Fallen 44

Fallen 44 (picture courtesy of ABS-CBN)

Halos isang buwan na mula nang mangyari ang kahindik-hindik na pagpaslang sa magigiting nating mga pulis na miyembro ng Special Action Force (SAF) group sa Maguindanao na binansagan ng media na Mamasapano clash. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin gaanong malinaw kung ano ang mga nangyari noong araw na iyon. Pag-usapan natin ang nangyari at kung ano o sino ang dapat managot sa nakalulungkot na pangyayari.

Ano ang SAF?

SAF

Ayon sa artikulong ito mula sa website ng Philippine National Police, ang PNP Special Action Force (PNP-SAF) ay ang natatanging lupon ng kapulisan na binuo upang kalabanin ang mga terorista, rebelde at organized crime group na naghahasik ng lagim sa bansa. Dahil tinatawag silang rapid deployment force, ginagamit sila upang supilin ang mga masasamang loob saan man at kailan man sa Pilipinas.

Ang vision ng grupo ay ang sumusunod:

“We envision SAF as a highly motivated, highly disciplined and specially trained unit armed with the most modern equipment that technology can provide and working in active partnership with the community living up to the virtues: Maka-Diyos, Maka-Bayan, Maka-Tao at Maka-Kalikasan.”

Ang mission naman nila ay ang sumusunod:

“To conduct special operations as a rapid deployment force in the country specifically in the areas of counter-terrorism, hostage rescue, commando-type unconventional warfare, search and rescue operations and national civil disturbance control in times of calamities, disasters and national emergencies.”

Kailan at bakit sila binuo?

SAFLOGO

Noong dekada 80, maraming grupo ang nais magpabagsak sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos. Ang iilan sa mga ito ay ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na noo’y pinangungunahan ni Nur Misurari at ang Communist Part of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA). Ang kaguluhang ginagawa noon ng mga nasabing grupo ang nagtulak sa Philippine Constabulary (isa sa apat na service commands ng Armed Forces of the Philippines dati bago sila isinama sa PNP) na bumuo ng espesyal na lupon upang supilin ang mga ito. Mayo 12, 1983 nang mabuo ang grupo na sinasabing ideya ng dating AFP Vice Chief of Staff Lieutenant General Fidel V. Ramos (na magiging pangulo noong dekada 90) kasama ng kantang Chief of Operations na si Renato De Villa.

Ano ang ginagawa ng SAF sa Maguindanao ng mga panahong iyon?

Ayon sa ulat na ito ng ABS-CBN, dalawang linggo bago ang Mamasapano Clash ay nakipagpulong diumano ang pangulo ng bansa na si Noynoy Aquino pati na ang noo’y suspended na PNP Chief na si Alan Purisima sa mga opisyal ng SAF (kasama na rito ang dating PNP-SAF Chief Getulio Napenas) tungkol sa operasyon na tinawag nilang Oplan Exodus. Ang operasyong ito ay isa lamang sa mga napakaraming naiplanong operasyon sa mga lumipas na taon upang tugisin ang kilalang teroristang si Zulkifli Abdhir o mas kilala sa bansag na Marwan na maraming taon na ring pinaghahanap sa buong mundo. May mga ulat umano na tinatago ang nasabing terorista ng mga grupong MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (o BIFF, isang pangkat ng MILF na humiwalay sa grupo dahil salungat sila sa kasalukuyang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at MILF) at Abu Sayyaf. Gaya ng nasabi kanina, maraming operasyon na ang naiplano noon ngunit hindi naisagawa o hindi ipinagpatuloy sa maraming kadahilanan. Pero noong Enero ng taong kasalukuyan ay isinagawa ang operasyon upang tugisin si Marwan na nagresulta nga sa pagkakapatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force.

Ano ang sinasabing nangyari noong araw na iyon?

Ayon sa balita, 3 pangkat ng SAF ang pumasok sa baryo ng Tukanalipao, sa Maguindanao, Mindanao madaling araw noong Enero 25 upang dakpin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman. Pinasok umano ng SAF ang bahay kung saan itinuturong naroon si Marwan ngunit dahil sila ay pinaputukan, sila ay lumaban hanggang sa mapatay ang terorista. Hindi umano alam ng MILF at BIFF na may mga SAF sa lugar kaya nang marinig nila ang putukan, sila rin ay nagpaputok ng armas. Ang resulta ay ang tinatawag natin ngayong Mamasapano Clash na dahilan kung bakit nasawi ang 44 na miyembro ng SAF pati na umano’y 350 miyembro ng mga teroristang grupo.

Fallen 44 (courtesy of GMA News)

Sino ang may pananagutan sa mga pangyayari?

noynoy

Inaako ni Napenas ang nangyari, ngunit tama bang siya lang ang umako ng responsibilidad na ito? Hindi ba’t may kasalanan at pananagutan din ang ibang grupo lalo na ang mga sumupil at kumitil sa buhay ng mga miyembro ng SAF? Bakit binibigyan ng proteksyon ng MILF si Marwan, na isang kilalang terorista sa buong mundo? Ibig sabihin ba na ganun ang ginawa (at marahil, patuloy na ginagawa) ay mga terorista rin sila? Kasama rin daw sa operasyon ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika. Ibig sabihin, malaking operasyon talaga ang naganap. Hindi lamang gobyerno ng Pilipinas ang nakakaalam kundi ang makapangyarihang bansa ng Amerika. May pananagutan din ba sila sa pangyayari?

Kung aalamin natin ang mga detalye, sinasabing umabot ng maraming oras ang putukan sa pagitan ng SAF at MILF. Bakit hindi agad nagpatawag ng ceasefire? O kung nagpatawag man ng ceasefire, bakit hindi agad huminto ang mga miyembro ng MILF? Bukod pa diyan, kung ilang oras na palang nakikipagbakbakan ang SAF sa MILF, bakit hindi tumulong ang AFP at iba pang miyembro ng SAF? Ano o sino ang pumigil sa kanila? Hindi naman siguro ganun kalakas ang MILF para katakutan nila o kayabang ang kanilang mga pinuno upang maging kumpiyansa sa ipinadala nilang tatlong pangkat ng SAF. Marami tayong katanungan hanggang ngayon na sana ay mabigyan ng linaw sa madaling panahon lalo na’t galit pa rin tayong mga Pilipino sa nangyari. Pero ang isang pinakanakakapag-init sa damdamin ng mga Pilipino lalo na ang mga kamag-anak ng mga namatayan ay ang paghuhugas ng kamay ng tinuturing na ama ng bansa.

HULING SALITA

Ang pangulo ng Pilipinas ang siyang commander-in-chief kaya dapat ay akuin ng anak nina Ninoy at Cory Aquino ang responsibilidad sa pagkakapatay ng 44 na miyembro ng SAF. Alam niya ang operasyon at may kakayahan sana siya upang pigilan, tulungan o iligtas ang mga pulis natin na nandoon noon sa Mamasapano. Ngunit, ano ang kanyang ginawa? WALA. Maging sa kanyang mga talumpati ay ibinibida niya ang kanyang sarili at pamilya na kung tutuusin ay walang kinalaman sa insidente at kung mayroon man ay napakainsensitibo at walang kaemosyon-emosyon para sa mga namatayan ang dating. Natatandaan n’yo pa ba nung inunan nya ang pagbubukas ng isang car shop kaysa salubungin ang mga bangkay ng mga bayani nating Fallen 44? Doon pa lang ay malalaman mo na kung ano ang karakter ng pangulong ito. Nito lamang nagdaang Miyerkules, Pebrero 18, ay nakipagkita siya sa mga kamag-anak ng Fallen 44. Tsansa na sana niyang bumawi o kaya ipakita man lang sa mga tao ang kanyang pakikidalamhati. Ngunit ano ang bumandila pangkatapos ng pangyayaring iyon? Pagkabastos at pagkahambog  ng pangulong piniling iboto ng nakararaming Pilipino noong 2010. Hindi tuloy nakapagtataka ngayon na maraming grupo ang gustong magpatalsik sa kanya sa pwesto. Sa araw na ito, Pebrero 22, ay inaasahang maraming magpuprotesta laban sa kanya.

Noynoy, hindi kita inaasahang bababa sa pwesto mo lalo na’t ayaw ko ring si Binay ang pumalit sa’yo. Pero sana, pakinggan mo itong payo ko at hindi ng payo ng umano’y corrupt mong kaibigang nangingialam pa rin kahit suspendido na na si Alan Purisima. Tumingin ka sa salamin at pagmasdan mo ng mabuti ang makikita mo. Natatakot ka ba? Oo, dapat matakot ka. Matakot ka sa sarili mo at sa mga pinaggagagawa mo.

Advertisements

FIFA World Cup

FIFA World Cup Logo

Bukambibig ng marami sa ngayon ang tinataguriang isa sa mga pinakasikat na paligsahan sa mundo, ang FIFA World Cup. Sa paligsahang ito ay nagsasama-sama ang pinakamagagaling na koponan mula sa iba’t-ibang bansa sa mundo sa larangan ng football.

Ano ang Football?

Ang footballay tumutukoy sa maraming bilang ng sports na mayroong pagsisipa sa bola at pagkakapuntos sa pamamagitan ng pagpasok dito upang magkamit ng goal. Ang pinakapopular na variation ng football ay tinatawag na association football, na tinatawag lang din na football o soccer.

Ano ang World Cup

Ang World Cup o FIFA World Cup ay isang internasyonal na kumpetisyon para sa football na pinasisinaya ng Federation Internationale de Football Association (FIFA). Nagsimula ito noong taong 1930, at isinasagawa ang kampeonato bawat apat na taon. (Mula noong nagsimula, dalawang beses itong di ginanap, noong mga taong 1942 at 1946, dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig). Ang kasalukayang kampeon ng World Cup ay ang Espanya sapagkat sila ang nagwagi noong 2010 sa South Africa. Sila nga lamang ay tanggal na sa kampeonato pagkatapos magkamit ng dalawang beses na pagkatalo noong unang round pa lamang ng mga labanan.

Sinasabing ang World Cup ang pinakapopular na sporting event sa buong mundo. Daig pa nito ang Summer Olympics at Winter Olympics base sa dami ng mga manonood sa telebisyon at internet.

Qualification Phase- Ito ang ginagamit na batayan para matukoy kung aling mga koponan ang makalulusot at matatanggap sa kampeonato ng World Cup. Isinasagawa ito sa unang tatlong taon pagkatapos ng taon ng kampeonato.

World Cup Finals– Ang 32 koponang nakalusot sa qualification phase ay aabante para paglabanan ang pagiging kampeon ng World Cup. Magtutunggali ang mga koponan na ito sa loob ng isang buwan hanggang malaman kung alin sa kanila ang magiging bagong FIFA World Cup champion.

Croatia vs. Brazil

Croatia vs. Brazil

2014 World Cup

Kasalukuyang isinasagawa ang World Cup sa Brazil, isa sa mga bansang pinakamagaling sa sports ng football. Tinatayang limang beses na silang nagkampeon dito, pinakamarami sa lahat ng bansang sumasali kada apat na taon.

Ibinabalitang gumastos at patuloy na gumagastos ang Brazil ng $14 bilyon upang mapaghandaan ang World Cup ngayong taon. Ito ay tinutulugsa ng maraming kababayan ng nasabing bansa, sapagkat imbes dawn a ilaan ang napakalaking halaga na ito sa ibang aspeto ng bansa na talagang nangangailangan ng pondo ay sa isang palakasan ito inilaan na tatagal lamang ng isang buwan.

Ang walong (8) koponang nalalabi sa World Cup Finals ay ang mga sumusunod:

  • France
  • Brazil
  • Argentina
  • Netherlands
  • Germany
  • Columbia
  • Belgium
  • Costa Rica

Lionel Messi

Paborito ng marami ang mga koponan na Argetina, Germany, Brazil, Mexico at United States (bagamat natanggal na ang Mexico at United States). Napanood ko na kung paano maglaro ang Argentina, at naipamalas nila ang magaling na pagpapasa-pasa ng bola upang magkamit ng punto pati na rin pagsanggalang sa bolang sinisipa ng kalaban. Magaling si Lionel Messi, isa sa mga pinakapopular na manlalaro ng football. Nais ko ring mapanood sa mga darating na linggo kung paano maglaro ang ibang mga nabanggit kong koponan upang makita kung paano nila laruin ang isang sports na talagang inaabangan ng marami. Sayang lamang at di nakasama ang sarili nating Philippine Azkals dahil natalo sila noong qualification rounds sa Maldives. Di tuloy tayo makasuporta para sa sarili nating bansa. Buti na lamang at may iba pang magagaling na koponan na talagang hahangaan.

Ikaw, anong koponan ang paborito mo?

Sang-ayon ka ba sa Tatlong Araw lang na Pasok sa Eskwela?

DepEd (mula sa philstar.com)

Isang linggo na ang nakakaraan nang unang marinig ang balita tungkol sa panukalang gawing 3 araw na lamang ang pasukan sa ibang mga pampublikong eskwelahan. Sang-ayon ka ba rito o hindi?

Mayo 28, 2014 unang lumabas ang balitang maaaring gawing tatlong araw ang pasukan sa ibang eskwelahan sa Metro Manila pag sobrang dami ng mga estudyante ang magsipasukan. Ito ang isa sa mga naisipang paraan ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) ukol na rin sa padami ng padaming mag-aaaral na pumapasok sa eskwela at kakulangan ng mga kwarto na pinagdarausan ng mga klase sa mga bata. Ibig sabihin umano nito, isang batch ng mga estudyante ang papasok tuwing Lunes hanggang Miyerkules at ang isa pang batch ay tuwing Huwebes hanggang Sabado. Sinasabi naman ng DepEd na kailangan pa ring kumpletuhin ng mga mag-aaral ang hindi babawas sa 180 na pasok sa eskwela kahit pa ipanukala ang 3-araw na pagpasok sa bawat linggo. Kakailangan din umano ng istriktong pagmu-monitor para matiyak na naukakakuha pa rin ng magandang edukasyon ang mga bata.

Eskwela (mula sa philstar.com)

Isa sa mga problemang kinahaharap ng gobyerno ay ang sobrang dami ng mga mag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan. (Ang larawan ay kuha mula sa philstar.com)

Kung ako ang tatanungin…

Maayos na solusyon man ang naisip na panukalang ito ng DepEd , hindi ito ang pinakamagandang solusyon. Imbes na panandaliang sagot kasi sa suliranin ang isipin, bakit hindi umisip at gumawa ng solusyong pangmatagalan? Bakit hindi magpagawa ng mga gusaling dagdag sa mga paaralan? Gawing maigting ang pagpaplano at maganda ang pagpapagawa nito upang bawat espasyo ay magagamit ng wasto. Bakit hindi rin taasan ang sahod ng mga magigiting nating guro upang mas galingan nila ang kanilang ginagawa at para na rin mas marami ang mahikayat sa pagtuturo? Hindi magiging mukhang pera ang labas nila kundi tamang kompensasyon lamang sa lahat ng ginagawa nila para sa kanilang mga estudyante.

Baka bigla mong tanungin, saan hahanap ng budget? Sa laki ng perang nakukolekta sa buwis at pati na budget na inilalaan sa ibang mga bagay na hindi naman kasinghalaga ng edukasyon, mayroong pagkukunan ng budget kung tutuusin! Ano pang pwedeng gawin? Pigilin ang korupsyon. Hiyain ang dawit dito sa publiko para matuto sila at para na rin matakot ang mga nagbabalak na gumawa pa nito. Imbes na nagagamit para sa lahat ang pera ng bayan e walanghiyang ginagamit pala sa pansarili ng ibang mga walangkwentang opisyal na nasa pwesto kaya edukasyon at iba pang sektor ng lipunan ang naaapektuhan tuloy.

Kaya kung gusto talaga ng gobyernong ito ni Aquino na maiba naman ang problemang kinakaharap taun-taon sa sektor ng edukasyon at magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga batang magpapalakad ng bayan sa hinaharap, gawin nila ang tama at nararapat.

Ang Huling Balita

Ayon sa bali-balita, hindi na itutuloy ng DepEd ang panukala sa ngayon. Hindi pa raw tapos ang kanilang pag-aaral tungkol dito kaya ibang paraan na lang muna ang kanilang gagawin para solusyunan ang problema sa edukasyon. Isa sa mga ito ang tinatawag na student transfer kung saan ang sobra-sobrang mag-aaaral sa isang eskwela ay ipupunta araw-araw sa isa pang eskwelahan kung saan sila tuturuan at ibabalik uli sa eskwelang kanilang pinanggalingan sa pamamagitan ng mga van ng DepEd.

Eleksyon 2013

Eleksyon 2013

Sa darating na Lunes, Mayo 13, 2013, ay araw na naman ng eleksyon. Magpupunta ang mga dati nang bumoboto kasama ng mga bagong botante sa kani-kanilang presinto upang iboto ang mga kandidato na gusto nilang maluklok sa gobyerno. Midterm election ang tawag sa magaganap na eleksyon sapagkat nasa kalagitnaan pa lamang ang panahong ito sa termino ng kasalukuyang presidente. Napakaimportante ng mangyayaring eleksyon sapagkat ito ay sumisimbolo na buhay ang demokrasya sa bansa.

Ano ba ang eleksyon? Ayon sa Brittanica Encyclopedia, ang eleksyon ay isang pormal na proseso ng pagpili ng tao sa pampublikong pangangasiwa (public office) o ng pagtanggap o pagtanggi sa isang politikal na proposisyon sa pamamagitan ng pagboto. Isa ang Pilipinas sa mga bansang nagsasagawa ng prosesong ito upang magluklok ng mga mamamayan sa pwesto.

Sa darating na halalan, boboto ang mamamayan ng mga sumusunod:

  • Labindalawang (12) senador (senators)
  • Isang (1) party list
  • Isang (1) kongresista
  • Isang (1) gobernador (governor; para sa mga nasa probinsiya)
  • Isang (1) bise gobernador (vice governor; para sa mga nasa probinsiya)
  • Provincial board members [ang bilang nito ay  depende sa lugar ng pagbobotohan; para sa amin sa San Jose del Monte, Bulacan, tatlo (3) ang kailangan]
  • Isang (1) alkalde (mayor)
  • Isang (1) bise alkalde (vice mayor)
  • Konsehal [councilor; ang bilang ng konsehal na ibuboto ay depende rin sa lugar ng pagbobotohan; sa amin dito sa San Jose del Monte, anim (6) ang kailangan]

May napili ka na bang mga kandidatong iboboto? Kung wala pa, ayos lang yan. Pag-isipan mo muna ng maigi ang mga gusto mong iluklok sa kapangyarihan. Pero bago yan, alamin mo munang maigi kung ano ba ang tungkulin ng mga tatakbuhan nilang posisyon. Kailangang malaman ng lahat na ang pinakanatatanging kapangyarihan ng mga kongresista at senador ay gumawa ng mga pambansang batas na huhubog sa bawat aksyon at desisyon ng mga mamamayan. Kailangan din nating malaman na ang alkalde ang pinakaresponsable sa pangangasiwa ng mga proyekto, regulasyon at iba pang bagay na ikauunlad ng kanyang nasasakupang munisipalidad o siyudad. Ang gobernador naman ay ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaang probinsiyal.

Sunod mong gawin, kilalanin ang mga tumatakbo sa iba’t-ibang pwesto ng gobyerno. Tandaan ha. Wag lamang babase sa popularidad. Bumase sa kakayahan. Wag babase sa kung kaninong mataas na opisyal nakadikit ang pangalan. Bumase sa track record. Higit sa lahat, bumase ayon sa galing mamuno at taos sa pusong paglilingkod.

Sa mga naisipan at nagdesisyong tumakbo ngayong eleksyon, heto ang para sa inyo: Hindi pwede yung literal na uupo lamang kayo at walang gagawing aksyon habang nasa pwesto. Mahalaga ang inyong katungkulan at dahil pinili ninyong tumakbo, maigi lamang na hangarin namin ang matalinong pagpapasya at pagpaplano ukol sa mga bagay na magpapabuti sa amin, pati na rin ang mabilisan pero wastong aksyon sa lahat ng panahon. Ayaw naming magrireklamo kayo tungkol sa inyong tungkulin. Pinili ninyong magsilbi kaya dapat unahin ninyo ang iba kaysa sa sarili ninyo. Mahiya kayo kung hindi iyan ang nasa isip at puso ninyo. Buhay at kinabukasan ng mamamayan ang nakataya sa inyong magiging mga desisyon at aksyon.

Sabah

Mainit-init na balita ngayon ang nangyayaring stand-off sa Lahad Datu, Malaysia (parte ng Sabah) gawa ng mga kababayan nating Muslim na nagpunta run bilang protesta sa nangyaring peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Libreation Front (MILF) noong Oktubre ng nakaraang taon. Anila, initsapwera ang sultanato nila sa Mindanao gayung pag-aari nila ang marami sa lupaing ibibigay umano sa MILF alinsunod na rin sa nasabing kasunduang pangkapayapaan. Di man lang daw sila kinunsulta tungkol dito, gayung sila umano ang talagang may-ari ng mga lupain. Isa na sa kanilang inaangking lupa ay ang Sabah na matagal na ring sinasabing pag-aari talaga ng Pilipinas.

Nasaan ang Sabah?

Mapa ng Sabah (courtesy of rappler.com)

Mapa ng Sabah (courtesy of rappler.com)

Ang Sabah ay isa sa 13 member states ng bansang Malaysia. Matatagpuan ito sa pinakamataas na bahagi ng Borneo, ang islang napakalapit sa Pilipinas, lalo na sa bandang Palawan at Sulu. Tingnan nyo ang mapa nang mas maintindihan nyo ang pagsasalarawan na sinabi ko.

Ano ang kasaysayan sa likod ng pag-angkin natin sa Sabah?

Ayon sa isang artikulo ng GMA News, ang sultanato ng Brunei ang talagang may kontrol sa Borneo (kung saan napapaloob ang Sabah) at ilang bahagi ng Sulu noon pa mang ika-14 na siglo. Noong Hunyo 1658, ibinigay umano ni Sultan Abdul Hakkul Mubin ng Brunei ang parte ng Sabah kay Sultan Salah-ud Din Karamat Bakhtiar ng Sulu dahil sa ginawang pagtulong ng huli sa giyerang nilahukan ng sultanato ng Brunei. Naging opisyal namang pag-aari ng sultanato ng Sulu ang Sabah noong 1673 matapos itong kumpirmahin ni Brunei Sultan Bongsu Muhyuddin. Noong ika-18 at ika-19 na siglo ay pinarentahan ng sultanato ng Sulu ang Sabah sa ilang kumpanya ng Britanya. Nang dumating ang ika-20 siglo ay gusto na muling angkinin ng ating mga kababayang Muslim ang kanilang teritoryo ngunit hindi ito naging madali sapagkat nagkaroon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig; naging kolonya ng Britanya ang North Borneo, kung saan bahagi ang Sabah (1946); at naging parte ng iisang bansang tinawag na Malaysia ang Sabah kasama ng Malaya, Sarawak at Singapore (1963). Ang pinakakontrobersyal na hakbangin noon ng mga Pilipino ay ang tinatawag na Operation Merdeka kung saan halos 200 Tausug at Samang Muslim na 18 hanggang 30 ang gulang ay kinuha at inensayo sa Simunul, Tawi-tawi. Ang commando unit na ito ay tinawag na Jabidah. Disyembre 30, 1967 nang pinasakay sa Philippine Navy Vessel patungong Corregidor ang Jabidah upang sumailalim sa special training. Nagkaroon nga lamang ng aberya nang malaman ng mga nabanggit na trainee na nasa plano ang pagsagupa nila sa mga kapatid nilang Muslim din na nasa Sabah. Marso 18, 1968 nang mangyari ang tinatawag na Jabidah Massacre, kung saan ang mga trainee ay pinaulanan ng bala sa di tiyak na kadahilanan. Mula nang mangyari ang insidente, di na muling uminit pa ang usaping Sabah hanggang nangyari nga ang stand-off nitong nagdaang linggo.

Sino ba talaga ang nagmamay-ari sa Sabah?

Philippines or Malaysia?

Di natin matitiyak yan, pero base sa mga naibalita ay talagang pag-aari ng mga kababayan nating Muslim ang Sabah. Bukod diyan, hanggang ngayon daw kasi ay binabayaran sila ng Malaysia sa ginawa nilang pagpapaupa rito mula pa noon. Maiisip mo nga, bakit nagbabayad pa rin hanggang ngayon ang mga Malay kung di nila binibigyang halaga ang naging usapan higit isang siglo na ang nakakaraan, hindi ba?

Huling Salita

Napakaraming taon nang usapin ang pag-angkin ng bansang Pilipinas sa Sabah. Kung sakaling tulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga kapatid nating Muslim na nandoon ngayon upang mabawi ang lupang sarilling atin talaga, magiging handa ba tayo sa mga maidudulot nito? Magiging atin ang lupa pero ang mga taong nakatira rito’y Malay (taong tawag sa mga taga-Malaysia) na ang turing sa kanilang mga sarili. Hindi sila papayag sa ganun sapagkat identidad na nila ang nakataya roon. Bukod dyan, di basta-basta papayag ang gobyerno ng Malaysia na maangkin nating muli ang Sabah. Marami silang nakukuhang yaman at pinagkukunang-yaman dito na pinakabukod-tangi’y ang mga mamamayan nila na nakatira roon.

Sa madaling salita, hindi tayo handa. Kaya di na kataka-takang ayaw sumuporta ng gobyerno sa isinasagawang protesta roon ngayon.

San Pedro Calungsod

Oktubre 21, 2012 – Espesyal ang araw na ito para sa buong Simbahang Katoliko. Ngayong araw kasi ay pitong panibagong mga santo ang idineklara sa Vatican City. Isa sa mga bagong santo ay isang Pilipino. Siya’y walang iba kundi si San Pedro Calungsod, ang ikalawa nating Pilipinong santo kasunod ni San Lorenzo Ruiz.

Sino si San Pedro Calungsod?

Ayon sa isang website na nagbibigay impormasyon at nagtataguyod ng debosyon para kay San Pedro Calungsod, siya ay isang binatilyong katekista ng mga Heswita noong ika-17 siglo (1600s).

Ayon sa Wikipedia (na kumuha ng impormasyon mula sa saints.sqpn.com, vatican.va at newsaints.faithweb.com), sinasabing pinanganak si San Pedro noong taong 1654 sa Visayas. Maaari umanong nag-aral siya sa isang eskwelahang pag-aari ng mga Heswita (isang orden ng Simbahang Katoliko) kung saan siya natuto ng katesismo at pagsasalita ng Espanyol. Noong siya ay 14 na taong gulang, isa siya sa mga napiling katekista upang samahan ang mga Heswita sa kanilang ebanghelikal na misyon sa Mariana Islands.

Maraming pagsubok na hinarap sina San Pedro at kanyang mga kasamahan. Ilan na sa mga ito ang masusukal na gubat at matataas na bundok ng Mariana Islands. Isama na rin ang palagiang pagbagyo rito. Higit sa lahat, matinding pagsubok ang tangka sa kanilang mga buhay sapagkat sila ay nagpapalaganap ng paniniwalang bago sa mga taong kanilang nakasalamuha roon.

Taong 1672 nang mamatay si San Pedro. Nasa Guam sila noon upang magpalaganap ng salita ng Diyos sa mga Chamorro (ang tawag sa mga tao roon). Itinuturong isang Tsino na nagngangalang Choco ang umano’y naging dahilan upang masira ang pangalan ng mga Heswita at kanilang mga kasamang katekista. Noong Abril 2, 1672 ay napadpad si San Pedro at ang kanyang kasamahang pari na si Blessed Diego Luis de San Vitores sa Tumon, Guam. Nang malaman nilang kakapanganak lamang ng asawa ni Mata’pang, ang pinuno ng lugar na iyon, nagpunta agad sila upang mabinyagan ang sanggol. Ngunit dahil naniwala si Mata’pang sa mga ikinalat ng nabanggit na Tsino ay hindi nya sila pinayagan. Sa pagpupursigi nina San Pedro ay lalong nagalit si Mata’pang, at sa kanyang pagkagalit ay napasigaw siya na galit siya sa Diyos at ayaw na n’ya sa mga itinuturo ng mga Kristiyano. Tinawag ni Mata’pang ang isang katutubong nagngangalang Hirao upang magpatulong sa kanyang maitim na plano. Nang malaman ni Mata’pang na bininyagan ang kanyang anak habang siya ay wala, mas lalo siyang nagalit. Binato ni Mata’pang ng sibat si San Pedro at ang huli’y tinamaan sa dibdib. Habang nakasalampak sa lapag si San Pedro ay pinatay siya ni Hirao sa pamamagitan ng paghiwa ng machete sa kanyang ulo. Sumunod nilang pinatay si B. San Vitores.

Sinu-sino pa ang mga idineklarang santo ngayong araw?

Ayon sa ulat na ito ng Yahoo!, ang iba pang mga idineklarang santo ay sina:

  1. Kateri Ketakwitha– Siya ang unang Native American na naging santo.
  2. Maria Anne Cope– Siya ay isang madreng Fransiscan na tumulong sa mga taong may ketong sa Hawaii.
  3. Jacques Berthieu– Kagaya ni San Pedro, siya ay isang martir dahil pinatay siya ng mga katutubo ng Madagascar.
  4. Maria Schaeffer– Siya nagpalaganap ng Mabuting Salita ng Diyos sa iba’t-ibang lugar ng Alemanya.
  5. Giovanni Battista Pamiarta– Siya ay tumulong sa kabataan noong panahong ng Industrial Revolution at nagtatag ng isang relihiyosong kongregasyon.
  6. Maria del Carmen– Siya ay isang madreng Espanyol na nagtatag din ng sarili niyang kongregasyon. Sinasabing itinaguyod n’ya ang mga karapatan ng mga mahihirap na kababaihan noong kanyang kapanahunan.

Mga punto sa pangyayari ngayong araw:

Katoliko ka man o hindi ay matutuwa ka na isa na namang Pilipino ang idineklarang santo ng Simbahang Katoliko. Isa itong patunay na ang mga Pilipino ay maka-Diyos at hindi lamang relihiyoso. Mahabang proseso ang pinagdadaanan bago ideklarang santo ang isang tao kaya ang pagkakaluklok kay San Pedro sa lugar ng mga banal ay isang malaking karangalan.

Yun lang, hindi natin dapat kalimutan kung bakit tayo nagdiriwang.

Hindi tayo nagdiriwang upang sambahin ang mga taong idineklarang mga santo. Nagdiriwang tayo sapagkat may mga bagong santo na naman tayong pwede nating gawing huwaran sa ating mithiing mamuhay ng banal at modelo sa pagsunod sa Panginoon nating Diyos.

Isaw at Laman

Isa sa mga pinakainaabangan kong kainin tuwing Miyerkules o Sabado ng hapon ay ang masarap na isaw at laman ng baboy na malapit sa pinapasukan namin ng isang mabuting kaibigan. Bakit ba napakahilig nating mga Pinoy sa mga pagkaing nabibili sa kalsada? Ang sabi nila, dahil daw sa talagang kakaiba nitong sarap. Mapamayaman, mapa-middle class at mapamahirap ay natatakam sa simple’t mura pero masarap na pagkaing Pinoy na tinatawag nating street food.

Ano ang street food?

Madaling saguting yan sapagkat sa pangalan pa lang ay may ideya na tayo kung ano ito. Street food ang tawag sa mga pagkaing nabibili sa kalsada o iba pang pampublikong lugar tulad ng palengke. Alam mo ba, ayon sa Food and Agriculture Organization of the United Nations, halos 2.5 bilyong tao katao ang kumakain ng street food bawat araw? Sa atin dito sa Pilipinas, ang ibang tao’y kumakain ng street food pang-meryenda, habang ang iba’y ginagawa na rin itong ulam sa kanin tuwing tanghali o gabi. May ibang medyo nagtitipid kaya ginagawa na itong pantawid-gutom habang ang iba’y gusto lamang matikman ang kakaibang sarap na nabibigay nito. Anuman ang sabihin ng mga tao tungkol sa pagkain ng street food, di maitatatwa na ang talagang nag-uudyok sa ating bumili nito ay ang mura nitong presyo sa kabila ng pagiging talagang masarap nito.

Anu-ano ang alam n’yong mga street food?

Mula pa noong ako’y isang maliit na bata pa lamang ay popular na ang fish balls. Ito lang yata ang street food na parehas pa rin ang presyo ngayon sa presyo nito dati. Biruin mo, sa singkwenta sentimos ay matitikman mo na ang isang pagkaing nabuo mula sapinaghalong arina at kung anong parte ng isda kasama pa ang sarsa o suka? Nandyan din ang kikiam na sinasabi nilang pinaghalong giniling ng baboy at gulay. Naaalala kong mas uso noong dekada-90 ang malalaking kikiam. Ngayon, uso pa rin naman sila pero mas tila mas mabenta ang mga maliit na bersyon nito ngayon. Mayroon ding tinatawag na squid balls. Di hamak na mas masarap ito kaysa sa fish balls at kitang-kita yan sa pagkakaiba ng kanilang presyo nila. Kung may fish balls at squid balls, syempre, mayroon ding chicken balls. Hindi nga lang kasing sarap ng mga nauna ang pagkaing ito.

Paborito ko rin noon ang sorbetes o ang tinatawag na dirty ice cream. Pag naririnig namin ng mga kapatid at mga pinsan ko ang tunog ng maliit na kampana ng sorbetero ay dali-dali kaming manghihingi ng barya sa aming mga magulang at lalabas para bumili. Di rin pahuhuli ang taho, isang matubig-tubig na pagkaing gawa sa soya na hinaluan ng arnibal at maliliit na sago. Popular pa rin ang mga ito hanggang ngayon.

Dati na ring nauso ang tinatawag na kwek-kwek, toknene o tokneneng (itlog ng pugo na binalutan ng arinang kulay kahel). Masarap ito pero sabi nila ay ma-cholesterol. Mas marami raw kasing cholesterol ang itlog ng pugo sa itlog ng manok. Dito sa amin sa Bulacan ay nauso rin ang tinatawag na veggie balls, pero sa pagkakaalam ko’y isang gulay lamang ang ginagamit dito, ang kalabasa, at ito’y hinahaluan ng arina. Masarap ito at maaari na rin nating sabihing masustansiya.

Noong bata ako ay nakagiliwan kong kumain ng banana cue, camote cue at turon. Bakit naman hindi, ang isa sa mga lola ko ay palaging nagluluto ng mga ito sa hapon. Busog na busog kami sa mga pagkaing iyan bawat hapon noon.

 

Ang mais din ay mabentang pagkain sa kalsada noon hanggang ngayon. Pero ang talagang paborito ko ay yung tinanggal na mais na nakababad sa sabaw nito’t may halong butter at cheese powder. Iniisip ko pa lamang ay talagang natatakam na ako.

Noong nag-kolehiyo ako ay nauso naman ang pagbi-benta ng calamares. Napakasarap nito sapagkat ang pira-pirasong pusit ay binubudbod sa arina na may halong panlasa at ipiniprito sa kumukulong mantika. Mapapatakam ka lalo sa suka na ginagawang sawsawan rito.

Pag dumating ang gabi’y mabenta ang balot at penoy. Balot ang tawag sa nilagang itlog ng itik na naglalaman ng sisiw na 18 araw ang gulang. Penoy naman ang tawag sa nilagang itlog ng itik na hindi nabuo ang sisiw. Nahilig din ako sa mga pagkaing ito noon lalo’t madalas nag-uuwi ang mga magulang naming nito pagkagaling sa trabaho, pero ngayon ay minsan na lamang kami bumili. Kung interesado kayong malaman ang iba pang detalye sa dalawang pagkain na ito’y basahin ninyo ito.

 

Hindi syempre pahuhuli ang kasalukuyang kinagigiliwan namin ng kaibigan ko na barbecue na binibenta sa mga kalsada. Nandyan ang isaw manok, isaw baboy, balunbalunan, betamax (dugo ng manok), tenga, adidas (paa ng manok) at ang malinamnam na laman. Masarap man ang mga ‘yan pag naririnig mo pa lang ang kanilang mga madugong pangalan, ang totoo’y di pare-parehas ang kanilang lasa. Nasa paghahanda ng mga tindero’t-tindera ang magiging resulta ng kasarapan nila. Maswerte kami ng kaibigan ko dahil masasarap ang tinitinda sa aming mga barbecue ng mga tinderong binibilhan namin.

Ilan pa sa nakikita natin sa ngayong pagkaing inilalako sa kalsada ay ang masarap na mani (kung saan daw ako pinaglihi); malamig at matamis na ice candy na kinahiligan din naming gawin at ibenta noon (may mga bata naman na talagang bumibili, hehe); ice scramble, ang pink na yelong ginadgad at hinaluan ng gatas at chocolate syrup; samalamig, matamis na inuming hinahaluan ng sago’t gulaman na naging kontrobersyal ilang taon na ang nakararaan dahil sa ginagamitan daw ito ng magic sugar (na umano’y nakaka-cancer); maruya, mga saging na hinaluan ng arina bago iprito; at mangga at singkamas na binibenta sa kalsada na hinahaluan ng bagoong. Ahm, nakakatakam!

May iba pa ba kayong alam na street food?

Pag-iingat sa pagkain ng mga street food

Hindi masamang kumain ng pagkain na nabibili sa kalsada. Pagkain ang mga ito na pwedeng pampatawid-gutom anumang oras. Kailangan nga lamang nating tandaan ang pag-iingat palagi sa pagkain ng mga ito sapagkat isa sa pinakaniri-reklamo sa mga street food ay ang kanilang pagiging marumi.

Ilang beses nang naglabas ng babala ang iba’t-ibang kagawaran tulad ng Kagawaran ng Kalusugan at Kagawaran ng Agham at Teknolohiya tungkol sa pagkain ng mga street food. Sinasabi nilang maaaring magdulot ng iba’t-ibang sakit ang pagkain nitotulad ng hepatitis, gastroenteritis at typhoid fever.

Para sa akin, walang masamang kumain ng mga street food basta alam nating malinis itong naihahanda at sapat ang pagkakaluto nito. Paano ba natin matitiyak na malinis nga ang paghahanda sa mga ito? Ang sabi ng gobyerno, basta ang tindero’t tindera ay may lisensya sa pagbibenta, tiyak na malinis ang pagkakagawa sa mga ito. Pero paano kung hindi sila lisensyado, tulad ng libu-libong nagbibenta sa mga kalsada ng buong Pilipinas? Mahirap sagutin yan sapagkat di naman natin nakikita kung paano nila hinahanda ang mga binibenta nila. Isang basehan na lamang ng iba’y pag marami ang bumibili at matagal-tagal na ang nagtitinda ng mga street food ay pasado na ito. Pero opinyon lang iyan. Maaari n’yong sunduin, maaari ring hindi.

Kung tutuusin, isa rin palang pakikipagsapalaran ang pagbili at pagkain ng mga street food. Iisipin mo ang sarap na maaaring madulot ng pagkain nito kahit na di mo talaga tiyak kung sarap lang ba o pati sakit ang maidudulot nito sa’yo. Gayunpaman, ang sabi ng iba, kung nais mong makipagsapalaran ay lubus-lubusin mo na. Hindi mo naman malalaman kung hindi mo talaga susubukan, hindi ba?