Dama Mo Ba Ang Kapaskuhan?

Christmas Lights

Christmas decor sa Ayala Fairview Terraces

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi. Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon, nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo, pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi, hindi pa gaano.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang mga himig pang-Pasko sa radyo kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre, humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Sa totoo lang, pakiramdam ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Haha. Noong mas tumanda na ako ng kaunti, mas inaabangan ko na ang mga reunion kasama ng mga kamag-anak namin. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa probinsiya ng Ilocos Sur para bisitahin ang mga kamag-anak namin doon. Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng bakasyon. Free time e!

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo. Haha. Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili (pati na rin sa kapwa syempre).

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa harap natin mismo?

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala (ngayon siguro dahil binabasa mo ito, haha), isipin mo kung para saan ba at ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

Maniwala ka.

image

Advertisements

Panahon ng Kwaresma

Para sa ating mga Katoliko at iba pang kasapi sa denominasyong Kristiyanismo, mahalagang pinagdiriwang ang Resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Taun-taon ay maraming aktibidad ang ating ginagawa para rito tuwing panahon ng Kwaresma (Lent). Tayo ay sinasabihang mangumpisal ng ating mga kasalanan, lalo na kung matagal na yung huli nating kumpisal. Tayo rin ay sinasabihang mag-visita iglesia kung kailan pinupuntahan ang 7 o 14 na simbahan upang dasalin ang 14 na mga Istasyon ng Krus. Di rin nawawala ang pagpunta sa mga retreat o rekoleksyon na isinasagawa sa ating mga parokya. Tayo rin ay inaalok na lumahok sa iba’t-ibang gawain lalo na tuwing Biyernes Santo. Pero, dalawa sa kailangan talaga nating gawin ay ang pag-aayuno at ang pagngingilin.

Ano ang pag-aayuno at pagngingilin?

Pagpatak ng Kwaresma, lahat ng mga Katolikong nasa edad 14 pataas ay kinakailangang mag-ayuno at mangilin. Ano ang pag-aayuno? Ang pag-aayuno (o mas kilala sa tawag na fasting sa Ingles) ay ang hindi pagkain ng kumpleto sa mga araw ng Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday), Biyernes Santo (Good Friday) at lahat ng Biyernes sa panahon ng Kwaresma (Lent). Maari lamang kumain ng isang buong kain (meal) at maliliit na bahagi ng pagkain sa buong araw. Ang pagngingilin naman (o mas kilala sa tawag na abstinence sa Ingles) ay ang pag-iwas sa pagkain ng karne (pati na mga sabaw na gawa rito) sa mga araw na nabanggit kanina. Ang maari lamang kainin ay ang karne ng isda. May nabuo ring anyo ng pagngilin sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga bagay o gawain na tipikal nating gusto bilang tanda na rin ng paghingi ng tawad.

Bakit ginagawa ang pag-aayuno at pagngingilin?

Una nating alamin kung bakit ba mayroong Kwaresma. Ang kwaresma ay ang paggunita sa 40 araw na pag-aayuno ni Hesus sa disyerto hanggang sa Kanyang pagkakapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay. Nagsisimula ang Kwaresma sa Miyerkules ng Abo at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday). Kung ating bibilangin, lalampas sa 40 ang araw mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay. Ang dahilan dito’y hindi isinasama sa bilang ang bawat Linggo na nakapaloob sa Kwaresma.

Ayon sa sulat na ito ng Santo Papa noong taong 2009, tayo ay kailangang mag-ayuno upang mailayo tayo sa kasalanan at sa lahat ng nauugnay dito. Bukod sa ginagaya natin ang ginawa ni Kristo nung Siya ay nasa disyerto, ito rin ay isang paraan ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Bukod dito, ang pag-aayuno at pagngilin ay mga paraan upang mabuo ang disiplina natin sa sarili. Higit kasi sa pagsunod sa utos na pagtitiis sa hindi pagkain ng marami at pag-iwas sa karne, kinakailangang isapuso ang pagbabago sa pamamagitan ng pagtatama sa ating mga ugali (Isaias 58:6-7). Kung nabasa ninyo ang huling bahagi ng sulat ng Santo Papa, nawa raw ay maiiwas natin ang sarili mula sa mga bagay na hindi mahalaga sa ispirito at lumago tayo sa anumang paraan sa kaluluwa upang maidulot tayong mahalin ang Diyos at ang tao. Kumbaga, higit pa sa pag-iwas sa pagkain ng marami at karne ang kailangan nating gawin. Sa panahon ng Kwaresma, binibigyan tayo ng oras hindi lamang upang magpahinga sa mga palagian nating ginagawa (trabaho, laro, lakwatsa), kung hindi para ilapit muli ang sarili o magbalik-loob sa Diyos, kung tayo ay napariwara sa Kanya.

Ang Pinakaimportanteng Bagay na Dapat Mong Malaman

Itinuturing na pinakaimportanteng kaganapan sa mundo ng Kristiyanismo ang resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Ito kasi ang kaganapan kung saan sa ikatlong araw ng Kanyang pagkamatay, Siya ay nabuhay muli at umakyat sa langit. Alam nating si Kristo ang bugtong na Anak ng Diyos at siya ay nagkatawang-tao upang mamuhay kasama ng mga tao, nagturo ng Salita ng Diyos at gumawa ng mga milagro. Ngunit, dumating ang araw na Siya ay kinainggitan, ipinagkanulo, pinatawan ng parusang kamatayan kahit di napatunayang nagkasala, pinatungan ng tinik sa ulo, pinaghahampas, pinabuhat ng mabigat na krus, ipinako rito at namatay. Bakit Niya hinayaang maghirap, magdusa at ibigay ang sarili Niyang buhay gayung Siya ang Panginoon, Ikalawang Persona ng Diyos? Ang sagot: sapagkat tayo ay mahal Niya. Kaya rin, sa Kanyang pagkabuhay muli, ang kaligtasan natin ay nasigurado na. Wag na wag kakalimutan na ang ginagawa natin ngayong Mahal na Araw ay bilang paggunita sa mga kaganapang iyon.

Ilang Paalala

Gamit-gamit ang natutunan ko noon sa hayskul, nabasa sa mga libro at iba’t-ibang website sa internet ay aking nakuha ang mga impormasyong ito at ngayo’y pinapabasa sa iyo. Hindi ko sinasabing ang lahat ng nakalagay dito ay kailangan mong paniwalaan. May kanya-kanya tayong paniniwala, at ating respetuhin ang mga ito. Bilang Katoliko mula pagkabata hanggang ngayon, naisip kong kailangang malaman ng kapwa ko Katoliko (pati ng ibang tao na naniniwala kay Kristo) kung bakit importante ang ilang mga ginagawa tuwing Kwaresma (tulad ng pag-aayuno at pagngingilin) at kahalagahan ng selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay. Iba ang paggawa lamang dahil sa tradisyon o sa nakaugalian sa paggawa na nanggagaling sa isip, puso at kaluluwa.

Kung gusto mo pang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito, sumangguni sa mga sumusunod:

  1. Bibliya (lalo na libro ni Mateo)
  2. Katekismo para sa Pilipinong Katoliko
  3. Sulat ng Santo Papa noong Panahon ng Kwaresma, taong 2009. http://www.vatican.va/holy_father/benedict_xvi/messages/lent/documents/hf_ben-xvi_mes_20081211_lent-2009_en.html
  4. Website ng organisasyon ng mga Amerikanong Katoliko. http://www.americancatholic.org/newsletters/CU/ac0302.asp#F2
  5. Website na pang-Katoliko. http://www.fisheaters.com/fasting.html