Dama Mo Ba Ang Kapaskuhan?

Christmas Lights

Christmas decor sa Ayala Fairview Terraces

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi. Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon, nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo, pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi, hindi pa gaano.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang mga himig pang-Pasko sa radyo kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre, humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Sa totoo lang, pakiramdam ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Haha. Noong mas tumanda na ako ng kaunti, mas inaabangan ko na ang mga reunion kasama ng mga kamag-anak namin. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa probinsiya ng Ilocos Sur para bisitahin ang mga kamag-anak namin doon. Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng bakasyon. Free time e!

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo. Haha. Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili (pati na rin sa kapwa syempre).

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa harap natin mismo?

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala (ngayon siguro dahil binabasa mo ito, haha), isipin mo kung para saan ba at ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

Maniwala ka.

image

Advertisements

KSPs Be Like

Liker 6

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 2May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 4Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila, gaano man ito ka-tacky (Sige, i-search mo kung ano ibig sabihin nyan nang makapagkunsulta ka naman ng diksyunaryo. Hehe.). Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha.

Like 3Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.

Kamusta Ka, Kaibigan?

Sarap magkaroon ng kaibigan, ano?

Ay, kulang pala yun.

Masarap magkaroon ng tunay at totoong kaibigan.

Yung tipo ng kaibigan na kilala ka sa kung ano ka o sino ka. Yung tanggap ka ng buong-buo. Yung walang gaanong kondisyon (o minsan pa nga, wala talagang kondisyon). Yung tipong basta ikaw lang, pwede na. Kwentuhan, kantahan, kainan, biruan, lakad-lakad, dramahan (sa iba, haha) at kung anu-ano pa’y pupwedeng gawin mo kasama niya. Masaya ka sa ginagawa n’yo at masaya siya na kasama ka niya. Sa ideyal na mundo, ganyan lagi ang kaibigang ating makikilala.

Fist Bump (taken from kennyruby.com)

Alas, wala tayo sa ideyal na mundo. Sa tunay na buhay, marami tayong tao na makakasama. Marami sa kanila ay ating makakasalamuha at makikilala talaga. Marami ang ating magiging kaibigan. Ang iilan sa mga kaibigan na ito ay magiging tunay at totoo. Ang iba nama’y magiging inspirasyon. Mayroon ding manggagamit lamang.

Sa totoo lang, lahat ng relasyon ay may paggagamitan na nangyayari. Di ba’t sa kalikasan ay may paggagamitan sa paggitan ng mga hayop, halaman at kung anu-ano pang organismo? Nariyan ang komensalismo (kung saan sa pagitan ng dalawa ay may isang nakikinabang habang ang isa ay di naman naaapektuhan), myutwalismo (ang parehong organismo ay nakikinabang), amensalismo (ang isa’y naaapektuhan habang ang isa’y hindi) at parasitismo (ang isa’y nakikinabang habang ang isa’y naaapektuhan). Sa mga tao, parang ganyan din minsan ang nangyayari pero di mga yan ang katawagan. Minsan, pagmamahalan. Minsan, pakikisama. Minsan, pakikitungo ng maayos. Minsan, pang-uuto o panggagantso. Minsan din, pang-aabuso. Pero minsan din naman, pagkakaibigan.

Diyamante ka ba o graba?

Diamond (taken from aetherforce.com)

Manuri tayo ng kakaibiganing tao. Hindi lahat ng mabait ay mabuti. Hindi lahat ng masayang kasama ay masayang kaibiganin. Paranoid ang dating pero wala namang masama sa pagiging mapanuri. Aalamin mo lang naman kung sino mga totoo sa hindi. Mag-obserba ka lang. Tingnan mo mga gawain nila at pakikitungo nila sa’yo. Pakinggan kanilang mga sinasabi. Kung maaari, sa lahat ng pagkakataon. Ang pagkakaibigan naman kasi hindi lang dapat nadarama sa mga kasiyahan at kagalakan ng ating mga buhay. Madalas pa nga itong nadarama pag nasa ibaba tayo ng gulong ng palad. Kaya kung nakakilala ka ng mga totoo at mabubuti talagang mga kaibigan, wag mo na silang pakakawalan. Sila ay mga diyamante sa dagat na puno ng graba.

Mga Dahilan ng Pagkakaibigan

Kung tutuusin, may mga kanya-kanya tayong pakay kung bakit tayo nakikipagkaibigan. Nandyan yung gusto nating may tumanggap sa atin, anuman ang mayroon o wala tayo, kung sinuman tayo sa labas at lalung-lalo na sa loob. Hindi lahat ng tao maiintindihan tayo, kaya kay sarap sa pakiramdam kung may taong talagang makakaintindi at tatanggap sa atin ng buong-buo. Nandyan din yung gusto nating humanap ng kaugali o kaya nama’y kasundo natin. Hindi ba’t masaya kung may taong nakakaalam sa pakiramdam natin sa mga bagay-bagay na gusto o kaya ayaw natin sapagkat nararamdaman din niya ito? Minsan, gusto lang nating may makasama, o kaya makaagapay sa ibinibigay na hamon ng buhay. Minsan din, nais lang nating may makausap at makinig sa atin o magbigay ng payo.

Maaaring sabihin ng iba, di ba’t sinabi ko kanina na may paggagamitan na nangyayari? Oo, tama yun.  Pero iba namang paggamit ang nangyayari: kusa ito at walang masamang intensyon sa pagitan ng magkaibigan. Paggamit pa rin ba ang tawag dun? Hindi, kundi, pagtulong, pagkalinga, o pwede na ring pagmamahal.

Limang Katangian ng Tunay at Totoong Kaibigan

Pinky Promise (from wbez.org)May nabasa akong artikulo sa website na Lifehack tungkol sa mga katangian ng isang tunay at totoong kaibigan. Una sa mga binanggit ng artikulo ay magaling makinig. Yung tipong di lang palaging tungkol sa kanya ang kanyang sinasabi. O kaya pag nagsasalita ka, tipong nakikinig talaga siya at hindi lang yung hinihintay kang matapos sa pagsasalita. Ikalawa, sinsero. Sasabihin ng isang kaibigan ang mali sa iniasal o ginawa mo hindi katulad ng iba na maaaring sabihing ayos lang ang ginawa mo pero sisiraan ka sa ibang tao pag nakatalikod ka. Ikatlong katangian, tatanggapin ka ng kumpleto. Di ka niya susubukang baguhin lalo na kung ayaw mo o di ka kumportable rito. Ikaapat, maaasahan. Walang maraming dahilan. Pag siya ay iyong kailangan, pipilitin niyang ikaw ay damayan sa kung anumang paraan. Ikalima, di mo lang siya nakikita sa mga social networking site. Nakikita, nadarama at nakakapiling mo rin siya. Gagawa siya ng paraan at magbibigay ng oras para talaga magkita at magkausap kayo kahit papaano.

Ikaw, anong klaseng kaibigan ka?