Panahon ng Kwaresma

Para sa ating mga Katoliko at iba pang kasapi sa denominasyong Kristiyanismo, mahalagang pinagdiriwang ang Resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Taun-taon ay maraming aktibidad ang ating ginagawa para rito tuwing panahon ng Kwaresma (Lent). Tayo ay sinasabihang mangumpisal ng ating mga kasalanan, lalo na kung matagal na yung huli nating kumpisal. Tayo rin ay sinasabihang mag-visita iglesia kung kailan pinupuntahan ang 7 o 14 na simbahan upang dasalin ang 14 na mga Istasyon ng Krus. Di rin nawawala ang pagpunta sa mga retreat o rekoleksyon na isinasagawa sa ating mga parokya. Tayo rin ay inaalok na lumahok sa iba’t-ibang gawain lalo na tuwing Biyernes Santo. Pero, dalawa sa kailangan talaga nating gawin ay ang pag-aayuno at ang pagngingilin.

Ano ang pag-aayuno at pagngingilin?

Pagpatak ng Kwaresma, lahat ng mga Katolikong nasa edad 14 pataas ay kinakailangang mag-ayuno at mangilin. Ano ang pag-aayuno? Ang pag-aayuno (o mas kilala sa tawag na fasting sa Ingles) ay ang hindi pagkain ng kumpleto sa mga araw ng Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday), Biyernes Santo (Good Friday) at lahat ng Biyernes sa panahon ng Kwaresma (Lent). Maari lamang kumain ng isang buong kain (meal) at maliliit na bahagi ng pagkain sa buong araw. Ang pagngingilin naman (o mas kilala sa tawag na abstinence sa Ingles) ay ang pag-iwas sa pagkain ng karne (pati na mga sabaw na gawa rito) sa mga araw na nabanggit kanina. Ang maari lamang kainin ay ang karne ng isda. May nabuo ring anyo ng pagngilin sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga bagay o gawain na tipikal nating gusto bilang tanda na rin ng paghingi ng tawad.

Bakit ginagawa ang pag-aayuno at pagngingilin?

Una nating alamin kung bakit ba mayroong Kwaresma. Ang kwaresma ay ang paggunita sa 40 araw na pag-aayuno ni Hesus sa disyerto hanggang sa Kanyang pagkakapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay. Nagsisimula ang Kwaresma sa Miyerkules ng Abo at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday). Kung ating bibilangin, lalampas sa 40 ang araw mula Miyerkules ng Abo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay. Ang dahilan dito’y hindi isinasama sa bilang ang bawat Linggo na nakapaloob sa Kwaresma.

Ayon sa sulat na ito ng Santo Papa noong taong 2009, tayo ay kailangang mag-ayuno upang mailayo tayo sa kasalanan at sa lahat ng nauugnay dito. Bukod sa ginagaya natin ang ginawa ni Kristo nung Siya ay nasa disyerto, ito rin ay isang paraan ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan. Bukod dito, ang pag-aayuno at pagngilin ay mga paraan upang mabuo ang disiplina natin sa sarili. Higit kasi sa pagsunod sa utos na pagtitiis sa hindi pagkain ng marami at pag-iwas sa karne, kinakailangang isapuso ang pagbabago sa pamamagitan ng pagtatama sa ating mga ugali (Isaias 58:6-7). Kung nabasa ninyo ang huling bahagi ng sulat ng Santo Papa, nawa raw ay maiiwas natin ang sarili mula sa mga bagay na hindi mahalaga sa ispirito at lumago tayo sa anumang paraan sa kaluluwa upang maidulot tayong mahalin ang Diyos at ang tao. Kumbaga, higit pa sa pag-iwas sa pagkain ng marami at karne ang kailangan nating gawin. Sa panahon ng Kwaresma, binibigyan tayo ng oras hindi lamang upang magpahinga sa mga palagian nating ginagawa (trabaho, laro, lakwatsa), kung hindi para ilapit muli ang sarili o magbalik-loob sa Diyos, kung tayo ay napariwara sa Kanya.

Ang Pinakaimportanteng Bagay na Dapat Mong Malaman

Itinuturing na pinakaimportanteng kaganapan sa mundo ng Kristiyanismo ang resureksyon ng Panginoong Hesukristo. Ito kasi ang kaganapan kung saan sa ikatlong araw ng Kanyang pagkamatay, Siya ay nabuhay muli at umakyat sa langit. Alam nating si Kristo ang bugtong na Anak ng Diyos at siya ay nagkatawang-tao upang mamuhay kasama ng mga tao, nagturo ng Salita ng Diyos at gumawa ng mga milagro. Ngunit, dumating ang araw na Siya ay kinainggitan, ipinagkanulo, pinatawan ng parusang kamatayan kahit di napatunayang nagkasala, pinatungan ng tinik sa ulo, pinaghahampas, pinabuhat ng mabigat na krus, ipinako rito at namatay. Bakit Niya hinayaang maghirap, magdusa at ibigay ang sarili Niyang buhay gayung Siya ang Panginoon, Ikalawang Persona ng Diyos? Ang sagot: sapagkat tayo ay mahal Niya. Kaya rin, sa Kanyang pagkabuhay muli, ang kaligtasan natin ay nasigurado na. Wag na wag kakalimutan na ang ginagawa natin ngayong Mahal na Araw ay bilang paggunita sa mga kaganapang iyon.

Ilang Paalala

Gamit-gamit ang natutunan ko noon sa hayskul, nabasa sa mga libro at iba’t-ibang website sa internet ay aking nakuha ang mga impormasyong ito at ngayo’y pinapabasa sa iyo. Hindi ko sinasabing ang lahat ng nakalagay dito ay kailangan mong paniwalaan. May kanya-kanya tayong paniniwala, at ating respetuhin ang mga ito. Bilang Katoliko mula pagkabata hanggang ngayon, naisip kong kailangang malaman ng kapwa ko Katoliko (pati ng ibang tao na naniniwala kay Kristo) kung bakit importante ang ilang mga ginagawa tuwing Kwaresma (tulad ng pag-aayuno at pagngingilin) at kahalagahan ng selebrasyon ng Linggo ng Pagkabuhay. Iba ang paggawa lamang dahil sa tradisyon o sa nakaugalian sa paggawa na nanggagaling sa isip, puso at kaluluwa.

Kung gusto mo pang malaman ang tungkol sa mga bagay na ito, sumangguni sa mga sumusunod:

  1. Bibliya (lalo na libro ni Mateo)
  2. Katekismo para sa Pilipinong Katoliko
  3. Sulat ng Santo Papa noong Panahon ng Kwaresma, taong 2009. http://www.vatican.va/holy_father/benedict_xvi/messages/lent/documents/hf_ben-xvi_mes_20081211_lent-2009_en.html
  4. Website ng organisasyon ng mga Amerikanong Katoliko. http://www.americancatholic.org/newsletters/CU/ac0302.asp#F2
  5. Website na pang-Katoliko. http://www.fisheaters.com/fasting.html

Hayskul

Walong taon na pala ang nagdaan nitong Marso mula nung nakapagtapos kami ng mga kaklase ko sa hayskul. Mula  noon, napakarami na ng mga nangyari. Nakakatuwa dahil may mga ikinasal na, may mga nanay at tatay na, at syempre, may mga single pa rin hanggang ngayon. Marami na ang nakatapos sa kolehiyo at naging ganap ng mga inhinyero, nars, arkitekto, mandaragat, at iba pa. May mga nagtatrabaho sa oursourcing industry at mayroon din sa gobyerno. May mga nagtatrabaho sa ibang bansa pero may mga nananatili pa rin dito. May ilan din na nagpapatuloy pa ng pag-aaral.

Sadyang napakabilis ng panahon. Parang kailan lang yung naging abala kami sa paggawa ng assignment, pagri-review para sa mga eksamen at quiz, paggawa ng sangkatutak na project at reports, pagsali sa mga pakontes sa eskwela, pagdalo sa mga piniling club, at marami pang iba. Parang kailan lang nung iba sa aming mga kaklase ay nagliligawan, nagpapalipad-hangin o nanatiling may crush lamang.

Tandang-tanda ko rin kung gaano katindi ang kumpitensya noon. Masaya ang kompetisyon, pero di na ito masaya kung ito’y nagiging personalan na. Di kasi natin napapansin na nakagagawa na pala tayo ng mga di kagandahang bagay dahil lang sa kagustuhang manguna. Gayunpaman, tapos naman na ang mga iyon. Magandang dalahin ang mga alaala nito pero di na magandang balikan at dalhin pa rin hanggang ngayon.

Pinakamasaya siguro sa lahat ng mga pangyayari sa hayskul ay ang pagbuo ng mga samahan sa panahong ito. Nakakatuwa dahil may mga kaibigan ako nung hayskul na mga kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Hindi man palaging nagkikita (kahit  halos magkakapitbahay na), nananatili pa rin ang samahang nabuo at pinagtibay ng ilang taon sa hayskul. Sa kabilang banda, di rin maiiwasang may mga dating kaibigan na hindi na nakikita o nagpaparamdam man lang. may iba rin na lumayo na ang loob dahil sa ilang kadahilanan. Gayunman, sana sila ay ayos lang at mabuti ang kalagayan.

Totoo ang sabi nila na iba ang hayskul sa buhay ng isang tao. Talagang iba ito sapagkat ito yung panahong inisip na nating mahihirap ang mga gawain. Patikim lang pala ang mga iyon dahil mas mahihirap ang mga gagawin sa kolehiyo,lalo na syempre pagkatapos ng kolehiyo- ang pagtatrabaho at pagharap sa totoong mundo hindi bilang bata kung hindi mga ganap nang lalake at babae. Ito rin yung panahong nabubuo ang samahang sa ating pag-iisip ay sana pang-habang-buhay na. Paano ba naman, para kasing ang saya-saya ng buhay pag kasama ang mga kaibigan natin noong hayskul. Kahit na maraming gawain, nakakaya ang mga ito dahil na rin kasama natin sila. Ang hayskul rin ang panahong marami kang dapat matutunan upang maging handa sa mga haharaping hamon ng buhay, mag-aral ka man sa kolehiyo o hindi. Mapalad ako at ang mga kaklase ko noon sapagkat karamihan sa mga naging guro naming nung hayskul ay talagang napakagagaling. Wala yatang klase nila sa amin ang di kami natuto, leksyon man sa aralin o aral para sa totoong buhay. Higit sa lahat, ang hayskul ang panahong dapat ay nakakapag-isip na ang estudyante kung anong plano n’yang gawin sa buhay pagkatapos mag-aral sa hayskul. Kung nagtapos ka na sa hayskul o kakatapos pa lang dito, maaaring natanong mo ang isa sa mga ito sa sarili mo:

  • Magpapatuloy pa ba ako ng pag-aaral sa kolehiyo?
  • Tutulong na ba ako sa aking mga magulang kaya maghahanap na ako ng trabaho?
  • Magiging working student na lang ba ako para lumuwag naman ang alalahanin ng aking mga magulang sa pera?
  • Magpapatuloy ako ng pag-aaral, pero ano ang kukunin kong kurso?
  • Gusto ko itong kurso na ito, pero itong isa naman ang in-demand ngayon. Anong kukunin ko?
  • Gusto ng magulang ko, ito raw ang kunin ko. Pero parang iba ang gusto kong kunin. Ano pipiliin ko?

Ang mga tanong na iyan sa itaas ay ilan lang sa mga mahahalagang tanong na dapat sagutin ng isang estudyante pagkatapos ng hayskul. Sa totoo lang, walang madaling sagot sa mga iyan lalo na kung ang isang estudyante ay hindi galing sa isang maykayang pamilya. Ang desisyon niya kasi ay di lamang niya ibabase sa kung anong gusto n’ya kung hindi sa kung anong makakabuti sa pamilya n’ya.

Kaya para sa lahat ng mga nagtapos ngayong taon, tulad ng aking bunsong kapatid na pinagpalang makatapos na may parangal na 1st honorable mention at iba pang parangal, tamang mag-isip-isip muna. Mabuti iyong pag-aralan ng mabuti ang mga planong gawin tulad ng paglista sa mga kabutihan (pros) at di kabutihang (cons) maidudulot ng bawat desisyong gagawin. Para mas dumali ang pagdidesisyon, kumunsulta sa mga nakatatanda lalo’t alam nila ang pinagdaraana
n mo o ang haharapin mo. Iba ang sabi ng kaklase sa sabi ng mas nakatatanda. Pareho kayo ng pinanggagalingan ng kaklase mo, habang ang nakatatanda ay nauna na. At higit sa lahat ng mga dapat gawin, tumawag palagi sa Diyos at humingi ng gabay mula sa Kanya. Kahit gaano pa kahirap ang mga kailangan mong pag-isipan, kumunsulta sa Kanya nang mapadali ang iyong pagdi-desisyon.

Limang Dahilan Kung Bakit Mo Dapat Panoorin ang Wrath of the Titans

Naghahanap ka ba ng papanoorin ngayong summer? Kung tapos mo nang panooring ang The Hunger Games, bakit di mo isunod ang Wrath of the Titans? At bakit kamo, basahin mo ang limang dahilan na ito:

  1. Makikita mong buhay at gumagalaw sa isang papanoorin ang mga nabasa mong karakter sa mitolohiyang Griyego tulad ng Cyclops, minotaur, chimera at Pegasus; isama pa, syempre, ang mga diyus-diyosan sa mitolohiyang ito tulad nina Zeus, Hades at Poseidon. Pati na rin ang bidang si Perseus.
  2. Tiyak na mapapabilib ka sa napakagandang special effects ng pelikula. Lahat na yata ng pinakita rito ay parang totoo, mapahalimaw man o hindi, mga kapangyarihan man o mga armas.
  3. Gaganahan kang alamin ang mga kwento ng bawat karakter sa istorya kung di ka pamilyar sa kanila. Kilala mo ba sina Kronos, Agenor o kaya Hephaestus? O kaya naman ang talagang tinatawag na titans?
  4. Matutuwa ka sa halos lahat ng mga eksenang may kasamang aksyon. Ang galing ng pagkakalapat ng visual effects para maging makatotohanan ang labanang namamagitan sa mga diyus-diyosan, mga halimaw at mga tao.
  5. Kasing-ganda ito ng Clash of the Titans. Yun nga lang, parang ang bilis-bilis matapos ng pelikula. Siguro ganun talaga pag nagugustuhan mo ang napapanood mo.

Para sa kabuuan ng rebyu tungkol sa pelikulang Wrath of the Titans, basahin  mo ito.