San Pedro Calungsod

Oktubre 21, 2012 – Espesyal ang araw na ito para sa buong Simbahang Katoliko. Ngayong araw kasi ay pitong panibagong mga santo ang idineklara sa Vatican City. Isa sa mga bagong santo ay isang Pilipino. Siya’y walang iba kundi si San Pedro Calungsod, ang ikalawa nating Pilipinong santo kasunod ni San Lorenzo Ruiz.

Sino si San Pedro Calungsod?

Ayon sa isang website na nagbibigay impormasyon at nagtataguyod ng debosyon para kay San Pedro Calungsod, siya ay isang binatilyong katekista ng mga Heswita noong ika-17 siglo (1600s).

Ayon sa Wikipedia (na kumuha ng impormasyon mula sa saints.sqpn.com, vatican.va at newsaints.faithweb.com), sinasabing pinanganak si San Pedro noong taong 1654 sa Visayas. Maaari umanong nag-aral siya sa isang eskwelahang pag-aari ng mga Heswita (isang orden ng Simbahang Katoliko) kung saan siya natuto ng katesismo at pagsasalita ng Espanyol. Noong siya ay 14 na taong gulang, isa siya sa mga napiling katekista upang samahan ang mga Heswita sa kanilang ebanghelikal na misyon sa Mariana Islands.

Maraming pagsubok na hinarap sina San Pedro at kanyang mga kasamahan. Ilan na sa mga ito ang masusukal na gubat at matataas na bundok ng Mariana Islands. Isama na rin ang palagiang pagbagyo rito. Higit sa lahat, matinding pagsubok ang tangka sa kanilang mga buhay sapagkat sila ay nagpapalaganap ng paniniwalang bago sa mga taong kanilang nakasalamuha roon.

Taong 1672 nang mamatay si San Pedro. Nasa Guam sila noon upang magpalaganap ng salita ng Diyos sa mga Chamorro (ang tawag sa mga tao roon). Itinuturong isang Tsino na nagngangalang Choco ang umano’y naging dahilan upang masira ang pangalan ng mga Heswita at kanilang mga kasamang katekista. Noong Abril 2, 1672 ay napadpad si San Pedro at ang kanyang kasamahang pari na si Blessed Diego Luis de San Vitores sa Tumon, Guam. Nang malaman nilang kakapanganak lamang ng asawa ni Mata’pang, ang pinuno ng lugar na iyon, nagpunta agad sila upang mabinyagan ang sanggol. Ngunit dahil naniwala si Mata’pang sa mga ikinalat ng nabanggit na Tsino ay hindi nya sila pinayagan. Sa pagpupursigi nina San Pedro ay lalong nagalit si Mata’pang, at sa kanyang pagkagalit ay napasigaw siya na galit siya sa Diyos at ayaw na n’ya sa mga itinuturo ng mga Kristiyano. Tinawag ni Mata’pang ang isang katutubong nagngangalang Hirao upang magpatulong sa kanyang maitim na plano. Nang malaman ni Mata’pang na bininyagan ang kanyang anak habang siya ay wala, mas lalo siyang nagalit. Binato ni Mata’pang ng sibat si San Pedro at ang huli’y tinamaan sa dibdib. Habang nakasalampak sa lapag si San Pedro ay pinatay siya ni Hirao sa pamamagitan ng paghiwa ng machete sa kanyang ulo. Sumunod nilang pinatay si B. San Vitores.

Sinu-sino pa ang mga idineklarang santo ngayong araw?

Ayon sa ulat na ito ng Yahoo!, ang iba pang mga idineklarang santo ay sina:

  1. Kateri Ketakwitha– Siya ang unang Native American na naging santo.
  2. Maria Anne Cope– Siya ay isang madreng Fransiscan na tumulong sa mga taong may ketong sa Hawaii.
  3. Jacques Berthieu– Kagaya ni San Pedro, siya ay isang martir dahil pinatay siya ng mga katutubo ng Madagascar.
  4. Maria Schaeffer– Siya nagpalaganap ng Mabuting Salita ng Diyos sa iba’t-ibang lugar ng Alemanya.
  5. Giovanni Battista Pamiarta– Siya ay tumulong sa kabataan noong panahong ng Industrial Revolution at nagtatag ng isang relihiyosong kongregasyon.
  6. Maria del Carmen– Siya ay isang madreng Espanyol na nagtatag din ng sarili niyang kongregasyon. Sinasabing itinaguyod n’ya ang mga karapatan ng mga mahihirap na kababaihan noong kanyang kapanahunan.

Mga punto sa pangyayari ngayong araw:

Katoliko ka man o hindi ay matutuwa ka na isa na namang Pilipino ang idineklarang santo ng Simbahang Katoliko. Isa itong patunay na ang mga Pilipino ay maka-Diyos at hindi lamang relihiyoso. Mahabang proseso ang pinagdadaanan bago ideklarang santo ang isang tao kaya ang pagkakaluklok kay San Pedro sa lugar ng mga banal ay isang malaking karangalan.

Yun lang, hindi natin dapat kalimutan kung bakit tayo nagdiriwang.

Hindi tayo nagdiriwang upang sambahin ang mga taong idineklarang mga santo. Nagdiriwang tayo sapagkat may mga bagong santo na naman tayong pwede nating gawing huwaran sa ating mithiing mamuhay ng banal at modelo sa pagsunod sa Panginoon nating Diyos.

Isaw at Laman

Isa sa mga pinakainaabangan kong kainin tuwing Miyerkules o Sabado ng hapon ay ang masarap na isaw at laman ng baboy na malapit sa pinapasukan namin ng isang mabuting kaibigan. Bakit ba napakahilig nating mga Pinoy sa mga pagkaing nabibili sa kalsada? Ang sabi nila, dahil daw sa talagang kakaiba nitong sarap. Mapamayaman, mapa-middle class at mapamahirap ay natatakam sa simple’t mura pero masarap na pagkaing Pinoy na tinatawag nating street food.

Ano ang street food?

Madaling saguting yan sapagkat sa pangalan pa lang ay may ideya na tayo kung ano ito. Street food ang tawag sa mga pagkaing nabibili sa kalsada o iba pang pampublikong lugar tulad ng palengke. Alam mo ba, ayon sa Food and Agriculture Organization of the United Nations, halos 2.5 bilyong tao katao ang kumakain ng street food bawat araw? Sa atin dito sa Pilipinas, ang ibang tao’y kumakain ng street food pang-meryenda, habang ang iba’y ginagawa na rin itong ulam sa kanin tuwing tanghali o gabi. May ibang medyo nagtitipid kaya ginagawa na itong pantawid-gutom habang ang iba’y gusto lamang matikman ang kakaibang sarap na nabibigay nito. Anuman ang sabihin ng mga tao tungkol sa pagkain ng street food, di maitatatwa na ang talagang nag-uudyok sa ating bumili nito ay ang mura nitong presyo sa kabila ng pagiging talagang masarap nito.

Anu-ano ang alam n’yong mga street food?

Mula pa noong ako’y isang maliit na bata pa lamang ay popular na ang fish balls. Ito lang yata ang street food na parehas pa rin ang presyo ngayon sa presyo nito dati. Biruin mo, sa singkwenta sentimos ay matitikman mo na ang isang pagkaing nabuo mula sapinaghalong arina at kung anong parte ng isda kasama pa ang sarsa o suka? Nandyan din ang kikiam na sinasabi nilang pinaghalong giniling ng baboy at gulay. Naaalala kong mas uso noong dekada-90 ang malalaking kikiam. Ngayon, uso pa rin naman sila pero mas tila mas mabenta ang mga maliit na bersyon nito ngayon. Mayroon ding tinatawag na squid balls. Di hamak na mas masarap ito kaysa sa fish balls at kitang-kita yan sa pagkakaiba ng kanilang presyo nila. Kung may fish balls at squid balls, syempre, mayroon ding chicken balls. Hindi nga lang kasing sarap ng mga nauna ang pagkaing ito.

Paborito ko rin noon ang sorbetes o ang tinatawag na dirty ice cream. Pag naririnig namin ng mga kapatid at mga pinsan ko ang tunog ng maliit na kampana ng sorbetero ay dali-dali kaming manghihingi ng barya sa aming mga magulang at lalabas para bumili. Di rin pahuhuli ang taho, isang matubig-tubig na pagkaing gawa sa soya na hinaluan ng arnibal at maliliit na sago. Popular pa rin ang mga ito hanggang ngayon.

Dati na ring nauso ang tinatawag na kwek-kwek, toknene o tokneneng (itlog ng pugo na binalutan ng arinang kulay kahel). Masarap ito pero sabi nila ay ma-cholesterol. Mas marami raw kasing cholesterol ang itlog ng pugo sa itlog ng manok. Dito sa amin sa Bulacan ay nauso rin ang tinatawag na veggie balls, pero sa pagkakaalam ko’y isang gulay lamang ang ginagamit dito, ang kalabasa, at ito’y hinahaluan ng arina. Masarap ito at maaari na rin nating sabihing masustansiya.

Noong bata ako ay nakagiliwan kong kumain ng banana cue, camote cue at turon. Bakit naman hindi, ang isa sa mga lola ko ay palaging nagluluto ng mga ito sa hapon. Busog na busog kami sa mga pagkaing iyan bawat hapon noon.

 

Ang mais din ay mabentang pagkain sa kalsada noon hanggang ngayon. Pero ang talagang paborito ko ay yung tinanggal na mais na nakababad sa sabaw nito’t may halong butter at cheese powder. Iniisip ko pa lamang ay talagang natatakam na ako.

Noong nag-kolehiyo ako ay nauso naman ang pagbi-benta ng calamares. Napakasarap nito sapagkat ang pira-pirasong pusit ay binubudbod sa arina na may halong panlasa at ipiniprito sa kumukulong mantika. Mapapatakam ka lalo sa suka na ginagawang sawsawan rito.

Pag dumating ang gabi’y mabenta ang balot at penoy. Balot ang tawag sa nilagang itlog ng itik na naglalaman ng sisiw na 18 araw ang gulang. Penoy naman ang tawag sa nilagang itlog ng itik na hindi nabuo ang sisiw. Nahilig din ako sa mga pagkaing ito noon lalo’t madalas nag-uuwi ang mga magulang naming nito pagkagaling sa trabaho, pero ngayon ay minsan na lamang kami bumili. Kung interesado kayong malaman ang iba pang detalye sa dalawang pagkain na ito’y basahin ninyo ito.

 

Hindi syempre pahuhuli ang kasalukuyang kinagigiliwan namin ng kaibigan ko na barbecue na binibenta sa mga kalsada. Nandyan ang isaw manok, isaw baboy, balunbalunan, betamax (dugo ng manok), tenga, adidas (paa ng manok) at ang malinamnam na laman. Masarap man ang mga ‘yan pag naririnig mo pa lang ang kanilang mga madugong pangalan, ang totoo’y di pare-parehas ang kanilang lasa. Nasa paghahanda ng mga tindero’t-tindera ang magiging resulta ng kasarapan nila. Maswerte kami ng kaibigan ko dahil masasarap ang tinitinda sa aming mga barbecue ng mga tinderong binibilhan namin.

Ilan pa sa nakikita natin sa ngayong pagkaing inilalako sa kalsada ay ang masarap na mani (kung saan daw ako pinaglihi); malamig at matamis na ice candy na kinahiligan din naming gawin at ibenta noon (may mga bata naman na talagang bumibili, hehe); ice scramble, ang pink na yelong ginadgad at hinaluan ng gatas at chocolate syrup; samalamig, matamis na inuming hinahaluan ng sago’t gulaman na naging kontrobersyal ilang taon na ang nakararaan dahil sa ginagamitan daw ito ng magic sugar (na umano’y nakaka-cancer); maruya, mga saging na hinaluan ng arina bago iprito; at mangga at singkamas na binibenta sa kalsada na hinahaluan ng bagoong. Ahm, nakakatakam!

May iba pa ba kayong alam na street food?

Pag-iingat sa pagkain ng mga street food

Hindi masamang kumain ng pagkain na nabibili sa kalsada. Pagkain ang mga ito na pwedeng pampatawid-gutom anumang oras. Kailangan nga lamang nating tandaan ang pag-iingat palagi sa pagkain ng mga ito sapagkat isa sa pinakaniri-reklamo sa mga street food ay ang kanilang pagiging marumi.

Ilang beses nang naglabas ng babala ang iba’t-ibang kagawaran tulad ng Kagawaran ng Kalusugan at Kagawaran ng Agham at Teknolohiya tungkol sa pagkain ng mga street food. Sinasabi nilang maaaring magdulot ng iba’t-ibang sakit ang pagkain nitotulad ng hepatitis, gastroenteritis at typhoid fever.

Para sa akin, walang masamang kumain ng mga street food basta alam nating malinis itong naihahanda at sapat ang pagkakaluto nito. Paano ba natin matitiyak na malinis nga ang paghahanda sa mga ito? Ang sabi ng gobyerno, basta ang tindero’t tindera ay may lisensya sa pagbibenta, tiyak na malinis ang pagkakagawa sa mga ito. Pero paano kung hindi sila lisensyado, tulad ng libu-libong nagbibenta sa mga kalsada ng buong Pilipinas? Mahirap sagutin yan sapagkat di naman natin nakikita kung paano nila hinahanda ang mga binibenta nila. Isang basehan na lamang ng iba’y pag marami ang bumibili at matagal-tagal na ang nagtitinda ng mga street food ay pasado na ito. Pero opinyon lang iyan. Maaari n’yong sunduin, maaari ring hindi.

Kung tutuusin, isa rin palang pakikipagsapalaran ang pagbili at pagkain ng mga street food. Iisipin mo ang sarap na maaaring madulot ng pagkain nito kahit na di mo talaga tiyak kung sarap lang ba o pati sakit ang maidudulot nito sa’yo. Gayunpaman, ang sabi ng iba, kung nais mong makipagsapalaran ay lubus-lubusin mo na. Hindi mo naman malalaman kung hindi mo talaga susubukan, hindi ba?

Kontrobersyal na Cybercrime Law

Ngayong araw, Oktubre 3, 2012, ay sinimulang ipatupad ang isa na namang kontrobersyal na batas. Ito’y walang iba kung hindi ang Cybercrime Prevention Act of 2012 o mas kilala sa tawag na Cybercrime Law. Alamin natin sa ibaba kung ano ito base sa mga nakalap kong impormasyon sa internet.

Ano ba ang Cybercrime Law?

Ayon sa isang artikulo ng Wikipilipinas, ang Republic Act No. 10175 o Cybercrime Law ay isang batas na naglalayong bigyang depinisyon at tapatan ng pagpaparusa ang mga krimeng naisasagawa sa pamamagitan ng internet, para na rin mapigilan at maiwasan ang pagkalat pa nito. Ayon sa Wikipedia, ang mga krimeng sakop ng batas ay ang mga sumusunod: cybersex, pornograpiya na umaabuso sa mga bata (child pornography), pagnanakaw ng pagkakakilanlan (identity theft) atillegal na paggamit ng datos sa cyberspace (illegal access to data).

Sino ang mga nagpanukala ng batas na ito?

Ayon pa rin sa nabanggit na artikulo ng Wikipilipinas, ang mga sumusunod ang mga pangunahing nagpanukala ng batas: Reps. Susan Yap (2nd District, Tarlac), Eric Owen Singson, Jr. (2nd District, Ilocos Sur), Marcelino Teodoro (1st District, Marikina City) at Juan Edgardo Angara (Lone District, Aurora).Ilan pa sa mga nagpanukala ay sina Reps. Gloria Macapagal- Arroyo (2nd District, Pampanga), Diosdado Arroyo (2nd District, Camarines Sur), Carmelo Lazatin (1st District, Pampanga), Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro City), Maximo Rodriguez, Jr. (Party-list, Abante Mindanao), Mariano Michael Velarde and Irwin Tieng (Party-list, BUHAY), Romeo Acop (2nd District, Antipolo City), Bernadette Herrera- Dy (Party-list, Bagong Henerasyon), Anthony Rolando Golez (Lone District, Bacolod City), Juan Miguel Arroyo (Party-list, Ang Galing Pinoy), Ma. Amelita Calimbas- Villarosa (Lone District, Occidental Mindoro), Antonio Del Rosario (1st District, Capiz), Winston Castelo (2nd District, Quezon City), Eulogio Magsaysay (Party-list, AVE), Sigfrido Tinga (2nd District, Taguig City), Roilo Golez (2nd District, Paranaque City), Romero Federico Quimbo (2nd District, Marikina City), Mel Senen Sarmiento (1st District, Western Samar), Cesar Sarmiento (Lone District, Catanduanes), Daryl Grace Abayon (Party-list, Aangat Tayo), Tomas Apacible (1st District, Batangas), Jerry Treñas (Lone District, Iloilo City), Joseph Gilbert Violago (2nd District, Nueva Ecija, Hermilando Mandanas (2nd District, Batangas), Ma. Rachel Arenas (3rd District, Pangasinan) at Ma. Victoria Sy- Alvarado (1st District, Bulacan).

Dumaan din ang batas sa Senado. May mga balita na isang senador ang nagsingit ng probisyon tungkol sa tinatawag na online libel. Pero, kanya itong itinatanggi.

Noong Setyembre 12, 2012 ay inaprubahan ni Pangulong Noynoy Aquino R.A. 10175 upang maging ganap na batas.

Bakit ito naging kontrobersyal?

May nabasa akong isang tweet kahapon na nagsasabing, “Bawal nang magbigay ng sariling opinyon habang ang gumaya at kumopya mula sa sinabi ng iba ay pinapayagan?” Sa mga salitang iyan natin mababatid kung bakit kontrobersyal ang batas. Sinasabi nilang isang status update sa Facebook ay maaaring magpadala sa iyo sa kulungan. Isang retweet sa Twitter ay maaaring ituring kang kasabwat sa isang paninira sa kapwa.

Napakaraming biktima ang matutulungan ng batas na ito pero marami rin ang maaaring mabiktima nito. May malilinis at magagandang mithiin ang batas panlaban sa mga krimeng nagagawa sa pamamagitan ng internet. Ngunit may probisyong ginawa rito, ang nabanggit na online libel nga, na maaaring magdulot ng pagkawala ng boses ng mamamayan sa pagpapahayag ng sarili. Isipin mo uli, maghayag ka lamang ng maituturing na nakasisira sa kapwa sa pamamagitan ng mga social networking site tulad ng Twitter at Facebook ay maaari ka ng kasuhan.

Nakatatakot ang maaaring mangyari ngayong pinapatupad na ang batas na ito. Maaaring may mga tao na nasa itaas na aabuso sa batas. Malaki kasi ang tsansang matakot ang mga taong magsabi ng kanilang saloobin laban sa iba’t-ibang personalidad kahit pa may bahid ito ng katotohanan sa takot na makulong. Sa madaling sabi, idudulot nito’y pagsasawalang-bisa ng ating kalayaang ihayag ang ating sarili sa internet. Tila mabubusalan tayo ng dahil lang sa isang probisyon sa batas na ito.

Ano ngayon ang gusto sana nating mangyari?

Walang iba kundi ang repasuhin ang batas na ito ng mga kongresista at senador. Di man nagawan ng paraan na pansamantalang ipahinto ang pagpapatupad nitong batas na ito, di pa naman huli ang lahat. Sana sa pagrepaso nito ay mapanatili ang magagandang salik at palitan o tanggalin ang parteng bumubusabos sa kalayaan nating magpahayag. Mabuti na lamang at may mga grupo at personalidad nang kumilos at patuloy na kumikilos para magawa ang gusto nating mangyari.

Sa totoo lang, tila pabaliktad ang nangyayari sa atin sa larangan ng pagpapahayag. Alam n’yo bang idineklara ng United Nations na isang karapatang pantao ang kalayaang maipahayag ang sarili sa pamamagitan ng internet ilang buwan na ang nakararaan? Ipinaalala yan ng ilan nating kababayan dahil nga sisimulan nang ipatupad ang kontrobersyal na batas na ating paksa ngayon. Baligtad na baligtad ito sa gustong ipatupad ng online libel na seksyon ng Cybercrime Law. Kaya sana, sana matauhan ang mga taong may kapangyarihang palitan o rebisahin ang batas sa pamamagitan ng deklarasyong iyan ng UN.

Sa ngayon, habang hindi pa natatanggal ang online libel sa batas na R.A. 10175 o Cybercrime Law, walang sawa akong magsasabi ng:

NO TO CYBERCRIME LAW!

 NO TO CYBER MARTIAL LAW!

REVISE CYBERCRIME LAW NOW!

Thera-free

Matagal-tagal nang panahon ang lumipas mula nung huli akong nakasama sa isang thera-free program. Gayunpaman, hindi nabawasan ang pag-asam ko rito sapagkat nagagawa ko ang hindi ko madalas gawin, at yun ang makapagbigay ng libreng speech therapy sa mga nangangailangan nating mamamayan.

Enero nitong taong ito nang magsimula akong magtrabaho sa Happy Child Academy (HCA), isang paaralan para sa mga special child dito sa lugar namin sa Bulacan. Sa totoo lang, bago ako nagdesisyong maglaan ng oras para sa paaralang ito ay isinaalang-alang ko ang maraming bagay. Alam ng lahat ng mga therapist na tulad ko na maraming bagay ang dapat alalahanin at isipin bago mamasukan sa isang therapy center special school. Kung puso at kawang-gawa ang pag-uusapan, tamang-tama ang desisyon kong magtrabaho sa HCA. Maraming mga aktibidad ang namamahala rito na si Teacher Tina, at kahit na ilang oras lamang ang aking nilalaan sa kanilang eskwelahan sa bawat linggo ay sinusubukan n’ya akong isama sa mga ito.

Hindi ako nag-atubiling pumayag nang sinabi n’yang magkakaroon ng thera-free sa HCA noong nakaraang linggo. Isa kasi itong paraan para makapagpasalamat ako sa pamayanan, a way of giving back ika nga. Bukod du’y marami rin naman kasi akong natututunan sa mga nakakaharap kong mga bata, tineydyer o matanda kasama na ang kanilang mga pamilya. Nakaaapekto ang kanilang mga kwento at ito’y nagbibigay paalala sa akin na marami talagang mga kapwa nating Pilipino na naghihirap at naghahangad ng tulong, lalo na para sa kanilang mga anak na hindi nakapagsasalita o nakakapag-uugnay (communicate) ng maganda. Gusto kong isipin na kahit sa napakaikling oras na sila’y makaharap at makausap ko, pati na matingnan, makasalamuha at mai-therapy ang mga anak nila, ay makatutulong ako para sa ikabubuti nilang pamilya.

Alam nating lahat na sa pag-alam ng mga bagay-bagay, importante ang tamang impormasyon. Naaayon ito maging sa pagti-therapy. Tamang iwasto ang maling iniisip ng mga pamilya tungkol sa kundisyon mayroon ang kanilang mga anak. Tama ring malaman kung ano ang kakayahan at pangangailangan ng mga anak nila upang mabigyan ng tamang aksyon at rekomendasyon. Naisip ko tuloy, napakalakas na kumbinasyon ng tamang impormasyon, mabuting hangarin at wastong aksyon. Kung ganito palagi ang iisipin naming mga speech and language pathologist, occupational therapist, physical therapist at special education teachers, mas mamu-motivate kaming gawin kung ano ang mga kailangan naming gawin.

Pagkatapos naming magthera-free, nagsilbing tanda sa akin ang mga sumusunod: Isang bagay ang gamitin ang kakayahan upang makatulong habang naghahanap-buhay. Ibang bagay naman ang gamitin ito upang makatulong ng walang kapalit na hinihintay.