Hayskul

Walong taon na pala ang nagdaan nitong Marso mula nung nakapagtapos kami ng mga kaklase ko sa hayskul. Mula  noon, napakarami na ng mga nangyari. Nakakatuwa dahil may mga ikinasal na, may mga nanay at tatay na, at syempre, may mga single pa rin hanggang ngayon. Marami na ang nakatapos sa kolehiyo at naging ganap ng mga inhinyero, nars, arkitekto, mandaragat, at iba pa. May mga nagtatrabaho sa oursourcing industry at mayroon din sa gobyerno. May mga nagtatrabaho sa ibang bansa pero may mga nananatili pa rin dito. May ilan din na nagpapatuloy pa ng pag-aaral.

Sadyang napakabilis ng panahon. Parang kailan lang yung naging abala kami sa paggawa ng assignment, pagri-review para sa mga eksamen at quiz, paggawa ng sangkatutak na project at reports, pagsali sa mga pakontes sa eskwela, pagdalo sa mga piniling club, at marami pang iba. Parang kailan lang nung iba sa aming mga kaklase ay nagliligawan, nagpapalipad-hangin o nanatiling may crush lamang.

Tandang-tanda ko rin kung gaano katindi ang kumpitensya noon. Masaya ang kompetisyon, pero di na ito masaya kung ito’y nagiging personalan na. Di kasi natin napapansin na nakagagawa na pala tayo ng mga di kagandahang bagay dahil lang sa kagustuhang manguna. Gayunpaman, tapos naman na ang mga iyon. Magandang dalahin ang mga alaala nito pero di na magandang balikan at dalhin pa rin hanggang ngayon.

Pinakamasaya siguro sa lahat ng mga pangyayari sa hayskul ay ang pagbuo ng mga samahan sa panahong ito. Nakakatuwa dahil may mga kaibigan ako nung hayskul na mga kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Hindi man palaging nagkikita (kahit  halos magkakapitbahay na), nananatili pa rin ang samahang nabuo at pinagtibay ng ilang taon sa hayskul. Sa kabilang banda, di rin maiiwasang may mga dating kaibigan na hindi na nakikita o nagpaparamdam man lang. may iba rin na lumayo na ang loob dahil sa ilang kadahilanan. Gayunman, sana sila ay ayos lang at mabuti ang kalagayan.

Totoo ang sabi nila na iba ang hayskul sa buhay ng isang tao. Talagang iba ito sapagkat ito yung panahong inisip na nating mahihirap ang mga gawain. Patikim lang pala ang mga iyon dahil mas mahihirap ang mga gagawin sa kolehiyo,lalo na syempre pagkatapos ng kolehiyo- ang pagtatrabaho at pagharap sa totoong mundo hindi bilang bata kung hindi mga ganap nang lalake at babae. Ito rin yung panahong nabubuo ang samahang sa ating pag-iisip ay sana pang-habang-buhay na. Paano ba naman, para kasing ang saya-saya ng buhay pag kasama ang mga kaibigan natin noong hayskul. Kahit na maraming gawain, nakakaya ang mga ito dahil na rin kasama natin sila. Ang hayskul rin ang panahong marami kang dapat matutunan upang maging handa sa mga haharaping hamon ng buhay, mag-aral ka man sa kolehiyo o hindi. Mapalad ako at ang mga kaklase ko noon sapagkat karamihan sa mga naging guro naming nung hayskul ay talagang napakagagaling. Wala yatang klase nila sa amin ang di kami natuto, leksyon man sa aralin o aral para sa totoong buhay. Higit sa lahat, ang hayskul ang panahong dapat ay nakakapag-isip na ang estudyante kung anong plano n’yang gawin sa buhay pagkatapos mag-aral sa hayskul. Kung nagtapos ka na sa hayskul o kakatapos pa lang dito, maaaring natanong mo ang isa sa mga ito sa sarili mo:

  • Magpapatuloy pa ba ako ng pag-aaral sa kolehiyo?
  • Tutulong na ba ako sa aking mga magulang kaya maghahanap na ako ng trabaho?
  • Magiging working student na lang ba ako para lumuwag naman ang alalahanin ng aking mga magulang sa pera?
  • Magpapatuloy ako ng pag-aaral, pero ano ang kukunin kong kurso?
  • Gusto ko itong kurso na ito, pero itong isa naman ang in-demand ngayon. Anong kukunin ko?
  • Gusto ng magulang ko, ito raw ang kunin ko. Pero parang iba ang gusto kong kunin. Ano pipiliin ko?

Ang mga tanong na iyan sa itaas ay ilan lang sa mga mahahalagang tanong na dapat sagutin ng isang estudyante pagkatapos ng hayskul. Sa totoo lang, walang madaling sagot sa mga iyan lalo na kung ang isang estudyante ay hindi galing sa isang maykayang pamilya. Ang desisyon niya kasi ay di lamang niya ibabase sa kung anong gusto n’ya kung hindi sa kung anong makakabuti sa pamilya n’ya.

Kaya para sa lahat ng mga nagtapos ngayong taon, tulad ng aking bunsong kapatid na pinagpalang makatapos na may parangal na 1st honorable mention at iba pang parangal, tamang mag-isip-isip muna. Mabuti iyong pag-aralan ng mabuti ang mga planong gawin tulad ng paglista sa mga kabutihan (pros) at di kabutihang (cons) maidudulot ng bawat desisyong gagawin. Para mas dumali ang pagdidesisyon, kumunsulta sa mga nakatatanda lalo’t alam nila ang pinagdaraana
n mo o ang haharapin mo. Iba ang sabi ng kaklase sa sabi ng mas nakatatanda. Pareho kayo ng pinanggagalingan ng kaklase mo, habang ang nakatatanda ay nauna na. At higit sa lahat ng mga dapat gawin, tumawag palagi sa Diyos at humingi ng gabay mula sa Kanya. Kahit gaano pa kahirap ang mga kailangan mong pag-isipan, kumunsulta sa Kanya nang mapadali ang iyong pagdi-desisyon.