Opinyon ng Isang Blogger Lang

Gumawa ng malaking ingay nung nakaraang linggo si Senador Vicente “Tito” Sotto III hindi dahil sa matagumpay n’yang naipaglaban ang adhikain ng mga taong tutol sa RH Bill kundi dahil sa kanyang pagmamaliit sa mga blogger na tulad ko. Ano ba ang kanyang ginawa at ano ang inirireklamo ng mga blogger na tulad ko? Alamin natin.

Matatandaang una n’yang ginamit ang gawa ng ilang bloggers, partikular na si Sarah Pope,sa kanyang talumpati bilang pagtutol sa RH Bill ilang linggo na ang nakararaan. Maganda sana yun lalo na kung makatutulong ang kanyang mga hiniram na impormasyon sa kanyang nais sabihin. Pero, ang naging problema, di man lang niya binigyan ng kaukulang pagkilala ang kanyang mga pinagkuhanan ng mga impormasyon.

Nagulat siguro siya at ang kanyang staff nang may mga pumalag at bumatikos sa kanyang mga sinabi. Anila, kopyang-kopya ang maraming salitang kanyang binitawan sa ilang blog na mababasa sa internet. (Kung nais n’yong malaman ang ilang pangongopyang nangyari, puntahan n’yo ito.)

Pero anong ginawa n’ya at ng kanyang mga tauhan? Nang malaman ng blogger na si Sarah Pope ang kontrobersiya, gumawa ito ng blog post na ang pamagat ay On Plagiarism, the Pill and Presumptousness bilang reaksyon. Ayon sa ulat ng GMA News, nag-komento roon ang chief of staff ni Tito Sotto na si Atty. Hector Villacorta at ang sabi niya’y:  “I understand you felt slighted that your blog was not attributed to you which became part of the speech of the senator. Let me say that after asking my staff, indeed your blog was used but only in quoting also from the same book of Dr. Campbell-McBride. If you wish that you also be credited with the contents of the book, let this be your affirmation. I can do it and by this message I am doing it. Hope it satisfies you.” Pero sumagot din agad si Pope ng, “My BLOG was quoted, not Dr. Natasha Campbell-McBride. I put her work in my own words and you copied my words. No, your lame comment does not make me ‘feel’ any better.” Nang makapanayam naman ni Karen Davila si Tito Sotto sa kanyang programang Headstart sa ABS-CBN News Channel (o ANC), sinabi n’yang, “Natatawa ako nung marinig ko yan. Kasi yung blogger na sinasabi nila e, pareho kami ng pinagkunan… si (Dr.) Natasha Campbell- McBride.” Idinagdag pa n’ya, “Ba’t ko naman iku-quote yung blogger? Blogger lang yun.”

***

Anong mahihinuha natin sa itaas?

Una, hindi basta-basta ang pagkuha ng ideya ng iba. Sinasabi man nilang sa panahon ngayon ay wala nang orihinal sapagkat lahat ay hango na sa mga nauna, di iyon dahilan para di bigyan ng tamang pagkilala ang pinagkuhanan. Lalo pa ngayong napakadaling kumuha ng impormasyon sa pamamagitan ng internet, madaling mahuli ang mga nangongopya lamang lalo na kung mga kilalang tao ang gumawa ng krimeng tinatawag na plagiarism*.

*Ano ang plagiarism?

Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ito ay ang akto ng pagkuha ng mga ideya o salita ng iba na parang kanila.  Sa ibang sabi, pagkuha ito ng ideya o salita nang walang pagkilala man lang na ginawa tungkol sa pinagkunan ng ideya o salitang ginamit.

Ikalawa, napakayabang magsalita ni Tito Sotto. Bakit n’ya raw gagamitin ang gawa ng isang blogger? Dapat n’yang malaman na hindi porke’t blogger ay walang kwenta. Oo, walang kwenta ang ginamit kong mga salita dahil yan ang tila ibig sabihin niya sa kanyang mga sinabi. Gusto kong malaman n’ya na hindi porke’t blogger ay maaari nang maliitin. Ang mga blogger ay gumagawa ng blog sapagkat gusto nilang ibahagi ang kanilang mga nalalaman, nararamdaman o nararanasan. May halaga ang mga iyon, di man para sa lahat pero sa iilan.  Baka di n’ya alam na may mga taong nagbabasa ng mga blog dahil sila ay nakikinabang sa kung anumang paraan mula sa iba’t-ibang paksa mayroon ang mga ito. Pero kung tutuusin, siya dapat ang unang nakakaalam n’yan sapagkat siya mismo ang gumamit ng mga salita ng isang blogger lang sa kanyang talumpati sa Senado.

Ikatlo, hindi tamang maging arogante sa pagsagot sa mga pagtuligsa sa atin lalo na kung tayo ay nasa mataas na posisyon sa gobyerno. Lalabas at lalabas na mayabang at hindi marunong magpatalo ang isang taong nahuli na nga’y hindi pa marunong tumanggap ng pagkakamali. Kung ako kay Tito Sotto, hihingi ako ng tawad sa mga nasagasaan sa aking mga ginawa at sinabi lalo na sa mga blogger lang.

Mga huling salita ukol sa:

  • RH Bill

Dapat malaman ni Tito Sotto na kaisa n’ya ang marami tulad ko sa pagtutol sa RH Bill. Pero dapat n’yang idaan sa tamang paraan ang pagtatanggol sa mahalagang buhay.

  • Pagba-blog

Iba-iba ang mga katayuan sa buhay ng mga tao at ibig sabihin nun, iba-iba ang kaalaman at mga karanasan nila. Tulad din ng mga nasa Senado, ibang-iba ang katayuan nila sa ating maituturing na ordinaryong mamamamayan lang. Ibig bang sabihin nun ay di na mahalaga ang ating mga sinasabi? Hindi. Bagkus, nangangahulugan iyon na anuman ang katayuan mo sa buhay, Senador man o hindi, blogger man o hindi, ay hindi dapat nila-lang. Nagkataon lamang na mas malaki ang kapasidad ng ilan sa atin upang ipaalam ang kanilang mga gustong sabihin at gawin ang gusto nilang gawin. Pero di iyon nangangahulugang sila ang nasa tama o sila lamang ang tama. Di dapat nila-lang ang mga sinasabi o mga ginagawa ninuman sapagkat lingid sa ating kaalaman ay mayroon at mayroon ditong mangangailangan.

Advertisements

25 Lessons

Noong isang araw ay ipinagdiwang ko ang aking ika-25 kaarawan. At hindi tulad noon, halu-halo ang nararamdaman kong emosyon bago pa ito sumapit. Bakit kaya? Aking teorya, marami kasi ang ipinaaala ng kaarawan sa akin. Una, ito ay tanda na ang lahat ng mga tao ay tumatanda. Ikalawa, ito ay paalala kung gaano na  tayo katagal dito sa mundong ibabaw. Ikatlo, nagsisilbi itong palatandaan sa atin tungkol sa mga ating mga sariling plano na ating ginawa dati pa, kung nagagawa ba natin ang mga ito o hindi. Panghuli, ito ay palatandaan kung gaano na ba kalayo o kalapit ang ating nararating. Kaagapay ng malayo o malapit na paglalakbay na ito sa buhay ay ang mga tanong tungkol sa ating paggulang (maturity). Ganun pa rin ba ang ating pag-uugali o tayo ba ay patungo sa mas mabuting tayo?

Sabi ng marami, ang pagtanda ay nagdadala ng karunungan. Bukod sa maraming taon ng pag-aaral, natututo ang tao sa dami ng kanyang karanasan. Natututo tayo ng mga aral tungkol sa sarili, sa pamilya, sa pagkakaibigan, sa pag-ibig, sa paniniwala at marami pang iba. Kaya ngayong 25 gulang na ako, nais kong isipin na sa aking 25 taon dito sa mundo ay maraming aral na akong natutunan. At umaasa akong maraming aral pa ang aking matutunan sa susunod na 25 at higit pang mga taon.

Pansamantala ay samahan n’yo akong tuklasin kung anu-anong mga aral ang natutunan ko sa loob ng 25 taon. Alamin mo rin kung parehas ba tayo ng pagtanaw tungkol sa iba’t-ibang bagay.

  1. Napakahalaga ng buhay. Ang buhay ang pinakaimportanteng ibinigay sa atin ng ating Panginoon Diyos at marapat na ito ay ating pangalagaan. Pansining ang bawat kaarawan na dumarating sa ating buhay ay tanda ng kahalagahang ito.
  2. Sa lahat ng pagkakataon, mahalagang pasalamatan ang ating Panginoon.
  3. Espesyal at natatangi ang bawat tao, bata man o matanda. Alaming ang tao ay nilikhang kawangis ng Diyos. Dapat ay subukan nating magbigay galang at respeto palagi sa bawat isa anuman ang pagkakataon.
  4. Mahalagang pagbutihin palagi ang ginagawa sa bahay, trabaho at iba pang lugar anuman ang mga ito. Tiyak na magbubunga ang ating mga ginagawa sa hinaharap.
  5. Mahalin ang mga kaibigan. Bigyang importansiya ang kanilang pinapakitang malasakit at atensyon sa atin. Kaugnay nito, huwag natin silang babalewalain. Alam natin na nandyan sila para sa atin, pero wag nating sagarin ang pinapakita nilang kabutihan at pagmamabuting-loob. Tsaka, hindi dapat sarili lang ang iniisip sa pagkakaibigan. Ika nga ng isang malapit na kaibigan, dapat two-way process ito. Tandaang maaaring sa pagkasayang at pagkawala napupunta ang pagkakaibigang hindi nasusuklian ng tama.
  6. Di na tayo dapat umaasa pa masyado sa ating mga magulang, lalo na kung tayo ay tapos na ng pag-aaral at may sarili ng trabaho. Hindi ba nga’t kaya nila tayo pinag-aral ay para makapagtrabaho tayo’t suportahan natin ang ating mga sarili? Matutuwa silang makita ito mula sa atin. Mas matutuwa sila kung sa kanila’y tutulong tayo.
  7. Madaling tumakbo ang oras. Akala nating marami pa tayong oras para gawin ang iba’t-ibang bagay pero magugulat na lamang tayo na wala na ang oras ng kahapon. At dahil d’yan, nalaman kong dapat habang maaga’y hubugin na natin ang ating mga pangarap, mithiin at hangarin sa buhay. Di pa naman huli ang lahat kung tayo ay matanda na lalo na kung tayo naman ay masipag. Pero tandaan na daig ng maagap ang masipag.
  8. Di dapat minamadali ang pag-ibig. Pero di rin dapat nagiging kampante lamang na kusa itong darating.
  9. Suklian ang pagtingin na binibigay sa atin ng isang natatanging tao sa ating buhay. Yan ay kung di pa naman tayo namamagitan sa paraang espesyal sa ibang tao. Minsan kasi, pag di natutumbasan ng tama ang pagtingin ay mayroon at mayroong masasakatan. Baka masira pa ang pagkakaibigan.
  10. Bilangin ang mga biyaya, gaano man kalaki o kaliit ang mga ito. Malalaman natin kung gaano tayo pinagpala.
  11. Iba-iba ang pag-uugali ng mga tao. Mayroong kakatuwaan mo, mayroon din namang ayos lang kahit di mo na muling makita o makasalamuha. Hehe. Pero di naman ibig sabihin nitong wala na tayong tsansang magbago dahil habang may panahon at pagkakataon, may pag-asa pa.
  12. Mahalin at maging mabuti sa mga bata. Ang pagpapakita sa kanila ng pagmamahal at kabutihan ay makakatulong sa paghubog ng kagandahang asal. Sa paglaki nila natin makikita na may mga epekto ang ginagawa natin sa kanila.
  13. Magtipid sa mga bagay na kaya mong tipirin para sa iyong sarili. Gumawa ng paraan upang makatipid. Wag mo nga lamang titipirin ang ibang tao, lalo na ang mga malalapit sa iyo.
  14. Laging bigyan ng kaukulang pagmamahal, paggalang, pag-aalala at pag-aalaga ang ating mga magulang. Isipin ang mga paghihirap, pagtitiyaga at pagmamahal na ibinigay nila sa atin mapalaki lamang tayo ng maayos at maganda.
  15. Mahirap paghintayin ang pag-ibig. Marunong maghintay ang puso, pero nakakainip din naman ang matagal at walang katarungang paghihintay.
  16. Dapat mahalin ang pamilya anuman ang mangyari. Sinu-sino pa ba ang magtutulungan pag dumating ang panahon ng taggipit o taghirap? Nandyan din naman ang ating mga kaibigan, pero palaging nandyan ang pamilya.
  17. Lahat ng tao ay tumatanda. Parang kailan lang nung nasa lansangan ako’t nakikipaglaro ng teks o kaya holen sa mga kaibigan kong bata noon. Ngayon, ako ay isa ng ganap na speech and language pathologist. Sa pagtanda ng tao, kailangang siguraduhin natin na marami tayong natututunan at subuking magamit ang mga ito para sa ating ikabubuti.
  18. Wag iasa sa bahala na ang hinaharap. Tandaang kaya nating baguhin ang kapalaran natin. Tayo ay mayroong pag-iisip. Tayo ay may katawang ating nagagalaw. Gamitin natin sila sa ikabubuti ng ating sarili.
  19. Makinig sa mga matatanda. Iba ang pang-unawa nila sa mga bagay-bagay kumpara sa atin. At malaki ang tsansang napagdaanan na nila ang mga napagdaanan natin kaya alam na alam na nila ang kanilang mga sinasabi sa kanilang mga payo.
  20. Mag-impok. Daig palagi ng taong may maihuhugot sa bulsa ang taong laging butas ang bulsa.
  21. Bawat bata ay natatangi. Kailangan nila ng tamang pag-aaruga at pagkalinga. Ang mga batang tinatawag na special children ay hindi naiiba sa ibang mga bata sapagkat kailangan din nila ng tamang pag-aaruga at pagkalinga. Higit man sa kung anong nakasanayan ang pag-aarugang kailangang ibigay sa kanila, ang mga ito naman ay tiyak na matutumbasan. Ayon sa ilang mga magulang ng aking mga estudyante, katumbas na ito ng di maipaliwanag na pagmamahal na pinapakita ng kanilang mga anak sa kanila.
  22. Marapat na lubusin natin ang ating oras dito sa mundo. Hindi maganda ang lagi na lamang na pagtanggi sa mga pagkakataong mas makikilala natin ang ibang tao, mas makakapunta tayo sa ibang lugar at mas makakaranas tayo ng mga bagay na di pa natin nararanasan. Mag-iingat nga lamang palagi at pakatandaan ang mga responsibilidad natin tuwing kukunin natin ang mga oportunidad na nabanggit. Tulad na lamang ng sinasabi ko madalas sa bunso kong kapatid: “Never lose sight of your goals.”
  23. Mabuting maging makatao at makabansa, pero pinakamagandang maging maka-Diyos. Gawin nating sentro ng ating buhay ang Panginoon at tiyak na tayo ay pagpapalain. Sa totoo lang, mahirap itong gawin lalo na kung nahahati sa iba’t-ibang bagay ang ating oras. Pero payo ng nga ng aking papa noon, humanap palagi ng panahon para sa Kanya. Pakatandaan natin ang mga Banal na Salitang ito mula sa Kawikaan 3: 5-6: Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya’y alalahanin upang ika’y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
  24. Maiging pumili ng mabuti ng kursong kukunin sa kolehiyo. Mahirap madismaya pagkatapos magtapos at gumawa ng trabahong di natin gusto. Ika nga ni Confucius, pumili tayo ng trabahong mahal natin at di na natin kakailanganin pang magtrabaho ni isang araw sa buhay.
  25. Mahalagang-mahalaga ang edukasyon sa buhay ng tao. Laging sinasabi sa aming magkakapatid ng aming mga magulang na mag-aral kami ng mabuti sapagkat edukasyon ang yamang hinding-hindi mananakaw sa amin. Bukod sa dala-dala natin ito hanggang pagtanda, hahangaan tayo at ating mga magulang ng lahat sapagkat hindi biro ang mag-aral at magpaaral. Tiyaga, sipag at pagsisikap ang pinuhunan natin kasama na rin ng dugo, luha at pawis natin at ng ating mga magulang.

Isang punto sa kaalaman

Ang pakikipag-usap at pakikipagdiskusyon sa iba’t-ibang tao ay isang paraan upang maipaalala sa ating hindi ibig sabihing may alam na tayo ay alam na natin ang lahat. Kung iisipin mong mabuti, sa paraang ito mo malalamang kung mayroong mga taong mas kaunti ang nalalaman sa atin, may mga tao rin namang mas may nalalaman sa atin.

Kaalaman din man ang aking paksa ngayon, nais kong ibahagi itong kasabihang ito sa Ingles: “The more you know, the more you know that you don’t know.” Kung marami ka raw nalalaman, mas malalaman mong wala kang nalalaman. Ang gandang kasabihan, diba? Maganda kasi ito ay nagsasabi ng katotohanan. May kilala ka bang tao na lahat ay alam? Wala. Kung mayroon mang nagsasabi na alam niya ang lahat, siya ay nagsisinungaling nang tahasan.

Di naman nangangahulugang hihinto na tayo sa pag-alam ng iba’t-ibang bagay kung alam nating may mas nakakaalam sa atin. Bagkus, dapat pa itong magsilbing tanda na tayo dapat ay hindi hihinto sa pagtaguyod ng kaalaman. Pag may bagay na di klaro sa atin, gawin nating klaro sa pamamagitan ng pagtatanong at pagtutuklas sa bagay na iyon. Pag may hindi tayo nalalaman, subukan nating alamin.

Nang di napag-iiwanan, alamin mo kasi.