Manalo, matalo…

Isang linggo na rin ang nakalipas mula noong unang araw nang pagpunta at pagmartsa sa EDSA ng ilan sa mga kababayan nating miyembro ng Iglesia ni Kristo. Ito ay matapos magsampa ng kaso ang dati nilang ministro na si Isaias Samson, Jr. na tinanggap ng Kagawaran ng Hustisya (Department of Justice) sa pamumuno ni Secretary Leila De Lima.

ANO ANG IGLESIA NI CRISTO?

Iglesia_ni_Cristo_seal

                     INC Seal

Ang Iglesia ni Cristo ay isang relihiyong itinatag ng isang Filipinong nagngangalang Felix Manalo noong 1914. Itinuturo ng kanilang mga pinuno na sila ang nag-iisang totoong simbahan (o one true church) at sa pamamagitan lamang nila ang pagkakaligtas ng kaluluwa. Malalaki at magagandang may iisa (o magkakatulad) na disenyo ang kanilang mga simbahan. Milyon na rin ang kanilang mga miyembro.

Bukod sa istriktong pagsunod ng mga miyembro sa doktrina ng kanilang simbahan, kilala rin ang Iglesia ni Cristo sa pagkakaroon ng bloc voting tuwing eleksyon. Ibig sabihin nito, iisa ang pagboto nila. Kung sinu-sino ang mga pulitikong pinili ng mga nakatataas (marahil, ng kanilang sanggunian) ay siyang ibuboto ng mga miyembro.

ANO BA KASI ANG PINAGLALABAN NILA SA EDSA NITONG NAGDAANG LINGGO?

Separation of state and religion daw. Pinaglalaban umano nila ang karapatan nila at ng kanilang relihiyon ukol sa hindi dapat na pangingialam ng gobyerno sa mga relihiyong tulad nila.

Tama ba ang pinaglalaban nilang ito?

Sa madaling sabi, HINDI. Sapagkat hindi naman talaga nangingialam ang gobyerno sa internal affairs ng kanilang samahan. Sa katunayan nga, ang nagreklamong si Samson ay hindi na kasali sa simbahan sapagkat siya ay isang expelled member na. Inireklamo nya ang illegal detention laban sa ilang miyembro ng kanilang sanggunian at ang kasong ito ay isang kasong kriminal. Hindi ito dapat ipagsawalang-bahala lalo na’t ito ay labag sa batas.

Ano ang nag-udyok sa kanilang mga miyembro na pumunta sa EDSA?

Marahil tapat at totoo sa adhikain ng kanilang simabhan ang gustong ipahatid ng marami sa kanila. Ngunit ayon sa mga bali-balita at personal na kwento ng ibang mga naapektuhan, iniatang ang responsibilidad ng pagpunta roon sa mga miyembro ng kanilang grupo kung gusto nilang manatili sa kanilang simbahan.

Ano ang mahihinuha natin sa naganap na pagpuprotesta nilang ito?

  1. Hindi invincible ang sinuman sa batas. Maging pinuno ka man ng Iglesia ni Cristo.
  2. Sa susunod, sana ay isipin muna ng maigi ng kung sinumang grupo ang magiging implikasyon ng mga gagawin nilang hakbang tulad ng pagpuprotesta at pagpupulong. Buti sana kung para sa ikatataguyod ng mga mahihirap o kaya ng buong sambayanan. E kung pansariling kapakanan lang, hay naku, isang malaking paglapastangan iyan sa oras at panahon ng ibang mamamayan.
  3. Hindi isang imahinasyon ang palala nang palalang problema ng trapiko sa Kamaynilaan. Kaya iyan. Pag nadagdagan pa ng dahilan ang pagkakabuhol-buhol ng sasakyan tulad na lamang nitong INC protest, milyun-milyong tao ang nadadamay, malaking pera ang nawawala at maraming oras ang unti-unting hindi napapakinabangan.
  4. Marami sa atin ay kumikilos nang hindi nalalaman kung bakit natin ginagawa ang mga pagkilos na ito. Hindi tayo robot. Hindi tayo isinilang sa mundo na maging sunud-sunuran lang. Kaya nga nakakaawa ang mga taong walang free will sa mga bansang sobra ang higpit ng mga gobyerno. O kahit sa mga bansang tulad natin pero umaanib naman sa mga grupong tila wala o kakaunting free will lamang ang pinahihintulot. Kaya kung meron ka mang free will, gamitin ito ng wasto.
  5. Malalaman mo sa ilan sa mga nagsalitang pulitiko ang trapo o traditional politician. Kung isa kang magaling na lider, alam mo kung ano ang mali at susubukan itong itama. Hindi iyong kakaaniban mo sapagkat mawawalan ka ng boto kung hindi. Nakatingin ako sa inyo, Binay at Poe.
  6. Nagpapasalamat ang lahat noong nagsiuwi na sa wakas ang mga miyembro ng INC noong Agosto 31, 2015. Nagkaroon na umano ng kasunduan ang naturang grupo pati ang gobyerno. Ang tanong tuloy ngayon, ano ang kasunduang ito kung mayroon man? Hindi pwedeng hindi ito ipaalam sa publiko.

Tingnan ang nakagigimbal na estadistikang nakapaloob sa infographic na ito na gawa ng sakay.ph. Kaya manalo man sila o matalo sa ginawa nilang protesta sa EDSA, naging kawawa mga Pilipino!

edsa_carmageddon_infographic

Advertisements

Missing blogging!

Ang aking Instagram account :)

Ang aking Instagram account 🙂

Higit tatlong buwan na rin mula nung huli akong nakapaglabas ng post dito sa aking main blog na alaminmokasi.com. Ako’y humihingi ng tawad kung may mga taong nag-aabang sa mga sasabihin ko tungkol sa kung anu-anong mga bagay. Marami lamang kasi akong pinagkakaabalahan sa nakaraang mga buwan. Nariyan ang personal na buhay, trabaho pati na ang kinagigiliwan kong tunay sa kasalukuyan, ang pagkuha ng mga litrato at pagpapakita nito sa Instagram (ang aking account sa Instagram ay @karl_olivier). Pero, ganun pa man, ay nangangako akong hindi bibitawan ang blog kong ito sapagkat marami ang nagpapasalamat sa mga nauna ko nang naiposteng blog post dahil sila ay may mga natututunan kahit papaano sa mga sinusulat ko.

Hindi ako nagba-blog ngayon para lamang humingi ng paumanhin dahil sa matagal na pagkakawala. Ating pasadahan ang mga maiiinit na isyu na ating kinakaharap nitong mga nagdaang linggo.

PROBLEMA SA IGLESIA NI CRISTO (INC)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

Marahil, ang pinakapopular na relihiyong itinatag dito sa Pilipinas (paalala: itinatag o founded sa Ingles) sa kasalukuyan ay ang Iglesia ni Cristo. Wala man sa kalingkingan ng populasyon nila ang dami ng mga Katoliko, Born Again Christians at Muslim sa ating bansa ay hindi maitatangging malaki-laki rin ang impluwensiya nila sa lipunan. Sa katotohan niyan, kadidiriwang lang nila ng kanilang ika-101 taon nitong Hulyo 27, 2015.

Gayunpaman, nababalot ang relihiyong aking nabanggit sa kontrobersiya sa kasalukuyan. Itinawalag ng punong ministro nilang si Eduardo Manalo ang kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo at ang inang si Cristina “Tenny” Manalo matapos maglabas ang dalawang huling nabanggit na nanganganib ang kanilang mga buhay. Hindi pa klaro noong una kung bakit nila ito sinabi ngunit sa paglipas ng mga araw ay lumalabas na internal conflict ang kadahilanan. May nagsasabing hindi umano pabor ang ilan sa mga kapamilya ni Eduardo Manalo kung paano niyang ginagamit ang salapi ng kanilang simbahan. May mga haka-haka rin ang media na may namumuong pagtitiwalag dahil sa mga iregulidad umano sa simbahan. May bali-balita ring maraming ministro ang nawawala o kaya’y nanganganib ang buhay at ito raw ay may kinalaman sa mga nangyayari sa kasalukuyan.

Hindi man natin alam ang katotohan sa mga nangyayari sa kanila, maigi pa ring tayo ay maghintay, magmasid at mag-obserba sa mga susunod na mangyayari sapagkat marami tayong mahihinuhang mga aral sa bagay na ito.

MAR vs JEJOMAR

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

Ito naman ang pinakamalaking balitang bumulaga ngayong araw, Hulyo 31, 2015. Nag-anunsyo ng pagkandidato sa pagkapresidente ang dating senador na si Mar Roxas habang nag-anunsyo rin ng kanyang suporta ang katatapos lang na magbigay ng State of the Nation Address na si Noynoy Aquino sa kaalyado.

Nagkibit-balikat lang naman si Jejomar Binay sa balitang ito sapagkat para sa kanya, hindi siya matatalo ni Roxas sa halalan.

Bakit hindi kaya nila tinatanong kung gusto sila ng sambayanan?

Sa totoo lang, WALA AKONG GUSTO SA DALAWANG KANDIDATONG ITO. Si Binay ay pinuputakti ng mga reklamo at kaso ng matinding korupsyon at hindi lang siya kundi ang kanyang ring pamilya tulad na lamang ng kanyang anak na si Junjun Binay na kasalukuyang suspendido sa Makati bilang alkalde. At ito namang si Mar Roxas. Ano ang nagawa niya noong siya ay senador pa? Malaki ang ekspektasyon sa kanya ng mga taong bumoto sa kanya noon pero para namang wala tayong napala. Bakit nga ba uli siya tinawag na Mr. Palengke? Ah, dahil yata sa komersiyal nyang nagpapanalo sa kanya.

Kanino ka kakampi, sa umano’y makapal na matinding corrupt o sa umano’y inutil?

#MMSHAKEDRILL: METRO MANILA “SHAKE” DRILL

MMDA Chairman Francis Tolentino explains what will happen during the July 30 Metro-wide earthquake drill during his visit at the Philippine Daily Inquirer office in Makati City. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Ipinapaliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa opisina ng Philippine Daily Inquirer sa Makati ang magaganap na Metrowide earthquake drill ilang araw bago ang Hulyo 30. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Isinagawa sa buong Metro Manila kahapon, Hulyo 31, ang tinatawag na Metrowide Shake Drill bilang paghahanda sakaling tamaan ng lindol ang Metro Manila. Sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority (MMDA) pati na iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ay nagpalaganap sila ng impormasyon sa publiko kung anu-ano ang mga kailangang gawin sakaling dumating nga ang lindol. Habang nangyayari ang lindol, sinasabi nilang gawin ang mga sumusunod: DROP – COVER – HOLD. Nasaan ka man, pag lumindol ay iwasan nang tumayo kung hindi kailangan. Ibaba agad ang sarili at humanap ng matibay na mesa o anumang pwedeng pagtaguan na sa tingin mo’y hindi basta-basta masisira. Hawakan ito hangga’t hindi natatapos ang pagyanig. Pag natapos ang lindol, tsaka lamang tingnan kung ligtas nang lumabas at dumiretso sa evacuation centers.

Maganda ang isinagawang proyektong ito ng gobyerno. Sana lang talaga ay maging handa sila pati na syempre ang mga tao sakaling dumating ang mapeligrosong lindol. Nakakairita lang marinig sa media ang katagang The Big One sa lindol na inaasahang darating sa hinaharap. Baka mamisinform ang mga tao sapagkat hindi lang iisa ang maaaring tumamang lindol sa atin kung may tatama man.

Metro-Quake-Drill-4

Photo courtesy of Philippine Star

Kayo, ano ang opinyon n’yo sa mga isyu nitong nagdaang mga linggo? Tara, ibigay mo ang opinyon mo!

***

Na-miss ko ang pagbablog kaya hindi ko mang intensyong mag-blog ngayong gabi, hindi ko napigilan ang aking sarili! Sarap sa pakiramdam ng nasasabi natin ang opinyon natin sa iba’t-ibang bagay, ano? Kaya pinapangako ko sa sarili ko na bibigyan ng kaukulang oras ang pagbablog kahit na abalang-abala sa iba’t-ibang mga bagay.

Fallen 44

Fallen 44 (picture courtesy of ABS-CBN)

Halos isang buwan na mula nang mangyari ang kahindik-hindik na pagpaslang sa magigiting nating mga pulis na miyembro ng Special Action Force (SAF) group sa Maguindanao na binansagan ng media na Mamasapano clash. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin gaanong malinaw kung ano ang mga nangyari noong araw na iyon. Pag-usapan natin ang nangyari at kung ano o sino ang dapat managot sa nakalulungkot na pangyayari.

Ano ang SAF?

SAF

Ayon sa artikulong ito mula sa website ng Philippine National Police, ang PNP Special Action Force (PNP-SAF) ay ang natatanging lupon ng kapulisan na binuo upang kalabanin ang mga terorista, rebelde at organized crime group na naghahasik ng lagim sa bansa. Dahil tinatawag silang rapid deployment force, ginagamit sila upang supilin ang mga masasamang loob saan man at kailan man sa Pilipinas.

Ang vision ng grupo ay ang sumusunod:

“We envision SAF as a highly motivated, highly disciplined and specially trained unit armed with the most modern equipment that technology can provide and working in active partnership with the community living up to the virtues: Maka-Diyos, Maka-Bayan, Maka-Tao at Maka-Kalikasan.”

Ang mission naman nila ay ang sumusunod:

“To conduct special operations as a rapid deployment force in the country specifically in the areas of counter-terrorism, hostage rescue, commando-type unconventional warfare, search and rescue operations and national civil disturbance control in times of calamities, disasters and national emergencies.”

Kailan at bakit sila binuo?

SAFLOGO

Noong dekada 80, maraming grupo ang nais magpabagsak sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos. Ang iilan sa mga ito ay ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na noo’y pinangungunahan ni Nur Misurari at ang Communist Part of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA). Ang kaguluhang ginagawa noon ng mga nasabing grupo ang nagtulak sa Philippine Constabulary (isa sa apat na service commands ng Armed Forces of the Philippines dati bago sila isinama sa PNP) na bumuo ng espesyal na lupon upang supilin ang mga ito. Mayo 12, 1983 nang mabuo ang grupo na sinasabing ideya ng dating AFP Vice Chief of Staff Lieutenant General Fidel V. Ramos (na magiging pangulo noong dekada 90) kasama ng kantang Chief of Operations na si Renato De Villa.

Ano ang ginagawa ng SAF sa Maguindanao ng mga panahong iyon?

Ayon sa ulat na ito ng ABS-CBN, dalawang linggo bago ang Mamasapano Clash ay nakipagpulong diumano ang pangulo ng bansa na si Noynoy Aquino pati na ang noo’y suspended na PNP Chief na si Alan Purisima sa mga opisyal ng SAF (kasama na rito ang dating PNP-SAF Chief Getulio Napenas) tungkol sa operasyon na tinawag nilang Oplan Exodus. Ang operasyong ito ay isa lamang sa mga napakaraming naiplanong operasyon sa mga lumipas na taon upang tugisin ang kilalang teroristang si Zulkifli Abdhir o mas kilala sa bansag na Marwan na maraming taon na ring pinaghahanap sa buong mundo. May mga ulat umano na tinatago ang nasabing terorista ng mga grupong MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (o BIFF, isang pangkat ng MILF na humiwalay sa grupo dahil salungat sila sa kasalukuyang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno at MILF) at Abu Sayyaf. Gaya ng nasabi kanina, maraming operasyon na ang naiplano noon ngunit hindi naisagawa o hindi ipinagpatuloy sa maraming kadahilanan. Pero noong Enero ng taong kasalukuyan ay isinagawa ang operasyon upang tugisin si Marwan na nagresulta nga sa pagkakapatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force.

Ano ang sinasabing nangyari noong araw na iyon?

Ayon sa balita, 3 pangkat ng SAF ang pumasok sa baryo ng Tukanalipao, sa Maguindanao, Mindanao madaling araw noong Enero 25 upang dakpin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman. Pinasok umano ng SAF ang bahay kung saan itinuturong naroon si Marwan ngunit dahil sila ay pinaputukan, sila ay lumaban hanggang sa mapatay ang terorista. Hindi umano alam ng MILF at BIFF na may mga SAF sa lugar kaya nang marinig nila ang putukan, sila rin ay nagpaputok ng armas. Ang resulta ay ang tinatawag natin ngayong Mamasapano Clash na dahilan kung bakit nasawi ang 44 na miyembro ng SAF pati na umano’y 350 miyembro ng mga teroristang grupo.

Fallen 44 (courtesy of GMA News)

Sino ang may pananagutan sa mga pangyayari?

noynoy

Inaako ni Napenas ang nangyari, ngunit tama bang siya lang ang umako ng responsibilidad na ito? Hindi ba’t may kasalanan at pananagutan din ang ibang grupo lalo na ang mga sumupil at kumitil sa buhay ng mga miyembro ng SAF? Bakit binibigyan ng proteksyon ng MILF si Marwan, na isang kilalang terorista sa buong mundo? Ibig sabihin ba na ganun ang ginawa (at marahil, patuloy na ginagawa) ay mga terorista rin sila? Kasama rin daw sa operasyon ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika. Ibig sabihin, malaking operasyon talaga ang naganap. Hindi lamang gobyerno ng Pilipinas ang nakakaalam kundi ang makapangyarihang bansa ng Amerika. May pananagutan din ba sila sa pangyayari?

Kung aalamin natin ang mga detalye, sinasabing umabot ng maraming oras ang putukan sa pagitan ng SAF at MILF. Bakit hindi agad nagpatawag ng ceasefire? O kung nagpatawag man ng ceasefire, bakit hindi agad huminto ang mga miyembro ng MILF? Bukod pa diyan, kung ilang oras na palang nakikipagbakbakan ang SAF sa MILF, bakit hindi tumulong ang AFP at iba pang miyembro ng SAF? Ano o sino ang pumigil sa kanila? Hindi naman siguro ganun kalakas ang MILF para katakutan nila o kayabang ang kanilang mga pinuno upang maging kumpiyansa sa ipinadala nilang tatlong pangkat ng SAF. Marami tayong katanungan hanggang ngayon na sana ay mabigyan ng linaw sa madaling panahon lalo na’t galit pa rin tayong mga Pilipino sa nangyari. Pero ang isang pinakanakakapag-init sa damdamin ng mga Pilipino lalo na ang mga kamag-anak ng mga namatayan ay ang paghuhugas ng kamay ng tinuturing na ama ng bansa.

HULING SALITA

Ang pangulo ng Pilipinas ang siyang commander-in-chief kaya dapat ay akuin ng anak nina Ninoy at Cory Aquino ang responsibilidad sa pagkakapatay ng 44 na miyembro ng SAF. Alam niya ang operasyon at may kakayahan sana siya upang pigilan, tulungan o iligtas ang mga pulis natin na nandoon noon sa Mamasapano. Ngunit, ano ang kanyang ginawa? WALA. Maging sa kanyang mga talumpati ay ibinibida niya ang kanyang sarili at pamilya na kung tutuusin ay walang kinalaman sa insidente at kung mayroon man ay napakainsensitibo at walang kaemosyon-emosyon para sa mga namatayan ang dating. Natatandaan n’yo pa ba nung inunan nya ang pagbubukas ng isang car shop kaysa salubungin ang mga bangkay ng mga bayani nating Fallen 44? Doon pa lang ay malalaman mo na kung ano ang karakter ng pangulong ito. Nito lamang nagdaang Miyerkules, Pebrero 18, ay nakipagkita siya sa mga kamag-anak ng Fallen 44. Tsansa na sana niyang bumawi o kaya ipakita man lang sa mga tao ang kanyang pakikidalamhati. Ngunit ano ang bumandila pangkatapos ng pangyayaring iyon? Pagkabastos at pagkahambog  ng pangulong piniling iboto ng nakararaming Pilipino noong 2010. Hindi tuloy nakapagtataka ngayon na maraming grupo ang gustong magpatalsik sa kanya sa pwesto. Sa araw na ito, Pebrero 22, ay inaasahang maraming magpuprotesta laban sa kanya.

Noynoy, hindi kita inaasahang bababa sa pwesto mo lalo na’t ayaw ko ring si Binay ang pumalit sa’yo. Pero sana, pakinggan mo itong payo ko at hindi ng payo ng umano’y corrupt mong kaibigang nangingialam pa rin kahit suspendido na na si Alan Purisima. Tumingin ka sa salamin at pagmasdan mo ng mabuti ang makikita mo. Natatakot ka ba? Oo, dapat matakot ka. Matakot ka sa sarili mo at sa mga pinaggagagawa mo.

Dama Mo Ba Ang Kapaskuhan?

Christmas Lights

Christmas decor sa Ayala Fairview Terraces

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi. Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon, nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo, pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi, hindi pa gaano.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang mga himig pang-Pasko sa radyo kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre, humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Sa totoo lang, pakiramdam ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Haha. Noong mas tumanda na ako ng kaunti, mas inaabangan ko na ang mga reunion kasama ng mga kamag-anak namin. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa probinsiya ng Ilocos Sur para bisitahin ang mga kamag-anak namin doon. Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng bakasyon. Free time e!

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo. Haha. Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili (pati na rin sa kapwa syempre).

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa harap natin mismo?

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala (ngayon siguro dahil binabasa mo ito, haha), isipin mo kung para saan ba at ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

Maniwala ka.

image

Kamusta Ka, Kaibigan?

Sarap magkaroon ng kaibigan, ano?

Ay, kulang pala yun.

Masarap magkaroon ng tunay at totoong kaibigan.

Yung tipo ng kaibigan na kilala ka sa kung ano ka o sino ka. Yung tanggap ka ng buong-buo. Yung walang gaanong kondisyon (o minsan pa nga, wala talagang kondisyon). Yung tipong basta ikaw lang, pwede na. Kwentuhan, kantahan, kainan, biruan, lakad-lakad, dramahan (sa iba, haha) at kung anu-ano pa’y pupwedeng gawin mo kasama niya. Masaya ka sa ginagawa n’yo at masaya siya na kasama ka niya. Sa ideyal na mundo, ganyan lagi ang kaibigang ating makikilala.

Fist Bump (taken from kennyruby.com)

Alas, wala tayo sa ideyal na mundo. Sa tunay na buhay, marami tayong tao na makakasama. Marami sa kanila ay ating makakasalamuha at makikilala talaga. Marami ang ating magiging kaibigan. Ang iilan sa mga kaibigan na ito ay magiging tunay at totoo. Ang iba nama’y magiging inspirasyon. Mayroon ding manggagamit lamang.

Sa totoo lang, lahat ng relasyon ay may paggagamitan na nangyayari. Di ba’t sa kalikasan ay may paggagamitan sa paggitan ng mga hayop, halaman at kung anu-ano pang organismo? Nariyan ang komensalismo (kung saan sa pagitan ng dalawa ay may isang nakikinabang habang ang isa ay di naman naaapektuhan), myutwalismo (ang parehong organismo ay nakikinabang), amensalismo (ang isa’y naaapektuhan habang ang isa’y hindi) at parasitismo (ang isa’y nakikinabang habang ang isa’y naaapektuhan). Sa mga tao, parang ganyan din minsan ang nangyayari pero di mga yan ang katawagan. Minsan, pagmamahalan. Minsan, pakikisama. Minsan, pakikitungo ng maayos. Minsan, pang-uuto o panggagantso. Minsan din, pang-aabuso. Pero minsan din naman, pagkakaibigan.

Diyamante ka ba o graba?

Diamond (taken from aetherforce.com)

Manuri tayo ng kakaibiganing tao. Hindi lahat ng mabait ay mabuti. Hindi lahat ng masayang kasama ay masayang kaibiganin. Paranoid ang dating pero wala namang masama sa pagiging mapanuri. Aalamin mo lang naman kung sino mga totoo sa hindi. Mag-obserba ka lang. Tingnan mo mga gawain nila at pakikitungo nila sa’yo. Pakinggan kanilang mga sinasabi. Kung maaari, sa lahat ng pagkakataon. Ang pagkakaibigan naman kasi hindi lang dapat nadarama sa mga kasiyahan at kagalakan ng ating mga buhay. Madalas pa nga itong nadarama pag nasa ibaba tayo ng gulong ng palad. Kaya kung nakakilala ka ng mga totoo at mabubuti talagang mga kaibigan, wag mo na silang pakakawalan. Sila ay mga diyamante sa dagat na puno ng graba.

Mga Dahilan ng Pagkakaibigan

Kung tutuusin, may mga kanya-kanya tayong pakay kung bakit tayo nakikipagkaibigan. Nandyan yung gusto nating may tumanggap sa atin, anuman ang mayroon o wala tayo, kung sinuman tayo sa labas at lalung-lalo na sa loob. Hindi lahat ng tao maiintindihan tayo, kaya kay sarap sa pakiramdam kung may taong talagang makakaintindi at tatanggap sa atin ng buong-buo. Nandyan din yung gusto nating humanap ng kaugali o kaya nama’y kasundo natin. Hindi ba’t masaya kung may taong nakakaalam sa pakiramdam natin sa mga bagay-bagay na gusto o kaya ayaw natin sapagkat nararamdaman din niya ito? Minsan, gusto lang nating may makasama, o kaya makaagapay sa ibinibigay na hamon ng buhay. Minsan din, nais lang nating may makausap at makinig sa atin o magbigay ng payo.

Maaaring sabihin ng iba, di ba’t sinabi ko kanina na may paggagamitan na nangyayari? Oo, tama yun.  Pero iba namang paggamit ang nangyayari: kusa ito at walang masamang intensyon sa pagitan ng magkaibigan. Paggamit pa rin ba ang tawag dun? Hindi, kundi, pagtulong, pagkalinga, o pwede na ring pagmamahal.

Limang Katangian ng Tunay at Totoong Kaibigan

Pinky Promise (from wbez.org)May nabasa akong artikulo sa website na Lifehack tungkol sa mga katangian ng isang tunay at totoong kaibigan. Una sa mga binanggit ng artikulo ay magaling makinig. Yung tipong di lang palaging tungkol sa kanya ang kanyang sinasabi. O kaya pag nagsasalita ka, tipong nakikinig talaga siya at hindi lang yung hinihintay kang matapos sa pagsasalita. Ikalawa, sinsero. Sasabihin ng isang kaibigan ang mali sa iniasal o ginawa mo hindi katulad ng iba na maaaring sabihing ayos lang ang ginawa mo pero sisiraan ka sa ibang tao pag nakatalikod ka. Ikatlong katangian, tatanggapin ka ng kumpleto. Di ka niya susubukang baguhin lalo na kung ayaw mo o di ka kumportable rito. Ikaapat, maaasahan. Walang maraming dahilan. Pag siya ay iyong kailangan, pipilitin niyang ikaw ay damayan sa kung anumang paraan. Ikalima, di mo lang siya nakikita sa mga social networking site. Nakikita, nadarama at nakakapiling mo rin siya. Gagawa siya ng paraan at magbibigay ng oras para talaga magkita at magkausap kayo kahit papaano.

Ikaw, anong klaseng kaibigan ka?

Unrequited Love

unrequited love pic

Ilang araw na lang at matatapos na ang Buwan ng mga Puso, o kung di kayo pabor dyan ay ang buwan na lang kung kailan ipinagiriwang ang Araw ng mga Puso. At tulad ng mga nakaraang taon, ipinagdiwang ng mga mag-asawa at mga magkasintahan ang araw na iyon na tila iba sa ibang mga araw. Extra special ang pagkikita nila sapagkat may dala-dalang mga regalo, mga mababango at magagandang bulaklak, matatamis na mga tsokolate para sa isa’t-isa habang matatamis na mga titig, masasarap na mga halik at yakap ang ipinamamalas din nila. Tiyak din na malaki-laki ang kinita ng iba’t-ibang mga establisyimiento nung araw na iyon sapagkat dagsa talaga sa mga pasyalan ang mga mag-asawa’t magkakasintahan. O, kay sarap umibig, ano?

Pero ang blog post na ito ay hindi para sa kanilang nag-iibigan. Ang blog post kong ito ngayon ay para run sa mga bigo, nadaya o nadapa sa pag-ibig.

Unrequited love

Ano ba ang unrequited love? Para maunawaan natin ito, maiging alamin ang ibig sabihin ng requite. Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang requite ay nangangahulugang ibigay pabalik o reciprocate ang isang bagay. Kaya pag sinabing unrequited love, ang pag-ibig na pinadadama ng isang tao sa isa pang tao ay hindi naibibigay pabalik, hindi naipadadama ng tulad sa ipinadarama, hindi lubusang maibigay ang pagmamahal sa isang nagmamahal. Ito na yata ang isa sa mga pinakamasakit na pwedeng maranasan at maramdaman ng isang tao. Bakit ba naman hindi? Anumang ginusto natin ay gusto nating makuha kahit na minsan lamang. Anumang pinaghihirapan natin, gusto nating masuklian ng biyaya kahit kaunti lang. Hindi ba’t sinasabi nga nilang pag may tiyaga, may nilaga? Pero paano kung ginusto nga natin, pinaghirapan din natin at pinagtiyagaan natin ay isang malaking HINDI ang sasalubong sa atin? Ang sakit, Kuya Eddie.

Sabagay, hindi naman ganun kasimple yun. Maaaring di tayo gusto ng ginugusto natin sapagkat:

  1. HINDI IKAW ANG TIPO NIYA. Maliit ka siguro kahit na mabait. Maitim kahit na madasalin. Walang trabaho kahit na masikap. Matangos ang ilong pero luwa ang mga mata. Gwapo pero di mayaman. O kaya mayaman pero walang hitsura. Gwapo ka, matangkad pati na rin mayaman pero babae rin pala ang gusto niya. Tsk, tsk, tsk. Tiyak, hindi ikaw ang tipo niya. Alam naman nating halos lahat ay pisikal na kaanyuan ang hinahanap agad sa magiging kasintahan, di ba? Susunod na diyan ang iba pang mga bagay na mahalagang piliin din. Kaya kahit na anong effort pa ang gawin natin para mapaibig ang isang tao, kung ayaw niya tayo base sa ating hitsura, antas sa buhay, ugali o pagkatao ay wala na tayong magagawa pa rito. Maliban na lang siguro kung talagang pursigido ka at sa pagpupurisge mo ay mapaibig mo siya. Walang imposible, maniwala ka!

Lahat na ay ginagawa para sa kanya

Habang siya ay masaya at malungkot para sa inyong dalawa

Sapagkat hinding-hindi kayo magiging isa

  1. MAY SABIT KA. Mamaya niyan ay may boyfriend o girlfriend ka pala. Gusto mo lang maglaro. O maaaring curious ka sa iba. O kaya naman, ayaw mo na sa kasintahan mo pero di mo pa siya mabitawan sapagkat ayaw mo siyang masaktan. Ang hirap, ano? Tsaka, wala naman sigurong may gusto na kabit-kabit lang sila, di ba? Marami pa ring disenteng tao na di papasok sa gulo ng pakikipagrelasyon sa taong may sabit sapagkat alam nilang mali ito. Pero sa totoo lang, at alam ng mga tao ito, maraming tao ang mga kabit. Magtanong ka sa kanto ng inyong pamayanan at tiyak may kilala silang ganyan. Hindi natin alam ang mga dahilan nila sa paggawa nito pero malamang ang iba sa kanila’y nabigo na rin dati ng pag-ibig, napagod sa paghihintay sa tunay nilang mahal o kaya naglalaro lang din. Iisa ang tiyak. May sira ang ulo nila. Hehe, biro lang. Di naman kasi natin talaga madidiktahan ang puso, hindi ba?

Kayo ay pwede sana

Kung wala kang abala

  1. MAY SABIT SIYA. Mayroon na palang boyfriend, girlfriend o asawa ang gusto mo e. Ano pa ang hinahanap mo? Bakit mo pa rin siya gusto? Hanap mo siguro ng gulo, ano? Sabagay, nagagawa ng ibang taong sumabak sa gulo pagkat wari nila’y mahal talaga nila ang taong iyon na may sabit. Di na nila iniisip pa ang kanilang reputasyon sapagkat mas mahalagang ipaglaban nila ang kanilang nararamdaman. Matapang, may rason, pero mali pa rin naman. Teka, may mali ba sa pag-ibig?

Yun nga lang, isa ka nang tunay na tanga

Pagkat ang mahal mo

May mahal namang iba

  1. WALA SIYANG SABIT PERO NAGHIHINTAY ANG PUSO NIYA SA IBA. Gusto mo siya, gusto ka niya. Nahuhulog ka na talaga sa kanya. Nahuhulog na rin talaga siya sa iyo. Gusto mo nang sabihing mahal mo siya. Gusto na rin niyang sabihing mahal ka niya… pero napipigilan pa rin niya. Hindi dahil wala siyang nararamdamang pag-ibig sa’yo kundi may tao siyang hinihintay na magbalik. Maaaring ang taong yun ay ang unang tao na nagpadama sa kanya ng tunay na pag-ibig at nangakong babalik, di nga lang alam kung kailan. Iniyakan niya ng pakatagal-tagal, nangakong tatanggapin pa rin niya kahit na pinagtaksilan siya, sinubukang umiwas umibig ng sobra dahil siya pa rin ay umaasa. Ano ang laban mo run, hindi ba?

Mahal n’yo ang isa’t-isa pero hindi yun sapat

Sapagkat di maaari, ikaw ay meron na

Habang may hinihintay siya

  1. SAPAT NA SA KANYANG MAY GUSTO SIYA SA’YO PERO DI NIYA IPUPURSIGI PA ITO. Maaaring gusto lang niya ang pakiramdam na umiibig. Sapat na sa kanya iyon kahit na di mo siya ibigin pa. Maaari ring ayaw niyang pumasok sa isang relasyon, lalo na’t maaari itong maging magulo. Maaari ring natatakot siyang pag sinabi niya ito ay matatanggihan o mari-reject siya kaya’t ikikimkim na lang niya habang siya’y nabubuhay.

Isa ka na ngang hangal

Natanong mo na lang sarili mo

Bakit ganito pagmamahal?

May naiisip pa ba kayong dahilan kung bakit hindi magugustuhan ang isang tao ng kanilang gusto? Pakisulat ang mga iyon sa ibaba. Nais kong tapusin ang blog post na ito sa pamamagitan ng isang tulang ginawa ko tungkol sa unrequited love dahil sa ilang kadahilanang lumabas sa itaas.

PAG UMIBIG NG IBA

I

Mahirap ipagsiksikan ang sarili

Sa taong may iniibig na iba

Maigi nang umiwas maaga pa lang kasi

Masasaktan ka lang niya

Gusto ka man niya ay wala naman talagang magagawa

Pagkat sa puso niya, mayroon lamang nag-iisa

II

Mahihirapan ka lang lalo kung may nagmamahal sa’yo

Kahit ang taong iyon ay di mo na talaga gusto

Mahirap isiping pag-ibig ay malabo

Pagkat tao naman ang nakadarama nito

III

Anong magagawa ng puso kung tumibok nang muli?

Pagbibigyan ba? Pipigilan? O pababayaang lumandi?

Buong araw ang isip ay di mapakali

Pagkat siya rin ang iniisip, hindi lang sarili

IV

Di ba’t sarap ang dulot ng tunay na umiibig?

Hahamakin lahat pati na buong daigdig

Tila titingala lahat sa naiibang tindig,

Ngiti at hitsura mong nagpapakilig

V

Pero, ano pa ba talaga ang magagawa?

Kalimutan siya? Magalit sa kanya?

Paano kung hindi mo yun makakaya?

Magiging kawawa ka na lang ba?

VI

Kaya sa simula pa lamang ay mamili na tayo

Kung ano ba talaga ang nais at gusto

Wag nang sumubok ng kung anu-ano

Madali lamang mabuhay pag nagpakatotoo

P.S.

Ang mga linyang nakasulat pagkatapos ng bawat dahilan sa itaas ay hango sa isa ko pang tula, Katangahan sa Pag-ibig. Pasensya na sa titulo pero tungkol kasi iyon sa ganun. Pwede ko sigurong ilathala iyon sa susunod. Hehe.

Ang Pork Barrel Scam at iba pang Conspiracy Theories

Pork Barrel Scam (hango ang larawang ito sa http://www.rappler.com/newsbreak/34459-admin-solons-linked-pork-barrel-scam)

Ilang linggo ng usap-usapan ang Pork Barrel Scam kung saan nadidiin ang businesswoman na si Janet Napoles. Sinasabi ng whistleblower na si Benhur Luy, dating personal assistant ni Napoles, na kumikita ang kanyang dating amo ng limpak-limpak na salapisa pamamagitan ng panloloko. Pinadadaan umano ng mga senador at kongresista ang ilan sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel sa mga proyektong gawa-gawa lamang ng mga huwad na Non-Government Organization (NGO) tulad ng pag-aari ni Napoles. Dahil di tunay ang mga proyektong gagawin ay ibubulsa ng mga mambabatas at ni Napoles ang salaping dapat ay para sa mamamayan. Tinatayang 70% ay mapupunta sa mambabatas habang 30% naman kay Napoles.

Nakakagulat, hindi ba? Kaya sa dinami-rami ng perang sabit sa scam na ito, di ka na magtataka pa kung saan nanggagaling ang mga mamahaling gamit ng mga anak niyang si Jean. Dagdag diyan, mayroon pa umanong 400 na bank account ang kanilang pamilya! Biruin mo pa, higit dalawampung sasakyan na nakarehistro sa kanilang pangalan!

Pero ang pinakanakakagulat sa lahat ng mga nabanggit sa mga balitang ito ay ang sabwatang nagaganap umano sa pagitan ng mga pulitiko at ng mga Napoles. Isang conspiracy theory ang nasabing scam. Nagkukunwari ang mga taong sangkot (senador o kongresista man) na di nila kilala si Napoles. Bakit nga naman nila ididiin ang kanilang sarili gayung iligal ang mga transaksyong nagaganap? Ayaw nilang ipakita ang kanilang totoong pagkatao. Basahin pa ninyo ang blog na dulzspeaks.blogspot.com nang maraming bagay pa kayong malaman tungkol sa napakalaging scam na ito.

Update: Ayon sa huling balita, nag-isyu na ng warrant of arrest ang National Bureau of Investigation kay Janet Napoles at sa kanyang kapatid na si Reynald “Jojo” Lim dahil sa isinampang kaso ni Luy. Sisimulan na ring imbestigahan ang scam upang malaman ang iba pang dawit sa panlolokong ito. Harin
awa’y magkaroon ng hustisya sa pangyayaring ito at hindi lamang sina Napoles ang maparusahan kung hindi pati na ang mga senador, kongresista at iba pang taong nasa posisyon na nanloloko sa bayan.

Conspiracy Theory

Nabanggit ko na sa mga dati ko pang blog entry ang conspiracy theory. Ano uli ito? Ang conspiracy theory ay isang teorya kung saan ipinapaliwanag ang isang pangyayari o lupon ng pangyayari dahil sa isang lihim na plano at gawain ng mga makakapangyarihang tao sa likod nito na tinatawag na conspirators. Masakit malaman sa isip at maramdaman sa pusong may mga ganitong pangyayaring nagaganap sa ating lipunan. Kung sinu-sino pa ang mga pinagkakatiwalaan mong mag-aangat sa Pilipinas at sa mga kapwa Pilipino ay sila pang dahilan kung bakit nawawala’t nananakaw ang perang galing mismo sa bayan na dapat lang gamitin para sa bayan. Gahaman. Magnanakaw. Walanghiya. Yan ang mga katagang madalas ginagamit panlarawan sa mga pulitiko. Sa mga uri ng balitang naririnig natin ngayon, wag na tayong magtaka kung totoo ang mga iyan. Wag gumamit ng mga pangalan ng baboy, buwaya at iba pang hayop sapagkat isang paglapastangan sa kanila ang maihambing sa mga taong halang ang kaluluwa.

Tunay na nakawiwindang ang balita tungkol sa Pork Barrel Scam. Pero may iba pang nakawiwindang na conspiracy theory sa mundo. Kamakailan lang ay nagpakita ng listahan ang LISTVERSE ng mga conspiracy theory. Bagama’t pop culture ang nasa titulo nito, ang listahan ay kabit-kabit na istorya ng mga taong nasa posisyon at kapangyarihan, ang mga biktima nila at ang pamamamaraan ng kanilang pambibiktima. Anu-ano ang mga nasa listahan? Alamin natin sa ibaba:

X. Isang psychological warfare ang prank broadcast ni Orson Welles noong 1938

War of the Worlds (kuha mula sa ashartos.deviantart.com)

Isa umanong pagti-test sa epekto ng media sa tao ang ginawang radio broadcast ni Orson Welles sa kanyang likhang War of the Worlds noong taong 1938. Sa gabing iyon ng Halloween, nag-panic ang mga tao dahil sa mock news na kanilang narinig na nagsasabing sinasakop na tayo ng mga alien.

IX. Ang pagkamatay ni Marilyn Monroe ay hindi aksidente. Siya ay pinapatay.

Marilyn Monroe (kuha sa glogster.com)

Binalitang suicide ang pagkamatay ng artista sa Hollywood na si Manilyn Monroe, pero ang sabi ng iba, mafia ang may kagagawan nito para mapigilan siya sa pagsumbong sa mga kinauukulan ng kanyang pakikipagrelasyon sa mga Kennedy. Marami na umano siyang nalalaman kaya minabuting siya ay patahimikin na lamang.

VIII. Ang pumatay kay John Lennon ay isang mind-controlled CIA assassin.

 

What's with the one-eye symbol, CIA and CBS?

What’s with the one-eye symbol, CIA and CBS?

Binaril ni Mark Chapman si John Lennon sa labas ng Dakota Building noong Disyembre 8, 1980. Sinabi n’ya na nakaririnig siya ng mga katagang “Do it, do it.” sa kanyang ulo kaya niya tuluyang binaril si Lennon. Hawak din niya ang librong Catcher in the Rye na may nakasulat na “This is my statement.” sa kanyang pagkakahuli.

Tatlong taon bago ang nasabing pangyayari, nagkaroon ng mga pagdinig sa Senado ng Amerika tungkol sa proyekto ng Central Intelligence Agency o C.I.A. na tinatawag na MKULTRA. Isa umano sa mga layunin nitong proyektong ito ay ang pagbi­-brainwash. Nais umano nilang gumawa ng Manchurian candidate, isang mind-controlled assassin upang isagawa ang kanilang mga kagustuhan. Sinasabing si Chapman ay isa sa mga na-brainwash ng CIA. Isang epekto ng brainwash ay pagbabago at pagkakaroon ng kakaibang pag-uugali, bagay na nakita kay Chapman.

Ano naman ang sinasabing dahilan sa pagpatay kay Lennon? Pinapatay umano siya dahil siya raw ay isang peace activist. Kumbaga, di naaayon sa kagustuhan ng mga nakatataas ang kanyang layunin bilang isang napakapopular na tao. Tinuligsa niya ang paggiyera ng Estados Unidos sa El Salvador bilang halimbawa.

VII. Gangster Rap

Gangsta music

Noong late 80’s at early 90’s, dalawa umano sa mga sub-genre ng rap ay ang conscious rap at gangsta rap. Nang naglaon, nawala na ang conscious rap at mas nakilala naman ang gangsta rap. Ang dahilan umano nito ayon sa isang sulat na ipinaskil sa blog na Hip-Hop is Read ay ang pagpupulong na ginawa ng mga nasa matataas na posisyon sa industriya ng musika kasama ang ilan sa mga nasa kapangyarihan. Layunin ng pagpupulong na suportahan ang musika na nagtataguyod ng criminal behavior para magtulak sa mga taong patuloy na gumamit ng droga at patayin ang isa’t-isa. Kung patuloy ang pagtutulak ng bawal na gamot at pagpatay, mapupuno ang mga kulungan- isang bagay na gusto ng isa sa mga paksyong kasama sa pulong.

VI. Predictive Programming sa TV, libro at pelikula ng mga pangyayari sa hinaharap

Nagbibigay umano ng maraming palatandaan ang tinatawag na conspirators o behind-the-scenes puppet masters tungkol sa kanilang mga plano. Ang mga palatandaang ito ay halos palaging gumagamit ng mga simbolo, numero at iba pang tumutukoy sa mga okulto, Freemasonry o mga ispesipikong imagery. Tingnan ang mga larawan upang malaman kung ano ang tinutukoy na predictive programming. 

9-11 predictive programming 9-11 PP picture

Isa pa umano sa mga layunin ng predictive programming ay pagaanin ang tama ng magaganap na pangyayari sa publiko. Kumbaga, tinataas ang tolerance ng tao sa mga ganitong bagay. Kung patataasin ang tolerance ng tao, sinasabing di sila gaanong maaapektuhan pag nangyari nga ang kalunus-lunos na pangyayari lalo na kung di sila direktang apektado.

V. Mga tagong mensahe: taktika para kundisyunin ang mga tao

Hindi umano sikreto na ang mga maiikli o mga tagong mga salita o larawan ay kayang ilagay sa ibang larawan, palabas o pelikula sa paraang di mapapansin ng manonood pero nakaiimpluwensiya pa rin sa kanila kahit papaano.

Madalas itong ginagamit para mahikayat na bumili ang mga tao ng mga podukto. Kilala rito ang mga komersyal na may nilalamang sexual references gaya ng Coke at Pepsi lalo na noong 1990s. Pero magugulat ka ba kung malalaman mong marami sa mga ito ay nakikita sa mga pelikula at palabas ng Disney gaya ng nasa ibaba?

Tangled movie poster Little Mermaid

 IV. Ang Disney ay isang evil empire

Anong numero nakikita mo?

Anong numero nakikita mo?

Isa sa pinakamatagal, pinakatanyag at pinakamalaking kumpana sa entertainment industry ang Disney. Dahil dito, ito na yata ang pinakamaimpluwensiya hindi lamang sa US, pati na rin sa buong mundo.

Sinasabing kahit umano family-oriented ang mga palabas at pelikula nila ay hinahayaan nilang lumabas ang maraming sexual images di lamang sa pelikula kundi maging sa mga promotional at poster artworks (tingnan na lamang ang mga larawan sa itaas). Bakit nila ito ginagawa? Dahil layunin umano ng Disney ang pagsi-sexualize ng mga bata. Gusto umano ng kumpanya na kainin lahat ng pera ng magulang habang sunud-sunuran sa kanila ang mga anak ng mga ito.

III. Monarch Mind Control: Halos lahat ng mga celebrity ay mind-controlled puppets

Monarch

Noong na-expose ang MKULTRA noong mid-70’s, sinabi ng CIA na itinigil na nila ito. Pero sabi ng conspiracy theorists, di nila ito itinigil kundi binigyan lang ng bagong pangalan. Simula pa noong 1930s ay isinasagawa na ito ng power elite (mga mayayaman at maiimpluwensiyang tao) para ma-perpekto ang mind control. Pinalitan ang MKULTRA ng tinatawag na Monarch at sinasabing maraming mga celebrity  na ang dumaan sa prosesong ito, lalo na yung mga ini-employo ng Disney tulad nina Britney Spears at Miley Cyrus.

Sinasabing ang programming na ginagawa rito ay binubuo ng mga ritualized, regulated trauma at abuse na dinisenyo upang ma-dissociate ang taong biktima (subject) sa reyalidad at magkaroon ng break sa reyalidad na ito. Pagkatapos, isang handler  ang gagawa ng multiple personalities sa subject– kumakanta, sumasayaw, pumapatay, nakikipagtalik o kung ano pang maisipan nilang ipagawa.

Monarch Mind ProgrammingSinisimulan umano ang prosesong ito habang bata pa lamang ang subject, minsan dahil na rin sa direktang kooperasyon ng magulang. Ang mga subject ay ginagamit bilang sex slaves mula bata hanggang magbinata o magdalaga para sa mga mayayaman at makapangyarihan, habang inaalagaan ang kanilang imahe sa mga tao. Ang persepsyon sa kanila ay paglalarawang mula sa “malinis at inosenteng child star” hanggang sa maging isang sexualized teen idol (magandang halimbawa na naman sina Britney Spear at Miley Cyrus). Pag ang mga subject na ito umano ay magkaroon ng meltdown, di lamang ito dahil sa presyur ng stardom kundi dahil na rin sa nasirang mind-control programming. Pag pumunta sila ng rehab, sila ay iri-reprogram (Kilala ninyo si Amanda Bynes? Nakilala rin siya sa Disney).

II. Kinukuntrol ng Illuminati ang lahat ng entertainment

Illuminati_001

Kung mayroon kang internet connection, madali mo lang malalaman kung ano ang Illuminati: isang samahang kahit na binuwag na noong 1785 ay patuloy pa rin ang pamamayagpag umano ngayon bilang organisasyong nasa likod ng mga malalaking giyera at iba pang karumal-dumal na pangyayari sa loob ng maraming taon. Baka tumawa ka kung malaman mong si Lady Gaga ay puppet nila. Pero tatawa ka lang hanggang malaman mo ang mga simbolong makikita sa mga video niya: ang all-seeing eye symbol, mga hugis at anyong Baphomet (isang demonyo), at iba pang aspeto ng kanyang mga kanta, palabas at larawan. Pero sinasabing hindi lang si Lady Gaga ang puppet ng Illuminati. Nandyan din sina Beyonce, Jay-Z, Rihanna, Katy Perry, Nicki Minaj, Jessie J at marami pang iba. Di lamang sa musika mayroon ha. Pati na sa mga palabas sa telebisyon, pelikula at libro, mayroon din daw. Basahin ang Vigilant Citizen upang mas mamulat ka pa tungkol dito.

Mga mang-aawit lang ba ba talaga sila? Ano sa tingin n'yo?

Mga mang-aawit lang ba ba talaga sila? Ano sa tingin n’yo?

I. Mass Media: Pinuprograma ang ating pag-iisip

Media is evil?

Media is evil?

Gaya na lamang ng ipinakita ng Conspiracy Theory #10, malaki ang epekto ng media sa pag-iisip at pag-uugali ng mga tao. Mula pa pagkabata hanggang pagtanda, ang pinapakita sa pamamagitan ng media ay paraan upang makundisyon ang mga iniisip at mga gagawin ng tao. Sinasabing ang pelikula ay mabisa sa pagkundisyon ng social behavior ng isang tao o yung paraan ng kanyang pakikipagsalamuha sa iba. Ang musika naman ay mabisa sa pagtuturo ng masasamang pag-uugali (desirable yet terrible values and morals). Ang telebisyon, na sinasabing pinakamaimpluwensiya, ay ang talagang tumutulong sa paghubog ng tao sa paggawa niya ng sarili niyang reyalidad, mga ekspektasyon sa buhay, sa sarili at sa iba.

Ano nga ba ang mga epekto ng telebisyon?

Ano nga ba ang mga epekto ng telebisyon?

HULING SALITA

Nagkataon lang ba ang lahat ng ito o may mga punto ang conspiracy theorists na tulad ko? Iiwan ko na sa inyo ang punla ng pagdududa sapagkat di lahat ng gusto mong makita ay nakikita ng mga mata at di lahat ng gusto mong marinig ay napapakinggan mo sa iyong mga tenga. Mag-isip. Gumamit ng utak. Huwag lamang magpapaniwala sa kung ano ang popular o mga sinasabi ng nasa kapangyarihan. Di mo alam na maraming tao ang tulad ni Janet Napoles na ubod ng bihasa sa pagsisinungaling matuloy lamang ang pagtapak sa ibang tao habang sinusubukang pagtakpan ang sariling mukha sa mundo. Huwag laging magtiwala sa kung anong balita ang pinapakain ng media sapagkat di mo alam kung puppet lamang sila ng mas malalaki at mas matataas na tao. Wag gaya-gaya sa mga artistang pinapanood, baka kaluluwa mo na pala ang nabibenta mo. Wag matakot sa mga pangyayari sa paligid, bagkus, maghanap ng makakasama at palaganapin ang mabuting pagbabago. Pagbabagong magpapatino sa tao at sa mundo.