Hari ng Noontime

Sa Pebrero 6, 2012 ay ipapalabas na ang panibagong noontime show ng ABS-CBN, ang “It’s Showtime.” Dalawang taong namayagpag ang “Showtime” (kung saan hango ang bagong “It’s Showtime”) sa oras nito sa umaga at dahil hindi kinayang tapatan ng mga programang “Pilipinas, Win na Win” at “Happy, Yipee, Yehey!” ang “Eat Bulaga,” ito marahil ang naisip ipangtapat ng Dos sa tinaguriang hari ng noontime.

Kung dati na kayong nanonood ng “Eat Bulaga!,” marahil ay alam n’yo na ang lahat ng mga sasabihin ko tungkol sa palabas na ito dito. Kung hindi pa, ipagpatuloy ang inyong pagbabasa.

Ang “Eat Bulaga!” ay ang pinakamahabang variety show sa kasayasayan ng Pilipinas. Una itong umere noong Hulyo 30, 1979 sa numero unong network noon, ang RPN-9. Una nitong hosts ay ang mga pinakamatagumpay na komedyante noong mga panahong iyon, sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, kasama na sina Chicqui Hollman at Richie D’ Horsie. Nang maibenta ang RPN-9 noong 1989, lumipat ang “Eat… Bulaga!” kasama ang ibang programa na pag-aari ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE, Inc.) tulad ng “Okey Ka, Fairy Ko!” at “Coney Reyes on Camera” papuntang ABS-CBN 2. Itong panahon na ito ko nakamulatan ang “Eat… Bulaga!” Nakatutok palagi ang aming pamilya sa mga pakulo nila tuwing tanghali, lalo na ang “Bulagaan,” kung saan nauso ang ‘Knock! Knock! Who’s there?’ sa masang Pilipino at “Little Miss Philippines,” kung saan naman nauso sa ‘Pinas na mga batang babae ang beauty queen kasama ng kanilang mga eskorte na kalimiting niloloko ng mga host ng programa. Nitong mga panahong ding ito ko nakilala hindi lamang ang TVJ, kung hindi pati na sina Aiza Seguerra, Ruby Rodriguez, Jimmy Santos, at marami pang iba na talaga namang nakakatuwang panoorin. Kaya laking gulat ko na lamang nang lumipat sila sa GMA-7 noong 1995. Oo, bata pa lamang ako ay talagang Kapamilya na ako, pero hindi ito naging hadlang para di ko panoorin ang Eat Bulaga. Nakatulong din noon na ito ang palabas na tinututukan ng lola at lolo ko sa bahay nila tuwing nagbabakasyon ako sa kanila pag summer. Minsan din, nililipat ko ang channel para mapanood sila kung may pagkakataon kaya di ko naman gaanong na-miss itong palabas.

Sa dami ng bumangga sa Eat Bulaga, isa lang ang muntikan nang nagpatumba rito. Ang palabas na tinutukoy kong muntik nang maging hari ng noontime ay walang iba kung hindi ang “Wowowee” ni Willie Revillame noong nasa ABS-CBN pa siya. Nagsimula noong Feb. 5, 2005, “Wowowee” ang palabas na nagpauso ng “Hep-hep Hooray,” “Biga-10” at “Willie of Fortune.” Kwela ang mga pakulo ng “Wowowee” kaya marami ang tumutok hanggang sa madalas na nilang natatalo ang “Eat Bulaga!” sa television ratings o ang mga datos na tinitingnan ng mga advertiser para malaman kung aling programa ang tinututukan o hindi. Sa aking palagay, ang segment nilang Willie of Fortune ang talagang tinututukan ng masa noon. Dito kasi sa parteng ito ng programa ibinabahagi ng mga tao ang personal nilang mga kwento, kaya di maiiwasang makadama tulad ng nadarama ng mga kalahok ang mga manonood. Ang pagka-ayaw ko tuloy noon kay Willie ay nawala. Pero, babalik din pala ang pagkaayaw ko sa kanya dahil naputol ang magandang relasyon niya at ng ABS-CBN. Maraming dahilan ang ibinalita noon pero ang pinakatumatak sa mga tao ay ang dahilang pambabastos ni Revillame sa network na nagbigay sa kanya ng pagkakataong sumikat at yumaman. Pagkatapos tuloy ng 5 taong pag-ere ng “Wowowee,” isa na s’ya sa mga pinakakinaiinisan ng marami. Pero sino o ano ang pinakanakinabang sa pangyayaring iyon? Walang iba kung hindi ang “Eat Bulaga” dahil balik na naman sila sa pamamayagpag nang walang patumangga.

Ngayong tatapatan na ng isang paboritong palabas na araw-araw nagpapaindak sa mga manonood at nagpauso ng mga katagang “madlang people,” “unkabogable,” at iba pang mga katagang nauuso ang isa ng institusyon sa noontime, ano ang magwawagi? Ang bago bang kinahihiligan ng marami lalo na ang mga nakababatang populasyon o ang lumang tinibay na ng panahon? Ating malalaman ‘yan pag sabay nang umere ang “It’s Showtime” at “Eat… Bulaga!” sa Lunes. Gayunman, anuman sa kanila ang lumabas na magwawagi sa paghikayat ng manonood, ang talaga pa ring panalo nito ay ang mismong mga tagapanood dahil tiyak na pagbubutihin ng dalawang programa ang mga ihahanda nilang pakulo at palabas sa tanghali.

Advertisements

Isang punto sa kaalaman

Ang pakikipag-usap at pakikipagdiskusyon sa iba’t-ibang tao ay isang paraan upang maipaalala sa ating hindi ibig sabihing may alam na tayo ay alam na natin ang lahat. Kung iisipin mong mabuti, sa paraang ito mo malalamang kung mayroong mga taong mas kaunti ang nalalaman sa atin, may mga tao rin namang mas may nalalaman sa atin.

Kaalaman din man ang aking paksa ngayon, nais kong ibahagi itong kasabihang ito sa Ingles: “The more you know, the more you know that you don’t know.” Kung marami ka raw nalalaman, mas malalaman mong wala kang nalalaman. Ang gandang kasabihan, diba? Maganda kasi ito ay nagsasabi ng katotohanan. May kilala ka bang tao na lahat ay alam? Wala. Kung mayroon mang nagsasabi na alam niya ang lahat, siya ay nagsisinungaling nang tahasan.

Di naman nangangahulugang hihinto na tayo sa pag-alam ng iba’t-ibang bagay kung alam nating may mas nakakaalam sa atin. Bagkus, dapat pa itong magsilbing tanda na tayo dapat ay hindi hihinto sa pagtaguyod ng kaalaman. Pag may bagay na di klaro sa atin, gawin nating klaro sa pamamagitan ng pagtatanong at pagtutuklas sa bagay na iyon. Pag may hindi tayo nalalaman, subukan nating alamin.

Nang di napag-iiwanan, alamin mo kasi.

Feng Shui at Horoscope: Dapat bang paniwalaan?



Taun-taon na lamang ay parang dalawang pagdiriwang ng bagong taon ang ipinagdiriwang ng mga Pilipino, lalo na yung mga kababayan nating Filipino-Chinese. Ang una ay tuwing Enero 1, ang unang araw sa Kalendaryong Gregoryano, at ang ikalawa naman ay ang unang araw sa tradisyunal na Kalendaryong Tsino. Ang pamilya namin, kahit walng dugong Tsino sa aking pagkakaalam, ay nakikidiwang ng Chinese New Year kahit na sa pamamagitan lamang ng paghahanda ng mga potahe, gayundin ang paggayak ng mga prutas na bilog. Tiyak kong hindi lamang kami ang gumagawa ng ganito dahil marami sa aking mga kakilala ang hindi lamang naghahanda, kundi pati na rin nagpapakunsulta sa feng shui at nagpapahula. Sa totoo lang, isa ito sa mga kaugaliang Pinoy na di talaga gaanong naiintindihan. Salungat ba ang ginagawa ng mga Pilipinong paghahanda sa pamamagitan ng feng shui at pagpapaniwala sa horoscope tuwing magba-bagong taon sa pananampalataya natin sa Diyos?

Mahirap sagutin ang tanong na iyan sapagkat napakaraming tao ang tiyak na may kanya-kanyang mga dahilan kung bakit nila ginagawa ang mga ganitong bagay. Ganunpaman, subukan pa rin nating alamin kung anong posibleng kasagutan sa aking katanungan.

Ano ba ang feng shui? Ayon sa wikipedia, ito ay isang sistemang dibinasyon kung saan pinaniniwalaang gumagamit ng batas ng langit (Chinese astronomy) at lupa upang matulungang mapabuti ang buhay ng tao sa pagtanggap ng positibong enerhiya. Ilang libong taon na itong gamit, at bago maimbento ang magnetic compass (na madalas ginagamit sa sistemang ito), ang pag-aaral sa mga bituin at iba pang bagay na makikita sa kalangitan ang umano’y ginamit para bigyang korelasyon ang kalawakan at ang tao.

Ano naman ang horoscope? Ayon sa Diksyunaryong Merriam-Webster, ito rin daw ay isang astrolohikal na prediksyon, o isang  pamamaraang dibinasyong tumitingin sa impluwensiya diumano ng mga galaw at posisyon ng mga bituin at planeta sa kalakaran ng mga tao. Maaari ring sabihin na interpretasyon ito ng mga taong pinag-aralan ang iba’t-ibang aspeto ng mga bagay sa langit ayon pa sa wikipedia.

Pero ano naman ang sinasabi sa Bibliya, ang sagradong libro ng mga Kristiyano? Ayon sa Bibliya, ipinag-uutos ng Diyos na wala tayong ibang dapat sambahin kundi Siya lamang. Di natin sinasabi na pag naniniwala tayo sa feng shui o horoscope ay di na tayo sumasamba sa Diyos. Ang malinaw lamang ay iisang Diyos lamang ang dapat nating sinasamba. Di man umaabot sa pagsamba ang ginagawa ng tao sa pagsunod sa feng shui at horoscope (o sa iba pang bagay na tinuturing na superstitious), maigi pa ring iwaksi ang kaugaliang ito upang hindi umabot sa pagkalito sa ating pananampalataya. Sabi nga sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko:

Idolatry and superstition are real temptations today. Enticements such as wealth, honor, success, power, sex, drugs, nation, race are sometimes pursued  with such single-minded enthusiasm that they themselves become the objects of worship in place of God (cf CCC 2110-14). More serious are forms of magic, sorcery, witchcraft, satanism, astrology, fortune-telling, and all ways of seeking to manipulate events for self-interest, or discover hidden knowledge by means alien to God (cf CCC 2115-17).

May sariling kalooban (free will) man ang tao para sa gusto n’yang paniwalaan, kung tayo ay mga Kristiyano, Katoliko man o hindi, ay Diyos dapat ang inuuna sa lahat. Kung sumasagabal sa ating pagsunod sa kagustuhan ng Diyos ang mga nabanggit, kinakailangang baguhin natin ang ating asal ukol dito.

Panghuli: May mga utos ang Diyos na dapat nating sundin nang di tayo maligaw ng landas. May mga batas ang tao na dapat din nating sundin nang magkaroon ng kaayusan ang lipunan. May mga paniniwala naman tulad ng feng shui at horoscope na di dapat sineryoso, lalo na’t di natin sila lubos na naiintindihan. Gabay man sila o hindi, hindi dapat sila sinasamba at hindi dapat sa kanila umaasa. Sabi ni Zenaida Seva, “Hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang sila. Meron tayong free will, gamitin natin ito.” Ang sasabihin ko naman, “Gamitin hindi lamang ang sariling kalooban (free will) pati na rin ang katuwiran (reason) na parehong pinagkaloob ng Diyos. Tiyak na di magbabago ang ating mga buhay kung patuloy tayong naniniwala sa iba’t-ibang bagay nang di natin binabago ang ating mga pamamaraan at mga pag-uugali.”

No to SOPA and PIPA!


Enero 18, 2012, Miyerkules, nang pansamantalang tumigil sa operasyon ang Wikipedia, ang ika-5 pinakapinupuntahang website ng mga tao. Di alintana sa atin na kadalasang Wikipedia ang pinupuntahan ng mga tao para may maisagot sa kani-kanilang takdang aralin, pandagdag impormasyon sa isang proyekto, pampuno ng isang sanaysay tungkol sa isang paksa, at kung anu-ano pa. Kaya sa araw na iyon, maraming tao ang naapektuhan pati na nagtaka kung anong dahilan ng pagtigil nito pansamantala. Ang mga dahilan: SOPA at PIPA.

Ano ba ang mga ito? Ayon sa techopedia.com, ang Stop Online Piracy Act (o SOPA) ay isang panukalang batas na ipinasa noong Oktubre 2011 sa Amerika na naglalayong bigyang karapatan ang kanilang law enforcement pati na ang copyright holders (o iyong mga may-ari ng orihinal na gawa, ideya o kaalaman na itinuturing na may halaga) para labanan ang paglabag sa intelektwal na pag-aari (intellectual property) pati na rin ang paglaganap ng mga pekeng produkto. Ang Protect Intellectual Property Act (o PIPA) naman, ayon din sa nabanggit na website, ay isang batas na isinulong noong Mayo 2011 na naglalayong pigilan ang paglabag sa online copyright sa pamamagitan ng paghintulot sa kanilang Kagawaran ng Hustisya pati na rin ang copyright holders na pigilan ang pagdaan at pagpunta ng mga tao sa mga website na pinaghihinalaang nagtataglay ng mga nilalamang lumabag sa copyright laws, kasama na ang mga popular na social networking website.

Kung iintindihing mabuti ang layunin ng mga nabanggit na batas, mabuti ang kanilang hangarin sapagkat mapu-protektahan ang intelektwal na pag-aari ng mga tao. Di naman na bagong balita sa atin na naghahari ang mga pirata sa pagbabahagi ng musika, palabas sa telebisyon at maging pelikula sa internet. Nais ng dalawang batas na nabanggit na ihinto ang ganitong kalakaran sapagkat naaapektuhan ang mga taong naghirap at nagtrabaho para sa mga nabanggit na gawa. Kung gayun palang para sa ikapu-protekta ito ng mga gawa ng tao laban sa di patas na pagbabahagi ng mga ito sa buong mundo, bakit umaalma di lang ang Wikipedia kundi pati na rin ang malalaking website tulad ng Facebook, Twitter, Youtube, Yahoo at Google?

Ayon kasi sa mga lumabas na balita, ang mga batas na ito ay banta sa kalayaang magpahayag at libreng paggamit sa internet. At dahil sa mga bantang ito, maaapektuhan di lamang ang mga nabanggit na websites kundi ang marami pang iba na naglalaman ng iba’t-ibang impormasyon na maaaring lumalabag din sa SOPA at PIPA. Paano? Ayon sa pagkakaintindi ko sa mga artikulong nabasa ko ukol dito, kung sakaling maipasa ang mga batas na ito ay kakailanganing bantayan o i-monitor ng mga may hawak sa websites ang lahat ng impormasyong dumaraan sa mga ito para matiyak na sila ay sumusunod sa tamang pagbabahagi ng anumang nilalaman (content). Sa totoo lang, sa dami ng impormasyong lumalabas at binabahagi sa iba’t-ibang websites, imposible itong gawin lalo na sa websites na maliliit lamang o kaya naman iyong mga tinatawag na non-profit tulad na lamang ng Wikipedia.

Sabihin na nating ipinanukala ang mga batas na ito upang bigyang proteksyon ang mga intelektwal na pag-aari ng mga tao. Pero, hindi ba’t hindi naman tama kung gagawin nila ito sa pamamagitan ng pagtapak sa karapatan ng iba? Oo nga’t mali ang ginagawa sa kanila pero tama bang isaayos ito sa pamamagitan ng isa pang mali? Hindi, dahil hindi naman maitatama ng mali ang isa pang mali.

Ano kaya ang pwede nilang gawin para maisaayos ang mga gusto na ito? Siguro, kailangang rebisahin ang mga batas na ito. Dinggin nila ang sasabihin ng mga pinakamaaapektuhan kung sakaling maipatupad na ang mga ito tulad ng mga tao sa website development industry at lalo na ang mga tao na tumatangkilik sa internet.

Bilang huling salita ukol sa usaping ito, ano ba ang pakialam natin sa isyu na ito tungkol sa SOPA at PIPA? Malaki dapat dahil ikaw at ako ay gumagamit ng internet. Naging bahagi na ng buhay natin ang madalas na paglalagay ng status update sa Facebook, pagti-tweet  sa Twitter, paminsan-minsang pagnood sa Youtube at pag-alam sa iba’t–ibang bagay sa pamamagitan ng Wikipedia. Kung magiging ganap na batas ang mga ito, di na tayo makakagamit ng mga website tulad ng pagkakagamit natin sa kanila ngayon. Yun ay kung magagamit pa nga natin talaga sila pag napatupad na ang SOPA/ PIPA. Ang tiyak lamang ay lubos silang maaapektuhan. At dahil dito, tiyak na maaapektuhan din tayo.

Kung kaya nila, kaya mo rin!

This slideshow requires JavaScript.

Masugid ka bang manonood ng American Idol? Kung gayon, hindi lang ngayon mo nalaman na palabas na kanina ang napaka-popular na programa hindi lang sa Amerika, kundi pati na rin sa napakaraming bansa tulad ng Pilipinas.

Bakit kaya mahilig ang marami sa mga patimpalak sa telebisyon, lalo na iyong mga may kantahan at sayawan? Tama’t nakakaaliw makinig sa mga kumakanta at manood ng mga magagaling igiling ang katawan, pero sapat na bang dahilan iyon para tutukan ng mga tao ang ganitong mga programa? Sa halip, sasabihin ng iba na oo dahil sa hirap ng buhay, ang mga ganitong palabas na lang ang inaasahan nila para malibang. Nakakalibang nga naman kung nakakakita ka ng iba’t-ibang tao na magagaling sa iba’t-ibang larangan. Pero ang isa pang sinasabing dahilan kung bakit pinapanood ang mga palabas na ito’y dahil gusto ng tao ng inspirasyon.

Nai-inspire ang manonood kapag nakakanood sila ng kapwa tao na nakakagawa ng isang bagay na kahanga-hanga.  At marami sa mga manonood na ito ay talagang tinututukan ang mga mada-dramang kwento sa buhay ng mga kalahok. Hindi ka ba nagtataka kung bakit laging hinahaluan ang ganitong mga palabas ng mga kwentong nakakaiyak at nakakalungkot? Minsan pa nga, pati mga kwentong pumupukaw ng pagkaawa ay pinapalabas na nila. Ginagawa nila ito para makiisa ang manonood sa damdamin ng kalahok, lalo na’t malamang sa malamang ay naramdaman na nila ang ganoon. Kaya lalo tuloy sumusubaybay ang manonood dahil gusto nilang magtagumpay ang gusto nilang kalahok.

Ang kwento ng tagumpay: ito ang talagang nagbibigay-gana sa manonood na tutukan ang ganitong mga palabas. Ayaw ninuman ang matalo, at gusto ng mga tao ang mga nananalo. Ang kwento ng tagumpay ay nagbibigay inspirasyon, kaya’t ito ang madalas na ibinibenta ng mga nasa likod ng ganitong mga palabas sa mga manonood. Kung iisipin, mabuti namang bagay ito dahil kung nagpapakita ng repleksyon sa sarili mong buhay ang tinatahak ng mga taong nagtatagumpay sa ganitong mga palabas (maliban na lamang sa ninanais na mithiin), gaganahan kang humarap sa mga pagsubok para makamtan ang iyong mga pangarap. Kumbaga, iisipin mong kung kaya nila, kaya mo rin.

Tutok ka man o hindi sa American Idol at maging sa mga palabas na tulad nito gaya ng Showtime, Talentadong Pinoy, Pilipinas Got Talent at Pinoy Junior Masterchef, ang mahalagang isipin ay di sana nagtatapos sa pagiging inspirado lang ang pagnood natin sa ganitong mga palabas. Kakailanganing mag-isip mabuti kung paano mo maisasakatuparan ang mga gusto mong makamtan. At syempre, wag kakalimutang gawin ang mga plano mong ito. Kung di man kasing bilis ang pag-abot sa minimithi tulad ng pagsikat ni Jovit Baldivino at Angeline Quinto (mga nanalo sa patimpalak sa telebisyon), siguradong pupunta ka rin doon.

“Ako Budoy”


Ang titulo sa itaas ay ang sikat na linya mula sa kontrobersyal na palabas ngayon- “Budoy.” Kahapon, Enero 16, nang inilathala ang artikulong, Is Budoy sending the wrong signals? sa pahagayang Manila Bulletin. Tinuligsa ng nasabing artikulo ang palabas na ito ng ABS-CBN tungkol sa isang special child o child with special needs (CSN) na ginagampanan ng aktor na si Gerald Anderson. Sinabi ni Angelo G. Garcia, may-akda ng artikulo, na maganda ang intensyon ng palabas upang turuan ang mga manonood tungkol sa karapatan ng mga CSN sa tamang edukasyon at pagtanggap mula sa lipunan. Kung tutuusin, sa umpisa pa lamang ay tinawag na itong “advocacy serye” dahil umano’y ninanais ng mga tao sa likod ng programa na bigyan ng kamalayan ang mga tao na may mga batang tulad nila na nangangailangan ng ating tulong at pang-unawa. Ngunit di inasahan ng mga tao na ang palabas na may maganda sanang mithiin ay namamali ang mensaheng naibibigay sa mga manonood.

Ako ay isang speech pathologist at marami sa aking mga tinuturuan ay mga special child.  Sa halos araw-araw na nakakasalamuha ko sila at ang kanilang mga kapamilya, ang paksang ito ay malapit sa aking puso. Naiintindihan ko kung bakit magandang malaman ng mga tao ang tungkol sa kanila. Kahit hindi na umabot sa pagmamahal, basta nariyan ang pang-unawa, pag-intindi at pagtanggap sa kanila ay sapat nang mga dahilan. Kung pagbabasehan ang mga unang linggo ng pagpapalabas ng “Budoy,” masasabi nating ang kanilang ginawa ay di matatawaran. Sila kasi ay nagbigay-daan para mapanood ng maraming tao ang kalimitang nararanasan ng isang special child sa pamilya man, eskwelahan o lipunan.

Kung gayun pala, ano ang nangyari?

Sabi ng may-akda, nagsimula ito nang “gumaling” si Budoy nang maaksidente siya. Pero para sa akin, nagsimula na ito mula nung pinapakita na bata pa lamang siya. Sa panonood ko ng palabas nung unang dalawang linggo nito (at paminsan-minsan na lamang nung mga sumunod), nalaman kong bata pa lamang ay na-disgnose na si Budoy na may kondisyon siyang tinatawag na Angelman syndrome. Ang ginawa ng kanyang pamilya, itinago siya para raw protektahan ang kanilang pangalan. Nang mamatay ang kanyang tagapangalaga nang di inaasahan, inampon siya ng naging kasambahay ng namayapang tagapangalaga. Subalit, kahit na alam ng pamilya o maging ng umampon sa kanya na may kakaiba siyang kondisyon, hindi lubos na pinakita o bigyang-diin man lang na kailangan niyang tumanggap ng mga serbisyong tulad ng special education, speech therapy at occupational therapy. Dito pa lamang ay makikita nang may mali, dahil paglaki ni Budoy ay mataas na ang pinakapakitang skills na meron siya, gayung walang sapat na interbensyon ang nangyari noong siya ay bata-bata pa.

Nung dumating na sa puntong malaki na ang pinagbago ni Budoy na halos di na siya makilala sa dating siya, maraming manonood na ang umalma. Bago pa man mangyari pagbabagong ito, matagal na akong bumitiw sa araw-araw na panonood dahil ang istoryang pinapakita sa palabas ay di na kapani-paniwala. Ang reyalidad sanang kwento ni Budoy ay naging pantasya bigla. Nawala ang pokus sa tunay na karakter at napunta na lamang sa ideyal na karakter ng bida. Sa puntong ito natin talaga masasabing tama si Angelo G. Garcia sa pagsasabing mali na ang binibigay na kamalayan sa mga taong nanonood sa programa.

Ang tangi kong hiling noon pang nagsisimula ang “Budoy,” sana lahat ng kanilang manunulat ay talagang kumausap ng mga magulang, mga guro at mga therapist na laging nakakasalamuha ng mga batang may espesyal na pangangailangan at hindi yung nag-research lang gamit ang internet o kaya naman umasa lang sa napakamalikhain nilang isip. Di lamang kredibilidad ng palabas kundi pati na ng istasyon ang naaapektuhan kung di na kapani-paniwala ang mga pinakita nilang kwento.

Kung tutuusin, di na bago ang ganitong pangyayari na ang maganda sanang kwento at adhikain ng isang palabas ay nawawala sa pagtagal. Ano kayang mga dahilan? Ang sinasabi ng iba, ratings at PR ng mga artista. Kung matagumpay ang isang programa, papahabain ito ng network. Maganda sana ito sa mga artistang gumaganap para mas mapalawig pa ang kanilang exposure pero sa isang karakter na matuturing na against the type tulad ni Budoy, mahirap itong gawin. Ang naisip siguro nilang solusyon para di masyadong ma-identify ang di tipikal na karakter ni Budoy sa bida nitong si Gerald Anderson, gawing sobrang kaaya-aya na kumpara dati ang karakter niya.

Anumang kahantungan ng usapin tungkol sa “Budoy,” umaasa akong makagawa ng paraan ang mga tao sa likod ng programa para maisaayos ang mga dapat nang naisaayos dati pa. Sayang naman kung tuluyan nang mawawalan ng kredibilidad ang unang “advocacy serye” ng bansa.

Walang Hanggan

 

Simbolo ng Walang Hanggan

Eternity. Infinity. Perpetuity.

Ang mga magagandang salitang Ingles na nabanggit sa itaas ay nangangahulugang walang katapusan o walang hanggan. Tiyak kong sasang-ayon ka na maganda ngang pakinggan ang mga katagang iyan, pero lubos na mas maganda naman ang kanilang kahulugan. Walang patumangga, walang tigil-tigil, tuloy-tuloy hanggang kailanman.

Marami siguro ang mag-iisip na naaayon ngayon ang paksang ito dahil palabas ngayong gabi ang teleserye ng ABS-CBN na may titulong “Walang Hanggan.” Para sa akin, naaayon ang paksang ito kailan man at ang palabas na nabanggit ang nagpaalala lamang na mahalaga itong pag-usapan. Kung aalamin natin ang buod ng palabas, maaaring hulaan ngayon pa lang na ang walang hanggan na tinutukoy nila ay ang pag-ibig ng mga karakter sa kwento, lalo na ang mga ginagampanan nina Richard Gomez at Dawn Zulueta. Hindi mahirap isipin kung bakit sila ang kinuhang mga artista sa palabas na ito. Dati na silang loveteam noong mga panahong wala pa akong muwang sa mundo (o bago pa nga yata ako isinilang) at ngayong ang dami-dami ko nang sinasabi tungkol sa iba’t-ibang bagay, ang tambalan pa rin nila ang kinuha para sa programa. Tila sinasalamin ng pangyayaring ito na walang hanggan ang kanilang tambalan. Teka, may ganoon ba? Walang hanggang loveteam? Pero bago pa ako mawala sa gusto ko talagang itanong, posible bang walang hanggan ang pag-ibig ng mga tao sa isa’t-isa tulad ng hinuhulaang magiging kwento sa nabanggit na programa? Hindi ba nawawala ang pagmamahal ng isang tao sa kanyang minamahal oras na siya ay mamatay? Bakit “Mamahalin kita habambuhay” ang sinasabi ng mga ikinakasal at hindi “Mamahalin kita hanggang sa dulo ng walang hanggan?” Hindi kaya dahil di talaga natin alam kung mapapangatawanan natin ang huling nabanggit na linya?

Hindi man talagang totoo ang walang hanggang pagmamahal ng tao sa isa’t-isa, mayroong isang paniniwala naman ang maraming relihiyon sa mundo na magpapaliwanag tungkol sa mga katagang walang hanggan. Ito ay ang kabilang buhay. Ayon sa paniniwalang ito, hindi nagtatapos ang ating buhay sa mundong ginagalawan natin ngayon. Oo’t magtatapos ang pisikal nating katawan sapagkat ito talaga ay namamatay, pero ang tinatawag na ispiritwal na katawan ay walang hanggan ang buhay. Iyon nga lang, pagtapos ng oras mo sa mundong ito, dalawa lang ang ultimong magiging destinasyon ng kaluluwa mo at mananatili ka roon ng walang hanggan.

Kaluluwa lang ba ang sinasabing walang hanggan? Hindi. Ang Diyos na Siyang Simula at Wakas na Siya ring maygawa ng lahat (kasama na ang kaluluwa) ay walang hanggan. Walang hanggan din ang Kanyang pagmamahal. Kung aalamin natin ang dahilan kung bakit isinugo ng Diyos Ama ang Diyos Anak dito sa mundo mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan, masasabi nating ang pagmamahal Niya ay talagang walang hangganan. Di alintana sa maraming Kristiyano sa buong mundo na si Hesus, ang Diyos Anak, ay nagkatawang-tao at namatay sa krus para tubusin ang pagkakasala ng lahat. Ang parusang dapat tanggapin ng mga tao dahil sa mga bagay na hindi mabuti ay Kanyang inako. Di nararapat sa Kanya ang pagkamatay sa krus, pero dahil sa Kanyang walang hanggang pagmamahal, ito ay kanyang ginawa.

Kaya, wala mang walang hanggang loveteam o walang hanggang pagmamahal ng tao sa isa’t-isa, meron namang walang hanggang pag-ibig ang Diyos para tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.