Dama Mo Ba Ang Kapaskuhan?

Christmas Lights

Christmas decor sa Ayala Fairview Terraces

Ilang araw na lang at Pasko na pala. Nagsimula na nung isang linggo ang Simbang Gabi. Bakasyon na ng maraming mga estudyante. Marami-rami na rin ang mga nangangaroling na bata, pati na mga dalaga at binata sa labas ng mga tahanan. Kaliwa’t kanan din ang mga pagtitipon sa pagitan ng mga magkakatrabaho, magkakapamilya pati mga magkakaibigan. Ang tanong ko ngayon ay, nararamdaman mo na ba ang Pasko sa lagay na iyan?

Simpleng tanong iyan pero simple rin ba ang mabibigay mong sagot? Sa ngayon, nararamdaman mo na ba ang tradisyong taun-taong pinagdiriwang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo? Nadarama mo ba ang kaligayahan sa paligid na dulot ng pagbibigayan ng regalo, pag-awit ng mga masasayang awiting pang-Pasko, pagbati ng mga mahal sa buhay at pagsasalu-salo ng oras at pagkain kasama nila? Kung oo ang sagot mo, masaya ako para sa’yo. Ako kasi, hindi pa gaano.

Pinakapaborito ko noon ang panahon ng Kapaskuhan. Bakit naman hindi? Bukod sa masaya nating inaalala ang kapanganakan ni Kristo ay maraming pagdiriwang kasama ng pamilya at mga kaibigan. Bata pa man ako ay tuwang-tuwa na ako sa tuwing naririnig ko ang mga himig pang-Pasko sa radyo kahit hindi pa Disyembre. Kahit na may pasok sa eskwela ay gumigising ako ng maaga noon para magdiwang ng misa tuwing Simbang Gabi, at syempre, humagilap ng mga kaibigang maisasama sa pangangaroling kinagabihan. Natutuwa ako sa mga Christmas Party at iba pang pakulong pang-Pasko sa school. Inaabangan ko kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Sa totoo lang, pakiramdam ko noon ang saya-saya lahat ng tao. Haha. Noong mas tumanda na ako ng kaunti, mas inaabangan ko na ang mga reunion kasama ng mga kamag-anak namin. Natutuwa akong makibalita sa aking mga pinsan na hindi ko madalas nakikita. Paminsan-minsan din ay bumibisita kami sa probinsiya ng Ilocos Sur para bisitahin ang mga kamag-anak namin doon. Syempre, hindi rin nawawala ang pakikipagkita ko sa mga malalapit at mabubuting kaibigan sa tuwing darating ang panahong ito. Mininsan na lang din kasi kami magkasama ng matagal-tagal talaga. Bukod sa mga iyan ay marami-rami pa ang nagagawa ko sa mahabang panahon ng bakasyon. Free time e!

Pero nag-iba na ang dating sa akin ng Kapaskuhan. Sabihin na nating mas naintindihan ko na ang mga bagay-bagay tungkol sa pagdiriwang nito. Idagdag pa ang tipong walang hanggang paggastos ng mga tao. Bili rito, bili roon. Regalo rito, regalo doon. Handa rito, handa roon. Tingin ko’y damang-dama mo ito lalo na kung malaki-laki na ang nagagastos mo. Haha. Kapaskuhan din ang panahon ng matindi-tinding traffic sa mga lansangan. Natitiyak kong nabiktima ka na nito lalo na kung nakatira o naghahanap-buhay ka sa Metro Manila. Kung hindi mahaba ang pasensya mo, umaga pa lang masisira na ang araw mo.

Ang problema ng mga tao pag Pasko, ang dami-daming inaasikaso. Kung marami na tayong inaasikaso tuwing ordinaryong araw, mas marami tuwing sasapit ang panahong ito. Kung iisiping mabuti, hindi talaga sa dami ng mga gawain ang problema. Nasa sa atin. Bakit natin hahayaang matabunan tayo ng maraming gawain kung kaya nating bawasan ang mga ito sa simula pa lang? Halimbawa, imbes na makisiksik sa pagbili ng regalo tuwing darating ang buwan ng Disyembre ay umisip at bumili na ng mga ito ilang buwan bago pa sumapit ang Kapaskuhan.

Isa pang problema sa atin, gusto nating puntahan lahat ng Christmas Party. Kung pupwede sana, bakit hindi natin puntahan lahat? Pero kung hindi maaari lalo na kung kapos ka na sa pera at may iba ka pang dapat gawin at atupagin, ayos lang na magpaalam na hindi makapupunta. Sa panahong ito, pinakamaiging ipakita ang ating maturity at pag-intindi sa sarili (pati na rin sa kapwa syempre).

Isa pa sa mga nakikita kong problema natin ngayong Pasko ay hindi tayo marunong mag-enjoy. Bago pa man kasi natin gawin ang mga dapat nating gawin, reklamo agad tayo. Hindi pa nga naiintindihan ang sinasabi sa atin, sumasagot agad tayo. Nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng gawain, iba na agad ang iniisip natin. Hindi ba pwedeng focus lang sa kung anong ginagawa sa harap natin mismo?

Ito ang gawin mo. Pag hindi ka na abala (ngayon siguro dahil binabasa mo ito, haha), isipin mo kung para saan ba at ginagawa natin ang ating mga ginagawa ngayon. Bakit tayo nagdiriwang tuwing Pasko? Bakit tayo nagsasalu-salo? Bakit tayo nakikipagkita sa mga kapamilya at mga kaibigan? Sa punto kasi na maalala mo kung bakit mo ito ginagawa, ngingiti ka nang tunay at matutuwa. Mararamdaman mo na uli ang diwa ng Kapaskuhan.

Maniwala ka.

image

Advertisements

KSPs Be Like

Liker 6

Maraming tao ang natutuwa sa tuwing nila-like ang kung anong pinupost nila sa iba’t-ibang social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Likas na siguro sa atin ang ganito: na katuwaan o kagustuhan tayo ng mga tao sa ating paligid. At dahil dito, gagawa at gagawa tayo ng paraan para mas maraming tao pa ang magkagusto sa atin. Pero tama bang ganito ang gawin natin? Ating alamin.

Like 2May mga kakilala ba kayong nagtatawag ng tao para i-like ang mga post nila? Yung tipong magpa-private message (PM) sa inyo para puntahan ang profile picture nila para lamang i-like ninyo? Nabiktima na ako nyan. Kayo rin ba? Haha. Kung hindi pa, siguro, kayo ang nambiktima. Haha, biro lang. Ano ba ang mapapala nila kung sobrang dami ang mag-like sa mga post nila? Ah, mayroon pala. Gaganda ang pakiramdam nila. Tataas kumpiyansa nila sa sarili. Maaaring katuwaan din talaga sila. Yun nga lang, kailangan ba talagang mamilit para gustuhin ka ng mga tao? Hindi ba dapat kusa iyon? Problema sa atin, hindi na natin nakikitang nakakahiya mali na pala ginagawa natin pero ginagawa pa rin natin.

Baka sabihin ninyo, why care? Of course, we should care. Oras natin naaabala kung may mga ganyang message para i-like ang post nila. Pangit sabihing parang desperado ang dating pero ganun na nga, hindi ba? Ang mga tao ngayon, sa dami ng ginagawa, ay parang pribilehiyo na lamang ang pagpunta sa mga social networking sites na mga iyan. Uubusin pa ba natin ang oras natin para sa kung ano lamang? Maaari sana kung parte ng proyekto sa eskwela o kaya sa trabaho pero kung para lamang sa maling paraan ng ikatataas ng tingin sa sarili, ay huwag na lamang. Kung tinatamaan ka na, mabuti yan. Kailangan kasi natin minsan ng paalala lalo na kung di na natin alam na mali na pa la ginagawa natin.

Like 4Ang nakakalungkot, may ibang tipong na-addict na sa mga ito. Sila yung mga tipong maaaring may iba dapat na ginagawa pero dahil nga nasanay na, inuuna pa ang pagbabrowse o pagpu-post sa FB, Twitter o IG. Hoy, mag-aral o magtrabaho kayo! Haha.

Ang mga social networking sites ay hindi talaga para sa lahat. Maraming tao ang sensitibo sa mga ipinuposte ng iba habang ang iba naman ay insensitibo sa mga ipinuposte nila. Ang una ay yung tipong madaling maimpluwensiyahan ng mga nakikita at nababasa nila. Minsan, sila rin yung masyadong emosyonal, na tipong inaakala nilang sila ang pinatatamaan ng mga status update, tweet o IG post ng malalapit nilang kaibigan o kakilala. Siguro dapat ipaalala sa kanilang hindi umiikot ang mundo sa kanila at hindi lahat ng sinasabi ng iba ay tungkol sa kanila. Ilan pa siguro sa nabibilang sa pangkat na ito ay yung mga tipong madaling mainggit sa ibang tao, lalo na sa mga kakilala nila mula pa pagkabata. Mabuti sana kung gamitin nila ito para pagbutihin ang sarili pero minsan ay hindi. Yung ikalawang grupo, yung mga insensitibo, sila yung mga nabubuhay sa mga katagang, “It’s my life.” Wala silang pakialam kung may mga masasagasaan sila sa mga ipupost nila, gaano man ito ka-tacky (Sige, i-search mo kung ano ibig sabihin nyan nang makapagkunsulta ka naman ng diksyunaryo. Hehe.). Sila tuloy yung mga nabibiktima ng hide o unfriend button ng mga mabilis mainis. May mga kakilala rin akong gumagawa niyan. Haha.

Like 3Maiging isipin na hindi naman pare-pareho ang mga tao. Nagkakaiba tayo sa uri ng pamilyang pinanggalingan, sa edukasyong ating tinanggap, sa mga kaibigan at mga kakilala, mga impluwensiya, mga binabasang libro, pahayagan o mga artikulo, mga pinapanood na palabas. Magkakaiba rin tayong mag-isip, kumilos at dumama. May tama yung sinasabi ng iba na hindi talaga maiging kinukumpara ang sarili natin sa iba dahil magkaiba ang ating mga pinanggalingan at magkaiba rin ating mga pinagdaraanan at nararanasan.

May nabasa akong isang post na nagsasabing huwag ibase sa mga like ang iyong self-worth. Tama, hindi ba? Wala sa mga ipinu-post natin kung mabuti ba tayong tao. Wala sa ipinu-post natin kung tama ba mga ginagawa natin. Wala sa mga ipinupost natin ang lahat ng katotohan ng mga nangyayari sa atin. Nagiging ugat tuloy ng inggit at inis kahit na hindi ganun ang intensyon natin, hindi ba? Minsan, lumalabas na paligsahan ang nangyayari. Imbes na i-express natin ang ating sarili sa mga social networking sites na ito e gumagawa tayo ng paraan para ma-impress ang iba. Maganda sana kung pareho nating nagagawa ang mga yun sa tuwing may bago tayong post. Pero kung hindi, ayos lang din naman. Basta wag masyadong dibdibin kung kaunti man o kahit wala pa ang mag-like ng mga iyan. Ang mahalaga, nasabi mo o naipakita mo ang gusto mong ipakita.

Huling Salita

Sa mga naghahanap lagi ng likes, sana maraming mag-like sa mga post ninyo. Gandahan ninyo para di nyo na kailangang pilitin mga tao sa pag-like ng mga ito. Wag sanang umabot sa puntong maging mababaw kayo’t tipong masisira na araw ninyo kung kaunti o walang nag-like sa mga post ninyo, ha? Paalala nga pala. Basta wag mag-hoard ng espasyo sa timeline para naman makita naming yung ibang tao, okay? Baka kasi wala nang nagla-like sa mga pinupost mo ay dahil araw-araw ka na lang nakikita. Magpa-miss ka naman.

Ang Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup

Gilas Pilipinas!

Nasa alapaap pa malamang ang buong sambayanan isang araw bago magkamit ang Gilas Pilipinas ng kauna-unahang panalo ng ating bansa sa International Basketball Federation, o mas kilala sa tawag na FIBA, sa loob ng 40 taon. Tinalo ng Pilipinas ang Aprikanong bansang Senegal, na sinasabing niyabangan ang ating mga koponan doon sa Espanya kung saan ginaganap ang FIBA. Nakita nila ang hinahanap nila nang manaig ang galing ng ating mga kababayang basketbolista. Kaya ngayo’y di nakakapagtakang masayang-masaya tayo. Pagkatapos ng tatlong napakalalapit na laban sa huling limang laro ng ating pambansang koponan (Croatia, Argentina at Puerto Rico), lahat tayo ay umaasang magkakamit ng kahit isang panalo man lang. At nang magawa ito ng mga kagilalas na manlalaro ng Gilas, buong bayan ang natuwa at nagdiwang.

Nanood ang maraming Pilipino nang ipalabas ang FIFA World Cup dalawang buwan na ang nakararaan. Pero mas maraming Pilipino ang tumutok sa kanilang mga telebisyon at computer nang ipalabas ang FIBA ngayong buwan sapagkat isa sa mga koponang kasali ay ang ating sariling basketball team. Ang Gilas Pilipinas ay kinabibilangan ng mga magagaling na manlalaro buhat sa Philippine Basketball Association (PBA) tulad nina Jimmy Alapag (ng Talk N’ Text; siya ang kapitan ng Gilas Pilipinas), Gabe Norwood (ng Rain or Shine) at LA Tenorio (ng Barangay Ginebra San Miguel) kasama ang isang manlalarong Fil-Am na naglaro para sa mga koponang Washington Wizards at Brooklyn Nets sa National Basketball Association (NBA) ng Estados Unidos, walang iba kundi si Andray Blatche.

Ano ang FIBA?

Ang International Basketball Federation o FIBA (hango mula sa pangalan nito sa Pranses na Federation Internationale de BAsketball) ay ang asosasyon ng mga organisasyon mula sa iba’t-ibang bansa na namamahala ng mga internasyonal na kumpetisyon sa larong basketball. Sila ang nagpapanukala ng mga patakarang internasyonal sa larong basketball, nagbibigay ng panuntunan tungkol sa mga kagamitan at lugar na paglalaruan, nangangasiwa sa paglipat-lipat ng mga atleta mula at papunta sa ibang bansa, pati na rin ang pagkontrol sa mga internasyonal na referees.

Itinatag ang FIBA noong 1932 sa Geneva, Switzerland, dalawang taon mula nang opisyal na kinilala ng International Olympic Committee (IOC) ang basketball bilang sports sa Olympics. Walong miyembro ang kasama sa pagkakatatag nito: Argentina, Czechoslovakia, Greece, Italy, Latvia, Portugal, Romania at Switzerland.

Ang orihinal na pangalan ng FIBA ay Federation Internationale de Basketball Amateur. Subalit simula noong 1989 kung kailan pinayagan ng FIBA ang mga propesyonal na manlalaro tulad ng mga manlalaro mula sa NBA, tinanggal nila ang salitang Amateur pero ipinagpatuloy ang paggamit ng acronym na FIBA.

Ano ang FIBA World Cup? 

Spain_2014_FIBA_Basketball_World_Cup_logo

Ang FIBA Basketball World Cup ay isang internasyonal na kumpetisyon para sa basketball na idinadaos bawat apat na taon (dapat 2018 ang susunod na FIBA subalit iuurong ito ng isa pang taon upang hindi makasabay ng FIFA) at pinasisinaya ng FIBA. Naglalaban-laban ang mga koponan mula sa iba’t-ibang bansa para mapanalunan ang Naismith Trophy, ipinangalan mula sa lumikha ng larong basketball na si James Naismith.

Paano makakasali ang bansa sa FIBA World Cup?

Dalawampu’t apat (24) ang mga koponan na pipiliin upang makasali sa World Cup at sila’y mapipili sa iba’t-ibang paraan. Otomatikong kasali na ang koponan ng bansang pagdarausan nito (1). Ang magwawagi naman sa sports na basketball sa Summer Olympics ay garantisadong kasali na rin (1). Lima ang tinatawag na FIBA zones (limang hati base sa lokasyon o kontinenteng kinabibilangan ng mga sasali: Asia, Oceania, Europe, Americas, Africa), at sa bawat zone ay tinatayang hindi bababa sa dalawa (2) ang makukuha. Madaragdagan ang makukuha depende sa lakas ng mga koponan sa bawat zone. Ngayong taon, anim (6) ang nakuha mula sa FIBA Europe, apat (4) naman sa FIBA Americas, tig-tatlo (3) sa FIBA Africa at FIBA Asia at dalawa (2) mula sa FIBA Oceania. Apat (4) na wild card na koponan din ang pipiliin para makumpleto ang mga magkakatunggaling koponan.

Ayon sa balita, sa 2019 ay itataas ang bilang ng mga maglalaban sa 32 (mula sa 24 na koponan) at pagsasamahin ang dalawang FIBA zones (Asia at Oceania).

Nahahati ang mga laban sa mga sumusunod:

Preliminary Rounds

Ang dalawampu’t apat (24) na koponan ay magkakaroon ng limang laro kalaban ang limang bansang kasama nila sa grupo. Tanging labinganim (16) lamang ang aabante sa susunod na round base sa pagkapanalo at goal averages ng mga koponan sa bawat laro nila. 

Round of 16

Mas mabilis na ang laban sa round na ito sapagkat isang laro na lamang ang kanilang kinakailangan upang umabante. Ang mananalo ay aabante at ang matatalo ay uuwi. Pasok na rito ang mga bansang Espanya, Brazil, France, Serbia, Greece, Croatia, Argentina, Senegal, Estados Unidos, Turkey, Dominican Republic, New Zealand, Lithuania, Slovenia, Australia at Mexico

Quarter-finals

Tig-iisang laban na lamang ang gagawin ng natitirang walong (8) koponan. Apat (4) ang aabante.

Semi-finals at championship

Ang magwawagi sa susunod na dalawang laban ay tatanghaling kampeon. Ang matatalo sa final round ay ang 2nd placer. Ang dalawang matatalo sa semi-finals ay maglalaban upang kamtin ang 3rd place.

***

 

 

Sa mga napanood ninyong laban, aling koponan ang gusto ninyong magwagi hanggang dulo? Maganda sana kung kasama pa rin ang Gilas Pilipinas, pero dahil tanggal na sila sa kumpetisyon, maiging pumili na lang ng ibang susuportahan. Malalakas ang Espanya, Estados Unidos at Greece kaya’t hindi kataka-taka kung ito ang susuportahan mo.               

Gilas2013

GILAS PILIPINAS

Narito ang listahan ng mga magigiting nating manlalaro kasama na ng kanilang coach at iba pang kasama sa buong Gilas Pilipinas team:

  1. Jimmy Alapag (team captain, guard)
  2. LA Tenorio (guard)
  3. Jeffrei Chan (guard)
  4. Jayson Castro (guard)
  5. Gary David (guard/forward)
  6. Ranidel de Ocampo (forward)
  7. Gabe Norwood (forward)
  8. Andray Blatche (center)
  9. Junmar Fajardo (center)
  10. Paul Lee (guard)
  11. Japeth Aguilar (forward/center)
  12. Marc Pingris (forward)
  • Coach: Chot Reyes
  • Assistant Coaches: Jong Uichico, Josh Reyes
  • Consultants: Tab Baldwin, Naxto Lezcano
  • Team Manager: Butch Antonio

#LabanPilipinas (mula sa philnews.ph)

Huling Salita

Bagamat hanggang preliminary rounds lang ang inabot ng Gilas Pilipinas, kakaibang sense of pride naman ang ibinigay nila sa buong sambayanan. Makapasok lamang sa FIBA World Cup ay isa nang karangalan. Ano pa kaya iyong tapatan ang mga malalakas na kalaban? Sa ginawa nila, kakaibang kaligayahan ang idinulot nila sa ating lahat. Trending ang mga hashtag na #puso, #LabanPilipinas at #GilasPilipinas sa nakaraang linggo dahil na rin sa buong pusong paglalaro nila at paglaban para sa ating bansa. Sa bawat shoot nila ng bola sa ring, sa bawat rebound nila kasabay ng pagtalon ng mga higante nilang kalaban, sa bawat steal nila ng bola ay nakatutok tayo’t umaasa sa kanilang tagumpay. Muntikan na tayong umabante sa susunod na round, pero kahit na hindi, pinatunayan nilang magagaling ang mga Pilipino. Wala iyan sa tangkad at laki. Matatangkad man at malalaki ang mga kalaban ay kaya itong tapatan ng ating lahi sa galing, liksi at gilas.

Sampung Pinakanakakainis na Nararanasan ng mga Pilipino Araw-araw

Gumising kang masaya at punong-puno ng pag-asa. Naligo, nagbihis at kumain na maganda ang pananaw sa buong araw na masisilayan. Wari’y handang-handa kang harapin ang mundong sa’yo ay naghihintay. Pero, pero, pero, dumaan ang araw at ang mukha mo’y di maipinta. Kombinasyon kasi ito ng pagkagalit, pagkainis at pagkawalang-gana. Tinatanong pa ba kung bakit? Malamang, may mga bagay na nagpagalit o nagpainis sa’yo buong araw. Anu-ano ang mga bagay na ito? Kasama ba ang mga nakasulat dito sa listahan mo?

Heto ang Sampung Pinakanakakainis na Nararanasan ng mga Pilipino Araw-araw:

1. TRAPIKO

Traffic (World's largest traffic jam in history happened in China- image from autoevolution.com)

May mas nakakainis pa ba sa hindi umaandar na sasakyan sa kalsada kung mahuhuli ka na sa klase o trabaho? Isa na ito sa mga pinakapangit na imahe ng punong lungsod ng bansa, ang Metro Manila. Ano kamo ang mga dahilan? Mga ginagawang kalsada, mga tsuper na matitigas ang ulo’t ginagawang kaharian ang mga kalye pati na rin mga walang disiplinang pedestrian. Isama na rin natin ang hindi maayos na traffic management na isinasagawa ng gobyerno. Mapaumaga man o gabi (kahit na gabing-gabi na, sa totoo lang), kasagsagan ng matinding trapiko ang mga daanan.

2. MAHABANG PILA

LRT queue (image courtesy of GMA News TV, taken from paanomagingpinoy.files.wordpress.com)MRT/LRT. Terminal ng mga sasakyan. Bangko. Grocery. Restaurant. Parte na ng buhay ng mga tao ang pagpila. Nariyan ang pagpila ng napakatagal sa MRT at LR na talagang susubukin ang pasensya mo (pati na rin galing sa pag-iwas sa mga mandurukot). Kung may pila sa tren, may pila rin syempre sa mga terminal ng jeep, FX at taxi. Minsan mabilis lang ang pila lalo na kung hindi na rush hour pero may pagkakataon ding ilang bloke ang haba. Maaga kang nagpunta ng terminal? Bale wala rin yan kung ikaw ang unang pasahero ng dambuhalang van na dapat punuin bago kayo umalis. Mapapakamot ka na lang ng ulo talaga minsan. Sino na ang “nabiktima” ng napakahabang pila sa mga bangko? Isang oras lang ang break mo at isang oras din kung minsan ang bubunuin mo makabayad lang dito. Buti’t nauso ang e-payment­ kaya’t di na kailangang pumunta lagi sa mga bangko para magbayad. Buti sana kung maaaring gamitin ang cellphone o kaya gumawa ng ibang makabuluhang bagay habang naghihintay pero hindi. Sa pagkakaalam ko, iilang bangko lamang ang nagpapahintulot nito. Mahaba rin ang pila minsan sa mga grocery store kaya maiging mamili kung kailan hindi pa marami ang mga tao rito. May mga pila rin sa mga restaurant. Kahit na gutom na gutom ka na pero dahil gusto mong kumain sa mga lugar na puntahan talaga (dahil mura o masarap ang pagkain kahit mahal), pagtiyatiyagaan mo talaga.

Kahit saan, kahit kailan, magiging parte na yata palagi ng buhay ng tao ang pagpila.

3. MGA DI KANAIS-NAIS NA KATRABAHO

Pangit na KatrabahoMga bosing man o kapwa empleyado, di na yata maiiwasang minsan ay mayroong tayong makakatrabaho na hindi natin tipo ang ugali. Mayabang, power-tripper, madamot at kung anu-ano pang kagaspangan ng ugali ang kanilang pinapakita kaya di natin sila ganun kagusto. Naiisip siguro ng iba, pag minsanan lang nakikita, ayos lang. Pero kung buong araw araw-araw, sana hindi na lang. May dahilan kung bakit sila hindi kanais-nais sa iyong mga mata, at sana’y magawan ng paraan para naman maging payapa at masaya ang lugar na inyong pinagtatrabahuan.

4. MGA TSISMOSO AT TSISMOSA

Tsismis (from getrealphilippines)Ginagawang libangan ng ibang tao sa komunidad man o trabaho ang pantsitsismis. Ang iba, natutuwang sila ang nangunguna sa pantsitsismis tungkol sa buhay ng iba. Yung iba naman, ang saya-saya pag nangangalap ng tsismis dahil may ipangtsitsismis sila sa iba. Totoo man o hindi ang itsinitsismis, ang daming naaapektuhan nito. Reputasyon ng mga taong bida sa tsismis, pati na rin pagkatao ng mga nangtsitsismis. Bakit pati mga nangtsitsismis damay ang pagkatao? Dahil imbes na harapin ang tunay na problemang pinagtsitsismisan nila o pag-usapan ang mga magagandang bagay sa paligid nila ay nantsitsismis sila. Mapapasabi ka na lang ng “Tse!”, hindi ba? Hehe.

5. SOBRANG PAG-UULAN O KAYA GRABENG INIT NG ARAW

Ulan (image courtesy of theorganicprepper.ca)Isa sa mga pinakanakakainis na pangyayari ay yung mababasa ka dahil sa pag-uulan gayung pusturang-pustura kang papasok sa trabaho. Isama na rin ang grabeng pawis na aabutin mo kung maabutan mong tirik na tirik naman ang araw sa kalangitan. Mapapaisip ka minsan, hindi ba pwedeng yung tamang balanse ng ulan at init lang? Sa isang tropikal na bansang tulad ng Pilipinas, hindi posible yun para sa buong taon. Yung ibang tao, naiinis pag sobrang init at sana raw umulan. Pero pag umuulan na, maiinis pa rin at napakalamig naman daw. Ano ba talaga, ate’t kuya?

6. MGA BALITA TUNGKOL SA MGA PANGIT NA MGA KALSADA, MGA NAKATIWANGWANG NA PROYEKTO AT IBA PANG REKLAMO LABAN SA MGA PROYEKTO NG GOBYERNO 

bataan_nuclear_power_plant (image courtesy of getrealphilippines.com)Nakakatuwang makita na kumikilos ang gobyerno sa iba’t-ibang pagpapagawa ng kalsada, pagbubuo ng pampublikong gusali at pagpapatupad ng magagandang programa sa paligid. Ibig sabihin nito’y kumikilos talaga sila. Pero ang nakakainis niyan, may mga pagkakataong sisimulan nilang gawin pero di rin naman tatapusin. Malalaki mang proyekto (tulad ng Bataan Nuclear Power Plant) o hindi (pagsasaayos ng tulay o kalsada), nakakainit ng ulo na bigla na lamang silang mahihinto. Ang nangyayari tuloy, nakatiwangwang ang mga ito. Imbes na pakinabangan, ang perang ginasta ay nasayang.

7.1 MAMAMAYANG MATITIGAS ANG ULO

Sinabi ng bawal tumawid, tumatawid pa rin. Nakasaad na nga sa pader na bawal pumarada, pumaparada pa rin. Bawal ang mangurakot, nagnanakaw pa rin. Naaapektuhan tuloy hindi lamang iba kundi ang lahat dahil matitigas ang mga ulo ng marami sa atin.

7.2 MGA TAMAD NA TAO

Tamad (image courtesy of The Simpsons)Isasama ko na ito sa # 7 para magbigay-daan sa isa pang nakakapagpainis sa mga Pilipino. Alam mo yung mga tagpong kilos ng kilos ang lahat pero may isa o iilang taong nakaupo o nakahiga lang at walang ginagawa? O kaya yung tipong nabiyayaan ng pamilyang kayang magpaaral pero tinatamad pumasok sa walang mabigat na kadahilanan? O kaya may magandang trabaho pero binabalewala ito? Hindi ka ba naman maiinis sa kanila kung nakikita mo lang silang nakanganga at walang ginagawa?

8. MGA PANGIT NA PALABAS SA TELEBISYON

images (5)

Nakalilibang ang panonood ng telebisyon. Sa araw-araw ay may mga iilang programang talagang nakapagbibigay-saya, nakakapagdagdag ng kaalaman at nakakapawi ng pagod mapaumaga man, tanghali o gabi. Yun nga lang, mas marami yata ang pangit na palabas ngayon, sa lokal na telebisyon man o cable. Kung ililista lahat ng mga programa sa telebisyon, mabibilang lang siguro sa daliri ang talagang kailangan ng mga tao. Ang iba’y pang-distract lang habang ang iba’y tila pinapalabas lamang para may mapanood. Ang nakakatakot pa nya’y ginagamit minsan ang mga programa sa telebisyon para i-brainwash ang mga tao upang mawalan ng pakialam tungkol sa kung anu-ano ang talagang nangyayari sa paligid. Madalas din ay ginagawa ang mga itong pagsasaboy ng propaganda na ikakabuti lamang ng iilang tao.

9. MGA MINAMAHAL SA BUHAY

Bad Family (image courtesy of applywithin.co.nz)Mahal natin ang pamilya natin, mga kaibigan o mga sinisinta. Pero aminin mong sila rin minsan ang mga pinakanakakainis na parte ng araw mo. Haha. Dahil man sa kakulitan nila, kabiguang gawin ang mga dapat nilang ginawa o pagiging iresponsable sa ibang mga bagay, parte ng pakikipagbaka sa buhay ang intindihin ang mga mahal sa buhay, kahit na may mga panahong nakakainis talaga sila.

10. MABAGAL NA INTERNET CONNECTION

Internet memeIto na yata ang pinakanagpapainit sa ulo ng maraming tao araw-araw. Yung tipong nagbabayad ka naman palagi buwan-buwan sa Globe, Smart, PLDT o kung ano pang ISPs pero di mo nagagamit ng maayos yung internet connection mo. Sinasabi sa mga balita na ang Pilipinas ang isa sa may pinakamahal pero pinakamabagal na koneksyon sa buong mundo. Sana naman, gumawa ng paraan ang gobyerno natin tungkol dito. Di mo tuloy maiiwasang mainggit kung minsan sa ibang bansa dahil kahit sa mga kalsada nila dahil mayroong libreng internet na, mabilis pa!

BONUS: MASAMANG PAG-UUGALI NG SARILI

SELF (image courtest of digitaltrends.com)

Tingin mo hindi ko isasama ito? Mareklamo tayong mga tao, lalo na ang mga Pilipino. Mahilig din tayong mamintas ng pagkakamali o pagkukulang ng iba. Mabuti sana kung nakakaisip tayo ng paraan para solusyunan ang maraming problema sa paligid pero karamihan sa atin, magaling lang sa pagbato ng putik sa iba. Piliing maging parte ng solusyon. Kumilos at pagbutihin ang ginagawa.

***

Ngayong alam na natin ang mga nagpapainis sa atin, isipin naman natin kung paano ang mga ito masosolusyunan. Siguro, pwedeng matulog at gumising ng mas maaga para hindi mahuli sa pagpasok. Pwede ring iwasan ang mga taong ang hilig lamang ay pag-usapan ang buhay ng may buhay o kaya yung mga taong walang magandang maidudulot sa atin. Igihan din ang pagpapabuti sa sarili, at idamay na ang iba sa pamamagitan ng pag-iimpluwensiya sa kanila ng magagandang katangiang mayroon ka.

Minsan, alam ng mga tao ang sagot sa mga problema nila, kaya lang, walang silang lakas ng loob para gawin ang mga ito o binabalewala lang nila ang katotohanang nalalaman nila ito. Ikaw, pumili ka. Magreklamo o kumilos.

FIFA World Cup

FIFA World Cup Logo

Bukambibig ng marami sa ngayon ang tinataguriang isa sa mga pinakasikat na paligsahan sa mundo, ang FIFA World Cup. Sa paligsahang ito ay nagsasama-sama ang pinakamagagaling na koponan mula sa iba’t-ibang bansa sa mundo sa larangan ng football.

Ano ang Football?

Ang footballay tumutukoy sa maraming bilang ng sports na mayroong pagsisipa sa bola at pagkakapuntos sa pamamagitan ng pagpasok dito upang magkamit ng goal. Ang pinakapopular na variation ng football ay tinatawag na association football, na tinatawag lang din na football o soccer.

Ano ang World Cup

Ang World Cup o FIFA World Cup ay isang internasyonal na kumpetisyon para sa football na pinasisinaya ng Federation Internationale de Football Association (FIFA). Nagsimula ito noong taong 1930, at isinasagawa ang kampeonato bawat apat na taon. (Mula noong nagsimula, dalawang beses itong di ginanap, noong mga taong 1942 at 1946, dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig). Ang kasalukayang kampeon ng World Cup ay ang Espanya sapagkat sila ang nagwagi noong 2010 sa South Africa. Sila nga lamang ay tanggal na sa kampeonato pagkatapos magkamit ng dalawang beses na pagkatalo noong unang round pa lamang ng mga labanan.

Sinasabing ang World Cup ang pinakapopular na sporting event sa buong mundo. Daig pa nito ang Summer Olympics at Winter Olympics base sa dami ng mga manonood sa telebisyon at internet.

Qualification Phase- Ito ang ginagamit na batayan para matukoy kung aling mga koponan ang makalulusot at matatanggap sa kampeonato ng World Cup. Isinasagawa ito sa unang tatlong taon pagkatapos ng taon ng kampeonato.

World Cup Finals– Ang 32 koponang nakalusot sa qualification phase ay aabante para paglabanan ang pagiging kampeon ng World Cup. Magtutunggali ang mga koponan na ito sa loob ng isang buwan hanggang malaman kung alin sa kanila ang magiging bagong FIFA World Cup champion.

Croatia vs. Brazil

Croatia vs. Brazil

2014 World Cup

Kasalukuyang isinasagawa ang World Cup sa Brazil, isa sa mga bansang pinakamagaling sa sports ng football. Tinatayang limang beses na silang nagkampeon dito, pinakamarami sa lahat ng bansang sumasali kada apat na taon.

Ibinabalitang gumastos at patuloy na gumagastos ang Brazil ng $14 bilyon upang mapaghandaan ang World Cup ngayong taon. Ito ay tinutulugsa ng maraming kababayan ng nasabing bansa, sapagkat imbes dawn a ilaan ang napakalaking halaga na ito sa ibang aspeto ng bansa na talagang nangangailangan ng pondo ay sa isang palakasan ito inilaan na tatagal lamang ng isang buwan.

Ang walong (8) koponang nalalabi sa World Cup Finals ay ang mga sumusunod:

  • France
  • Brazil
  • Argentina
  • Netherlands
  • Germany
  • Columbia
  • Belgium
  • Costa Rica

Lionel Messi

Paborito ng marami ang mga koponan na Argetina, Germany, Brazil, Mexico at United States (bagamat natanggal na ang Mexico at United States). Napanood ko na kung paano maglaro ang Argentina, at naipamalas nila ang magaling na pagpapasa-pasa ng bola upang magkamit ng punto pati na rin pagsanggalang sa bolang sinisipa ng kalaban. Magaling si Lionel Messi, isa sa mga pinakapopular na manlalaro ng football. Nais ko ring mapanood sa mga darating na linggo kung paano maglaro ang ibang mga nabanggit kong koponan upang makita kung paano nila laruin ang isang sports na talagang inaabangan ng marami. Sayang lamang at di nakasama ang sarili nating Philippine Azkals dahil natalo sila noong qualification rounds sa Maldives. Di tuloy tayo makasuporta para sa sarili nating bansa. Buti na lamang at may iba pang magagaling na koponan na talagang hahangaan.

Ikaw, anong koponan ang paborito mo?

Sang-ayon ka ba sa Tatlong Araw lang na Pasok sa Eskwela?

DepEd (mula sa philstar.com)

Isang linggo na ang nakakaraan nang unang marinig ang balita tungkol sa panukalang gawing 3 araw na lamang ang pasukan sa ibang mga pampublikong eskwelahan. Sang-ayon ka ba rito o hindi?

Mayo 28, 2014 unang lumabas ang balitang maaaring gawing tatlong araw ang pasukan sa ibang eskwelahan sa Metro Manila pag sobrang dami ng mga estudyante ang magsipasukan. Ito ang isa sa mga naisipang paraan ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) ukol na rin sa padami ng padaming mag-aaaral na pumapasok sa eskwela at kakulangan ng mga kwarto na pinagdarausan ng mga klase sa mga bata. Ibig sabihin umano nito, isang batch ng mga estudyante ang papasok tuwing Lunes hanggang Miyerkules at ang isa pang batch ay tuwing Huwebes hanggang Sabado. Sinasabi naman ng DepEd na kailangan pa ring kumpletuhin ng mga mag-aaral ang hindi babawas sa 180 na pasok sa eskwela kahit pa ipanukala ang 3-araw na pagpasok sa bawat linggo. Kakailangan din umano ng istriktong pagmu-monitor para matiyak na naukakakuha pa rin ng magandang edukasyon ang mga bata.

Eskwela (mula sa philstar.com)

Isa sa mga problemang kinahaharap ng gobyerno ay ang sobrang dami ng mga mag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan. (Ang larawan ay kuha mula sa philstar.com)

Kung ako ang tatanungin…

Maayos na solusyon man ang naisip na panukalang ito ng DepEd , hindi ito ang pinakamagandang solusyon. Imbes na panandaliang sagot kasi sa suliranin ang isipin, bakit hindi umisip at gumawa ng solusyong pangmatagalan? Bakit hindi magpagawa ng mga gusaling dagdag sa mga paaralan? Gawing maigting ang pagpaplano at maganda ang pagpapagawa nito upang bawat espasyo ay magagamit ng wasto. Bakit hindi rin taasan ang sahod ng mga magigiting nating guro upang mas galingan nila ang kanilang ginagawa at para na rin mas marami ang mahikayat sa pagtuturo? Hindi magiging mukhang pera ang labas nila kundi tamang kompensasyon lamang sa lahat ng ginagawa nila para sa kanilang mga estudyante.

Baka bigla mong tanungin, saan hahanap ng budget? Sa laki ng perang nakukolekta sa buwis at pati na budget na inilalaan sa ibang mga bagay na hindi naman kasinghalaga ng edukasyon, mayroong pagkukunan ng budget kung tutuusin! Ano pang pwedeng gawin? Pigilin ang korupsyon. Hiyain ang dawit dito sa publiko para matuto sila at para na rin matakot ang mga nagbabalak na gumawa pa nito. Imbes na nagagamit para sa lahat ang pera ng bayan e walanghiyang ginagamit pala sa pansarili ng ibang mga walangkwentang opisyal na nasa pwesto kaya edukasyon at iba pang sektor ng lipunan ang naaapektuhan tuloy.

Kaya kung gusto talaga ng gobyernong ito ni Aquino na maiba naman ang problemang kinakaharap taun-taon sa sektor ng edukasyon at magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga batang magpapalakad ng bayan sa hinaharap, gawin nila ang tama at nararapat.

Ang Huling Balita

Ayon sa bali-balita, hindi na itutuloy ng DepEd ang panukala sa ngayon. Hindi pa raw tapos ang kanilang pag-aaral tungkol dito kaya ibang paraan na lang muna ang kanilang gagawin para solusyunan ang problema sa edukasyon. Isa sa mga ito ang tinatawag na student transfer kung saan ang sobra-sobrang mag-aaaral sa isang eskwela ay ipupunta araw-araw sa isa pang eskwelahan kung saan sila tuturuan at ibabalik uli sa eskwelang kanilang pinanggalingan sa pamamagitan ng mga van ng DepEd.

Kamusta Ka, Kaibigan?

Sarap magkaroon ng kaibigan, ano?

Ay, kulang pala yun.

Masarap magkaroon ng tunay at totoong kaibigan.

Yung tipo ng kaibigan na kilala ka sa kung ano ka o sino ka. Yung tanggap ka ng buong-buo. Yung walang gaanong kondisyon (o minsan pa nga, wala talagang kondisyon). Yung tipong basta ikaw lang, pwede na. Kwentuhan, kantahan, kainan, biruan, lakad-lakad, dramahan (sa iba, haha) at kung anu-ano pa’y pupwedeng gawin mo kasama niya. Masaya ka sa ginagawa n’yo at masaya siya na kasama ka niya. Sa ideyal na mundo, ganyan lagi ang kaibigang ating makikilala.

Fist Bump (taken from kennyruby.com)

Alas, wala tayo sa ideyal na mundo. Sa tunay na buhay, marami tayong tao na makakasama. Marami sa kanila ay ating makakasalamuha at makikilala talaga. Marami ang ating magiging kaibigan. Ang iilan sa mga kaibigan na ito ay magiging tunay at totoo. Ang iba nama’y magiging inspirasyon. Mayroon ding manggagamit lamang.

Sa totoo lang, lahat ng relasyon ay may paggagamitan na nangyayari. Di ba’t sa kalikasan ay may paggagamitan sa paggitan ng mga hayop, halaman at kung anu-ano pang organismo? Nariyan ang komensalismo (kung saan sa pagitan ng dalawa ay may isang nakikinabang habang ang isa ay di naman naaapektuhan), myutwalismo (ang parehong organismo ay nakikinabang), amensalismo (ang isa’y naaapektuhan habang ang isa’y hindi) at parasitismo (ang isa’y nakikinabang habang ang isa’y naaapektuhan). Sa mga tao, parang ganyan din minsan ang nangyayari pero di mga yan ang katawagan. Minsan, pagmamahalan. Minsan, pakikisama. Minsan, pakikitungo ng maayos. Minsan, pang-uuto o panggagantso. Minsan din, pang-aabuso. Pero minsan din naman, pagkakaibigan.

Diyamante ka ba o graba?

Diamond (taken from aetherforce.com)

Manuri tayo ng kakaibiganing tao. Hindi lahat ng mabait ay mabuti. Hindi lahat ng masayang kasama ay masayang kaibiganin. Paranoid ang dating pero wala namang masama sa pagiging mapanuri. Aalamin mo lang naman kung sino mga totoo sa hindi. Mag-obserba ka lang. Tingnan mo mga gawain nila at pakikitungo nila sa’yo. Pakinggan kanilang mga sinasabi. Kung maaari, sa lahat ng pagkakataon. Ang pagkakaibigan naman kasi hindi lang dapat nadarama sa mga kasiyahan at kagalakan ng ating mga buhay. Madalas pa nga itong nadarama pag nasa ibaba tayo ng gulong ng palad. Kaya kung nakakilala ka ng mga totoo at mabubuti talagang mga kaibigan, wag mo na silang pakakawalan. Sila ay mga diyamante sa dagat na puno ng graba.

Mga Dahilan ng Pagkakaibigan

Kung tutuusin, may mga kanya-kanya tayong pakay kung bakit tayo nakikipagkaibigan. Nandyan yung gusto nating may tumanggap sa atin, anuman ang mayroon o wala tayo, kung sinuman tayo sa labas at lalung-lalo na sa loob. Hindi lahat ng tao maiintindihan tayo, kaya kay sarap sa pakiramdam kung may taong talagang makakaintindi at tatanggap sa atin ng buong-buo. Nandyan din yung gusto nating humanap ng kaugali o kaya nama’y kasundo natin. Hindi ba’t masaya kung may taong nakakaalam sa pakiramdam natin sa mga bagay-bagay na gusto o kaya ayaw natin sapagkat nararamdaman din niya ito? Minsan, gusto lang nating may makasama, o kaya makaagapay sa ibinibigay na hamon ng buhay. Minsan din, nais lang nating may makausap at makinig sa atin o magbigay ng payo.

Maaaring sabihin ng iba, di ba’t sinabi ko kanina na may paggagamitan na nangyayari? Oo, tama yun.  Pero iba namang paggamit ang nangyayari: kusa ito at walang masamang intensyon sa pagitan ng magkaibigan. Paggamit pa rin ba ang tawag dun? Hindi, kundi, pagtulong, pagkalinga, o pwede na ring pagmamahal.

Limang Katangian ng Tunay at Totoong Kaibigan

Pinky Promise (from wbez.org)May nabasa akong artikulo sa website na Lifehack tungkol sa mga katangian ng isang tunay at totoong kaibigan. Una sa mga binanggit ng artikulo ay magaling makinig. Yung tipong di lang palaging tungkol sa kanya ang kanyang sinasabi. O kaya pag nagsasalita ka, tipong nakikinig talaga siya at hindi lang yung hinihintay kang matapos sa pagsasalita. Ikalawa, sinsero. Sasabihin ng isang kaibigan ang mali sa iniasal o ginawa mo hindi katulad ng iba na maaaring sabihing ayos lang ang ginawa mo pero sisiraan ka sa ibang tao pag nakatalikod ka. Ikatlong katangian, tatanggapin ka ng kumpleto. Di ka niya susubukang baguhin lalo na kung ayaw mo o di ka kumportable rito. Ikaapat, maaasahan. Walang maraming dahilan. Pag siya ay iyong kailangan, pipilitin niyang ikaw ay damayan sa kung anumang paraan. Ikalima, di mo lang siya nakikita sa mga social networking site. Nakikita, nadarama at nakakapiling mo rin siya. Gagawa siya ng paraan at magbibigay ng oras para talaga magkita at magkausap kayo kahit papaano.

Ikaw, anong klaseng kaibigan ka?