Ano ang Leap Year?

Leap year ngayong 2012. At para sa mga di pa alam kung ano ito, basahin ninyo ang mga sumusunod.

Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang tinatawag na leap year ay ang taon sa kalendaryong Gregorian na mayroong 366 na araw. Higit lang ito ng isang araw kumpara sa isang regular na taon at ang dagdag na araw ay ang Pebrero 29. Dahil dito, ang Pebrero 29 ang tinatawag na leap day. Tuwing apat na taon ang leap year kaya ang susunod na leap year ay ang 2016.

Ano ang dahilan kung bakit mayroon tayong leap year? Ang turo sa atin, mayroong 365 na araw sa loob ng isang taon dahil 365 ang pag-ikot ng mundo (rotation) sa palibot ng araw (revolution). Pero ang hindi alam ng iba, di eksaktong 365 ang pag-ikot ng mundo. Ayon sa Wikipedia, ang isang rebolusyon ng mundo sa paligid ng araw ay binubuo ng 365 araw, 5 oras, 49 minuto at 16 segundo. Kaya di man eksakto, may isang araw na sosobra sa loob ng 4 taon ang ating kalendaryo.

Paanong nagkaroon ng leap day at bakit Pebrero 29 ang dinagdag na araw?

 Ayon sa ulat ng CBC News, ang leap day daw ay ideya ng Roman emperor na si Julius Caesar noong unang siglo B.C. para matugunan ang sobrang oras. Unang ginawang leap day ang Pebrero 24 noong 45 B.C. dahil ito umano ang unang araw pagkatapos ng Terminalia, isang pagdiriwang sa relihiyong Roman na itinuring ng ibang mananaliksik ilang siglo na ang nakakaraan na huling araw ng mga taon dati, at pang-anim na araw mula sa unang araw ng Marso. Sa totoo lang, nakakalito ito dahil ang gamit pang kalendaryo noon ay ibang-iba sa gamit natin ngayon.

Nagkaroon man ng kaunting lunas si Julius Caesar noon, di pa rin daw ito perpekto dahil sosobra pa rin ng isang araw sa loob ng 128 taon. Na-remedyuhan lamang umano ito noong ipinakilala ni Pope Gregory XIII ang Kalendaryong Gregorian noong 1582, kung kailan ginawang leap day ang Pebrero 29.

Anu-anong tradisyon ang ginagawa ng mga tao kapag leap year?

Sa British Isles daw, maaaring mag-alok ng kasal ang mga babae sa lalaki kapag leap year. Kapag tinanggihan ng mga lalaki ang babae na nag-alok, bibigyan umano ng una ang huli ng mga regalo bilang kompensasyon. Sa Greece naman, itinuturing na malas magpakasal sa isang leap year dahil di raw magiging matatag ang pagsasamahan ng mga ikakasal.

Ano ang gagawin ng mga taong ipinanganak ng Pebrero 29? Tuwing apat na taon lang ba sila magdiriwang ng kaarawan nila?

Syempre, hindi. Maaari nilang piliin ang Pebrero 28 o Marso 1 upang magdiwang ng kaarawan. Sila na at ang mga magulang nila ang bahala roon.

Advertisements

Prediksyon sa Oscars 2012

Panahon na naman ngayon para sa mga manonood ng pelikula na huminto, tumingin at manood ng pinakaprestihiyosong pagpaparangal sa mga natatanging pelikula sa buong mundo, ang Academy Awards o Oscars. At panahon na naman ngayon para magkunwari akong tunay na kritiko ng mga pelikula at hulaan ang mga mananalo sa nasabing palabas. Samahan n’yo ako sa paghula sa kung anu-anong pelikula ang magwawagi bukas.

BEST PICTURE. Napanood ko ang lahat ng mga nominado sa kategoryang ito at para sa akin, hindi lahat ay magaling. Di ko nagustuhan ang “Midnight in Paris” ni Woody Allen kaya tanggal na ito. Maganda ang “Extremely Loud and Incredibly Close” at “War Horse” ni Steven Spielberg pero di ako masyadong nagalingan. Isa lamang sa “The Help,” “The Artist,” “Moneyball,” “The Descendants,” “The Tree of Life” at “Hugo” ang hula kong mag-uuwi ng parangal na ito dahil sa kanilang galing at ganda. Gusto ko silang anim pero pinakagusto kong mag-uwi ng parangal ay ang “The Tree of Life” dahil sa napakaganda nitong sinematograpiya, napakagaling na pag-arte at natatanging kwento. Pero di rin masama kung maiuuwi ng mga gusto ko ring “The Artist” at “Hugo” ang parangal.

BEST ACTOR. Napanood ko rin lahat ng mga pelikula ng mga kalahok sa kategoryang ito at para sa akin, ang mananalo ay nasa pagitan lamang nina George Clooney (ng “The Descendants”) at Jean Dujardin (ng “The Artist”). Magaling si Gary Oldman sa “Tinker Tailor Soldier Spy” pero di ko gaanong nagustuhan ang kabuuan ng pelikula n’ya. Napakagaling din ni Brad Bitt sa “Moneyball” kaya lang, mukhang hindi siya ang pinapaborang manalo. Ang isang eksena ni Clooney sa “The Descendants” ay nagpapakitang napakagaling n’ya pero ang pagiging magaling naman sa kabuuan ng pelikula n’ya ang magpapawagi kay Jean Dujardin.

BEST ACTRESS. Tulad ng kategorya sa Pinakamagaling na Aktor, sa tingin ko’y dalawa lamang ang pinagpipilian para manalo sa parangal na ito. Tunay na kahanga-hanga si Meryl Streep sa kanyang pagganap bilang Margaret Thatcher sa “The Iron Lady” habang si Viola Davis naman ay talagang nakakabilib sa kanyang pagganap bilang isang katulong sa “The Help.” Sa huli, gusto kong ibigay ang parangal na ito kay Meryl Streep na halos taon-taon na lamang ay nanu-nomina.

 

BEST SUPPORTING ACTOR. Di na ito kailangang pag-isipan pa. Kahit napakagaling nina Max von Sydow sa “Extremely Loud and Incredible Close” at Nick Nolte sa “Warrior,” si Christopher Plummer ang mag-uuwi nitong parangal sa pagganap n’ya bilang isang lalaking nagladlad lamang ng kanyang tunay na katauhan noong siya’y 75 taong gulang na.

 

 

 

BEST SUPPORTING ACTRESS. Gustung-gusto ko ang pagganap nina Berenice Bejo sa “The Artist” at Jessica Chastain sa “The Help,” pero ang parangal na ito ay natatangi lamang kay Octavia Spencer bilang isang palabang katulong sa “The Help.”

 

 

 

 

BEST DIRECTOR. Gusto kong ibigay ang parangal na ito kay Terrence Malick para sa “The Tree of Life” o kay Martin Scorcese para sa “Hugo” pero tingin ko’y si Michel Hazanavicius ang magwawagi nito para sa “The Artist.”

 

 

 

 

BEST ANIMATED PICTURE FILM. Di ko napanood lahat ng pelikula sa kategoryang ito pero ibibigay ko ang parangal sa napakagaling na “Rango.”

 

 

 

 

 

BEST FOREIGN LANGUAGE FILM. Dalawa lamang sa limang nominado ang napanood ko (“A Separation” ng Iran at “Bullhead” ng Belgium) pero ito’y maiuuwi ng napakagaling na pelikula mula sa Iran.

BEST ORIGINAL SCREENPLAY. Gusto kong ibigay ang parangal na ito sa “A Separation” dahil talaga namang napakaganda ng pagkakahabi ng istorya nito kahit na tila mapupunta ang parangal sa “Midnight in Paris.”

 

BEST ADAPTED SCREENPLAY. Gusto kong maiuwi ng “Moneyball” ang parangal na ito.

 

 

 

 

 

 

BEST ORIGINAL SCORE. Tunay akong namangha sa film score ng “Hugo” at “The Artist” kaya sa palagay ko’y isa sa kanila ang mag-uuwi ng parangal na ito.

 

 

 

 

 

BEST SOUND EDITING. Tila may nagsasabi sa aking makukuha ito ng “Hugo” o kaya ng “War Horse.”

 

 

 

 

 

BEST SOUND MIXING. Hindi ba ito katulad nung Best Sound Editing? Gayunpaman, ang hula kong mag-uuwi ng parangal na ito ay ang “Hugo.”

 

 

 

 

 

BEST ART DIRECTION. Gusto kong maipanalo ito ng “Harry Potter and the Deathly Hallows Part 2” pero di kataka-taka kung manalo man ang “Hugo,” “The Artist” o “War Horse” dito sapagkat lahat sila’y nakakamangha rin sa kategoryang ito.

 

 

 

 

BEST CINEMATOGRAPHY. Sa tingin ko’y para lamang sa “The Tree of Life” ang parangal na ito. Wala ng iba pa.

 

 

 

 

 

BEST MAKE-UP. Kung ibabase ko lamang sa karakter ni Margaret Thatcher ang pagpili sa parangal na ito, tiyak na magwawagi ang “The Iron Lady.”

 

 

 

 

 

BEST COSTUME DESIGN. Wala akong ideya kung gaano kaganda ang mga sinuot na damit o gaano sila kapani-paniwala (base sa istorya) sa “Anonymous,” “W.E.” at “Jane Eyre” pero namangha ako sa kategoryang ito para sa “The Artist” at “Hugo.” Sa huli, tingin ko pa ring mananalo rito ang “Hugo.”

 

 

 

BEST FILM EDITING. Para sa akin, ang “The Artist” ang pinakamagaling sa kategoryang ito.

 

 

 

 

 

BEST VISUAL EFFECTS. Hindi kataka-taka kung bakit ang “Real Steel”, ang “Harry Potter and the Deathly Hallows Part 2”, ang “Transformers: Dark of the Moon,” ang “Hugo” at ang “Rise of the Planet of the Apes” ang mga nominado sa kategoryang ito sa kadahilanang lahat sila ay talaga namang may napakagagaling na visual effects. Di man madaling mamili pero sa tingin ko’y ang “Transformers” ang mananalo nitong parangal.

 

 

Manood tayo ng Academy Awards bukas at alamin kung tatama ba ang mga hula kong mananalo. 🙂

Mahalagang Kasaysayan

Bukas, Pebrero 25, 2012, ang unang anibersaryo ng pagkamatay ng aking lolo (sa ina), si Lolo Ernesto Romero. Ang iba sa inyo ay maaaring ipagdiwang ang anibersaryo ng EDSA Revolution, habang kami naman ng aking pamilya at mga kamag-anak ay magkikita-kita upang ipagdasal ang kaluluwa ng aking namayapang lolo.

Sino ba ang lolo kong si Ernesto Romero? Base sa mga kwento ng aking mama, siya ay isang matapang at istriktong tatay sa kanila ng aking mga tito at tita. Mula naman sa karanasan ko habang nakatira sa bahay nila sa Quezon City tuwing summer break, siya ay isang disiplinadong tao, masungit minsan pero mapagbiro rin naman at tila hari siya kung umupo (talagang nakatindig parati), kumain (magana parati) at magbasa ng diyaryo sa kanila (sa kadahilanang siya lagi ang mauuna sa dyaryo pagkabigay ng newsboy). Maalaga rin nga pala si lolo. Dagdag kasi ng mama ko, maraming beses na iniiwan nila ako nung ako’y maliit na maliit pa sa pangangalaga n’ya pati ni lola habang silang dalawa ng papa ko ay nasa trabaho. Maraming kamag-anak at kaibigan si lolo at ang dinig ko noo’y palakaibigan at maaasahan nila siya. May mga kwento akong nakakatuwa at nakakamangha  tungkol sa aking lolo. Samahan ninyo akong balikan ang buhay ng isang taong napakahalaga sa aming pamilya.

Isinilang si lolo noong Setyembre 8, 1927. Kwento ng mga tita ko noon, si lolo raw ay bunso sa kanilang pamilya na nakatira sa Camarines Sur. Maaga umano siyang naulila sa ama at ina. Naging parte raw siya noon ng mga gerilya na lumaban sa mga kampon ng Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang giyera, sinubukan n’ya ang kanyang kapalaran sa Maynila. Doon ay pumasok siya sa iba’t-ibang trabaho para lang mabuhay. Napagtapos din n’ya ang sarili sa hayskul.

Sa Maynila nakita at nakilala ni lolo ang magiging asawa n’ya sa buhay, ang dalagang may pangalang Faustina Ablan. Si Lola Faustina, na tubong Candalican, Ilocos Sur ay isang tipikal na dalagang Pilipina: kayumanggi, mahinhin at maganda. Naisip kong bagay sila ni lolo sapagkat maputi, matipuno at gwapo naman ang aking lolo. Sila ay binayayaan ng walong anak, na ang ikatlo (tulad ko) ay ang aking mama.

 

Di madali ang naging buhay nila, lalo na’t marami sila sa pamilya. Di na rin naman nakapag-kolehiyo ang aking lolo kaya ang mga nakukuha niyang trabaho ay yung di pang-matagalan. Ang aking lola naman daw ay nanatili sa tahanan para mag-alaga ng mga anak. Maraming kwento ang aking mama tungkol sa kanilang pagkabata. Di ko man maikukwento ang lahat dito, sasabihin ko na lang ang pinakatumatak sa akin. Ito ay ang kwento niya tungkol sa galunggong. Madalas daw na ulam nila noon ang galunggong na noon pa ma’y sinasabi nang pagkain ng masa dahil sa murang presyo nito. Pero, kahit pa sabihing mura ang presyo nito, dumating pa rin sa pagkakataong nag-away siya at isa kong tita dahil sa iisang pirasong galunggong. Maiisip mo, ganun siguro talaga kahirap ang buhay nila noon. Lahat ay talagang tipid na tipid, kahit na sa pagkain.

Sa awa ng Panginoon, nagkaroon ng permanenteng trabaho ang aking lolo sa Veterans Memorial Medical Center. Siya raw ay naging maintenance man doon. Malaki ang pasasalamat ko sa kanya dahil kung di s’ya nakapagtrabaho run ay di makakapasok at magtatagal ng mahigit 30 taon doon ang aking mama bilang nursing assistant. Sa totoo lang kasi, malaking bagay ang makapagtrabaho di lang sa isang ospital, kung hindi pati na sa isang pasilidad na pag-aari ng gobyerno.

Naalala ko lang, kaya siguro nailalarawan kay lolo ang pagiging matapang at istrikto ay dahil sa kanyang ginagawa tuwing may gustong manligaw noon sa kanyang mga dalaga. Ang sabi ng mama ko, idi-demand daw ni lolo na humarap sa kanya ang mga manliligaw nilang magkakapatid at uuriratin kung ano at sino sila isa-isa. Nakakatawa pero ganun siguro talaga. Kaya lang, marami raw ang natatakot at hindi na uli bumabalik.

Tulad ng lahat ng mga tao, di perpektong tao si lolo. Marami rin siyang mga pagkukulang at pagkakamali. May mga bagay din siyang hindi nagawa na mas nakapagpabuti sana sa buhay nilang magpapamilya. Hindi man tuwirang sinasabi palagi sa akin pero dahil sa hirap na dinanas nila noon, maraming aral ang aking natutunan noon pa mang unang beses kong narinig ang kanilang mga kwento. Una, hindi maganda ang nagsasayang sapagkat maraming mga tao ang di nakakaranas na kumain palagi. Ikalawa, maganda ang nag-iimpok dahil bukod sa madali lang lumabas ang pera, di mo alam kung kalian mo ito talagang kakailanganin. Ikatlo, maganda ang nakikisama sa ibang tao (isa ito sa mga katangiang nakikita kong namana ng aking mama sa kanya). At ang pinakamaganda kong  natutunan sa lahat mula sa kanilang karanasan: ang kahalagahan ng edukasyon. Di matatawaran ang pagkatuto at pagkalinang ng isang tao sa isang magandang institusyon. Oo nga’t ibang magpangaral ang karanasan, pero iba rin naman ang napag-aaralan sa isang eskwelahan, lalo na kung ito ay tanyag dahil sa kagalingan. Kaya nagpapasalamat ako di lamang sa aking mga magulang na talagang nagtaguyod sa aming magkakapatid, kung hindi pati na sa aking lolo na siyang nagmulat sa kanila nito (kahit pa sabihin uling hindi direkta) base sa mga hirap na kanilang naranasan.

Huling salita:

Isa pa, kung wala si Lolo Ernesto, e di wala sana ako rito sa mundo at wala kayong binabasa ngayon. Kung hindi sa kanya, wala sanang pinakasalan si papa na taong tinatawag namin ngayong mama. Kung hindi rin dahil sa kanya, di magkakaroon ng mga anak na engineer, microbiologist at speech- language pathologist ang aking mga magulang. Kaya, nasaan ka man ngayon, lolo, kami sa’yo ay lubos na nagpapasalamat.

Agaw-pansin

Distraksyon

/pangngalan/

Ito ay isang bagay na kumukuha ng ating atensyon mula sa mga bagay na matuturing na mas mahalaga o mas importante. Ayon naman sa Tagalog na bersyon ng Wikipedia, ito ay tumutukoy sa anumang bagay o pangyayaring pang-agaw ng pansin o pambaling ng pansin.

Mula pa pagkabata, maraming beses na tayong napagsasabihan ng ating mga magulang na tantanan ang distraksyon. Itago mo na ang mga laruan mo nang makakain na tayo. Magpaalam ka na sa mga kaibigan mo dahil gabi na’t kailangan mo nang pumasok. ‘Wag munang maggi-girlfriend nang naka-focus ka lang sa pag-aaral. Patayin mo yang TV… Paano kang makaka-review ng maayos n’yan? Off mo na yang computer dahil maaga pa tayong magsisimba.

Siguro, naka-ugnay (relate) ka sa isa o mahigit pa sa mga nabanggit na dayalogo sa itaas. Totoong mahirap simulan at tapusin ang isang gawain kung maraming distraksyong kumukuha ng atensyon natin. Ano kaya ang pinakamagandang gawin para di na tayo maabala ng distraksyon? Yan ang susubukan nating sagutin sa blog kong ito.

Sa panahon ngayon na napakaraming uri ng distraksyon (TV, internet, cellphone, iPad o iba pang gadget; Facebook, Twitter at iba pang social networking sites; PSP, PS3, Nintendo DS at iba pang gaming device), di kataka-takang nagiging mababa ang kalidad ng mga gawain, mapa-eskwela man o trabaho, ng mga tao. Imbes kasing nakatutok lamang sa iisa o dadalawang bagay ang ating atensyon, nahahati ito dahil sa mga pasaway na distraksyon sa paligid. Kaya sa mga abala at maraming ginagawa, iwasan ang bagay na umaagaw sa inyong atensyon kung gusto ninyong mas maging episyente sa mga gawain.

Sa pagti-therapy ay napag-uusapan ang distraksyon. Sa isang therapy session, importante na walang distraksyon sa paligid upang nakatutok lamang ang estudyante o pasyente sa pinapagawa at tinuturo ng therapist. May mga pagkakataong ginagamit ang distraksyon sa therapy lalo na sa paglinang ng isang skill (halimbawa, ang listening skill para sa aming mga speech and language pathologist). Gayunpaman, ideyal na walang distraksyon sa paligid upang mas matuto ang estudyante at pasyente habang nagti­-therapy.

Kung sa aking trabaho ay importanteng maiwasan ang distraksyon, di na kailangang sabihin pa na maski sa ibang uri ng trabaho ay kailangan itong iwasan. May trabaho ba na paramihan sa pagpatol ng distraksyon at pagbalewala sa gawain? Wala. Kung meron ka mang alam na ganyan, sabihin mo sa akin nang mabago ko ang sinabi ko rito. Magandang malaman na mas kaunti ang distraksyon (at ang paglingat natin dito), mas marami ang magagawa natin.

Maigi na maiwasan din ang distraksyon sa tahanan. Di tayo dapat natatalo ng mga bagay na nakakakuha ng atensyon natin mula sa ating pamilya. Tantanan ang kompyuter habang kausap ang kapatid pati na lalo ang ating mga magulang.Sumabay palagi sa tanghalian at hapunan dahil dalawa lamang ito sa mga kakaunting pagkakataon na talagang nakakapag-usap ang buong pamilya. Higit sa lahat, dapat din ay sabay-sabay sa pagsisimba (kahit na mahirap itong gawin lalo na kung di nagkakatugma ang iskedyul ng lahat). Hindi ba nga’t ang turo sa atin, ang pamilyang magkasamang nagdarasal (ang misa ay ang pinakamataas na uri ng pagdarasal) ay nagsasama ng matagal? Totoo ito, sapagkat sa pagdarasal nang magkasama tumitibay ang pundasyon ng ating mga pamilya.

Nasabi na rin lamang ang pagdarasal, isa sa mga talagang naaapektuhan ng iba’t-ibang distraksyon sa ating buhay ay ang relasyon natin sa Diyos. Sa totoo lang, nakakahiyang mas pinipili nating gumawa ng mga bagay na di gaanong mahalaga kaysa sa mga gawaing mas makakapagpalapit sa atin sa Kanya. Alam nating Diyos dapat palagi ang ating inuuna kaya hindi dahilan na marami tayong ginagawa o maraming distraksyon na pumipigil sa atin para paglingkuran at pagsilbihan Siya.

Hindi pa naman huli ang lahat sa atin. Ano kaya ang dapat nating gawin tungkol sa problemang ito ng distraksyon?

Disiplina. Ito ang sagot para makaiwas tayo sa mga distraksyon. Ito rin ang isa sa mga pinakamahirap pangatawanan araw-araw. Kailangan lang siguro nating tandaan na sa oras na makabuo na tayo ng disiplina, madali nang maiiwasan ang ano mang uri ng distraksyon.

Time management. Minsan na akong humingi ng tulong sa aking papa noong panahong napakaraming distraksyon sa aking paligid at tila di ko mapigilan ang aking sarili na lumingat sa mga ito. Ang sabi n’ya sa akin, kahit na marami ang aking mga gawain, magagawa ko ang mga yun nang tama at maganda basta marunong akong humawak ng aking oras. Sa isip-isip ko, mahirap itong gawin lalo na kung nasanay na tayo sa mga di magagandang gawaing pinagbubuhusan natin ng ating oras at panahon. Pero naisip ko rin, mahirap pero posible. Mula noong nagtanong ako sa kanya hanggang ngayon, sinusubukan kong gawin palagi ang mga kailangan kong gawin bago ang mga bagay na gusto ko lamang gawin base sa oras na mayroon ako.

Pagsisimula. Mas magiging posible ang ating pagbabago tungo sa pagiging disiplinado at marunong sa tamang paghawak ng ating oras kung atin itong sisimulan. Sabi nga sa isang kasabihan, ang unang hakbang raw ang pinakamahirap gawin. Pero kapag nasimulan mo na, madali na lang itong ituloy-tuloy. Maaari siguro natin itong simulan sa mga maliliit na bagay tulad ng paglimita sa paggamit ng Facebook at iba pang social networking sites, pag-iwas sa pakikipag-tsismisan lalo na pag abala sa isang gawain o trabaho, pagpatay sa telebisyon kung di naman talaga kailangan, at marami pang iba.

Huling salita ukol sa paksa: Mahirap umiwas sa mga distraksyon pero ito ay posibleng gawin. Dapat lamang na palagi nating tandaan ang ating mga prayoridad, gawin ang mga kailangan natin gawin at bigyan ng kaunting distraksyon ang ating mga buhay paminsan-minsan. Teka, sinabi ko bang pagbigyan ang ating mga sarili sa distraksyon? Oo, pero kaunti at paminsan-minsan lang. Maikli lang naman ang buhay natin at di masama kung tayo’y maglibang sa pamamagitan ng mga distraksyon na ito.

Ang Rason Kung Bakit Mo Dapat Panoorin ang “Hugo”

Isa sa mga pinakanakakatuwang pelikula na napanood ko ang pinakabagong gawa ng tanyag na direktor na si Martin Scorsese, ang Hugo. Kung katulad kita na taga-hanga ng pinilakang tabing, matutuwa ka habang pinapanood ito sapagkat masusulyapan mo ang kasaysayan ng pelikula at masisilayan mo pati na ilang pelikula na unang ipinalabas mahigit isang siglo na ang nakalilipas.

Basahin ang kabuuan ng aking mga komento at rebyu sa pelikulang Hugo dito sa link na ito: http://korj523.multiply.com/reviews/item/95.

Mga Hirit Ngayong Valentine’s Day

Dahil Araw ng mga Puso ngayon, marapat lang na tungkol sa pag-ibig ang aking paksa dito sa blog ko ngayon. Pero di lamang ito basta tungkol sa pag-ibig. Sabihin na nating tungkol ito sa pag-ibig na umaasa, nagpapahaging o bumabanat kumbaga. Tungkol ito walang iba kung hindi sa pick-up lines. 

Para sa mga nagtatanong kung ano nga ba ang pick-up line, ito ay pambungad na linya upang makuha ang atensyon ng isang taong nagugustuhan. Ginagamit ito sa buong mundo, at dito sa Pilipinas, madalas itong nakakatawa at dinadaan sa magandang pagsasalita para talagang epektibo. Di ko nga lang alam kung totoong naging epektibo na ito.

Heto ang ilang nakakatawang pick-up lines na nabasa ko sa internet:

  • Exchange gifts tayo! Sa’yo ang puso ko, akin ang puso mo!
  • Trumpo ka ba? Ikot ka kasi ng ikot sa isip ko at bumabaon ka pa sa puso ko.
  • Earthquake ba yun o you just rock my world?
  • Magnet ka ba? Kasi, I’m attracted to you.
  • Pwede mo bang sabihin yung direksyon? –Direksyon saan? Direksyon sa puso mo!
  • Dalawang beses lang kitang mamahalin: now and forever.
  • *While praying* Lord, kung hindi siya ang ibibigay mo sa akin, ako na lang ang ibigay mo sa kanya.
  • Halika, punta tayong sementeryo. Dalawin natin yung puso kong patay na patay sa’yo.

May mga ginawa rin akong pick-up lines. Marami rito ang talagang cheesy pati na corny pero meron din namang nakakatuwa at nakakatawa para sa panlasa ko. Sana pati sa inyong mga magbabasa nito.

  • Teacher ka ba? Gusto ko kasing magpaturo sa’yo kung paano magmahal.
  • Driver ka ba ng jeep? Bigla ka kasing sumisingit sa daan patungo sa puso ko.
  • Doktor ka ba? Baka kasi ikaw na ang makahilom sa puso kong sugatan.
  • Driver ka ba ng bus? Lagi ka kasing humaharang sa dadaanan ko. May sasabihin ka ba? Kung di mo pa sabihing mahal mo ako, sige ka, ako na ang haharang sa’yo!
  • Gwardya ka ba? Ramdam ko kasi pagbantay mo sa puso ko para wala nang makakuha pa nito.
  • Driver ka ba ng taxi? Para kasing takbo ng metro ang kabog ng dibdib ko pag nakikita kita.
  • Pirata ka ba? Bihag mo na kasi ang puso ko.

***

  • Speech pathologist ka ba? Pinasalita mo kasi ang nananahimik kong puso. Alam mo sinasabi n’ya ngayon? Mahal Kita!
  • Occupational therapist ka ba? Di mo lang kasi ako pinagaling sa iba’t-ibang activities of daily living, pinagaling mo ring umibig ang puso ko.
  • Physical therapist ka ba? Pinalakas mo kasi ang tibok ng puso ko. E dati di na yan gumagana.
  • Sped teacher ka ba? Espesyal kasi pagtuturo mo sa puso kong umiibig sa’yo.
  • Psychologist ka ba? Tulungan mo ako, nababaliw na kasi ang puso ko sa’yo!
***
  • Araw ka ba? Pinaliliwanag mo kasi ang aking mundo.
  • Buwan ka ba? Ikaw lang kasi ang tanglaw ko pag dumidilim na ang mundo ko.
  • Bituin ka ba? Kahit ang layo-layo mo, parang napakalapit mo pa rin. Alam mo kung bakit? Nandito ka kasi lagi sa puso ko.
***
  • Si Adele ka ba? I don’t want to keep on chasing pavements because I want to make you feel my love. I want someone like you to be rolling in the deep with me.
  • Si Taylor Swift ka ba? Please speak now, say you belong with me. Ang ganda ng love story natin kasi I know you’re mine. Pero I don’t want to be mean, if you’re fifteen, hindi pupwede. I’ll end up having teardrops in my guitar! (LOL! Ito ang pinaka-corny rito! 😀)
  • Fan ka ba ni Justin Bieber? Baby, I just need somebody to love. Baka ikaw na yun para there’s one less lonely girl in the world.
***
  • Si Sarah ka ba? Alam mo kasi, sa iyo ang pag-ibig ko.
  • Si Anne Curtis ka ba? Type ko kasi ang ambisyosa. Ambisyoso kasi ako… na makapiling ka.
  • Si Angel Locsin ka ba? Di mo kasi alam pero I’m unofficially yours.
***

At sa mga gustong humabol para may maka-Valentine’s date:

  • Pedicab ka ba? Pedicabang ka-date ngayon? 🙂

Si Mega at ang Concert King

Ang poster para sa "Once in a Lifetime"

Sila ang dalawa sa pinakahinahangaan at pinakatinitingalang mang-aawit sa Pilipinas. Mahigit 30 taon na sila sa industriya at muli nilang pinatunayan na sila pa rin ang namamayagpag sa pagkanta sa kanilang unang pagsasama sa konsyerto, ang Once in a Lifetime.

Nung unang kong nalaman na magkakaroon sila ng konsyerto sa Smart-Araneta Coliseum, minarkahan ko na ang aking kalendaryo upang mapanood ito kasama ng aking mama. Tagahanga kami ni Martin Nievera at gusto naman namin kahit noon pa si Sharon Cuneta kaya di naming pinalampas ang pagkakataong mapanood silang kumakanta ng live. 

Alas-9 na ng gabi nang mag-umpisa ang konsyerto. Ganadong-ganado sina Martin at Sharon na kumanta ng mga kantang pang-dueto. Ang mga manonood naman na tinitimpla pa ang mood sa palabas noong umpisa’y tuluyan nang nahulog sa karisma ng dalawang mang-aawit. Di ko inasahan na kakanta si Martin ng mabibilis na kantang kontemporaryo tulad ng “Give Me Everything (Tonight)” at “Moves Like Jagger.” Si Sharon naman ay bumirit ng mga kantang pinasikat ni Adele (“Someone Like You” at “Rolling in the Deep”). Lalong napamangha ng dalawa ang lahat nang kantahin nila ang mga awiting nagpasikat sa kanila tulad ng “Mr. DJ” at “Highschool Life” para kay Sharon at “Be My Lady” para kay Martin. Di maikakaila na kitang-kita ang chemistry ng dalawa sa lahat ng pagkakataong magkasama sila sa entablado at kumakanta o kahit nag-uusap lang. Tunay na nakakatawa at nakakatuwa si Martin at magaling sumalo at bumato si Sharon ng mga linya.

Halos 3 oras ang konsyerto. Marami silang mga kinanta tulad ng mga theme song ng mga pelikula ni Sharon noong 1980s (“Bituing Walang Ningning,” “Pangarap na Bituin” at Sana’y Wala Nang Wakas”) at mga theme song ng mga popular na teleserye ng bansa (“Ikaw ang aking Pangarap,” “Ikaw Lamang”). Nag-dueto sila ng mga kantang pinasikat nila (“Ikaw Lang ang Mamahali,” “Ikaw”) pati na ng ibang mga kanta ng pag-ibig. May ilang mga sorpresa rin tulad ng pagsama ni Charlie Green (nakilala dahil sa palabas na Britain’s Got Talent) na kumanta ng “Ewan” kasama si Mega at medley ng mga kanta ni Stevie Wonder kasama ang Concert King. Mayroon ding eksena na di talaga inaasahan ng lahat, at ito ay ang pagpu-propose ng isang ginoo sa kanyang kasintahan, sa tulong na rin ng dalawang mang-aawit. Matagal-tagal din ang proposal na nangyari at magiliw namang naghintay at sumuporta ang dalawa. Talaga naman, saan ka pa makakakita ng proposal na may tulong ng dalawang bigating artista?

Ang inakala kong magiging ayos lang na pagtatanghal ay lubos na maganda pala. At isa lang ang ibig sabihin nito: hindi pa rin matatawaran ang galing ng mga bida sa kwento kong ito.

Bukod sa sobrang galing kumanta ay napakagaling ding magpatawa ni Martin. Di man siya kasing galing sumayaw ng karibal (na kaibigan) n’yang si Gary V, pinatunayan n’yang nag-iisa pa rin siya pagiging napakagaling na showman. Maniwala ka sa sasabihin kong pinabilib at pinahagalpak n’ya halos ang lahat (kung di man lahat) ng mga nanonood sa Araneta. Di pa rin mawawala sa kanya ang titulo n’yang Concert King dahil sa pinakita n’ya, siya lang ang may karapatan sa titulong ito.

Si Sharon naman, pinatunayang di lang siya magaling sa pag-arte at paghu-host, natatangi rin siya sa pagkanta. Sabagay, di naman na ito kataka-taka dahil nagsimula naman talaga siya bilang isang mang-aawit. At pinakita n’yang magaling pa rin siya hanggang ngayon.

Ang Once in a Lifetime ang isa sa mga pinakamagandang konsyertong napanood ko. Mula umpisa hanggang wakas ay talagang enjoy ang mga tao, lalo na ang mama at tita ko (na kasama rin namin, pati na ang aking kuya). Sana hindi lang pang-isang beses ang pagsasama nina Sharon at Martin sa konsyerto. Kung gayun kasi’y marami ang  magsisising di nila napanood ang natatanging pagtatanghal ng Megastar at Concert King.