KSPs Be Like

Liker 6

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 2May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 4Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila, gaano man ito ka-tacky (Sige, i-search mo kung ano ibig sabihin nyan nang makapagkunsulta ka naman ng diksyunaryo. Hehe.). Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha.

Like 3Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.

Anong Nangyari sa Flight 370?

Boeing_777-200ER_Malaysia_AL_(MAS)_9M-MRO_-_MSN_28420_404_(9272090094)

Marso 8, 2014- Isang linggo mula ngayong araw ay nawala ng parang bula ang Boeing 777-200er (Malaysia Airlines Flight 370), isang pampasaherong eroplanong nanggaling sa Kuala Lumpur, Malaysia at patungo sana sa Beijing, China. Lulan ng nasabing eroplano ang 12 miyembro ng crew at 227 na mga pasahero na hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng mga kinauukulan kung nasaan.

Umalis ang eroplano sa Kuala Lumpur International Airport noong 12:41 ng madaling araw at inasahang lalapag sa Beijing Capital International Airport ng 6:30 ng umaga. Ibinalitang nasa tamang taas ang eroplano (35,000 feet o 10,700 m) at lumilipad sa bilis na 872 kph o 542 mph nang mawalan lahat ng komunikasyon. Sinasabing huling nagkaroon ng contact ang piloto nito sa air traffic control kulang-kulang isang oras pagkalipad nito sa himpapawid.

Umaga ng Sabado ay naibalita na ang pagkawala sa nasabing eroplano pero mas bumulaga ito sa kamalayan ng mga mamamayan sa buong mundo noong Linggo. Naging headline na ng maraming pahayagan at news shows ang pangyayari mula noon. Ipinakitang umiiyak, nagdadalamhati at nagtatanong ang mga kamag-anak na lulan ng eroplanong bigla na lang nawala. Nagbigay din ng mga pahayag ang gobyerno ng Malaysia at pamunuan ng Malaysian Airlines tungkol sa insidente bagamat marami ang tumuligsa sa kanila dahil umano sa hindi tama at kulang-kulang na pag-uulat.

Isang linggo na ang lumipas ngunit di pa rin natatagpuan o natutukoy ang nangyari sa Boeing 777-200er. Iba’t-ibang ispekulasyon na tuloy ang lumalabas sa kung paanong naganap ang nakakagimbal na pangyayari. Maraming conspiracy theories ang lumabas tungkol dito at ang ilan sa kanila ay ang mga sumusunod:

  1. Gawa umano ito ng mga alien
  2. Pakana umano ito ng mga Tsino upang malaman kung gaano kalawak ang nalalaman ng National Security Agency (NSA) ng Amerika tungkol sa kanila. Sinasabi kasing ilan sa mga pasahero ng eroplano ay may kaugnayan kay Edward Snowden, dating empleyado ng Central Intelligence Agency at contractor ng NSA na nagpakalat ng mga dokumento tungkol sa global surveillance na ginagawa ng gobyerno ng Amerika at ng iba pang mga bansang kasama sa grupong tinatawag na Five Eyes.
  3. Ginawa ito ng Illuminati, isang grupong sinasabing may layuning sakupin ang buong mundo at magtatag ng isang New World Order.
  4. May panibagong Bermuda Triangle (isang lugar na tinutukoy sa Central America kung saan misteryosong nawawala ang mga eroplano o sasakyang pandagat) at ito’y matatagpuan naman sa Malaysian peninsula kung saan sinasabing nawala ang Flight 370.

Pinakabagong Balita

Ayon naman sa pinakahuling balita ng CNN, gumawa ng malaking pagbabago sa direksyon at pag-akyat sa himpapawid ang Malaysian Airlines Flight 370 bago tuluyang mawalan ng komunikasyon. Dahil sa mga pagbabagong ito na nalaman tungkol sa pag-analisa ng electronic at satellite data, malamang daw ay bumagsak ang eroplano sa Bay of Bengal o sa Indian Ocean.

Anong magagawa natin?

 

Ikaw, ano sa tingin mo ang nangyari sa Boeing 7770-200er? Di pa natin malalaman sa ngayon kung ano talaga ang nangyari sa eroplano at ang mga sakay nito. Umasa tayong ginagawa lahat ng mga kinauukulan, pati na ang mga tumutulong na bansa tulad ng Pilipinas, ang mga dapat gawin upang maresolba ang nakapagtatakang pangyayari. Maigi ring ipagpatuloy natin ang pagsasaliksik at pakikinig sa mga balita. Huwag tayong maniniwala agad sa mga sabi-sabi at haka-haka kahit pa sabihing may punto ang mga nagsasabi nito. Higit sa lahat, ipagdasal natin ang mga pasahero at crew ng eroplano, pati na ang kanilang mga pamilya na patuloy na nag-aalala sa kanilang kinalalagyan.

Ano ang Leap Year?

Leap year ngayong 2012. At para sa mga di pa alam kung ano ito, basahin ninyo ang mga sumusunod.

Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang tinatawag na leap year ay ang taon sa kalendaryong Gregorian na mayroong 366 na araw. Higit lang ito ng isang araw kumpara sa isang regular na taon at ang dagdag na araw ay ang Pebrero 29. Dahil dito, ang Pebrero 29 ang tinatawag na leap day. Tuwing apat na taon ang leap year kaya ang susunod na leap year ay ang 2016.

Ano ang dahilan kung bakit mayroon tayong leap year? Ang turo sa atin, mayroong 365 na araw sa loob ng isang taon dahil 365 ang pag-ikot ng mundo (rotation) sa palibot ng araw (revolution). Pero ang hindi alam ng iba, di eksaktong 365 ang pag-ikot ng mundo. Ayon sa Wikipedia, ang isang rebolusyon ng mundo sa paligid ng araw ay binubuo ng 365 araw, 5 oras, 49 minuto at 16 segundo. Kaya di man eksakto, may isang araw na sosobra sa loob ng 4 taon ang ating kalendaryo.

Paanong nagkaroon ng leap day at bakit Pebrero 29 ang dinagdag na araw?

 Ayon sa ulat ng CBC News, ang leap day daw ay ideya ng Roman emperor na si Julius Caesar noong unang siglo B.C. para matugunan ang sobrang oras. Unang ginawang leap day ang Pebrero 24 noong 45 B.C. dahil ito umano ang unang araw pagkatapos ng Terminalia, isang pagdiriwang sa relihiyong Roman na itinuring ng ibang mananaliksik ilang siglo na ang nakakaraan na huling araw ng mga taon dati, at pang-anim na araw mula sa unang araw ng Marso. Sa totoo lang, nakakalito ito dahil ang gamit pang kalendaryo noon ay ibang-iba sa gamit natin ngayon.

Nagkaroon man ng kaunting lunas si Julius Caesar noon, di pa rin daw ito perpekto dahil sosobra pa rin ng isang araw sa loob ng 128 taon. Na-remedyuhan lamang umano ito noong ipinakilala ni Pope Gregory XIII ang Kalendaryong Gregorian noong 1582, kung kailan ginawang leap day ang Pebrero 29.

Anu-anong tradisyon ang ginagawa ng mga tao kapag leap year?

Sa British Isles daw, maaaring mag-alok ng kasal ang mga babae sa lalaki kapag leap year. Kapag tinanggihan ng mga lalaki ang babae na nag-alok, bibigyan umano ng una ang huli ng mga regalo bilang kompensasyon. Sa Greece naman, itinuturing na malas magpakasal sa isang leap year dahil di raw magiging matatag ang pagsasamahan ng mga ikakasal.

Ano ang gagawin ng mga taong ipinanganak ng Pebrero 29? Tuwing apat na taon lang ba sila magdiriwang ng kaarawan nila?

Syempre, hindi. Maaari nilang piliin ang Pebrero 28 o Marso 1 upang magdiwang ng kaarawan. Sila na at ang mga magulang nila ang bahala roon.