Manalo, matalo…

Isang linggo na rin ang nakalipas mula noong unang araw nang pagpunta at pagmartsa sa EDSA ng ilan sa mga kababayan nating miyembro ng Iglesia ni Kristo. Ito ay matapos magsampa ng kaso ang dati nilang ministro na si Isaias Samson, Jr. na tinanggap ng Kagawaran ng Hustisya (Department of Justice) sa pamumuno ni Secretary Leila De Lima.

ANO ANG IGLESIA NI CRISTO?

Iglesia_ni_Cristo_seal

                     INC Seal

Ang Iglesia ni Cristo ay isang relihiyong itinatag ng isang Filipinong nagngangalang Felix Manalo noong 1914. Itinuturo ng kanilang mga pinuno na sila ang nag-iisang totoong simbahan (o one true church) at sa pamamagitan lamang nila ang pagkakaligtas ng kaluluwa. Malalaki at magagandang may iisa (o magkakatulad) na disenyo ang kanilang mga simbahan. Milyon na rin ang kanilang mga miyembro.

Bukod sa istriktong pagsunod ng mga miyembro sa doktrina ng kanilang simbahan, kilala rin ang Iglesia ni Cristo sa pagkakaroon ng bloc voting tuwing eleksyon. Ibig sabihin nito, iisa ang pagboto nila. Kung sinu-sino ang mga pulitikong pinili ng mga nakatataas (marahil, ng kanilang sanggunian) ay siyang ibuboto ng mga miyembro.

ANO BA KASI ANG PINAGLALABAN NILA SA EDSA NITONG NAGDAANG LINGGO?

Separation of state and religion daw. Pinaglalaban umano nila ang karapatan nila at ng kanilang relihiyon ukol sa hindi dapat na pangingialam ng gobyerno sa mga relihiyong tulad nila.

Tama ba ang pinaglalaban nilang ito?

Sa madaling sabi, HINDI. Sapagkat hindi naman talaga nangingialam ang gobyerno sa internal affairs ng kanilang samahan. Sa katunayan nga, ang nagreklamong si Samson ay hindi na kasali sa simbahan sapagkat siya ay isang expelled member na. Inireklamo nya ang illegal detention laban sa ilang miyembro ng kanilang sanggunian at ang kasong ito ay isang kasong kriminal. Hindi ito dapat ipagsawalang-bahala lalo na’t ito ay labag sa batas.

Ano ang nag-udyok sa kanilang mga miyembro na pumunta sa EDSA?

Marahil tapat at totoo sa adhikain ng kanilang simabhan ang gustong ipahatid ng marami sa kanila. Ngunit ayon sa mga bali-balita at personal na kwento ng ibang mga naapektuhan, iniatang ang responsibilidad ng pagpunta roon sa mga miyembro ng kanilang grupo kung gusto nilang manatili sa kanilang simbahan.

Ano ang mahihinuha natin sa naganap na pagpuprotesta nilang ito?

  1. Hindi invincible ang sinuman sa batas. Maging pinuno ka man ng Iglesia ni Cristo.
  2. Sa susunod, sana ay isipin muna ng maigi ng kung sinumang grupo ang magiging implikasyon ng mga gagawin nilang hakbang tulad ng pagpuprotesta at pagpupulong. Buti sana kung para sa ikatataguyod ng mga mahihirap o kaya ng buong sambayanan. E kung pansariling kapakanan lang, hay naku, isang malaking paglapastangan iyan sa oras at panahon ng ibang mamamayan.
  3. Hindi isang imahinasyon ang palala nang palalang problema ng trapiko sa Kamaynilaan. Kaya iyan. Pag nadagdagan pa ng dahilan ang pagkakabuhol-buhol ng sasakyan tulad na lamang nitong INC protest, milyun-milyong tao ang nadadamay, malaking pera ang nawawala at maraming oras ang unti-unting hindi napapakinabangan.
  4. Marami sa atin ay kumikilos nang hindi nalalaman kung bakit natin ginagawa ang mga pagkilos na ito. Hindi tayo robot. Hindi tayo isinilang sa mundo na maging sunud-sunuran lang. Kaya nga nakakaawa ang mga taong walang free will sa mga bansang sobra ang higpit ng mga gobyerno. O kahit sa mga bansang tulad natin pero umaanib naman sa mga grupong tila wala o kakaunting free will lamang ang pinahihintulot. Kaya kung meron ka mang free will, gamitin ito ng wasto.
  5. Malalaman mo sa ilan sa mga nagsalitang pulitiko ang trapo o traditional politician. Kung isa kang magaling na lider, alam mo kung ano ang mali at susubukan itong itama. Hindi iyong kakaaniban mo sapagkat mawawalan ka ng boto kung hindi. Nakatingin ako sa inyo, Binay at Poe.
  6. Nagpapasalamat ang lahat noong nagsiuwi na sa wakas ang mga miyembro ng INC noong Agosto 31, 2015. Nagkaroon na umano ng kasunduan ang naturang grupo pati ang gobyerno. Ang tanong tuloy ngayon, ano ang kasunduang ito kung mayroon man? Hindi pwedeng hindi ito ipaalam sa publiko.

Tingnan ang nakagigimbal na estadistikang nakapaloob sa infographic na ito na gawa ng sakay.ph. Kaya manalo man sila o matalo sa ginawa nilang protesta sa EDSA, naging kawawa mga Pilipino!

edsa_carmageddon_infographic

Missing blogging!

Ang aking Instagram account :)

Ang aking Instagram account 🙂

Higit tatlong buwan na rin mula nung huli akong nakapaglabas ng post dito sa aking main blog na alaminmokasi.com. Ako’y humihingi ng tawad kung may mga taong nag-aabang sa mga sasabihin ko tungkol sa kung anu-anong mga bagay. Marami lamang kasi akong pinagkakaabalahan sa nakaraang mga buwan. Nariyan ang personal na buhay, trabaho pati na ang kinagigiliwan kong tunay sa kasalukuyan, ang pagkuha ng mga litrato at pagpapakita nito sa Instagram (ang aking account sa Instagram ay @karl_olivier). Pero, ganun pa man, ay nangangako akong hindi bibitawan ang blog kong ito sapagkat marami ang nagpapasalamat sa mga nauna ko nang naiposteng blog post dahil sila ay may mga natututunan kahit papaano sa mga sinusulat ko.

Hindi ako nagba-blog ngayon para lamang humingi ng paumanhin dahil sa matagal na pagkakawala. Ating pasadahan ang mga maiiinit na isyu na ating kinakaharap nitong mga nagdaang linggo.

PROBLEMA SA IGLESIA NI CRISTO (INC)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

INC Celebration (photo courtesy of Philippine Star)

Marahil, ang pinakapopular na relihiyong itinatag dito sa Pilipinas (paalala: itinatag o founded sa Ingles) sa kasalukuyan ay ang Iglesia ni Cristo. Wala man sa kalingkingan ng populasyon nila ang dami ng mga Katoliko, Born Again Christians at Muslim sa ating bansa ay hindi maitatangging malaki-laki rin ang impluwensiya nila sa lipunan. Sa katotohan niyan, kadidiriwang lang nila ng kanilang ika-101 taon nitong Hulyo 27, 2015.

Gayunpaman, nababalot ang relihiyong aking nabanggit sa kontrobersiya sa kasalukuyan. Itinawalag ng punong ministro nilang si Eduardo Manalo ang kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo at ang inang si Cristina “Tenny” Manalo matapos maglabas ang dalawang huling nabanggit na nanganganib ang kanilang mga buhay. Hindi pa klaro noong una kung bakit nila ito sinabi ngunit sa paglipas ng mga araw ay lumalabas na internal conflict ang kadahilanan. May nagsasabing hindi umano pabor ang ilan sa mga kapamilya ni Eduardo Manalo kung paano niyang ginagamit ang salapi ng kanilang simbahan. May mga haka-haka rin ang media na may namumuong pagtitiwalag dahil sa mga iregulidad umano sa simbahan. May bali-balita ring maraming ministro ang nawawala o kaya’y nanganganib ang buhay at ito raw ay may kinalaman sa mga nangyayari sa kasalukuyan.

Hindi man natin alam ang katotohan sa mga nangyayari sa kanila, maigi pa ring tayo ay maghintay, magmasid at mag-obserba sa mga susunod na mangyayari sapagkat marami tayong mahihinuhang mga aral sa bagay na ito.

MAR vs JEJOMAR

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

MAR vs JEJOMAR (photo courtest of spot.ph)

Ito naman ang pinakamalaking balitang bumulaga ngayong araw, Hulyo 31, 2015. Nag-anunsyo ng pagkandidato sa pagkapresidente ang dating senador na si Mar Roxas habang nag-anunsyo rin ng kanyang suporta ang katatapos lang na magbigay ng State of the Nation Address na si Noynoy Aquino sa kaalyado.

Nagkibit-balikat lang naman si Jejomar Binay sa balitang ito sapagkat para sa kanya, hindi siya matatalo ni Roxas sa halalan.

Bakit hindi kaya nila tinatanong kung gusto sila ng sambayanan?

Sa totoo lang, WALA AKONG GUSTO SA DALAWANG KANDIDATONG ITO. Si Binay ay pinuputakti ng mga reklamo at kaso ng matinding korupsyon at hindi lang siya kundi ang kanyang ring pamilya tulad na lamang ng kanyang anak na si Junjun Binay na kasalukuyang suspendido sa Makati bilang alkalde. At ito namang si Mar Roxas. Ano ang nagawa niya noong siya ay senador pa? Malaki ang ekspektasyon sa kanya ng mga taong bumoto sa kanya noon pero para namang wala tayong napala. Bakit nga ba uli siya tinawag na Mr. Palengke? Ah, dahil yata sa komersiyal nyang nagpapanalo sa kanya.

Kanino ka kakampi, sa umano’y makapal na matinding corrupt o sa umano’y inutil?

#MMSHAKEDRILL: METRO MANILA “SHAKE” DRILL

MMDA Chairman Francis Tolentino explains what will happen during the July 30 Metro-wide earthquake drill during his visit at the Philippine Daily Inquirer office in Makati City. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Ipinapaliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa opisina ng Philippine Daily Inquirer sa Makati ang magaganap na Metrowide earthquake drill ilang araw bago ang Hulyo 30. (Photo courtesy of Rem Zamora)

Isinagawa sa buong Metro Manila kahapon, Hulyo 31, ang tinatawag na Metrowide Shake Drill bilang paghahanda sakaling tamaan ng lindol ang Metro Manila. Sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority (MMDA) pati na iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ay nagpalaganap sila ng impormasyon sa publiko kung anu-ano ang mga kailangang gawin sakaling dumating nga ang lindol. Habang nangyayari ang lindol, sinasabi nilang gawin ang mga sumusunod: DROP – COVER – HOLD. Nasaan ka man, pag lumindol ay iwasan nang tumayo kung hindi kailangan. Ibaba agad ang sarili at humanap ng matibay na mesa o anumang pwedeng pagtaguan na sa tingin mo’y hindi basta-basta masisira. Hawakan ito hangga’t hindi natatapos ang pagyanig. Pag natapos ang lindol, tsaka lamang tingnan kung ligtas nang lumabas at dumiretso sa evacuation centers.

Maganda ang isinagawang proyektong ito ng gobyerno. Sana lang talaga ay maging handa sila pati na syempre ang mga tao sakaling dumating ang mapeligrosong lindol. Nakakairita lang marinig sa media ang katagang The Big One sa lindol na inaasahang darating sa hinaharap. Baka mamisinform ang mga tao sapagkat hindi lang iisa ang maaaring tumamang lindol sa atin kung may tatama man.

Metro-Quake-Drill-4

Photo courtesy of Philippine Star

Kayo, ano ang opinyon n’yo sa mga isyu nitong nagdaang mga linggo? Tara, ibigay mo ang opinyon mo!

***

Na-miss ko ang pagbablog kaya hindi ko mang intensyong mag-blog ngayong gabi, hindi ko napigilan ang aking sarili! Sarap sa pakiramdam ng nasasabi natin ang opinyon natin sa iba’t-ibang bagay, ano? Kaya pinapangako ko sa sarili ko na bibigyan ng kaukulang oras ang pagbablog kahit na abalang-abala sa iba’t-ibang mga bagay.