Sampung Aral na Matututunan Natin sa Nangyari kay Vhong Navarro

Vhong-Navarro-beaten-up (courtesy of Buzz ng Bayan)

Isang linggo na ring bali-balita sa mga dyaryo, istasyon ng radyo, mga palabas sa telebisyon at internet sites ang pangyayaring pambubugbog sa kilalang komedyante/mananayaw na si Vhong Navarro.

Navarro, Lee, Cornejo (courtesy of push.abs-cbn.com)

Navarro, Lee, Cornejo

Ibinalita na noong Enero 22, 2014 (Miyerkules) ay inimbitahan si Navarro ni Deniece Cornejo (isang babaeng kaibigan) sa condo unit nito sa The Fort, kung saan ay bigla-bigla raw piniringan, pinagbantaan at binugbog ng anim na katao ang komedyante dahil umano sa pagbabanta ng rape kay Cornejo. Sinasabing isa sa mga nambugbog ay ang kilalang negosyante na si Cedric Lee, malapit na kaibigan umano ni Cornejo, na nagkataon daw na dumating kasama ng ilang kaibigan sa condominium noong panahong iyon. Bukod sa pambubugbog ay ipina-blotter ni Cornejo si Navarro dahil sa umano’y attempted rape na nangyari, na pinasisinungalingan naman ng huli. Sinasabi ni Navarro na pinilit lamang siyang sumama sa police station dahil na rin sa takot at pangamba sa buhay niya at ng kanyang pamilya. Ang reklamong isinampa ay ginawa umanong pam-blackmail sa kanya sakaling hindi niya maibigay ang hinihinging 2 milyong piso at kung siya rin ay magsusumbong, na kanya namang ginawa kaya nalalaman natin ang lahat ng ito ngayon.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nagpapagaling si Vhong habang nakapagsampa na ng mga kaso ang mga kinauukulan. Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng serious illegal detention, serious physical injuries, grve threats, grave coercion, unlawful arrest at threatening to publish and offer to prevent such publication for a compensation laban kina Cornejo, Lee, Bernice “Marie” Lee, Ferdinand Guerrero, Zimmer Rance, alias Mike at dalawa pa. Nagsampa naman ng kasong rape ang biktima umanong si Deniece Cornejo.

NBIpresscon-vhong-navarro-deniece-cornejo-cedric-lee-cctv-20140129-002

Presscon ng NBI tungkol sa kaso ni Vhong Navarro

Sawang-sawa na siguro ang mga tao sa isang linggong balitaan na ito tungkol Vhong Navarro, Deniece Cornejo at Cedric Lee. Kaya mainam na alamin natin ang mga aral na ating matutunan sa insidenteng ito bago pa malimutan at mawala sa kamalayan ng mamamayan.

Ang Sampung Aral:

  1. Huwag basta-basta magtitiwala. Ayon na yan sa umano’y biktima na si Vhong Navarro.
  2. Ang ibang tao, kahit na sobrang yaman na, ay gagawa pa rin ng paraan para yumaman ng yumaman kahit sa maling pamamaraan. Dasal at interbensyon sa kinauukulan ang kanilang kailangan.
  3. Sobra-sobra ang anim na katao para mambugbog ng isang tao. Layon bang magturo ng leksyon o lubos na takutin ang binugbog para hindi na magsumbong ang tawag sa ganito?
  4. Hindi dapat nagpupunta sa kung saan lalo na kung di pa naman lubusang kilala ang nag-aaya. Hindi mo alam kung anong naghihintay sa’yo run. Pagkain? Romansa? Baka matinding pagdurusa?
  5. Iba talaga nagagawa ng mga koneksyon, sa mabuting paraan man o masama. Sa kwento nating ito, ang lagay ay masama. Bali-balitang dahil sa mga koneksyon sa militar at gobyerno ng inaakusahang si Cedric Lee ay nagawa na nitong makatakas sa mga ginawang kamalian noon. Nagkaroon na rin umano ng bugbugan sa pagitan nila nina Jessica Rodriguez at asawang David Bunevacz pati na rin sa dating kasintahan nitong si Vina Morales. Dahil umano sa mga koneksyon ay natakot at hindi na nagkaroon pa ng reklamo ang ilan sa mga nabiktimang ito ni Lee.
  6. Hindi lahat ng mga kriminal ay mukhang mga kriminal. Marami nga sa kanila ay maaayos ang hitsura. At magugulat ka na lang dahil iba-iba talaga mga modus operandi nila. Kaya laging mag-iingat.
  7. Mabisang gamit talaga ang CCTV camera. Kaya ayun, lumabas sa ebidensiya kung kanino tumutugma ang kwento sa mga tunay na pangyayari.
  8. Grabe talaga ang media. Nasa kanila ang kapangyarihang ipakita ang gusto nilang ipakita, mahalaga man na isyu o hindi. Kayang-kaya nilang tabunan ang mga mas importanteng isyu ng mga mahalaga rin naman ngunit di ganun kahalaga.
  9. Hindi biro ang kaso ng rape, kahit na ang maakusahan lamang na gumawa nito. Kakaibang stigma ang mapupunta sa’yo kung maakusahan kang gumawa o sumubok gumawa nito. Di naman na kailangan pang ipaliwanag kung ano ang tingin sa’yo ng mga tao kung talagang ginawa mo ito.
  10. Mahirap man sa iba, pero kailangang pigilan ang tawag ng laman. Di na kailangang ipaliwanag pa iyan.
Advertisements

Conspiracy sa Pamahalaang Aquino

Phil Conspiracy

Kamakailan lang ay naglabas ng ulat ang dating senador na si Kit Tatad sa pahayagang Manila Standard Today na nagsasabing bago pa man opisyal na sumuko ang sinasabing mastermind ng Pork Barrel Scam na si Janet Napoles ay nakipag-meeting muna umano siya sa Pangulong Noynoy Aquino kasama na ang ibang miyembro ng gabinete. Nakagugulat na rebelasyon ito, sapagkat pinalalabas lang nito na ginogoyo tayong mga Pilipino ng mga hinalal nating pinuno. Naiisip nyo ba ang implikasyon nito? Kung totoo man ang balita, ibig sabihin nito’y:

  1. Kasabwat ang Malakanyang at mga miyembro nito sa Pork Barrel scam
  2. Ang pagpupulong ay isinagawa upang maiplano nang maigi ang mga gagawing hakbangin ng gobyerno kaugnay sa kaso ni Napoles
  3. Sina Noynoy Aquino, Mar Roxas at iba pang kilalang pulitikong may mataas na posisyon ay gagawin ang lahat upang pagtakpan ang kanilang kaugnayan kay Napoles na kinikilala ngayong isang gahaman at mandarambong na tao
  4. Malalim pa ang ugat ng Pork Barrel scam na ito, at hindi lamang ang mga nakasuhan na noong nakaraang Lunes, Setyembre 16, 2013, ang mga sangkot dito.

Kung totoo ang mga nabanggit kong implikasyon sa taas, aba’y nakatatakot nang manirahan dito sa ating bansang Pilipinas. Mantakin mong tila wala na pala tayong mapagkakatiwalaang tao sa gobyerno! Ibig sabihin nito’y lahat sila na nasa matataas na posisyon ay magkakasabwat , gagawin ang lahat upang makalikom ng pera sa pamamagitan ng pagnakaw sa kaban ng bayan! Ang mga pulitiko namang walang intensyong gawin ito ay nagkikibit-balikat na lamang at marapat na nadadamay sapagkat wala silang ginagawa upang masupil ang kalokohang ito na nagaganap sa loob ng maraming taon. Mahirap sabihin at mas mahirap tanggapin ang katotohanan, pero sa di nila paggawa ng kahit ano upang maituwid ang mga pagkakamaling ito ay masasabing pinuprotektahan nila ang mga taong sangkot sa kalokohan.

Nabanggit ko sa nakaraang kong blog ang conspiracy theory. Ang mga tao ngayon sa gobyerno ay tila nagku-conspire upang pagtakpan ang malaking pandarambong na nagaganap sa bayan. May babanggiting mga pangalan tulad na nga lamang nina Sexy, Tanda at Pogi pero naniniwala ba kayong sila lang at ang kanilang mga staff ang kasama rito? Syempre, hindi. Sa ilang taong panunungkulan ng mga iyan sa poder, nawili na sila sa kanilang ginagawa at malamang ay gagawin nila ang lahat upang ipagtanggol ang sarili kahit na huling-huli na sila base sa mga ebidensiyang nanggaling sa mga whistleblower pati na sa mga kumakalat na ulat at larawan sa internet. Di ba kayo nagtataka minsan kung bakit may mga pagsabog na nangyayari bigla pag may malalaking balita? Balikan ninyo ang mga naganap nitong mga nakaraang buwan at magtataka rin kayo kung bakit. Pinakamaaalala n’yo siguro ay yung pagpapa-interview ni Kris Aquino kasama ng kanyang mga kapatid dahil di umano sa pananakit sa kanya ni James Yap. Ano ang malaking balita nung mga panahong iyon? Ang isyu ng pag-aari sa lugar ng Sabah. Sinasabing ginagawa umano yan hindi lang ng ating gobyerno kundi pati ng iba pang gobyerno sa mundo upang maiiwas ang napakaimportanteng isyu sa walang kakwenta-kwenta o wala masyadong saysay na usapin gaya ng sa eskandalosang kapatid ng pangulo. May bulong noong mga panahong iyan na kinausap lang talaga ang basketbolistang si Yap dyan para nga mai-divert ang atensyon ng tao. Isip pa kayo ng ibang mga importanteng isyu dati na natabunan na lamang dahil sa mga mabababaw na isyu gaya ng showbiz.

images (5)Pero ibang usapan na ngayon. Di na kasi madaling makalimot ang tao. Pasalamat tayo sa social media gaya ng Facebook, Twitter at Instagram sapagkat laging naipapaalala sa mga tao kung ano ang makabuluhan at hindi naikukubli ng ibang media (television networks, OO, kayo yan) ang katotohanan sa mga makabuluhang bagay na ito, Sinasabing ang giyera ngayon sa Zamboanga ay isa na namang diversionary tactic upang maiiwas ang mata ng publiko sa Pork Barrel Scam. Napaka-walang puso kung gayun ang nag-isip at nagsasakatuparan niyan ngayon kung sakaling gawa-gawa lamang ito sapagkat maraming buhay ang nasasalanta at naaapektuhan dahil dito.

Ano ba ang punto ko sa pagsusulat ng blog post na ito ngayon? Simple lang. Para mamulat tayong mga nakababasa nito ngayon. Mamulat saan? Mamulat sa totoong nangyayari sa lipunan. Ano ba ang nangyayari sa lipunan? Panlilinlang, pansasamantala at pandarambong. Nino at kanino? Malamang, alam mo na ngayon.

Amalayer

Mainit-init na isyu sa kasalukuyan ang insidenteng nangyari sa LRT nitong nakaraang Martes. Isang babaeng pasigaw at pa-Ingles na pinagagalitan ang isang babaeng security guard ang nakuhanan ng video. Sa loob ng ilang oras lang noong Miyerkules, sikat na ang nasabing babae dahil sa nakahihiyang asal na pinakita n’ya sa isang pampublikong lugar.

Pagkatapos ng mga pangyayari, ang babaeng itatago na lang natin sa initials na PJS ay nagsumbong sa media dahil bugbog na bugbog na raw siya ng pambabatikos. Cyberbullying ang kanyang sigaw na kanyang nararanasan sa kasalukuyan. At para hindi na siguro makarinig pa ng panlalait mula sa mga taong kilala man n’ya o hindi, kanya na umanong isinara ang kanyang accounts sa Facebook at Twitter. Kanyang depensa, sinigawan at sinaktan siya ng security guard. Ang sabi sa mga unang naibalita, mali ang dinaanan na linya ni PJS kaya siya sinita. Yun nga lang daw, pangit ang tono sa kanya ng security guard at napika siya nang hawakan pa nito umano ang kanyang braso. At ang sumunod na mga pangyayari ay ang nasaksihan sa kontrobersyal na video na di na matiyak kung ilang tao na ang nakapanood.

Ayon naman sa imbestigasyon ng Light Railway Transit Administration (LRTA), ginagawa lang umano ng security guard nila ang kanyang tungkulin. Hindi raw inilagay ni PJS ang kanyang bag sa x-ray machine ng LRT at dali-daling pumasok ng istasyon kaya siya sinita. Tungkulin ng security guard na pagsabihan at paalalahanan ang mga pasaherong sumunod sa mga patakaran ng istasyon (ang isa na nga rito ay ang No inspection, no entry) para na rin sa kaayusan ng lahat. Nagkataong hindi sumunod sa patakaran si PJS at siya ay marapat na sinita ng security guard nila.

Mapanghusga ang mga tao, at kung ano ang nakita nila at nasaksihan sa video ay talaga namang paniniwalaan nila. Kahit pa sabihing kulang o hindi sapat ang video upang ipaliwanag ang buong insidente, nakapanghusga na agad ang manonood sapagkat sa paglilitanya ni PJS ay malalaman mong nais n’yang pahiyain ang security guard. At ganun nga ang nangyari. Ang di n’ya inaasahan, mas mapapahiya siya sapagkat nakita na ng lahat ang inasal n’ya noong araw na iyon.

Ang sabi ng iba, dapat hindi nya yun ginawa. Porke ba’t guard ay di na rirespetuhin? Ano nga ba naman iyong magpatawad sa isang maliit na bagay lang? Oo, hindi siya perpekto pero naiwasan n’ya sana ang kahihiyang inaabot nya sa kasalukuyan kung nagpakumbaba na lang siya at hindi naglitanya ng masasakit na salita. Tinuligsa pa tuloy ng mga tao ang kanyang pagi-Ingles (Ang “Amalayer” na titulo nitong blog post kong ito ay hango sa pagsasabi n’ya ng mga katagang “I’m a liar?” habang kinakausap ang kinagagalitang guard). Tiyak na tinuturing n’yang isang bangungot ang nangyaring ito sa kanyang buhay kaya marapat lamang na magpakumbaba siya.

Ano ang kanyang pwedeng gawin pagtapos ng mga pangyayaring ito? Suhestyon ko, tanggapin n’ya ang pagkakamali, humingi ng tawad sa lahat ng naapektuhan sa kanyang inasal, lalung-lalo na sa guard na kanyang hiniya noong mga panahong iyon. Mapanghusga man ang mga Pilipino, kilala naman tayo sa pagpapatawad ng madalian. Kung makikita sa kanya ang pagiging tapat sa paghingi ng tawad ay di na siya mahihirapan dito.

Tayo naman, itigil na natin ang pagtuligsa. Nagkamali na yung tao at may peklat na siyang dadalhin habambuhay. Tulungan na lang natin siyang makalampas sa pangyayaring ito. Naturuan na siya ng leksyon. Matatandaan na n’ya ang aral na kanyang natutunan sa lahat ng pagkakataon…

Tsaka, ayaw naman siguro nating matawag tayong cyberbully, di ba?

Impluwensiya

Ano ba ang impluwensiya? Ayon sa isang kilalang diksyonaryo, ito ay ang kapangyarihan o kapasidad na makaapekto sa mga paraang di tuwiran at di nahahawakan. At para sa akin, ang impluwensiya, mabuti man o hindi, ay malaki ang maidudulot sa takbo ng buhay ng isang tao.

Sa mga kwentong inilalarawan at pinapakita sa pelikula, telebisyon, libro at iba pang babasahin ay kalimitang mga magulang ang may karakterisasyon ng parehong mabuti at masamang impluwensiya. Pag maganda ang ugali ng isang karakter, pinapakitang mapag-aruga at mapagmahal ang mga magulang nila. Pag kontrabida naman, ganid at galit ang asal ng mga magulang nila. Sa ganitong pag-aanalisa sinasabi na ang mga bata ay nagiging mabuti o masama depende sa kinalalakihan nilang mga tao sa buhay. Aminin mo, malakas ang impluwensiya sa’yo ng mga magulang mo lalo na kung araw-araw kayong nagkikita mula pa nung ikaw ay bata pa.

Madalas ding isalarawan sa mga istorya sa entertainment media ang mga mabubuti at masasamang kaibigan. Pag parte ang isang karakter ng mabuting barkada, malaki ang tsansang magiging maganda ang hinaharap n’ya. Pag masamang barkada naman, bisyo at pagbubulakbol ang kahahantungan n’ya. Minsan nagiging malikhain ang mga manunulat at binabaligtad ang mga ito sa kung anumang kadahilanan. Ang mga tao sa paligid minsan ang nag-uudyok sa’yo kung anong pag-uugali magkakaroon ka. Tandaang sinuman o anuman ang nasa paligid mo, tiyak na makakaimpluwensiya iyan sa iyo.

Di nalalayo sa mga likhang piksyon ang tunay na buhay. Sa bahay man, sa eskwela, sa trabaho o sa komunidad ay mga namumutawing maganda at pangit na impluwensiya. Masisipag ang mga magulang at mga kapatid mo. Kakatwa kung ikaw ay tamad dahil di kanila naiimpluwensiyahan. Nag-cutting class lahat ng mga kaibigan mo. Sasama ka rin ba para enjoy kayong lahat? Nagtatapon ang mga kapwa mo tindera sa tabi ng kalsada. Makikigaya ka rin ba lalo na’t walang dumarating na trak ng basura? Abalang-abala ka sa trabaho pero kailangan mong asikasuhin ang isang bagay sa loob ng isang ahensya ng gobyerno. Magpapadulas ka na lang ba ng kwarta sa palad nang maisaayos agad ito ng isang fixer lalo’t sagabal pa ito sa trabaho mo? Lahat ng mga kaibigan mo may trabaho. Mahihiya kang hindi humanap ng mapagkakakitaan, hindi ba? Lahat ng tao sa iyong parokya ay nagdarasal para sa ikabubuti ng buhay ng bawa’t isa. Pasikreto ka bang nagdarasal para sa ikasisira ng iba? Pamilya, kaibigan, kaklase, katrabaho, kapitbahay, media, komunidad, relihiyon, paaralan at gobyerno: lahat ng mga ito ay nakakaimpluwensiya sa’yo.

Malaki ang impluwensiya ng mga nabanggit sa pagdidesisyon, pag-iisip at pagkilos ng isang tao. At marami man silang mga pinanggagalingan ng impluwensiya, di maitatangging ang tahanan ang nangunguna sa mga ito. Isa ako sa mga naniniwalang sa tahanan unang nahuhulma ang pag-uugali ng tao. Kanino pa ba matututunan ng bata kung alin ang tama at mali kung hindi sa mga magulang n’ya? Kaya sa pagkabata pa lamang ay dapat kagandahang asal na ang tinuturo at pinapakita sa kanila nang magandang asal din ang dala-dala nila paglaki. Sa totoo lang, bata pa lamang ay nagsisimula ng mabuo ang pag-uugali ng tao. Kaya maiging sa simula pa lamang ay ayusin na dapat ito.

Di ko sinasabing siguradong lalaki ng tama ang isang bata pag tama ang pagpapalaki sa kanya sa bahay. Tulad na lamang ng nabanggit kanina, marami ang mga bagay na nakakaimpluwensiya sa atin. Isa o higit man sa mga impluwensiyang ito ay magdudulot ng epekto sa kanyang paglaki at pagtanda. Hindi nga ba’t ito ang dahilan kaya namimili talaga ang mga magulang kung saan nila ipapasok ang mga anak nila? Hindi lamang sa eskwela, pati na sa iba pang mga bagay: damit, gamit, laruan, libro at kung anu-ano pa. Madalas pa nga, may sabi sila pati sa mga taong umaaligid sa mga anak nila. Syempre pa, pinipili nilang mabuti kung ano o sino sa tingin nila ang makabubuti sa anak nila.

Sa dulo, ang makukuha mong mensahe dito ay ang mga sumusunod. Kung ang mga kasama mo sa bahay, eskwela, trabaho o komunidad ay mabubuti, mapalad ka dahil mabuting impluwensiya ang madudulot nila sa’yo. Pero kung kabaligtaran naman ang mga nakakasama mo, asahan mong mababago kahit papaano ang ilang aspeto ng iyong pagkatao. Dahil gaano man katibay ang bato, matatalo at matitibag ito ng tubig pag nagtagal. Kaya ingat ka na lang sa lahat ng oras. Magpakatatag. Makisama pero wag magpapaimpluwensiya sa mga bagay na hindi maganda. O kung ayaw mo talagang magpa-impluwensiya, mabuting lumayo ka na lang. Pero paano kung sila palang mga di mabubuting impluwensya sa’yo ay mga kapamilya o mga kaibigan mo rin? Kung di mo sila maiiwasan, ikaw na lang ang umimpluwensiya sa kanila. Bakit hindi, di ba? Malay mo, mapabuti mo sila.

Ikaw, magandang impluwensiya ka ba sa iba?