Sampal sa mga OFW

Kung ang isang mungkahi ay magbibigay-dusa at pasakit sa marami, di maiiwasang isipin na ito ay nagmula sa isang taong walang puso. Pero maaari ring nanggaling ang mungkahing ito sa isang may pagka-ignoranteng mambabatas. Di ko alam kung saang kategorya ilalagay d’yan si Manila Representative Trisha Bonoan-David dahil di ko naman siya personal na kilala. Kung maitatanong n’yo kung sino s’ya, s’ya lang naman ang kongresistang naglayong dagdagan ang kontribusyon ng mga Overseas Filipino Workers (o OFW) sa Overseas Workers Welfare Administration (o OWWA) mula $20 (lampas P800) papuntang $50 (lampas P2,000) sa pamamagitan ng House Bill 6195. Ang nabanggit na bill ay naglalayong repasuhin ang ilang bahagi ng Migrant Workers and Overseas Filipino Protection Act of 1995 upang mas matulungan daw ang mga OFW na nagiging biktima ng giyera, sakuna o kalamidad sa ibang bansa.

Nahihibang kaya si Rep. Bonoan- David sa kanyang panukalang batas na ito? Bakit n’ya kailangang pahirapan ang mga OFW para mas matulungan daw sila? Malaki ang naiaambag na salapi ng mga OFW sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng pagpapadala nila ng kanilang mga kita sa mga pamilya nila rito sa bansa. Bukod pa yan sa mga kontribusyon nila sa OWWA at iba’t-iba pang ahensiya. Bakit hindi umisip si Rep. Bonoan- David na humugot ng dagdag na salapi mula sa ibang paraan?

Sa totoo lang, hindi naman mayayaman ang mga pamilya ng mga OFW. Alam ko dahil anak ako ng isang OFW. Ang aking papa ay maglalabinlimang-taon nang nasa ibang bansa. Simula pa lamang ng pag-uusap nila ng aking mama tungkol sa kanyang pangingibang-bansa upang matustusan ang pag-aaral naming magkakapatid ay umaayaw na ako. Kahit sa murang edad ko kasi noon ay alam ko na ang maaaring maging epekto ng kanilang plano. Kaya lang, natuloy si papa. Pero sa awa ng Panginoon, naging mabuti naman ang lahat dahil kaming tatlong nakatatanda sa magkakapatid ay nakapagtapos na ng pag-aaral at ang dalawa pa’y nasa kolehiyo.

Mahirap ang walang ama sa loob ng tahanan. Di ko rin lubos maisip kung gaano kahirap sa isang ama ang mawalay sa kanyang asawa at mga anak. Napakalaki ng ginagawang sakripisyo ng mga OFW para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

Hindi kaya naisip ni Rep. Bonoan-David na kaya nangingibang-bansa ang maraming Pilipino ay dahil hindi sapat ang kinikita ng marami rito sa ating bansa? Isang civil engineer ang aking papa, at kahit pa sabihing mas mataas ang kinikita n’ya noon dito kumpara sa ordinaryong manggagawa, di pa rin sapat yun para sa pamilya ng pito. Kaya ang mungkahing ito ni Rep. Bonoan-David ay isang sampal sa mukha ng mga OFW. Bakit kailangang pahirapan ang mga taong gustong lumaya sa kahirapan? Bakit kailangang dagdagan ang gastusin ng mga may pamilyang tipid na ang gastos? Bakit kailangang dagdagan ang bigat na pasan ng mga OFW?

Nakakatuwang isipin na hindi ito pinalalampas ng mga taong may puso sa mga OFW tulad ni Susan Ople, anak ng dating senador na si Blas Ople. Gumawa siya ng isang open letter para kay Rep. Bonoan-David at sinabi n’ya rito kung bakit hindi tama ang naturang panukalang batas ng kongresista. (Maaari n’yong basahin ang nasabing open letter dito.). Hindi rin pinalampas ng mga OFW at ang kanilang mga pamilya ang kanilang pagkadisgusto sa nasabing panukalang batas. Gamit ang mga kilalang social networking sites gaya ng Facebook, iba’t-ibang paraan ang kanilang ginawa para ipahayag ang kanilang pagkadisgusto. Nariyan ang iba’t-ibang internet memes na marami’y nakakatawa ngunit mabigat ang lamang mensahe. Mayroon ding seryoso talaga tulad ng nasa ibaba.

May magandang balita para sa lahat ng mga OFW at kanilang mga pamilya. Hindi na ipagpapatuloy ni Rep. Bonoan-David ang kanyang panukalang batas pagkatapos umano n’yang i-konsidera ang ilang probisyon dito. Malamang ay natakot siya sa lakas ng tinig ng mga OFW advocates. Maaaring iniisip ng iba’y malapit na kasi ang eleksyon kaya natakot sa pangit na imahe dahil sa nabanggit na batas, ang mahalaga’y di na niya ito matutuloy pa. Mabuti at nakapag-isip-isip na siya. Tinagurian pa namang bagong bayani ang mga OFW. Sana, laging isipin ng lahat ng Pilipino tulad n’ya na kahit sa respeto lamang ay maibigay sa mga OFW ang importansya ng bansag na iyon.

Advertisements

Wolven

Ang pangalan sa itaas ang ginagamit ko sa tuwing maglalaro ako ng online games. Naisip ko lang ang pangalang ito isang araw noon habang naglalaro, at mula noo’y palagi ko na itong ginagamit. Tunog lobo kaya tunog maliksi at malakas, mga katangiang gusto mong ipakita kung ikaw ay naglalaro kasama ng iba. Una ko itong ginamit noong nakikipaglaro ako ng Warcraft III: Defence of the Ancients (DotA) isang bakasyon kasama ng aking mga kapatid. May batas kasi ako sa sarili noong kolehiyo na pag may pasok, bawal maglaro, kaya nakakasama lang ako kapag wala ng klase. Natatandaan kong ginamit ko rin ito noong nakikipaglaro kami ng nabanggit na laro sa aming mga pinsan tuwing magpa-Pasko.

Hindi naman ako madalas naglalaro ng online games, lalo na nung nagsimula akong magtrabaho. Sa katunayan, higit isang taon na akong hindi naglalaro ng mga laro sa Facebook. Pero may panahon na napapadalas kong gamitin ang pangalan kong Wolven, lalo na ngayon. Di alintana sa lahat ng gamers na kakalabas lang nung isang buwan ang isa sa mga pinakamagandang larong ginawa para sa kompyuter: ang Diablo III. Sa totoo lang, nung una kong narinig ang pangalan ng larong ito higit 10 taon na ang nakalilipas, hindi ako natuwa. Bakit ba naman kasi gagamitin ang pangalan ng masamang nilalang sa isang laro, hindi ba? Pero nung nalaman ko kung bakit iyon ang pangalan, ayos na rin sa akin. Bukod doon ay maganda ang pagkakakagawa ng laro kaya maraming tao sa buong mundo ang talaga namang nag-abang sa ikatlong edisyon nito, ang Diablo III nga.

Siguro marami ang nagtataka kung bakit maraming oras ang ginugugol ng isang manlalaro sa mga online game. Kung magtatanung-tanong ka, malamang ang isasagot sa iyo ay nakakalibang kasi ito. Bukod doo’y paraan din ito ng mga magkakapamilya o magkakaibigan na mag-bonding kahit papaano. At para naman sa akin, nakakapagpasaya kasi ito. Hindi lang iyan. May mga pag-aaral na ginawa para imungkahi ang paglalaro ng mga computer games dahil may mga magaganda rin itong epekto. Ayon sa artikulong, When Gaming is Good for You, ng Wall Street Journal, nakakapaganda raw ang paglalaro ng video games ng pagkamalikhain, pagdi-desisyon at pati na rin persepsyon. Ispesipikong epekto naman daw ang mas magandang koordinasyon ng mata at kamay, na parehong ginagamit sa paglalaro. Para naman sa akin, nakakapagpataas ng morale ang paglalaro ng mga computer games ng isang tao. Isama mo na rin diyan ang kumpiyansa sa sarili. Wag ding kalimutan ang pagtalas ng galing sa istratehiya. Mahirap ang ibang mga layunin sa mga laro, kaya kailangang umisip ng paraan ang gamer kung paano magagawa ang mga layunin na ito. Para sa mga hindi naglalaro, tandaan n’yong ang mga nilalaro sa kompyuter ay hindi maisasalarawang “patayan” lang. Wala naman talagang namamatay kung hindi mga likhang karakter lamang at parte lamang ito ng buong larong iba’t-ibang bagay ang ipinapakita.

Kung maraming naidudulot na maganda ang paglalaro ng online games, marami rin ang masasamang epekto nito lalo na kung sobra. Sabi nga nila, anumang sobra ay hindi maganda at akma rin iyan sa paglalaro. Ayon sa artikulong, Playing too many video games may be bad for you too, grown-ups, ng Time Magazine, nakakadagdag timbang at nakakababa ng pagiging sociable (marunong makisama) at assertive (maihahalintulad sa pagiging mapanghikayat) sa isang tao ang masyadong paglalaro ng video games. Ayon naman sa isang artikulo mula sa raisesmartkid.com, ang ilang laro raw sa kompyuter ay maling pag-uugali ang naituturo sa mga bata. Sang-ayon ako rito sapagkat di maiiwasang magkaroon ng mga temang bayolente at masama ang mga ganitong uri ng laro. Kaya kailangang alam ng mga magulang ang nilalaro ng kanilang mga anak na bata upang magabayan sila ng tama habang naglalaro.

Sa mundo nating ginagalawan, masyado tayong malaya upang gawin natin ang mga gusto nating gawin lalo na kung may kapasidad tayong gawin ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin n’yan na gagawin na lang natin ang mga ninanais nating gawin tulad ng paglalaro ng video games. Kailangan pa rin nating isaalang-alang ang ating mga responsibilidad at katungkulan bago ang lahat. Sa totoo lang, masaya ang paglalaro ng online games, pero mas masaya kung alam nating wala na tayong ibang dapat isipin kung hindi ang paglalaro lang. Kaya kung ikaw ay manlalarong tulad ko, laro na! Basta ba nagawa mo na ang mga dapat mong gawin eh! Hehe.

Lutong Macau

Madalas sabihing niluto ang isang kontes o laban kung hindi nanalo ang itinuturing na mas magaling na kalahok, koponan o manlalaro. Sa kung anumang dahilan, nabigong iuwi ng mas magaling ang karangalan kaya inis, pikon at galit ang mga manonood na talaga namang sumusubaybay sa naging paligsahan.

Ganitong-ganito ang nangyari sa katatapos lamang na laban ni Manny Pacquiao laban kay Timothy Bradley. Hindi makapaniwala ang lahat ng nanood na natalo si Pacquiao via split decision. Isang hurado ang nagsabing nagwagi siya sa puntos na 115-113 ngunit dalawang hurado ang nagbigay ng ganyang puntos para naman kay Bradley. Natulala ang buong mundo. Tila maiyak-iyak si Pacquiao. Nasorpresa at di rin makapaniwala si Bradley. Alam n’yo ba ang mga sinabi nila pagkatapos ng laban? Heto ang kanilang mga sinabi sa kumausap sa kanilang si Mario Lopez:

Bradley: “Manny’s a beast. He’s got fast hands. I held up. I gotta give him a rematch. I gotta give him a shot to get his title back.”

Pacquiao: “The fight is good. He’s very strong, he moved around. He’s undefeated. But I believe I won the fight.”

Ayon pa sa artikulong ito mula sa interaksyon.com:

Bradley: “Every round was pretty close. Pacquiao won some of the early rounds. I control the latter rounds with my jab. I need to go home and review the tape.”

Pacquiao: “Most of his punches only hit my arms. I don’t know what happened.”

Hindi rin makapaniwala ang promoter na si Bob Arum. Ayon sa artikulong ito mula sa Yahoo! Sports, sinabi n’yang:

Arum: “Can you believe that? I had it 10-2! After I got into the ring after the fight, I went over to Bradley and said, ‘You did very well.’ He said, ‘I tried hard but I couldn’t beat the guy.’ This is crazy. You talk about killing boxing? All three scorecards you throw out.”

Sa totoo lang, mapapaisip ka bakit ganun ang nangyari. Lahat na yata ng mga nakapanood sa laban ay nagsasabing di hamak na panalo nga si Pacman. Malakas si Bradley lalo na nung unang mga round pati na nung Round 10 pero mas magaling si Pacman. Hindi man n’ya napatumba ang kalaban, maraming beses na pinatama ni Pacman ang kanyang mga suntok sa mukha at katawan ni Bradley. Ayon sa mga sports analysts na nanood at sumubaybay sa laban, panalo si Pacman.

Isa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit niluto ang laban: pera. Tingin mo ba’y magkakaroon ng interes ang mga tao sa bagong makakaharap ni Pacquiao sakaling siya ang manalo kung hindi rin naman si Floyd Mayweather, Jr. ang kanyang makakatunggali? Magaling si Bradley, pero mas gusto ng maraming si Mayweather na ang makalaban ng Pambansang Kamao. Tingin ko’y pinili si Bradley na ipantapat kay Pacman dahil sa malinis nitong rekord na 29 panalo at walang talo sa larangan ng pagbu-boksing kagaya ni Mayweather. At habang hindi pa magaganap ang dream match na Pacquiao vs. Mayweather ng marami, palalakasin muna ang interes ng mga ito sa pamamagitan ng isa pang pagtutunggali. At hanggang may interes ang mga tao, gagastos at gagastos sila para lamang subaybayan ang magiging bakbakang muli ng dalawa.

Sa mga ganitong labanan, hindi na dapat nagtatakang nagkakaroon ng lutong macau. Para sa ibang tao kasi’y talagang laru-laro lang ang ibang bagay, kasama na ang ganitong pangyayari kahit pa nadudungisan ang pangalan ng iba (sa nangyaring ito, kredibilidad sa boksing ang nadumihan). Buti na lamang para sa iba, nagiging daan ito para mas tumibay kung ano ang kanilang paniniwala. Kung mayroon ka mang makikita talagang kahanga-hanga kay Pacquiao pagkatapos ng laban, ito ay ang kanyang pananalig sa Panginoon. Base sa kanyang kilos at galaw, pinasalamatan pa rin n’ya ang Diyos kahit na siya ay nabigong manalo. Atin nga lamang ipanalangin na sana sa susunod, manaig na kung ano ang tama at totoo.

Ang Hatol

Di naman siguro lingid sa iyong kaalaman ang pinakamalaking kaganapan nitong nagdaang linggo: ang paghatol sa kaso ni Chief Justice Renato Corona. Nadikit ang pangalan ni Corona sa mga katagang korupsyon, pagnanakaw at pagsisinungaling dahil sa hindi n’ya pagdeklara ng kanyang yaman sa State of Assets, Liabilities and Net Worth (o SALN). Kung iisipin mong maigi, bakit hindi n’ya diniklera ang kanyang mga yaman at ari-arian kung di n’ya itinatago? At ang kasunod na tanong ay bakit itatago kung malinis n’yang nakuha ang mga pag-aari n’yang ito?

Ang blog post na ito ay hindi ko ginawa para husgahan ang dating Punong Mahistrado (Tagalog ng Chief Justice). Nahusgahan na siya ng mga senador noong Martes at ng taumbayan simula pa lamang ng kanyang kaso. Ilalagay lang natin dito ang ilang mga importanteng pangyayari mula noong nagsimula ang impeachment case laban sa kanya.

Disyembre 12, 2011- Inilatag ang kaso ng impeachment laban kay Punong Mahistrado Renato Corona ng ilang miyembro ng Kongreso. Noong araw ding iyon ay may 188 kinatawan ang lumagda sa reklamo (higit sa 95 boto sa loob na 285 na kailangan) kaya madali itong naipasa sa Senado. Ayon dito, siya ay inakusahan ng pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan, tandisang paglabag sa Konstitusyon, at pagnanakaw at katiwalian.

Enero 16, 2012– Nagsimula ang paglilitis sa Punong Mahistrado sa Mataas na Kapulungan.

Enero 17 hanggang Mayo 2012. Sa loob ng apat na buwan ay halos araw-araw na inabangan ng taumbayan ang mga iprinisentang ebidensya at testigo ng prosekusyon at depensa. Nagkaroon pa ng kontrobersiya noon dahil sa palagiang pag-sermon ng ilang senador, partikular na si Miriam Defensor- Santiago, sa prosekusyon dahil sa mga butas sa isinampa nilang kaso. Nasagad sa sermon ang isa sa mga abogado ng depensa, si Vitaliano Aguirre II, nang kanyang takpan ang kanyang mga tenga isang hapong nagsasalita si Santiago. Ilan pang nagmarka sa loob ng ilang buwan ay si Serafin Cuevas, isa sa mga abogado ng depensa na dating mahistrado sa Korte Suprema, dahil sa talas ng isip at galing sa batas kahit na mahigit 80 taon na. Di rin pahuhuli si Senate President Juan Ponce Enrile dahil sa kanyang malumanay na paghawak sa kaso, bukod pa syempre sa talino, galing at talas ng isip sa edad na 88.

Mayo 14, 2012. Tumestigo ang kasalukuyang ombudsman na si Conchita Carpio Morales upang sabihing may 82 dollar accounts si Corona. Nag-react ang taumbayan, at trending topic worldwide sa twitter ang umano’y kalabisan na ito ng Punong Mahistrado. Ito umano ay mula sa nakalap n’yang impormasyon sa tulong ng Anti-Money Laundering Counci (AMLC).

Mayo 22, 2012. Kahit na hindi gusto nung una ay pumayag na ring tumestigo ang Punong Mahistrado upang linisin umano ang kanyang pangalan. Pero nangyari ang di inaasahan. Matapos ang halos 3 oras na kanyang opening statement, siya ay nag-walkout matapos umano siyang makaranas ng low blood sugar. Pakiramdam ng mga senador sila ay nabastos sa nangyari. Bumalik naman ang Punong Mahistrado ngunit siya ay naka-wheelchair na at mukhang kaawa-awa. Pero hindi iyon umubra dahil para sa iba, nagpapa-awa lamang siya.

Mayo 29, 2012. Ibinigay ang hatol sa Punong Mahistrado: CONVICTED. Ang resulta ng botohan: 20 para sa conviction (aktong nagpapatunay na maysala ang isang tao) at 3 lamang para sa acquittal (desisyong nagsasabing walang sala ang isang tao). Nagbigay ng kanya-kanyang dahilan ang mga senador kung bakit conviction o acquittal ang kanilang hatol. May ibang nagsabing hindi sapat ang mga ibinigay na dahilan ng kampo ng Punong Mahistrado upang hindi n’ya ideklara ang kanyang yaman sa SALN. Ang iba nama’y nagsabing ang desisyon nila ay repleksyon lamang ng desisyon ng taumbayan. May iba namang nagpaka-pulitiko talaga at kung anu-anong mabulaklak na dahilan ang sinabi kahit di na kailangan. Ang mga nagsabi naman na walang sala ang nasasakdal ay nagbigay punto ukol sa kababawan ng kaso para humantong sa pagkatanggal n’ya sa pwesto.

Ang mga nagdesisyong may sala si Renato Corona ay ang mga sumusunod na senador:

– Edgardo Angara

– Alan Peter Cayetano

– Pia Cayetano

– Franklin Drilon

– Francis Escudero

– Jinggoy Estrada

– Teofisto Guingona III

– Gregorio Honasan

– Panfilo Lacson

– Lito Lapid

– Loren Legarda

– Sergio Osmena III

– Francis Pangilinan

– Aquilino Pimentel III

– Ralph Recto

– Bong Revilla

– Tito Sotto

– Antonio Trillanes IV

– Manny Villar

– Juan Ponce Enril

Ang mga nagsabi namang walang sala ang Punong Mahistrado ay sina:

– Joker Arroyo

– Ferdinand Marcos, Jr.

– Miriam Defensor- Santiago

Dahil sa demokrasya, napag-desisyunang may sala si Renato Corona, at siya ay agad-agad natanggal sa kanyang posisyon sa hudikutura. Anumang implikasyon ng mga pangyayari ay ating malalaman lahat sa mga susunod na buwan. Makakabuti ba ito o hindi? Atin ‘yang aabangan.