Kahalagahan, Kabutihan at Kagandahan ng Pagbabasa

Small boy reading a book (taken from bookriot.com)

Mula pa pagkabata, mahilig na akong magbasa. Laking pasasalamat ko sa aking Mama at Papa sapagkat sila ang nagturo sa akin kung paano magbasa. Oo nga’t sa eskwelahan ko mas natutunan ang iba’t-ibang kasanayan sa pagbabasa pero sa aming tahanan ko unang naramdaman ang saya at nalaman ang importansya ng pagbabasa. Natatandaan ko noong ako’y nasa preschool level pa lang, ginagawa na namin ng aking Mama ang aking mga takdang aralin o binabasa ang mga pinababasa ng guro bago pa n’ya ako payagang makipaglaro sa labas kasama ng aking mga kaibigan. Noong ako’y nasa mababang paaralan, tinututukan ako ng aking Papa sa pagbabasa at pagri-review tuwing ako’y may mga eksamen. Tuwang-tuwa ako noon pag bakasyon sapagkat nakakapunta ako kina Lolo at Lola para makabasa ng encyclopedia. Masayang tumuklas ng mga bagay na di ko pa nalalaman at pag-aralan pang maigi ang mga bagay na interesante para sa akin. Ang saya-saya ko  rin noon pag may nagriregalo sa akin ng libro tuwing Pasko o kaarawan ko. Laking tuwa ko rin pag nakabili na kami ng mga libro sa eskwela pagka-enroll sapagkat bubuklatin ko na ang mga ito at sisimulang basahin. Di man buong araw, ang pagbabasa ko ng mga librong ito ay di pumapalya kahit ilang oras lamang. Malaki ang pasasalamat ko sa aking Lolo sapagkat sa kanya ko nakuha ang hilig sa pagbabasa ng mga pahayagan. Nang mauso ang internet, tuwang-tuwa ako sapagkat mas lumawak ang seleksyon ng aking pwedeng basahin. May ideya na siguro kayo kung gaano ako kasaya sa pagbabasa, ano?

Reading-is-to-the-mind-what-exercise-is-to-the-body.

Ano ba ang Importansiya ng Pagbabasa?

Ayon sa website ng Gemm Learning, maraming mabubuting epekto ang pagbabasa. Sinasabi rito na ang pagbabasa ay isang importanteng life skill. Mahihirapan umano sa pag-aaral ang mga batang nagkakaproblema sa pagbabasa (lalo na siguro kung hindi ito maaagapan agad). HIgit pa silang mahihirapan sa paghahanap ng trabaho, pagiging independent at pagiging mabuting mamamayan, magulang o manggagawa kung sila man ay makapagtapos.

Ang pagbabasa rin daw ay isang mabuting pagi-ehersisyo sa ating utak. Sinasabing mas demanding ito kumpara sa panonood ng telebisyon o pakikinig sa radyo. Ani Maryanne Wolf, director ng Center for Reading and Language Research sa Tufts University, sa pagbabasa raw ay mas mapipilitan tayong gumawa ng naratibo (narrative) at mag-imagine. Sa pagbabasa raw kasi, mas may oras tayong mag-isip. Kumbaga maaari tayong huminto para sa pag-intindi (comprehension) at pagkuha sa tunay na kahulugan at implikasyon(insight) ng ating binasa. Ang pagbabasa ay nakatutulong din sa concentration at attention skills.

Dagdag pa ng website, ang pagbabasa rin ay nakatutulong sa pagtaas ng ating bokabularyo. Totoo ito sapagkat sa pagbabasa ng iba’t-ibang babasahin ay makakaharap natin ang mga salitang pamilyar at di pamilyar. Sa pagkaintindi natin sa ating mga binasa ay mauunawaan natin ang mga salitang bago pa lamang sa atin.

Nakatutulong din ang pagbabasa sa pagtaas ng tiwala sa sarili ng isang tao. Sinasabi na isa umanong chain reaction ang nangyayari: pag tayo ay laging nagbabasa, marami tayong malalaman; pag marami tayong nalalaman, marami ang mga taong hihingi sa atin ng mga kasagutan tungkol sa iba’t-ibang bagay; pag maraming tao ang humihingi sa atin ng tulong, matutulungan tayo nitong mas bumiti ang pagtingin at tiwala natin sa ating mga sarili.

Isa pa sa mga sinasabing magandang epekto ng pagbabasa ay ang paghasa sa ating creativity. Dahil nai-expose tayo sa mga bagong ideya at mas maraming impormasyon sa pamamagitan ng pagbabasa, maaaring magkaroon ng pagbabago (ikabubuti o ikagagaling) sa paraan ng ating pag-iisip.

Reading Boy (taken from chatt,hdsb.ca)

Dagdag ng Reader’s Digest, ang mga mabuting naidudulot pa ng pagbabasa ay ang mga sumusunod:

  1. Mas natututunan nating ang empathy. Sa pag-intindi natin umano sa mga karakter ng mga istoryang ating binabasa, mas nahahasa ang pag-intindi natin sa pakiramdam ng ibang tao.
  2. Pinababata nito ang ating mga utak. Nabanggit ko kanina na naiehersisyo ito, at dahil dito ay lagi itong nagagamit at bumababa ang posibilidad ng pagkakaroon natin ng mga sakit tulad ng Alzheimer’s Disesase.
  3. Nakatatanggal ito ng stress. Sinasabing bumababa ang stress-inducing hormones na tulad ng cortisoli sa tuwing tayo ay nagbabasa ng libro.
  4. Nagbibigay motibasyon ang pagbabasa. Sa pagbabasa tungkol sa isang tao o karakter na nakalampas sa mga pagsubok para marating ang gustong marating ay magbibigay sa atin ng motibasyon para gawin natin ang ating personal na mithiin.
  5. Mararamdaman nating tayo ay mas konektado sa ibang tao. Kapag nakaka-identify tayo sa mga karakter ng mga istoryang ating binabasa, makatutulong itong makaramdam tayo ng isang real-life relationship na maaaring magdulot sa atin ng pakiramdam na tayo ay bahagi ng isang grupo (inclusion).
  6. Makaliliwanag ito ng ating araw. Magandang ending man o maliliit na detalye sa istorya kung saan ay makaka-relate tayo ay may malaking epekto sa ating pakiramdam.
  7. Mas makatitipid tayo. Kumpara sa panonood ng pelikula, pagpunta sa mga amusement park o pagkain sa labas, ang pagbabasa ay isang maganda at matipid na paraan para malibang.

Iilan pa sa mga dagdag na mabuting epekto ng pagbabasa mula sa website na LifeHack ay ang:

  1. Mas matibay na thinking skills. Sa pamamagitan ng pag-alala at pag-intindi sa mga nangyari sa ating binabasa ay mahahasa ang ating analytical at critical thinking skills.  
  2. Mas mabuting writing skills. Dulot na rin ng mas maigting na bokabularyo, ang pagbabasa ng mga magaganda at mabubuti ang pagkakagawa na mga libro at iba pang babasahin ay magkakaroon ng magandang epekto sa pagsusulat ng mga nakababasa sa mga ito. Maaaring may matutunan tayo sa iba’t-ibang estilo ng mga manunulat ng mga babasahing ating binabasa.

Ang haba ng blog post kong ito, ano? Ayos lang yan. Marami ka namang natututunan e. Ang magandang balita niyan, hindi pa ito tapos sapagkat may mga gusto pa akong sabihin. Hehe.

Book Club

The Thursday Book Club! Ruel, Rosy, Isa, Meng, Sonny and I. Wala sa mga larawan ang unang nakaisip na magtatag kami ng isang book club, si Zia.

The Thursday Book Club! Ruel, Rosy, Isa, Meng, Sonny and I. Wala sa mga larawan ang unang nakaisip na magtatag kami ng isang book club, si Zia.

Nakaka-miss ang magkaroon ng isang book club. Taong 2012 nang magtatag kami ng ilang mga kaibigan ng isang book club kung saan bawat isa sa amin ay mamimili ng librong babasahin at pag-uusapan ang tungkol dito sa katapusan ng buwan (isang libro, isang buwan. Tinawag naming itong Thursday Book Club dahil tuwing Huwebes kami laging nagkikita at naglalaan ng ilang oras pagkatapos ng trabaho (sa huling Huwebes ng buwan) upang mapag-usapan ang libro na aming binasa. Isang libro lamang sa isang buwan ang amin noong pinag-uusapan at ang namili ng libro ang siyang moderator ng pagpupulong na aming gagawin sa buwan na iyon. Ang ilan sa mga binasa at pinag-usapan naming mga libro ay ang mga sumusunod: The Gospel According to Jesus Christ ni Jose Saramago, World War Z ni Max Brooks, The Tale of Two Cities ni Charles Dickens, The Little Prince ni Antoine de Saint- Exupery, Everything’s Eventual ni Stephen King, The Rose & The Beast – Fairy Tales Retold ni Francesca Lia, Battle Hymn of the Tiger Mother ni Amy Chua, Life of Pi ni Yann Martel at Men are from Mars, Women are from Venus ni John Gray. Nakatutuwa ang ginagawa namin noong pagbibigayan ng opinyon at komento tungkol sa aming mga binasa. Masasabi kong lumawak talaga ang aming perspektibo sa iba’t-ibang bagay at nakatulong ito sa pag-intindi at pag-unawa namin tungkol sa iba’t-ibang tema at isyu. Umaasa ako na sa darating na bagong taon ay manumbalik ang aming book club para mas mahasa at mas gumaling kami sa pag-intindi sa mundong ating ginagalawan.

Huling Salita

Sa totoo lang, napakagandang gawain ng pagbabasa. Ang dami nitong magagandang epekto tulad ng mga nabanggit sa itaas. Ayaw mo bang pansamantalang iwanan ang mundong iyong ginagalawan upang maglakbay sa mundo ng iyong imahinasyon? Gusto mo bang makahanap ng pansamantalang katahimikan mula sa napakaabalang mundo na iyong ginagalawan? Gusto mo bang makakilala ng mga karakter na tutulong sa iyong makaunawa ng iba’t-ibang personalidad sa tunay na mundo? Higit sa lahat, nais mo bang tumuklas ng maraming bagay at maunawaan ang mga bagay-bagay na nakaaapekto sa atin? Kung gayun ay magbasa ka. Ano man ang edad mo sa ngayon, hindi iyan hadlang para hindi ka magbasa. Hinding-hindi pa huli ang lahat. Hala, maghanap na ng babasahin at simulan mo na!

Seryoso kunwari sa pagbabasa. Hehe.

Seryoso kunwari sa pagbabasa. Hehe.

P.S.

Malaki ang pasasalamat ko sa mga pelikulang Harry Potter at The Hunger Games na hango sa mga popular na libro nina J.K. Rowling at Suzanne Collins. Ang mga pelikula kasing ito ay nahikayat at patuloy na nahihikayat ang mga tao, bata man o matanda, na bumalik sa pagbabasa ng mga libro. Fictional books man ang mga ito, malaki pa rin ang nagagawa ng mga ito upang mapamahal ang mga mambabasa nila sa pagbabasa mismo. Tama, hindi ba?

Advertisements

Wolven

Ang pangalan sa itaas ang ginagamit ko sa tuwing maglalaro ako ng online games. Naisip ko lang ang pangalang ito isang araw noon habang naglalaro, at mula noo’y palagi ko na itong ginagamit. Tunog lobo kaya tunog maliksi at malakas, mga katangiang gusto mong ipakita kung ikaw ay naglalaro kasama ng iba. Una ko itong ginamit noong nakikipaglaro ako ng Warcraft III: Defence of the Ancients (DotA) isang bakasyon kasama ng aking mga kapatid. May batas kasi ako sa sarili noong kolehiyo na pag may pasok, bawal maglaro, kaya nakakasama lang ako kapag wala ng klase. Natatandaan kong ginamit ko rin ito noong nakikipaglaro kami ng nabanggit na laro sa aming mga pinsan tuwing magpa-Pasko.

Hindi naman ako madalas naglalaro ng online games, lalo na nung nagsimula akong magtrabaho. Sa katunayan, higit isang taon na akong hindi naglalaro ng mga laro sa Facebook. Pero may panahon na napapadalas kong gamitin ang pangalan kong Wolven, lalo na ngayon. Di alintana sa lahat ng gamers na kakalabas lang nung isang buwan ang isa sa mga pinakamagandang larong ginawa para sa kompyuter: ang Diablo III. Sa totoo lang, nung una kong narinig ang pangalan ng larong ito higit 10 taon na ang nakalilipas, hindi ako natuwa. Bakit ba naman kasi gagamitin ang pangalan ng masamang nilalang sa isang laro, hindi ba? Pero nung nalaman ko kung bakit iyon ang pangalan, ayos na rin sa akin. Bukod doon ay maganda ang pagkakakagawa ng laro kaya maraming tao sa buong mundo ang talaga namang nag-abang sa ikatlong edisyon nito, ang Diablo III nga.

Siguro marami ang nagtataka kung bakit maraming oras ang ginugugol ng isang manlalaro sa mga online game. Kung magtatanung-tanong ka, malamang ang isasagot sa iyo ay nakakalibang kasi ito. Bukod doo’y paraan din ito ng mga magkakapamilya o magkakaibigan na mag-bonding kahit papaano. At para naman sa akin, nakakapagpasaya kasi ito. Hindi lang iyan. May mga pag-aaral na ginawa para imungkahi ang paglalaro ng mga computer games dahil may mga magaganda rin itong epekto. Ayon sa artikulong, When Gaming is Good for You, ng Wall Street Journal, nakakapaganda raw ang paglalaro ng video games ng pagkamalikhain, pagdi-desisyon at pati na rin persepsyon. Ispesipikong epekto naman daw ang mas magandang koordinasyon ng mata at kamay, na parehong ginagamit sa paglalaro. Para naman sa akin, nakakapagpataas ng morale ang paglalaro ng mga computer games ng isang tao. Isama mo na rin diyan ang kumpiyansa sa sarili. Wag ding kalimutan ang pagtalas ng galing sa istratehiya. Mahirap ang ibang mga layunin sa mga laro, kaya kailangang umisip ng paraan ang gamer kung paano magagawa ang mga layunin na ito. Para sa mga hindi naglalaro, tandaan n’yong ang mga nilalaro sa kompyuter ay hindi maisasalarawang “patayan” lang. Wala naman talagang namamatay kung hindi mga likhang karakter lamang at parte lamang ito ng buong larong iba’t-ibang bagay ang ipinapakita.

Kung maraming naidudulot na maganda ang paglalaro ng online games, marami rin ang masasamang epekto nito lalo na kung sobra. Sabi nga nila, anumang sobra ay hindi maganda at akma rin iyan sa paglalaro. Ayon sa artikulong, Playing too many video games may be bad for you too, grown-ups, ng Time Magazine, nakakadagdag timbang at nakakababa ng pagiging sociable (marunong makisama) at assertive (maihahalintulad sa pagiging mapanghikayat) sa isang tao ang masyadong paglalaro ng video games. Ayon naman sa isang artikulo mula sa raisesmartkid.com, ang ilang laro raw sa kompyuter ay maling pag-uugali ang naituturo sa mga bata. Sang-ayon ako rito sapagkat di maiiwasang magkaroon ng mga temang bayolente at masama ang mga ganitong uri ng laro. Kaya kailangang alam ng mga magulang ang nilalaro ng kanilang mga anak na bata upang magabayan sila ng tama habang naglalaro.

Sa mundo nating ginagalawan, masyado tayong malaya upang gawin natin ang mga gusto nating gawin lalo na kung may kapasidad tayong gawin ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin n’yan na gagawin na lang natin ang mga ninanais nating gawin tulad ng paglalaro ng video games. Kailangan pa rin nating isaalang-alang ang ating mga responsibilidad at katungkulan bago ang lahat. Sa totoo lang, masaya ang paglalaro ng online games, pero mas masaya kung alam nating wala na tayong ibang dapat isipin kung hindi ang paglalaro lang. Kaya kung ikaw ay manlalarong tulad ko, laro na! Basta ba nagawa mo na ang mga dapat mong gawin eh! Hehe.