Multiply

Matagal na panahon ko ring gamit-gamit ang social networking site na Multiply. Hula ko’y kayo rin na nagbabasa nito ngayon. Salamat sa isang kaibigan dahil sa kanya’y naging isa ako sa milyun-milyong gumamit o patuloy na gumagamit ng nasabing website.

Ano ba ang magagawa sa Multiply? Tulad ng Friendster noon at ng Facebook ngayon, maaari tayong makipag-ugnay sa ating mga kaibigan, kakilala at kamag-anak sa Multiply. Maaari tayong makapagpaskil ng mga larawan, magbahagi ng video na kuha natin o galing sa iba, maglabas ng saloobin sa pamamagitan ng blog, magbigay ng mga review ng mga pelikula, palabas sa telebisyon o kaya mga kanta, makinig sa musika (na dati pa nga’y maaaring i-download) at maraming-marami pang iba. Nung naglaon, nakilala ang Multiply sa online shopping at selling.

Nakalulungkot dahil sa lakas ng Facebook at Twitter ay napag-iwanan na ang Multiply sa aspeto nitong pagiging social network. Bida ito ilang taon na ang nakararaan sa dami ng bumibisita para makapag-labas ng kung anong gusto nilang ibahagi sa iba. Ngunit ngayon, mas tinatangkilik na lang ito sa aspeto nitong pangangalakal ng mga gamit, damit at kung anu-ano pa.

Ilang buwan na ang lumipas nang lumiham si Stefan Magdalinski, ang Chief Executive Officer ng Multiply, upang ipaalam na hanggang Disyembre 1, 2012 na lamang maaaring gamitin ang social networking features nito. Ibig sabihin, mawawala na ang opsyon nating magpaskil pa rito ng kung anong gusto nating ibahagi sa mundo. At, ang mas importante, mawawala na rin ang lahat ng mga larawan, mga video, mga review, mga blog post at kung anu-ano pang inilagay natin sa Multiply.

Nagbigay naman ang mga taong nasa likod ng nasabing website ng ilang pamamaraan sa paglipat ng mga content na iniligay natin dito. Kung gusto ninyong isalba ang mga nilalaman ng inyong Multiply site, alamin ninyo rito kung paano ito gawin. Sa mga nagnanais namang kunin maging ang mga komento sa mga pahina ng kanilang Multiply website, gumamit na lamang ng Print Screen. Matrabaho ito pero para sa isang magandang layunin naman kaya tiyak na ayos lang ito sa inyo.

Sa totoo lang, mahal ko ang website na bida sa blog post kong ito. Dito kasi ako unang nakapag-blog. Kahit na di gaanong marami ang nagbabasa sa mga bina-blog ko noon, sa Multiply ko unang naramdaman ang kalayaang ipahayag ang sarili upang mabasa ng mga tao saan mang parte sila ng mundo. Naaalala ko pa ngayon ang pakiramdam nung una kong ipaskil ang una kong blog na naglalaman ng mga napakapositibong bagay. Nasa panahon kasi ako noon ng magandang pagbabago sa aking buhay. Malinaw pa rin sa aking alaala yung mga panahong binubuhos ko ang aking isip at puso tungkol sa iba’t-ibang bagay, sa pagba-blog man o maging sa paggawa ng review ng mga napanood kong pelikula. Masasabi kong mas napamahal ako sa panonood ng pelikula dahil na rin sa mga pinaggagagawa ko sa Multiply. Hehe. Ang saya ring alalahanin na nakakapag-download ako nang libre ng mga kantang gusto kong pakinggan sa website na ito. Yun nga lang, nahinto ang feature na ito dahil ipinagbabawal ang pamimirata. Nakatutuwa ring naging daan ang Multiply upang mas maging malapit ako sa ilang mga kakilala lang dati. Pinakamagandang ehemplo rito ang aking mga kasama sa WordPress blog na threemindsoneblog.wordpress.com (Bisitahin ninyo ang aming blog, tiyak na di kayo magsisisi. Hehe.). Dagdag pa riyan, may ilang tao akong naging online buddy dahil sa pagkahilig sa ilang mga bagay tulad ng pelikula kahit di kami magkakakilala ng personal.

Ilang buwan na rin ang nakararaan mula noong una kong naramdaman ang kalungkutan sa nalalapit na pamamaalam ng minahal kong website. Ilang taon din kasi itong naging kasangkapan ng pakikipag-ugnayan sa ating mga kaibigan at kakilala. Gayunpaman, tulad ng laging sinasabi ng mga tao pag may lumilisan, patuloy pa rin ang buhay. Maigi na lamang na magpasalamat sa lahat-lahat ng mabuting naidulot ng website na ito sa atin sa anumang pamamaraan. Tama ba?

Advertisements

Amalayer

Mainit-init na isyu sa kasalukuyan ang insidenteng nangyari sa LRT nitong nakaraang Martes. Isang babaeng pasigaw at pa-Ingles na pinagagalitan ang isang babaeng security guard ang nakuhanan ng video. Sa loob ng ilang oras lang noong Miyerkules, sikat na ang nasabing babae dahil sa nakahihiyang asal na pinakita n’ya sa isang pampublikong lugar.

Pagkatapos ng mga pangyayari, ang babaeng itatago na lang natin sa initials na PJS ay nagsumbong sa media dahil bugbog na bugbog na raw siya ng pambabatikos. Cyberbullying ang kanyang sigaw na kanyang nararanasan sa kasalukuyan. At para hindi na siguro makarinig pa ng panlalait mula sa mga taong kilala man n’ya o hindi, kanya na umanong isinara ang kanyang accounts sa Facebook at Twitter. Kanyang depensa, sinigawan at sinaktan siya ng security guard. Ang sabi sa mga unang naibalita, mali ang dinaanan na linya ni PJS kaya siya sinita. Yun nga lang daw, pangit ang tono sa kanya ng security guard at napika siya nang hawakan pa nito umano ang kanyang braso. At ang sumunod na mga pangyayari ay ang nasaksihan sa kontrobersyal na video na di na matiyak kung ilang tao na ang nakapanood.

Ayon naman sa imbestigasyon ng Light Railway Transit Administration (LRTA), ginagawa lang umano ng security guard nila ang kanyang tungkulin. Hindi raw inilagay ni PJS ang kanyang bag sa x-ray machine ng LRT at dali-daling pumasok ng istasyon kaya siya sinita. Tungkulin ng security guard na pagsabihan at paalalahanan ang mga pasaherong sumunod sa mga patakaran ng istasyon (ang isa na nga rito ay ang No inspection, no entry) para na rin sa kaayusan ng lahat. Nagkataong hindi sumunod sa patakaran si PJS at siya ay marapat na sinita ng security guard nila.

Mapanghusga ang mga tao, at kung ano ang nakita nila at nasaksihan sa video ay talaga namang paniniwalaan nila. Kahit pa sabihing kulang o hindi sapat ang video upang ipaliwanag ang buong insidente, nakapanghusga na agad ang manonood sapagkat sa paglilitanya ni PJS ay malalaman mong nais n’yang pahiyain ang security guard. At ganun nga ang nangyari. Ang di n’ya inaasahan, mas mapapahiya siya sapagkat nakita na ng lahat ang inasal n’ya noong araw na iyon.

Ang sabi ng iba, dapat hindi nya yun ginawa. Porke ba’t guard ay di na rirespetuhin? Ano nga ba naman iyong magpatawad sa isang maliit na bagay lang? Oo, hindi siya perpekto pero naiwasan n’ya sana ang kahihiyang inaabot nya sa kasalukuyan kung nagpakumbaba na lang siya at hindi naglitanya ng masasakit na salita. Tinuligsa pa tuloy ng mga tao ang kanyang pagi-Ingles (Ang “Amalayer” na titulo nitong blog post kong ito ay hango sa pagsasabi n’ya ng mga katagang “I’m a liar?” habang kinakausap ang kinagagalitang guard). Tiyak na tinuturing n’yang isang bangungot ang nangyaring ito sa kanyang buhay kaya marapat lamang na magpakumbaba siya.

Ano ang kanyang pwedeng gawin pagtapos ng mga pangyayaring ito? Suhestyon ko, tanggapin n’ya ang pagkakamali, humingi ng tawad sa lahat ng naapektuhan sa kanyang inasal, lalung-lalo na sa guard na kanyang hiniya noong mga panahong iyon. Mapanghusga man ang mga Pilipino, kilala naman tayo sa pagpapatawad ng madalian. Kung makikita sa kanya ang pagiging tapat sa paghingi ng tawad ay di na siya mahihirapan dito.

Tayo naman, itigil na natin ang pagtuligsa. Nagkamali na yung tao at may peklat na siyang dadalhin habambuhay. Tulungan na lang natin siyang makalampas sa pangyayaring ito. Naturuan na siya ng leksyon. Matatandaan na n’ya ang aral na kanyang natutunan sa lahat ng pagkakataon…

Tsaka, ayaw naman siguro nating matawag tayong cyberbully, di ba?

Undas

Taun-taon nating ipinagdiriwang ang Todos Los Santos at Araw ng mga Kaluluwa sa unang dalawang araw ng Nobyembre. May pagkakaiba ba ang dalawa? Mayroon. Ano naman ang lagi nating ginagamit na salitang Undas? Ating alamin ang mga sagot sa mga tanong na ito at iba pa rito.

Ano ang Todos Los Santos?

Ang Todos los Santos na tinatawag ding Araw ng mga Santo ay ipinagdiriwang tuwing Nobyembre 1. Ayon sa Wikipedia, ang pagdiriwang ito ay bilang paggunita sa lahat ng mga banal, kilala man o hindi. Dagdag pa ng nasabing website, sa Simbahang Katoliko, ang araw na ito ay parangal sa mga taong nakatamo ng beatipikong pananaw ng kalangitan.

Ano ang Araw ng mga Kaluluwa?

Ang Araw ng mga Kaluluwa naman ay paggunita sa lahat ng mga kaluluwa ng mga yumao, yaong mga hindi pa umano nakararating sa langit. Ipinagdiriwang ito tuwing Nobyembre 2.

Ano ang Undas?

Ang Undas naman ay tinatawag ding Araw ng mga Patay o Pista ng mga Patay. Nakasaad sa Wikipedia na Undas ang palansak na tawag sa mga ipinagdiriwang sa Pilipinas sa ganitong mga panahon.

Sinasabing nanggaling sa Mexico ang pagdiriwang ng Undas. Daang taon na umano ang nakalilipas nang gawin ng mga tao roon ang pagdiriwang ng araw ng mga patay. Ito ay noong mga panahong di pa nakararating sa kanila ang mga Espanyol, noong panahong paganong kultura ang nananaig sa Mexico.

Dito sa ating bansa, ang sentro ng pagdiriwang tuwing Undas ay sa sementeryo. Ang mga tao’y talagang nagpupunta sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang magbigay-pugay, mag-alay ng bulaklak pati na pagkain, magtirik ng kandila at magdasal. Nagiging panahon din ito ng reunion ang mga magkakamag-anak, kung kailan sila nakakapagkwentuhan ng matagal-tagal. Minsan pa’y naglalaro sila gamit ang mga baraha at iba pang pampalipas-oras. Sa mga nabanggit na dahilan ay di na nakapagtatakang marami ang dagsa sa mga sementeryo sa ganitong panahon.

Bukod sa pagpunta sa sementeryo, maraming Pilipino ang nagtitirik ng kandila sa labas ng kanilang mga tahanan tuwing Undas. Tanda umano ito ng pag-alaala sa namayapang mahal sa buhay. Ang dami ng kandila ay depende sa bilang ng mahal sa buhay na kanilang pinagdarasal. Naalala kong ang pagtitirik ng kandila sa may bandang pintuan ang unang kaugaliang pang-Undas na aking natutunan noong ako ay bata pa.

Isa pang kaugalian nating mga Pilipino ang pangangaluwa. Kaya lang, di na pamilyar ang henerasyon ko sa kaugaliang ito. Pero alamin pa rin natin kung ano nga ba itong pangangaluwa na nababanggit minsan ng mga kamag-anak nating mas may edad na sa atin.

Ano ang Pangaluluwa?

Ayon sa magandang artikulong ito mula sa Philippines Today, ang pangangaluwa ay ang tradisyon nating maihahalintulad sa Trick or Treating ng bansang Amerika. Sabi ng may-akda ng artikulo, ginagawa ang pangangaluwa ng grupo ng mga kabataang nagpupunta sa mga bahay-bahay para manlimos sa pamamaraan ng pagkanta para sa mga kaluluwa. Malungkot umano ang tema ng pangangaluwa at nasasamahan pa umano ng hagulgol kung minsan. Ang limos na natatanggap ay para umano sa mga kaluluwa sa purgatoryo. Ang tipo raw ng mga kanta ng grupong nangangaluwa ay ganito:

“Kaluluwa kaming tambing/ Sa purgatoryo kami galing/ Doon po ang gawa naming/ Araw, gabi manalangin/ Kung kami po ay lilimusan/ Dali-daliin po lamang/ Baka kami mapagsarhan/ Ng pinto ng kalangitan.”

Isa naman sa nagiging kaugalian na nating mga Pilipino ang pagdiriwang ng Halloween, na di maitatangging nakuha natin mula sa Amerika.

Ano ang Halloween?

Ang Halloween ay pinagdiriwang sa gabi ng Oktubre 31, bisperas ng Araw ng mga Santo. Sinasabing nagmula ang selebrasyong ito mula sa mga pagano. Kalimitang mga aktibidad tuwing Halloween ay pagsasagawa ng trick or treat (kung kailan ang mga bata’y nagpupunta sa mga bahay-bahay upang manghindi ng kendi),  pagpunta sa mga costume party, paggawa ng mga Jack-o’-lanterns, paggawa ng bonfire, pagpunta sa mga nakatatakot na lugar, pagkwento ng mga nakatatakot na kwento at pagnood ng mga nakatatakot na palabas, gaya ng ginawa namin ng mga kapatid ko nitong nagdaang gabi.

***

Iba-iba ang mga aktibidad na ginagawa ng mga Pilipino tuwing panahon ng Undas. Pero sa gitna ng mga ito’y dapat alam natin kung bakit natin sila ginagawa. Ating tandaan na ang layunin ng Undas ay ang paggunita natin sa ating mga mahal sa buhay na namayapa na. Pag-alay ng dasal at pagbisita sa kanilang himlayan ay di sana natin nalilimutan.