Pag-asa sa Gitna ng Delubyo

Ilang araw nang binabayo ng malakas na ulan ang malaking bahagi ng Luzon, lalung-lalo na ang Metro Manila, Rizal at Bulacan. Lunes pa lamang ay dama na ang walang tigil na pag-ulan, ngunit noong Martes talaga ito bumuhos nang walang patumangga. May kasama pang kidlat at kulog ang sama ng panahon, kaya nakatatakot mawalan ng kuryente. Sinasabing halos 50% ng Metro Manila ang nalubog sa baha. May mga kalsadang lampas-tao ang baha at hindi kayang madaanan ng anumang sasakyan. Lahat ng pasok, mapa-eskwela man o hindi, mapa-gobyerno o pribado, ay kinansela. Napuno ang mga social networking sites ng mga balita at impormasyon tungkol sa mga kabaha-bahalang nangyayari. Nagkalat sa Facebook at Twitter ang mga panukala ng mga numerong dapat tawagan para sa anumang uri ng tulong. Nai-poste rin ang iba’t-ibang larawan upang malaman ng lahat ang kalagayan ng baha at ulan sa mga lansangan. Higit sa lahat, nagbigay-daan din ang mga social networking sites na ito upang mapanatili ang pag-asa na kailangang-kailangan sa mga sakunang tulad nitong ating nararanasan.

Nagkaroon ng pag-asa nang dumating ang araw ng Miyerkules. Nagpakita ang haring araw at inakala ng maraming Pinoy tulad ko na tanda na iyon ng tuloy-tuloy na pagganda ng panahon. Pero, tulad na lamang ng nangyari noong Martes, bumuhos na naman ang napakalakas na ulan at bumaha sa maraming lansangan oras na matapos ang tanghalian. May mga nabasa, natakot at na-stranded. Pero sa lahat ng ito’y naging matatag pa rin ang mga Pilipino dahil na rin sa maraming taong patuloy na nagsisilbi at naglilingkod. Ang mga tinutukoy ko’y walang iba kung hindi ang mga kapwa nating mga Pilipinong nangunguna sa pagtulong sa mga biktimang nasalanta ng malakas na pag-ulan.

Maraming Pilipino ang talagang gumagawa ng paraan para tumulong sa mga biktima ng baha. Lahat ay may pangangailangan ngayon, pero mas pinili nilang kalimutan muna ang sarili para tumulong sa mga mas nangangailangan. Namumutawi ang bayanihan at sila ang pinakatanda nito. Kitang-kita ito di lamang sa mga taong nasa gobyerno o pribadong sektor kundi sa mga ordinaryong mamamayan din. Mga tunay na bayani nating maituturing ang mga taong naglilingkod na maaaring mamiligro ang buhay para lamang mailigtas ang iba na nasa peligro rin ang buhay. Salamat sa Diyos dahil may mga taong tulad nila na maituturing nating buhay na pag-asa.

Ilan sa mga impormasyong dapat nating malaman tungkol sa pangyayaring ito:

  1. Ang nagdulot ng matinding pagbaha at pag-ulan ay hindi isang bagyo kundi ang HANGING HABAGAT. Ano ang habagat? Ayon sa artikulo ni Sol Jose Vanzi, ang habagat ay nagsisimula sa panahon ng tag-init (summer) kung kailan ang kontinenteng Asya ay mas umiinit kumpara sa mga nakapaligid ditong mga anyong tubig. Dahil dito, namumuo ang mga tinatawag na low pressure area. Nangyayari ito sapagkat pag tumataas ang mainit na hangin, ang naiiwang bahagi sa ibaba ay pinupunan ng hanging nanggagaling naman sa mga dagat. Ang mga hanging nagmumula sa dagat ay nagdadala ng init (heat) at singaw (water vapor) na pag dumaan sa bansa’y maaaring magdala ng maalinsangang panahon pati na pag-ulan. Sinabi ring pag may bagyo sa Taiwan, isang bansang nasa itaas lamang ng Pilipinas, ay mas lumalakas ang hanging ito at ang dalang ulan ay mas nagtatagal. Ito na nga ang nangyayari sa atin ngayon sapagkat matatandaang ang bagyong Haikui ay nasa Taiwan nang magsimulang lumakas ang pag-uulan sa atin. Ang hanging habagat ay dumadaan sa ating bansa mula Hunyo hanggang Setyembre.
  2. Ayon naman sa Wikipedia, ang hangin naman na nararamdaman natin mula Setyembre o Oktubre hanggang Mayo  o Hunyo ay tinatawag na AMIHAN o northeast monsoon. Dulot ito ng tinatawag na trade winds, ang pattern ng mga hangin sa tropics, mga lugar na malapit sa equator. Malamig na hangin, na may kaunti o walang pag-uulan ang dala-dala ng amihan.
  3. Sa panahon ng mga sakuna tulad ng nararanasan natin ngayon, ang pangunahing ahensyang nagtataguyod sa kapakanan ng mga mamamayan ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRCMC). Gayunpaman, lahat ng local government units (o LGUs) ay inaasahan pa ring gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin habang nakikipag-ugnayan sa mga ahensyang tulad ng NDRCMC, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAG-ASA).
  4. Ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay bumuo ng programang tinatawag na Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) na naglalayong mabigyan ng babala ang iba’t-ibang komunidad sa banta ng baha. Gumagamit ito ng teknolohiyang nagpapakita ng dami ng tubig-ulan at potensyal na pagbabaha sa isang lugar.
  5. Heto naman ang listahan ng mga numero sa telepono ng iba’t-ibang ahensya at expressway na maaaring tawagan para sa mga emergency
  6. Paano tayo makatutulong? Maari tayong magdala ng donasyon o mag-volunteer sa iba’t-ibang eskwelahan tulad ng UP Diliman, UP Manila, Ateneo de Manila University, University of Asia and the Pacific; iba’t-ibang simbahan tulad ng Sto. Domingo Church sa Quezon Avenue; mga ahensya tulad ng DSWD at Philippine Red Cross; mga foundation tulad ng ABS-CBN Foundation at GMA Kapuso Foundation, o kaya naman sa iba’t-bang tanggapan tulad ng LBC. May alam ka pa bang iba? Idagdag mo na lang sa comment box sa ibaba.

TANDAAN: Kapag gagawin natin ang ating parte sa sakunang nangyari, mapapadali ang ating pagbangon. Alaming pagkatapos ng delubyo, aahon tayo.