Kontrobersyal na RH Bill

Mainit-init na usapan sa kasalukuyan ang Reproductive Health Bill o mas kilala sa tawag na RH Bill. Nagdaos ng malawakang protesta ang Simbahang Katoliko nitong nagdaang Sabado, Agosto 4, 2012, sa EDSA Shrine na nilahukan ng libu-libong Pilipino. Kahit na maulan, dinayo pa rin ang nasabing lugar ng maraming mamamayang ayaw sa nabanggit na panukalang batas. Sumabay naman ang mga pro-RH Bill sa isinagawang protesta sa pagbibigay-impormasyon sa lahat sa pamamagitan ng mga social networking sites. Sa mga slogan na itinataas noong Sabado sa EDSA ay may sagot ang mga pro-RH Bill at ang pinakapinupunto nila ay ang misimpormasyon tungkol sa RH Bill.

Ano nga ba ang RH Bill? Napag-alaman ko sa aking pagsasaliksik na marami palang reproductive health bills ang naipasa na sa Kongreso ng ating bansa. Naisip marahil ng mga nagpanukala ng iba’t-ibang RH bills na ito na ipagsama ang nilalaman ng kanilang mga panukalang batas kaya nabuo ang House Bill 4244 o kilala rin A Comprehensive Policy on  Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population and Development, and for other purposes. Kung gusto ninyong tingnan at basahin ang batas na ito, pumunta kayo rito. Mahalagang mabasa iyan upang hindi maling impormasyon ang makaabot sa atin ukol sa kontrobersyang batas na kinahaharap ng sambayanan. May blog entry rin si Pia Cayetano, isa sa mga senador na sponsor ng nabanggit na batas, para klaruhin ang ilan sa mga probisyon nito. Maaari n’yong mabasa ang kanyang sinulat dito.

Sa totoo lang, maganda ang mithiin ng nabanggit na batas. Tama ang sinasabi ng mga pro-RH Bill na pro-women at pro-poor ito. Isinusulong nito ang tamang pagpapamilya at pagdidisiplina sa pag-aanak. Layunin din nitong pangalagaan ang kalusugan ng mga ina, dahil sila ang pinakanaaapektuhan sa pagpapalaki ng pamilya.

Tanong: Kung magaganda pala ang mithiin ng RH Bill, bakit maraming tumatanggi rito? Dalawa ang pumapasok sa isip ko kung bakit. Kontrasepsyon at moralidad.

Ano ang kontrasepsyon? Ayon sa website na healthofchildren.com, ang kontrasepsyon (o contraception sa Ingles) ay ang pagpigil sa pagbubuntis ng tao sa pamamagitan ng pagkontra sa normal na proseso ng pagdadalang-tao. Marami itong pamamaraan, pero isa sa mga pinakakilala ay ang paggamit ng condoms.

Ang susunod na tanong ay kung moral ba ang paggamit ng mga pamamamaraan ng kontrasepsyon. Isa lang sa mga pamamamaraang kontrasepsyon ang tingin kong pabor ang Simbahang Katoliko at iba pang relihiyon, at ito ay ang abstinence o yung pag-iwas sa pakikipagtalik. Kung iisipin mong mabuti, kung hindi gagawin ang pakikipagtalik ay maiiwasan nga ang mga kinatatakutang bagay na maaaring maidulot ng pakikipagtalik: pagbubuntis at pagkakasakit ng STDs. Pero kung iisipin mong uli, mahirap ang abstinence sa maraming tao, mapupusok man o hindi. Itinuturing na kasi ng iba na isang pangangailangan ang pakikipagtalik dulot na rin ng hormones sa katawan.

Bakit ayaw ng Simbahang Katoliko sa ibang pamamamaraan ng kontrasepsyon? Dyan papasok ang usapin tungkol sa kung kailan nagsisimula ang buhay ng tao. Kung naniniwala kang nagsisimula ang buhay ng tao pag nagsama ang sperm cell ng lalaki at egg cell ng babae, iilan sa contraceptives ay naga-abort na pala (halimbawa, morning-after pill). Maituturing bang aborsyon ang pagpigil sa pagsasama ng sperm cell at egg cell? Kung istriktong depenisyon ng aborsyon ang gagamitin, hindi. Pero ang punto ng ilang anti-RH Bill, dahil sa contraceptives na ito ay napipigilan ang pagkabuhay ng isang tao sapagkat simula pa lamang ay hindi na magsasama ang mga binhi ng lalaki at babae. Bukod dyan, kinukondena ng Simbahang Katoliko ang paggamit ng contraceptives sapagkat bababa umano ang moralidad ng mga tao lalo na sa usaping sekswal. Anila, dadami ang mai-engganyong gumamit ng mga contraceptives dahil sa RH Bill. Mayroon silang punto. Anong punto? Para malaman natin, importante muna nating malaman kung ano ba ang turo nila.

Ano ba turo sa Simbahang Katoliko? Ang turo nila’y hindi maaaring magtalik ang dalawang tao na hindi kasal sa harap ng Diyos at sa mata ng tao. Itinuturing na sagrado ang kasal sapagkat pagkatapos nito’y pinahihintulutan na ang dalawang nag-iibigan na ipakalat ang lahi sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Natatandaan ko noong ako ay nasa hayskul, binanggit ng isang guro sa Religion na dalawa ang tamang dahilan ng pakikipagtalik: procreation at intimacy (natatanging pagpapadama sa asawa ng pagmamahal). Pansining AT iyon at hindi O. At kung susundin natin ang sinabi ng guro kong iyon dati, mali ang pakikipagtalik sa taong di pa natin pinapakasalan. Ngayon, kung itataguyod ng RH Bill ang paggamit ng contraceptives, dadami ang kaso ng mga taong gagamit nito. Hindi ba’t safe sex nga raw ang dulot ng contraceptives, safe from pregnancy and STDS? Kaya nandun ang posibilidad na mahikayat ang maraming taong makipagtalik dahil iisipin nilang di naman sila makabubuntis o mabubuntis at ligtas pa sila sa sekswal na mga sakit.

Kung hindi mo pa alam sa ngayon kung Pro-RH Bill o Anti-RH Bill ako, alamin mo sa mga sasabihin kong ito:

Para sa Simbahang Katoliko: Wag na sanang magkalat ng mga impormasyong nagsasabi ng hindi buong katotohanan. Wag matakot sabihin na maaaring magpababa ng moralidad ng tao pag maipasa ang RH Bill, at sapat na iyong dahilan sa maraming Pilipino upang talikuran ang nasabing batas.

Para sa gobyerno, lalo na sa mga nagtataguyod ng RH Bill: Maganda ang maraming layunin ng batas ninyo. Yun nga lang, nakatatakot ang pagbibigay ng masyadong kalayaan sa taong pumili ng kung anong gusto nila. Tandaan hindi porke’t gusto nila ay tama iyon para sa kanila. Tandaan ding hindi porke’t legal ay moral nang maituturing.

Advertisements

Satanista ba si Lady Gaga?

Laman ng mga balita ngayon ang pagharang ng ilang grupong pang-relihiyon sa gaganaping konsyerto ng isa sa pinakatanyag na mang-aawit ngayon, si Lady Gaga. Ang dahilan, tagasuporta raw ng kampon kasamaan ang nasabing mang-aawit. May mga punto ba ang mga grupong ito na nagpu-protesta laban sa pagku-konsiyerto ni Lady Gaga? Subukan nating alamin.

Hindi lingid sa kaalaman ng iba na nakapagdaos na ng konsyerto ang nasabing mang-aawit dito ilang taon na ang nakalilipas. Ayon sa artikulong ito, ang nasabing konsyerto ay ginanap sa Araneta Coliseum noong Agosto 2009. Matagumpay naman daw itong nairaos hindi gaya ngayon na sobrang dami ang umaayaw na matuloy ang konsyerto.

Noon pa man ay gusto ko na ang mga kantang pop, o yung tipong sikat at popular. Bukod kasi sa nakakagana ang mga kantang ito ay nakakapagbigay pa minsan ng mga nakakatuwang kwento at mga simpleng aral. Ngunit nang mas nagkaisip ako ay mas pinili ko na ang mga pinapakinggan ko. Kung susuriin mo kasing mabuti ay may mga kantang hindi magaganda ang mensahe. At tulad ng sinasabi ng ilan, pag patuloy mong pinapakinggan ang mga ito, ang tema nila ay tila nagiging normal na lamang para sa’yo, kahit na labag ito sa mga paniniwala at prinsipyo mo.

Alam ng ilang malalapit sa akin na ayoko sa mga kantang ginagamit ang pangalan ng Panginoon Diyos. Hindi ba nga’t isa sa Sampung Utos ng Diyos ay wag bastusin ang Kanyang pangalan? Naaalala ko tuloy, may sumikat na kanta si Usher na di ko talaga natipuhan dahil titulo pa lang ay nakakadismaya na. May mga kanta namang kung hindi tago ay hindi halata ang ibig sabihin. Alam mo bang tungkol sa pagpatay ang kantang Pumped Up Kicks ng Foster the People? O kaya naman may pagbanggit ng demonyo sa kantang Just Can’t Get Enough ng Black Eyed Peas? Magaling din ang ilang sikat na babaeng mang-aawit dyan tulad nina Rihanna, Nicki Minaj, Beyonce at si Lady Gaga nga. Kalimitan sa mga kanta ni Rihanna ay tungkol sa pagmamahalan. Maganda sana pero ibang klase ng pagmamahalan ang tinutukoy n’ya kaya di mo matitiyak kung pagmamahal nga talaga yun. Si Nicki Minaj naman, hitsura pa lamang ay matatakot ka na. Hehe, biro lang. Di ko gusto ang mga kanta n’ya, lalo na nang matapos siyang kumanta sa Grammy Awards 2012 ilang buwan na ang nakalilipas. Lantarang pambabastos sa Simbahang Katoliko ang ginawa n’ya doon: may mga paring dinemonyo, may kantang Pamasko na sinaula at may mga simbulong pangmasama talaga. May laman ang mga kanta dati ni Beyonce. Pero nitong mga nakaraang taon, pili na lang ang mga kanta n’yang may katuturan. Si Lady Gaga naman, may ilang kanta siya na magaganda ang mensahe, pero mayroon ding mapapasang-ayon ka sa sinasabi ng mga nagpu-protesta. Binabanggit na ang kanta n’yang Judas ay sumisira sa imahe ni Kristo at ako’y sang-ayon sa kanila run. May mensahe ang kantang hindi maganda at lantarang bumabastos kay Hesus. Minsan, hindi lang mga kanta mismo ang hindi maganda kay Lady Gaga. Pati mga music video n’ya ay punong-puno ng simbolismong sinasabing maka-demonyo. Paano ko nasabi? May sasabihin ako sa inyong website na baka ikagulat ninyo ang nilalaman:

 www.vigilantcitizen.com

Yan ang website na ispesipikong tumatalakay sa ilang kanta at music video ng mga mang-aawit na sinasabing ibang Panginoon ang sinasamba. Kung balak mong basahin ang mga nilalaman n’yan, sinasabi ko sa’yo ngayon pa lang na maaari kang matakot, magulat, mapahiya, matuwa at malungkot sa mga mababasa mo. Maaari kasing mamulat ka o magulantang sa mga nilalaman nito. Mapupuna mong ang salitang Illuminati ay madalas na mababanggit sa mga artikulo nila. Ang Illuminati ay sinasabing isang grupong naghahasik ng lagim at kasamaan dito sa mundo sa mga bagay na nakikita, naririnig at ginagamit natin. Pero di ko nais pag-usapan ang grupong iyan ngayon dito. Nais ko lang bigyang linaw ang isa sa mga sinasabing alagad umano nila. At iyon ay si Lady Gaga nga.

 

Anu-ano na ba ang mga sumikat na kanta ni Lady Gaga? Ang naaalala kong unang sumikat na kanta nya noon ay ang Poker Face. Sabi sa mga bali-balita, tungkol daw ito sa pagiging bisexual ng mang-aawit. Kung gusto mo talagang malaman kung bakit, alamin mo sa pagbabasa at pag-iintindi sa liriko ng kanta. Search mo na at read between the lines (RBTL) ika nga. Nagsanib sila ni Beyonce sa kantang Telephone na tipong tumutukoy lamang sa hindi pagpansin ng isang dalaga sa kasintahang tumatawag sa kanya. Pero ayon sa iba, tumutukoy ito sa prosesong pag-brainwash sa mga nagiging biktima ng Illuminati. Malabo? RTBL uli. Sumikat din ang kantang Bad Romance na titulo pa lamang ay kukunot na agad ang ulo ng mga relihiyoso. Maaalalang natanggal ang Kristiyanong mang-aawit na kalahok sa American Idol na si Colton Dixon matapos n’yang kantahan ang kantang ito. Ang teorya ng ilan (isa na ako rito), nadismaya ang mga tagahanga niya dahil pumili siya ng kantang pangit ang mensahe. Sumikat din ang kantang Alejandro na talaga namang may kung anong kababalaghan sa music video nito. Popular din ang Born This Way na nagsasabing maging sino ka man ay ayos lang dahil hindi nagkakamali ang Panginoon sa mga nililikha Niya. Maganda ang mensahe, hindi ba? Pero kung susuriin mo ng maigi ang ilan pang bahagi ng liriko ng kanta n’yang iyan, may mahuhugot kang mensahe na di ayon sa mga relihiyon. RTBL uli. Ang Edge of Glory naman, tumatalakay sa pagpapakamatay. RBTL. Ang pinakabago n’ya, ang Marry the Night, ay sinasabing tumutukoy sa pagsuko n’ya sa kadiliman para makamtan ang pinakaninanais n’ya: ang pagsikat. RTBL.

Ang tanong ngayon, Satanista nga ba si Lady Gaga? Hindi natin masasabi yan sapagkat di naman natin siya kilala talaga. Ang masasabi lang natin ay tungkol sa kung ano ang binabahagi nya sa pamamagitan ng mga kanta nya. At kung mensahe lamang ng mga kanta at music video niya ang pagbabasehan, masasabing hindi siya konserbatibo. Liberal na liberal siya kung tutuusin. May mga mensaheng di nararapat marinig ng lahat, lalo na ng mga kabataan sapagkat madaling mapasunod ang mga bata, lalo na ang mga nakikiayon lang sa uso. May iilang mensahe ring talagang tinutuligsa ang Panginoong Diyos o kaya naman ay tumutukoy sa kampon ng kadiliman. Diyan pa lang ay talagang kailangan ng pigilan si Lady Gaga sapagkat mabi-brainwash ang mga tagasunod n’ya (na tinatawag pa n’yang Little Monsters). Maaaring umabot sa puntong ang mali ay magiging tama para sa kanila. Nakakatakot yun kung sakali.

Mayroon tayong tinatawag na freedom of expression. Pero paano kung ang kalayaang ito ay sobra na sa kung ano ang tama? Hahayaan lang ba natin o pipiliting itama?

Sa mga manonood ng konsyerto ni Lady Gaga, sana ay mag-enjoy kayo para naman masulit yung binayad n’yo sa tiket. Wag n’yo na lang dibdibin ang mga kanta n’ya kahit na mas maiging iiwas n’yo ang mga sarili n’yo sa kanya. Sa mga hindi manonood ng konsyerto ni Lady Gaga, alam ko sasabihin ninyong you know better. Maganda yan, pero dapat masasalamin din sa ating mga pagkilos at pag-iisip ang mga sinasabi natin. Mahirap yung mag-aasta tayong mabuti at mabait, yun pala ay talagang hindi.