Mga Bidang Katakot-takot

Vampires. Werewolves. Zombies.

Iyang tatlong iyan ang ilan sa pinakapaboritong gawing tema sa pelikula at telebisyon ngayon. Sino ba naman sa mga kabataan ang di nakakaalam sa Twilight na siyang pinagkakaguluhan ng marami ngayon? Ang mga bida run? Bukod sa tao, bampira at taong-lobo. Alam naman ng mga tagapanood ng programang True Blood na kahit na bampira ang mga bida rito, marami pa ring nilalang ang ginawang karakter sa istorya tulad ng diwata, taong-lobo, mangkukulam, at marami pa. Ganito rin marahil ang mga bida sa palabas na The Vampire Diaries na siyang paborito rin ng marami. Sa mga palabas na lokal, sino ang di nakakaalam o nakarinig man lang sa Lobo at Imortal na parehong pinagbidahan ni Angel Locsin? Ang mga zombie naman ang hindi bida, kung hindi mga pangunahing kontrabida sa isa sa pinakanakakatensyong palabas na napanood ko, ang The Walking Dead. Ang palabas na yan ang pinakainabangan ko nitong mga nagdaang buwan dahil isa sa mga paborito ko ang mga palabas na nakakatakot. At talaga namang sa bawat pag-ere ng palabas na ito’y maaasahang siksik sa kaganapan ang istorya at umaapaw sa tensyon ang mga eksena. Maaari mong basahin ang buo kong rebyu sa palabas na ito rito.

Bakit ba gusto ng mga tao ang mga mahihiwagang nilalang na likha ng imahinasyon? Ang una kong teorya, makukuha ninuman ang atensyon ng tao pag pinakitaan o sinabihan siya ng kahit anong hindi ordinaryo (extraordinary) o higit sa natural (supernatural). Ikalawa, natatak na mula pa pagkabata sa mga utak natin ang pagkatakot o pagkausisa sa mga ganitong bagay. Hindi ba’t dati na tayong sinasabihang “Pumasok ka na, may aswang na d’yan sa labas” o kaya naman, “Magtabi-tabi po ka pag dadaan ka dyan.” Noon pa man di’y napakaraming palabas at pelikula na ang ipinapanood sa mga tao (at nangunguna rito ang Shake, Rattle and Roll) na panay katatakutan (kahit minsa’y katatawanan) ang pinapairal. Paglaki tuloy, dala-dala na ng marami ang pagkagusto sa mga ito kahit na sila’y natatakot. Ikatlo, ang tingin kong pinakatatama sa marami, ay ang katotohanang kahit hindi totoo ang mga nilalang na nabanggit ko ay napaka-ideyal naman ng mga katangiang pinapamalas nila. Gawin ba namang gwapo o maganda, mabilis at malakas ang mga bampira at taong-lobo e. Ang mga zombie naman na noo’y mabagal ang pagkakalarawan, ngayo’y mabibilis at talagang nakakagimbal na.

Bakit ko ba nilikha ang blog na ito tungkol sa mga kakaibang nilalang? Alam ko kasi na maraming nanonood ng mga palabas na sila ang paksa. Isa pa, gusto ko ring malaman ang opinyon mo tungkol sa kanila (sa mga nilalang man na nabanggit o sa mga palabas).

Ang sa akin, di masamang tangkilikin ang mga palabas na mga bampira, taong-lobo o zombie ang mga bida basta’t alam natin ang limitasyon natin. Kung talagang natatakot na at di na kakayanin pa, itigil ang panonood. Kung ayaw na ang istorya’t hindi na magagandang aral ang mga nakukuha, itigil ang panonood. Kung kayang sakyan ang mga nakikita pero napapabayaan na ang mga responsibilidad, itigil ang panonood. Pero kung kaya mong harapin ang takot, matensyon ng todo, makakita ng di kananais-nais na mga bagay at gawin pa rin ang mga kailangan mong gawin, hindi kita pipigilan. Tandaan nga lamang palagi na ang mga palabas na ito ay hindi totoo at hindi sana sila maging dahilan sa anumang paraan para maapektuhan ang ikaw sa totoong mundo.

Advertisements

Limang Dahilan Kung Bakit Mo Dapat Panoorin ang “The Hunger Games”

Naghahanap ka ba ng dahilan para panoorin ang The Hunger Games, isa sa mga pinakapinag-uusapang pelikula ngayon? Basahin mo ang mga sumusunod para mapilit kang manood nito:

  1. Disente ang pagsasapelikula ng librong likha ni Suzanne Collins na may kaparehong pangalan. Marami sa mga naaalala ko sa libro ay nakita ko sa aking napanood. Kaya kung nabasa mo rin ang libro, malaki ang tsansang di ka mabibigo sa mapapanood mo.
  2. Mapupunta ka sa mundo kung saan kitang-kita ang pang-aapi at pang-aalipusta sa mga tao dahil na rin sa hindi pagpapahalaga ng kanilang mga buhay. Paano? Sa pamamagitan ng paligsahan kung saan 24 na mga tinedyer na may mga gulang na 12 hanggang 18 ang maglalaban-laban hanggang kamatayan. Ang pangalan ng paligsahan? Hunger games.
  3. Napakagaling ni Jennifer Lawrence bilang bidang si Katniss Everdeen. Mararamdaman mo ang nararamdaman ng karakter n’ya sa iba’t-ibang sitwasyon dahil na rin sa galing n’yang umarte. Magagaling din ang kanyang mga kasamahang sina Josh Hutcherson (bilang Peeta), Woody Harrelson (bilang Haymitch), Elizabeth Banks (bilang Effie), at marami pang iba. Matutuwa ka sa pinamalas nila sa pelikula.
  4. Ang ganda ng visual effects ng pelikula. Hindi lang maganda ha, mukhang makatotohanan pa. Abangan mo ang nagagawa ni Peeta sa paligsahan, pati na ang computer-generated map ng arena kung saan ito ginaganap. Maganda rin ang sound effects na ginamit. Abangan mo ang nagagawa ng mockingjay habang nanonood ka.
  5. Mas maganda ito sa mga pelikulang Twilight, Eclipse, New Moon at Breaking Dawn Part 1. Pangunahing dahilan ang istorya, pero iba rin kasi ang pagkakagawa ng pelikula kaya ganun.

Dagdag na dahilan: Malalaman mo kung bakit ito tinawag na “Hunger Games”. Patagalan ba ng paggutom? Hehe, syempre, hindi. Malalaman mo pag pinanood mo. O pwede mo ring i-research na lang sa internet para tipid.

Sa iba pang detalye, maaari mong basahin ang buong rebyu na ginawa ko sa pelikulang ito rito.

Mga Wari-wari sa Facebook at Twitter

 

Di maitatangging parte na ng pang-araw-araw na buhay ng marami ang paggamit ng Facebook at Twitter, dalawa sa pinakapopular na social networking sites. Bakit ba naman hindi? Gusto ng mga taong maging in, at kung wala kang kahit isa sa mga nabanggit, iisiping napag-iiwanan ka. Pero di lang naman yun ang dahilan. Maraming rason kung bakit gumagawa ng account ang mga tao sa facebook at twitter.

June 17, 2008 nang ako ay gumawa ng aking facebook account sa udyok na rin ng ilang kaibigan sa kolehiyo. Siguro, kami ang ilan sa mga pinakaunang nagkaroon ng FB account dito sa Pilipinas kasi di pa ganun kakilala noon ang FB. Pero nang dumating ang taong 2009, halos lahat na yata ng mayroong internet ay nasa FB na. Di naman ito kataka-taka dahil ang mga social networking site na tulad ng FB ay nagbibigay ugnayan sa mga magkakapamilya, magkakaibigan, magkakatrabaho at magkakaklase. Bukod dun, nagbibigay tulay din ito para sa mga taong dati nang magkikilala pero hindi nagkikita, mga magkakamag-anak na malayo sa isa’t-isa, mga magkakaibigang pinaglayo na ng lugar at panahon, pati na mga taong minsan nang nagkasama o nagkasalamuha sa buhay.

Anong gamit ng Facebook? Napakarami kung tutuusin. Pwede kang maglaro, makibalita, magbahagi ng mga larawan at video (personal man o galing sa iba, komersyal man o hindi), mangamusta lang ang iilan sa mga iyon. Sa paglipas ng panahon, dumami pa itong gamit, mabuti man o hindi.

Taong 2010 naman noong ako’y gumawa ng twitter account. Sa totoo lang, ang persepsyon ko sa twitter noon ay para makapang-tsismis lamang sa buhay ng iba kaya di ko ito agad ginamit. Dumating din ang panahong kahit may twitter account na ako’y di ko ito gaanong pinupuntahan. Pero nang mapagtanto kong pwede itong maging napakadaling kasangkapan para makatanggap ng balita, madalas ko na itong ginagamit. Madalas pa nga, dito ko unang nababalitaan ang mga bagay na sa primetime news TV ko pa malalaman dati. Kaya, kung gusto mong mauna o manguna sa balita, mag-twitter ka na. Pero hindi lamang sa pag-alam ng mga balita ang twitter. Ginagamit din ito para ilabas ang mga saloobin ng mga tao, maganda man o hindi. Kaya bago ka mag-twitter, alamin mo muna sa sarili mo kung handa ka na bang makabasa ng mga kwento ng mga tao tungkol sa iba’t-iba’t-iba’t-ibang bagay. (Talagang apat na “iba” yun, napakarami kasing iniisip at gustong pag-usapan ang mga tao. Hehe.) Kung ikaw din, alam mo sa sarili mo na handa ka nang magbahagi ng sarili mo sa iba sa pamamagitan ng 144 na karakter ay di kita pipigilang mag-twitter. Pwede mo namang protektahan ang mga nilalagay mo rito kung gagawin mong pribado ang iyong account, kung saan ang mga pinayagan mo lang na sumunod (mag-follow) sa’yo ang makakabasa nito. Yun nga lang, kung pribado ang account mo, di mo mati-tweet ang mga celebrity (artista, modelo, reporter, atbp.) na gustung-gusto mo. Kung di naman yun kawalan sa’yo, sige lang, gawin mo na lang itong pribado. Pero kung ang habol mo naman ay makarami ng mga susunod sa’yo, mapaartista (as if) man o hindi, sige lang, gawin mong pampubliko ang account mo.

Simula ng mauso ang mga social networking sites, mas lumiit ang mundo para sa tao. At dahil mas lumiit ito, mas nagkakakilala ang bawa’t-isa. Yun nga lang, sumisikip din ang pakiramdam ng iba dahil sa pagliit na ito. Nagtataka ba kayo kung bakit nauso ang HIDE button sa facebook? Para maitago sa isa o iilang tao ang ayaw nating ipakita sa kanila. Yung iba naman, nagtatago ng mga tao na ayaw nilang makita sa pamamagitan uli ng HIDE button. Syempre, isa na naman itong patunay na minsan talaga magulo ang isip ng mga tao. Ia-add sa facebook ang isa tapos iha-hide din naman pala. O kaya naman, i-add tapos di rin pala ilalabas sa timeline nila. O ha, parang plastikan online ang nangyayari. Hehehe. Pero minsan naman kailangan lang itong gawin lalo na kung nakita nating nagbago na ang isang taong akala nating kaibigan pala natin. Maaaring naglagay siya ng mga bagay na talagang offensive o kaya masyadong personal. At hindi lang isa, dalawa o tatlong beses. Maaaring araw-araw pa! Wala naman akong pinapatamaang tao. Ako rin naman ay nakapag-poste na ng masyadong personal na status sa FB o twitter kaya kasama rin ako rito. May iba nga lamang na di nakakaalala na MARAMING nakakabasa ng mga nilalagay nila sa mga social networking site na ito at madalas, oo, madalas, hindi maganda o makabuluhan ang nilalagay nila.

Sa totoo lang, ano ba ang pakialam natin? Wala siguro dahil may kanya-kanya naman tayong buhay at ang buhay na lang natin ang pakialaman natin. Pero, sa totoo lang uli, may pakialam tayo dahil di naman natin sila idadagdag bilang friend sa FB o ipa-follow sa twitter kung wala tayong pakialam sa kanila kahit kaunti, hindi ba?

Nakaisip tuloy ako ng ilang mga suhestiyon para mapagaan ang pakiramdam natin at ng ibang tao sa lumiliit na mundo natin sa pamamagitan ng FB at twitter. Ito ay para sa akin at para sa’yo na nagbabasa nito:

  1. Isipin kung makakabuti ba sa’yo o hindi ang ilalagay mo (picture, video, status update o tweet. Kung hindi makakabuti, bakit mo ilalagay, ‘di ba?
  2. Isipin ang mga taong maaaring makabasa ng mga ilalabas mo. Matutuwa ba sila sa ilalagay mo? O maiinis sila dahil lagi na lang kainis-inis ang mga nilalagay mo? Maaari sigurong sabihin na gusto ng maraming tao ang magagandang balita kaya maiging magagandang balita lang sa’yo ang madalas mong ilagay. Pero, dahil tao tayo, di naman maiiwasan maglabas ng frustration, anger, sadness. Yun nga lang, kung lagi mo silang papamahagian ng masasamang balita, ano na lang ang iisipin nila? Tsaka, baka mahawaan mo sila kaya dahan-dahan lang ha.
  3. Kung gusto mo lang magyabang, may karapatan kang gawin yun. Wag mo nga lang isipin na ayos lang yun sa lahat dahil baka ang dating sa kanila ay nang-iinggit ka. Lagi nating tandaan na ang maaaring ayos lang sa atin ay maaaring hindi ayos sa iba.
  4. Kung may gusto kang patamaan sa pamamagitan ng ilalagay mong content, magpaka-diskreto. Hindi yung tipong kulang na lang na sabihin mo na ang pangalan nila. May tao bang gustong iniinsulto siya? Wala naman siguro. Pero kung gusto nating bigyan sila ng leksyon sa pamamagitan noon, magpaka-diskreto. Kasi kung mararamdaman nilang pinapatamaan mo sila, good luck na lang kung mananatili pa rin kayong magkaibigan. Baka un-friend  na ang katapat n’yan.
  5. Walang masamang magsabi ng nararamdaman sa FB o twitter. Iwasan lang sana yung masyadong personal (halimbawa: “Ay, nalimutan kong magsuot ng underwear!” o kaya “Sarap! Kakatanggal ko lang ng dumi sa ngipin ko! :D”) o kaya masyadong offensive na maaaring ikagalit ng iba kundi man lahat (halimbawa: “P…i… yang mga …. na yan! Di na dapat sila nabuhay!” o kaya, “Magpakaayos-ayos ka nga! Pangit ka na nga, pangit pa galaw mo!”). Maaaring maintindihan ng iba ang mga nilalagay mo, pero tandaan mong sa 500 kaibigan mo sa FB o kaya 50 na sumusunod sa’yo sa twitter, di lahat ay maiintindihan ka. Bakit, kilala ka ba talaga nila sa personal? Ayun, makikilala ka na nila talaga sa mga nilalagay mo.
  6. Kung magsasabi ng opinyon tungkol sa iba’t-ibang bagay, ayos lang yan. Sana lang tama ang ispeling at ang pagkakagawa ng mga pangungusap. Baka naman may mag-init ang ulo dahil sa sinulat mo. Ay, wag na lang, di ba?

Para ibuod ang mga wari-wari kong ito, gamitin natin ng maayos ang mga social networking site na tulad ng facebook at twitter. Be conscious, mindful and careful. Isipin palagi ang kapakanan mo at ng iba sa pamamagitan ng iyong mga ibabahagi. Kailangan din natin minsan na maging open-minded at accepting sa mga taong nakakalimot sa mga ito. Kaya saan ka man mapabilang sa mga yan, i-enjoy mo na lang ang paggamit ng facebook at twitter sa tama at magandang paraan.

Overrated

Overrated ang tawag sa kahit ano (o sino) na masyadong pinupuri o nabibigyang atensyon kahit di nito (o niya) talagang taglay ang lahat ng magagandang bagay na ikinakabit rito (o sa kanya).

Anu-ano o sinu-sino ang mga sinasabing overrated? Ang mga nakalista rito ay mga opinyon ko lang naman kaya maaari kayong sumang-ayon o hindi.

  1. Sa politika, nangunguna d’yan ang pangulo ng bansa.
    1. Mataas ang popularidad ni Pnoy, pero nangangahulugan ba itong maganda ang binibigay n’yang trabaho? Isa pa, sabihin na nating totoo at tapat siya sa lahat ng mga ginagawa n’ya, pero ibig bang sabihin nito na lahat ng pinapakita n’ya ay sa ikagaganda ng bansa? Hindi. Semplang siya nung di n’ya tinanggal bilang political adviser si Ronald Llamas kahit na nagpahina ito sa moral ng mga taga-OMB na siyang namumuno sa pagsugpo ng mga pirata. Ano na ang hakbang n’ya para sa RH Bill (Binanggit ko ito kahit ako ay anti-RH Bill sa kadahilanang ito ang isa sa mga adbokasyang pabor ang pangulo noon nanagustuhan ng mga sumusuporta sa kanya.)? At malilimutan ba ang Hacienda Luisita? Ano ang mga hakbangin n’ya rito?
  2. Sa mga artista, nariyan sina KC Concepcion, Shaina Magdayao at Elmo Magalona.
    1. Maganda si KC. Marunong siyang kumanta, sumayaw at mag-host. Kaya lang, mukhang di n’ya pa kayang magdala ng sarili n’yang palabas o kaya naman mag-isang mag-host ng isang programa (X-Factor). May nakakaalala ba sa pag-host n’ya ng Star Circle Quest for Kids noong nakaraang taon? O nung 2010 pa ba yun? Tingnan n’yo, pati ako di ko na maalala.
    2. Maayos namang umarte si Shaina, pero tingin ko, di pa siya pang-bida. Kung ako sa Dos, ilalagay ko muna siya sa mga pangsuportang bahagi sa mga serye. May palabas na ba siyang talagang pinanood dati? Hmm. Wala akong maalala kung hindi ang “Marinella” kung saan bata pa sila run nina Camille Pratts at Serena Dalrymple.
    3. Magaling ang tatay ni Elmo, pero di ibig sabihin nun, magaling na rin siya. Ilang beses ko nang nakitang kumanta o umarte si Elmo pero nakukulangan pa ako sa pinapakita n’ya. Di maitatangging may talento siya pero marami pa sigurong pag-eensayo ang dapat n’yang gawin para sabihing magaling siya tulad ni Francis Magalona.
  3. Sa mga lugar, nariyan ang Boracay.
    1. Maganda sa Boracay, pero, sa sobrang dami nang mga establisyimiento run sa dalampasigan, di na gaanong makita ang kagandahan ng kanilang lugar.
  4. Sa mga pagkain, syempre, ang dahilan kung bakit may blog ako tungkol sa mga overrated ay ang bagung-bago at pinag-uusapan ngayong sorbetes, ang magnum ice cream.Sa halagang P50 hanggang P60, napakamahal ngang maituturing ang sorbetes na ito. Masarap naman ba? Masarap din, pero ang talagang masarap ay yung tsokolateng bumabalot sa vanilla-flavored ice cream. Lasang toblerone ang tsokolateng Belgian chocolate daw. Disclaimer: classic flavor pa lang ng Magnum ice cream ang natitikman ko. Ang balita ko, masarap daw ang truffle flavor nito.

Mahirap masabihan na isa kang overrated dahil kailangan mong patunayan na taglay mo ang mga pinupuri ng iba sa’yo. Kung ang isang lugar naman ang pinupuri ng sobra, kakaibang presyur naman ang dulot nito sa taong nagmamay-ari o nangangalaga rito. Kung isang pagkain naman ang masyadong pinag-uusapan, good luck na lang sa mga nagbibenta rito dahil tiyak na lilipas din yan lalo na kung mahal ang kanilang presyo at di naman hahanap-hanapin ang lasa ng produkto.

Pero, para naman maging patas, maigi ring pag-isipan natin kung bakit sila kalimitang napupuri o napag-uusapan. Baka naman may mga taglay talaga silang magagandang katangian at pinapakita nila ito sa iba. O kaya naman, may tunay silang maipagmamalaki na di gaanong nakikita o napapansin ng ibang mga tao (tulad ko at tulad mo). Pwede ring maaaring tumaas lang ang standard ng mga tao at sila ay napag-iwanan. O kaya naman, sila ay nagbago sa hindi magandang paraan kaya ang alaala na lang ng nakalipas nila ang talagang naaalala ng iba.

Sa dulo ay nasa pagpapasya ng tao kung ano at sino ang pupurihin nila. Maiging gawin na lamang ng mga taong pinupuri pati na ng mga tao sa likod ng mga pinupuring bagay o lugar kung bakit sila nararapat purihin.

Stop Kony

Ilang araw nang laman ng twitter at facebook ang mga katagang STOP KONY, KONY 2012 at INVISIBLE CHILDREN. Ano o sino ba ang mga ito? Ating alamin ngayon dito.

Isa ako sa mga nagtanong kung ano o sino si Kony. At sa aking pagsasaliksik, aking napag-alamang si Kony (buong pangalan: Joseph Kony) pala ay isang notoryus na gerilya sa Uganda (at iba pang parte ng Africa) na gumagamit ng mga bata sa giyera laban sa gobyerno. Pinamumunuan n’ya ang Lord’s Resistance Army, isang militanteng grupo na may relihiyosong ideolohiya at kilala sa mga krimeng pagpatay, mutilasyon, rape pati na raw kanibalismo. Nangingidnap siya ng mga bata para gawing mga sundalo o kaya ay mga sex slave. Pinapatay n’ya raw ang mga magulang ng mga batang kanyang kinikidnap para mapilitan ang mga itong sumama sa kanya. Kung hindi pa kayo kumbinsidong nahihibang na ang taong ito, dapat n’yong malaman na ginagawa raw n’ya ang kaniyang mga ginagawa para sa Sampung Utos ng Diyos. Kung paano n’ya nasasabi ang mga bagay na yun, siya lang ang nakakaalam. Ang dapat nating malaman, siya ngayon ang numero unong kriminal sa International Court Commission dahil sa mga krimeng ginagawa n’ya at ng kanyang grupo sa loob ng mahigit 25 taon.

Ano naman ang KONY 2012? Ang KONY 2012 ay isang maikling pelikulang ginawa ni Jason Russell, ang Amerikanong nagtatag ng Invisible Children, Inc. Ang Invisible Children ay isang non-profit organization na naglalayong ipaalam sa mundo ang mga karumal-dumal na gawain ni Kony. Ani Russell sa kanyang maikling pelikula, mithiin nilang gawing sikat si Kony upang maipaalam sa lahat na may taong katulad niya na dapat pigilan. Ang kanilang mithiing ipaalam sa mundo ang mga ginagawa ni Joseph Kony ay naglalayon ding magpakilos sa mga kinauukulang hanapin, dakpin at litisin ang notoryus na kriminal.

Ano ang magagawa natin para matulungan silang maabot ang kanilang mithiin? Simple lang. Bukod sa mga nabanggit n’ya sa kanyang maikling pelikula (sumama sa pagsulong ng kanilang adhikain, magbigay ng donasyon), maaari nating ipaalam sa ating mga kapamilya, kaibigan at kakilala ang tungkol kay Kony at sa Invisible Children. Hindi mahirap ang pwede nating gawin para matulungan ang libu-libong kabataang dinakip, dinadakip at patuloy na ginagamit ni Joseph Kony sa kanyang mga masasamang gawain.

Maaari n’yong panoorin ang KONY 2012 rito.

Takbo!

Marso 6, 2011 nung una akong tumakbo sa isang running event. Na-challenge ako nung niyaya kami ng nakatatanda kong kapatid na sumali kaya sumali kami ng mga nakababata kong kapatid. Nakakakaba dahil unang beses yun na kami’y tatakbo kasama ng napakaraming tao. Nagsimula kami sa 5K run (takbuhang 5 kilometro ang haba), at kahit pa sabihing napakaikli nun para kabahan, iba pa rin ang pakiramdam kapag unang subok sa isang bagay na di mo pa nagagawa. At tulad naman ng inaasahan, naging maayos ang lahat. Nakatakbo ako ng maayos at pagkatapos ng 44 na minuto, ako ay nasa finish line na. Isang beses pa namin uling sinubukang mag-5K run at sa ikalawang pagkakataon ay nagawa kong mas mapaganda ang record ko sa pagtakbo. Kaya nung ikatlong beses na ng aking pagsali, tinaasan namin ang aming tatakbuhin: 10K run. At tulad ng inaasahan, nakakapagod ang ganun kalayong takbuhin. Pero sa awa ng Panginoon, nagawa kong matapos yun mahigit isang oras at kalahati. Pero, wala palang sinabi ang mga yun sa pinakamahirap na pagsubok ko sa ngayon sa pagtakbo, ang pagtakbo sa 21K run.

Oo, sa unang pagkakataon ngayong araw, Marso 4, 2012, ay tumakbo ako sa layong kalahati ng distansya ng isang marathon. Tulad ng lahat na unang pagkakataon, nakakakaba. Kinakabahan na ako kahit ilang araw pa bago ang takbo dahil unang beses kong gagawin yun. Maging sa pag-eensayo nga, di ko inaabot ang 21 km kaya talagang malaking bagay ang haharapin ko. Parang walang katiyakan kung anong mangyayari. Ang tanging iniisip ko na lang, kahit na gaano ako katagal tumakbo o maglakad ay tatapusin ko ang takbuhang iyon. At sa tulong ng mataimtim na panalangin, suporta ng mga kapamilya at mga kaibigan at ang nagbabagang mithiing magtagumpay ay nagawa kong matapos ang napakahabang distansya na aking nilakbay.

Nasa mahigit 4,000 raw ang kasama naming tumakbo mga alas-kwatro y medya kanina. Kung ang iilang tumakbo ay iniisip ang mauna, ang sa akin lang ay harapin ang hamong malampasan ang isang bagay na di ko akalaing magagawa ko. Mula Global Bonifacio City sa Taguig ay nilakbay namin ang kahabaan ng Makati, tumawid sa Buendia Avenue, umikot sa Roxas Boulevard hanggang sa makarating sa S.M. Mall of Asia sa Pasay. Hindi lang ang napakalayong lakbayin ang aking binuno noong mga panahong yun dahil muntikan na akong magkaroon ng pamamanhid sa ilang parte ng katawan at may pagkakataon pang parang bibigay na ang aking kaliwang tuhod ilang kilometro bago matapos ang takbuhan. Lubos akong nagpapasalamat dahil nagawa kong malampasan ang lahat ng iyon.

Masaya rin ang tumatakbo-takbo sa mga ganitong pagkakataon paminsan-minsan kaya nagpapasalamat ako sa Kuya JR ko na siyang nagdala sa amin sa ganitong klase ng palakasan. Dahil sa running, napatunayan kong muli na walang imposible. Makakamtan mo ang gusto mo basta ikaw ay maghahanda, magtitiwala at mananalangin. Kaya kung di mo pa nasusubukang tumakbo sa mga ganitong pagkakataon, subukan mo at baka magustuhan mo! 🙂