Tubbataha

Ilang linggo na ang nakararaan nang maganap ang isang insidenteng damay ang isa nating likas yaman- ang Tubbataha Reef. Enero 17 ng taong kasalukuyan nang nasayaran ng USS Guardian, isang navy vessel ng Estados Unidos, ang nasabing reef. Dahil sa pagsayad na ito, malaking bahagi ng reef ang nasira at naapektuhan. Ayon pa nga sa pinakahuling balita, umabot na sa 4,000 square meters ang nasisira sa nasabing reef.

Tubbataha Reef

Tubbataha Reef

Ano ba ang Tubbataha Reef?

Ayon sa Wikipedia, ang Tubbataha Reef of Bahurang Tubbataha ay isang pulong batuhara na binubuo ng mga kural o batong-bulaklak na matatagpuan sa Dagat Sulu at malapit sa probinsiya ng Palawan dito sa Pilipinas. Ayon pa rin sa malayang ensiklopedia, ang bahurang ito ay isang santuwaryong-dagat na pinangangalagaan ng Pambansang Marinang Liwasan ng Bahurang Tubbataha (Tubbataha Reef National Marine Park). Dapat lamang na ito’y pangangalagaan sapagkat isa ito sa ating mga likas yaman. Katunayan n’yan, idineklara itong isang World Heritage Site ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noon pang taong 1993. Testimonya sa angkin nitong ganda ang pagkakanomina nito bilang isa sa New 7 Wonders of Nature ilang taon na ang nakararaan.

Saan nagmula ang pangalang Tubbataha?

Ang pangalang Tubbataha ay galing umano sa dalawang salitang Samal na nangangahulugang isang mahabang batuhang-harang na lumilitaw sa pagkati ng tubig.

Ano na ngayon ang planong gawin ng gobyerno?

USS Guardian sa itaas ng Tubbataha Reef

USS Guardian sa itaas ng Tubbataha Reef

Planong itaas ang USS Guardian upang mapigilan na ang  pagkasira pang lalo ng bahura. Ayon sa balita, kinontrata na ng Estados Unidos ang isang towing company sa Singapore upang alisin ang sasakyang pandagat. Nasa Puerto Princesa na umano ang isa sa mga crane na gagamitin para rito.

Ayon sa pinakahuling balita, magbibigay naman daw ng kaukulang planong teknikal na pamumunuan ng mga eksperto ang Estados Unidos para sa rehabilitasyon ng Tubbataha Reef. Makikipag-ugnayan umano sila sa lokal na pamahalaan para maisakatuparan ang dapat gawin sa nasabing likas yaman.

Baka nagtataka kayo kung ano ang kahalagahan ng isang reef. Ano ba ito?

Ayon dito, ang reef o bahura sa Tagalog ay tahanan ng mga isda at iba pang mga lamang-dagat. Inihahalintulad ito sa kagubatan sa lupa kung saan nakatira ang maraming uri ng mga hayop, halaman at iba pang organismo. Tinatayang 25% ng mga isda ay nakatira sa mga bahura. Bukod sa pangingisda, nagagamit ang mga bahura para sa turismo, proteksyon laban sa malalaking alon pati na sa paggawa ng mga gamot.

May katumbas na pera ba ang kalikasan?

Wala. Kahit pa magkano ang ibayad ng Estados Unidos, di na maibabalik pa ang nasirang parte ng ating likas yaman.

Pero alam n’yo ba, kahit na gayun ay may mga Amerikanong nagpu-protesta sa gagawing pagbayad ng Estados Unidos sa nagawa nilang pagsira sa isa nating mga bahura? Isa na riyan si Donald Trump Jr., anak ng kilala at mayamang negosyanteng si Donald Trump. Sa kanyang mga hinaing sa twitter, nagpakita siya ng kagaspangan ng ugali dahil sa kanyang pagkadismaya sa tinatayang babayaran ng Amerika dahil sa nagawang kasiraan ng pagsayad ng USS Guardian sa ating Bahurang Tubbataha. Pero, di patatalo ang mga Pinoy. IInilabas din ng marami nating mga kababayan ang kanilang mga saloobin at matatalinong argumento laban sa mga makasariling pahayag ni Trump Jr.

Ang kontrobersyal na pahayag ni Donald Trump Jr.

Ang kontrobersyal na pahayag ni Donald Trump Jr.

Isaw at Laman

Isa sa mga pinakainaabangan kong kainin tuwing Miyerkules o Sabado ng hapon ay ang masarap na isaw at laman ng baboy na malapit sa pinapasukan namin ng isang mabuting kaibigan. Bakit ba napakahilig nating mga Pinoy sa mga pagkaing nabibili sa kalsada? Ang sabi nila, dahil daw sa talagang kakaiba nitong sarap. Mapamayaman, mapa-middle class at mapamahirap ay natatakam sa simple’t mura pero masarap na pagkaing Pinoy na tinatawag nating street food.

Ano ang street food?

Madaling saguting yan sapagkat sa pangalan pa lang ay may ideya na tayo kung ano ito. Street food ang tawag sa mga pagkaing nabibili sa kalsada o iba pang pampublikong lugar tulad ng palengke. Alam mo ba, ayon sa Food and Agriculture Organization of the United Nations, halos 2.5 bilyong tao katao ang kumakain ng street food bawat araw? Sa atin dito sa Pilipinas, ang ibang tao’y kumakain ng street food pang-meryenda, habang ang iba’y ginagawa na rin itong ulam sa kanin tuwing tanghali o gabi. May ibang medyo nagtitipid kaya ginagawa na itong pantawid-gutom habang ang iba’y gusto lamang matikman ang kakaibang sarap na nabibigay nito. Anuman ang sabihin ng mga tao tungkol sa pagkain ng street food, di maitatatwa na ang talagang nag-uudyok sa ating bumili nito ay ang mura nitong presyo sa kabila ng pagiging talagang masarap nito.

Anu-ano ang alam n’yong mga street food?

Mula pa noong ako’y isang maliit na bata pa lamang ay popular na ang fish balls. Ito lang yata ang street food na parehas pa rin ang presyo ngayon sa presyo nito dati. Biruin mo, sa singkwenta sentimos ay matitikman mo na ang isang pagkaing nabuo mula sapinaghalong arina at kung anong parte ng isda kasama pa ang sarsa o suka? Nandyan din ang kikiam na sinasabi nilang pinaghalong giniling ng baboy at gulay. Naaalala kong mas uso noong dekada-90 ang malalaking kikiam. Ngayon, uso pa rin naman sila pero mas tila mas mabenta ang mga maliit na bersyon nito ngayon. Mayroon ding tinatawag na squid balls. Di hamak na mas masarap ito kaysa sa fish balls at kitang-kita yan sa pagkakaiba ng kanilang presyo nila. Kung may fish balls at squid balls, syempre, mayroon ding chicken balls. Hindi nga lang kasing sarap ng mga nauna ang pagkaing ito.

Paborito ko rin noon ang sorbetes o ang tinatawag na dirty ice cream. Pag naririnig namin ng mga kapatid at mga pinsan ko ang tunog ng maliit na kampana ng sorbetero ay dali-dali kaming manghihingi ng barya sa aming mga magulang at lalabas para bumili. Di rin pahuhuli ang taho, isang matubig-tubig na pagkaing gawa sa soya na hinaluan ng arnibal at maliliit na sago. Popular pa rin ang mga ito hanggang ngayon.

Dati na ring nauso ang tinatawag na kwek-kwek, toknene o tokneneng (itlog ng pugo na binalutan ng arinang kulay kahel). Masarap ito pero sabi nila ay ma-cholesterol. Mas marami raw kasing cholesterol ang itlog ng pugo sa itlog ng manok. Dito sa amin sa Bulacan ay nauso rin ang tinatawag na veggie balls, pero sa pagkakaalam ko’y isang gulay lamang ang ginagamit dito, ang kalabasa, at ito’y hinahaluan ng arina. Masarap ito at maaari na rin nating sabihing masustansiya.

Noong bata ako ay nakagiliwan kong kumain ng banana cue, camote cue at turon. Bakit naman hindi, ang isa sa mga lola ko ay palaging nagluluto ng mga ito sa hapon. Busog na busog kami sa mga pagkaing iyan bawat hapon noon.

 

Ang mais din ay mabentang pagkain sa kalsada noon hanggang ngayon. Pero ang talagang paborito ko ay yung tinanggal na mais na nakababad sa sabaw nito’t may halong butter at cheese powder. Iniisip ko pa lamang ay talagang natatakam na ako.

Noong nag-kolehiyo ako ay nauso naman ang pagbi-benta ng calamares. Napakasarap nito sapagkat ang pira-pirasong pusit ay binubudbod sa arina na may halong panlasa at ipiniprito sa kumukulong mantika. Mapapatakam ka lalo sa suka na ginagawang sawsawan rito.

Pag dumating ang gabi’y mabenta ang balot at penoy. Balot ang tawag sa nilagang itlog ng itik na naglalaman ng sisiw na 18 araw ang gulang. Penoy naman ang tawag sa nilagang itlog ng itik na hindi nabuo ang sisiw. Nahilig din ako sa mga pagkaing ito noon lalo’t madalas nag-uuwi ang mga magulang naming nito pagkagaling sa trabaho, pero ngayon ay minsan na lamang kami bumili. Kung interesado kayong malaman ang iba pang detalye sa dalawang pagkain na ito’y basahin ninyo ito.

 

Hindi syempre pahuhuli ang kasalukuyang kinagigiliwan namin ng kaibigan ko na barbecue na binibenta sa mga kalsada. Nandyan ang isaw manok, isaw baboy, balunbalunan, betamax (dugo ng manok), tenga, adidas (paa ng manok) at ang malinamnam na laman. Masarap man ang mga ‘yan pag naririnig mo pa lang ang kanilang mga madugong pangalan, ang totoo’y di pare-parehas ang kanilang lasa. Nasa paghahanda ng mga tindero’t-tindera ang magiging resulta ng kasarapan nila. Maswerte kami ng kaibigan ko dahil masasarap ang tinitinda sa aming mga barbecue ng mga tinderong binibilhan namin.

Ilan pa sa nakikita natin sa ngayong pagkaing inilalako sa kalsada ay ang masarap na mani (kung saan daw ako pinaglihi); malamig at matamis na ice candy na kinahiligan din naming gawin at ibenta noon (may mga bata naman na talagang bumibili, hehe); ice scramble, ang pink na yelong ginadgad at hinaluan ng gatas at chocolate syrup; samalamig, matamis na inuming hinahaluan ng sago’t gulaman na naging kontrobersyal ilang taon na ang nakararaan dahil sa ginagamitan daw ito ng magic sugar (na umano’y nakaka-cancer); maruya, mga saging na hinaluan ng arina bago iprito; at mangga at singkamas na binibenta sa kalsada na hinahaluan ng bagoong. Ahm, nakakatakam!

May iba pa ba kayong alam na street food?

Pag-iingat sa pagkain ng mga street food

Hindi masamang kumain ng pagkain na nabibili sa kalsada. Pagkain ang mga ito na pwedeng pampatawid-gutom anumang oras. Kailangan nga lamang nating tandaan ang pag-iingat palagi sa pagkain ng mga ito sapagkat isa sa pinakaniri-reklamo sa mga street food ay ang kanilang pagiging marumi.

Ilang beses nang naglabas ng babala ang iba’t-ibang kagawaran tulad ng Kagawaran ng Kalusugan at Kagawaran ng Agham at Teknolohiya tungkol sa pagkain ng mga street food. Sinasabi nilang maaaring magdulot ng iba’t-ibang sakit ang pagkain nitotulad ng hepatitis, gastroenteritis at typhoid fever.

Para sa akin, walang masamang kumain ng mga street food basta alam nating malinis itong naihahanda at sapat ang pagkakaluto nito. Paano ba natin matitiyak na malinis nga ang paghahanda sa mga ito? Ang sabi ng gobyerno, basta ang tindero’t tindera ay may lisensya sa pagbibenta, tiyak na malinis ang pagkakagawa sa mga ito. Pero paano kung hindi sila lisensyado, tulad ng libu-libong nagbibenta sa mga kalsada ng buong Pilipinas? Mahirap sagutin yan sapagkat di naman natin nakikita kung paano nila hinahanda ang mga binibenta nila. Isang basehan na lamang ng iba’y pag marami ang bumibili at matagal-tagal na ang nagtitinda ng mga street food ay pasado na ito. Pero opinyon lang iyan. Maaari n’yong sunduin, maaari ring hindi.

Kung tutuusin, isa rin palang pakikipagsapalaran ang pagbili at pagkain ng mga street food. Iisipin mo ang sarap na maaaring madulot ng pagkain nito kahit na di mo talaga tiyak kung sarap lang ba o pati sakit ang maidudulot nito sa’yo. Gayunpaman, ang sabi ng iba, kung nais mong makipagsapalaran ay lubus-lubusin mo na. Hindi mo naman malalaman kung hindi mo talaga susubukan, hindi ba?

Koneksyong Robredo-Aquino-Puno

Minsan ko nang nasabi sa isang blog post ko rito sa wordpress ang salitang conspiracy theory. Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang conspiracy theory ay isang teorya na nagpapaliwanag ng isang pangyayari o pangkat ng mga pangyayari bilang resulta ng isang sikretong balak ng kadalasa’y mga makapangyarihang mga tao.

Anu-ano ang mga conspiracy theory na alam mo? Naniniwala ka ba sa kanila o hindi? Tingnan natin kung ano ang conspiracy theory na kasalukuyang bumabagabag sa isipan ng mga Pilipino, ngayon.

Tawagin nating Koneksyong Robredo-Aquino-Puno ang conspiracy theory na ito.

Higit isang buwan na ang nakalilipas mula nang pumanaw ang dating sekretarya ng DILG na si Jesse Robredo. Pero nitong nagdaang linggo lang lumabas ang balitang may hinahanap at umano’y gustong kuhaning dokumento ang ngayo’y dati na ring DILG Undersecretary Rico E. Puno sa opisina ng namayapang opisyal ng gobyerno.

Hmm. Anong gagawin nya sa mga dokumentong hinahanap nila umano?

Alamin natin mula sa artikulong ito ng ABS-CBN kung ano ang mga kaganapang nangyari noong mga panahong iyon:

Agosto 18* – Bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng namayapang DILG Secretary Jesse Robredo.

*8:45 ng gabi- Inutusan umano si Puno na i-secure ang mga opisina ni Robredo. Ibinigay n’ya raw ang utos kay Supt. Oliver Tanseco, ang deputy chief ng Office of Internat Security.

*11:30 ng gabi- Pumunta umano si Puno sa opisina ni PNP Director General Nicanor Bartolome kasama ni Supt. Tanseco, kapwa DILG Undersecretary Austere Panadero at ang chief of staff ni Robredo.

Agosto 19**

**9 ng umaga- Pinangunahan n’ya ang pagsara ng opisina ni Robredo sa DILG sa presensya mismo ng mga tauhan ni Robredo. Pagkatapos nito’y sinabihan umano siya ni Supt. Tanseco na may mga dokumento sa condo unit ni Robredo. Nagpatawag siya ng isang grupo (kasama si Tanseco) upang puntahan ang nasabing condo. Naghintay siya at ang grupo sa lobby ng condo habang si Tanseco ang nagpunta sa mismong condo unit.

**10:30 ng umaga- Umalis ang grupo at nagtungo sa Kampo Crame para isara roon ang opisina ng namayapang DILG secretary.

**11:30 ng umaga- Nagpunta si Puno sa NAPOLCOM sa Makati upang isara rin ang opisina roon ni Robredo.

**3:30 ng hapon- Sinamahan umano ni Puno sina Justice Secretary Leila de Lima at ang grupo ng Presidential Security Group sa pagi-inspect ng opisina ni Robredo pati na ang condo unit. (Kung aling opisina ang tinutukoy, hindi nabanggit.)

**7 ng gabi- Natapos umano ang operasyon.

Matapos lumabas ang balita tungkol dito, kanya-kanyang ispekulasyon na ang mga tao. Ano nga kaya ang nilalaman ng mga dokumentong tinutukoy ni Puno? Subukan nating alamin sa pamamagitan ng mga artikulong mga ito ng Inquirer:

  1. Ilang buwan bago nangyari ang aksidente, nanguna si Robredo sa imbestigasyon tungkol sa pag-angkat ng mga armas at bala para sa PNP. Sa tinatawag na Priority Supply Equipment (PSE), iimbestigahan ang mga dapat imbestigahan upang malaman ang firearms and ammunition inventory sa PNP at tingnan kung akma ba ito sa talagang kailangan ng buong kapulisan. Anong kinalaman rito ni Puno? Siya lang naman ang nagmungkahi ng pagbili ng mga kagamitang ito para sa PNP. Sinasabing unang beses nagsagawa ng imbestigasyon tungkol dito sa DILG nang maging sekretarya ng departamento si Robredo.
  2. Ipinagtanggol naman ni Senador Juan Ponce Enrile ang ginawa ni Puno. Anya, katungkulan ng undersecretary na pangunahan ang pagsasara ng opisina ng DILG secretary lalo na’t ang pangulo ang nag-utos nito. Ang pagkuha naman ng mga dokumento ay idinahilan din niyang katungkulan ng gobyerno sapagkat ang gobyerno ang nagmamay-ari nito.
  3. Papangunahan naman ni Senadora Miram Defensor- Santiago ang pagtawag kay Puno upang magpaliwanag ang huli tungkol sa nangyaring mga lockdown at tangkang pagkuha ng mga dokumento.

Sino ba si dating DILG Undersecretary Rico E. Puno? Ang sabi sa blog na ito na naglista ng maraming reference kung saan n’ya kinuha ang kanyang impormasyon, si Puno ay:

  1. Shooting buddy ng kasalukuyang pangulo
  2. Presidente ng Far East Ballistics Corporation mula 1992- 1995
  3. Dating board member ng National Range Officers Institute at Philippine Practical Shooting Association
  4. Ginawang adviser ni noo’y dating Senador Noynoy Aquino sa Committee on Public Order and Safety and Dangerous Drugs and Special Oversight on Economics Affairs body
  5. Nagsilbing overall ground campaign commander sa pangangampanya dati ng Pangulong Aquino sa pagka-Senador noong 2007
  6. Inatasang maging DILG Undersecretary na may lakas na mamuno sa kapulisan nang maging pangulo si Noynoy noong 2010
  7. Sinasabing nagkamit ng maraming pagkakamali sa kontrobersyal na August 23 hostage taking sa Luneta Grandstand: kakulangan sa crowd control, kakulangan ng control sa media at kakulangan ng gamit ng mga pulis na naatasang resolbahin ang hostage taking na nangyari sa loob ng isang bus
  8. Sinasabing isa sa mga kubrador ng jueteng payola

Ang nakapagtataka sa lahat ng ito, bakit hindi matanggal-tanggal sa gobyerno si Rico E. Puno gayung marami na siyang pagkakamali at kaduda-dudang mga hakbang habang namumuno bilang DILG undersecretary? Bakit tila ganun kalakas ni Puno sa pangulo?

Tanong ng ilang naniniwala sa mga conspiracy theory: May kinalaman ba ang pagbagsak ng eroplano ni Jesse Robredo sa imbestigasyon tungkol sa pagbili ng mga bala na isang proposisyon ni Rico E. Puno na kahit sa maraming kapalpakan bilang undersecretary ay nagagawa pa ring manatili sa pwesto mula nang umupo ang Pangulong Noynoy Aquino?

Sa totoo lang, tanging oras at tamang pagkakataon lamang ang makasasagot ng tanong na iyan. Oras para sa mga taong sangkot na magsalita at pagkakataon para sila ay magsalita. Hingi ng taumbayan, magsalita na sila ngayon hindi lang ng gusto nilang sabihin kundi ng katotohanan kung gusto nilang pasinungalingan ang iniisip ng tao sa kanila.

***

Ang nabanggit na isyu sa taas ang isa sa mga conspiracy theory na gusto nating bigyang-linaw kahit papaano sa blog kong ito. Ilan sa mga susubukan nating alamin sa mga susunod ay ang mga conspiracy theory na bumabagabag noon pa man sa maraming tao. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Totoo at tunay na magkaibigan daw sina Ferdinand Marcos at Ninoy Aquino kaya di totoong ang nagpapatay kay Ninoy ay si Marcos. Ano ang kinalaman ng pamilya Cojuangco rito at lagi silang nadadamay pag binabanggit ang pagkamatay ni Ninoy?
  2. Totoo bang may mga alien? Bakit maraming operasyon ang ibang bansang bawal malalaman o ipagbigay-alam sa publiko?
  3. Totoo bang may Illuminati, ang grupong nagtatangkang maghari-harian sa mundo sa pamamagitan ng tinatawag na New World Order? Anong kinalaman nito sa naglalabasang mga personalidad sa musika, pelikula at telebisyon pati na rin mga batas sa buong mundo na nagpapababa sa moralidad ng mga tao?

Ating abangan ang mga iyan atbp. sa susunod.

Saludo kay Sec. Jesse

Ngayong araw, Agosto 28, 2012, ay ilalagay na sa kanyang huling hantungan ang katawan ng isa sa mga pinakanirirespetong pinuno sa buong Pilipinas, si Department of Interior and Local Government (o Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal) Secretary Jesse Robredo. Nagtataka ka ba kung bakit marami ang nalungkot noong siya ay pumanaw mahigit isang linggo na ang nakalilipas? Subukan nating alamin kung bakit maraming tao ang nagmamahal sa kanya.

Bago pa man siya hirangin ni Pangulong Noynoy Aquino bilang kalihim ng DILG ay nakilala ko na noon si Sec. Jesse sa pamamagitan ng isang artikulo sa dyaryo na nabasa ko.  Mula noon ay humanga na ako sa kanya. Base kasi sa nilalaman ng artikulong nabasa ko, isa siyang huwarang pinuno ng Naga City. Mula raw sa pagiging mahirap ng kanyang lungsod na pinaglingkuran ay naiangat n’ya ang antas nito bilang isang first class city. Hindi ba’t sa ginawa n’yang iyon ay kahanga-hanga na talaga siya?

Sa totoo lang, malaking kawalan ang kanyang pagkamatay sa ating bayan. Mahirap humanap ng pinunong tuwid, tapat at talagang may ginagawa.

Nangalap ako ng ilang impormasyon tungkol kay Sec. Jesse. Alamin natin ang ilan sa mga importanteng bagay tungkol sa isang pinunong minahal ng taumbayan.

  1. Ipinanganak siya noong Mayo 27, 1958 sa Naga City, Bicol. Mga negosyante ang kanyang mga magulang. Nabuhay siya sa loob ng 54 taon dito sa mundo.
  2. Ayon sa mismo n’yang kwento sa artikulong ito, ang kanyang tatay ay nabulag noong siya ay apat (4) na taong gulang. Naging inspirasyon ito sa kanya dahil kahit na sa kapansanang iyon ng kanyang tatay ay naitaguyod nito ang kanilang pamilya. Kaya sa tuwing makakakita siya ng isang pagsubok, nakikita n’ya ang kanyang ama. Kung kaya umano ng kanyang amang may kapansanan, paano pa kaya ang lahat ng walang kapansanan.
  3. Ayon sa artikulong ito, nagtapos ng kursong Industrial Management Engineering and Mechanical Engineering sa De La Salle University. Nakatapos din siya ng Masters of Public Administration sa John F. Kennedy School of Government ng Harvard University. Nagtapos din siya ng Masters in Business Administration sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman. Siya umano ang pinakamagaling sa kaniyang klase sa UP noong panahong iyon.
  4. Una siyang naging alkalde ng Naga noong 1988. Siya ang pinakabatang alkalde noon sa Pilipinas sa edad na 29. Ayon uli sa artikulong ito, mahahalagang reporma ang kanyang ginawa upang maibsan ang problemang kinakaharap noong ng kanyang lungsod na pinaglilingkuran. Inilipat ng matitirhan ang mga iskwater sa siyudad, pinuksa ang mga pasugalan, nilagay sa tamang lugar ang terminal ng mga bus at dyip at ginawang episyente ang pagkolekta ng mga buwis
  5. Itinalaga siyang presidente ng League of Cities of the Philippines noong 1995 bilang rekognisyon ng kanyang husay at galing bilang pinuno.
  6. Bilang patunay pa ng kanyang galing sa pamumuno, siya ay binanggit sa Asiaweek Magazine noong taong 1999 dahil sa kanyang huwarang pamumuno sa Naga na itinuring na isa sa mga pinakamataas ang iniangat na siyudad sa Asya.
  7. Isa siyang Katoliko.
  8. Namayapa si Sec. Jesse noong Agosto 18, 2012 nang bumagsak ang kanyang sinasakyang eroplanong Piper Seneca sa Masbate. Naiwan ni Jesse ang kanyang maybahay at tatlong anak na babae. Inilarawan ng kanyang maybahay na siya ay isang simpleng tao lang na napakasipag at pinakamasaya sa kanilang tahanan.
  9. Sabi ni Gemma Mendoza sa kanyang artikulong ito sa rappler.com, maaaring si Sec. Jesse ang pinuno sa lokal na pamahalaan na may pinakamaraming natanggap na parangal. Pinakamataas sa kanyang mga nakamit ay ang Ramon Magsaysay Award for Government Service, ang katumbas ng Nobel Prize dito sa Asya.
  10. Hindi siya sang-ayon sa nepotismo. Nang matapos umano ang kanyang termino bilang alkalde ng Naga, hindi siya pumayag na tumakbo ang kanyang maybahay. Totoo naman kasing hindi dahil magaling ang isang tao ay magaling na rin ang kanyang asawa o maging anak. Sana maisip yan ng mga pulitiko natin ngayon na hene-henerasyon na ang pamilya sa pulitika.

Tiyak na mas marami pang nakahahangang kwento ang mga taong talagang nakasalamuha at nakasama si Sec. Jesse tungkol sa kanya. Aking iri-rekomenda na inyong basahin ang mga link na inilagay ko sa itaas upang mas makilala n’yo si Sec. Jesse. Ganunpaman, maigi na ring nalaman natin mula sa mga nakalagay sa itaas ang karakter ng isang pinunong talagang isa ring mabuting tao. At dahil diyan, tayo ay talagang saludo sa kanya.

Buwan ng Wika

Ang buwan ng Agosto ay ang tinaguriang Buwan ng Wika ng Pilipinas. Naaalala n’yo pa ba kung bakit? At saka, naaalala n’yo pa bang hindi Buwan ng Wika ang ating ipinagdiriwang kundi Linggo ng Wika lamang? Kung hindi na, sabay-sabay nating balikan ang kasaysayan ng isa sa mga pinakamahalagang pagdiriwang sa buong bansa dito sa blog post kong ito.

Ayon sa Wikipilipinas, ilan sa mahahalagang pangyayari sa pagsisimula ng selebrasyon natin ng Buwan ng Wika ay ang mga sumusunod:

Marso 26, 1946– Ipinalabas ni Pangulong Sergio Osmena ang Proklamasyon Blg. 35 na nagtatalaga ng petsa Marso 27 hanggang Abril 2 bilang Linggo ng Wika.

Setyembre 23, 1955- Iniutos ni Pangulong Ramon Magsaysay sa kanyang Proklamasyon Blg. 186 na ilipat ang selebrasyon ng Linggo ng Wika papuntang Agosto 13- 19. Bilang paggunita umano ito sa kaarawan ni Manuel L. Quezon na tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa.

Agosto 12, 1988- Inilabas ni Pangulong Corazon Aquino ang Proklamasyon Blg. 19 upang pagtibayin ang pagdideklara ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula Agosto 13 hanggang 19 kada taon.

Enero 15, 1997- Ipinagtibay ni Pangulong Fidel V. Ramos sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041 na tataguriang buwan ng wika ang buong buwan ng Agosto bilang pagpapalawig pa ng selebrasyong Linggo ng Wika.

Bakit mahalaga ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika?

Upang sagutin yan, mahalagang malaman ang kahalagahan ng wika. Ang wika, o language sa Ingles, ay isang sistematikong pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga tunog, senyas o simbolo sa kapwa taong gumagamit at nakaiintindi rin ng pamamaraang ito. Ayon naman sa blog ni Romano Redublo na isang guro, ang wika raw ay kalipunan ng mga simbolo, tunog at mga kaugnay na batas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Ginagamit ang pamamaraang ito sa pagpapaabot ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat. Ang wika rin ay likas na makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mga hangarin sa pamamagitan ng isang kaparaanang lumilikha ng tunog; at kabuuan din ito ng mga sagisag sa paraang binibigkas. Sa pamamagitan nito, nagkakaugnayan, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.

Sa madaling salita, mahalagang ipagdiwang ang wika sapagkat isa ito sa mga pinakimportanteng bahagi ng ating pagka-Pilipino at pagkatao. Sa totoo lang, di tayo magkakaintindihan kung wala tayong wika o kahit anong uri ng lengwaheng ginagamit.

Para sa akin, pinakamasaya sa buwan ng Agosto ang pagdiriwang sa mga eskwelahan at pamantasan ng Buwan ng Wika. Sa aking pagkakaalala, kadalasang ikatlo o ikaapat na linggo ng buwang ito isinasagawa ang mga aktibidad na may kaugnayan sa pagsasanay at pagtataguyod ng ating pambansang wika. Malamang ay naaalala n’yo pa ang mga sumusunod:

–          Sabayang pagbigkas

–          Balagtasan

–          Isahang awit

–          Dalawahang awit

–          Paggawa ng poster

–          Paggawa ng slogan

–          Paggawa ng tula

–          Paggawa ng sanaysay

–          Pagbigkas ng tula, at marami pang iba

Sumali ako kasama ng ilang kaibigan/ kaklase sa balagtasan pero di pinalad na manalo. Buti na lang mabait ang Panginoon dahil nakasungkit naman ako noon ng medalya sa paggawa ng tula. Hehe. Gayunpaman, ang mahalaga naman sa mga paligsahang ito ay di lamang pagtatagisan ng galing kundi pagpapayabong pa ng wika natin sa iba’t-ibang pamamaraan.

Bilang pangwakas, nais kong ibahagi ang sinabi ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal tungkol sa kahalagahan ng wika.

Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.

Kontrobersyal na RH Bill

Mainit-init na usapan sa kasalukuyan ang Reproductive Health Bill o mas kilala sa tawag na RH Bill. Nagdaos ng malawakang protesta ang Simbahang Katoliko nitong nagdaang Sabado, Agosto 4, 2012, sa EDSA Shrine na nilahukan ng libu-libong Pilipino. Kahit na maulan, dinayo pa rin ang nasabing lugar ng maraming mamamayang ayaw sa nabanggit na panukalang batas. Sumabay naman ang mga pro-RH Bill sa isinagawang protesta sa pagbibigay-impormasyon sa lahat sa pamamagitan ng mga social networking sites. Sa mga slogan na itinataas noong Sabado sa EDSA ay may sagot ang mga pro-RH Bill at ang pinakapinupunto nila ay ang misimpormasyon tungkol sa RH Bill.

Ano nga ba ang RH Bill? Napag-alaman ko sa aking pagsasaliksik na marami palang reproductive health bills ang naipasa na sa Kongreso ng ating bansa. Naisip marahil ng mga nagpanukala ng iba’t-ibang RH bills na ito na ipagsama ang nilalaman ng kanilang mga panukalang batas kaya nabuo ang House Bill 4244 o kilala rin A Comprehensive Policy on  Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population and Development, and for other purposes. Kung gusto ninyong tingnan at basahin ang batas na ito, pumunta kayo rito. Mahalagang mabasa iyan upang hindi maling impormasyon ang makaabot sa atin ukol sa kontrobersyang batas na kinahaharap ng sambayanan. May blog entry rin si Pia Cayetano, isa sa mga senador na sponsor ng nabanggit na batas, para klaruhin ang ilan sa mga probisyon nito. Maaari n’yong mabasa ang kanyang sinulat dito.

Sa totoo lang, maganda ang mithiin ng nabanggit na batas. Tama ang sinasabi ng mga pro-RH Bill na pro-women at pro-poor ito. Isinusulong nito ang tamang pagpapamilya at pagdidisiplina sa pag-aanak. Layunin din nitong pangalagaan ang kalusugan ng mga ina, dahil sila ang pinakanaaapektuhan sa pagpapalaki ng pamilya.

Tanong: Kung magaganda pala ang mithiin ng RH Bill, bakit maraming tumatanggi rito? Dalawa ang pumapasok sa isip ko kung bakit. Kontrasepsyon at moralidad.

Ano ang kontrasepsyon? Ayon sa website na healthofchildren.com, ang kontrasepsyon (o contraception sa Ingles) ay ang pagpigil sa pagbubuntis ng tao sa pamamagitan ng pagkontra sa normal na proseso ng pagdadalang-tao. Marami itong pamamaraan, pero isa sa mga pinakakilala ay ang paggamit ng condoms.

Ang susunod na tanong ay kung moral ba ang paggamit ng mga pamamamaraan ng kontrasepsyon. Isa lang sa mga pamamamaraang kontrasepsyon ang tingin kong pabor ang Simbahang Katoliko at iba pang relihiyon, at ito ay ang abstinence o yung pag-iwas sa pakikipagtalik. Kung iisipin mong mabuti, kung hindi gagawin ang pakikipagtalik ay maiiwasan nga ang mga kinatatakutang bagay na maaaring maidulot ng pakikipagtalik: pagbubuntis at pagkakasakit ng STDs. Pero kung iisipin mong uli, mahirap ang abstinence sa maraming tao, mapupusok man o hindi. Itinuturing na kasi ng iba na isang pangangailangan ang pakikipagtalik dulot na rin ng hormones sa katawan.

Bakit ayaw ng Simbahang Katoliko sa ibang pamamamaraan ng kontrasepsyon? Dyan papasok ang usapin tungkol sa kung kailan nagsisimula ang buhay ng tao. Kung naniniwala kang nagsisimula ang buhay ng tao pag nagsama ang sperm cell ng lalaki at egg cell ng babae, iilan sa contraceptives ay naga-abort na pala (halimbawa, morning-after pill). Maituturing bang aborsyon ang pagpigil sa pagsasama ng sperm cell at egg cell? Kung istriktong depenisyon ng aborsyon ang gagamitin, hindi. Pero ang punto ng ilang anti-RH Bill, dahil sa contraceptives na ito ay napipigilan ang pagkabuhay ng isang tao sapagkat simula pa lamang ay hindi na magsasama ang mga binhi ng lalaki at babae. Bukod dyan, kinukondena ng Simbahang Katoliko ang paggamit ng contraceptives sapagkat bababa umano ang moralidad ng mga tao lalo na sa usaping sekswal. Anila, dadami ang mai-engganyong gumamit ng mga contraceptives dahil sa RH Bill. Mayroon silang punto. Anong punto? Para malaman natin, importante muna nating malaman kung ano ba ang turo nila.

Ano ba turo sa Simbahang Katoliko? Ang turo nila’y hindi maaaring magtalik ang dalawang tao na hindi kasal sa harap ng Diyos at sa mata ng tao. Itinuturing na sagrado ang kasal sapagkat pagkatapos nito’y pinahihintulutan na ang dalawang nag-iibigan na ipakalat ang lahi sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Natatandaan ko noong ako ay nasa hayskul, binanggit ng isang guro sa Religion na dalawa ang tamang dahilan ng pakikipagtalik: procreation at intimacy (natatanging pagpapadama sa asawa ng pagmamahal). Pansining AT iyon at hindi O. At kung susundin natin ang sinabi ng guro kong iyon dati, mali ang pakikipagtalik sa taong di pa natin pinapakasalan. Ngayon, kung itataguyod ng RH Bill ang paggamit ng contraceptives, dadami ang kaso ng mga taong gagamit nito. Hindi ba’t safe sex nga raw ang dulot ng contraceptives, safe from pregnancy and STDS? Kaya nandun ang posibilidad na mahikayat ang maraming taong makipagtalik dahil iisipin nilang di naman sila makabubuntis o mabubuntis at ligtas pa sila sa sekswal na mga sakit.

Kung hindi mo pa alam sa ngayon kung Pro-RH Bill o Anti-RH Bill ako, alamin mo sa mga sasabihin kong ito:

Para sa Simbahang Katoliko: Wag na sanang magkalat ng mga impormasyong nagsasabi ng hindi buong katotohanan. Wag matakot sabihin na maaaring magpababa ng moralidad ng tao pag maipasa ang RH Bill, at sapat na iyong dahilan sa maraming Pilipino upang talikuran ang nasabing batas.

Para sa gobyerno, lalo na sa mga nagtataguyod ng RH Bill: Maganda ang maraming layunin ng batas ninyo. Yun nga lang, nakatatakot ang pagbibigay ng masyadong kalayaan sa taong pumili ng kung anong gusto nila. Tandaan hindi porke’t gusto nila ay tama iyon para sa kanila. Tandaan ding hindi porke’t legal ay moral nang maituturing.

Laban, Pilipinas!

Ilang oras na lamang ay magsisimula na ngayong araw, Hulyo 27, 2012, ang palarong pinakainaabangan sa buong mundo, ang Summer Olympics. Gaganapin ito sa London, United Kingdom ngayong taon. Alamin natin ang maiksing kasaysayan ng palarong ito pati na ang mga mapapalad na Pilipinong kalahok dito.

SINAUNANG OLYMPIC GAMES

Ginanap ang orihinal na Olympic Games noong 8 B.C. hanggang 4 A.D. sa Olympia, Greece. Ayon sa Wikipedia, ang mga larong pinagkumpitensiyahan noon ay ang stadion race (kung saan tinatakbo ng mga kalahok ang habang 590 hanggang 790 pulgada), diaulos (takbuhan sa habang 1,300 pulgada), dolichos (3 kilometrong takbuhan) at hoplitodromos (5 kilometrong takbuhan). Bukod sa pagtakbo, kasama rin daw noon ang boxing (sinaunang pagbu-boksing o pygmel pygmachia), wrestling (pale), pankration (isang klase ng laro noong maihahalintulad sa Mixed Martial Arts ngayon) at chariot race.Ang mga nananalo noon sa sinaunang Olympics ay pinagkakalooban ng olive branch bukod pa sa malaking halaga ng salaping matatanggap nila sa kani-kanilang lugar.

MAKABAGONG OLYMPIC GAMES

Noong 1896 ginanap ang unang makabagong Olympic Games. Si Baron Pierre de Coubertin ang nagtatag ng tinatawag na International Olympic Committee, ang organisasyong nagpapasinaya ng makabagong Olympics. Unang ginanap ang makabagong Olympics sa Athens, Greece bilang paggunita sa sinaunang palaro rito.

Tumagal ng higit isang linggo ang unang taon ng Olympics (Abril 6- Abril 15, 1896). Ito ay nilahukan ng labing-apat (14) na bansa at dalawang daan at apatnapu’t isang (241) atleta. Kabilang sa mga palaro noon ang athletics, cycling, fencing, gymnastics, shooting, swimming, tennis, weightlifting at wrestling. Nagkamit ng pinakamaraming gintong medalya noon ang Estados Unidos (11), na sinundan ng Greece (10). Natalo man sa ginto, nangunguna naman ang huling nabanggit na bansa sa talaan ng may pinakamaraming medalya kasama na ang pilak (silver medal) at tanso (bronze medal).

Courtesy of ABS-CBN

PILIPINAS SA OLYMPICS

Nagsimula ang pagsali ng Pilipinas sa Olympics noong 1924 sa Amsterdam, Netherlands. Mula noong taong yun ay nakapag-uwi na ang ating mga magigiting na atleta ng siyam (9) na medalya, dalawang (2) pilak at pitong (7) tanso. Mailap ang gintong medalya sa atin dahil ni minsan ay di pa rin natin ito nakakamit. Sayang lamang dahil may panahong makukuha na sana natin ito pero dahil sa ilang kadahilanan ay nabigo pa rin tayo. Pinakamagandang halimbawa n’yan ay ang paglaban ni Mansueto “Onyok” Velasco sa larangang ng boksing noong taong 1996 sa Atlanta, Estados Unidos. Inakala ng lahat na maiuuwi n’ya ang gintong medalya dahil sa kanyang pinakitang galing at husay sa pagsuntok sa kalaban. Pero tila iba ang nasaksihan ng mga hurado dahil ang kalaban niyang si Daniel Petrov ng Bulgaria ang pinaburan nila. Umuwi tuloy siyang pilak ang dala-dala.

Ngayong Olympics 2012 ay labing-isa (11) ang kalahok ng bansa sa London. Ayon sa website ng ABS-CBN, ang ating mga kalahok ay sina:

JASMINE ALKHADI

– Swimming (100M freestyle)

MARK ANTHONY BARRIGA

– Boxing (49 kg light flyweight)

DANIEL CALUAG

– Cycling (BMX)

HIDILYN DIAZ

– Weightlifting (59 kg)

RENE HERRERA

– Athletics (5,000 m run)

TOMOHIKO HISHINA

         – Judo (100+ kg, superheavyweight)

JESSIE KHING LACUNA

         – Swimming (200M freestyle)

BRIAN ROSARIO

         – Shooting (skeet)

MARESTELLA TORRES

         – Atheletics (Women’s Long Jump)

MARK JAVIER

         – Archery (Men’s Individual)

RACHELLE ANNE CABRAL

         – Archery (Women’s Individual)

Kahit pa labing-isa lamang silang atleta nating lalaban upang patunayang magagaling ang mga Pinoy sa iba’t-ibang palakasan ay marapat na tayong matuwa dahil kabilang sila sa pinakamagagaling sa buong mundo. Umasa tayong makamit nila ang di pa nakakamit ng sinumang Pilipino, at iyan ay ang makasungkit ng medyang ginto.

Laban, Pilipinas!