Burnout

~Burnout~

Dumating na ba sa’yo ang panahong nagsasawa ka na sa mga ginagawa mo? O kaya naman di maiwasang isiping sana bumilis ang oras upang ikaw ay makatapos na ng trabaho? Nakadama ka na ba na tila ikaw ay hapung-hapo at parang kaawa-awa? May pagkakataon din bang gusto mong magpahinga o magbakasyon ng pagkahaba-haba? Hinto muna. Baka di mo alam na nabu-burnout ka na pala.

Ano ang burnout?

  1. Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ito ay ang pagkaubos ng lakas, pisikal man o emosyonal, na dulot ng stress o frustration na matagal nang nadarama
  2. Ayon naman sa website na helpguide.org, ang burnout ay isang estado kung saan ubos ang lakas ng isang tao sa mga aspetong pisikal, mental at emosyonal dulot ng sobra-sobra at matagal-tagal na stress. Nangyayari umano ito pag nakadarama ang tao ng overwhelming feeling at di na niya nagagawa ang mga kailangan niyang gawin. Habang tuluy-tuloy ang kanyang stress, nawawalan siya ng interes at motibasyon.

Anu-ano ang mga dahilan kung bakit nabu-burnout ang isang tao?

Ayon pa rin sa helpguide.org, ang mga sumusunod ang tinuturong kadahilanan:

  1. Work-related na mga kadahilanan
  • Pakiramdam na kaunti o wala kang kontrol sa trabaho mo
  • Kakulangan sa rekognisyon o gantimpala para sa mabuting pagtatrabaho
  • Di klaro o napakataas ng demand sa trabaho
  • Pagtatrabaho na tila paulit-ulit na lang o hindi na challenging
  • Pagtatrabaho sa isang magulo o may mataas na presyur na paligid
  1. Mga kadahilanang dulot ng lifestyle
  • Madalas na pagtatrabaho na may kakulangan ng oras sa pagrirelax at pakikisalamuha sa kapwa
  • Ang pakiramdam na kailangan mong maging napakaraming bagay para sa napakaraming tao
  • Pag-ako sa napakaraming responsibilidad na di nakatatanggap ng sapat na tulong mula sa ibang tao
  • Kakulangan sa tulog
  • Kakulangan ng mga malalapit at supportive na mga tao
  1. Pag-uugaling nakadudulot ng madaliang pagka-burnout
  • Pagiging perfectionist
  • Pagiging pessimistic
  • Pagiging controlling
  • High-achieving, Type A personality

Anu-ano ang mga sintomas ng burnout?

Ayon pa sa nabanggit na website kanina, ang mga sumusunod ang mga red flag o warning signs na may burnout ang isang tao:

  1. Mga pisikal na sensyales
  • Pakiramdam na laging pagod
  • Pakiramdam na laging magkakasakit
  • Madalas na pagkakaroon ng sakit ng ulo, sakit sa likuran at kasu-kasuan
  • Pagbabago sa appetite at pagtulog
  1. Mga emosyonal na senyales
  • Pakiramdam ng pagkabagsak at pagkwestyon sa sarili
  • Pakiramdam na walang magawa at talunan
  • Pakiramdam na nag-iisa sa mundo
  • Kakulangan sa motibasyon
  • Masamang pagtingin sa mundo
  • Bumababang satisfaction at sense of accomplishment
  1. Mga sensyales sa pag-uugali
  • Tumatakas sa mga responsibilidad
  • Umiiwas sa ibang mga tao
  • Procrastinating o pinatatagal gawin ang mga gawain
  • Ginagamit ang pagkain, droga o alkohol para makaagapay
  • Ibinubuhos nag frustration sa ibang mga tao
  • Lumiliban sa trabaho, dumarating ng lateo umaalis ng napakaaga

Paano ito maiiwasan?

Mga suhestyon ng nabanggit na website kanina:

  1. Simulan ang araw na may isang relaxing ritual. Imbes daw na umalis agad sa higaan pagkagising, magandang ugaliin na magkaroon ng 15 minuto sa pagmi-meditate, pagsusulat sa isang journal, pagsi-stretch o pagbabasa ng libro
  2. Kumain ng tama, mag-ehersisyo at matulog ng tama.
  3. Maglaan ng limitasyon o boundaries. Matutong magsabi ng “hindi” sa ibang tao lalo na kung may mga kailangan kang gawing mas importante.
  4. Maglaan ng panahon na di gumagamit ng teknolohiya: laptop, cellphone, atbp.
  5. Hasain ang ating creative side. Mabisa umanong gamut sa pagkaburnout ang creativity. Gumawa ng bago, magsimula ng isang nakatutuwang proyekto, ipagpatuloy ang isang masayang hobby. Pumili ng mga aktibidad na walang kinalaman sa trabaho.
  6. Alamin kung paano i-manage ang stress. Mas may kontrol tayo rito di tulad ng inaakala natin.

Huling Sabi

Nitong mga nagdaang buwan, aaminin kong muntikan na akong ma-burnout. Dama ko ang pagod di lamang bawat araw na lumipas kundi bago pa man matapos ang araw. Nagagawa ko ang mga kailangan kong gawin subalit tila may kakulangan akong nararamdaman. Naghahanap ako ng ibang bagay na hindi ko madalas ginagawa o di pa talaga ginagawa. Kumbaga, gusto kong makawala sa routine ng pang-araw-araw kong mga gawain. Di yata biro ang maglingkod bilang isang speech pathologist anim na beses sa isang linggo (na kadalasa’y may trabaho pang inuuwi sa bahay tulad ng reports), maging isang huwarang anak at kapatid at maging isang mabuting kasintahan habang di pinababayaan ang sarili. Tila lagi na lang kapos ang oras. Sa totoo lang.

Maligaya ako’t nagkaroon ako ng ilang araw na paghinto sa routine na aking ginagawa. Kasama ng ilang mga kaibigan, ako ay nakapagbakasyon sa labas ng bansa. Nahanap ko ang katahimikan na tila matagal kong inasam. Nadama ko ang kapahingahan sa lahat ng mga gawain kong parang ang tagal-tagal ko nang ginagawa. Habang nasa bakasyon di ako nagmamadali (maliban na lamang syempre kung kailangang gumising ng maaga para mapuntahan namin ang mga dapat naming puntahan). Sa ibang salita, nakawala ako pansamantala sa mga responsibilidad ko sa ibang tao. Napagtanto kong di naman ito masama, sapagkat responsibilidad din natin ang ating mga sarili. Kung tutuusin, ang masama ay kung pababayaan natin ang ating mga sarili, hindi ba? Kung kailangan tayo ng maraming tao tulad ng ating mga pamilya, mga kaibigan pati na ating mga pinaglilingkuran, paano natin sila matutulungan kung pababayaan natin ang ating sarili? Hindi ba’t mas marami ang maaapektuhan kung nagkataong tayo ay ma-burnout? Kaya kung ako ikaw, di ako mag-aatubiling magpahinga, magbakasyon o magpakalaya (haha) paminsan-minsan. Di lang ito para sa atin. Para sa ibang tao rin.

At habang nag-iisip ka kung saan ka magbabakasyon, tandaan mong:

Kalma Lang Pogi Tayo

Bakasyon

Isa sa pinakanakakatuwa at pinakamasayang gawain ang pagbabakasyon. Bakit naman hindi? Marami ang magagandang epekto nito kaya’t halos lahat ay gustong-gusto ito.

Bakit ba nagbabakasyon ang isang tao? Maraming dahilan iyan. Isa na rito ay upang maipasyal natin ang ating sarili at ang pamilya natin sa kung saang-saang lugar. Hindi ba’t nakakatuwa itong dahilan sapagkat nadadala natin ang ating mga mahal sa buhay sa mga lugar na di pa natin napupuntahan dati? Isa sa mga dahilay ay gusto nating maranasan at masaksihan ang pamamaraan, kultura at tradisyon sa lugar na pupuntahan. Marami ang may gusto at gumagawa ng pakay na ito sa kanilang paglalakbay. Ang iba nama’y gusto lamang samantalahin ang libreng outing na ibibigay ng kanilang opisina at iba pang pinapasukan. Panghuli, ang pagbabakasyon ay para lumayo pansamantala sa mundo at iwan ang mga gawain na araw-araw nating ginagawa. Pagpapahinga kumbaga.

Kung iisiping mabuti, kailangan ng katawan at isipan natin ng mahaba-habang pahinga minsan, lalo na rito ang mga nakatatanda (o adults) na halos trabaho at pamilya lamang ang inaatupag. Nakakadulot pa naman ng matinding stress ang ating mga gawain paminsan-minsan. Marami ang nasi-stress out na tao ngayon. Di na kasi balanse ang buhay lalo na kung panay trabaho ang inaatupag. Sa lahat ng mga gaya kong kumakayod at naghahanap-buhay, kailangan natin ng papapahinga at pagbabakasyon. Di kasi magandang pinupukpok natin ang ating sarili sa trabaho buong araw buong taon. Tandaan nating di lang naman trabaho ang buhay natin. Marami pang bahagi ang buhay na kailangan nating bigyang-oras at pansin. Isang bahagi na d’yan ang ating sarili.

Isa pa sa mga nakadaragdag stress sa tao ay ang love life. Bakit kamo? Dahil di rin naman maganda kung panay love life ang iniisip natin, di ba? Nakaka-stress din ito paminsan-minsan lalo na kung isip tayo ng isip tungkol dito (o kawalan nito, hehe). Tandaan nating di naman sa taong iniibig lang natin umiikot ang mundo natin. May buhay din siya at may buhay ka rin na kailangang atupagin. Bigyan ng espasyo ang isa’t-isa paminsan-minsan. Maliban na lang siguro kung mag-asawa na kayo dahil ibang usapan na iyon.

Alam nating masama ang naidudulot ng stress. Sabi sa isang artikulo ng Psychology Today, nagpapahina ito ng ating resistensya na maaring umepekto sa ating pagtulog, pagkain at iba pang gawain. Tataas pa umano ang tsansang tayo ay ma-depress, humina ang ating memorya pati na sa pagdi-desisyon.

Kaya importante ang pagbabakasyon.

Ang pagbabakasyon ay isang napakagandang gawain. Yun nga lang, dapat talaga nating subukang kamtin ang mga dahilan kung bakit tayo nagbabakasyon. Ang ideyal kong bakasyon: walang stress, walang panggulo, walang bad vibes. Gusto kong maranasang maging isa sa kalikasan (o kung saan man ako magpupunta) kahit sa sandaling panahon lang. Pero dahil di perpekto ang ating mundo, di ito maiiwasan minsan. Nasa sa ating reaksyon at aksyon na lamang magbabase kung hahayaan ba nating mapurnada nito ang pahingang ating inaasam sa pagbabakasyon.

Trip to Puerto Princesa, Palawan: Isa itong pagkukwento sa aming bakasyon nitong mga nagdaang-araw lang.

Ang inyong lingkod habang kumakain ng tamilok

Ngayong Abril ay nanggaling ako at ilang mga kapamilya sa Puerto Princesa. Yun ang simula ng pagbabakasyon ko ngayong summer. Napakaganda ng mga tanawin dito sa lugar na ito. Pero dahil gabi kami nakarating sa siyudad na nabanggit, tanging magagawa na lang namin ay pumunta sa mismong bayan at hanapin ang lugar-kainan na binanggit sa amin ng isa kong pinsan. At yun nga, nakita namin ang aming hinahanap: ang Kinabuchs. Dito sa lugar na ito namin natikman ang dalawa sa mga exotic food ng Palawan: ang buwaya at ang tamilok. Di ko akalaing talagang kinakain ang buwaya, pero dahil sisig ang luto rito’y ginusto naming subukan. Ang tamilok naman ay isang uri ng mollusk na kinikilaw. Anong hitsura ng tamilok? Tila isa itong malaking earthworm na kitang-kita ang lamang-loob. Dahil napasubok na sa aming in-order na exotic food, nakatatlong subo kami ng kapatid kong mahilig din sa mga ganitong hamon. Pagkatapos nito, di na uli kami sumubok pa kahit na nangangalahati pa lamang kami sa in-order naming udo. Nakakatuwa lamang ang challenge na kumain ng uod na kay laki. Hehe.

1

Kinabukasan, nagtungo kami sa isa sa New 7 Wonders of Nature, ang Puerto Princesa Underground RiverIsa itong national park na ginawaran ng titulong World Heritage Site ng UNESCO noon taong 1999 dahil pinapakita ng lugar na ito ang biodiversity conservation at buong mountain-to-sea ecosystem. Kahit na kay haba-haba ng dadaanang proseso para makapunta rito sa lugar na ito ay tiyak na masusulit naman ito. Buti na lamang din at magaling ang aming tour guide na si Kuya Ernie kaya maaga-aga kaming nakarating. Napakaganda ng lugar sa palibot ng kweba. Masasabi mo namang one-of-a-kind experience ang pamamangka sa loob mismo ng kweba. Mga paniki at ahas, stalactites at stalagmites na may iba’t-ibang laki at porma, maliliit at malalaking chambers at marami pang iba ang makikita sa kwebang ito.

Ang aming Bunso, Tita at Mama sa Starfish Island

Marami ring mga isla na pwedeng puntahan sa Puerto Princesa. Una kaming nagpunta sa Pambato Reef at dun ay sumubok kami ng snorkeling. Marami masyado ang mga tao, kaya kahit na may mga isda kaming nakikita habang lumalangoy sa tulong ng life vest at snorkeling apparatus ay kakaunti ang mga ito. Malulungkot na sana ako pero di ito nangyari dahil sa ikalawang isla na pinuntahan namin, ang Starfish Island, ay sobra-sobra na ang tuwa ko. Manghang-mangha ako sa ganda ng lugar na iyon, lalo na’t perpekto ang pagkakahalu-halo ng iba’t-ibang shade ng kulay asul at berde upang maisalarawan ang ganda ng tubig, bundok at langit. Tila ito ang inspirasyon sa mga pintang dagat, bundok at langit ang nakikita gamit ang mga pastel colors. Ganda rin ng sandbar na mayroon dito. At nakadagdag pa sa tuwa naming dun sa lugar na iyon ay ang napakaraming isda na makikita sa napakalinaw nitong tubig. Kahit na nasa bandang mababaw pa lang kami ay talagang maraming isda ang pumupunta at patuloy na lumalangoy sa harap namin. Lalo na pag pinapakain na naming sila ng tinapay; talagang dagsa silang lalapit. Bukod sa mga karaniwan nang isda na nakikita sa mga dagat ng Pilipinas, nakakita rin kami ng stonefish at octopus dito. Oo, octopus o pogita. May isang boatman kaming nakasalamuha ng isa kong kapatid at dahil nakita nyang pumasok sa loob ng isang coral ang isang pogita, ginamit nya ang tsansang iyon upang makita namin ito. Saksi kami sa defense mechanism na ginagawa ng pogita pag may “kalaban” sa paligid: ang paglabas ng ink upang di siya makita ng kalaban. Pero magaling si manong na kalaban ng pogita nung mga panahong iyon. Nahuli nya ito (maliit pa naman ang pogita kaya kayang-kayang hulihin) at pinakita’t pinahawak nya sa amin. Kakaiba at nakakatuwa ang karanasan naming iyon. Ikatlong isla na pinuntahan namin ang Luli Island. Ang sabi ng aming tour guide, ganun daw ang pangalan ng islang ito dahil ang isla rito’y lulubog at lilitaw depende sa oras ng low tide/ high tide.  Bukod sa nakapag-snorkel kaming muli sa lugar na ito, kami rin ay nag-kayaking at nilibot ang isla na napapalibutan sa isang gilid ng napakaraming mangrove. May sandbar din dito yun nga lang, di namin  ito nakuhanan ng litrato sapagkat ubos na baterya ng mga camera namin.

Ang zipline sa Rancho Mitra. Tanaw na tanaw din dito ang mga isla sa Puerto Princesa.

Ang zipline sa Rancho Mitra. Tanaw na tanaw din dito ang mga isla sa Puerto Princesa.

Di naming akalaing makakapag-city tour pa kami kinahapunan pero sinubok talaga naming para naman makita ang iba’t-ibang tanawin sa Puerto Princesa. Balik sandali sa hotel, ligo ng mabilisan at pinalitan ang mga baterya ng camera upang magamit muli. Nakarating kami sa Crocodile Farm (kahit na di na naming nakita ang mga buhay na buwaya), rantso ng mga Mitra (napakaganda ng tanawin doon sapagkat kitang-kita ang mga isla nadaanan namin ilang oras lamang ang nakakaraan. Dami ring uri ng mga hayop doon). Huli naming pinuntahan ang pamosong Baker’s Hill. Bukod sa tanyag na masasarap nitong mga tinapay tulad ng hopia, nakakita rin kami ng iba’t-ibang uri ng mga ibon, halaman at bulaklak dito. Maganda ang pagkakadesenyo sa lugar kaya di kataka-takang paboritong lugar ito ng mga tao upang kumuha ng larawan. Kinagabihan, nagtungo kaming bayan upang kumain sa isa pang kilalang restaurant sa Puerto Princesa, ang Ka Lui. Masarap ang mga hinahaing seafood dito. At sa mga magtatanong kung aling lugar ang naghahain ng mas masarap na pagkain, sasabihin kong mas nasarapan ako sa Ka Lui kaysa sa Kinabuchs.

Ang aking Mama at mga nakababatang kapatid sa tanyag na Baker's Hill

Ang aking Mama at mga nakababatang kapatid sa tanyag na Baker’s Hill

Sa totoo lang, napakarami pa ng pwedeng puntahan sa Puerto Princesa at karatig-bayan. Kaya susubukan kong bumalik dito sa hinaharap upang masubukan naman ang mga di ko pa nasubukan at puntahan ang mga di ko pa napuntahang lugar.

***

Naramdaman ko ba ang bakasyon sa ginawa naming tour sa Palawan? Oo naman. Kahit na nakakapagod ang mga aktibidad na ginawa namin dito, nakapagpahinga naman ako kahit papaano. May mga bagay na nakapagpa-stess sa akin at aaminin kong nakabawas iyon sa inaasam kong pahinga sana pero ginawa ko na lamang ang magagawa ko para tanging magagandang alaala ng Puerto Princesa ang aking maiisip sa tuwi-tuwina.

Ano pang hinihintay mo? Magbakasyon ka na rin!