Katapusan Ng Mundo

Ngayong araw, Disyembre 21, 2012, nakatakda umanong magunaw ang mundo. Ito ay ayon umano sa prediksyon ng ilang mga tao dahil sa kadahilanang ngayong araw matatapos ang kalendaryo ng mga tao mula sa sibilisasyong Maya, mga sinaunang tao na may mga sistema sa sining, arkitektura, matematika at astronomiya.

2012

Hapon na ngayon pero wala pa ring palatandaan na matatapos ang mundo ngayong araw. Ano pa nga ba, ang prediksyong ito ay isa lamang malaking kalokohan. Ano ba ang prediksyon, hindi ba’t isang hula lamang? Di nangangahulugang mangyayari talaga ito, lalo na kung ang batayan lamang ay isang bagay na di naman natin lubos na naiintindihan.

Ayon sa artikulong ito, isang misinterpretasyon lamang ang ginawa ng ilang tao sa Mayan calendar. Ayon sa pagpapaliwanag na nakasaad dito, ang araw ngayon ay indikasyon lamang na ang kalendaryo ng Maya ay pupunta na sa susunod na b’ak’tun, isang takdang panahon na gamit sa Mesoamerican Long Count Calendar na gamit na ng mga sinaunang tao sa Amerika tulad ng mga taong Maya bago pa makarating doon ang mga Europeo. Ayon pa sa Wikipedia, ang isang b’ak’tun ay katumbas halos ng 394 taon. Kumbaga ang mangyayari talaga ngayon ay matatapos na ang isang kabanata ng kanilang panahon at papunta na ito sa susunod.

Ano ang sinasabi ng BIbliya tungkol dito?

Hindi sinasabi sa Bibliya kung kailan mangyayari ang paggunaw ng mundo. Ayon sa Mateo 24:34-36, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ang aking mga salita ay hindi lilipas. Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon ay walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. Samakatuwid, wala sinuman ang nakakaalam kung kailan magkakaroon ng katapusan ang lahat ng bagay na nalalaman natin kundi ang Diyos Ama. Ayon pa nga sa 2 Pedro 3:10, Datapuwa’t darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.

Dapat ba talagang katakutan ang sinasabing katapusan ng mundo?

Kung isa kang Katoliko, alam mo dapat na ang itinuturo sa atin ay hindi paggunaw ng mundo kundi ang muling pagdating ni Kristo. Hindi ba’t sinasabi natin sa Sumasampalataya Ako ang mga katagang, Sumasampalataya naman ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa karoroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat. Doon magmumula, paririto’t maghuhukom sa nangabubuhay at nangamamatay na taoAtin ding dinarasal o kinakanta ang mga katagang, Si Kristo’y namatay, si Kristo’y nabuhay, si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon. Sa simula ng dasal na itinuro sa atin mismo ni Hesus, idinarasal nating sa muli N’yang pagbalik ay makapiling na natin siya sa langit: Ama namin, sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo. Pagtapos naman ng Ama Namin, binabanggit natin ang mga katagang As we wait in joyful hope for the coming of our Savior, Jesus Christ. Ang sabi, hindi tayo dapat matakot, kundi maghintay ng maligaya sa muling pagbabalik ni Kristo.

Resureksyon ni Hesus

Bakit kailangang bumalik ni Hesukristo?

Ang turo sa atin, sa pagkamatay ni Kristo tayo’y kanyang tinubos mula sa kasalanan. Sa kanyang pagkabuhay tayo nama’y naligtas na nang tuluyan. Hindi natin talaga alam kung anong mangyayari sa muling pagbabalik ni Kristo, pero sinasabing tayo’y hahatulan na sa panahong ito, at ang mga maliligtas ay makakasama na ng Panginoon sa langit.

Huling Salita

Sabi nga ni Bishop Kenneth E. Untener ng Amerika, hindi natin alam kung kailan ito mangyayari. Walang indikasyon na malapit na ito o walang paninigurado na malayo pa itong mangyayari. Anya, ang mahalaga ay hindi kailan ito mangyayari, kundi ang paniniwalang ito ay mangyayari. Si Hesus ay muling babalik. Iyon ang mahalaga. Kaya mahirap mang gawin, tayo ay magpakahanda para rito. Hindi natin alam kung ano talaga ang mangyayari sa hinaharap kaya pinakamabuting paghandaan natin ito sa paraang kaya natin. Magdasal tayo. Mangumpisal at magsisi sa mga kasalanang ating nagawa. Tanggapin si Hesus sa ating mga puso at subukan laging sundin ang kanyang pamamaraan. At habang may oras pa, tayo’y magpakubuti, magpakabait at magbigay ng pagmamahal lalo na sa mga taong dapat nating inaalayan nito.

Putik!

Ang salitang nasa itaas ay dalawa ang maaaring ibig sabihin. Ang isa’y tumutukoy sa dumi na nakukuha mula sa lupang basa. Ang isa nama’y ekspresyon na kapalit ng isang mura sa Tagalog na matindi ang tama.

Mura. Dalawa na naman ang ibig sabihin n’yan. Pero alam kong alam n’yo ang tinutukoy ko. Sa Ingles, ang tawag sa mga mura’y profane o cuss words. Ang aktibidad ng pagmumura ay tinatawag namang cursing.

Bakit ba nagmumura ang isang tao? Maiisip mo agad ang mga emosyong inis at galit pag dahilan ang pag-uusapan kung bakit kadalasang nagmumura ang isang tao. Anu-ano bang mga bagay ang nagpapainis o minsa’y nagpapagalit sa atin? Tingnan mo ang mga sumusunod kung may maitsi-check ka sa mga ito:

  1. Nasaktan ang sarili nang hindi sinasadya habang may ginagawa.
  2. Mabagal na usad ng trapiko, ikaw man ay nagmamaneho ng sasakyan o pasahero lamang. Isama na rin ang pahintu-hintong pampublikong sasakyan kahit wala namang pumapara.
  3. Asar-talong kalaro pagkatapos ng isang laban.
  4. Pagtataksil ng isang kaibigan.
  5. Nahuli sa paggising sa umaga.
  6. Pangtsitsismis ng ibang tao.
  7. Mismong ugali ng ibang tao.
  8. Hindi pagkasunod ng planong inaasahang mangyayari.
  9. Pagbagsak sa isang pagsusulit.
  10. Pagkatanggal sa trabaho.

Ayon sa ilang pananaliksik, nakabubuti raw ang pagmumura. Bakit? Para raw mas maibsan ang pisikal na sakit na nararamdaman ayon sa isang artikulo ng TIME. May ilan ding nagsasabi na nakakatanggal daw ito ng stress. Nakatutulong din daw ito para maibsan ang namumuong galit sa isang tao upang maiwasan n’yang gumawa siya ng hindi maganda sa kapwa. Kung sinasabi sa ilang pag-aaral na nakabubuti ang pagmumura, bakit sinasabing hindi ito dapat ginagawa?

Ang sagot: hindi ba’t sinasabi sa Bibliya na masama ang pagmumura? Sa aking pananaliksik, wala akong nakitang direktang sinabi rito na bawal ang magmura. Ang mga nakita ko ay nagsasabing wag gamitin ang bibig upang magsabi ng kasinungalingan laban sa kapwa (Exodo 20:17), magsabi ng mahahalay na salita (Epeso 4:29), magbanggit ng mga salitang marumi at mangmang o pagbibirong di nararapat (Epeso 5:4). Dapat din nating malaman na sinabi rin ditong kung anong lumalabas sa bibig ay dumudumi o sumisira sa isang tao (Mateo 15: 10-11). Ibig bang sabihin, kung hindi maganda ang lumalabas sa ating bibig, tayo ay dudumi? Ganun na nga. Kung iisipin, walang pinagkaiba yan sa alam nating dudumi ang ating pagkatao kung marumi ang ating ginagawa. Isang gawain ang pagsasalita, kaya ang isang masamang sabihin ay isang masamang gawain.

Kung tutuusin, pag minumura mo ang isang tao, hindi ba’t tila tinatapakan mo rin ang kanyang pagkatao? Nagkamali lang ng kaunti, sasabihan ng T. May ginawa lang na di maganda kahit di sinasadya, sasabihan na agad ng G. Nakagalitan lang dahil sa isang bagay, sasabihan na agad ng PI. Ang sabi ng iba, pag ang isang tao’y nagkamali, kundenahin ang kanyang ginawa at hindi mismo ang gumawa. Sa pagmumura kasi sa isang tao, sa pagkatao n’ya ito tumatama.

Kung iisipin mo, maraming bagay sa mga nagpapainis sa atin ang madali naman sanang iwasan para di na tayo umabot pa sa pagmumura at paggawa pa ng ibang masama. Maiiwasan sila sapagkat nasa sarili natin ang pagbabagong kailangang gawin. Baguhin ang sarili at tiyak na ang ilan sa mga ito ay hindi na magiging sakit ng ating mga ulo. Sa kabilang banda, maraming nakapang-iinis na mga bagay na nagpapaabot sa atin sa pagmumura ay dahil naman sa ibang tao. Di man natin sila mababago, maaari naman natin silang iwasan. Baguhin din natin ang ating ugali tungo sa kanila at tiyak bababa ang tsansang sila pa ay ating kainisan.

Parang napakadaling gawin ng mga binanggit ko sa itaas, ano? Madali, oo, pero madaling sabihin at mahirap gawin. Tandaan lang natin na sa dulo, para rin naman sa atin ang mga ito upang di na mapamura at maiwasan pang magkasala.

Tungkol sa titulo: Iyan ang nabanggit ko nang makita kong may bahid ng putik sa aking sapatos nung isang linggo. Hindi iyon mura, kundi pagsasabi lang ng kung anong nakita ko.

Giyera!

Mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan mula nang pumutok ang balitang magnu-nuclear testing ang North Korea. May ilang haka-haka kung bakit umano nila ito binalak gawin. Nandyan ang pagpapakita ng pwersa na mayroon silang ganung kapangyarihan para matakot ang ibang bansa. May palusot na para umano ito sa selebrasyon ng ika-100 taon mula nang ipinanganak si Kim Il-sung, ang tinatawag nilang eternal president. May mga nagsasabi ring paghahanda ito para sa pakikipaggiyera sa mga kaaway ng bansa nila. Dahil sa aktibidad na ito, isa ang bansang Pilipinas sa mga nag-alala na baka tayo ay maapektuhan ng gagawing ito ng NoKor. Sa gitna ng pakikiusap ng Pilipinas at iba pang bansa sa buong mundo ay itinuloy pa rin ng NoKor ang nuclear testing noong nakaraang linggo. Ngunit sa pagkatuwa ng lahat (maliban na malamang sa gobyernong pinamumunuan ni Kim Jong-un) sila ay pumalpak.

Hindi nawawala sa mga balita ang pag-aagawan ng mga isla na matatagpuan sa West Philippine Sea (o South China Sea para sa iba). Nandyan ang Spratly Islands at nitong nakaraang linggo’y napabalita naman ang Scarborough Shoal. Ang Scarborough Shoal ay isang grupo ng mga isla na inaangkin ng Pilipinas, Tsina at Taiwan dahil sa mga potensyal na likas yaman na makikita at makukuha rito. Ang sabi ng Tsina, matagal nang kanila yun sapagkat sila umano ang unang nakakita at nagpangalan sa lugar. Depensa naman ng ating gobyerno, matagal nang napapabilang sa bansa ang Scarborough Shoal bilang bahagi ng Zambales. Isa umanong mapa na nilimbag noong 1734 ang nagpapakitang parte ng nabanggit na probinsiya ang nasabing mga isla. Noong 1965, nakapaglagak din daw tayo ng watawat at nakapagpatayo ng isang parola roon. Sa ngayon ay walang nakikitang solusyon sa argumento kundi ang sumangguni sa international court of law sapagkat sa pagitan ng maraming bansa ang usapin.

Halos kasabay naman ng balitang iyan ang pagbabalik ng mga Amerikano dito sa atin upang isagawa ang balikatan exercises. Wala umano itong kinalaman sa mga hidwaan na nagaganap sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa. Layon ng balikatan exercises na pagbutihin ang pagpaplano, pagsasagawa at pag-eensayo ng mga gawaing military sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipinong sundalo. Ayon naman sa pahayagang Philippine Star, layunin din ng aktibidad na ito ng military ngayong taon na tumulong sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga paaralan at pagtulong sa mga medikal na misyon. Yun lang kaya ang mga dahilan? O mayroon pang mas mabigat na di nalalaman ng lahat?

Ano ang pangunahing tema na mahihinuha natin sa mga nabanggit na istorya? Ano pa kung hindi…

Mula pa noong unang panahon, mayroon ng giyera. Mababasa natin yan sa napakaraming libro tulad ng Bibliya. Puno ang mga libro ng kasaysayan ng paksang ito. Pero tulad ng pahiwatig sa mga istoryang nabanggit, di lamang noon mayroong giyera. Sa panahon natin ngayon ay marami pa rin ang nasa giyera, sila man ang nagpasimula o hindi. Sa katunayan, ayon sa website na ito, 60 bansa ang kabilang sa pakikidigma, mapaloob o mapalabas man ng kanilang teritoryo nagaganap ang hidwaan. Syempre, kasama na tayo sa animnapung mga bansang iyan.

Bakit ba mayroong giyera? Nag-isip ako ng mga dahilan. Una, ginagawa ito upang sumakop ng lupain upang lumaki ang teritoryo. Nagkakagiyera kapag nakikipaglaban ang mga sinasakop sa mga mananakop. Pwede ring mangyari ito kapag tumanggi ang mga sinakop sa sistema, pamamaraan, pamamalakad na ginagawa ng mga mananakop. Maliban sa mga nabanggit, maaaring dahilan din ay pagtatalo o di pagkakasundo ng dalawang paksyon tungkol sa isa o maraming usapin. O kaya naman, may mga bansang gusto lang magpamalas at magpakita sa iba ng kapangyarihan at kagalingan nila.

Gusto ko ring banggitin ang mga dahilan na sinabi ni Geoffrey Blainey, isang Australyanong manunulat ng kasaysayan, sa kanyang librong, The Causes of War. Ito umano ay madalas na ginagamit bilang reperensya pag digmaan na ang pinag-uusapan. Ayon sa website na ito, ang mga dahilan daw ng giyera ayon kay Blainey ay ang mga sumusunod:

  1. Ang optimismo ng mga lider na nagsasagawa ng giyera: lahat ay naniniwalang maikli lamang ang giyera at maipapanalo nila ito (Komento: Mahirap umasa sa maling akala.)
  2. Mga ekspektasyon (o inaasahang gagawin) ng mga bansang di man kasama sa giyera ay maaaring maaapektuhan ng giyerang magaganap (Komento: Ano ito, hulaan?)
  3. Pangloob na alitan o mga malaking pagbabago sa loob ng bansa (tulad ng pagkamatay ng monarch na namumuno) (Komento: May malaking pagbabago mang maganap, ibig bang sabihin nun, kailangang magka-giyera?)
  4. Mga dahilang pang-ekonomiya (Komento: Maraming mahihirap habang may kakaunting ubod ng yaman.)
  5. Impluwensiya ng panahon (Komento: Madalas daw na tuwing tagsibol at tag-init nagkakagiyera)
  6. Pagsukat sa kapangyarihan (Komento: Testing… testing. Hindi ba pwedeng ibang pagsukat ang gamitin?)

Hindi ko alam sa’yo pero mabubuod ko ang mga ito sa mga salitang kasakiman (sa kapangyarihan man o kayamanan), kabaliwan (di tamang pag-iisip) at kasamaan. Bakit mga ito? Para sa akin, kung hindi sakim sa lupa, gamit o anumang pag-aari ng tao, lahat ay magkakaroon. Kung hindi naman baliw ay mapagtatantong wala talagang nananalo sa giyera sapagkat lahat ay natatalo rito sa buhay, sa ari-arian, sa panahon, sa kapayapaan at kaganaang-loob. Kung hindi naman masama ay hindi magagawang manakit at kumitil ng buhay. Tama po ba?

Maaaring sinisimplehan ko ang mga bagay tungkol sa giyera. Tunay naman talagang kumplikado ang mga dahilan at salik ng pakikidigma. Pero, hindi naman ibig sabihing pag kumplikado na ang isang bagay ay hindi ito maaaring simplehan. Kung may tamang panuntunan ang tao at talagang isinasabuhay ito, maiiwasan ang anumang gulo, giyera o digmaan.

Sana maiwasan na ng tao ang giyera. May mga mabibigat (pero may mabababaw din) na dahilan kung bakit ginagawa ng tao ang pakikidigma pero sana’y magkaroon ng resolusyon ang mga ito. Mahirap mapasama sa isang giyera. Alam natin ito sapagkat nabasa natin ang mga pahina ng libro tungkol sa giyerang pinaglabanan ng ating mga bayani, kilala man o hindi, mula pa noong unang panahon. Ipanalangin nating wag nang magpasikat ang North Korea, wag nang maging ganid sa lupa ang Tsina at wag na tayong magpaloko sa Amerika.

Panahon ng Kwaresma

Para sa ating mga Katoliko at iba pang kasapi sa denominasyong Kristiyanismo, mahalagang pinagdiriwang ang Resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Taun-taon ay maraming aktibidad ang ating ginagawa para rito tuwing panahon ng Kwaresma (Lent). Tayo ay sinasabihang mangumpisal ng ating mga kasalanan, lalo na kung matagal na yung huli nating kumpisal. Tayo rin ay sinasabihang mag-visita iglesia kung kailan pinupuntahan ang 7 o 14 na simbahan upang dasalin ang 14 na mga Istasyon ng Krus. Di rin nawawala ang pagpunta sa mga retreat o rekoleksyon na isinasagawa sa ating mga parokya. Tayo rin ay inaalok na lumahok sa iba’t-ibang gawain lalo na tuwing Biyernes Santo. Pero, dalawa sa kailangan talaga nating gawin ay ang pag-aayuno at ang pagngingilin.

Ano ang pag-aayuno at pagngingilin?

Pagpatak ng Kwaresma, lahat ng mga Katolikong nasa edad 14 pataas ay kinakailangang mag-ayuno at mangilin. Ano ang pag-aayuno? Ang pag-aayuno (o mas kilala sa tawag na fasting sa Ingles) ay ang hindi pagkain ng kumpleto sa mga araw ng Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday), Biyernes Santo (Good Friday) at lahat ng Biyernes sa panahon ng Kwaresma (Lent). Maari lamang kumain ng isang buong kain (meal) at maliliit na bahagi ng pagkain sa buong araw. Ang pagngingilin naman (o mas kilala sa tawag na abstinence sa Ingles) ay ang pag-iwas sa pagkain ng karne (pati na mga sabaw na gawa rito) sa mga araw na nabanggit kanina. Ang maari lamang kainin ay ang karne ng isda. May nabuo ring anyo ng pagngilin sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga bagay o gawain na tipikal nating gusto bilang tanda na rin ng paghingi ng tawad.

Bakit ginagawa ang pag-aayuno at pagngingilin?

Una nating alamin kung bakit ba mayroong Kwaresma. Ang kwaresma ay ang paggunita sa 40 araw na pag-aayuno ni Hesus sa disyerto hanggang sa Kanyang pagkakapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay. Nagsisimula ang Kwaresma sa Miyerkules ng Abo at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday). Kung ating bibilangin, lalampas sa 40 ang araw mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay. Ang dahilan dito’y hindi isinasama sa bilang ang bawat Linggo na nakapaloob sa Kwaresma.

Ayon sa sulat na ito ng Santo Papa noong taong 2009, tayo ay kailangang mag-ayuno upang mailayo tayo sa kasalanan at sa lahat ng nauugnay dito. Bukod sa ginagaya natin ang ginawa ni Kristo nung Siya ay nasa disyerto, ito rin ay isang paraan ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Bukod dito, ang pag-aayuno at pagngilin ay mga paraan upang mabuo ang disiplina natin sa sarili. Higit kasi sa pagsunod sa utos na pagtitiis sa hindi pagkain ng marami at pag-iwas sa karne, kinakailangang isapuso ang pagbabago sa pamamagitan ng pagtatama sa ating mga ugali (Isaias 58:6-7). Kung nabasa ninyo ang huling bahagi ng sulat ng Santo Papa, nawa raw ay maiiwas natin ang sarili mula sa mga bagay na hindi mahalaga sa ispirito at lumago tayo sa anumang paraan sa kaluluwa upang maidulot tayong mahalin ang Diyos at ang tao. Kumbaga, higit pa sa pag-iwas sa pagkain ng marami at karne ang kailangan nating gawin. Sa panahon ng Kwaresma, binibigyan tayo ng oras hindi lamang upang magpahinga sa mga palagian nating ginagawa (trabaho, laro, lakwatsa), kung hindi para ilapit muli ang sarili o magbalik-loob sa Diyos, kung tayo ay napariwara sa Kanya.

Ang Pinakaimportanteng Bagay na Dapat Mong Malaman

Itinuturing na pinakaimportanteng kaganapan sa mundo ng Kristiyanismo ang resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Ito kasi ang kaganapan kung saan sa ikatlong araw ng Kanyang pagkamatay, Siya ay nabuhay muli at umakyat sa langit. Alam nating si Kristo ang bugtong na Anak ng Diyos at siya ay nagkatawang-tao upang mamuhay kasama ng mga tao, nagturo ng Salita ng Diyos at gumawa ng mga milagro. Ngunit, dumating ang araw na Siya ay kinainggitan, ipinagkanulo, pinatawan ng parusang kamatayan kahit di napatunayang nagkasala, pinatungan ng tinik sa ulo, pinaghahampas, pinabuhat ng mabigat na krus, ipinako rito at namatay. Bakit Niya hinayaang maghirap, magdusa at ibigay ang sarili Niyang buhay gayung Siya ang Panginoon, Ikalawang Persona ng Diyos? Ang sagot: sapagkat tayo ay mahal Niya. Kaya rin, sa Kanyang pagkabuhay muli, ang kaligtasan natin ay nasigurado na. Wag na wag kakalimutan na ang ginagawa natin ngayong Mahal na Araw ay bilang paggunita sa mga kaganapang iyon.

Ilang Paalala

Gamit-gamit ang natutunan ko noon sa hayskul, nabasa sa mga libro at iba’t-ibang website sa internet ay aking nakuha ang mga impormasyong ito at ngayo’y pinapabasa sa iyo. Hindi ko sinasabing ang lahat ng nakalagay dito ay kailangan mong paniwalaan. May kanya-kanya tayong paniniwala, at ating respetuhin ang mga ito. Bilang Katoliko mula pagkabata hanggang ngayon, naisip kong kailangang malaman ng kapwa ko Katoliko (pati ng ibang tao na naniniwala kay Kristo) kung bakit importante ang ilang mga ginagawa tuwing Kwaresma (tulad ng pag-aayuno at pagngingilin) at kahalagahan ng selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay. Iba ang paggawa lamang dahil sa tradisyon o sa nakaugalian sa paggawa na nanggagaling sa isip, puso at kaluluwa.

Kung gusto mo pang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito, sumangguni sa mga sumusunod:

  1. Bibliya (lalo na libro ni Mateo)
  2. Katekismo para sa Pilipinong Katoliko
  3. Sulat ng Santo Papa noong Panahon ng Kwaresma, taong 2009. http://www.vatican.va/holy_father/benedict_xvi/messages/lent/documents/hf_ben-xvi_mes_20081211_lent-2009_en.html
  4. Website ng organisasyon ng mga Amerikanong Katoliko. http://www.americancatholic.org/newsletters/CU/ac0302.asp#F2
  5. Website na pang-Katoliko. http://www.fisheaters.com/fasting.html