Instagrammer

IG pic 4Ang pinakaginagamit kong app sa kasalukuyan ay walang iba kundi ang Instagram. Kung may isa man sa maraming dahilan kung bakit di ako masyadong nakakapagsulat sa blog ko, ang Instagram yun. Haha. Para ring pagba-blog ang Instagram pero ang kaibhan nito, mga larawan ang gamit at mas madalian ang pagbabasa rito. Alamin pa natin ang tungkol sa Instagram sa post kong ito.

Ano ang Instagram?

Instagram_logo

Ang INSTAGRAM ay isang social networking site tulad ng Facebook at Twitter kung saan maaaring magpost ng mga larawan at video ang mga gumagamit nito. Ang pinagkaiba nito sa ibang site o app, tanging mga larawan at video pati na captions ng mga ito ang makikita ng mga gumagamit. Maaari ding gamiting ang IG upang kumilala ng mga tao sa buong mundo na magaganda ang mga likhang mga larawan. Pwede ka ring makilala rito lalo na ng mga taong kaparehas ng mga tema ng larawan na iyong gusto. [Tip: Dito ginagamit ang tinatawag na hashtag (#). Makakakita ang gumagamit (user) ng kapwa niya user na may kaparehas na tema tulad ng #travel. Posibleng mga larawan kung saan nagpunta ang user ang may hastag na #travel at kung sino man ang gustong makakita ng mga lugar na pinupuntahan ng iba, ito ang kanilang gagamitin. Kaya marapat lang na gamitin natin ito ng wasto.] Maaaring buksan ang Instagram sa mga laptop o personal computers (tulad ng larawan sa itaas), pero pinakamagagamit ito sa pamamagitan ng smartphones at tablets na mayroong Apple App Store (halimbawa, iPhone at iPad), Google Play (halimbawa, Samsung Galaxy series) at Windows Phone Store.

Dalawa sa natatanging features ng Instagram ay ang paggamit ng parisukat na hugis (square shape) sa pagpapakita ng larawan o video pati na syempre ang tinatawag na filters kung saan maaaring gamitin ng mga gumagamit para mas mapaganda ang kanilang pictures o bigyang arte ang kanilang videos. Aling filter ang pinakagusto mo? Ako, paiba-iba pero natatangi ang filter na tinatawag na Aden.

IG pic 2

Dahil sa popularidad ng mga photo editing apps tulad ng Snapseed at VSCO ay gumawa na rin ng feature ang Instagram upang makontrol ng users ang key aspects ng photograph editing tulad ng brightness, contrast, warmth, saturation, atbp. na pwedeng magpaganda sa larawan.

Sino ang may pakana ng photo-sharing at video-sharing app na ito?

Nilikha ng mga software engineer na sina Kevin Systrom at Mike Krieger ang Instagram noong October 2010. Madali itong nakilala dat sa ngayo’y umaakit ito ng higit 400 milyong tao sa mundo. Noong Abril 2012 ay binili ni Mark Zuckerberg ng Facebook sa halagang $1 bilyon ang Instagram.

Ano ang napapala ng mga tao sa IG?

IG pic 3

Depende sa atin kung ano ang gusto nating gawin o ipakita sa ating Instagram profile. May mga kakilala ako na panay magagandang larawan ng pagkain ang pinapakita niyang mga larawan. Talagang gaganahan kang kumain sa ganda ng pagkakapresenta niya ng mga larawang ito. Minsan, mga lutong ulam sa bahay ang pinapakita niya pati na ng ibang gumagawa nito, pero minsan din ay kuha mula sa iba’t ibang kainan mula sa iba’t ibang lugar. Kung tutuusin, tinutulungan nila ang mga negosyo ng pagkain kung saan kinuha ang larawang kanilang pinapakita. Mayroon pa akong kakilala na mga selfeet naman niya ang bida sa kanyang IG feed. Ang pagkakaiba, iba’t ibang sapatos sa iba’t- ibang lugar ang kanyang pinipresenta. Sa tagal ko na sa IG, iba’t ibang pamamaraan at presentasyon ang ginagawa ng milyung-milyong tao sa kanilang mga larawan. Pero, mayroon pa rin yung panay selfie nila ang kanilang pinapakita. Hindi ako pabor dito pero hayaan na natin… basta sana hindi palagi. Haha. Mayroon ding kung ano ang gusto nilang ipakita sa pang-araw-araw nilang buhay ang kanilang nilalagay.

Ako naman, noong simula ay iba-iba rin ang pinapakita sa aking Instagram. Halu-halo kung tutuusin, maski naman ngayon, pero mas pinipili ko na ang nilalagay kong mga larawan sa kasalukuyan. Dahil gusto kong gumawa ng sarili kong identity sa IG, mayroong isang buwan noon na pawang mga naipon kong magagandang larawan ang aking pinakita na may kasamang quote. Isang challenge o project ko ito sa sarili. Ang hirap nga lang iayon ng larawan sa kung anong quote na babagay sana rito. Haha. Pero nagawa ko naman ng mahusay. Sa ngayon, madalas ko ng ipakita ang mga lugar na pinuntahan at pinupuntahan ko (lalo na ang aking mga #travel), pati na rin ang aking mga aktibidad tulad ng trabaho bilang isang speech pathologist (#speechtherapy) pati na hobbies tulad ng pagtakbo (#running, #sightseenwhilerunning) at pag-eehersisyo (#gym, #fitness, #health), mga pagkain na natuwa akong kainin (o kahit hindi gaano basta maganda pa ring ipakita, haha, #spotmyfood, #foodph, #yummyph, #forkspoonmanila, #wheninmanila), at marami pang iba. Sa totoo lang, personal ang mga ito sapagkat kung ano ang gusto nating ipakita sa iba ang siyang nilalagay natin dito. Mas nakikilala tayo rito ng ibang tao.

Kasama ng maraming tao ay natutuwa ako sa paggamit ng IG. Bakit ba naman hindi? Tunay na nahahasa ang creativity at lumalawak ang imagination ng mga seryosong gumagamit nito. Nai-inspire ako ng ibang taong nakikilala ko sa pamamagitan nito kaya sa abot ng aking nakakaya ay ginagandahan ko ang nilalalagay kong mga larawan dito. Maarte kung tutuusin. Isang avenue ang Instagram para ipakita ang pagiging malikhain ng mga tao. Dito ko naipapakita ang aking originality kahit na maaaring hango sa isang ideyang aking nahagilap mula sa ibang tao ang parte sa mga gawa kong ito. Para naman kasi sa akin, hindi lang simpleng pagpapakita ng mga larawan ang IG. Para sa akin, PHOTOGRAPHY + ART ang Instagram.

May IG ba kayo? Wag n’yo akong kalimutang i-follow, ha? Ako si @karl_olivier dito. 🙂

Advertisements

Larawan

Bohol, Philippines

Bohol, Philippines

Isang salawikain ang nagsasabing kayang ipinta ng isang larawan ang isang libong salita. Totoo ito. Sa bawa’t larawan o litrato kasing nakukuha, maraming kwento ang mahihinuha. Sa bawa’t nahuling galaw ng ngiti, ekspresyon ng mga mata, kumpas ng mga kamay at postura ng katawan ay nagbibigay kahulugan sa imahe ng mga taong makikita sa isang larawan. Bawa’t kulay at anino ay nagbibigay-diin sa bawa’t detalyeng makikita sa larawan. Bawa’t anggulo ay sumisenyas kung saan ilalagay ang atensyon sa pagtingin sa isang larawan. Aminin nating hindi lahat ng larawan ay maganda kaya’t bigyan natin ng halaga ang bawa’t isang magandang larawan. Alam naman nating sa likod ng bawa’t imaheng makikita sa isang larawan ay may kwento itong kasama.

Buong Pamilya sa Hong Kong!

Buong Pamilya sa Hong Kong!

Sino ang nakaimbento ng litrato?

Ang larawan o litrato ay nalilikha sa pamamagitan ng paggamit ng camera. Kaya ating malalaman ang kasaysayan nito sa imbensyon ng camera. Ayon sa Wikipedia, si Joseph Nicephor Niepce, isang imbentor na Pranses ang siyang unang nakalikha ng isang permanenteng larawan na kuha sa kamerang naimbento naman nina Charles at Vincent Chevalier noong taong 1826.

Narito pa ang ilan sa mga mahahalagang pangyayari sa pagkakagawa ng kamera:

1837– Nakalikha ng larawan si Jacques Mande Daguerre sa pamamagitan ng kanyang kamera na tinatawag na Daguerreotype. Hindi umano kumukupas ang larawang kuha mula rito at kinailangan lamang ng 30 minuto ng exposure.

1841– Nilikha ni William Henry Talbot ang prosesong tinatawag na Calotype– ang kauna-unahang negative-positive printing process na naglalayong makapag-develop ng maraming kopya ng isang larawan.

1851– Nilikha ni Frederick Scott Archer ang prosesong tinatawag na Collodion process, na nangangailangan lamang ng 2-3 segundo ng exposure sa ilaw na nanggaling sa araw upang makuha ang larawan.

1871– Inimbento ni Richard Leach Maddox ang prosesong tinatawag na gelatin dry plate silver bromide process kung saan di na kinakailangang ipa-develop agad ang negatibo para makalikha ng larawan.

1880- Itinatag ang Eastman Dry Plate Company, na isa sa magtataguyod ng pag-unlad ng camera.

1888– Inimbento ng Eastman ang Kodak roll film camera.

1900– Inilabas ang unang mass-marketed camera na tinatawag na Koday Brownie.

1913-1914– Ang kauna-unahang 35mm still camera ay nagawa

1927– Ang kumpanya ng kuryenteng tinatawag na General Electric ay nakaimbento ng isang modernong flash bulb na naglalayong mas mabigyan ng liwanag ang larawang kinukuha.

1948- Naimbento ni Edwin Land ang Polaroid camera.

1963– Inilbas ng Polaroid ang tinatawag na instant colour film

1978– Inimbento ng Konica ang point and shoot auto focus camera

1980– Nagdaos ng demonstrasyon sa paggamit ng camcorder ang kumpanyang Sony.

1984– Ipinakita naman ng Canon ang tinatawag na electronic still camera.

1985– Inilabas ng Pixar ang digital imaging processor.

1990– Inilabas ng Kodak ang tinatawag na photo CD bilang digital image storing device

Siete Picados, Coron, Palawan

Siete Picados, Coron, Palawan

Sa ngayon, tila pinakaginagamit na ng mga tao ang tinatawag na digital photography sa pamamagitan ng mga cell phone at digital camera. Ayon sa Wikipedia, and digital photography ay gumagamit ng electronic photodetectors upang kumuha ng larawang nai-focus ng lente ng kamera. Ang nakuhang larawan ay nadi-digitize at naiaambak bilang isang computer file na maaari nang makita agad, i­-proseso o kaya i-print.

Shameless plug

Alam natin ang kahalagahan ng larawan at magandang malaman na may mga taong gumagawa ng magandang paraan para mas mabigyan ng atensyon ang mga larawang nakuha at palaging maalala ang mga kwento sa likod nito. Sila yung mga taong gumagawa ng photo-book. Inilalapat at inoorganisa nila ang mga larawan at inaayos ang paglalagyan ng mga ito sa isang libro na tinatawag ngang photo-book.

Projects by Jennifer Dumaraos

Projects by Jennifer Dumaraos

Dalawa sa mga pasyon ng aking kasintahan ay ang pagkuha ng mga larawan at pag-aayos ng mga ito sa isang photo-book. Maaari kayong magpagawa sa kanya upang maranasan n’yo ang pagbalik sa nakaraan sa pamamagitan ng pagtingin muli sa mga larawan na nasa isang magandang libro. Bisitahin n’yo ang kanyang website, ang http://projectsbyjennifer.portfoliobox.me/projects-by-jennifer_home-page upang makita ninyo ang ilan sa mga kuha n’yang litrato mula sa iba’t-ibang panig ng ating bansang Pilipinas at Korea. Inyo ring mamamalas doon ang ilan sa nagbigay-tiwala sa kanyang kakayahan sa pagkuha ng mga larawan. Tulad ng sinabi ko kanina sa itaas, isa itong promosyon, pero layunin ko ring makatulong sa mga taong nagtataka kung ano ang photo-book pati na ang mga naghahanap sa mga taong gumagawa nito. Alam nating kakaibang ligaya at saya ang naidudulot ng mga larawan kaya marapat lang na ating malaman ang tungkol dito.

Panglao, Bohol