Kahihiyan sa MMFF

 My_Little_Bossings

Ilang araw na rin ang nakalipas mula nang natapos ang dalawang linggong pagpapalabas ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Hindi na ngayon pinapalabas ang mga pelikulang di gaanong pinilahan, o yung mga pelikulang tinatawag nilang nilangaw sa takilya. Sa kabilang banda, palabas pa rin ang mga pelikulang tumabo sa takilya sa maraming mga sinehan sa loob at labas ng Metro Manila. Isang mahalagang tanong: Kapag ba pinipilahan sa takliya, maganda na ang isang pelikula?

Alam natin ang sagot sa tanong na iyan. Hindi. Pero alamin natin kung bakit.

Ayon sa mga balita, ang tatlong pinakatumabo sa takilya  ay ang Boy, Girl, Bakla, Tomboy ng Star Cinema at Viva Films, My Little Bossings ng OctoArts Films, M-Zet, APT at Kris Aquino Productions at Pagpag: Siyam na Buhay muli ng Star Cinema at Regal Films. Isa lang sa mga ito ang pinanood ko, ang Pagpag: Siyam na Buhay. Maayos-ayos naman ang pelikula, may mga nakagugulat na eksena, may mga eksenang nakatatawa. Yun nga lang, walang bago para sa panlasa kaya hindi ko gaanong irirekomenda lalo na sa mga talagang fans ng horror films. Kung gusto nyo pang malaman kung bakit, basahin ninyo ang aking movie review sa isa ko pang blog.

Girl,_Boy,_Bakla,_Tomboy

Pumunta naman tayo sa isa pang pelikulang nabanggit, ang Girl, Boy, Bakla, Tomboy. May kasaysayan ang Star Cinema sa paggawa ng de kalibreng pelikula, mapa-drama man o komedya. Nitong mga nagdaang taon, mas tumututok sila sa paggawa ng mga romantic-comedies o rom-com dahil na rin ang genre na ito ang inaantabayanan ng maraming tao na gustong kiligin mula sa mga paboritong artistang nila o kaya takbuhan panamantala ang kani-kanilang buhay upang sumaya saglit sa paglilibang. Nitong mga nagdaang taon din, isa sa mga lagi nilang ipinapalabas sa MMFF ay pelikulang komedya tampok ang ilan sa mga pinakasikat nilang artista. Sinasabing may puso ang mga komedyang ito, may mga nakakatawa talagang eksena pero may mga di masyadong patok sa panlasa. Corny kumbaga.

An Open Letter to Vic Sotto (mula sa blog ni Lourd de Veyra)

An Open Letter to Vic Sotto (mula sa blog ni Lourd de Veyra)

Ang pinakapinag-usapan naman sa mga nabanggit kong pelikula ay ang My Little Bossings nina Vic Sotto, Kris Aquino, Ryzza Mae Dizon at Bimby Yap. Bakit naman hindi ito pinag-usapan, isa na naman daw walang kakwenta-kwentang pelikula mula sa tinatawag pa man ding Prinsipe ng Komedya ang pelikulang ito. (Sa totoo lang, mas gusto kong tawaging Comedy Prince si Joey de Leon dahil ibang klaseng magpatawa ang kumpareng ito ni Bossing, na mas maikukumpara sa pagpapatawa ni Pidol, ang Comedy King, kung tutuusin.) Biruin mong nanalo pa raw ito ng 3rd Best Picture sa MMFF Awards? Ano kayang kalokohan iyon, ano? Kung ikaw ay isang magiliw na mambabasa ng mga artikulo sa internet, lao na iyong mga pinoposte sa mga social networking site, nabasa mo na siguro ang blog post ni Lourd de Veyra na naglalamang ng isang open letter para kay Vic Sotto. Anong nilalaman ng sulat niyang ito? Alamin natin.

Nanood si Lourd ng pelikulang, My Little Bossings. At ang laki ng problema nya rito. Binanggit niya ang mga nasa ibaba kasama na rin ng aking opinyon tungkol sa mga isyung kanyang binanggit.

  • “Gaano n’yo ba kabilis ginawa ito? May pakiramdam (akong) parang tatlong araw lang eh, parang minadali, or what we in our circles refer to as: PNY (“Pwede na ‘yan.”) [Maling-mali ang itinuturo kung talagang PNY ang pelikula, na kesyo kulang ang oras o abala ang mga artistang parte nito. Hindi sapat na dahilan ang mga ito. Bakit pa kayo gumawa ng pelikula? Para lamang kumita???)
  • “Hindi kami nagbayad ng P220 para bentahan ng pancit canton, tinapay, sabong panlaba, cough syrup, at kung anu-ano pang produkto ang ini-endorse ninyong dalwa ni Kris Aquino. Ganoon ba kayo ka-desperado? Hindi naman siguro.” [Hindi ba’t may commercial breaks tayo sa mga telebisyon at pelikula para sa mga ito? Ang kakapal talaga pag ilalagay pa sa mismong pelikulang pinapanood!]
  • “Bossing, heto lang talaga ang gusto kong sabihin. Ngayon ikaw ay nasa maimpluwensiyal at makapangyarihang posisyon. Kaya mong gumawa ng makubuluhan, isang pelikulang maipagmamalaki ng lahat sa punto de bista ng kultura at estetiko.” [Hindi ba’t dati pa niya dapat ito ginawa? Sukang-suka na ang mga nag-iisip na manonood ng pelikula sa mga tila walang kabuluhan niyang mga pelikula taun-taon.]
  • “Hindi ka na rin bumabata. Panahon nang gumawa ka ng pelikulang puwede mong ipagmalaki sa lahat- mula sa iyong mga magiging apo hanggang sa mga “supladong” kritiko. Minsan kasi may punto rin sila.” [Hindi lang minsan, kundi madalas.]
  • “Nasa posisyon ka nang kumuha ng mahuhusay na manunulat at director na kayang magbalanse ng komersyal na elemento at ng tinatawag na na diskurso sa kondisyong mortal. [Isang patama sa director ng pelikula nilang si Marlon River? Malamang.]
  • Tingin ko naman ay pwede kang gumawa ng pelikulang nakakaalliw at pipilihan ng buong pamilya- na hindi sinasakripisyo ang kalidad ng kwento. Ang tagal mo nang kumikita, bossing. Malaki-laki na rin ang naibigay sa’yo ng taumbayan. Oras na siguro para sila ay suklian. Magbalik ka naman. To whom much is given, much is required, ika nga ng Bibliya. [Napakalking hamon ito para kay Vic Sotto. Ang tanong ay hindi “Kaya kaya niya?” kundi “Gawin niya kaya?”]

Huling Salita

Nagpapasalamat ako kay Lourd de Veyra dahil may isang kilala sa mundo ng telebisyon at panulat ang tumayo at nagsabi sa isang higante sa larangan ng showbiz ang malaking problemang ito sa entertainment media. Taun-taon na lang kasi’y maraming mga walang kabuluhang pelikula ang inihahain sa mga mata’t kaisipan ng mga mamamayang manonood. Biruin mo, higit kumulang sa P200 ang ibinabayad ng bawat isa para lamang manood ng sine? At anong nakukuha? Mababaw o kaya hindi kapani-paniwalang istorya, kaunting luha dito, maraming corny jokes dyan, at wala o kaunting aral ang mahihita. Hindi na ba sila nagsasawa? Kaya, Bossing Vic Sotto at iba pang manggagawa ng pelikulang Pilipino, sana tablan kayo ng mga salita ni Ginoong de Veyra. Di masamang kumita, pero sana pantayan n’yo naman ang ibinabayad ng mga manonood. Kumbaga, gawin nyong sulit ang paggastos namin ng pera. Wag n’yo sana kaming lokohin at dayain sa mga ka-cute-an o kaya pagpapakilig lang ng mga artisita ninyo. Nasa posisyon kayo para magpakita hindi lamang ng magandang pelikula, kundi ng isang obra maestra sa pagbibigay ng aral, pagtaas ng moralidad o pagbusog sa kamalayan at pag-iisip ng mamamayang Pilipino.

P.S.

Apat sa walong kalahok sa MMFF ang napanood ko, at isa na nga rito ay ang Pagpag: Siyam na Buhay na nabanggit ko kanina. Ang pinakamaganda sa kanila ay ang Boy Golden, ang pelikula ni E.R. Ejercito at KC Concepcion. Wag kayong matakot panoorin ang pelikula dahil hindi ito basta-basta ginawa. Si Chito Rono ang nagdirihe nito at natitiyak kong kakaibang karanasan ang makukuha ninyo pag pinanood nyo ito. Maayos din ang 10,000 Hours na tinanghal na Best Picture sa MMFF Awards dahil sa magandang pagdirihe at kakaibang suspense at aksyon na dulot nito. Napasobra nga lang ang tagal sa gitnang bahagi nito pero isang makabuluhang pelikula pa rin naman kung tutuusin. Napanood ko rin ang prequel ng Kimmy Dora pero hindi ko ipinapayong panoorin nyo ito. Magaling si Eugene Domingo, pero walang makapagsasalba sa natitirang manipis na istorya ng kambal na kiyeme.

Movie posters ng 10,000 Hours, Boy Golden, Kimmy Dora, Pagpag: Siyam na Buhay

Advertisements

Conspiracy sa Pamahalaang Aquino

Phil Conspiracy

Kamakailan lang ay naglabas ng ulat ang dating senador na si Kit Tatad sa pahayagang Manila Standard Today na nagsasabing bago pa man opisyal na sumuko ang sinasabing mastermind ng Pork Barrel Scam na si Janet Napoles ay nakipag-meeting muna umano siya sa Pangulong Noynoy Aquino kasama na ang ibang miyembro ng gabinete. Nakagugulat na rebelasyon ito, sapagkat pinalalabas lang nito na ginogoyo tayong mga Pilipino ng mga hinalal nating pinuno. Naiisip nyo ba ang implikasyon nito? Kung totoo man ang balita, ibig sabihin nito’y:

  1. Kasabwat ang Malakanyang at mga miyembro nito sa Pork Barrel scam
  2. Ang pagpupulong ay isinagawa upang maiplano nang maigi ang mga gagawing hakbangin ng gobyerno kaugnay sa kaso ni Napoles
  3. Sina Noynoy Aquino, Mar Roxas at iba pang kilalang pulitikong may mataas na posisyon ay gagawin ang lahat upang pagtakpan ang kanilang kaugnayan kay Napoles na kinikilala ngayong isang gahaman at mandarambong na tao
  4. Malalim pa ang ugat ng Pork Barrel scam na ito, at hindi lamang ang mga nakasuhan na noong nakaraang Lunes, Setyembre 16, 2013, ang mga sangkot dito.

Kung totoo ang mga nabanggit kong implikasyon sa taas, aba’y nakatatakot nang manirahan dito sa ating bansang Pilipinas. Mantakin mong tila wala na pala tayong mapagkakatiwalaang tao sa gobyerno! Ibig sabihin nito’y lahat sila na nasa matataas na posisyon ay magkakasabwat , gagawin ang lahat upang makalikom ng pera sa pamamagitan ng pagnakaw sa kaban ng bayan! Ang mga pulitiko namang walang intensyong gawin ito ay nagkikibit-balikat na lamang at marapat na nadadamay sapagkat wala silang ginagawa upang masupil ang kalokohang ito na nagaganap sa loob ng maraming taon. Mahirap sabihin at mas mahirap tanggapin ang katotohanan, pero sa di nila paggawa ng kahit ano upang maituwid ang mga pagkakamaling ito ay masasabing pinuprotektahan nila ang mga taong sangkot sa kalokohan.

Nabanggit ko sa nakaraang kong blog ang conspiracy theory. Ang mga tao ngayon sa gobyerno ay tila nagku-conspire upang pagtakpan ang malaking pandarambong na nagaganap sa bayan. May babanggiting mga pangalan tulad na nga lamang nina Sexy, Tanda at Pogi pero naniniwala ba kayong sila lang at ang kanilang mga staff ang kasama rito? Syempre, hindi. Sa ilang taong panunungkulan ng mga iyan sa poder, nawili na sila sa kanilang ginagawa at malamang ay gagawin nila ang lahat upang ipagtanggol ang sarili kahit na huling-huli na sila base sa mga ebidensiyang nanggaling sa mga whistleblower pati na sa mga kumakalat na ulat at larawan sa internet. Di ba kayo nagtataka minsan kung bakit may mga pagsabog na nangyayari bigla pag may malalaking balita? Balikan ninyo ang mga naganap nitong mga nakaraang buwan at magtataka rin kayo kung bakit. Pinakamaaalala n’yo siguro ay yung pagpapa-interview ni Kris Aquino kasama ng kanyang mga kapatid dahil di umano sa pananakit sa kanya ni James Yap. Ano ang malaking balita nung mga panahong iyon? Ang isyu ng pag-aari sa lugar ng Sabah. Sinasabing ginagawa umano yan hindi lang ng ating gobyerno kundi pati ng iba pang gobyerno sa mundo upang maiiwas ang napakaimportanteng isyu sa walang kakwenta-kwenta o wala masyadong saysay na usapin gaya ng sa eskandalosang kapatid ng pangulo. May bulong noong mga panahong iyan na kinausap lang talaga ang basketbolistang si Yap dyan para nga mai-divert ang atensyon ng tao. Isip pa kayo ng ibang mga importanteng isyu dati na natabunan na lamang dahil sa mga mabababaw na isyu gaya ng showbiz.

images (5)Pero ibang usapan na ngayon. Di na kasi madaling makalimot ang tao. Pasalamat tayo sa social media gaya ng Facebook, Twitter at Instagram sapagkat laging naipapaalala sa mga tao kung ano ang makabuluhan at hindi naikukubli ng ibang media (television networks, OO, kayo yan) ang katotohanan sa mga makabuluhang bagay na ito, Sinasabing ang giyera ngayon sa Zamboanga ay isa na namang diversionary tactic upang maiiwas ang mata ng publiko sa Pork Barrel Scam. Napaka-walang puso kung gayun ang nag-isip at nagsasakatuparan niyan ngayon kung sakaling gawa-gawa lamang ito sapagkat maraming buhay ang nasasalanta at naaapektuhan dahil dito.

Ano ba ang punto ko sa pagsusulat ng blog post na ito ngayon? Simple lang. Para mamulat tayong mga nakababasa nito ngayon. Mamulat saan? Mamulat sa totoong nangyayari sa lipunan. Ano ba ang nangyayari sa lipunan? Panlilinlang, pansasamantala at pandarambong. Nino at kanino? Malamang, alam mo na ngayon.