Laban, Pilipinas!

Ilang oras na lamang ay magsisimula na ngayong araw, Hulyo 27, 2012, ang palarong pinakainaabangan sa buong mundo, ang Summer Olympics. Gaganapin ito sa London, United Kingdom ngayong taon. Alamin natin ang maiksing kasaysayan ng palarong ito pati na ang mga mapapalad na Pilipinong kalahok dito.

SINAUNANG OLYMPIC GAMES

Ginanap ang orihinal na Olympic Games noong 8 B.C. hanggang 4 A.D. sa Olympia, Greece. Ayon sa Wikipedia, ang mga larong pinagkumpitensiyahan noon ay ang stadion race (kung saan tinatakbo ng mga kalahok ang habang 590 hanggang 790 pulgada), diaulos (takbuhan sa habang 1,300 pulgada), dolichos (3 kilometrong takbuhan) at hoplitodromos (5 kilometrong takbuhan). Bukod sa pagtakbo, kasama rin daw noon ang boxing (sinaunang pagbu-boksing o pygmel pygmachia), wrestling (pale), pankration (isang klase ng laro noong maihahalintulad sa Mixed Martial Arts ngayon) at chariot race.Ang mga nananalo noon sa sinaunang Olympics ay pinagkakalooban ng olive branch bukod pa sa malaking halaga ng salaping matatanggap nila sa kani-kanilang lugar.

MAKABAGONG OLYMPIC GAMES

Noong 1896 ginanap ang unang makabagong Olympic Games. Si Baron Pierre de Coubertin ang nagtatag ng tinatawag na International Olympic Committee, ang organisasyong nagpapasinaya ng makabagong Olympics. Unang ginanap ang makabagong Olympics sa Athens, Greece bilang paggunita sa sinaunang palaro rito.

Tumagal ng higit isang linggo ang unang taon ng Olympics (Abril 6- Abril 15, 1896). Ito ay nilahukan ng labing-apat (14) na bansa at dalawang daan at apatnapu’t isang (241) atleta. Kabilang sa mga palaro noon ang athletics, cycling, fencing, gymnastics, shooting, swimming, tennis, weightlifting at wrestling. Nagkamit ng pinakamaraming gintong medalya noon ang Estados Unidos (11), na sinundan ng Greece (10). Natalo man sa ginto, nangunguna naman ang huling nabanggit na bansa sa talaan ng may pinakamaraming medalya kasama na ang pilak (silver medal) at tanso (bronze medal).

Courtesy of ABS-CBN

PILIPINAS SA OLYMPICS

Nagsimula ang pagsali ng Pilipinas sa Olympics noong 1924 sa Amsterdam, Netherlands. Mula noong taong yun ay nakapag-uwi na ang ating mga magigiting na atleta ng siyam (9) na medalya, dalawang (2) pilak at pitong (7) tanso. Mailap ang gintong medalya sa atin dahil ni minsan ay di pa rin natin ito nakakamit. Sayang lamang dahil may panahong makukuha na sana natin ito pero dahil sa ilang kadahilanan ay nabigo pa rin tayo. Pinakamagandang halimbawa n’yan ay ang paglaban ni Mansueto “Onyok” Velasco sa larangang ng boksing noong taong 1996 sa Atlanta, Estados Unidos. Inakala ng lahat na maiuuwi n’ya ang gintong medalya dahil sa kanyang pinakitang galing at husay sa pagsuntok sa kalaban. Pero tila iba ang nasaksihan ng mga hurado dahil ang kalaban niyang si Daniel Petrov ng Bulgaria ang pinaburan nila. Umuwi tuloy siyang pilak ang dala-dala.

Ngayong Olympics 2012 ay labing-isa (11) ang kalahok ng bansa sa London. Ayon sa website ng ABS-CBN, ang ating mga kalahok ay sina:

JASMINE ALKHADI

– Swimming (100M freestyle)

MARK ANTHONY BARRIGA

– Boxing (49 kg light flyweight)

DANIEL CALUAG

– Cycling (BMX)

HIDILYN DIAZ

– Weightlifting (59 kg)

RENE HERRERA

– Athletics (5,000 m run)

TOMOHIKO HISHINA

         – Judo (100+ kg, superheavyweight)

JESSIE KHING LACUNA

         – Swimming (200M freestyle)

BRIAN ROSARIO

         – Shooting (skeet)

MARESTELLA TORRES

         – Atheletics (Women’s Long Jump)

MARK JAVIER

         – Archery (Men’s Individual)

RACHELLE ANNE CABRAL

         – Archery (Women’s Individual)

Kahit pa labing-isa lamang silang atleta nating lalaban upang patunayang magagaling ang mga Pinoy sa iba’t-ibang palakasan ay marapat na tayong matuwa dahil kabilang sila sa pinakamagagaling sa buong mundo. Umasa tayong makamit nila ang di pa nakakamit ng sinumang Pilipino, at iyan ay ang makasungkit ng medyang ginto.

Laban, Pilipinas!

Advertisements

Katha


Sabi nila, iba raw talaga ang nangyayari kapag inspired ang isang tao. May pagkakataong di n’ya aakalaing makagagawa siya ng mga bagay na di n’ya alam na magagawa n’ya. At natutuwa akong sabihing isa na ako sa mga ito.

Nitong mga nagdaang linggo ay may isang taong nagbibigay sa akin ng inspirasyon. Di man kami palaging nagkikita o nag-uusap, matindi ang inspirasyong naibibigay n’ya sa akin. Sa totoo lang, pag nagmahal ang isang tao, iba talaga ang tama sa damdamin. May mga pagkakataong nahuhuli ko ang sarili kong siya ang iniisip. Kahit pa abala sa iba’t-ibang bagay, bigla na lang akong makakaramdam ng kakaibang damdamin na dulot ng pag-iisip kong iyon sa kanya.

Isang gabi, bigla ko siyang naalala. At kahit ako’y may ginagawang iba, isinantabi ko muna ito para kumuha ng lapis at papel at kumatha ng isang kantang gusto kong ialay sa kanya. Di ko inakalang sa loob ng hindi hihigit sa isang oras ay makagagawa ako ng kantang mayroong himig na ng musika.

 Kung ako ma’y hawak mo sa iyong kamay

Ipinapanalangin kong di na ako mawawalay

Di ko maintindihan ang aking nararamdaman

Matauhan pa kaya na ito’y isang panaginip lang? 

Ilan lamang ang mga iyan sa linya ng kantang nagawa ko. Siguro ay totoo nga talaga ang sinasabi nilang nagiging makata ang isang tao pag siya’y nagmamahal. Sa aking karanasan naman kahit noon pa, ako’y nakagagawa ng mga tula at sanaysay lalo na pag nakadarama ng matinding emosyon: masayang-masaya, galit na galit, malungkot na malungkot, atbp. Nito nga lang nagdaang linggo ay may naisasama na akong musika sa mga nagagawa kong tula. May malaking pagbabago, hindi ba?

Kaya para sa iyo ang mga nalilikha kong kanta. Sana sa susunod nating pagkikita ay maiparinig at maipakita ko na ang mga ito. Maraming-maraming salamat sa inspirasyon!

Comedy King

Kung hindi mo pa alam kung ano ang pinakahuling balita tungkol kay Comedy King Dolphy, baka sa kweba o sa bundok ka nakatira. Kung hindi naman, baka abala ka lang sa iba’t-ibang bagay tulad ng trabaho, eskwela, kasintahan, kaibigan at pamilya. Pero sige ka, baka multuhin ka n’ya dahil di mo man lang napansin ang nangyari nitong gabi lang.

Ngayong araw, Hulyo 10, 2012, ay pumanaw na ang nag-iisang Hari ng Komedya sa Pilipinas, walang iba kundi si Dolphy. Sa maraming taon ng kanyang pagpapatawa ay hindi na kataka-takang marami ang nalungkot nang malaman nila ang balita. Trending topic sa twitter at patuloy pa ring pinag-uusapan sa facebook, ang pagpanaw ni Mang Dolphy ay nagbigay senyales sa lahat ng Pilipino na isang di matatawarang alagad ng sining ang kinuha na ng Panginoon.

Ayon sa opisyal na pahayag ng Makati Medical Center, pumanaw si G. Rodolfo “Dolphy” Quizon sa oras na 8:34 ng gabi dahil sa Multiple Organ Failure sanhi na rin ng kumplikasyong dulot ng mga sakit na Severe Pneumonia, Chronic Obstructive Pulmonary Disease at Acute Renal Failure.

Isa ako sa milyun-milyong Pinoy napatawa ni Mang Dolphy. At dahil yan sa mga karakter na ginampanan niya mula pa noong araw. At sa lahat ng mga iyon, pinakanagustuhan ko ang karakter n’yang Mang Kevin Kosme sa Home Along Da Riles. Lahat na yata ng mga batang Pinoy na nabuhay noong Dekada ’90 ay alam ang karakter na Mang Kevin. At bakit naman hindi, talaga naman kasing tinutukan ang nasabing sitcom tuwing Huwebes ng gabi. Pinakita rito ng Hari ng Komedya ang kanyang walang kupas na galing sa pagpapatawa habang nagbibigay aral sa mga manonood. Naaalala kong tinuturo ng kanilang palabas noon na kahit mahirap ang buhay nila ng kanyang pamilya, masaya sila basta’t sila ay sama-sama.

Tiyak na magkakaroon ng interes ang mga taong panooring muli ang mga magagandang palabas at pelikula ni Mang Dolphy, kahit yung mga lumang-luma pa at naka-black and white lamang. Sana magkaroon ng ideya ang ABS-CBN ( o iba pang channel) na ipalabas muli ang mga ito upang mapanood ng marami ang iniwang yaman ng Hari ng Komedya. Alam naman natin kasing hindi lang saya pati mga ngiti ang maidadala nito sa ating mga labi kundi mga iba’t-ibang aral sa buhay, ipinadaan man sa komedya o madadramang eksena ng kanyang mga likha.

Sa huli, isama na lang natin sa pagdarasal ang ikapapayapa ng kaluluwa ni Mang Dolphy. Siya man ay lumipas na sa ating mundo, tandaan na lang nating ang kanyang naging kontribusyon sa kulturang Pilipino ay di matatawaran kailanman. Pangalan ng komedya na mismo ang magsisilbing ala-ala natin para sa kanya.

Tatanda at lilipas din ako/ Ngunit mayroong awiting/ Iiwanan sa inyong ala-ala/ Dahil minsan tayo’y nagkasama.”

Putik!

Ang salitang nasa itaas ay dalawa ang maaaring ibig sabihin. Ang isa’y tumutukoy sa dumi na nakukuha mula sa lupang basa. Ang isa nama’y ekspresyon na kapalit ng isang mura sa Tagalog na matindi ang tama.

Mura. Dalawa na naman ang ibig sabihin n’yan. Pero alam kong alam n’yo ang tinutukoy ko. Sa Ingles, ang tawag sa mga mura’y profane o cuss words. Ang aktibidad ng pagmumura ay tinatawag namang cursing.

Bakit ba nagmumura ang isang tao? Maiisip mo agad ang mga emosyong inis at galit pag dahilan ang pag-uusapan kung bakit kadalasang nagmumura ang isang tao. Anu-ano bang mga bagay ang nagpapainis o minsa’y nagpapagalit sa atin? Tingnan mo ang mga sumusunod kung may maitsi-check ka sa mga ito:

  1. Nasaktan ang sarili nang hindi sinasadya habang may ginagawa.
  2. Mabagal na usad ng trapiko, ikaw man ay nagmamaneho ng sasakyan o pasahero lamang. Isama na rin ang pahintu-hintong pampublikong sasakyan kahit wala namang pumapara.
  3. Asar-talong kalaro pagkatapos ng isang laban.
  4. Pagtataksil ng isang kaibigan.
  5. Nahuli sa paggising sa umaga.
  6. Pangtsitsismis ng ibang tao.
  7. Mismong ugali ng ibang tao.
  8. Hindi pagkasunod ng planong inaasahang mangyayari.
  9. Pagbagsak sa isang pagsusulit.
  10. Pagkatanggal sa trabaho.

Ayon sa ilang pananaliksik, nakabubuti raw ang pagmumura. Bakit? Para raw mas maibsan ang pisikal na sakit na nararamdaman ayon sa isang artikulo ng TIME. May ilan ding nagsasabi na nakakatanggal daw ito ng stress. Nakatutulong din daw ito para maibsan ang namumuong galit sa isang tao upang maiwasan n’yang gumawa siya ng hindi maganda sa kapwa. Kung sinasabi sa ilang pag-aaral na nakabubuti ang pagmumura, bakit sinasabing hindi ito dapat ginagawa?

Ang sagot: hindi ba’t sinasabi sa Bibliya na masama ang pagmumura? Sa aking pananaliksik, wala akong nakitang direktang sinabi rito na bawal ang magmura. Ang mga nakita ko ay nagsasabing wag gamitin ang bibig upang magsabi ng kasinungalingan laban sa kapwa (Exodo 20:17), magsabi ng mahahalay na salita (Epeso 4:29), magbanggit ng mga salitang marumi at mangmang o pagbibirong di nararapat (Epeso 5:4). Dapat din nating malaman na sinabi rin ditong kung anong lumalabas sa bibig ay dumudumi o sumisira sa isang tao (Mateo 15: 10-11). Ibig bang sabihin, kung hindi maganda ang lumalabas sa ating bibig, tayo ay dudumi? Ganun na nga. Kung iisipin, walang pinagkaiba yan sa alam nating dudumi ang ating pagkatao kung marumi ang ating ginagawa. Isang gawain ang pagsasalita, kaya ang isang masamang sabihin ay isang masamang gawain.

Kung tutuusin, pag minumura mo ang isang tao, hindi ba’t tila tinatapakan mo rin ang kanyang pagkatao? Nagkamali lang ng kaunti, sasabihan ng T. May ginawa lang na di maganda kahit di sinasadya, sasabihan na agad ng G. Nakagalitan lang dahil sa isang bagay, sasabihan na agad ng PI. Ang sabi ng iba, pag ang isang tao’y nagkamali, kundenahin ang kanyang ginawa at hindi mismo ang gumawa. Sa pagmumura kasi sa isang tao, sa pagkatao n’ya ito tumatama.

Kung iisipin mo, maraming bagay sa mga nagpapainis sa atin ang madali naman sanang iwasan para di na tayo umabot pa sa pagmumura at paggawa pa ng ibang masama. Maiiwasan sila sapagkat nasa sarili natin ang pagbabagong kailangang gawin. Baguhin ang sarili at tiyak na ang ilan sa mga ito ay hindi na magiging sakit ng ating mga ulo. Sa kabilang banda, maraming nakapang-iinis na mga bagay na nagpapaabot sa atin sa pagmumura ay dahil naman sa ibang tao. Di man natin sila mababago, maaari naman natin silang iwasan. Baguhin din natin ang ating ugali tungo sa kanila at tiyak bababa ang tsansang sila pa ay ating kainisan.

Parang napakadaling gawin ng mga binanggit ko sa itaas, ano? Madali, oo, pero madaling sabihin at mahirap gawin. Tandaan lang natin na sa dulo, para rin naman sa atin ang mga ito upang di na mapamura at maiwasan pang magkasala.

Tungkol sa titulo: Iyan ang nabanggit ko nang makita kong may bahid ng putik sa aking sapatos nung isang linggo. Hindi iyon mura, kundi pagsasabi lang ng kung anong nakita ko.