KSPs Be Like

Liker 6

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 2May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 4Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila, gaano man ito ka-tacky (Sige, i-search mo kung ano ibig sabihin nyan nang makapagkunsulta ka naman ng diksyunaryo. Hehe.). Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha.

Like 3Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.

Advertisements

Sampung Pinakanakakainis na Nararanasan ng mga Pilipino Araw-araw

Gumising kang masaya at punong-puno ng pag-asa. Naligo, nagbihis at kumain na maganda ang pananaw sa buong araw na masisilayan. Wari’y handang-handa kang harapin ang mundong sa’yo ay naghihintay. Pero, pero, pero, dumaan ang araw at ang mukha mo’y di maipinta. Kombinasyon kasi ito ng pagkagalit, pagkainis at pagkawalang-gana. Tinatanong pa ba kung bakit? Malamang, may mga bagay na nagpagalit o nagpainis sa’yo buong araw. Anu-ano ang mga bagay na ito? Kasama ba ang mga nakasulat dito sa listahan mo?

Heto ang Sampung Pinakanakakainis na Nararanasan ng mga Pilipino Araw-araw:

1. TRAPIKO

Traffic (World's largest traffic jam in history happened in China- image from autoevolution.com)

May mas nakakainis pa ba sa hindi umaandar na sasakyan sa kalsada kung mahuhuli ka na sa klase o trabaho? Isa na ito sa mga pinakapangit na imahe ng punong lungsod ng bansa, ang Metro Manila. Ano kamo ang mga dahilan? Mga ginagawang kalsada, mga tsuper na matitigas ang ulo’t ginagawang kaharian ang mga kalye pati na rin mga walang disiplinang pedestrian. Isama na rin natin ang hindi maayos na traffic management na isinasagawa ng gobyerno. Mapaumaga man o gabi (kahit na gabing-gabi na, sa totoo lang), kasagsagan ng matinding trapiko ang mga daanan.

2. MAHABANG PILA

LRT queue (image courtesy of GMA News TV, taken from paanomagingpinoy.files.wordpress.com)MRT/LRT. Terminal ng mga sasakyan. Bangko. Grocery. Restaurant. Parte na ng buhay ng mga tao ang pagpila. Nariyan ang pagpila ng napakatagal sa MRT at LR na talagang susubukin ang pasensya mo (pati na rin galing sa pag-iwas sa mga mandurukot). Kung may pila sa tren, may pila rin syempre sa mga terminal ng jeep, FX at taxi. Minsan mabilis lang ang pila lalo na kung hindi na rush hour pero may pagkakataon ding ilang bloke ang haba. Maaga kang nagpunta ng terminal? Bale wala rin yan kung ikaw ang unang pasahero ng dambuhalang van na dapat punuin bago kayo umalis. Mapapakamot ka na lang ng ulo talaga minsan. Sino na ang “nabiktima” ng napakahabang pila sa mga bangko? Isang oras lang ang break mo at isang oras din kung minsan ang bubunuin mo makabayad lang dito. Buti’t nauso ang e-payment­ kaya’t di na kailangang pumunta lagi sa mga bangko para magbayad. Buti sana kung maaaring gamitin ang cellphone o kaya gumawa ng ibang makabuluhang bagay habang naghihintay pero hindi. Sa pagkakaalam ko, iilang bangko lamang ang nagpapahintulot nito. Mahaba rin ang pila minsan sa mga grocery store kaya maiging mamili kung kailan hindi pa marami ang mga tao rito. May mga pila rin sa mga restaurant. Kahit na gutom na gutom ka na pero dahil gusto mong kumain sa mga lugar na puntahan talaga (dahil mura o masarap ang pagkain kahit mahal), pagtiyatiyagaan mo talaga.

Kahit saan, kahit kailan, magiging parte na yata palagi ng buhay ng tao ang pagpila.

3. MGA DI KANAIS-NAIS NA KATRABAHO

Pangit na KatrabahoMga bosing man o kapwa empleyado, di na yata maiiwasang minsan ay mayroong tayong makakatrabaho na hindi natin tipo ang ugali. Mayabang, power-tripper, madamot at kung anu-ano pang kagaspangan ng ugali ang kanilang pinapakita kaya di natin sila ganun kagusto. Naiisip siguro ng iba, pag minsanan lang nakikita, ayos lang. Pero kung buong araw araw-araw, sana hindi na lang. May dahilan kung bakit sila hindi kanais-nais sa iyong mga mata, at sana’y magawan ng paraan para naman maging payapa at masaya ang lugar na inyong pinagtatrabahuan.

4. MGA TSISMOSO AT TSISMOSA

Tsismis (from getrealphilippines)Ginagawang libangan ng ibang tao sa komunidad man o trabaho ang pantsitsismis. Ang iba, natutuwang sila ang nangunguna sa pantsitsismis tungkol sa buhay ng iba. Yung iba naman, ang saya-saya pag nangangalap ng tsismis dahil may ipangtsitsismis sila sa iba. Totoo man o hindi ang itsinitsismis, ang daming naaapektuhan nito. Reputasyon ng mga taong bida sa tsismis, pati na rin pagkatao ng mga nangtsitsismis. Bakit pati mga nangtsitsismis damay ang pagkatao? Dahil imbes na harapin ang tunay na problemang pinagtsitsismisan nila o pag-usapan ang mga magagandang bagay sa paligid nila ay nantsitsismis sila. Mapapasabi ka na lang ng “Tse!”, hindi ba? Hehe.

5. SOBRANG PAG-UULAN O KAYA GRABENG INIT NG ARAW

Ulan (image courtesy of theorganicprepper.ca)Isa sa mga pinakanakakainis na pangyayari ay yung mababasa ka dahil sa pag-uulan gayung pusturang-pustura kang papasok sa trabaho. Isama na rin ang grabeng pawis na aabutin mo kung maabutan mong tirik na tirik naman ang araw sa kalangitan. Mapapaisip ka minsan, hindi ba pwedeng yung tamang balanse ng ulan at init lang? Sa isang tropikal na bansang tulad ng Pilipinas, hindi posible yun para sa buong taon. Yung ibang tao, naiinis pag sobrang init at sana raw umulan. Pero pag umuulan na, maiinis pa rin at napakalamig naman daw. Ano ba talaga, ate’t kuya?

6. MGA BALITA TUNGKOL SA MGA PANGIT NA MGA KALSADA, MGA NAKATIWANGWANG NA PROYEKTO AT IBA PANG REKLAMO LABAN SA MGA PROYEKTO NG GOBYERNO 

bataan_nuclear_power_plant (image courtesy of getrealphilippines.com)Nakakatuwang makita na kumikilos ang gobyerno sa iba’t-ibang pagpapagawa ng kalsada, pagbubuo ng pampublikong gusali at pagpapatupad ng magagandang programa sa paligid. Ibig sabihin nito’y kumikilos talaga sila. Pero ang nakakainis niyan, may mga pagkakataong sisimulan nilang gawin pero di rin naman tatapusin. Malalaki mang proyekto (tulad ng Bataan Nuclear Power Plant) o hindi (pagsasaayos ng tulay o kalsada), nakakainit ng ulo na bigla na lamang silang mahihinto. Ang nangyayari tuloy, nakatiwangwang ang mga ito. Imbes na pakinabangan, ang perang ginasta ay nasayang.

7.1 MAMAMAYANG MATITIGAS ANG ULO

Sinabi ng bawal tumawid, tumatawid pa rin. Nakasaad na nga sa pader na bawal pumarada, pumaparada pa rin. Bawal ang mangurakot, nagnanakaw pa rin. Naaapektuhan tuloy hindi lamang iba kundi ang lahat dahil matitigas ang mga ulo ng marami sa atin.

7.2 MGA TAMAD NA TAO

Tamad (image courtesy of The Simpsons)Isasama ko na ito sa # 7 para magbigay-daan sa isa pang nakakapagpainis sa mga Pilipino. Alam mo yung mga tagpong kilos ng kilos ang lahat pero may isa o iilang taong nakaupo o nakahiga lang at walang ginagawa? O kaya yung tipong nabiyayaan ng pamilyang kayang magpaaral pero tinatamad pumasok sa walang mabigat na kadahilanan? O kaya may magandang trabaho pero binabalewala ito? Hindi ka ba naman maiinis sa kanila kung nakikita mo lang silang nakanganga at walang ginagawa?

8. MGA PANGIT NA PALABAS SA TELEBISYON

images (5)

Nakalilibang ang panonood ng telebisyon. Sa araw-araw ay may mga iilang programang talagang nakapagbibigay-saya, nakakapagdagdag ng kaalaman at nakakapawi ng pagod mapaumaga man, tanghali o gabi. Yun nga lang, mas marami yata ang pangit na palabas ngayon, sa lokal na telebisyon man o cable. Kung ililista lahat ng mga programa sa telebisyon, mabibilang lang siguro sa daliri ang talagang kailangan ng mga tao. Ang iba’y pang-distract lang habang ang iba’y tila pinapalabas lamang para may mapanood. Ang nakakatakot pa nya’y ginagamit minsan ang mga programa sa telebisyon para i-brainwash ang mga tao upang mawalan ng pakialam tungkol sa kung anu-ano ang talagang nangyayari sa paligid. Madalas din ay ginagawa ang mga itong pagsasaboy ng propaganda na ikakabuti lamang ng iilang tao.

9. MGA MINAMAHAL SA BUHAY

Bad Family (image courtesy of applywithin.co.nz)Mahal natin ang pamilya natin, mga kaibigan o mga sinisinta. Pero aminin mong sila rin minsan ang mga pinakanakakainis na parte ng araw mo. Haha. Dahil man sa kakulitan nila, kabiguang gawin ang mga dapat nilang ginawa o pagiging iresponsable sa ibang mga bagay, parte ng pakikipagbaka sa buhay ang intindihin ang mga mahal sa buhay, kahit na may mga panahong nakakainis talaga sila.

10. MABAGAL NA INTERNET CONNECTION

Internet memeIto na yata ang pinakanagpapainit sa ulo ng maraming tao araw-araw. Yung tipong nagbabayad ka naman palagi buwan-buwan sa Globe, Smart, PLDT o kung ano pang ISPs pero di mo nagagamit ng maayos yung internet connection mo. Sinasabi sa mga balita na ang Pilipinas ang isa sa may pinakamahal pero pinakamabagal na koneksyon sa buong mundo. Sana naman, gumawa ng paraan ang gobyerno natin tungkol dito. Di mo tuloy maiiwasang mainggit kung minsan sa ibang bansa dahil kahit sa mga kalsada nila dahil mayroong libreng internet na, mabilis pa!

BONUS: MASAMANG PAG-UUGALI NG SARILI

SELF (image courtest of digitaltrends.com)

Tingin mo hindi ko isasama ito? Mareklamo tayong mga tao, lalo na ang mga Pilipino. Mahilig din tayong mamintas ng pagkakamali o pagkukulang ng iba. Mabuti sana kung nakakaisip tayo ng paraan para solusyunan ang maraming problema sa paligid pero karamihan sa atin, magaling lang sa pagbato ng putik sa iba. Piliing maging parte ng solusyon. Kumilos at pagbutihin ang ginagawa.

***

Ngayong alam na natin ang mga nagpapainis sa atin, isipin naman natin kung paano ang mga ito masosolusyunan. Siguro, pwedeng matulog at gumising ng mas maaga para hindi mahuli sa pagpasok. Pwede ring iwasan ang mga taong ang hilig lamang ay pag-usapan ang buhay ng may buhay o kaya yung mga taong walang magandang maidudulot sa atin. Igihan din ang pagpapabuti sa sarili, at idamay na ang iba sa pamamagitan ng pag-iimpluwensiya sa kanila ng magagandang katangiang mayroon ka.

Minsan, alam ng mga tao ang sagot sa mga problema nila, kaya lang, walang silang lakas ng loob para gawin ang mga ito o binabalewala lang nila ang katotohanang nalalaman nila ito. Ikaw, pumili ka. Magreklamo o kumilos.

Abala

Abala. Abala. 

Iyan ay mga salitang pareho ang mga titik pero magkaiba ang pagkakabigkas at pagkakahulugan. Ang unang salita ay binibigkas na a-BA-la, kung saan nasa gitnang pantig ang diin o stress. Ang isa naman ay aba-LA kung saan nasa huling pantig ang diin. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (Binagong Edisyon), ang ibig sabihin ng abala (bigkas: aBAla) ay pansamantalang paghinto. Ilan sa mga kasingkahulugan nito ay gambala, abal-abal o antala. Ang ibig sabihin ng abala (bigkas: abaLA) ay kasalukuyang may ginagawa o buhos na buhos ang pag-iisip sa isang gawain na kapareho ng ibig sabihin ng salitang aligaga o busy sa Ingles.

Sabi sa isang artikulong nabasa ko, maiging iwasan ang salitang abala (busy) pag tinatanong ng kung sino kung kamusta ka na. Lahat naman daw kasi tayo ay abala. Ang argumento ng nagsulat ng akda, lahat tayo ay may 24 oras sa isang araw at 7 araw sa isang linggo at depende sa atin kung paano natin gagamitin ang mga oras na mayroon tayo. Kumbaga, lahat tayo ay binayayaan ng oras bagamat di pare-pareho pagkat iba-iba kung kailan tayo pinanganak at iba-iba rin kung kailan tayo babawian ng buhay. Dagdag pa riyan, may mga taong mas marami ang oras kumpara sa iba sa maraming kadahilanan tulad ng kalusugan pati na mga di inaasahang pangyayari tulad ng aksidente. Hindi natin mababago ang oras na mayroon tayo, nakatakda man na ito o hindi. Ang mababago natin ay kung paano natin gagamitin ang mga oras nating ito.

Oras

Isipin mo ang sagot sa mga tanong na ito sa paggamit mo ng oras mo:

1. Makikipagkita ka ba sa taong mahal mo?

2. Kapipilingin mo ba ang buo mong pamilya?

3. Magbabasa ka ba ng libro?

4. Kukuha ng litrato?

5. Makikipagkaibigan?

6. Manonood ng sine?

7. Makikipaglaro sa mga bata mong anak?

8. Magsusulat?

9. Magtatanim?

10. Magsusugal?

11. Kakain sa kung saan?

12. Magpapatawa?

13. Sasayaw?

14. Kakanta?

15. Lilikha ng tula?

16. Makikipagtsismisan?

17. Mamamasyal?

18. Mamimili?

19. Bibisitahin ang mga lolo’t lola at iba pang kamag-anak?

20. Magpapalipas ng oras sa Facebook?

21. Magti-tweet?

22. Magtuturo?

23. Makikipagkwentuhan?

24. Magtatrabaho?

25. Magsasaliksik?

26. Tatawagan ang kaibigan?

27. Magi-ehersisyo?

28. Magsisimba?

29. Makikinig sa radyo?

30. Magpipinta?

Biruin mong ang dami pala nating pwedeng gawin sa oras natin, ano? Yun nga lang, di lahat ng yan ay dapat gawin palagi. Nakatutulong o nakagagawa sila ng kabutihan sa atin sa kung anong paraan, maliit man o malaki, pero isipin ng maigi kung kailan lang sila nararapat gawin. Di naman pwedeng sa isang gawain lang iinog ang mundo natin.

 

“Oras na, magpasiya kung saan ka pupunta. Oras na, oras na, mag-iba ka ng landas.” –Oras na, Coritha

“If only I could turn back time. If only I have said what I still hide. If I could only turn back time, I would have stayed for the night.”- Turn Back Time, Aqua

“Sana ay magbalik ang ating kahapon. Maibabalik pa ba ang nakaraan? Kung maaari lang sana, baguhin at aking pigilan. Sana… sana ngayon lang ang kahapon.”

Sana Ngayon Lang Ang Kahapon, Angeline Quinto

Ang mga kanta sa itaas ay ilan lang sa mga awiting nagdidiin sa importansiya ng oras. Bagamat tungkol sa pag-ibig ang tema ng iba sa kanila, di mapasusubaliang tungkol ang mga ito sa pagsisisi. At oras ang isa sa pinakapinagsisisihan ng mga tao. Bakit? Di ba’t sinabi natin kaninang di na natin maibabalik pa ang panahon? Kumbaga sa yaman, ito ay nauubos. Finite at hindi infinite. Kaya maigi talagang gamitin natin ang oras natin ng maayos. Sabi sa isang kanta sa itaas, sana ngayon na lang daw ang kahapon. Bakit daw? Para damhin niyang muli ang nakaraan kung kailan sila ay nag-iibigan pa ng taong mahal niya. Sabi naman ng isa pang kanta, sana raw ay kaya niyang ibalik ang oras para sana nasabi niya ang dapat niyang sabihin at nagawa niya ang dapat niyang gawin. Pero huli na sapagkat di niya iyon magagawa.

Huling Salita

Sa dulo ng lahat, isang mensahe ang gustong ituro sa atin ng oras: Hinding-hindi na natin mababalik ang lumipas na panahon. Kaya payong-kapatid sa bawa’t-isa sa atin, maiging piliin ng mabuti ang kung anong mga gagawin. Mag-prioritize. Diyos. Pamilya. Eskwelahan. Trabaho. Kasintahan. Kaibigan. Sarili. Paglilibang. At kung anu-ano pa. Ikaw ang makakapagsabi kung ano ang mga importante para sa’yo. Ikaw makakapagsabi kung sinu-sino o anu-ano ang mahal mo. Ikaw din ang makakapagsabi kung ano ang nagpapasaya sa’yo. Maging abala sa mga gawaing wasto at mabuti para sa iyo.

Burnout

~Burnout~

Dumating na ba sa’yo ang panahong nagsasawa ka na sa mga ginagawa mo? O kaya naman di maiwasang isiping sana bumilis ang oras upang ikaw ay makatapos na ng trabaho? Nakadama ka na ba na tila ikaw ay hapung-hapo at parang kaawa-awa? May pagkakataon din bang gusto mong magpahinga o magbakasyon ng pagkahaba-haba? Hinto muna. Baka di mo alam na nabu-burnout ka na pala.

Ano ang burnout?

  1. Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ito ay ang pagkaubos ng lakas, pisikal man o emosyonal, na dulot ng stress o frustration na matagal nang nadarama
  2. Ayon naman sa website na helpguide.org, ang burnout ay isang estado kung saan ubos ang lakas ng isang tao sa mga aspetong pisikal, mental at emosyonal dulot ng sobra-sobra at matagal-tagal na stress. Nangyayari umano ito pag nakadarama ang tao ng overwhelming feeling at di na niya nagagawa ang mga kailangan niyang gawin. Habang tuluy-tuloy ang kanyang stress, nawawalan siya ng interes at motibasyon.

Anu-ano ang mga dahilan kung bakit nabu-burnout ang isang tao?

Ayon pa rin sa helpguide.org, ang mga sumusunod ang tinuturong kadahilanan:

  1. Work-related na mga kadahilanan
  • Pakiramdam na kaunti o wala kang kontrol sa trabaho mo
  • Kakulangan sa rekognisyon o gantimpala para sa mabuting pagtatrabaho
  • Di klaro o napakataas ng demand sa trabaho
  • Pagtatrabaho na tila paulit-ulit na lang o hindi na challenging
  • Pagtatrabaho sa isang magulo o may mataas na presyur na paligid
  1. Mga kadahilanang dulot ng lifestyle
  • Madalas na pagtatrabaho na may kakulangan ng oras sa pagrirelax at pakikisalamuha sa kapwa
  • Ang pakiramdam na kailangan mong maging napakaraming bagay para sa napakaraming tao
  • Pag-ako sa napakaraming responsibilidad na di nakatatanggap ng sapat na tulong mula sa ibang tao
  • Kakulangan sa tulog
  • Kakulangan ng mga malalapit at supportive na mga tao
  1. Pag-uugaling nakadudulot ng madaliang pagka-burnout
  • Pagiging perfectionist
  • Pagiging pessimistic
  • Pagiging controlling
  • High-achieving, Type A personality

Anu-ano ang mga sintomas ng burnout?

Ayon pa sa nabanggit na website kanina, ang mga sumusunod ang mga red flag o warning signs na may burnout ang isang tao:

  1. Mga pisikal na sensyales
  • Pakiramdam na laging pagod
  • Pakiramdam na laging magkakasakit
  • Madalas na pagkakaroon ng sakit ng ulo, sakit sa likuran at kasu-kasuan
  • Pagbabago sa appetite at pagtulog
  1. Mga emosyonal na senyales
  • Pakiramdam ng pagkabagsak at pagkwestyon sa sarili
  • Pakiramdam na walang magawa at talunan
  • Pakiramdam na nag-iisa sa mundo
  • Kakulangan sa motibasyon
  • Masamang pagtingin sa mundo
  • Bumababang satisfaction at sense of accomplishment
  1. Mga sensyales sa pag-uugali
  • Tumatakas sa mga responsibilidad
  • Umiiwas sa ibang mga tao
  • Procrastinating o pinatatagal gawin ang mga gawain
  • Ginagamit ang pagkain, droga o alkohol para makaagapay
  • Ibinubuhos nag frustration sa ibang mga tao
  • Lumiliban sa trabaho, dumarating ng lateo umaalis ng napakaaga

Paano ito maiiwasan?

Mga suhestyon ng nabanggit na website kanina:

  1. Simulan ang araw na may isang relaxing ritual. Imbes daw na umalis agad sa higaan pagkagising, magandang ugaliin na magkaroon ng 15 minuto sa pagmi-meditate, pagsusulat sa isang journal, pagsi-stretch o pagbabasa ng libro
  2. Kumain ng tama, mag-ehersisyo at matulog ng tama.
  3. Maglaan ng limitasyon o boundaries. Matutong magsabi ng “hindi” sa ibang tao lalo na kung may mga kailangan kang gawing mas importante.
  4. Maglaan ng panahon na di gumagamit ng teknolohiya: laptop, cellphone, atbp.
  5. Hasain ang ating creative side. Mabisa umanong gamut sa pagkaburnout ang creativity. Gumawa ng bago, magsimula ng isang nakatutuwang proyekto, ipagpatuloy ang isang masayang hobby. Pumili ng mga aktibidad na walang kinalaman sa trabaho.
  6. Alamin kung paano i-manage ang stress. Mas may kontrol tayo rito di tulad ng inaakala natin.

Huling Sabi

Nitong mga nagdaang buwan, aaminin kong muntikan na akong ma-burnout. Dama ko ang pagod di lamang bawat araw na lumipas kundi bago pa man matapos ang araw. Nagagawa ko ang mga kailangan kong gawin subalit tila may kakulangan akong nararamdaman. Naghahanap ako ng ibang bagay na hindi ko madalas ginagawa o di pa talaga ginagawa. Kumbaga, gusto kong makawala sa routine ng pang-araw-araw kong mga gawain. Di yata biro ang maglingkod bilang isang speech pathologist anim na beses sa isang linggo (na kadalasa’y may trabaho pang inuuwi sa bahay tulad ng reports), maging isang huwarang anak at kapatid at maging isang mabuting kasintahan habang di pinababayaan ang sarili. Tila lagi na lang kapos ang oras. Sa totoo lang.

Maligaya ako’t nagkaroon ako ng ilang araw na paghinto sa routine na aking ginagawa. Kasama ng ilang mga kaibigan, ako ay nakapagbakasyon sa labas ng bansa. Nahanap ko ang katahimikan na tila matagal kong inasam. Nadama ko ang kapahingahan sa lahat ng mga gawain kong parang ang tagal-tagal ko nang ginagawa. Habang nasa bakasyon di ako nagmamadali (maliban na lamang syempre kung kailangang gumising ng maaga para mapuntahan namin ang mga dapat naming puntahan). Sa ibang salita, nakawala ako pansamantala sa mga responsibilidad ko sa ibang tao. Napagtanto kong di naman ito masama, sapagkat responsibilidad din natin ang ating mga sarili. Kung tutuusin, ang masama ay kung pababayaan natin ang ating mga sarili, hindi ba? Kung kailangan tayo ng maraming tao tulad ng ating mga pamilya, mga kaibigan pati na ating mga pinaglilingkuran, paano natin sila matutulungan kung pababayaan natin ang ating sarili? Hindi ba’t mas marami ang maaapektuhan kung nagkataong tayo ay ma-burnout? Kaya kung ako ikaw, di ako mag-aatubiling magpahinga, magbakasyon o magpakalaya (haha) paminsan-minsan. Di lang ito para sa atin. Para sa ibang tao rin.

At habang nag-iisip ka kung saan ka magbabakasyon, tandaan mong:

Kalma Lang Pogi Tayo

Pag-asa sa Gitna ng Delubyo

Ilang araw nang binabayo ng malakas na ulan ang malaking bahagi ng Luzon, lalung-lalo na ang Metro Manila, Rizal at Bulacan. Lunes pa lamang ay dama na ang walang tigil na pag-ulan, ngunit noong Martes talaga ito bumuhos nang walang patumangga. May kasama pang kidlat at kulog ang sama ng panahon, kaya nakatatakot mawalan ng kuryente. Sinasabing halos 50% ng Metro Manila ang nalubog sa baha. May mga kalsadang lampas-tao ang baha at hindi kayang madaanan ng anumang sasakyan. Lahat ng pasok, mapa-eskwela man o hindi, mapa-gobyerno o pribado, ay kinansela. Napuno ang mga social networking sites ng mga balita at impormasyon tungkol sa mga kabaha-bahalang nangyayari. Nagkalat sa Facebook at Twitter ang mga panukala ng mga numerong dapat tawagan para sa anumang uri ng tulong. Nai-poste rin ang iba’t-ibang larawan upang malaman ng lahat ang kalagayan ng baha at ulan sa mga lansangan. Higit sa lahat, nagbigay-daan din ang mga social networking sites na ito upang mapanatili ang pag-asa na kailangang-kailangan sa mga sakunang tulad nitong ating nararanasan.

Nagkaroon ng pag-asa nang dumating ang araw ng Miyerkules. Nagpakita ang haring araw at inakala ng maraming Pinoy tulad ko na tanda na iyon ng tuloy-tuloy na pagganda ng panahon. Pero, tulad na lamang ng nangyari noong Martes, bumuhos na naman ang napakalakas na ulan at bumaha sa maraming lansangan oras na matapos ang tanghalian. May mga nabasa, natakot at na-stranded. Pero sa lahat ng ito’y naging matatag pa rin ang mga Pilipino dahil na rin sa maraming taong patuloy na nagsisilbi at naglilingkod. Ang mga tinutukoy ko’y walang iba kung hindi ang mga kapwa nating mga Pilipinong nangunguna sa pagtulong sa mga biktimang nasalanta ng malakas na pag-ulan.

Maraming Pilipino ang talagang gumagawa ng paraan para tumulong sa mga biktima ng baha. Lahat ay may pangangailangan ngayon, pero mas pinili nilang kalimutan muna ang sarili para tumulong sa mga mas nangangailangan. Namumutawi ang bayanihan at sila ang pinakatanda nito. Kitang-kita ito di lamang sa mga taong nasa gobyerno o pribadong sektor kundi sa mga ordinaryong mamamayan din. Mga tunay na bayani nating maituturing ang mga taong naglilingkod na maaaring mamiligro ang buhay para lamang mailigtas ang iba na nasa peligro rin ang buhay. Salamat sa Diyos dahil may mga taong tulad nila na maituturing nating buhay na pag-asa.

Ilan sa mga impormasyong dapat nating malaman tungkol sa pangyayaring ito:

  1. Ang nagdulot ng matinding pagbaha at pag-ulan ay hindi isang bagyo kundi ang HANGING HABAGAT. Ano ang habagat? Ayon sa artikulo ni Sol Jose Vanzi, ang habagat ay nagsisimula sa panahon ng tag-init (summer) kung kailan ang kontinenteng Asya ay mas umiinit kumpara sa mga nakapaligid ditong mga anyong tubig. Dahil dito, namumuo ang mga tinatawag na low pressure area. Nangyayari ito sapagkat pag tumataas ang mainit na hangin, ang naiiwang bahagi sa ibaba ay pinupunan ng hanging nanggagaling naman sa mga dagat. Ang mga hanging nagmumula sa dagat ay nagdadala ng init (heat) at singaw (water vapor) na pag dumaan sa bansa’y maaaring magdala ng maalinsangang panahon pati na pag-ulan. Sinabi ring pag may bagyo sa Taiwan, isang bansang nasa itaas lamang ng Pilipinas, ay mas lumalakas ang hanging ito at ang dalang ulan ay mas nagtatagal. Ito na nga ang nangyayari sa atin ngayon sapagkat matatandaang ang bagyong Haikui ay nasa Taiwan nang magsimulang lumakas ang pag-uulan sa atin. Ang hanging habagat ay dumadaan sa ating bansa mula Hunyo hanggang Setyembre.
  2. Ayon naman sa Wikipedia, ang hangin naman na nararamdaman natin mula Setyembre o Oktubre hanggang Mayo  o Hunyo ay tinatawag na AMIHAN o northeast monsoon. Dulot ito ng tinatawag na trade winds, ang pattern ng mga hangin sa tropics, mga lugar na malapit sa equator. Malamig na hangin, na may kaunti o walang pag-uulan ang dala-dala ng amihan.
  3. Sa panahon ng mga sakuna tulad ng nararanasan natin ngayon, ang pangunahing ahensyang nagtataguyod sa kapakanan ng mga mamamayan ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRCMC). Gayunpaman, lahat ng local government units (o LGUs) ay inaasahan pa ring gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin habang nakikipag-ugnayan sa mga ahensyang tulad ng NDRCMC, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAG-ASA).
  4. Ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay bumuo ng programang tinatawag na Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) na naglalayong mabigyan ng babala ang iba’t-ibang komunidad sa banta ng baha. Gumagamit ito ng teknolohiyang nagpapakita ng dami ng tubig-ulan at potensyal na pagbabaha sa isang lugar.
  5. Heto naman ang listahan ng mga numero sa telepono ng iba’t-ibang ahensya at expressway na maaaring tawagan para sa mga emergency
  6. Paano tayo makatutulong? Maari tayong magdala ng donasyon o mag-volunteer sa iba’t-ibang eskwelahan tulad ng UP Diliman, UP Manila, Ateneo de Manila University, University of Asia and the Pacific; iba’t-ibang simbahan tulad ng Sto. Domingo Church sa Quezon Avenue; mga ahensya tulad ng DSWD at Philippine Red Cross; mga foundation tulad ng ABS-CBN Foundation at GMA Kapuso Foundation, o kaya naman sa iba’t-bang tanggapan tulad ng LBC. May alam ka pa bang iba? Idagdag mo na lang sa comment box sa ibaba.

TANDAAN: Kapag gagawin natin ang ating parte sa sakunang nangyari, mapapadali ang ating pagbangon. Alaming pagkatapos ng delubyo, aahon tayo.

25 Lessons

Noong isang araw ay ipinagdiwang ko ang aking ika-25 kaarawan. At hindi tulad noon, halu-halo ang nararamdaman kong emosyon bago pa ito sumapit. Bakit kaya? Aking teorya, marami kasi ang ipinaaala ng kaarawan sa akin. Una, ito ay tanda na ang lahat ng mga tao ay tumatanda. Ikalawa, ito ay paalala kung gaano na  tayo katagal dito sa mundong ibabaw. Ikatlo, nagsisilbi itong palatandaan sa atin tungkol sa mga ating mga sariling plano na ating ginawa dati pa, kung nagagawa ba natin ang mga ito o hindi. Panghuli, ito ay palatandaan kung gaano na ba kalayo o kalapit ang ating nararating. Kaagapay ng malayo o malapit na paglalakbay na ito sa buhay ay ang mga tanong tungkol sa ating paggulang (maturity). Ganun pa rin ba ang ating pag-uugali o tayo ba ay patungo sa mas mabuting tayo?

Sabi ng marami, ang pagtanda ay nagdadala ng karunungan. Bukod sa maraming taon ng pag-aaral, natututo ang tao sa dami ng kanyang karanasan. Natututo tayo ng mga aral tungkol sa sarili, sa pamilya, sa pagkakaibigan, sa pag-ibig, sa paniniwala at marami pang iba. Kaya ngayong 25 gulang na ako, nais kong isipin na sa aking 25 taon dito sa mundo ay maraming aral na akong natutunan. At umaasa akong maraming aral pa ang aking matutunan sa susunod na 25 at higit pang mga taon.

Pansamantala ay samahan n’yo akong tuklasin kung anu-anong mga aral ang natutunan ko sa loob ng 25 taon. Alamin mo rin kung parehas ba tayo ng pagtanaw tungkol sa iba’t-ibang bagay.

  1. Napakahalaga ng buhay. Ang buhay ang pinakaimportanteng ibinigay sa atin ng ating Panginoon Diyos at marapat na ito ay ating pangalagaan. Pansining ang bawat kaarawan na dumarating sa ating buhay ay tanda ng kahalagahang ito.
  2. Sa lahat ng pagkakataon, mahalagang pasalamatan ang ating Panginoon.
  3. Espesyal at natatangi ang bawat tao, bata man o matanda. Alaming ang tao ay nilikhang kawangis ng Diyos. Dapat ay subukan nating magbigay galang at respeto palagi sa bawat isa anuman ang pagkakataon.
  4. Mahalagang pagbutihin palagi ang ginagawa sa bahay, trabaho at iba pang lugar anuman ang mga ito. Tiyak na magbubunga ang ating mga ginagawa sa hinaharap.
  5. Mahalin ang mga kaibigan. Bigyang importansiya ang kanilang pinapakitang malasakit at atensyon sa atin. Kaugnay nito, huwag natin silang babalewalain. Alam natin na nandyan sila para sa atin, pero wag nating sagarin ang pinapakita nilang kabutihan at pagmamabuting-loob. Tsaka, hindi dapat sarili lang ang iniisip sa pagkakaibigan. Ika nga ng isang malapit na kaibigan, dapat two-way process ito. Tandaang maaaring sa pagkasayang at pagkawala napupunta ang pagkakaibigang hindi nasusuklian ng tama.
  6. Di na tayo dapat umaasa pa masyado sa ating mga magulang, lalo na kung tayo ay tapos na ng pag-aaral at may sarili ng trabaho. Hindi ba nga’t kaya nila tayo pinag-aral ay para makapagtrabaho tayo’t suportahan natin ang ating mga sarili? Matutuwa silang makita ito mula sa atin. Mas matutuwa sila kung sa kanila’y tutulong tayo.
  7. Madaling tumakbo ang oras. Akala nating marami pa tayong oras para gawin ang iba’t-ibang bagay pero magugulat na lamang tayo na wala na ang oras ng kahapon. At dahil d’yan, nalaman kong dapat habang maaga’y hubugin na natin ang ating mga pangarap, mithiin at hangarin sa buhay. Di pa naman huli ang lahat kung tayo ay matanda na lalo na kung tayo naman ay masipag. Pero tandaan na daig ng maagap ang masipag.
  8. Di dapat minamadali ang pag-ibig. Pero di rin dapat nagiging kampante lamang na kusa itong darating.
  9. Suklian ang pagtingin na binibigay sa atin ng isang natatanging tao sa ating buhay. Yan ay kung di pa naman tayo namamagitan sa paraang espesyal sa ibang tao. Minsan kasi, pag di natutumbasan ng tama ang pagtingin ay mayroon at mayroong masasakatan. Baka masira pa ang pagkakaibigan.
  10. Bilangin ang mga biyaya, gaano man kalaki o kaliit ang mga ito. Malalaman natin kung gaano tayo pinagpala.
  11. Iba-iba ang pag-uugali ng mga tao. Mayroong kakatuwaan mo, mayroon din namang ayos lang kahit di mo na muling makita o makasalamuha. Hehe. Pero di naman ibig sabihin nitong wala na tayong tsansang magbago dahil habang may panahon at pagkakataon, may pag-asa pa.
  12. Mahalin at maging mabuti sa mga bata. Ang pagpapakita sa kanila ng pagmamahal at kabutihan ay makakatulong sa paghubog ng kagandahang asal. Sa paglaki nila natin makikita na may mga epekto ang ginagawa natin sa kanila.
  13. Magtipid sa mga bagay na kaya mong tipirin para sa iyong sarili. Gumawa ng paraan upang makatipid. Wag mo nga lamang titipirin ang ibang tao, lalo na ang mga malalapit sa iyo.
  14. Laging bigyan ng kaukulang pagmamahal, paggalang, pag-aalala at pag-aalaga ang ating mga magulang. Isipin ang mga paghihirap, pagtitiyaga at pagmamahal na ibinigay nila sa atin mapalaki lamang tayo ng maayos at maganda.
  15. Mahirap paghintayin ang pag-ibig. Marunong maghintay ang puso, pero nakakainip din naman ang matagal at walang katarungang paghihintay.
  16. Dapat mahalin ang pamilya anuman ang mangyari. Sinu-sino pa ba ang magtutulungan pag dumating ang panahon ng taggipit o taghirap? Nandyan din naman ang ating mga kaibigan, pero palaging nandyan ang pamilya.
  17. Lahat ng tao ay tumatanda. Parang kailan lang nung nasa lansangan ako’t nakikipaglaro ng teks o kaya holen sa mga kaibigan kong bata noon. Ngayon, ako ay isa ng ganap na speech and language pathologist. Sa pagtanda ng tao, kailangang siguraduhin natin na marami tayong natututunan at subuking magamit ang mga ito para sa ating ikabubuti.
  18. Wag iasa sa bahala na ang hinaharap. Tandaang kaya nating baguhin ang kapalaran natin. Tayo ay mayroong pag-iisip. Tayo ay may katawang ating nagagalaw. Gamitin natin sila sa ikabubuti ng ating sarili.
  19. Makinig sa mga matatanda. Iba ang pang-unawa nila sa mga bagay-bagay kumpara sa atin. At malaki ang tsansang napagdaanan na nila ang mga napagdaanan natin kaya alam na alam na nila ang kanilang mga sinasabi sa kanilang mga payo.
  20. Mag-impok. Daig palagi ng taong may maihuhugot sa bulsa ang taong laging butas ang bulsa.
  21. Bawat bata ay natatangi. Kailangan nila ng tamang pag-aaruga at pagkalinga. Ang mga batang tinatawag na special children ay hindi naiiba sa ibang mga bata sapagkat kailangan din nila ng tamang pag-aaruga at pagkalinga. Higit man sa kung anong nakasanayan ang pag-aarugang kailangang ibigay sa kanila, ang mga ito naman ay tiyak na matutumbasan. Ayon sa ilang mga magulang ng aking mga estudyante, katumbas na ito ng di maipaliwanag na pagmamahal na pinapakita ng kanilang mga anak sa kanila.
  22. Marapat na lubusin natin ang ating oras dito sa mundo. Hindi maganda ang lagi na lamang na pagtanggi sa mga pagkakataong mas makikilala natin ang ibang tao, mas makakapunta tayo sa ibang lugar at mas makakaranas tayo ng mga bagay na di pa natin nararanasan. Mag-iingat nga lamang palagi at pakatandaan ang mga responsibilidad natin tuwing kukunin natin ang mga oportunidad na nabanggit. Tulad na lamang ng sinasabi ko madalas sa bunso kong kapatid: “Never lose sight of your goals.”
  23. Mabuting maging makatao at makabansa, pero pinakamagandang maging maka-Diyos. Gawin nating sentro ng ating buhay ang Panginoon at tiyak na tayo ay pagpapalain. Sa totoo lang, mahirap itong gawin lalo na kung nahahati sa iba’t-ibang bagay ang ating oras. Pero payo ng nga ng aking papa noon, humanap palagi ng panahon para sa Kanya. Pakatandaan natin ang mga Banal na Salitang ito mula sa Kawikaan 3: 5-6: Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya’y alalahanin upang ika’y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
  24. Maiging pumili ng mabuti ng kursong kukunin sa kolehiyo. Mahirap madismaya pagkatapos magtapos at gumawa ng trabahong di natin gusto. Ika nga ni Confucius, pumili tayo ng trabahong mahal natin at di na natin kakailanganin pang magtrabaho ni isang araw sa buhay.
  25. Mahalagang-mahalaga ang edukasyon sa buhay ng tao. Laging sinasabi sa aming magkakapatid ng aming mga magulang na mag-aral kami ng mabuti sapagkat edukasyon ang yamang hinding-hindi mananakaw sa amin. Bukod sa dala-dala natin ito hanggang pagtanda, hahangaan tayo at ating mga magulang ng lahat sapagkat hindi biro ang mag-aral at magpaaral. Tiyaga, sipag at pagsisikap ang pinuhunan natin kasama na rin ng dugo, luha at pawis natin at ng ating mga magulang.