Ngayong araw, Agosto 28, 2012, ay ilalagay na sa kanyang huling hantungan ang katawan ng isa sa mga pinakanirirespetong pinuno sa buong Pilipinas, si Department of Interior and Local Government (o Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal) Secretary Jesse Robredo. Nagtataka ka ba kung bakit marami ang nalungkot noong siya ay pumanaw mahigit isang linggo na ang nakalilipas? Subukan nating alamin kung bakit maraming tao ang nagmamahal sa kanya.
Bago pa man siya hirangin ni Pangulong Noynoy Aquino bilang kalihim ng DILG ay nakilala ko na noon si Sec. Jesse sa pamamagitan ng isang artikulo sa dyaryo na nabasa ko. Mula noon ay humanga na ako sa kanya. Base kasi sa nilalaman ng artikulong nabasa ko, isa siyang huwarang pinuno ng Naga City. Mula raw sa pagiging mahirap ng kanyang lungsod na pinaglingkuran ay naiangat n’ya ang antas nito bilang isang first class city. Hindi ba’t sa ginawa n’yang iyon ay kahanga-hanga na talaga siya?
Sa totoo lang, malaking kawalan ang kanyang pagkamatay sa ating bayan. Mahirap humanap ng pinunong tuwid, tapat at talagang may ginagawa.
Nangalap ako ng ilang impormasyon tungkol kay Sec. Jesse. Alamin natin ang ilan sa mga importanteng bagay tungkol sa isang pinunong minahal ng taumbayan.
- Ipinanganak siya noong Mayo 27, 1958 sa Naga City, Bicol. Mga negosyante ang kanyang mga magulang. Nabuhay siya sa loob ng 54 taon dito sa mundo.
- Ayon sa mismo n’yang kwento sa artikulong ito, ang kanyang tatay ay nabulag noong siya ay apat (4) na taong gulang. Naging inspirasyon ito sa kanya dahil kahit na sa kapansanang iyon ng kanyang tatay ay naitaguyod nito ang kanilang pamilya. Kaya sa tuwing makakakita siya ng isang pagsubok, nakikita n’ya ang kanyang ama. Kung kaya umano ng kanyang amang may kapansanan, paano pa kaya ang lahat ng walang kapansanan.
- Ayon sa artikulong ito, nagtapos ng kursong Industrial Management Engineering and Mechanical Engineering sa De La Salle University. Nakatapos din siya ng Masters of Public Administration sa John F. Kennedy School of Government ng Harvard University. Nagtapos din siya ng Masters in Business Administration sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman. Siya umano ang pinakamagaling sa kaniyang klase sa UP noong panahong iyon.
- Una siyang naging alkalde ng Naga noong 1988. Siya ang pinakabatang alkalde noon sa Pilipinas sa edad na 29. Ayon uli sa artikulong ito, mahahalagang reporma ang kanyang ginawa upang maibsan ang problemang kinakaharap noong ng kanyang lungsod na pinaglilingkuran. Inilipat ng matitirhan ang mga iskwater sa siyudad, pinuksa ang mga pasugalan, nilagay sa tamang lugar ang terminal ng mga bus at dyip at ginawang episyente ang pagkolekta ng mga buwis
- Itinalaga siyang presidente ng League of Cities of the Philippines noong 1995 bilang rekognisyon ng kanyang husay at galing bilang pinuno.
- Bilang patunay pa ng kanyang galing sa pamumuno, siya ay binanggit sa Asiaweek Magazine noong taong 1999 dahil sa kanyang huwarang pamumuno sa Naga na itinuring na isa sa mga pinakamataas ang iniangat na siyudad sa Asya.
- Isa siyang Katoliko.
- Namayapa si Sec. Jesse noong Agosto 18, 2012 nang bumagsak ang kanyang sinasakyang eroplanong Piper Seneca sa Masbate. Naiwan ni Jesse ang kanyang maybahay at tatlong anak na babae. Inilarawan ng kanyang maybahay na siya ay isang simpleng tao lang na napakasipag at pinakamasaya sa kanilang tahanan.
- Sabi ni Gemma Mendoza sa kanyang artikulong ito sa rappler.com, maaaring si Sec. Jesse ang pinuno sa lokal na pamahalaan na may pinakamaraming natanggap na parangal. Pinakamataas sa kanyang mga nakamit ay ang Ramon Magsaysay Award for Government Service, ang katumbas ng Nobel Prize dito sa Asya.
- Hindi siya sang-ayon sa nepotismo. Nang matapos umano ang kanyang termino bilang alkalde ng Naga, hindi siya pumayag na tumakbo ang kanyang maybahay. Totoo naman kasing hindi dahil magaling ang isang tao ay magaling na rin ang kanyang asawa o maging anak. Sana maisip yan ng mga pulitiko natin ngayon na hene-henerasyon na ang pamilya sa pulitika.
Tiyak na mas marami pang nakahahangang kwento ang mga taong talagang nakasalamuha at nakasama si Sec. Jesse tungkol sa kanya. Aking iri-rekomenda na inyong basahin ang mga link na inilagay ko sa itaas upang mas makilala n’yo si Sec. Jesse. Ganunpaman, maigi na ring nalaman natin mula sa mga nakalagay sa itaas ang karakter ng isang pinunong talagang isa ring mabuting tao. At dahil diyan, tayo ay talagang saludo sa kanya.