Ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup

Gilas Pilipinas!

Nasa alapaap pa malamang ang buong sambayanan isang araw bago magkamit ang Gilas Pilipinas ng kauna-unahang panalo ng ating bansa sa International Basketball Federation, o mas kilala sa tawag na FIBA, sa loob ng 40 taon. Tinalo ng Pilipinas ang Aprikanong bansang Senegal, na sinasabing niyabangan ang ating mga koponan doon sa Espanya kung saan ginaganap ang FIBA. Nakita nila ang hinahanap nila nang manaig ang galing ng ating mga kababayang basketbolista. Kaya ngayo’y di nakakapagtakang masayang-masaya tayo. Pagkatapos ng tatlong napakalalapit na laban sa huling limang laro ng ating pambansang koponan (Croatia, Argentina at Puerto Rico), lahat tayo ay umaasang magkakamit ng kahit isang panalo man lang. At nang magawa ito ng mga kagilalas na manlalaro ng Gilas, buong bayan ang natuwa at nagdiwang.

Nanood ang maraming Pilipino nang ipalabas ang FIFA World Cup dalawang buwan na ang nakararaan. Pero mas maraming Pilipino ang tumutok sa kanilang mga telebisyon at computer nang ipalabas ang FIBA ngayong buwan sapagkat isa sa mga koponang kasali ay ang ating sariling basketball team. Ang Gilas Pilipinas ay kinabibilangan ng mga magagaling na manlalaro buhat sa Philippine Basketball Association (PBA) tulad nina Jimmy Alapag (ng Talk N’ Text; siya ang kapitan ng Gilas Pilipinas), Gabe Norwood (ng Rain or Shine) at LA Tenorio (ng Barangay Ginebra San Miguel) kasama ang isang manlalarong Fil-Am na naglaro para sa mga koponang Washington Wizards at Brooklyn Nets sa National Basketball Association (NBA) ng Estados Unidos, walang iba kundi si Andray Blatche.

Ano ang FIBA?

Ang International Basketball Federation o FIBA (hango mula sa pangalan nito sa Pranses na Federation Internationale de BAsketball) ay ang asosasyon ng mga organisasyon mula sa iba’t-ibang bansa na namamahala ng mga internasyonal na kumpetisyon sa larong basketball. Sila ang nagpapanukala ng mga patakarang internasyonal sa larong basketball, nagbibigay ng panuntunan tungkol sa mga kagamitan at lugar na paglalaruan, nangangasiwa sa paglipat-lipat ng mga atleta mula at papunta sa ibang bansa, pati na rin ang pagkontrol sa mga internasyonal na referees.

Itinatag ang FIBA noong 1932 sa Geneva, Switzerland, dalawang taon mula nang opisyal na kinilala ng International Olympic Committee (IOC) ang basketball bilang sports sa Olympics. Walong miyembro ang kasama sa pagkakatatag nito: Argentina, Czechoslovakia, Greece, Italy, Latvia, Portugal, Romania at Switzerland.

Ang orihinal na pangalan ng FIBA ay Federation Internationale de Basketball Amateur. Subalit simula noong 1989 kung kailan pinayagan ng FIBA ang mga propesyonal na manlalaro tulad ng mga manlalaro mula sa NBA, tinanggal nila ang salitang Amateur pero ipinagpatuloy ang paggamit ng acronym na FIBA.

Ano ang FIBA World Cup? 

Spain_2014_FIBA_Basketball_World_Cup_logo

Ang FIBA Basketball World Cup ay isang internasyonal na kumpetisyon para sa basketball na idinadaos bawat apat na taon (dapat 2018 ang susunod na FIBA subalit iuurong ito ng isa pang taon upang hindi makasabay ng FIFA) at pinasisinaya ng FIBA. Naglalaban-laban ang mga koponan mula sa iba’t-ibang bansa para mapanalunan ang Naismith Trophy, ipinangalan mula sa lumikha ng larong basketball na si James Naismith.

Paano makakasali ang bansa sa FIBA World Cup?

Dalawampu’t apat (24) ang mga koponan na pipiliin upang makasali sa World Cup at sila’y mapipili sa iba’t-ibang paraan. Otomatikong kasali na ang koponan ng bansang pagdarausan nito (1). Ang magwawagi naman sa sports na basketball sa Summer Olympics ay garantisadong kasali na rin (1). Lima ang tinatawag na FIBA zones (limang hati base sa lokasyon o kontinenteng kinabibilangan ng mga sasali: Asia, Oceania, Europe, Americas, Africa), at sa bawat zone ay tinatayang hindi bababa sa dalawa (2) ang makukuha. Madaragdagan ang makukuha depende sa lakas ng mga koponan sa bawat zone. Ngayong taon, anim (6) ang nakuha mula sa FIBA Europe, apat (4) naman sa FIBA Americas, tig-tatlo (3) sa FIBA Africa at FIBA Asia at dalawa (2) mula sa FIBA Oceania. Apat (4) na wild card na koponan din ang pipiliin para makumpleto ang mga magkakatunggaling koponan.

Ayon sa balita, sa 2019 ay itataas ang bilang ng mga maglalaban sa 32 (mula sa 24 na koponan) at pagsasamahin ang dalawang FIBA zones (Asia at Oceania).

Nahahati ang mga laban sa mga sumusunod:

Preliminary Rounds

Ang dalawampu’t apat (24) na koponan ay magkakaroon ng limang laro kalaban ang limang bansang kasama nila sa grupo. Tanging labinganim (16) lamang ang aabante sa susunod na round base sa pagkapanalo at goal averages ng mga koponan sa bawat laro nila. 

Round of 16

Mas mabilis na ang laban sa round na ito sapagkat isang laro na lamang ang kanilang kinakailangan upang umabante. Ang mananalo ay aabante at ang matatalo ay uuwi. Pasok na rito ang mga bansang Espanya, Brazil, France, Serbia, Greece, Croatia, Argentina, Senegal, Estados Unidos, Turkey, Dominican Republic, New Zealand, Lithuania, Slovenia, Australia at Mexico

Quarter-finals

Tig-iisang laban na lamang ang gagawin ng natitirang walong (8) koponan. Apat (4) ang aabante.

Semi-finals at championship

Ang magwawagi sa susunod na dalawang laban ay tatanghaling kampeon. Ang matatalo sa final round ay ang 2nd placer. Ang dalawang matatalo sa semi-finals ay maglalaban upang kamtin ang 3rd place.

***

 

 

Sa mga napanood ninyong laban, aling koponan ang gusto ninyong magwagi hanggang dulo? Maganda sana kung kasama pa rin ang Gilas Pilipinas, pero dahil tanggal na sila sa kumpetisyon, maiging pumili na lang ng ibang susuportahan. Malalakas ang Espanya, Estados Unidos at Greece kaya’t hindi kataka-taka kung ito ang susuportahan mo.               

Gilas2013

GILAS PILIPINAS

Narito ang listahan ng mga magigiting nating manlalaro kasama na ng kanilang coach at iba pang kasama sa buong Gilas Pilipinas team:

  1. Jimmy Alapag (team captain, guard)
  2. LA Tenorio (guard)
  3. Jeffrei Chan (guard)
  4. Jayson Castro (guard)
  5. Gary David (guard/forward)
  6. Ranidel de Ocampo (forward)
  7. Gabe Norwood (forward)
  8. Andray Blatche (center)
  9. Junmar Fajardo (center)
  10. Paul Lee (guard)
  11. Japeth Aguilar (forward/center)
  12. Marc Pingris (forward)
  • Coach: Chot Reyes
  • Assistant Coaches: Jong Uichico, Josh Reyes
  • Consultants: Tab Baldwin, Naxto Lezcano
  • Team Manager: Butch Antonio

#LabanPilipinas (mula sa philnews.ph)

Huling Salita

Bagamat hanggang preliminary rounds lang ang inabot ng Gilas Pilipinas, kakaibang sense of pride naman ang ibinigay nila sa buong sambayanan. Makapasok lamang sa FIBA World Cup ay isa nang karangalan. Ano pa kaya iyong tapatan ang mga malalakas na kalaban? Sa ginawa nila, kakaibang kaligayahan ang idinulot nila sa ating lahat. Trending ang mga hashtag na #puso, #LabanPilipinas at #GilasPilipinas sa nakaraang linggo dahil na rin sa buong pusong paglalaro nila at paglaban para sa ating bansa. Sa bawat shoot nila ng bola sa ring, sa bawat rebound nila kasabay ng pagtalon ng mga higante nilang kalaban, sa bawat steal nila ng bola ay nakatutok tayo’t umaasa sa kanilang tagumpay. Muntikan na tayong umabante sa susunod na round, pero kahit na hindi, pinatunayan nilang magagaling ang mga Pilipino. Wala iyan sa tangkad at laki. Matatangkad man at malalaki ang mga kalaban ay kaya itong tapatan ng ating lahi sa galing, liksi at gilas.

Advertisements

Matinding Determinasyon

 

Inakala ko noong tumakbo kami ng mga kapatid ko ng 21 km run ay di na ako susubok ng mas mahaba pang distansya sa pagtakbo. Pero nagkamali ako dahil sa ikatlong leg ng Run United 2012 ay sinubukan namin ang distansiyang 32 km. Oo, tatlumpu’t dalawang kilometro. Ito’y higit na mas mahaba sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) at katumbas ng tatlong ulit na haba ng Commonwealth Avenue. Tinatawag din nilang Afro-man distance, ang 32 km run ang sinasabi nilang preparatory race bago sumubok sa isang marathon.

Bagama’t nakayanan na namin noon ang distansyang 21 km ng dalawang beses (Run United legs 1 at 2), may pag-aalinlangan pa rin akong subukan ang 32 km. Baka maitanong n’yo kung bakit. Gabi kasi bago ang aming pagtakbo ay nagdiwang ng kaarawan ang isang kaibigan. May kaunting kasiyahan, kainan at kwentuhan kaya syempre, di ako agad nakauwi ng bahay para makapagpahinga. Bandang alas-11 ng gabi na ako naka-uwi gayung alas-3 ng madaling araw ay simula na ng takbo namin. Gayunpaman, sa halos dalawang oras lang na tulog ko’y buong tapang pa rin akong humarap sa pagsubok na aming kinahaharap ng aking mga kapatid. Yun nga lang, ilang pagsubok pa pala ang haharapin namin bago mismo ang pagtakbo ng napakahabang distansya.

Nang handa na kaming umalis papunta sa Bonifacio Global City (kung saan magsisimula ang pagtakbo), dun lang namin namalayang flat na ang isa sa mga gulong ng sasakyan namin. Wala sanang problema kung malapit lang kami sa patutungahan namin, pero manggagaling pa kaming Bulacan kaya malayu-layong paglalakbay ang kailangan pa naming tahakin. Dali-dali’y pinalitan namin agad ang gulong na butas (mga kapatid ko ang talagang nagpalit, taga-tulong lang ako sa pag-abot ng ilang gamit at pag-payong dahil malakas na ang ulan ng mga panahong iyon, hehe). Inasahan na naming mahuhuli kami sa pagsisimula. At ganun na nga ang nangyari. Gayunman, buong loob kaming tumakbo ng mga kapitid ko.

Tulad ng sinabi ko kanina, umuulan na ng mga panahong iyon pero umaasa ako noong titigil din agad ito tulad ng nangyari noong leg 2 ng Run United. Pero di yun nangyari; umuulan buong panahon na kami’y nasa kalsada. Hindi ambon ha kundi matinding buhos ng ulan. Hihina ito minsan pero mas madalas na talagang todo buhos ‘to. Baka tanungin n’yo kung anong problema pag umuulan habang tumatakbo? Marami. Una, basa ang dadaanang kalsada kaya mas madulas. Ikalawa, may mga naiipong tubig sa ilang parte ng daan kaya kakaunti ang talagang madadaanan ng maayos. Ikatlo, nakaka-ihi madalas ang basang-basa ng ulan. Pag naiihi ka, di ka makatatakbo ng maayos. Di ka naniniwala? Sige nga, subukan mo. O sabi sa’yo e.

Syempre pa, bumisita rin ang kalaban ng mga mananakbo: ang muscle cramps o pamumulikat kung tawagin sa Tagalog. Oras na maramdaman mo ito, mapapatigil ka talaga sa pagtakbo. Ang payo ng kuya ko, maglakad muna kami pag pinulikat. Iwasan daw namin ang pagtakbo dahil mas lalo kaming pupulikatin. At gayun nga ang ginawa namin. Naglakad kami ng napakaraming kilometro para lang matapos ang nasabing pagtakbo. Buti na lang brisk walker ako kaya’t mabilis-bilis pa rin ang paglalakad na nagawa ko.

Sa totoo lang, umabot sa panahong medyo nagalit na ako dahil napakalayo talaga ng distansya na kailangan naming takbuhin. Hehehe. Biruin mo, kahit dalawang kilometro na lang ay parang napakalayo pa rin. Pero ngayong inaalala ko ang lahat ng mga pangyayaring iyon, napapangiti na lang ako dahil isa na namang matinding pagsubok ang nalampasan namin. Sa loob lampas limang oras (oo, limang oras) ay nakalampas din ako sa finish line.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon sapagkat binigyan Niya kami ng aking mga kapatid ng sapat na lakas at determinasyon upang makaya ang nakapapagod na pagtakbong iyon. Nagpapasalamat din ako sa lahat ng mga kapamilya namin at mga kaibigan na talagang sumuporta at nagbigay inspirasyon. Sa totoo lang, wala talagang imposible kung iisipin nating kakayanin natin ang isang bagay. Ganitong-ganito ang nangyari sa akin nitong huli naming pagtakbo. Kahit di pabor ang panahon, kondisyon at pagkakataon ay nakaya naming takbuhin at lakarin ang napakahabang 32 kilometro.

 

 

 

 

Laban, Pilipinas!

Ilang oras na lamang ay magsisimula na ngayong araw, Hulyo 27, 2012, ang palarong pinakainaabangan sa buong mundo, ang Summer Olympics. Gaganapin ito sa London, United Kingdom ngayong taon. Alamin natin ang maiksing kasaysayan ng palarong ito pati na ang mga mapapalad na Pilipinong kalahok dito.

SINAUNANG OLYMPIC GAMES

Ginanap ang orihinal na Olympic Games noong 8 B.C. hanggang 4 A.D. sa Olympia, Greece. Ayon sa Wikipedia, ang mga larong pinagkumpitensiyahan noon ay ang stadion race (kung saan tinatakbo ng mga kalahok ang habang 590 hanggang 790 pulgada), diaulos (takbuhan sa habang 1,300 pulgada), dolichos (3 kilometrong takbuhan) at hoplitodromos (5 kilometrong takbuhan). Bukod sa pagtakbo, kasama rin daw noon ang boxing (sinaunang pagbu-boksing o pygmel pygmachia), wrestling (pale), pankration (isang klase ng laro noong maihahalintulad sa Mixed Martial Arts ngayon) at chariot race.Ang mga nananalo noon sa sinaunang Olympics ay pinagkakalooban ng olive branch bukod pa sa malaking halaga ng salaping matatanggap nila sa kani-kanilang lugar.

MAKABAGONG OLYMPIC GAMES

Noong 1896 ginanap ang unang makabagong Olympic Games. Si Baron Pierre de Coubertin ang nagtatag ng tinatawag na International Olympic Committee, ang organisasyong nagpapasinaya ng makabagong Olympics. Unang ginanap ang makabagong Olympics sa Athens, Greece bilang paggunita sa sinaunang palaro rito.

Tumagal ng higit isang linggo ang unang taon ng Olympics (Abril 6- Abril 15, 1896). Ito ay nilahukan ng labing-apat (14) na bansa at dalawang daan at apatnapu’t isang (241) atleta. Kabilang sa mga palaro noon ang athletics, cycling, fencing, gymnastics, shooting, swimming, tennis, weightlifting at wrestling. Nagkamit ng pinakamaraming gintong medalya noon ang Estados Unidos (11), na sinundan ng Greece (10). Natalo man sa ginto, nangunguna naman ang huling nabanggit na bansa sa talaan ng may pinakamaraming medalya kasama na ang pilak (silver medal) at tanso (bronze medal).

Courtesy of ABS-CBN

PILIPINAS SA OLYMPICS

Nagsimula ang pagsali ng Pilipinas sa Olympics noong 1924 sa Amsterdam, Netherlands. Mula noong taong yun ay nakapag-uwi na ang ating mga magigiting na atleta ng siyam (9) na medalya, dalawang (2) pilak at pitong (7) tanso. Mailap ang gintong medalya sa atin dahil ni minsan ay di pa rin natin ito nakakamit. Sayang lamang dahil may panahong makukuha na sana natin ito pero dahil sa ilang kadahilanan ay nabigo pa rin tayo. Pinakamagandang halimbawa n’yan ay ang paglaban ni Mansueto “Onyok” Velasco sa larangang ng boksing noong taong 1996 sa Atlanta, Estados Unidos. Inakala ng lahat na maiuuwi n’ya ang gintong medalya dahil sa kanyang pinakitang galing at husay sa pagsuntok sa kalaban. Pero tila iba ang nasaksihan ng mga hurado dahil ang kalaban niyang si Daniel Petrov ng Bulgaria ang pinaburan nila. Umuwi tuloy siyang pilak ang dala-dala.

Ngayong Olympics 2012 ay labing-isa (11) ang kalahok ng bansa sa London. Ayon sa website ng ABS-CBN, ang ating mga kalahok ay sina:

JASMINE ALKHADI

– Swimming (100M freestyle)

MARK ANTHONY BARRIGA

– Boxing (49 kg light flyweight)

DANIEL CALUAG

– Cycling (BMX)

HIDILYN DIAZ

– Weightlifting (59 kg)

RENE HERRERA

– Athletics (5,000 m run)

TOMOHIKO HISHINA

         – Judo (100+ kg, superheavyweight)

JESSIE KHING LACUNA

         – Swimming (200M freestyle)

BRIAN ROSARIO

         – Shooting (skeet)

MARESTELLA TORRES

         – Atheletics (Women’s Long Jump)

MARK JAVIER

         – Archery (Men’s Individual)

RACHELLE ANNE CABRAL

         – Archery (Women’s Individual)

Kahit pa labing-isa lamang silang atleta nating lalaban upang patunayang magagaling ang mga Pinoy sa iba’t-ibang palakasan ay marapat na tayong matuwa dahil kabilang sila sa pinakamagagaling sa buong mundo. Umasa tayong makamit nila ang di pa nakakamit ng sinumang Pilipino, at iyan ay ang makasungkit ng medyang ginto.

Laban, Pilipinas!

Lutong Macau

Madalas sabihing niluto ang isang kontes o laban kung hindi nanalo ang itinuturing na mas magaling na kalahok, koponan o manlalaro. Sa kung anumang dahilan, nabigong iuwi ng mas magaling ang karangalan kaya inis, pikon at galit ang mga manonood na talaga namang sumusubaybay sa naging paligsahan.

Ganitong-ganito ang nangyari sa katatapos lamang na laban ni Manny Pacquiao laban kay Timothy Bradley. Hindi makapaniwala ang lahat ng nanood na natalo si Pacquiao via split decision. Isang hurado ang nagsabing nagwagi siya sa puntos na 115-113 ngunit dalawang hurado ang nagbigay ng ganyang puntos para naman kay Bradley. Natulala ang buong mundo. Tila maiyak-iyak si Pacquiao. Nasorpresa at di rin makapaniwala si Bradley. Alam n’yo ba ang mga sinabi nila pagkatapos ng laban? Heto ang kanilang mga sinabi sa kumausap sa kanilang si Mario Lopez:

Bradley: “Manny’s a beast. He’s got fast hands. I held up. I gotta give him a rematch. I gotta give him a shot to get his title back.”

Pacquiao: “The fight is good. He’s very strong, he moved around. He’s undefeated. But I believe I won the fight.”

Ayon pa sa artikulong ito mula sa interaksyon.com:

Bradley: “Every round was pretty close. Pacquiao won some of the early rounds. I control the latter rounds with my jab. I need to go home and review the tape.”

Pacquiao: “Most of his punches only hit my arms. I don’t know what happened.”

Hindi rin makapaniwala ang promoter na si Bob Arum. Ayon sa artikulong ito mula sa Yahoo! Sports, sinabi n’yang:

Arum: “Can you believe that? I had it 10-2! After I got into the ring after the fight, I went over to Bradley and said, ‘You did very well.’ He said, ‘I tried hard but I couldn’t beat the guy.’ This is crazy. You talk about killing boxing? All three scorecards you throw out.”

Sa totoo lang, mapapaisip ka bakit ganun ang nangyari. Lahat na yata ng mga nakapanood sa laban ay nagsasabing di hamak na panalo nga si Pacman. Malakas si Bradley lalo na nung unang mga round pati na nung Round 10 pero mas magaling si Pacman. Hindi man n’ya napatumba ang kalaban, maraming beses na pinatama ni Pacman ang kanyang mga suntok sa mukha at katawan ni Bradley. Ayon sa mga sports analysts na nanood at sumubaybay sa laban, panalo si Pacman.

Isa lang ang naiisip kong dahilan kung bakit niluto ang laban: pera. Tingin mo ba’y magkakaroon ng interes ang mga tao sa bagong makakaharap ni Pacquiao sakaling siya ang manalo kung hindi rin naman si Floyd Mayweather, Jr. ang kanyang makakatunggali? Magaling si Bradley, pero mas gusto ng maraming si Mayweather na ang makalaban ng Pambansang Kamao. Tingin ko’y pinili si Bradley na ipantapat kay Pacman dahil sa malinis nitong rekord na 29 panalo at walang talo sa larangan ng pagbu-boksing kagaya ni Mayweather. At habang hindi pa magaganap ang dream match na Pacquiao vs. Mayweather ng marami, palalakasin muna ang interes ng mga ito sa pamamagitan ng isa pang pagtutunggali. At hanggang may interes ang mga tao, gagastos at gagastos sila para lamang subaybayan ang magiging bakbakang muli ng dalawa.

Sa mga ganitong labanan, hindi na dapat nagtatakang nagkakaroon ng lutong macau. Para sa ibang tao kasi’y talagang laru-laro lang ang ibang bagay, kasama na ang ganitong pangyayari kahit pa nadudungisan ang pangalan ng iba (sa nangyaring ito, kredibilidad sa boksing ang nadumihan). Buti na lamang para sa iba, nagiging daan ito para mas tumibay kung ano ang kanilang paniniwala. Kung mayroon ka mang makikita talagang kahanga-hanga kay Pacquiao pagkatapos ng laban, ito ay ang kanyang pananalig sa Panginoon. Base sa kanyang kilos at galaw, pinasalamatan pa rin n’ya ang Diyos kahit na siya ay nabigong manalo. Atin nga lamang ipanalangin na sana sa susunod, manaig na kung ano ang tama at totoo.

Bugbugan Blues

Mainit-init na balita pa rin sa kasalukuyan ang mga nangyaring bugbugan sa isang boxing ring, sa isang club at sa isang paliparan. At lahat ng yan ay nangyari noong weekend, Mayo 5 – 6, mga araw kung kailan pinakamalapit ang buwan sa mundo habang kalinya ang haring araw.

Floyd Mayweather vs. Miguel Cotto

Pinakamagaling daw na boksingero sa mundo ngayon si Floyd Mayweather. Paano ba naman kasi, sa 43 laban n’ya bilang isang professional boxer ay di pa siya natatalo sa gitna ng ring. Noong linggo ay nakatunggali n’ya ang isang magaling na boksingero sa katauhan ni Miguel Cotto. Akala ng iba, matatalo na rin sa wakas si Mayweather. Kaya lang, tulad ng maraming naging laban n’ya noon (17), panalo pa rin si Mayweather base sa desisyon ng mga hurado ng boksing. Isa na lang tuloy ang nakikitang makakatalo talaga sa kanya, walang iba kundi ang Pambansang Kamao.

Base sa mga larawang lumabas noong kanilang laban (tulad nung nasa itaas) ay parehong nabugbog sa suntok ang dalawang nabanggit na boksingero. Ayos lang naman yun dahil yun ang kanilang pinagkukuhanan ng yaman. Isa pa, tinuturing na palakasan ang kanilang laro kaya may umuwi mang nabugbog ng husto ay inaasahan na.

Albie Casino vs. Andi Eigenmann

Madako naman tayo sa showbiz. Di lingid sa kaalaman ng maraming sumusubaybay sa mundo ng mga artista ang naganap sa mga nabanggit na dating magkasintahan. Nabuntis si Andi (na sumikat sa Agua Bendita) at itinuro niyang ama ng kanyang anak si Albie (na sumikat naman sa remake ng Mara Clara). Mahigit isang taon na ang nakakaraan noong pumutok ang kontrobersyang kinasangkutan nila pero base sa bugbugang nangyari noong weekend, di pa rin ito nagkakaroon ng katapusan. Ayon sa mga balita, binuhusan umano ni Andi si Albie ng alak matapos silang magtagpo sa isang bar sa Makati. Nang matapos linisin ni Albie ang kanyang damit at lumabas na sa lugar na iyon, dinumog umano siya ng mga lalaking kaibigan ni Andi para bugbugin.

Base sa larawan sa itaas, grabe ang pagkakabugbog sa naturang aktor. Marami ang nagsasabing nararapat lang daw ang nangyari dahil sa di nya pag-angkin sa anak nila ni Andi pero mayroon din namang nagsasabing maling-mali ang ginawang ito sa kanya.

Ang sa akin, mali ang nangyari dahil hindi dapat tumbasan ng mali ang isa pang mali. Tsaka, lalabanan ng lima pataas na katao ang iisa lamang? Dun pa lang, tagilid na ang laban. Pero, anumang sabihin natin ay wala pa rin tayong karapatang manghusga. Di naman kasi natin alam ang buong pangyayari. May kanya-kanyang bersyon ang dalawang panig tungkol dito kaya mas maiging ang mga kinauukulan na lamang ang hayaan nating umayos nito.

Mon Tulfo vs. Raymart Santiago at Claudine Barretto

Ang balitang ito naman ang nagpataob sa lahat ng mga balita noong Linggo at Lunes. Maging ang pagpapatuloy ng impeachment trial ni Chief Justice Corona ay nalimutan saglit ng mga manonood. Paano ba naman di nito mapapataob ang ibang balita, may video ng nangyaring bugbugan ang kumakalat sa kasalukuyan? At base sa video na ito, iisa lamang ang talagang nabugbog ng husto. Walang iba kung hindi si Mon Tulfo. Pinagtulungan siya nina Raymart at Claudine at isa pa nilang kaibigan. Ano ang puno’t-dulo ng awayan? Sinasabing kinuhanan ng larawan diumano ni Tulfo si Claudine habang tumatalak at nagmumura sa isang empleyado ng Cebu Pacific Airlines. Nakita ng kampo ng aktres ang nangyari, kaya pinilit umanong kuhanin ni Raymart ang ginamit na cellphone. Di ito binigay ni Mon, at ang mga sumunod na eksena ay iiwan na lang natin sa imahinasyon dahil dalawang bersyon ang lumalabas. Ang sabi ng kampo ng mga artista, si Mon ang unang sumuntok. Tinadyakan din daw n’ya si Claudine. Ang sabi naman ng kabilang kampo, si Raymart ang naunang sumuntok. Gumanti lamang si Mon pero di n’ya nakaya dahil tatlo ang nakalaban n’ya.

Ang sa akin, gawing katibayan o ebidensiya ng pangyayari ang lumabas na video ng naganap na bugbugan. Di man ito nagpapakita ng buong pangyayari, marami pa rin ang mahihinuha rito. Isa na dyan ay ang pagsakal ni Raymart kay Mon habang binubugbog ng kaibigan nila. Isama na ang pagsampal at pagsabunot na ginawa ni Claudine. Pati na rin ang katagalan sa pag-awat ng mga sekyu sa paliparan. At ultiumo bugbog na hitsura ni Mon pagkatapos ng pagkakagulo nila.

Di man natin alam ang tunay na unang sumuntok, alam natin kung ano ang kinahinatnan at kinahihinatnan ng pangyayaring iyon. Pagsasampo ng kaso. Pagkapahiya sa ibang tao. Pagkalabas ng tunay na pagkatao. Paglilitis sa hinaharap. Pagkadamay ng buong pamilya sa isyu. At marami pang iba.

***

Tinatawag na perigee-syzygy ang nangyaring pagkalapit ng buwan sa mundo habang nakalinya ang mga ito sa araw. Biro ng iba, ito raw ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pagkakagulo sa ilang mga tao nung linggo. Pero ayon naman sa mga eksperto, wala itong kinalaman doon. Mas malaki di hamak ang hitsura ng buwan noong Sabado at Linggo pero hindi naman ibig sabihin nito na malaki rin ang mababago nito sa pag-uugali ng tao. Nagkataon na mga kilala ang mga taong sangkot sa isyu kaya naging malaking balita. Pero kung sa mga taong hindi sikat ito nangyari, baka kakaunti lang ang makabasa nito sa dyaryo, yun ay kung maibalita sila.

Takbo!

Marso 6, 2011 nung una akong tumakbo sa isang running event. Na-challenge ako nung niyaya kami ng nakatatanda kong kapatid na sumali kaya sumali kami ng mga nakababata kong kapatid. Nakakakaba dahil unang beses yun na kami’y tatakbo kasama ng napakaraming tao. Nagsimula kami sa 5K run (takbuhang 5 kilometro ang haba), at kahit pa sabihing napakaikli nun para kabahan, iba pa rin ang pakiramdam kapag unang subok sa isang bagay na di mo pa nagagawa. At tulad naman ng inaasahan, naging maayos ang lahat. Nakatakbo ako ng maayos at pagkatapos ng 44 na minuto, ako ay nasa finish line na. Isang beses pa namin uling sinubukang mag-5K run at sa ikalawang pagkakataon ay nagawa kong mas mapaganda ang record ko sa pagtakbo. Kaya nung ikatlong beses na ng aking pagsali, tinaasan namin ang aming tatakbuhin: 10K run. At tulad ng inaasahan, nakakapagod ang ganun kalayong takbuhin. Pero sa awa ng Panginoon, nagawa kong matapos yun mahigit isang oras at kalahati. Pero, wala palang sinabi ang mga yun sa pinakamahirap na pagsubok ko sa ngayon sa pagtakbo, ang pagtakbo sa 21K run.

Oo, sa unang pagkakataon ngayong araw, Marso 4, 2012, ay tumakbo ako sa layong kalahati ng distansya ng isang marathon. Tulad ng lahat na unang pagkakataon, nakakakaba. Kinakabahan na ako kahit ilang araw pa bago ang takbo dahil unang beses kong gagawin yun. Maging sa pag-eensayo nga, di ko inaabot ang 21 km kaya talagang malaking bagay ang haharapin ko. Parang walang katiyakan kung anong mangyayari. Ang tanging iniisip ko na lang, kahit na gaano ako katagal tumakbo o maglakad ay tatapusin ko ang takbuhang iyon. At sa tulong ng mataimtim na panalangin, suporta ng mga kapamilya at mga kaibigan at ang nagbabagang mithiing magtagumpay ay nagawa kong matapos ang napakahabang distansya na aking nilakbay.

Nasa mahigit 4,000 raw ang kasama naming tumakbo mga alas-kwatro y medya kanina. Kung ang iilang tumakbo ay iniisip ang mauna, ang sa akin lang ay harapin ang hamong malampasan ang isang bagay na di ko akalaing magagawa ko. Mula Global Bonifacio City sa Taguig ay nilakbay namin ang kahabaan ng Makati, tumawid sa Buendia Avenue, umikot sa Roxas Boulevard hanggang sa makarating sa S.M. Mall of Asia sa Pasay. Hindi lang ang napakalayong lakbayin ang aking binuno noong mga panahong yun dahil muntikan na akong magkaroon ng pamamanhid sa ilang parte ng katawan at may pagkakataon pang parang bibigay na ang aking kaliwang tuhod ilang kilometro bago matapos ang takbuhan. Lubos akong nagpapasalamat dahil nagawa kong malampasan ang lahat ng iyon.

Masaya rin ang tumatakbo-takbo sa mga ganitong pagkakataon paminsan-minsan kaya nagpapasalamat ako sa Kuya JR ko na siyang nagdala sa amin sa ganitong klase ng palakasan. Dahil sa running, napatunayan kong muli na walang imposible. Makakamtan mo ang gusto mo basta ikaw ay maghahanda, magtitiwala at mananalangin. Kaya kung di mo pa nasusubukang tumakbo sa mga ganitong pagkakataon, subukan mo at baka magustuhan mo! 🙂