang magbahagi ng sarili mo sa iba sa pamamagitan ng 144 na karakter ay di kita pipigilang mag-twitter. Pwede mo namang protektahan ang mga nilalagay mo rito kung gagawin mong pribado ang iyong account, kung saan ang mga pinayagan mo lang na sumunod (mag-follow) sa’yo ang makakabasa nito. Yun nga lang, kung pribado ang account mo, di mo mati-tweet ang mga celebrity (artista, modelo, reporter, atbp.) na gustung-gusto mo. Kung di naman yun kawalan sa’yo, sige lang, gawin mo na lang itong pribado. Pero kung ang habol mo naman ay makarami ng mga susunod sa’yo, mapaartista (as if) man o hindi, sige lang, gawin mong pampubliko ang account mo.

Simula ng mauso ang mga social networking sites, mas lumiit ang mundo para sa tao. At dahil mas lumiit ito, mas nagkakakilala ang bawa’t-isa. Yun nga lang, sumisikip din ang pakiramdam ng iba dahil sa pagliit na ito. Nagtataka ba kayo kung bakit nauso ang HIDE button sa facebook? Para maitago sa isa o iilang tao ang ayaw nating ipakita sa kanila. Yung iba naman, nagtatago ng mga tao na ayaw nilang makita sa pamamagitan uli ng HIDE button. Syempre, isa na naman itong patunay na minsan talaga magulo ang isip ng mga tao. Ia-add sa facebook ang isa tapos iha-hide din naman pala. O kaya naman, i-add tapos di rin pala ilalabas sa timeline nila. O ha, parang plastikan online ang nangyayari. Hehehe. Pero minsan naman kailangan lang itong gawin lalo na kung nakita nating nagbago na ang isang taong akala nating kaibigan pala natin. Maaaring naglagay siya ng mga bagay na talagang offensive o kaya masyadong personal. At hindi lang isa, dalawa o tatlong beses. Maaaring araw-araw pa! Wala naman akong pinapatamaang tao. Ako rin naman ay nakapag-poste na ng masyadong personal na status sa FB o twitter kaya kasama rin ako rito. May iba nga lamang na di nakakaalala na MARAMING nakakabasa ng mga nilalagay nila sa mga social networking site na ito at madalas, oo, madalas, hindi maganda o makabuluhan ang nilalagay nila.

Sa totoo lang, ano ba ang pakialam natin? Wala siguro dahil may kanya-kanya naman tayong buhay at ang buhay na lang natin ang pakialaman natin. Pero, sa totoo lang uli, may pakialam tayo dahil di naman natin sila idadagdag bilang friend sa FB o ipa-follow sa twitter kung wala tayong pakialam sa kanila kahit kaunti, hindi ba?

Nakaisip tuloy ako ng ilang mga suhestiyon para mapagaan ang pakiramdam natin at ng ibang tao sa lumiliit na mundo natin sa pamamagitan ng FB at twitter. Ito ay para sa akin at para sa’yo na nagbabasa nito:

  1. Isipin kung makakabuti ba sa’yo o hindi ang ilalagay mo (picture, video, status update o tweet. Kung hindi makakabuti, bakit mo ilalagay, ‘di ba?
  2. Isipin ang mga taong maaaring makabasa ng mga ilalabas mo. Matutuwa ba sila sa ilalagay mo? O maiinis sila dahil lagi na lang kainis-inis ang mga nilalagay mo? Maaari sigurong sabihin na gusto ng maraming tao ang magagandang balita kaya maiging magagandang balita lang sa’yo ang madalas mong ilagay. Pero, dahil tao tayo, di naman maiiwasan maglabas ng frustration, anger, sadness. Yun nga lang, kung lagi mo silang papamahagian ng masasamang balita, ano na lang ang iisipin nila? Tsaka, baka mahawaan mo sila kaya dahan-dahan lang ha.
  3. Kung gusto mo lang magyabang, may karapatan kang gawin yun. Wag mo nga lang isipin na ayos lang yun sa lahat dahil baka ang dating sa kanila ay nang-iinggit ka. Lagi nating tandaan na ang maaaring ayos lang sa atin ay maaaring hindi ayos sa iba.
  4. Kung may gusto kang patamaan sa pamamagitan ng ilalagay mong content, magpaka-diskreto. Hindi yung tipong kulang na lang na sabihin mo na ang pangalan nila. May tao bang gustong iniinsulto siya? Wala naman siguro. Pero kung gusto nating bigyan sila ng leksyon sa pamamagitan noon, magpaka-diskreto. Kasi kung mararamdaman nilang pinapatamaan mo sila, good luck na lang kung mananatili pa rin kayong magkaibigan. Baka un-friend  na ang katapat n’yan.
  5. Walang masamang magsabi ng nararamdaman sa FB o twitter. Iwasan lang sana yung masyadong personal (halimbawa: “Ay, nalimutan kong magsuot ng underwear!” o kaya “Sarap! Kakatanggal ko lang ng dumi sa ngipin ko! :D”) o kaya masyadong offensive na maaaring ikagalit ng iba kundi man lahat (halimbawa: “P…i… yang mga …. na yan! Di na dapat sila nabuhay!” o kaya, “Magpakaayos-ayos ka nga! Pangit ka na nga, pangit pa galaw mo!”). Maaaring maintindihan ng iba ang mga nilalagay mo, pero tandaan mong sa 500 kaibigan mo sa FB o kaya 50 na sumusunod sa’yo sa twitter, di lahat ay maiintindihan ka. Bakit, kilala ka ba talaga nila sa personal? Ayun, makikilala ka na nila talaga sa mga nilalagay mo.
  6. Kung magsasabi ng opinyon tungkol sa iba’t-ibang bagay, ayos lang yan. Sana lang tama ang ispeling at ang pagkakagawa ng mga pangungusap. Baka naman may mag-init ang ulo dahil sa sinulat mo. Ay, wag na lang, di ba?

Para ibuod ang mga wari-wari kong ito, gamitin natin ng maayos ang mga social networking site na tulad ng facebook at twitter. Be conscious, mindful and careful. Isipin palagi ang kapakanan mo at ng iba sa pamamagitan ng iyong mga ibabahagi. Kailangan din natin minsan na maging open-minded at accepting sa mga taong nakakalimot sa mga ito. Kaya saan ka man mapabilang sa mga yan, i-enjoy mo na lang ang paggamit ng facebook at twitter sa tama at magandang paraan.

Alamin mo muna ito!

Sa wakas, nakalikha na rin ako ng blog kung saan Tagalog ang pinakagagamitin kong wika. Totoo ang sabi nila na pinakamadaling lumalabas sa bibig ang nilalaman ng isip kung gamit ang wikang gamit mula pagkabata. Matatas man ako sa Ingles, sa Tagalog ko mas maihahayag ang aking mga saloobin at opinyon. Pero di pa rin maiiwasang gumamit ako ng Ingles sapagkat madalas ko rin naman itong gamitin. Gayunman, magsusulat ako ayon sa kagustuhan ko sa sandaling ako’y maglalathala.

Para saan ba ang blog na ito? Sabihin na nating ibig kong ibahagi ang aking mga opinyon sa iba’t-ibang mga bagay. Isa sa aking mga mithiin (goals) dito ay maipahayag ang aking sarili tungkol sa mga bagay na napapanahon o kaya naman sa mga bagay na gusto ko lang pag-usapan.

Kaya sa mga magbabasa sa blog kong ito, maraming salamat!