Matinding Determinasyon

 

Inakala ko noong tumakbo kami ng mga kapatid ko ng 21 km run ay di na ako susubok ng mas mahaba pang distansya sa pagtakbo. Pero nagkamali ako dahil sa ikatlong leg ng Run United 2012 ay sinubukan namin ang distansiyang 32 km. Oo, tatlumpu’t dalawang kilometro. Ito’y higit na mas mahaba sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) at katumbas ng tatlong ulit na haba ng Commonwealth Avenue. Tinatawag din nilang Afro-man distance, ang 32 km run ang sinasabi nilang preparatory race bago sumubok sa isang marathon.

Bagama’t nakayanan na namin noon ang distansyang 21 km ng dalawang beses (Run United legs 1 at 2), may pag-aalinlangan pa rin akong subukan ang 32 km. Baka maitanong n’yo kung bakit. Gabi kasi bago ang aming pagtakbo ay nagdiwang ng kaarawan ang isang kaibigan. May kaunting kasiyahan, kainan at kwentuhan kaya syempre, di ako agad nakauwi ng bahay para makapagpahinga. Bandang alas-11 ng gabi na ako naka-uwi gayung alas-3 ng madaling araw ay simula na ng takbo namin. Gayunpaman, sa halos dalawang oras lang na tulog ko’y buong tapang pa rin akong humarap sa pagsubok na aming kinahaharap ng aking mga kapatid. Yun nga lang, ilang pagsubok pa pala ang haharapin namin bago mismo ang pagtakbo ng napakahabang distansya.

Nang handa na kaming umalis papunta sa Bonifacio Global City (kung saan magsisimula ang pagtakbo), dun lang namin namalayang flat na ang isa sa mga gulong ng sasakyan namin. Wala sanang problema kung malapit lang kami sa patutungahan namin, pero manggagaling pa kaming Bulacan kaya malayu-layong paglalakbay ang kailangan pa naming tahakin. Dali-dali’y pinalitan namin agad ang gulong na butas (mga kapatid ko ang talagang nagpalit, taga-tulong lang ako sa pag-abot ng ilang gamit at pag-payong dahil malakas na ang ulan ng mga panahong iyon, hehe). Inasahan na naming mahuhuli kami sa pagsisimula. At ganun na nga ang nangyari. Gayunman, buong loob kaming tumakbo ng mga kapitid ko.

Tulad ng sinabi ko kanina, umuulan na ng mga panahong iyon pero umaasa ako noong titigil din agad ito tulad ng nangyari noong leg 2 ng Run United. Pero di yun nangyari; umuulan buong panahon na kami’y nasa kalsada. Hindi ambon ha kundi matinding buhos ng ulan. Hihina ito minsan pero mas madalas na talagang todo buhos ‘to. Baka tanungin n’yo kung anong problema pag umuulan habang tumatakbo? Marami. Una, basa ang dadaanang kalsada kaya mas madulas. Ikalawa, may mga naiipong tubig sa ilang parte ng daan kaya kakaunti ang talagang madadaanan ng maayos. Ikatlo, nakaka-ihi madalas ang basang-basa ng ulan. Pag naiihi ka, di ka makatatakbo ng maayos. Di ka naniniwala? Sige nga, subukan mo. O sabi sa’yo e.

Syempre pa, bumisita rin ang kalaban ng mga mananakbo: ang muscle cramps o pamumulikat kung tawagin sa Tagalog. Oras na maramdaman mo ito, mapapatigil ka talaga sa pagtakbo. Ang payo ng kuya ko, maglakad muna kami pag pinulikat. Iwasan daw namin ang pagtakbo dahil mas lalo kaming pupulikatin. At gayun nga ang ginawa namin. Naglakad kami ng napakaraming kilometro para lang matapos ang nasabing pagtakbo. Buti na lang brisk walker ako kaya’t mabilis-bilis pa rin ang paglalakad na nagawa ko.

Sa totoo lang, umabot sa panahong medyo nagalit na ako dahil napakalayo talaga ng distansya na kailangan naming takbuhin. Hehehe. Biruin mo, kahit dalawang kilometro na lang ay parang napakalayo pa rin. Pero ngayong inaalala ko ang lahat ng mga pangyayaring iyon, napapangiti na lang ako dahil isa na namang matinding pagsubok ang nalampasan namin. Sa loob lampas limang oras (oo, limang oras) ay nakalampas din ako sa finish line.

Nagpapasalamat ako sa Panginoon sapagkat binigyan Niya kami ng aking mga kapatid ng sapat na lakas at determinasyon upang makaya ang nakapapagod na pagtakbong iyon. Nagpapasalamat din ako sa lahat ng mga kapamilya namin at mga kaibigan na talagang sumuporta at nagbigay inspirasyon. Sa totoo lang, wala talagang imposible kung iisipin nating kakayanin natin ang isang bagay. Ganitong-ganito ang nangyari sa akin nitong huli naming pagtakbo. Kahit di pabor ang panahon, kondisyon at pagkakataon ay nakaya naming takbuhin at lakarin ang napakahabang 32 kilometro.

 

 

 

 

Advertisements

Takbo!

Marso 6, 2011 nung una akong tumakbo sa isang running event. Na-challenge ako nung niyaya kami ng nakatatanda kong kapatid na sumali kaya sumali kami ng mga nakababata kong kapatid. Nakakakaba dahil unang beses yun na kami’y tatakbo kasama ng napakaraming tao. Nagsimula kami sa 5K run (takbuhang 5 kilometro ang haba), at kahit pa sabihing napakaikli nun para kabahan, iba pa rin ang pakiramdam kapag unang subok sa isang bagay na di mo pa nagagawa. At tulad naman ng inaasahan, naging maayos ang lahat. Nakatakbo ako ng maayos at pagkatapos ng 44 na minuto, ako ay nasa finish line na. Isang beses pa namin uling sinubukang mag-5K run at sa ikalawang pagkakataon ay nagawa kong mas mapaganda ang record ko sa pagtakbo. Kaya nung ikatlong beses na ng aking pagsali, tinaasan namin ang aming tatakbuhin: 10K run. At tulad ng inaasahan, nakakapagod ang ganun kalayong takbuhin. Pero sa awa ng Panginoon, nagawa kong matapos yun mahigit isang oras at kalahati. Pero, wala palang sinabi ang mga yun sa pinakamahirap na pagsubok ko sa ngayon sa pagtakbo, ang pagtakbo sa 21K run.

Oo, sa unang pagkakataon ngayong araw, Marso 4, 2012, ay tumakbo ako sa layong kalahati ng distansya ng isang marathon. Tulad ng lahat na unang pagkakataon, nakakakaba. Kinakabahan na ako kahit ilang araw pa bago ang takbo dahil unang beses kong gagawin yun. Maging sa pag-eensayo nga, di ko inaabot ang 21 km kaya talagang malaking bagay ang haharapin ko. Parang walang katiyakan kung anong mangyayari. Ang tanging iniisip ko na lang, kahit na gaano ako katagal tumakbo o maglakad ay tatapusin ko ang takbuhang iyon. At sa tulong ng mataimtim na panalangin, suporta ng mga kapamilya at mga kaibigan at ang nagbabagang mithiing magtagumpay ay nagawa kong matapos ang napakahabang distansya na aking nilakbay.

Nasa mahigit 4,000 raw ang kasama naming tumakbo mga alas-kwatro y medya kanina. Kung ang iilang tumakbo ay iniisip ang mauna, ang sa akin lang ay harapin ang hamong malampasan ang isang bagay na di ko akalaing magagawa ko. Mula Global Bonifacio City sa Taguig ay nilakbay namin ang kahabaan ng Makati, tumawid sa Buendia Avenue, umikot sa Roxas Boulevard hanggang sa makarating sa S.M. Mall of Asia sa Pasay. Hindi lang ang napakalayong lakbayin ang aking binuno noong mga panahong yun dahil muntikan na akong magkaroon ng pamamanhid sa ilang parte ng katawan at may pagkakataon pang parang bibigay na ang aking kaliwang tuhod ilang kilometro bago matapos ang takbuhan. Lubos akong nagpapasalamat dahil nagawa kong malampasan ang lahat ng iyon.

Masaya rin ang tumatakbo-takbo sa mga ganitong pagkakataon paminsan-minsan kaya nagpapasalamat ako sa Kuya JR ko na siyang nagdala sa amin sa ganitong klase ng palakasan. Dahil sa running, napatunayan kong muli na walang imposible. Makakamtan mo ang gusto mo basta ikaw ay maghahanda, magtitiwala at mananalangin. Kaya kung di mo pa nasusubukang tumakbo sa mga ganitong pagkakataon, subukan mo at baka magustuhan mo! 🙂