KSPs Be Like

Liker 6

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 2May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 4Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila, gaano man ito ka-tacky (Sige, i-search mo kung ano ibig sabihin nyan nang makapagkunsulta ka naman ng diksyunaryo. Hehe.). Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha.

Like 3Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.

Advertisements

Conspiracy sa Pamahalaang Aquino

Phil Conspiracy

Kamakailan lang ay naglabas ng ulat ang dating senador na si Kit Tatad sa pahayagang Manila Standard Today na nagsasabing bago pa man opisyal na sumuko ang sinasabing mastermind ng Pork Barrel Scam na si Janet Napoles ay nakipag-meeting muna umano siya sa Pangulong Noynoy Aquino kasama na ang ibang miyembro ng gabinete. Nakagugulat na rebelasyon ito, sapagkat pinalalabas lang nito na ginogoyo tayong mga Pilipino ng mga hinalal nating pinuno. Naiisip nyo ba ang implikasyon nito? Kung totoo man ang balita, ibig sabihin nito’y:

  1. Kasabwat ang Malakanyang at mga miyembro nito sa Pork Barrel scam
  2. Ang pagpupulong ay isinagawa upang maiplano nang maigi ang mga gagawing hakbangin ng gobyerno kaugnay sa kaso ni Napoles
  3. Sina Noynoy Aquino, Mar Roxas at iba pang kilalang pulitikong may mataas na posisyon ay gagawin ang lahat upang pagtakpan ang kanilang kaugnayan kay Napoles na kinikilala ngayong isang gahaman at mandarambong na tao
  4. Malalim pa ang ugat ng Pork Barrel scam na ito, at hindi lamang ang mga nakasuhan na noong nakaraang Lunes, Setyembre 16, 2013, ang mga sangkot dito.

Kung totoo ang mga nabanggit kong implikasyon sa taas, aba’y nakatatakot nang manirahan dito sa ating bansang Pilipinas. Mantakin mong tila wala na pala tayong mapagkakatiwalaang tao sa gobyerno! Ibig sabihin nito’y lahat sila na nasa matataas na posisyon ay magkakasabwat , gagawin ang lahat upang makalikom ng pera sa pamamagitan ng pagnakaw sa kaban ng bayan! Ang mga pulitiko namang walang intensyong gawin ito ay nagkikibit-balikat na lamang at marapat na nadadamay sapagkat wala silang ginagawa upang masupil ang kalokohang ito na nagaganap sa loob ng maraming taon. Mahirap sabihin at mas mahirap tanggapin ang katotohanan, pero sa di nila paggawa ng kahit ano upang maituwid ang mga pagkakamaling ito ay masasabing pinuprotektahan nila ang mga taong sangkot sa kalokohan.

Nabanggit ko sa nakaraang kong blog ang conspiracy theory. Ang mga tao ngayon sa gobyerno ay tila nagku-conspire upang pagtakpan ang malaking pandarambong na nagaganap sa bayan. May babanggiting mga pangalan tulad na nga lamang nina Sexy, Tanda at Pogi pero naniniwala ba kayong sila lang at ang kanilang mga staff ang kasama rito? Syempre, hindi. Sa ilang taong panunungkulan ng mga iyan sa poder, nawili na sila sa kanilang ginagawa at malamang ay gagawin nila ang lahat upang ipagtanggol ang sarili kahit na huling-huli na sila base sa mga ebidensiyang nanggaling sa mga whistleblower pati na sa mga kumakalat na ulat at larawan sa internet. Di ba kayo nagtataka minsan kung bakit may mga pagsabog na nangyayari bigla pag may malalaking balita? Balikan ninyo ang mga naganap nitong mga nakaraang buwan at magtataka rin kayo kung bakit. Pinakamaaalala n’yo siguro ay yung pagpapa-interview ni Kris Aquino kasama ng kanyang mga kapatid dahil di umano sa pananakit sa kanya ni James Yap. Ano ang malaking balita nung mga panahong iyon? Ang isyu ng pag-aari sa lugar ng Sabah. Sinasabing ginagawa umano yan hindi lang ng ating gobyerno kundi pati ng iba pang gobyerno sa mundo upang maiiwas ang napakaimportanteng isyu sa walang kakwenta-kwenta o wala masyadong saysay na usapin gaya ng sa eskandalosang kapatid ng pangulo. May bulong noong mga panahong iyan na kinausap lang talaga ang basketbolistang si Yap dyan para nga mai-divert ang atensyon ng tao. Isip pa kayo ng ibang mga importanteng isyu dati na natabunan na lamang dahil sa mga mabababaw na isyu gaya ng showbiz.

images (5)Pero ibang usapan na ngayon. Di na kasi madaling makalimot ang tao. Pasalamat tayo sa social media gaya ng Facebook, Twitter at Instagram sapagkat laging naipapaalala sa mga tao kung ano ang makabuluhan at hindi naikukubli ng ibang media (television networks, OO, kayo yan) ang katotohanan sa mga makabuluhang bagay na ito, Sinasabing ang giyera ngayon sa Zamboanga ay isa na namang diversionary tactic upang maiiwas ang mata ng publiko sa Pork Barrel Scam. Napaka-walang puso kung gayun ang nag-isip at nagsasakatuparan niyan ngayon kung sakaling gawa-gawa lamang ito sapagkat maraming buhay ang nasasalanta at naaapektuhan dahil dito.

Ano ba ang punto ko sa pagsusulat ng blog post na ito ngayon? Simple lang. Para mamulat tayong mga nakababasa nito ngayon. Mamulat saan? Mamulat sa totoong nangyayari sa lipunan. Ano ba ang nangyayari sa lipunan? Panlilinlang, pansasamantala at pandarambong. Nino at kanino? Malamang, alam mo na ngayon.

Selfie-selfie rin pag may time!

"Genius-selfie" mula sa website na http://www.talkceltic.net/forum/archive/index.php/t-45891-p-36.htmlIlang beses na siguro nating narinig ang katagang selfie sa mga kaibigan, kasamahan, kapamilya o kakilala natin. Marami ring personalidad sa telebisyon ang nabanggit na ito, sa balita man o hindi. Ano ba ang selfie? At ano ang implikasyon nito sa ating mga sarili?

Ano ang SELFIE?

Ang selfie ay ang pagkuha ng laraw sa saril gamit ang cellphone o kaya digital camera. Kadalasang nilalabas o pinapakita ito sa mga social networking site tulad ng Instagram at Facebook. Madalas umanong kaswal ang kuha nito gamit ang camera na hawak palayo sa sarili ng kumukuha o kaya naman sa harap ng salamin.

Saan nagmula ang katagang ito?

Ayon sa Wikipedia, ang katagang ito ay pinauso ng designer/photographer na si Jim Krause. Sa umpisa raw ay mas popular ito sa mga kabataan. Nang naglaon, ginagawa na rin ito ng mga mas nakatatanda. Sinabi naman sa Time Magazine na isa sa Top 10 Buzzwords ng 2012 ang katagang ito. At ngayon ngang 2013 ay halos araw-araw na itong naririnig sa mga bibig ng mga tao, maging tayong mga Pilipino.

Ano ang indikasyon sa ating mga sarili ng selfie?

Isa bang indikasyon ang selfie kung gaano kamahal ng tao ang kanyang sarili, mula hitsura hanggang tindig? Sa totoo lang, wala namang masama kung tutuusin ang pagkuha ng selfie. Natural na mahalin natin ang ating sarili at ipakita ang nararamdaman nating ito sa iba. Sa aking palagay, nagiging di kanais-nais lamang ito pag sobra-sobra na. Paanong sobra-sobra? Di pa natatapos ang araw, may panibagong selfie na naman. Wala sanang problema kung nakatago lamang ito sa cellphone o camera pero hindi. Kailangang ipangalandakan sa lahat-lahat. Parang sarili at sarili na lang lagi ang iniisip. Nakakasuya na ag ganun, hindi ba?

Isang Magandang Artikulo

Isang linggo na ang nakararaan, nabasa ko ang isang artikulong may kaugnayan sa selfie sa website na rappler.com. Pamagat ng artikulo ay 7 Signs You Might Be A Narcissist. Ito ay akda ni Chinie H. Diaz, na in-interview ng TV 5 para sa isang segment ng kanilang programang tinatawag na Reaksyon tungkol sa selfie dahil na rin sa mga larawang nilikha n’ya tungkol dito. Sa nabanggit na segment din daw ay may in­-interview na isang psychologist at sinabi umano nito na ang sobra-sobrang pagkuha ng selfie ng isang tao ay maaaring senyales ng pagkakaroon ng narcissistic personality disorder.

Ano ang narcissistic personality disorder (NPD)? 

Ayon sa isang artikulo mula sa behavenet.com, ang NPD ay isang sakit sa utak kung saan ang taong mayroon nito ay may labis-labis na persepsyon kung gaano sila kaimportante. Inaasam nilang kalugdan at tingalain ng iba samantalang mayroon lamang silang maliit na kapasidad na ikagalak ang prespektibo ng iba.

Balik sa artikulong nabanggit kanina, ang 7 senyales na isa kang narcissist ay ang mga sumusunod:

  1. Di ka mabuting tagapakinig.
  2. Ibinababa mo ang iba upang maiangat mo ang iyong sarili.
  3. Iniisip mong di ka sakop ng mga patakaran.
  4. Di mo kayang tanggapin nang maluwang ang kritisismo.
  5. Umiidolo ka ng iba hanggang sa puntong perpekto ang turing mo sa taong iyon.
  6. Tinatago o nagsisinungaling ka tungkol sa iyong kabataan at kasaysayang pampamilya.
  7. Desperado kang laging may kontrol sa mga bagay-bagay sa paligid.

Marami ba sa mga nabanggit ay maituturing mong ikaw? Panahon na siguro na tingnan mo ang sarili mo. Hindi sa paraang angat na angat ka sa iba sa puntong dapat kang kalugdan ha, kundi sa paraang ano kaya ang iniisip ng iba tungkol sa iyo. Masyado na bang sarili at sarili mo, hitsura at hindi ugali na lamang ba ang iniintindi mo? Isip-isip din pag may oras. Bisita rin sa kinauukulan pag sobra-sobra na. Mahirap ang mabuhay sa sariling mundo ng pagiging makasarili.

Gusto ko sanang tapusin ang blog entry kong ito sa pamamagitan ng paglagay ng larawan kong isang selfie. Kaya lang, nagbago isip ko. Hehehe.

Multiply

Matagal na panahon ko ring gamit-gamit ang social networking site na Multiply. Hula ko’y kayo rin na nagbabasa nito ngayon. Salamat sa isang kaibigan dahil sa kanya’y naging isa ako sa milyun-milyong gumamit o patuloy na gumagamit ng nasabing website.

Ano ba ang magagawa sa Multiply? Tulad ng Friendster noon at ng Facebook ngayon, maaari tayong makipag-ugnay sa ating mga kaibigan, kakilala at kamag-anak sa Multiply. Maaari tayong makapagpaskil ng mga larawan, magbahagi ng video na kuha natin o galing sa iba, maglabas ng saloobin sa pamamagitan ng blog, magbigay ng mga review ng mga pelikula, palabas sa telebisyon o kaya mga kanta, makinig sa musika (na dati pa nga’y maaaring i-download) at maraming-marami pang iba. Nung naglaon, nakilala ang Multiply sa online shopping at selling.

Nakalulungkot dahil sa lakas ng Facebook at Twitter ay napag-iwanan na ang Multiply sa aspeto nitong pagiging social network. Bida ito ilang taon na ang nakararaan sa dami ng bumibisita para makapag-labas ng kung anong gusto nilang ibahagi sa iba. Ngunit ngayon, mas tinatangkilik na lang ito sa aspeto nitong pangangalakal ng mga gamit, damit at kung anu-ano pa.

Ilang buwan na ang lumipas nang lumiham si Stefan Magdalinski, ang Chief Executive Officer ng Multiply, upang ipaalam na hanggang Disyembre 1, 2012 na lamang maaaring gamitin ang social networking features nito. Ibig sabihin, mawawala na ang opsyon nating magpaskil pa rito ng kung anong gusto nating ibahagi sa mundo. At, ang mas importante, mawawala na rin ang lahat ng mga larawan, mga video, mga review, mga blog post at kung anu-ano pang inilagay natin sa Multiply.

Nagbigay naman ang mga taong nasa likod ng nasabing website ng ilang pamamaraan sa paglipat ng mga content na iniligay natin dito. Kung gusto ninyong isalba ang mga nilalaman ng inyong Multiply site, alamin ninyo rito kung paano ito gawin. Sa mga nagnanais namang kunin maging ang mga komento sa mga pahina ng kanilang Multiply website, gumamit na lamang ng Print Screen. Matrabaho ito pero para sa isang magandang layunin naman kaya tiyak na ayos lang ito sa inyo.

Sa totoo lang, mahal ko ang website na bida sa blog post kong ito. Dito kasi ako unang nakapag-blog. Kahit na di gaanong marami ang nagbabasa sa mga bina-blog ko noon, sa Multiply ko unang naramdaman ang kalayaang ipahayag ang sarili upang mabasa ng mga tao saan mang parte sila ng mundo. Naaalala ko pa ngayon ang pakiramdam nung una kong ipaskil ang una kong blog na naglalaman ng mga napakapositibong bagay. Nasa panahon kasi ako noon ng magandang pagbabago sa aking buhay. Malinaw pa rin sa aking alaala yung mga panahong binubuhos ko ang aking isip at puso tungkol sa iba’t-ibang bagay, sa pagba-blog man o maging sa paggawa ng review ng mga napanood kong pelikula. Masasabi kong mas napamahal ako sa panonood ng pelikula dahil na rin sa mga pinaggagagawa ko sa Multiply. Hehe. Ang saya ring alalahanin na nakakapag-download ako nang libre ng mga kantang gusto kong pakinggan sa website na ito. Yun nga lang, nahinto ang feature na ito dahil ipinagbabawal ang pamimirata. Nakatutuwa ring naging daan ang Multiply upang mas maging malapit ako sa ilang mga kakilala lang dati. Pinakamagandang ehemplo rito ang aking mga kasama sa WordPress blog na threemindsoneblog.wordpress.com (Bisitahin ninyo ang aming blog, tiyak na di kayo magsisisi. Hehe.). Dagdag pa riyan, may ilang tao akong naging online buddy dahil sa pagkahilig sa ilang mga bagay tulad ng pelikula kahit di kami magkakakilala ng personal.

Ilang buwan na rin ang nakararaan mula noong una kong naramdaman ang kalungkutan sa nalalapit na pamamaalam ng minahal kong website. Ilang taon din kasi itong naging kasangkapan ng pakikipag-ugnayan sa ating mga kaibigan at kakilala. Gayunpaman, tulad ng laging sinasabi ng mga tao pag may lumilisan, patuloy pa rin ang buhay. Maigi na lamang na magpasalamat sa lahat-lahat ng mabuting naidulot ng website na ito sa atin sa anumang pamamaraan. Tama ba?

Pag-asa sa Gitna ng Delubyo

Ilang araw nang binabayo ng malakas na ulan ang malaking bahagi ng Luzon, lalung-lalo na ang Metro Manila, Rizal at Bulacan. Lunes pa lamang ay dama na ang walang tigil na pag-ulan, ngunit noong Martes talaga ito bumuhos nang walang patumangga. May kasama pang kidlat at kulog ang sama ng panahon, kaya nakatatakot mawalan ng kuryente. Sinasabing halos 50% ng Metro Manila ang nalubog sa baha. May mga kalsadang lampas-tao ang baha at hindi kayang madaanan ng anumang sasakyan. Lahat ng pasok, mapa-eskwela man o hindi, mapa-gobyerno o pribado, ay kinansela. Napuno ang mga social networking sites ng mga balita at impormasyon tungkol sa mga kabaha-bahalang nangyayari. Nagkalat sa Facebook at Twitter ang mga panukala ng mga numerong dapat tawagan para sa anumang uri ng tulong. Nai-poste rin ang iba’t-ibang larawan upang malaman ng lahat ang kalagayan ng baha at ulan sa mga lansangan. Higit sa lahat, nagbigay-daan din ang mga social networking sites na ito upang mapanatili ang pag-asa na kailangang-kailangan sa mga sakunang tulad nitong ating nararanasan.

Nagkaroon ng pag-asa nang dumating ang araw ng Miyerkules. Nagpakita ang haring araw at inakala ng maraming Pinoy tulad ko na tanda na iyon ng tuloy-tuloy na pagganda ng panahon. Pero, tulad na lamang ng nangyari noong Martes, bumuhos na naman ang napakalakas na ulan at bumaha sa maraming lansangan oras na matapos ang tanghalian. May mga nabasa, natakot at na-stranded. Pero sa lahat ng ito’y naging matatag pa rin ang mga Pilipino dahil na rin sa maraming taong patuloy na nagsisilbi at naglilingkod. Ang mga tinutukoy ko’y walang iba kung hindi ang mga kapwa nating mga Pilipinong nangunguna sa pagtulong sa mga biktimang nasalanta ng malakas na pag-ulan.

Maraming Pilipino ang talagang gumagawa ng paraan para tumulong sa mga biktima ng baha. Lahat ay may pangangailangan ngayon, pero mas pinili nilang kalimutan muna ang sarili para tumulong sa mga mas nangangailangan. Namumutawi ang bayanihan at sila ang pinakatanda nito. Kitang-kita ito di lamang sa mga taong nasa gobyerno o pribadong sektor kundi sa mga ordinaryong mamamayan din. Mga tunay na bayani nating maituturing ang mga taong naglilingkod na maaaring mamiligro ang buhay para lamang mailigtas ang iba na nasa peligro rin ang buhay. Salamat sa Diyos dahil may mga taong tulad nila na maituturing nating buhay na pag-asa.

Ilan sa mga impormasyong dapat nating malaman tungkol sa pangyayaring ito:

  1. Ang nagdulot ng matinding pagbaha at pag-ulan ay hindi isang bagyo kundi ang HANGING HABAGAT. Ano ang habagat? Ayon sa artikulo ni Sol Jose Vanzi, ang habagat ay nagsisimula sa panahon ng tag-init (summer) kung kailan ang kontinenteng Asya ay mas umiinit kumpara sa mga nakapaligid ditong mga anyong tubig. Dahil dito, namumuo ang mga tinatawag na low pressure area. Nangyayari ito sapagkat pag tumataas ang mainit na hangin, ang naiiwang bahagi sa ibaba ay pinupunan ng hanging nanggagaling naman sa mga dagat. Ang mga hanging nagmumula sa dagat ay nagdadala ng init (heat) at singaw (water vapor) na pag dumaan sa bansa’y maaaring magdala ng maalinsangang panahon pati na pag-ulan. Sinabi ring pag may bagyo sa Taiwan, isang bansang nasa itaas lamang ng Pilipinas, ay mas lumalakas ang hanging ito at ang dalang ulan ay mas nagtatagal. Ito na nga ang nangyayari sa atin ngayon sapagkat matatandaang ang bagyong Haikui ay nasa Taiwan nang magsimulang lumakas ang pag-uulan sa atin. Ang hanging habagat ay dumadaan sa ating bansa mula Hunyo hanggang Setyembre.
  2. Ayon naman sa Wikipedia, ang hangin naman na nararamdaman natin mula Setyembre o Oktubre hanggang Mayo  o Hunyo ay tinatawag na AMIHAN o northeast monsoon. Dulot ito ng tinatawag na trade winds, ang pattern ng mga hangin sa tropics, mga lugar na malapit sa equator. Malamig na hangin, na may kaunti o walang pag-uulan ang dala-dala ng amihan.
  3. Sa panahon ng mga sakuna tulad ng nararanasan natin ngayon, ang pangunahing ahensyang nagtataguyod sa kapakanan ng mga mamamayan ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRCMC). Gayunpaman, lahat ng local government units (o LGUs) ay inaasahan pa ring gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin habang nakikipag-ugnayan sa mga ahensyang tulad ng NDRCMC, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAG-ASA).
  4. Ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay bumuo ng programang tinatawag na Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) na naglalayong mabigyan ng babala ang iba’t-ibang komunidad sa banta ng baha. Gumagamit ito ng teknolohiyang nagpapakita ng dami ng tubig-ulan at potensyal na pagbabaha sa isang lugar.
  5. Heto naman ang listahan ng mga numero sa telepono ng iba’t-ibang ahensya at expressway na maaaring tawagan para sa mga emergency
  6. Paano tayo makatutulong? Maari tayong magdala ng donasyon o mag-volunteer sa iba’t-ibang eskwelahan tulad ng UP Diliman, UP Manila, Ateneo de Manila University, University of Asia and the Pacific; iba’t-ibang simbahan tulad ng Sto. Domingo Church sa Quezon Avenue; mga ahensya tulad ng DSWD at Philippine Red Cross; mga foundation tulad ng ABS-CBN Foundation at GMA Kapuso Foundation, o kaya naman sa iba’t-bang tanggapan tulad ng LBC. May alam ka pa bang iba? Idagdag mo na lang sa comment box sa ibaba.

TANDAAN: Kapag gagawin natin ang ating parte sa sakunang nangyari, mapapadali ang ating pagbangon. Alaming pagkatapos ng delubyo, aahon tayo.

Mga Wari-wari sa Facebook at Twitter

 

Di maitatangging parte na ng pang-araw-araw na buhay ng marami ang paggamit ng Facebook at Twitter, dalawa sa pinakapopular na social networking sites. Bakit ba naman hindi? Gusto ng mga taong maging in, at kung wala kang kahit isa sa mga nabanggit, iisiping napag-iiwanan ka. Pero di lang naman yun ang dahilan. Maraming rason kung bakit gumagawa ng account ang mga tao sa facebook at twitter.

June 17, 2008 nang ako ay gumawa ng aking facebook account sa udyok na rin ng ilang kaibigan sa kolehiyo. Siguro, kami ang ilan sa mga pinakaunang nagkaroon ng FB account dito sa Pilipinas kasi di pa ganun kakilala noon ang FB. Pero nang dumating ang taong 2009, halos lahat na yata ng mayroong internet ay nasa FB na. Di naman ito kataka-taka dahil ang mga social networking site na tulad ng FB ay nagbibigay ugnayan sa mga magkakapamilya, magkakaibigan, magkakatrabaho at magkakaklase. Bukod dun, nagbibigay tulay din ito para sa mga taong dati nang magkikilala pero hindi nagkikita, mga magkakamag-anak na malayo sa isa’t-isa, mga magkakaibigang pinaglayo na ng lugar at panahon, pati na mga taong minsan nang nagkasama o nagkasalamuha sa buhay.

Anong gamit ng Facebook? Napakarami kung tutuusin. Pwede kang maglaro, makibalita, magbahagi ng mga larawan at video (personal man o galing sa iba, komersyal man o hindi), mangamusta lang ang iilan sa mga iyon. Sa paglipas ng panahon, dumami pa itong gamit, mabuti man o hindi.

Taong 2010 naman noong ako’y gumawa ng twitter account. Sa totoo lang, ang persepsyon ko sa twitter noon ay para makapang-tsismis lamang sa buhay ng iba kaya di ko ito agad ginamit. Dumating din ang panahong kahit may twitter account na ako’y di ko ito gaanong pinupuntahan. Pero nang mapagtanto kong pwede itong maging napakadaling kasangkapan para makatanggap ng balita, madalas ko na itong ginagamit. Madalas pa nga, dito ko unang nababalitaan ang mga bagay na sa primetime news TV ko pa malalaman dati. Kaya, kung gusto mong mauna o manguna sa balita, mag-twitter ka na. Pero hindi lamang sa pag-alam ng mga balita ang twitter. Ginagamit din ito para ilabas ang mga saloobin ng mga tao, maganda man o hindi. Kaya bago ka mag-twitter, alamin mo muna sa sarili mo kung handa ka na bang makabasa ng mga kwento ng mga tao tungkol sa iba’t-iba’t-iba’t-ibang bagay. (Talagang apat na “iba” yun, napakarami kasing iniisip at gustong pag-usapan ang mga tao. Hehe.) Kung ikaw din, alam mo sa sarili mo na handa ka nang magbahagi ng sarili mo sa iba sa pamamagitan ng 144 na karakter ay di kita pipigilang mag-twitter. Pwede mo namang protektahan ang mga nilalagay mo rito kung gagawin mong pribado ang iyong account, kung saan ang mga pinayagan mo lang na sumunod (mag-follow) sa’yo ang makakabasa nito. Yun nga lang, kung pribado ang account mo, di mo mati-tweet ang mga celebrity (artista, modelo, reporter, atbp.) na gustung-gusto mo. Kung di naman yun kawalan sa’yo, sige lang, gawin mo na lang itong pribado. Pero kung ang habol mo naman ay makarami ng mga susunod sa’yo, mapaartista (as if) man o hindi, sige lang, gawin mong pampubliko ang account mo.

Simula ng mauso ang mga social networking sites, mas lumiit ang mundo para sa tao. At dahil mas lumiit ito, mas nagkakakilala ang bawa’t-isa. Yun nga lang, sumisikip din ang pakiramdam ng iba dahil sa pagliit na ito. Nagtataka ba kayo kung bakit nauso ang HIDE button sa facebook? Para maitago sa isa o iilang tao ang ayaw nating ipakita sa kanila. Yung iba naman, nagtatago ng mga tao na ayaw nilang makita sa pamamagitan uli ng HIDE button. Syempre, isa na naman itong patunay na minsan talaga magulo ang isip ng mga tao. Ia-add sa facebook ang isa tapos iha-hide din naman pala. O kaya naman, i-add tapos di rin pala ilalabas sa timeline nila. O ha, parang plastikan online ang nangyayari. Hehehe. Pero minsan naman kailangan lang itong gawin lalo na kung nakita nating nagbago na ang isang taong akala nating kaibigan pala natin. Maaaring naglagay siya ng mga bagay na talagang offensive o kaya masyadong personal. At hindi lang isa, dalawa o tatlong beses. Maaaring araw-araw pa! Wala naman akong pinapatamaang tao. Ako rin naman ay nakapag-poste na ng masyadong personal na status sa FB o twitter kaya kasama rin ako rito. May iba nga lamang na di nakakaalala na MARAMING nakakabasa ng mga nilalagay nila sa mga social networking site na ito at madalas, oo, madalas, hindi maganda o makabuluhan ang nilalagay nila.

Sa totoo lang, ano ba ang pakialam natin? Wala siguro dahil may kanya-kanya naman tayong buhay at ang buhay na lang natin ang pakialaman natin. Pero, sa totoo lang uli, may pakialam tayo dahil di naman natin sila idadagdag bilang friend sa FB o ipa-follow sa twitter kung wala tayong pakialam sa kanila kahit kaunti, hindi ba?

Nakaisip tuloy ako ng ilang mga suhestiyon para mapagaan ang pakiramdam natin at ng ibang tao sa lumiliit na mundo natin sa pamamagitan ng FB at twitter. Ito ay para sa akin at para sa’yo na nagbabasa nito:

  1. Isipin kung makakabuti ba sa’yo o hindi ang ilalagay mo (picture, video, status update o tweet. Kung hindi makakabuti, bakit mo ilalagay, ‘di ba?
  2. Isipin ang mga taong maaaring makabasa ng mga ilalabas mo. Matutuwa ba sila sa ilalagay mo? O maiinis sila dahil lagi na lang kainis-inis ang mga nilalagay mo? Maaari sigurong sabihin na gusto ng maraming tao ang magagandang balita kaya maiging magagandang balita lang sa’yo ang madalas mong ilagay. Pero, dahil tao tayo, di naman maiiwasan maglabas ng frustration, anger, sadness. Yun nga lang, kung lagi mo silang papamahagian ng masasamang balita, ano na lang ang iisipin nila? Tsaka, baka mahawaan mo sila kaya dahan-dahan lang ha.
  3. Kung gusto mo lang magyabang, may karapatan kang gawin yun. Wag mo nga lang isipin na ayos lang yun sa lahat dahil baka ang dating sa kanila ay nang-iinggit ka. Lagi nating tandaan na ang maaaring ayos lang sa atin ay maaaring hindi ayos sa iba.
  4. Kung may gusto kang patamaan sa pamamagitan ng ilalagay mong content, magpaka-diskreto. Hindi yung tipong kulang na lang na sabihin mo na ang pangalan nila. May tao bang gustong iniinsulto siya? Wala naman siguro. Pero kung gusto nating bigyan sila ng leksyon sa pamamagitan noon, magpaka-diskreto. Kasi kung mararamdaman nilang pinapatamaan mo sila, good luck na lang kung mananatili pa rin kayong magkaibigan. Baka un-friend  na ang katapat n’yan.
  5. Walang masamang magsabi ng nararamdaman sa FB o twitter. Iwasan lang sana yung masyadong personal (halimbawa: “Ay, nalimutan kong magsuot ng underwear!” o kaya “Sarap! Kakatanggal ko lang ng dumi sa ngipin ko! :D”) o kaya masyadong offensive na maaaring ikagalit ng iba kundi man lahat (halimbawa: “P…i… yang mga …. na yan! Di na dapat sila nabuhay!” o kaya, “Magpakaayos-ayos ka nga! Pangit ka na nga, pangit pa galaw mo!”). Maaaring maintindihan ng iba ang mga nilalagay mo, pero tandaan mong sa 500 kaibigan mo sa FB o kaya 50 na sumusunod sa’yo sa twitter, di lahat ay maiintindihan ka. Bakit, kilala ka ba talaga nila sa personal? Ayun, makikilala ka na nila talaga sa mga nilalagay mo.
  6. Kung magsasabi ng opinyon tungkol sa iba’t-ibang bagay, ayos lang yan. Sana lang tama ang ispeling at ang pagkakagawa ng mga pangungusap. Baka naman may mag-init ang ulo dahil sa sinulat mo. Ay, wag na lang, di ba?

Para ibuod ang mga wari-wari kong ito, gamitin natin ng maayos ang mga social networking site na tulad ng facebook at twitter. Be conscious, mindful and careful. Isipin palagi ang kapakanan mo at ng iba sa pamamagitan ng iyong mga ibabahagi. Kailangan din natin minsan na maging open-minded at accepting sa mga taong nakakalimot sa mga ito. Kaya saan ka man mapabilang sa mga yan, i-enjoy mo na lang ang paggamit ng facebook at twitter sa tama at magandang paraan.

Stop Kony

Ilang araw nang laman ng twitter at facebook ang mga katagang STOP KONY, KONY 2012 at INVISIBLE CHILDREN. Ano o sino ba ang mga ito? Ating alamin ngayon dito.

Isa ako sa mga nagtanong kung ano o sino si Kony. At sa aking pagsasaliksik, aking napag-alamang si Kony (buong pangalan: Joseph Kony) pala ay isang notoryus na gerilya sa Uganda (at iba pang parte ng Africa) na gumagamit ng mga bata sa giyera laban sa gobyerno. Pinamumunuan n’ya ang Lord’s Resistance Army, isang militanteng grupo na may relihiyosong ideolohiya at kilala sa mga krimeng pagpatay, mutilasyon, rape pati na raw kanibalismo. Nangingidnap siya ng mga bata para gawing mga sundalo o kaya ay mga sex slave. Pinapatay n’ya raw ang mga magulang ng mga batang kanyang kinikidnap para mapilitan ang mga itong sumama sa kanya. Kung hindi pa kayo kumbinsidong nahihibang na ang taong ito, dapat n’yong malaman na ginagawa raw n’ya ang kaniyang mga ginagawa para sa Sampung Utos ng Diyos. Kung paano n’ya nasasabi ang mga bagay na yun, siya lang ang nakakaalam. Ang dapat nating malaman, siya ngayon ang numero unong kriminal sa International Court Commission dahil sa mga krimeng ginagawa n’ya at ng kanyang grupo sa loob ng mahigit 25 taon.

Ano naman ang KONY 2012? Ang KONY 2012 ay isang maikling pelikulang ginawa ni Jason Russell, ang Amerikanong nagtatag ng Invisible Children, Inc. Ang Invisible Children ay isang non-profit organization na naglalayong ipaalam sa mundo ang mga karumal-dumal na gawain ni Kony. Ani Russell sa kanyang maikling pelikula, mithiin nilang gawing sikat si Kony upang maipaalam sa lahat na may taong katulad niya na dapat pigilan. Ang kanilang mithiing ipaalam sa mundo ang mga ginagawa ni Joseph Kony ay naglalayon ding magpakilos sa mga kinauukulang hanapin, dakpin at litisin ang notoryus na kriminal.

Ano ang magagawa natin para matulungan silang maabot ang kanilang mithiin? Simple lang. Bukod sa mga nabanggit n’ya sa kanyang maikling pelikula (sumama sa pagsulong ng kanilang adhikain, magbigay ng donasyon), maaari nating ipaalam sa ating mga kapamilya, kaibigan at kakilala ang tungkol kay Kony at sa Invisible Children. Hindi mahirap ang pwede nating gawin para matulungan ang libu-libong kabataang dinakip, dinadakip at patuloy na ginagamit ni Joseph Kony sa kanyang mga masasamang gawain.

Maaari n’yong panoorin ang KONY 2012 rito.