Thera-free

Matagal-tagal nang panahon ang lumipas mula nung huli akong nakasama sa isang thera-free program. Gayunpaman, hindi nabawasan ang pag-asam ko rito sapagkat nagagawa ko ang hindi ko madalas gawin, at yun ang makapagbigay ng libreng speech therapy sa mga nangangailangan nating mamamayan.

Enero nitong taong ito nang magsimula akong magtrabaho sa Happy Child Academy (HCA), isang paaralan para sa mga special child dito sa lugar namin sa Bulacan. Sa totoo lang, bago ako nagdesisyong maglaan ng oras para sa paaralang ito ay isinaalang-alang ko ang maraming bagay. Alam ng lahat ng mga therapist na tulad ko na maraming bagay ang dapat alalahanin at isipin bago mamasukan sa isang therapy center special school. Kung puso at kawang-gawa ang pag-uusapan, tamang-tama ang desisyon kong magtrabaho sa HCA. Maraming mga aktibidad ang namamahala rito na si Teacher Tina, at kahit na ilang oras lamang ang aking nilalaan sa kanilang eskwelahan sa bawat linggo ay sinusubukan n’ya akong isama sa mga ito.

Hindi ako nag-atubiling pumayag nang sinabi n’yang magkakaroon ng thera-free sa HCA noong nakaraang linggo. Isa kasi itong paraan para makapagpasalamat ako sa pamayanan, a way of giving back ika nga. Bukod du’y marami rin naman kasi akong natututunan sa mga nakakaharap kong mga bata, tineydyer o matanda kasama na ang kanilang mga pamilya. Nakaaapekto ang kanilang mga kwento at ito’y nagbibigay paalala sa akin na marami talagang mga kapwa nating Pilipino na naghihirap at naghahangad ng tulong, lalo na para sa kanilang mga anak na hindi nakapagsasalita o nakakapag-uugnay (communicate) ng maganda. Gusto kong isipin na kahit sa napakaikling oras na sila’y makaharap at makausap ko, pati na matingnan, makasalamuha at mai-therapy ang mga anak nila, ay makatutulong ako para sa ikabubuti nilang pamilya.

Alam nating lahat na sa pag-alam ng mga bagay-bagay, importante ang tamang impormasyon. Naaayon ito maging sa pagti-therapy. Tamang iwasto ang maling iniisip ng mga pamilya tungkol sa kundisyon mayroon ang kanilang mga anak. Tama ring malaman kung ano ang kakayahan at pangangailangan ng mga anak nila upang mabigyan ng tamang aksyon at rekomendasyon. Naisip ko tuloy, napakalakas na kumbinasyon ng tamang impormasyon, mabuting hangarin at wastong aksyon. Kung ganito palagi ang iisipin naming mga speech and language pathologist, occupational therapist, physical therapist at special education teachers, mas mamu-motivate kaming gawin kung ano ang mga kailangan naming gawin.

Pagkatapos naming magthera-free, nagsilbing tanda sa akin ang mga sumusunod: Isang bagay ang gamitin ang kakayahan upang makatulong habang naghahanap-buhay. Ibang bagay naman ang gamitin ito upang makatulong ng walang kapalit na hinihintay.