Ang Aba pero Kapaki-pakinabang na Text

Text (kuha mula sa mushamommy.tumblr.com)

Dalawampung taon na pala ang text messaging o tinatawag ding Short Message Service (SMS).

Sa totoo lang, di ko akalaing may nagti-text na pala noong 5 taong gulang pa lamang ako. Nagkamalay lamang ako tungkol sa cellphone at ang mga nagagawa nito noong magtatapos na ako sa mababang paaralan.

Alamin natin dito kung ano ang mga detalye sa pagkakaimbento ng text. Ayon sa artikulo ng CTV News, malalaman nating:

  • Si Neil Papworth ang kauna-unahang nagpadala ng text. Siya ay isang 22-taong-gulang na inhinyerong  Briton na nagpadala ng text mula sa kanyang computer papunta sa cellphone ng kanyang amo sa Vodaphone, isang kumpanya ng cellphone.
  • “Merry Christmas” ang mensaheng nakapaloob sa unang text
  • December 3, 1992 ang petsa noong naimbento ang text

Rebolusyonaryo ang pagkakaimbento sa text. Isa ito sa mga pinakamagandang feature ng cellphone, isa naman sa mga pinakaimportanteng naimbento nitong mga nagdaang dekada. Bakit ba naman hindi? Ang komunikasyon ay napapadali dahil sa text. Ang mga magkakapamilyang malayo sa isa’t-isa ay napapadali ang ugnayan sa isa’t-isa. Ganun din ang mga mag-kasintahan at magkakaibigan, magkalayo man sila o hindi. Mabilis at mura ang uri ng komunikasyon na ito kaya talagang patuloy na ginagamit ng mga tao. Katunayan n’yan, sinabi sa artikulong nabanggit sa itaas na 3 sa 4 na katao sa buong mundo ay mayroong cellphone at trilyong text ang napapadala araw-araw. Ganun karami ang gumagamit ng text messaging!

Nabanggit sa artikulo na lampas na raw sa rurok ng pinakakasikatan nito ang naabot ng text. Nandyan na raw kasi ang instant messaging at voice-messaging lalo na’t mayroon ito sa mga makabagong uri ng cellphone. Kung iisipin mong bauti, di naman ganun-ganung mawawala na lamang ang text lalo na sa mga bansang kakaunti pa lamang ang nakakapag-access sa internet gamit ang mga cellphone. Ilan lang ba sa mga kakilala natin ang mga may cellphone na laging online? Ilan ba sa kanila ang umaasa na lamang sa IM?

Kay Neil na nakaimbento ng isa sa mga pinakaimportanteng imbensyon sa mundo, maraming, maraming salamat! Dahil sa’yo, mas madaling nakakapag-ugnay ang mga tao saan mang parte sila ng mundo naroroon.

Kung gusto n’yo pang magbasa tungkol sa kasaysayan ng text messagingbasahin ang artikulong ito.