Sagad sa Init!

Papatapos pa lang ang buwan ng Abril pero talagang damang-dama pa rin natin ang hagupit ng init buong araw. Umagang-umaga’y bumabati na ang araw kasama ng init n’yang nagbabaga. Pansining kahit di pa tanghaling tapat ay laganap na ang nararamdamang init sa loob man o labas ng bahay. Pagdating ng tanghali, di lang ang mga taong nagkataong nasa labas ang kawawa, pati na rin ang mga nasa loob ng bahay. Kahit pa kasi may mga gamit na bentilador, tayo’y init na init pa rin. Dahil di na sumasapat ang mga bentilador minsan, minamabuti ng iba na magpunta na lamang sa mga malalaking mall para magpalamig. Ang hapon na panahon dati ng paglalaro ng mga bata sa kalsada ay nakikipagkumpetensya na rin sa init ng tanghali. Sino ang gaganahang maglaro sa labas kung katapat naman ang pangingitim ng balat? Kaya may ibang rason na ang mga bata ngayon kung bakit sila nawiwili sa mga laro sa kompyuter. Ang gabi naman na dating oras ng kalamiga’y di na rin linulubayan ng init. Nagiging dusa tuloy ang pagtulog lalo na kung mahina ang bentilador o kaya walang gamit na air-con. Ang ginagawa na lang tuloy ng iba, tatanggalin ang suot nang maging presko ang pakiramdam pag magpapahinga na.

Sa pagtatala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronimical Services Administration (o PAG-ASA), naramdaman sa buong Metro Manila ang pinakamainit na temperatura ngayong taon noong Biyernes, Abril 27. Ayon sa balita, naitala ang 36.4⁰C na init sa Science Garden ng Quezon City bandang alas-3 ng hapon. Nalampasan nito ang dating pinakamainit na 36.2ᵒC ngayong taon. Sa mga nagtataka kung ano ang pinakamainit na naitala sa Metro Manila sa kasaysayan, ayon sa ulat ng Tempo, ito ay 38.5⁰C na naramdaman noong Mayo 14, 1987. Ang pinakamainit na naitala naman sa kasaysayan ng Pilipinas ay nangyari sa Tuguegarao, Cagayan kung saan nai-rekord ang 42.2⁰C noong Mayo 11, 1969.

Di natin mapipigilan ang init na dinudulot ng araw. Kung pwede lang sanang pigilan ang pagliyab nito ay dati na nating ginawa. Pero di natin ito kaya, lalo na’t kailangan natin di lamang ang dala n’yang init, kundi pati na rin ang kanyang ilaw. Ano ba ang mga maaari nating gawin para malampasan ang init na ito?

Ayon sa binigay na impormasyon ng Kagawaran ng Kalusugan (o Department of Health), ang lahat ay pinapanawagang uminom parati ng tubig sa buong araw. Labing-tatlong (13) baso ng tubig ang pinapayo ni DOH Assistant Secretary Eric Tayag para maiwasan ang dehydration at heat stroke. Iwasan din daw ang lubos na pag-eehersisyo. Huwag din daw uminom ng energy drinks kapalit ng tubig sapagkat ang mga ito ay mataas ang nilalaman na caffeine. Ayon naman kay DOH-Cordillera Local Health Support Division head Dr. Amelita Pangalinan, iwasan daw natin ang manatiling nakababad sa araw, lalo na sa pagitan ng oras na alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon. Kapag daw kakailanganing lumabas, magdala ng payong at magsuot ng magaang na damit. Sinabi n’ya ring bukod sa pag-inom ng maraming tubig ay kumain ng mga prutas na hitik sa tubig at potassium.

Hindi masama kung tayo’y susunod sa mga payo ng mga eksperto. Sa grabeng init na nararanasan natin ngayon, kailangang pairalin natin ang pagiging masunurin sa mga mas nakakaalam. At syempre pa, wag kakalimutang sa mga panahong sagad ang init, dapat ay cool ka lang.

Advertisements

Limang Dahilan Kung Bakit Mo Dapat Panoorin ang The Avengers

  1. Pagsasapelikula ito ng isa sa mga pinakatinangkilik (at patuloy na tinatangkilik) na komiks ng Marvel. Kung nagustuhan mo ang X-Men, tiyak na magugustuhan mo rin ang mga karakter ng The Avengers. Di lang pagsasapelikula ha kundi isang napakagandang pagsasapelikula. Gusto ko tuloy na isunod naman nilang pansinin ang mga karakter sa X-Force at X-Factor, mga grupo rin ng mutant sa Marvel Universe.
  2. Napakagaling ni Joss Whedon, direktor at manunulat ng script ng The Avengers. Nagawa n’yang buhayin sa iisang pelikula ang mga bigating karakter ng komiks na tulad nina Captain America, Hulk, Iron Man at Thor na may kanya-kanyang matagumpay na pagsasapelikula. Maganda ang pagkakahabi n’ya ng istorya ng mga karakter na nabanggit kasama ng iba pa.
  3. May mga eksenang talagang mapapabilib ka dahil sa galing ng pagkakagawa. May mga eksena ring mapapamangha ka sa ganda ng nakikita mong visual effects. May mga eksena ring talagang hahagalpak ka sa tawa at tuwa.
  4. Nakakatuwa ang mga nagsipagganap sa mga bidang karakter sa pelikula. Pinapangunahan ni Robert Downey, Jr. bilang Iron Man, ang mga tanyag na aktor na sina Chris Evans (bilang Captain America), Chris Hemsworth (bilang Thor), Scarlett Johansson (bilang Black Widow), Samuel L. Jackson (bilang Nick Fury), Mark Ruffalo (bilang Incredible Hulk) at Tom Hiddleston (bilang Loki) ay talagang magaling ang pagganap sa kanilang mga karakter.
  5. Sulit na sulit ang ibabayad mo sa sinehan pag nanood ka nito, lalo na kung hanap mo ang isang palabas na hitik sa saya, aksyon at pakikipagsapalaran. May mga aral ka pang matututunan habang nanonood n’yan.

Para sa buong movie review sa wikang Ingles, puntahan ito.

Limang Dahilan Kung Bakit Mo Dapat Panoorin Ang Titanic 3D

  1. Malalaman mo kung gaano kagaling gumawa ng pelikula si James Cameron. Kung nagustuhan mo ang “Avatar” na nilikha n’ya ilang taon na ang nakalilipas, mas magugustuhan mo ang “Titanic” na siyang unang nagpakilala sa kanya sa buong mundo bilang napakagaling na direktor. Makikita mong napakabusisi n’ya sa kanyang mga gawa. Tiyak na masasabi mong sulit ang ibinayad mo sapagkat napakaganda talaga ng pelikula.
  2. Makikita mo kung ano ang hitsura nina Leonardo diCaprio at Kate Winslet mahigit 16 taon na ang nakakaraan. Makikita mo rin ang naipamalas nilang galing sa pelikula bilang nag-iibigang lubos na magkaiba ang mundo. Magagaling din ang lahat ng mga kasama nila.
  3. Malalaman mo kung ano ba talaga ang Titanic pag pinanood mo ang pelikulang ito. Masasaksihan mo kung ano ang naging hitsura nito, bakit ito tinawag na “barko ng mga pangarap” at “barkong di matitibag.” Makikita mo rin kung paano ito posibleng nasira at lumubog sa dagat dahil sa isang napakalaking yelo sa karagatan. Kung nagtataka ka kung anong hitsura at gayak ng mga tao isang daang taon na ang nakararaan, makikita mo rin ang mga iyan pag pinanood mo itong pelikula. Malalaman mo ring ang asal nila ay tulad pa rin ng asal ng mga tao ngayon: may mabubuti, may mga hindi.
  4. Kung may malay ka na noong unang pinalabas ang pelikula sa mga sinehan, mababalik ka sa panahong iyon pag pinanood mo ang pelikulang ito. Malamang ay mararamdaman mo uli ang mga naramdaman mo noong una mong napakinggan ang himig ng “My Heart Will Go On” sapagkat ilang beses pinatugtog ang himig nitong awit na ito sa kabuuan ng pelikula.
  5. Tatlong oras kahaba ang pelikulang ito, pero di mo mamamalayan ang panahong lumilipas habang nanonood ka. Ganun ito kaganda.

Para sa buong movie review ng pelikulang ito, pumunta rito.

Giyera!

Mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan mula nang pumutok ang balitang magnu-nuclear testing ang North Korea. May ilang haka-haka kung bakit umano nila ito binalak gawin. Nandyan ang pagpapakita ng pwersa na mayroon silang ganung kapangyarihan para matakot ang ibang bansa. May palusot na para umano ito sa selebrasyon ng ika-100 taon mula nang ipinanganak si Kim Il-sung, ang tinatawag nilang eternal president. May mga nagsasabi ring paghahanda ito para sa pakikipaggiyera sa mga kaaway ng bansa nila. Dahil sa aktibidad na ito, isa ang bansang Pilipinas sa mga nag-alala na baka tayo ay maapektuhan ng gagawing ito ng NoKor. Sa gitna ng pakikiusap ng Pilipinas at iba pang bansa sa buong mundo ay itinuloy pa rin ng NoKor ang nuclear testing noong nakaraang linggo. Ngunit sa pagkatuwa ng lahat (maliban na malamang sa gobyernong pinamumunuan ni Kim Jong-un) sila ay pumalpak.

Hindi nawawala sa mga balita ang pag-aagawan ng mga isla na matatagpuan sa West Philippine Sea (o South China Sea para sa iba). Nandyan ang Spratly Islands at nitong nakaraang linggo’y napabalita naman ang Scarborough Shoal. Ang Scarborough Shoal ay isang grupo ng mga isla na inaangkin ng Pilipinas, Tsina at Taiwan dahil sa mga potensyal na likas yaman na makikita at makukuha rito. Ang sabi ng Tsina, matagal nang kanila yun sapagkat sila umano ang unang nakakita at nagpangalan sa lugar. Depensa naman ng ating gobyerno, matagal nang napapabilang sa bansa ang Scarborough Shoal bilang bahagi ng Zambales. Isa umanong mapa na nilimbag noong 1734 ang nagpapakitang parte ng nabanggit na probinsiya ang nasabing mga isla. Noong 1965, nakapaglagak din daw tayo ng watawat at nakapagpatayo ng isang parola roon. Sa ngayon ay walang nakikitang solusyon sa argumento kundi ang sumangguni sa international court of law sapagkat sa pagitan ng maraming bansa ang usapin.

Halos kasabay naman ng balitang iyan ang pagbabalik ng mga Amerikano dito sa atin upang isagawa ang balikatan exercises. Wala umano itong kinalaman sa mga hidwaan na nagaganap sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa. Layon ng balikatan exercises na pagbutihin ang pagpaplano, pagsasagawa at pag-eensayo ng mga gawaing military sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipinong sundalo. Ayon naman sa pahayagang Philippine Star, layunin din ng aktibidad na ito ng military ngayong taon na tumulong sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga paaralan at pagtulong sa mga medikal na misyon. Yun lang kaya ang mga dahilan? O mayroon pang mas mabigat na di nalalaman ng lahat?

Ano ang pangunahing tema na mahihinuha natin sa mga nabanggit na istorya? Ano pa kung hindi…

Mula pa noong unang panahon, mayroon ng giyera. Mababasa natin yan sa napakaraming libro tulad ng Bibliya. Puno ang mga libro ng kasaysayan ng paksang ito. Pero tulad ng pahiwatig sa mga istoryang nabanggit, di lamang noon mayroong giyera. Sa panahon natin ngayon ay marami pa rin ang nasa giyera, sila man ang nagpasimula o hindi. Sa katunayan, ayon sa website na ito, 60 bansa ang kabilang sa pakikidigma, mapaloob o mapalabas man ng kanilang teritoryo nagaganap ang hidwaan. Syempre, kasama na tayo sa animnapung mga bansang iyan.

Bakit ba mayroong giyera? Nag-isip ako ng mga dahilan. Una, ginagawa ito upang sumakop ng lupain upang lumaki ang teritoryo. Nagkakagiyera kapag nakikipaglaban ang mga sinasakop sa mga mananakop. Pwede ring mangyari ito kapag tumanggi ang mga sinakop sa sistema, pamamaraan, pamamalakad na ginagawa ng mga mananakop. Maliban sa mga nabanggit, maaaring dahilan din ay pagtatalo o di pagkakasundo ng dalawang paksyon tungkol sa isa o maraming usapin. O kaya naman, may mga bansang gusto lang magpamalas at magpakita sa iba ng kapangyarihan at kagalingan nila.

Gusto ko ring banggitin ang mga dahilan na sinabi ni Geoffrey Blainey, isang Australyanong manunulat ng kasaysayan, sa kanyang librong, The Causes of War. Ito umano ay madalas na ginagamit bilang reperensya pag digmaan na ang pinag-uusapan. Ayon sa website na ito, ang mga dahilan daw ng giyera ayon kay Blainey ay ang mga sumusunod:

  1. Ang optimismo ng mga lider na nagsasagawa ng giyera: lahat ay naniniwalang maikli lamang ang giyera at maipapanalo nila ito (Komento: Mahirap umasa sa maling akala.)
  2. Mga ekspektasyon (o inaasahang gagawin) ng mga bansang di man kasama sa giyera ay maaaring maaapektuhan ng giyerang magaganap (Komento: Ano ito, hulaan?)
  3. Pangloob na alitan o mga malaking pagbabago sa loob ng bansa (tulad ng pagkamatay ng monarch na namumuno) (Komento: May malaking pagbabago mang maganap, ibig bang sabihin nun, kailangang magka-giyera?)
  4. Mga dahilang pang-ekonomiya (Komento: Maraming mahihirap habang may kakaunting ubod ng yaman.)
  5. Impluwensiya ng panahon (Komento: Madalas daw na tuwing tagsibol at tag-init nagkakagiyera)
  6. Pagsukat sa kapangyarihan (Komento: Testing… testing. Hindi ba pwedeng ibang pagsukat ang gamitin?)

Hindi ko alam sa’yo pero mabubuod ko ang mga ito sa mga salitang kasakiman (sa kapangyarihan man o kayamanan), kabaliwan (di tamang pag-iisip) at kasamaan. Bakit mga ito? Para sa akin, kung hindi sakim sa lupa, gamit o anumang pag-aari ng tao, lahat ay magkakaroon. Kung hindi naman baliw ay mapagtatantong wala talagang nananalo sa giyera sapagkat lahat ay natatalo rito sa buhay, sa ari-arian, sa panahon, sa kapayapaan at kaganaang-loob. Kung hindi naman masama ay hindi magagawang manakit at kumitil ng buhay. Tama po ba?

Maaaring sinisimplehan ko ang mga bagay tungkol sa giyera. Tunay naman talagang kumplikado ang mga dahilan at salik ng pakikidigma. Pero, hindi naman ibig sabihing pag kumplikado na ang isang bagay ay hindi ito maaaring simplehan. Kung may tamang panuntunan ang tao at talagang isinasabuhay ito, maiiwasan ang anumang gulo, giyera o digmaan.

Sana maiwasan na ng tao ang giyera. May mga mabibigat (pero may mabababaw din) na dahilan kung bakit ginagawa ng tao ang pakikidigma pero sana’y magkaroon ng resolusyon ang mga ito. Mahirap mapasama sa isang giyera. Alam natin ito sapagkat nabasa natin ang mga pahina ng libro tungkol sa giyerang pinaglabanan ng ating mga bayani, kilala man o hindi, mula pa noong unang panahon. Ipanalangin nating wag nang magpasikat ang North Korea, wag nang maging ganid sa lupa ang Tsina at wag na tayong magpaloko sa Amerika.

Reyalidad sa mga Reality Show

Nauso ang mga reality show noong unang dekada ng ika-21 siglo at patuloy pa rin itong namamayagpag sa mga telebisyon hanggang ngayon. Alam mo ba ang kwento ng mga reality show na kilala at popular sa buong mundo?

Pero bago yan, alamin muna natin kung ano ang reality show. Ayon sa akda ni Annette Hill na Reality TV: Audiences and Popular Factual Television, ang reality show ay isang kategorya ng palabas kung saan pinapakita ang mga ”totoong” eksena, sitwasyon at pangyayari sa isang patimpalak man o hindi. Kumbaga, bahagi ng mga palabas na ito ay ang mga totoong nangyayari sa harap ng kamera. Layunin ng ganitong palabas ang mang-aliw, magpatawa, magsimula ng tsismis at kung ano-ano pa.

Reyalidad ba talaga?

Maaaring totoo ang nakikita sa kamera pero hindi maiiwasang lagyan ng kaunting script ang mga palabas na ito para magkaroon ng linaw at direksyon ang mga ito. Challenges sa Survivor, tasks sa Big Brother, tema ng kakantahin sa American Idol, mga lugar na pupuntahan at gawain na kailangang harapin sa The Amazing Race ang mga halimbawa. Ayon naman sa artikulo ni William Booth sa Washington Post na may titulong Reality is Only an Illusion, Writers Say, may mga pagkakataong talagang scripted ang ilang mga linyang binabanggit sa mga reality show: mga patawa o panukso na sinasabi ng mga host at mga hurado. May mga pagkakataon din daw na may mga linyang direktang pinapasabi sa mga kalahok. Nabanggit din n’yang binubuo ang mga banghay o narrative arcs sa mga ganitong uri ng palabas, bagay na katulad ng binanggit ko kanina.

Saan ito nagsimula?

Ang sinasabing pinakanaunang reality TV show sa mundo ay ang Candid Camera ni Allen Funt. Hango sa palabas n’ya sa radyong Candid Microphone noong 1947, ang Candid Camera na nagpapakita ng mga reaksyon ng mga tao sa pagbibiro o pagpapatawang ginagawa ng mga tao sa likod ng programa ay unang ipinalabas noong 1948.

Naging mas matunog at popular ang reality shows sa buong mundo noong naging matagumpay ang palabas na Survivor sa Amerika. Sinundan ito ng The Amazing Race, American Idol, The Apprentice, Fear Factor, at maraming-marami pang iba.

Bakit pinipili ng mga network ang pagpapalabas ng reality show?

Simple ang kasagutan d’yan. Bukod sa maraming tumatangkilik at nanonood ng mga palabas na ito, mas nakakatipid kasi sila sa gastusin. Isipin mo, hindi tulad ng mga palabas sa telebisyon tulad ng teleserye o kaya variety show kung saan kumukuha sila ng mga malalaking artista at nagbibigay ng malalaking papremyo sa mga patimpalak, ang mga reality show ay hindi. Nagtataka ka ba kung bakit nakaabot sa ikaapat na edisyon ang Pinoy Big Brother? O kaya ilang taon din ang itinagal noon ng Extra Challenge? Ngayon ay alam mo na ang kasagutan.

Reality shows sa ngayon

Ang mga reality show na nakasanayan ng panoorin ng maraming Pilipino (lalo na ang may cable television) ay mga palabas na nagmula pa sa Europa at Amerika. Nangunguna na sa listahan ang mga nabanggit ko kanina tulad ng The Amazing Race, American Idol, Survivor at Big Brother. Naririto ang kanilang pinagmulan at ang kanilang mga manlilikha:

  • The Amazing Race

Ang unang pagtatanghal ng reality show na ito kung saan ang mga koponan na binubuo ng 2 ay nagpapaunahan at nagpapaligsahan sa palibot ng buong mundo ay noong 2001. May pagkakataong nagpunta na ang palabas na ito sa Pilipinas kung saan pinakita ang mga lugar sa Palawan, pati na ang Rizal Park.

*Pinapalabas ito tuwing Lunes sa cable channel na AXN.

*May sariling bersyon na ang Asya ng palabas na ito. Sa pinakahuling paglabas nito noong 2010, mga Pilipino ang nanalo. May bali-balita rin na magkakaroon ng sariling bersyon ang Pilipinas ng The Amazing Race at ipapalabas umano ito sa TV-5.

  • American Idol

Binase ang programang ito ng pagalingang kumanta sa Pop Idol na likha ni Simon Fuller sa United Kingdom. Unang inere ang American Idol noong 2002 sa Amerika at nung taon na iyon nanalo si Kelly Clarkson.

*Pinapalabas ito sa Star World at ETC tuwing Huwebes at Biyernes.

*Sa aking pagkakaalam, limang Pilipina na ang napapabilang sa finals ng American Idol. Sila ay sina Jasmie Trias, Camille Velasco, Ramiel Malubay, Thia Megia at Jessica Sanchez.

*Ilang palabas na kagaya ng American Idol: The Voice, X-Factor

  • Survivor

Ang sinabi kong nagpasikat sa reality shows higit isang dekada na ang nakakaraan, ang Survivor ay isang natatanging pagkakataon para makita kung paanong umasal ang mga tao at gumawa ng mga istratehiya. Ginagawa nila ito para manatili ng pinakamatagal sa isang liblib na lugar (madalas sa isang isla) kung saan sila ay naglalaban-laban sa iba’t-ibang palaro. Ang palabas na ito ay hango sa palabas sa Sweden na tinatawag na Expedition Robinson na likha ni Charlie Parsons noong 1997.

*May bali-balita na ang susunod daw na season ng palabas na ito ay kasalukuyang kinukunan sa may Bicol Region. Kung nagkataon, malaking bagay ito para sa ikatataas ng turismo sa ating bansa sapagkat makikita nila kung gaano kaganda ang mga tanawin sa atin.

*Dati itong napapanood sa Studio 23, pero ngayon ay ipinapalabas na lamang sa Jack TV.

  • Big Brother

Sa apat na babanggitin kong mga sikat na reality show ng Amerika, ito ang hindi ko pinapanood. Bukod sa di ito pinapalabas sa kahit anong cable station dito sa atin, di ako interesadong malaman kung anong asal o gawain mayroon ang mga Amerikano kung sila ay ikukulong sa isang bahay lamang at napapanood buong araw at gabi sa loob ng ilang buwan. Pero ibang usapan naman kung ang bersyong Pinoy nito na dahil minsan ay nakakapanood ko nito (Basahin pa ang iba sa baba para sa mga reality show na may sarili na tayong bersyon). Ang unang bersyon ng Big Brother ay nagmula sa Netherlands at ito ay pinalabas noong 1999. Nagkaroon ng iba’t-ibang bersyon nito sa buong mundo tulad ng napapanood natin ngayon sa ating mga telebisyon.

*Dalawa sa mga naging kalahok rito ay mga kalahok naman ngayon sa The Amazing Race.

Ang ilan naman sa mga reality show na hango sa mga nabanggit sa itaas o kaya naman orihinal na ideya ng Pinoy ay ang mga sumusunod:

  • X-Factor: Philippines

Malapit na umanong ipalabas ang bersyon natin ng pinakapopular na reality competition program sa Britanya. Ilan sa mga napiling hurado ay sina Martin Nievera at Charice. Ang palabas ay ihu-host ni KC Concepcion.

*Sa totoo lang, napakarami ng reality competition program na pinalabas sa Pilipinas bago pa man nagkaroon ng American Idol o kaya X-Factor. Nandyan ang Tawag ng Tanghalan kung saan nagwagi si Nora Aunor. Nandyan din ang Ang Bagong Kampeon kung saan naman nanalo si Regine Velasquez. Noong early 2000s naman, parang kabuteng nagsilabasan ang mga palabas na tulad ng mga nabanggit. Nariyan ang Star for a Night (pinagwagian ni Sarah Geronimo), Star in a Million (pinagwagian ni Erik Santos) Search for a Star (pinagwagian ni Rachelle Anne Go) at marami pang iba. Nung nagdaang taon, ipinalabas naman ang Star Power, kung saan nagwagi si Angeline Quinto. Kung may mga palabas na pinanood at tinangkilik ng mga tao, may mga palabas ding hindi gaanong pinanood. Alam n’yo bang ang American Idol ay dalawang beses ng nagkaroon ng bersyon dito sa atin? Una sa ABC-5 (ang dating tawag sa TV-5), ito ay tinawag na Phillipine Idol at nung inilipat sa GMA-7, ginawang Pinoy Idol. Nakakadismaya dahil hindi gaanong tinangkilik ang mga nabanggit na programa. Kung sa ABS-CBN kaya ito pinalabas, tinangkilik kaya ng marami? Sa GMA-7 kasi, panay di tinangkilik ang mga palabas nilang pangkantahan tulad ng Pinoy Pop Superstar, Are You the Next Big Star, at marami pang iba. Walang biro ha, magbigay kayo ng pangalan ng mga nanalo na riyan na talagang tumatak at patuloy na tumatatak sa malay ng mga Pilipinong manonood. Sa TV-5 ay sinasabing magpapalabas ng orihinal na palabas na may titulong Kanta Pilipinas. Maganda ang titulo pero sana, maganda rin ang palabas kapag ito ay umere na.

  • Talentadong Pinoy

Hindi tulad ng Pilipinas Got Talent, buong taon ay napapanood ang Talentadong Pinoy sa TV-5. Kahit pa sabihing hango ito sa America’s Got Talent (kung saan halaw ang PGT), iba pa rin kung maituturing na orihinal ang isang palabas kahit pa sabihing binago lamang ng kaunti ang ilang mechanics na pinaggayahan nito.

  • Survivor: Philippines

Dahil ako ay masugid na manonood ng Survivor ng Amerika, hindi ko napigilang subaybayan kahit ilang linggo ang unang pagtatanghal ng bersyon natin nito sa GMA-7. Maganda ang mga kuha, interesante ang mga napili nilang kalahok at magaling ang noo’y host nitong si Paolo Bediones. Di ko nga lang natagalan ang panonood dahil hindi magandang araw-araw ang ganitong uri ng palabas sapagkat masyadong numinipis ang mga kwentong inilalahad. Isipin mo, 39 araw lamang ang tinagal ng mga kalahok sa liblib na lugar kung saan sila dinala at ipapalabas ang mga ginawa nila rito limang beses isang linggo sa loob ng maraming buwan. Anong klase na ng palabas ang mapapanood mo? Syanga pala, bago ko malimutan, bakit puro artista o celebrity na ang kinukuha nila? Tsaka, bakit si Richard Gutierrez ang kinuha nilang host gayung maraming mas makakapantay sa galing ng nauna sa kanya?

  • Pinoy Big Brother

Isa sa mga talagang nakaka-adik na reality show ang PBB. Mga interesante ang pinipili nilang kalahok at magagaling ang mga pinipili nilang host. Di ko nga lang tipo ang lahat ng mga task na binibigay sa mga housemate lalo na kung kinakailangan nilang magpanggap, magsinungaling at iba pang klase ng panloloko sa kapwa. Dahil sa hindi pagiging consistent ng kagandahan ng palabas na ito, itinuturing kong parehong maganda at pangit ang PBB. Kaya ang hiling ko para sa bago nitong edisyon, ang PBB: Teen Edition 4, sana ay magaganda at naaayon sa mga teenager ang ibigay na tasks sa mga housemate. At sana, hindi lang panay kilig, harot at landi ang ipairal ng mga HM, lalo na ang mga babae. Ipakita nilang maganda pa rin ang katangian ng isang dalagang Pilipina at hindi yung tipong kaladkarin kahit na nasa loob lamang ng bahay ni Kuya.

Maraming-marami pang reality shows ang hindi ko nabanggit. Yung iba ay tungkol sa pagluluto, pagsasayaw, pagmu-modela, atbp. Alam ko rin, nagpapalabas din ang GMA News TV at TV-5 ng mga reality show, pero dahil wala akong masyadong panahong manood ng TV at magpalipat-lipat ng channel bukod sa mga pinapanood kong palabas, di ko sila nakikita o nasusulyapan man lang. ikaw, may alam ka pa bang di ko nabanggit? Sabihin mo sa ibaba ng malaman din ng iba. 🙂

Panahon ng Kwaresma

Para sa ating mga Katoliko at iba pang kasapi sa denominasyong Kristiyanismo, mahalagang pinagdiriwang ang Resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Taun-taon ay maraming aktibidad ang ating ginagawa para rito tuwing panahon ng Kwaresma (Lent). Tayo ay sinasabihang mangumpisal ng ating mga kasalanan, lalo na kung matagal na yung huli nating kumpisal. Tayo rin ay sinasabihang mag-visita iglesia kung kailan pinupuntahan ang 7 o 14 na simbahan upang dasalin ang 14 na mga Istasyon ng Krus. Di rin nawawala ang pagpunta sa mga retreat o rekoleksyon na isinasagawa sa ating mga parokya. Tayo rin ay inaalok na lumahok sa iba’t-ibang gawain lalo na tuwing Biyernes Santo. Pero, dalawa sa kailangan talaga nating gawin ay ang pag-aayuno at ang pagngingilin.

Ano ang pag-aayuno at pagngingilin?

Pagpatak ng Kwaresma, lahat ng mga Katolikong nasa edad 14 pataas ay kinakailangang mag-ayuno at mangilin. Ano ang pag-aayuno? Ang pag-aayuno (o mas kilala sa tawag na fasting sa Ingles) ay ang hindi pagkain ng kumpleto sa mga araw ng Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday), Biyernes Santo (Good Friday) at lahat ng Biyernes sa panahon ng Kwaresma (Lent). Maari lamang kumain ng isang buong kain (meal) at maliliit na bahagi ng pagkain sa buong araw. Ang pagngingilin naman (o mas kilala sa tawag na abstinence sa Ingles) ay ang pag-iwas sa pagkain ng karne (pati na mga sabaw na gawa rito) sa mga araw na nabanggit kanina. Ang maari lamang kainin ay ang karne ng isda. May nabuo ring anyo ng pagngilin sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga bagay o gawain na tipikal nating gusto bilang tanda na rin ng paghingi ng tawad.

Bakit ginagawa ang pag-aayuno at pagngingilin?

Una nating alamin kung bakit ba mayroong Kwaresma. Ang kwaresma ay ang paggunita sa 40 araw na pag-aayuno ni Hesus sa disyerto hanggang sa Kanyang pagkakapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay. Nagsisimula ang Kwaresma sa Miyerkules ng Abo at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday). Kung ating bibilangin, lalampas sa 40 ang araw mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay. Ang dahilan dito’y hindi isinasama sa bilang ang bawat Linggo na nakapaloob sa Kwaresma.

Ayon sa sulat na ito ng Santo Papa noong taong 2009, tayo ay kailangang mag-ayuno upang mailayo tayo sa kasalanan at sa lahat ng nauugnay dito. Bukod sa ginagaya natin ang ginawa ni Kristo nung Siya ay nasa disyerto, ito rin ay isang paraan ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Bukod dito, ang pag-aayuno at pagngilin ay mga paraan upang mabuo ang disiplina natin sa sarili. Higit kasi sa pagsunod sa utos na pagtitiis sa hindi pagkain ng marami at pag-iwas sa karne, kinakailangang isapuso ang pagbabago sa pamamagitan ng pagtatama sa ating mga ugali (Isaias 58:6-7). Kung nabasa ninyo ang huling bahagi ng sulat ng Santo Papa, nawa raw ay maiiwas natin ang sarili mula sa mga bagay na hindi mahalaga sa ispirito at lumago tayo sa anumang paraan sa kaluluwa upang maidulot tayong mahalin ang Diyos at ang tao. Kumbaga, higit pa sa pag-iwas sa pagkain ng marami at karne ang kailangan nating gawin. Sa panahon ng Kwaresma, binibigyan tayo ng oras hindi lamang upang magpahinga sa mga palagian nating ginagawa (trabaho, laro, lakwatsa), kung hindi para ilapit muli ang sarili o magbalik-loob sa Diyos, kung tayo ay napariwara sa Kanya.

Ang Pinakaimportanteng Bagay na Dapat Mong Malaman

Itinuturing na pinakaimportanteng kaganapan sa mundo ng Kristiyanismo ang resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Ito kasi ang kaganapan kung saan sa ikatlong araw ng Kanyang pagkamatay, Siya ay nabuhay muli at umakyat sa langit. Alam nating si Kristo ang bugtong na Anak ng Diyos at siya ay nagkatawang-tao upang mamuhay kasama ng mga tao, nagturo ng Salita ng Diyos at gumawa ng mga milagro. Ngunit, dumating ang araw na Siya ay kinainggitan, ipinagkanulo, pinatawan ng parusang kamatayan kahit di napatunayang nagkasala, pinatungan ng tinik sa ulo, pinaghahampas, pinabuhat ng mabigat na krus, ipinako rito at namatay. Bakit Niya hinayaang maghirap, magdusa at ibigay ang sarili Niyang buhay gayung Siya ang Panginoon, Ikalawang Persona ng Diyos? Ang sagot: sapagkat tayo ay mahal Niya. Kaya rin, sa Kanyang pagkabuhay muli, ang kaligtasan natin ay nasigurado na. Wag na wag kakalimutan na ang ginagawa natin ngayong Mahal na Araw ay bilang paggunita sa mga kaganapang iyon.

Ilang Paalala

Gamit-gamit ang natutunan ko noon sa hayskul, nabasa sa mga libro at iba’t-ibang website sa internet ay aking nakuha ang mga impormasyong ito at ngayo’y pinapabasa sa iyo. Hindi ko sinasabing ang lahat ng nakalagay dito ay kailangan mong paniwalaan. May kanya-kanya tayong paniniwala, at ating respetuhin ang mga ito. Bilang Katoliko mula pagkabata hanggang ngayon, naisip kong kailangang malaman ng kapwa ko Katoliko (pati ng ibang tao na naniniwala kay Kristo) kung bakit importante ang ilang mga ginagawa tuwing Kwaresma (tulad ng pag-aayuno at pagngingilin) at kahalagahan ng selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay. Iba ang paggawa lamang dahil sa tradisyon o sa nakaugalian sa paggawa na nanggagaling sa isip, puso at kaluluwa.

Kung gusto mo pang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito, sumangguni sa mga sumusunod:

  1. Bibliya (lalo na libro ni Mateo)
  2. Katekismo para sa Pilipinong Katoliko
  3. Sulat ng Santo Papa noong Panahon ng Kwaresma, taong 2009. http://www.vatican.va/holy_father/benedict_xvi/messages/lent/documents/hf_ben-xvi_mes_20081211_lent-2009_en.html
  4. Website ng organisasyon ng mga Amerikanong Katoliko. http://www.americancatholic.org/newsletters/CU/ac0302.asp#F2
  5. Website na pang-Katoliko. http://www.fisheaters.com/fasting.html

Hayskul

Walong taon na pala ang nagdaan nitong Marso mula nung nakapagtapos kami ng mga kaklase ko sa hayskul. Mula  noon, napakarami na ng mga nangyari. Nakakatuwa dahil may mga ikinasal na, may mga nanay at tatay na, at syempre, may mga single pa rin hanggang ngayon. Marami na ang nakatapos sa kolehiyo at naging ganap ng mga inhinyero, nars, arkitekto, mandaragat, at iba pa. May mga nagtatrabaho sa oursourcing industry at mayroon din sa gobyerno. May mga nagtatrabaho sa ibang bansa pero may mga nananatili pa rin dito. May ilan din na nagpapatuloy pa ng pag-aaral.

Sadyang napakabilis ng panahon. Parang kailan lang yung naging abala kami sa paggawa ng assignment, pagri-review para sa mga eksamen at quiz, paggawa ng sangkatutak na project at reports, pagsali sa mga pakontes sa eskwela, pagdalo sa mga piniling club, at marami pang iba. Parang kailan lang nung iba sa aming mga kaklase ay nagliligawan, nagpapalipad-hangin o nanatiling may crush lamang.

Tandang-tanda ko rin kung gaano katindi ang kumpitensya noon. Masaya ang kompetisyon, pero di na ito masaya kung ito’y nagiging personalan na. Di kasi natin napapansin na nakagagawa na pala tayo ng mga di kagandahang bagay dahil lang sa kagustuhang manguna. Gayunpaman, tapos naman na ang mga iyon. Magandang dalahin ang mga alaala nito pero di na magandang balikan at dalhin pa rin hanggang ngayon.

Pinakamasaya siguro sa lahat ng mga pangyayari sa hayskul ay ang pagbuo ng mga samahan sa panahong ito. Nakakatuwa dahil may mga kaibigan ako nung hayskul na mga kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Hindi man palaging nagkikita (kahit  halos magkakapitbahay na), nananatili pa rin ang samahang nabuo at pinagtibay ng ilang taon sa hayskul. Sa kabilang banda, di rin maiiwasang may mga dating kaibigan na hindi na nakikita o nagpaparamdam man lang. may iba rin na lumayo na ang loob dahil sa ilang kadahilanan. Gayunman, sana sila ay ayos lang at mabuti ang kalagayan.

Totoo ang sabi nila na iba ang hayskul sa buhay ng isang tao. Talagang iba ito sapagkat ito yung panahong inisip na nating mahihirap ang mga gawain. Patikim lang pala ang mga iyon dahil mas mahihirap ang mga gagawin sa kolehiyo,lalo na syempre pagkatapos ng kolehiyo- ang pagtatrabaho at pagharap sa totoong mundo hindi bilang bata kung hindi mga ganap nang lalake at babae. Ito rin yung panahong nabubuo ang samahang sa ating pag-iisip ay sana pang-habang-buhay na. Paano ba naman, para kasing ang saya-saya ng buhay pag kasama ang mga kaibigan natin noong hayskul. Kahit na maraming gawain, nakakaya ang mga ito dahil na rin kasama natin sila. Ang hayskul rin ang panahong marami kang dapat matutunan upang maging handa sa mga haharaping hamon ng buhay, mag-aral ka man sa kolehiyo o hindi. Mapalad ako at ang mga kaklase ko noon sapagkat karamihan sa mga naging guro naming nung hayskul ay talagang napakagagaling. Wala yatang klase nila sa amin ang di kami natuto, leksyon man sa aralin o aral para sa totoong buhay. Higit sa lahat, ang hayskul ang panahong dapat ay nakakapag-isip na ang estudyante kung anong plano n’yang gawin sa buhay pagkatapos mag-aral sa hayskul. Kung nagtapos ka na sa hayskul o kakatapos pa lang dito, maaaring natanong mo ang isa sa mga ito sa sarili mo:

  • Magpapatuloy pa ba ako ng pag-aaral sa kolehiyo?
  • Tutulong na ba ako sa aking mga magulang kaya maghahanap na ako ng trabaho?
  • Magiging working student na lang ba ako para lumuwag naman ang alalahanin ng aking mga magulang sa pera?
  • Magpapatuloy ako ng pag-aaral, pero ano ang kukunin kong kurso?
  • Gusto ko itong kurso na ito, pero itong isa naman ang in-demand ngayon. Anong kukunin ko?
  • Gusto ng magulang ko, ito raw ang kunin ko. Pero parang iba ang gusto kong kunin. Ano pipiliin ko?

Ang mga tanong na iyan sa itaas ay ilan lang sa mga mahahalagang tanong na dapat sagutin ng isang estudyante pagkatapos ng hayskul. Sa totoo lang, walang madaling sagot sa mga iyan lalo na kung ang isang estudyante ay hindi galing sa isang maykayang pamilya. Ang desisyon niya kasi ay di lamang niya ibabase sa kung anong gusto n’ya kung hindi sa kung anong makakabuti sa pamilya n’ya.

Kaya para sa lahat ng mga nagtapos ngayong taon, tulad ng aking bunsong kapatid na pinagpalang makatapos na may parangal na 1st honorable mention at iba pang parangal, tamang mag-isip-isip muna. Mabuti iyong pag-aralan ng mabuti ang mga planong gawin tulad ng paglista sa mga kabutihan (pros) at di kabutihang (cons) maidudulot ng bawat desisyong gagawin. Para mas dumali ang pagdidesisyon, kumunsulta sa mga nakatatanda lalo’t alam nila ang pinagdaraana
n mo o ang haharapin mo. Iba ang sabi ng kaklase sa sabi ng mas nakatatanda. Pareho kayo ng pinanggagalingan ng kaklase mo, habang ang nakatatanda ay nauna na. At higit sa lahat ng mga dapat gawin, tumawag palagi sa Diyos at humingi ng gabay mula sa Kanya. Kahit gaano pa kahirap ang mga kailangan mong pag-isipan, kumunsulta sa Kanya nang mapadali ang iyong pagdi-desisyon.