Unrequited Love

unrequited love pic

Ilang araw na lang at matatapos na ang Buwan ng mga Puso, o kung di kayo pabor dyan ay ang buwan na lang kung kailan ipinagiriwang ang Araw ng mga Puso. At tulad ng mga nakaraang taon, ipinagdiwang ng mga mag-asawa at mga magkasintahan ang araw na iyon na tila iba sa ibang mga araw. Extra special ang pagkikita nila sapagkat may dala-dalang mga regalo, mga mababango at magagandang bulaklak, matatamis na mga tsokolate para sa isa’t-isa habang matatamis na mga titig, masasarap na mga halik at yakap ang ipinamamalas din nila. Tiyak din na malaki-laki ang kinita ng iba’t-ibang mga establisyimiento nung araw na iyon sapagkat dagsa talaga sa mga pasyalan ang mga mag-asawa’t magkakasintahan. O, kay sarap umibig, ano?

Pero ang blog post na ito ay hindi para sa kanilang nag-iibigan. Ang blog post kong ito ngayon ay para run sa mga bigo, nadaya o nadapa sa pag-ibig.

Unrequited love

Ano ba ang unrequited love? Para maunawaan natin ito, maiging alamin ang ibig sabihin ng requite. Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang requite ay nangangahulugang ibigay pabalik o reciprocate ang isang bagay. Kaya pag sinabing unrequited love, ang pag-ibig na pinadadama ng isang tao sa isa pang tao ay hindi naibibigay pabalik, hindi naipadadama ng tulad sa ipinadarama, hindi lubusang maibigay ang pagmamahal sa isang nagmamahal. Ito na yata ang isa sa mga pinakamasakit na pwedeng maranasan at maramdaman ng isang tao. Bakit ba naman hindi? Anumang ginusto natin ay gusto nating makuha kahit na minsan lamang. Anumang pinaghihirapan natin, gusto nating masuklian ng biyaya kahit kaunti lang. Hindi ba’t sinasabi nga nilang pag may tiyaga, may nilaga? Pero paano kung ginusto nga natin, pinaghirapan din natin at pinagtiyagaan natin ay isang malaking HINDI ang sasalubong sa atin? Ang sakit, Kuya Eddie.

Sabagay, hindi naman ganun kasimple yun. Maaaring di tayo gusto ng ginugusto natin sapagkat:

  1. HINDI IKAW ANG TIPO NIYA. Maliit ka siguro kahit na mabait. Maitim kahit na madasalin. Walang trabaho kahit na masikap. Matangos ang ilong pero luwa ang mga mata. Gwapo pero di mayaman. O kaya mayaman pero walang hitsura. Gwapo ka, matangkad pati na rin mayaman pero babae rin pala ang gusto niya. Tsk, tsk, tsk. Tiyak, hindi ikaw ang tipo niya. Alam naman nating halos lahat ay pisikal na kaanyuan ang hinahanap agad sa magiging kasintahan, di ba? Susunod na diyan ang iba pang mga bagay na mahalagang piliin din. Kaya kahit na anong effort pa ang gawin natin para mapaibig ang isang tao, kung ayaw niya tayo base sa ating hitsura, antas sa buhay, ugali o pagkatao ay wala na tayong magagawa pa rito. Maliban na lang siguro kung talagang pursigido ka at sa pagpupurisge mo ay mapaibig mo siya. Walang imposible, maniwala ka!

Lahat na ay ginagawa para sa kanya

Habang siya ay masaya at malungkot para sa inyong dalawa

Sapagkat hinding-hindi kayo magiging isa

  1. MAY SABIT KA. Mamaya niyan ay may boyfriend o girlfriend ka pala. Gusto mo lang maglaro. O maaaring curious ka sa iba. O kaya naman, ayaw mo na sa kasintahan mo pero di mo pa siya mabitawan sapagkat ayaw mo siyang masaktan. Ang hirap, ano? Tsaka, wala naman sigurong may gusto na kabit-kabit lang sila, di ba? Marami pa ring disenteng tao na di papasok sa gulo ng pakikipagrelasyon sa taong may sabit sapagkat alam nilang mali ito. Pero sa totoo lang, at alam ng mga tao ito, maraming tao ang mga kabit. Magtanong ka sa kanto ng inyong pamayanan at tiyak may kilala silang ganyan. Hindi natin alam ang mga dahilan nila sa paggawa nito pero malamang ang iba sa kanila’y nabigo na rin dati ng pag-ibig, napagod sa paghihintay sa tunay nilang mahal o kaya naglalaro lang din. Iisa ang tiyak. May sira ang ulo nila. Hehe, biro lang. Di naman kasi natin talaga madidiktahan ang puso, hindi ba?

Kayo ay pwede sana

Kung wala kang abala

  1. MAY SABIT SIYA. Mayroon na palang boyfriend, girlfriend o asawa ang gusto mo e. Ano pa ang hinahanap mo? Bakit mo pa rin siya gusto? Hanap mo siguro ng gulo, ano? Sabagay, nagagawa ng ibang taong sumabak sa gulo pagkat wari nila’y mahal talaga nila ang taong iyon na may sabit. Di na nila iniisip pa ang kanilang reputasyon sapagkat mas mahalagang ipaglaban nila ang kanilang nararamdaman. Matapang, may rason, pero mali pa rin naman. Teka, may mali ba sa pag-ibig?

Yun nga lang, isa ka nang tunay na tanga

Pagkat ang mahal mo

May mahal namang iba

  1. WALA SIYANG SABIT PERO NAGHIHINTAY ANG PUSO NIYA SA IBA. Gusto mo siya, gusto ka niya. Nahuhulog ka na talaga sa kanya. Nahuhulog na rin talaga siya sa iyo. Gusto mo nang sabihing mahal mo siya. Gusto na rin niyang sabihing mahal ka niya… pero napipigilan pa rin niya. Hindi dahil wala siyang nararamdamang pag-ibig sa’yo kundi may tao siyang hinihintay na magbalik. Maaaring ang taong yun ay ang unang tao na nagpadama sa kanya ng tunay na pag-ibig at nangakong babalik, di nga lang alam kung kailan. Iniyakan niya ng pakatagal-tagal, nangakong tatanggapin pa rin niya kahit na pinagtaksilan siya, sinubukang umiwas umibig ng sobra dahil siya pa rin ay umaasa. Ano ang laban mo run, hindi ba?

Mahal n’yo ang isa’t-isa pero hindi yun sapat

Sapagkat di maaari, ikaw ay meron na

Habang may hinihintay siya

  1. SAPAT NA SA KANYANG MAY GUSTO SIYA SA’YO PERO DI NIYA IPUPURSIGI PA ITO. Maaaring gusto lang niya ang pakiramdam na umiibig. Sapat na sa kanya iyon kahit na di mo siya ibigin pa. Maaari ring ayaw niyang pumasok sa isang relasyon, lalo na’t maaari itong maging magulo. Maaari ring natatakot siyang pag sinabi niya ito ay matatanggihan o mari-reject siya kaya’t ikikimkim na lang niya habang siya’y nabubuhay.

Isa ka na ngang hangal

Natanong mo na lang sarili mo

Bakit ganito pagmamahal?

May naiisip pa ba kayong dahilan kung bakit hindi magugustuhan ang isang tao ng kanilang gusto? Pakisulat ang mga iyon sa ibaba. Nais kong tapusin ang blog post na ito sa pamamagitan ng isang tulang ginawa ko tungkol sa unrequited love dahil sa ilang kadahilanang lumabas sa itaas.

PAG UMIBIG NG IBA

I

Mahirap ipagsiksikan ang sarili

Sa taong may iniibig na iba

Maigi nang umiwas maaga pa lang kasi

Masasaktan ka lang niya

Gusto ka man niya ay wala naman talagang magagawa

Pagkat sa puso niya, mayroon lamang nag-iisa

II

Mahihirapan ka lang lalo kung may nagmamahal sa’yo

Kahit ang taong iyon ay di mo na talaga gusto

Mahirap isiping pag-ibig ay malabo

Pagkat tao naman ang nakadarama nito

III

Anong magagawa ng puso kung tumibok nang muli?

Pagbibigyan ba? Pipigilan? O pababayaang lumandi?

Buong araw ang isip ay di mapakali

Pagkat siya rin ang iniisip, hindi lang sarili

IV

Di ba’t sarap ang dulot ng tunay na umiibig?

Hahamakin lahat pati na buong daigdig

Tila titingala lahat sa naiibang tindig,

Ngiti at hitsura mong nagpapakilig

V

Pero, ano pa ba talaga ang magagawa?

Kalimutan siya? Magalit sa kanya?

Paano kung hindi mo yun makakaya?

Magiging kawawa ka na lang ba?

VI

Kaya sa simula pa lamang ay mamili na tayo

Kung ano ba talaga ang nais at gusto

Wag nang sumubok ng kung anu-ano

Madali lamang mabuhay pag nagpakatotoo

P.S.

Ang mga linyang nakasulat pagkatapos ng bawat dahilan sa itaas ay hango sa isa ko pang tula, Katangahan sa Pag-ibig. Pasensya na sa titulo pero tungkol kasi iyon sa ganun. Pwede ko sigurong ilathala iyon sa susunod. Hehe.

Advertisements

Sampung Aral na Matututunan Natin sa Nangyari kay Vhong Navarro

Vhong-Navarro-beaten-up (courtesy of Buzz ng Bayan)

Isang linggo na ring bali-balita sa mga dyaryo, istasyon ng radyo, mga palabas sa telebisyon at internet sites ang pangyayaring pambubugbog sa kilalang komedyante/mananayaw na si Vhong Navarro.

Navarro, Lee, Cornejo (courtesy of push.abs-cbn.com)

Navarro, Lee, Cornejo

Ibinalita na noong Enero 22, 2014 (Miyerkules) ay inimbitahan si Navarro ni Deniece Cornejo (isang babaeng kaibigan) sa condo unit nito sa The Fort, kung saan ay bigla-bigla raw piniringan, pinagbantaan at binugbog ng anim na katao ang komedyante dahil umano sa pagbabanta ng rape kay Cornejo. Sinasabing isa sa mga nambugbog ay ang kilalang negosyante na si Cedric Lee, malapit na kaibigan umano ni Cornejo, na nagkataon daw na dumating kasama ng ilang kaibigan sa condominium noong panahong iyon. Bukod sa pambubugbog ay ipina-blotter ni Cornejo si Navarro dahil sa umano’y attempted rape na nangyari, na pinasisinungalingan naman ng huli. Sinasabi ni Navarro na pinilit lamang siyang sumama sa police station dahil na rin sa takot at pangamba sa buhay niya at ng kanyang pamilya. Ang reklamong isinampa ay ginawa umanong pam-blackmail sa kanya sakaling hindi niya maibigay ang hinihinging 2 milyong piso at kung siya rin ay magsusumbong, na kanya namang ginawa kaya nalalaman natin ang lahat ng ito ngayon.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nagpapagaling si Vhong habang nakapagsampa na ng mga kaso ang mga kinauukulan. Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng serious illegal detention, serious physical injuries, grve threats, grave coercion, unlawful arrest at threatening to publish and offer to prevent such publication for a compensation laban kina Cornejo, Lee, Bernice “Marie” Lee, Ferdinand Guerrero, Zimmer Rance, alias Mike at dalawa pa. Nagsampa naman ng kasong rape ang biktima umanong si Deniece Cornejo.

NBIpresscon-vhong-navarro-deniece-cornejo-cedric-lee-cctv-20140129-002

Presscon ng NBI tungkol sa kaso ni Vhong Navarro

Sawang-sawa na siguro ang mga tao sa isang linggong balitaan na ito tungkol Vhong Navarro, Deniece Cornejo at Cedric Lee. Kaya mainam na alamin natin ang mga aral na ating matutunan sa insidenteng ito bago pa malimutan at mawala sa kamalayan ng mamamayan.

Ang Sampung Aral:

  1. Huwag basta-basta magtitiwala. Ayon na yan sa umano’y biktima na si Vhong Navarro.
  2. Ang ibang tao, kahit na sobrang yaman na, ay gagawa pa rin ng paraan para yumaman ng yumaman kahit sa maling pamamaraan. Dasal at interbensyon sa kinauukulan ang kanilang kailangan.
  3. Sobra-sobra ang anim na katao para mambugbog ng isang tao. Layon bang magturo ng leksyon o lubos na takutin ang binugbog para hindi na magsumbong ang tawag sa ganito?
  4. Hindi dapat nagpupunta sa kung saan lalo na kung di pa naman lubusang kilala ang nag-aaya. Hindi mo alam kung anong naghihintay sa’yo run. Pagkain? Romansa? Baka matinding pagdurusa?
  5. Iba talaga nagagawa ng mga koneksyon, sa mabuting paraan man o masama. Sa kwento nating ito, ang lagay ay masama. Bali-balitang dahil sa mga koneksyon sa militar at gobyerno ng inaakusahang si Cedric Lee ay nagawa na nitong makatakas sa mga ginawang kamalian noon. Nagkaroon na rin umano ng bugbugan sa pagitan nila nina Jessica Rodriguez at asawang David Bunevacz pati na rin sa dating kasintahan nitong si Vina Morales. Dahil umano sa mga koneksyon ay natakot at hindi na nagkaroon pa ng reklamo ang ilan sa mga nabiktimang ito ni Lee.
  6. Hindi lahat ng mga kriminal ay mukhang mga kriminal. Marami nga sa kanila ay maaayos ang hitsura. At magugulat ka na lang dahil iba-iba talaga mga modus operandi nila. Kaya laging mag-iingat.
  7. Mabisang gamit talaga ang CCTV camera. Kaya ayun, lumabas sa ebidensiya kung kanino tumutugma ang kwento sa mga tunay na pangyayari.
  8. Grabe talaga ang media. Nasa kanila ang kapangyarihang ipakita ang gusto nilang ipakita, mahalaga man na isyu o hindi. Kayang-kaya nilang tabunan ang mga mas importanteng isyu ng mga mahalaga rin naman ngunit di ganun kahalaga.
  9. Hindi biro ang kaso ng rape, kahit na ang maakusahan lamang na gumawa nito. Kakaibang stigma ang mapupunta sa’yo kung maakusahan kang gumawa o sumubok gumawa nito. Di naman na kailangan pang ipaliwanag kung ano ang tingin sa’yo ng mga tao kung talagang ginawa mo ito.
  10. Mahirap man sa iba, pero kailangang pigilan ang tawag ng laman. Di na kailangang ipaliwanag pa iyan.