Hayskul

Walong taon na pala ang nagdaan nitong Marso mula nung nakapagtapos kami ng mga kaklase ko sa hayskul. Mula  noon, napakarami na ng mga nangyari. Nakakatuwa dahil may mga ikinasal na, may mga nanay at tatay na, at syempre, may mga single pa rin hanggang ngayon. Marami na ang nakatapos sa kolehiyo at naging ganap ng mga inhinyero, nars, arkitekto, mandaragat, at iba pa. May mga nagtatrabaho sa oursourcing industry at mayroon din sa gobyerno. May mga nagtatrabaho sa ibang bansa pero may mga nananatili pa rin dito. May ilan din na nagpapatuloy pa ng pag-aaral.

Sadyang napakabilis ng panahon. Parang kailan lang yung naging abala kami sa paggawa ng assignment, pagri-review para sa mga eksamen at quiz, paggawa ng sangkatutak na project at reports, pagsali sa mga pakontes sa eskwela, pagdalo sa mga piniling club, at marami pang iba. Parang kailan lang nung iba sa aming mga kaklase ay nagliligawan, nagpapalipad-hangin o nanatiling may crush lamang.

Tandang-tanda ko rin kung gaano katindi ang kumpitensya noon. Masaya ang kompetisyon, pero di na ito masaya kung ito’y nagiging personalan na. Di kasi natin napapansin na nakagagawa na pala tayo ng mga di kagandahang bagay dahil lang sa kagustuhang manguna. Gayunpaman, tapos naman na ang mga iyon. Magandang dalahin ang mga alaala nito pero di na magandang balikan at dalhin pa rin hanggang ngayon.

Pinakamasaya siguro sa lahat ng mga pangyayari sa hayskul ay ang pagbuo ng mga samahan sa panahong ito. Nakakatuwa dahil may mga kaibigan ako nung hayskul na mga kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Hindi man palaging nagkikita (kahit  halos magkakapitbahay na), nananatili pa rin ang samahang nabuo at pinagtibay ng ilang taon sa hayskul. Sa kabilang banda, di rin maiiwasang may mga dating kaibigan na hindi na nakikita o nagpaparamdam man lang. may iba rin na lumayo na ang loob dahil sa ilang kadahilanan. Gayunman, sana sila ay ayos lang at mabuti ang kalagayan.

Totoo ang sabi nila na iba ang hayskul sa buhay ng isang tao. Talagang iba ito sapagkat ito yung panahong inisip na nating mahihirap ang mga gawain. Patikim lang pala ang mga iyon dahil mas mahihirap ang mga gagawin sa kolehiyo,lalo na syempre pagkatapos ng kolehiyo- ang pagtatrabaho at pagharap sa totoong mundo hindi bilang bata kung hindi mga ganap nang lalake at babae. Ito rin yung panahong nabubuo ang samahang sa ating pag-iisip ay sana pang-habang-buhay na. Paano ba naman, para kasing ang saya-saya ng buhay pag kasama ang mga kaibigan natin noong hayskul. Kahit na maraming gawain, nakakaya ang mga ito dahil na rin kasama natin sila. Ang hayskul rin ang panahong marami kang dapat matutunan upang maging handa sa mga haharaping hamon ng buhay, mag-aral ka man sa kolehiyo o hindi. Mapalad ako at ang mga kaklase ko noon sapagkat karamihan sa mga naging guro naming nung hayskul ay talagang napakagagaling. Wala yatang klase nila sa amin ang di kami natuto, leksyon man sa aralin o aral para sa totoong buhay. Higit sa lahat, ang hayskul ang panahong dapat ay nakakapag-isip na ang estudyante kung anong plano n’yang gawin sa buhay pagkatapos mag-aral sa hayskul. Kung nagtapos ka na sa hayskul o kakatapos pa lang dito, maaaring natanong mo ang isa sa mga ito sa sarili mo:

  • Magpapatuloy pa ba ako ng pag-aaral sa kolehiyo?
  • Tutulong na ba ako sa aking mga magulang kaya maghahanap na ako ng trabaho?
  • Magiging working student na lang ba ako para lumuwag naman ang alalahanin ng aking mga magulang sa pera?
  • Magpapatuloy ako ng pag-aaral, pero ano ang kukunin kong kurso?
  • Gusto ko itong kurso na ito, pero itong isa naman ang in-demand ngayon. Anong kukunin ko?
  • Gusto ng magulang ko, ito raw ang kunin ko. Pero parang iba ang gusto kong kunin. Ano pipiliin ko?

Ang mga tanong na iyan sa itaas ay ilan lang sa mga mahahalagang tanong na dapat sagutin ng isang estudyante pagkatapos ng hayskul. Sa totoo lang, walang madaling sagot sa mga iyan lalo na kung ang isang estudyante ay hindi galing sa isang maykayang pamilya. Ang desisyon niya kasi ay di lamang niya ibabase sa kung anong gusto n’ya kung hindi sa kung anong makakabuti sa pamilya n’ya.

Kaya para sa lahat ng mga nagtapos ngayong taon, tulad ng aking bunsong kapatid na pinagpalang makatapos na may parangal na 1st honorable mention at iba pang parangal, tamang mag-isip-isip muna. Mabuti iyong pag-aralan ng mabuti ang mga planong gawin tulad ng paglista sa mga kabutihan (pros) at di kabutihang (cons) maidudulot ng bawat desisyong gagawin. Para mas dumali ang pagdidesisyon, kumunsulta sa mga nakatatanda lalo’t alam nila ang pinagdaraana
n mo o ang haharapin mo. Iba ang sabi ng kaklase sa sabi ng mas nakatatanda. Pareho kayo ng pinanggagalingan ng kaklase mo, habang ang nakatatanda ay nauna na. At higit sa lahat ng mga dapat gawin, tumawag palagi sa Diyos at humingi ng gabay mula sa Kanya. Kahit gaano pa kahirap ang mga kailangan mong pag-isipan, kumunsulta sa Kanya nang mapadali ang iyong pagdi-desisyon.

Paglalakbay

Handa ka na bang maglakbay?

Nung ako ay nasa Grade 3, tatlo ang sinasabi kong gusto kong maging paglaki ko: doktor, sikolohiyo at world explorer. Oo, di ka nagkamali sa pagbasa, world explorer nga. Gusto kong maglakbay at tuklasin ang mundo. Sa paanong pamamaraan? Di ko pa yan naisip dati. Basta ang nais ko noon, makapagbiyahe, makapunta sa ibang lugar at tuklasin kung ano ang mayroon  dun. Di na bale kung paano ako makakapunta. Ang mahalaga’y makarating ako run sa gusto kong paroonan.

Pero iba na ang istorya ngayong malaki na ako at isa nang ganap na speech pathologist. Maraming umaasa sa aking mga bata (at di na gaanong bata) pati na ang kanilang mga magulang kaya di ako basta-basta makakaalis at pumunta sa ibang lugar. Kailangan ding pagnilayan ko kung sino ang makakasama ko at kung gaano kami tatagal dun. Syempre pa, tulad ng iba, malaking konsiderasyon din ang dapat ibigay ko sa pera, na pangunahing pangangailan sa paglalakbay. Di naman tayo mga ibon na nakakalipad kaya babayaran natin ang gagamitin nating paraan ng pagbabiyahe. Di rin tayo mga halaman na nakakagawa ng sariling pagkain sa tulong lamang ng hangin at araw kaya babayaran din natin ang pagkain, tubig at pagtitirhan. Isama na rin ang mga bibilhing bagay-bagay. Hindi libre ang maglakbay. Maliban na lang siguro kung magpupunta ka lang sa tanawing makikita sa lugar ninyo. Yun nga lang, di na yata yun matuturing na isang paglalakbay.

Ang Twin Lagoon sa Palawan

Noong bata ako, madalas na akong nakakapaglakbay. Nakapunta na ako sa Pambansang MuseoLuneta ParkIntramurosManila ZooEnchanted Kingdom. Nakapunta na rin ako sa ilang kilalang simbahan (tulad ng Barasoain Church) o bahay (tulad ng tahanan ng mga Rizal). Nakapunta na rin ako sa pagawaan ng kung anu-ano pero di ko matandaan kung ano-ano ang mga yun. Marami sa mga nabanggit ay napuntahan ko dahil na rin sa lakbay-aral sa mga eskwela. Sa aming pamilya, madalas lang kaming nagpupunta noon sa Ilocos Sur, ang pinagmulan ng aking papa at ng nanay ng aking mama (o ang aking lola).

Dalampasigan ng Boracay

Magaganda mga tanawin dun kahit na sabihing payak ang pamumuhay. Kapag naman may mga outing sina papa at mama noon sa trabaho (na halos taon-taon) o kaya ang buong kamag-anakan (na bihirang mangyari), nagpupunta kami sa TagaytayBatangasSubic at Baguio. May mga panahon ding nagpupunta kami sa iba’t-ibang karnabal ng Maynila. Ang  pagpunta namin ng ilan kong kapatid at pinsan sa Boom na Boom kasama ang aming lolo ang siyang pinakanatatandaan ko. Salamat naman sa aking mga kaibigan dahil nakapunta na rin ako sa paraisong makikita lamang sa Coron, Palawan at sa pamosong buhangin ng Boracay. Salamat naman sa mga may-ari ng aming mga klinika o eskwelahang pinapasukan dahil nailakbay nila ako sa Morong, Bataan at Tivona, Batangas.

Sa loob ng Universal Studios

Isa ako sa mga talagang pinagpala dahil simula nung isang taon ay nakapaglakbay na ako sa ibang bansa. Bagamat sa Timog Silangang Asya lamang, tila ibang mundo na rin ang aking napuntahan dahil na rin sa pagkakaiba ng kultura, pag-uugali at mga pasyalan nila sa atin. Salamat sa aking tiya, una akong nakapunta sa Singapore, ang natatanging 1st world country sa ating rehiyon sa Asya. Malinis at maganda, disiplinado ang mga tao at tila structured ang lahat. Di ko tuloy maalis sa isip kong parang magandang manirahan dun ang mga taong gustong paulit-ulit ang kinikilos sa araw-araw. Ang mga dapat na dapat puntahan sa Singapore ay ang Sentosa at Universal Studios. Sumaglit kami sa Malaysia habang nasa Singapore para kumain, kumuha ng litrato at mamasyal sa isa sa kanilang malls. Kahit na ilang oras lang kaming nanatili run, naramdaman kong iba ang atmospera sa paligid. Mababait ang mga tao ngunit tila matatapang. Mahigit isang buwan naman mula nung nagpunta ako sa Singapore, naglakbay naman ako papuntang Hong Kong, ang lugar na dating kolonya ng Britanya at ngayo’y pag-aari nang muli ng Tsina. At, di lang ako ang nagpunta run, kasama na ang buo kong pamilya! Unang beses yun sa napakahabang panahon na naglakbay kaming magkakasama! Kaya minarapat naming lubusin ang pagpanatili yun kahit na limited lang ang budget. Maganda sa HK kaya lang hindi ito kasing linis tulad ng Singapore. Maraming mapagbibilhan ng mga pagkain at kagamitan dun kaya kung impulsive buyer ka, baka maubusan ka ng dala mong pera. Ang mga dapat na dapat mong puntahan sa HK ay ang Disneyland at Ocean Park.

Ang buong pamilya sa HK Disneyland!

 

Napahaba ang kwento ko tungkol sa aking paglalakbay ah. Alam ko ikaw, may mga sariling kwento rin tungkol sa mga karanasan mo sa iba’t-ibang lugar. Pwedeng higit pa nga ang mga napuntahan mo kaysa sa akin. Pero balik tayo sa usapin natin kanina. Kung maraming kailangang isaalang-alang bago bumiyahe at maglakbay, paano natin ito magagawa nang wala tayong napapabayaan? Tamang pagpaplano ang kasagutan. Tulad sa aking propesyon na kailangang planuhin naming mabuti ang therapy sa aming mga pasyente/ kliyente/ estudyante, sa paglalakbay, kailangan may plano rin. Ang mga sumusunod na ito ay ilan lamang sa mga natutunan kong tips sa paglalakbay:

  1. Alamin kung saan mo gustong magpunta.
  2. Isipin kung ikaw lang ba o may kasama ka. Kung ako sa’yo, magsasama ako ng mga kaibigang magaan kasama at talagang kasundo ko.
  3. Alamin kung paano kayo makakapunta sa inyong gustong puntahan- eroplano, barko o sasakyan ba?
  4. Magsaliksik tungkol sa mga pupuntahang lugar at alamin na rin kung magkano ang magagastos sa bawat isa.
  5. Alamin kung saan kayo tutuloy at magkano rito ang upa.
  6. Alamin din kung magkano ang magagastos sa pagkain, transportasyon at pasalubong.
  7. Paghandaan ang paglalakbay. Magtrabaho ng maigi, magtipid at maglaan ng panggastos.
  8. I-book  na ang flight, magpa-reserba na ng tiket o magpa-full tank ka na.
  9. Magpaalam sa trabaho, pamilya at minamahal (kung hindi mo siya kasama) nang di sila magtaka at mangamba kung nasaan ka na.
  10. Ihanda na ang mga gamit, damit, pagkain at pera. Wag kakalimutan ang pasaporte (kung lilipad ka), cellphone at camera.
  11. Matulog nang maaga at gumising nang maaga para di mahuli sa biyahe.
  12. Magdasal.
  13. Mag-enjoy!

Kahit saan mo naisin magpunta, makakapunta ka run basta may maganda at tamang pagpaplano kang gagawin. Tsaka, wag kang mag-dalawang isip maglakbay sapagkat marami tayong mapapala rito. Karanasan. Kwento. Aral. Ilan lamang yan sa mga makukuha natin kung tayo ay maglalakbay.