Abala

Abala. Abala. 

Iyan ay mga salitang pareho ang mga titik pero magkaiba ang pagkakabigkas at pagkakahulugan. Ang unang salita ay binibigkas na a-BA-la, kung saan nasa gitnang pantig ang diin o stress. Ang isa naman ay aba-LA kung saan nasa huling pantig ang diin. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (Binagong Edisyon), ang ibig sabihin ng abala (bigkas: aBAla) ay pansamantalang paghinto. Ilan sa mga kasingkahulugan nito ay gambala, abal-abal o antala. Ang ibig sabihin ng abala (bigkas: abaLA) ay kasalukuyang may ginagawa o buhos na buhos ang pag-iisip sa isang gawain na kapareho ng ibig sabihin ng salitang aligaga o busy sa Ingles.

Sabi sa isang artikulong nabasa ko, maiging iwasan ang salitang abala (busy) pag tinatanong ng kung sino kung kamusta ka na. Lahat naman daw kasi tayo ay abala. Ang argumento ng nagsulat ng akda, lahat tayo ay may 24 oras sa isang araw at 7 araw sa isang linggo at depende sa atin kung paano natin gagamitin ang mga oras na mayroon tayo. Kumbaga, lahat tayo ay binayayaan ng oras bagamat di pare-pareho pagkat iba-iba kung kailan tayo pinanganak at iba-iba rin kung kailan tayo babawian ng buhay. Dagdag pa riyan, may mga taong mas marami ang oras kumpara sa iba sa maraming kadahilanan tulad ng kalusugan pati na mga di inaasahang pangyayari tulad ng aksidente. Hindi natin mababago ang oras na mayroon tayo, nakatakda man na ito o hindi. Ang mababago natin ay kung paano natin gagamitin ang mga oras nating ito.

Oras

Isipin mo ang sagot sa mga tanong na ito sa paggamit mo ng oras mo:

1. Makikipagkita ka ba sa taong mahal mo?

2. Kapipilingin mo ba ang buo mong pamilya?

3. Magbabasa ka ba ng libro?

4. Kukuha ng litrato?

5. Makikipagkaibigan?

6. Manonood ng sine?

7. Makikipaglaro sa mga bata mong anak?

8. Magsusulat?

9. Magtatanim?

10. Magsusugal?

11. Kakain sa kung saan?

12. Magpapatawa?

13. Sasayaw?

14. Kakanta?

15. Lilikha ng tula?

16. Makikipagtsismisan?

17. Mamamasyal?

18. Mamimili?

19. Bibisitahin ang mga lolo’t lola at iba pang kamag-anak?

20. Magpapalipas ng oras sa Facebook?

21. Magti-tweet?

22. Magtuturo?

23. Makikipagkwentuhan?

24. Magtatrabaho?

25. Magsasaliksik?

26. Tatawagan ang kaibigan?

27. Magi-ehersisyo?

28. Magsisimba?

29. Makikinig sa radyo?

30. Magpipinta?

Biruin mong ang dami pala nating pwedeng gawin sa oras natin, ano? Yun nga lang, di lahat ng yan ay dapat gawin palagi. Nakatutulong o nakagagawa sila ng kabutihan sa atin sa kung anong paraan, maliit man o malaki, pero isipin ng maigi kung kailan lang sila nararapat gawin. Di naman pwedeng sa isang gawain lang iinog ang mundo natin.

 

“Oras na, magpasiya kung saan ka pupunta. Oras na, oras na, mag-iba ka ng landas.” –Oras na, Coritha

“If only I could turn back time. If only I have said what I still hide. If I could only turn back time, I would have stayed for the night.”- Turn Back Time, Aqua

“Sana ay magbalik ang ating kahapon. Maibabalik pa ba ang nakaraan? Kung maaari lang sana, baguhin at aking pigilan. Sana… sana ngayon lang ang kahapon.”

Sana Ngayon Lang Ang Kahapon, Angeline Quinto

Ang mga kanta sa itaas ay ilan lang sa mga awiting nagdidiin sa importansiya ng oras. Bagamat tungkol sa pag-ibig ang tema ng iba sa kanila, di mapasusubaliang tungkol ang mga ito sa pagsisisi. At oras ang isa sa pinakapinagsisisihan ng mga tao. Bakit? Di ba’t sinabi natin kaninang di na natin maibabalik pa ang panahon? Kumbaga sa yaman, ito ay nauubos. Finite at hindi infinite. Kaya maigi talagang gamitin natin ang oras natin ng maayos. Sabi sa isang kanta sa itaas, sana ngayon na lang daw ang kahapon. Bakit daw? Para damhin niyang muli ang nakaraan kung kailan sila ay nag-iibigan pa ng taong mahal niya. Sabi naman ng isa pang kanta, sana raw ay kaya niyang ibalik ang oras para sana nasabi niya ang dapat niyang sabihin at nagawa niya ang dapat niyang gawin. Pero huli na sapagkat di niya iyon magagawa.

Huling Salita

Sa dulo ng lahat, isang mensahe ang gustong ituro sa atin ng oras: Hinding-hindi na natin mababalik ang lumipas na panahon. Kaya payong-kapatid sa bawa’t-isa sa atin, maiging piliin ng mabuti ang kung anong mga gagawin. Mag-prioritize. Diyos. Pamilya. Eskwelahan. Trabaho. Kasintahan. Kaibigan. Sarili. Paglilibang. At kung anu-ano pa. Ikaw ang makakapagsabi kung ano ang mga importante para sa’yo. Ikaw makakapagsabi kung sinu-sino o anu-ano ang mahal mo. Ikaw din ang makakapagsabi kung ano ang nagpapasaya sa’yo. Maging abala sa mga gawaing wasto at mabuti para sa iyo.

Kahulugan ng Kapaskuhan

Christmas Tree. Christmas lanterns. Christmas lights.

Christmas Icons

Ilan lang ang mga ito sa madalas nating nakikitang nagpapaganda sa mga tahanan at establisimyento sa panahon ng Kapaskuhan. Simple o magagarang puno, malalaki man o hindi, na nagagayakan ng palamuti ay masasaksihan sa maraming mga tahanan. Maraming mga parol naman ang nakasabit sa may pintuan o kisame sa labas ng mga kabahayan. May mga Christmas lights ding nakasabit sa iilan.

Christmas gifts. Christmas bonus. Kris Kringle.

Christmas Gifts (kuha mula google.com)

Ilan lang ang mga katagang iyan na palagi nating naririnig tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Gusto nating lahat na makatanggap ng regalo ngayong Pasko. Sino ba naman ang hindi, diba? Minsan pa nga’y may Christmas wish list tayo para malaman ng iba kung ano talagang gusto nating matanggap. Uso pa rin hanggang ngayon ang Kris Kringle, kung saan bawat linggo ay nagbibigay ng regalo na ayon sa temang itinakda para sa linggong iyon (halimbawa, something red). Pagsapit naman ng Christmas party, dito na madalas nagbibigayan ng regalo ang bawa’t isa. Exchange gifts kumbaga. Marami rin sa mga kumpanya at ahensya ng gobyerno ang nagbibigay ng Christmas bonus. Tradisyon na iyan lalo na kung malaki ang kinita nila sa taong nagdaraan.

Santa Claus. Rudolph the Red-nosed Reindeer. Frosty the Snowman.

Santa, Frosty, Rudolph

Sila ang mga karakter na ibinibida tuwing sasapit ang Pasko. Isa sa mga rason nito ay ang patuloy na pagkanta ng mga awitin tungkol sa kanila. Bukod diyan ay maraming mga palabas at pelikula na isinasama sila sa tuwi-tuwina.

Kapanganakan ni Hesukristo

Nativity (kuha mula sa santafechurch.org)

Iyan ang talagang kahulugan ng Pasko. Sana hindi natin nalilimutan kung bakit tayo nagdiriwang ng Kapaskuhan. Sana alam pa rin ng mga bata ngayon kung bakit tayo nagkakasiyahan ngayong panahong ito. Sana sabihin at ipaliwanag ng mga matatanda kung bakit. Alam sana nating hindi talaga Disyembre 25 ang kapanganakan ni Hesus. Isa lamang itong representasyon nung araw na dumating Siya sa mundo. Mahalaga itong ipagdiwang sapagkat Siya ang Mesias, ang Tagapagligtas, ang Kristo na ating Diyos.

Alam kong marami sa ating ang punong abala tuwing sasapit ang Pasko. Nariyan ang halos araw-araw na party. Nariyan ang mahabang pila sa mga tindahan at palengke. Araw-araw, gabi-gabi ang mabigat na trapiko. Nakakapagod. Nakakawala ng enerhiya. Kaya hindi nakakapagtaka na marami sa atin ang nawawalan na minsan ng gana pagdating mismo ng araw ng Pasko. O kaya naman, nawawala ang antisipasyon na laging nararamdaman ng mga tao tuwing mayroon silang inaabangang malaking pagdiriwang. Sa madaling sabi, di na tulad ng pakiramdam noong mga bata pa tayo ang nadarama natin ngayong tayo’y nagtatrabaho na at abala sa iba’t-ibang bagay.

Ang sabi nila, nasa tamang pagsasaayos ng oras lamang natin iyan. Pero hindi rin ito uubra minsan. Kailangan natin ng sapat na oras upang maramdaman ang diwa ng Pasko. Hindi ito nadadaan sa pagdiriwang lamang. Hindi ito nararamdaman sa pagbibigayan lamang. Kailangan talaga minsan ng taimtim na panalangin at malalim na repleksyon upang lubos natin itong madama.

Ikaw ba, masaya ka ba ngayong Kapaskuhan? Hindi yung napipilitan lang, ha? Sana ang sagot mo ay oo. Sapagkat tuwing Pasko, kailangan nating alalahanin ang talagang bida rito. Walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Masaya sana tayo sa pagdiriwang ng Kanyang kapanganakan.

Ang panahon ng Pasko ay panahon ng kasiyahan at pasasalamat. Dapat tayong magpasalamat sa Diyos Ama dahil idinulot Niya sa atin ang pagdating ng Kanyang Anak na si Hesus. Nawa’y mapadama natin ang saya at pasasalamat nating ito sa ibang tao sa paraang kaya at bukal sa ating kalooban.

 

Maligayang, maligayang Pasko po sa ating lahat!

Pag-asa sa Gitna ng Delubyo

Ilang araw nang binabayo ng malakas na ulan ang malaking bahagi ng Luzon, lalung-lalo na ang Metro Manila, Rizal at Bulacan. Lunes pa lamang ay dama na ang walang tigil na pag-ulan, ngunit noong Martes talaga ito bumuhos nang walang patumangga. May kasama pang kidlat at kulog ang sama ng panahon, kaya nakatatakot mawalan ng kuryente. Sinasabing halos 50% ng Metro Manila ang nalubog sa baha. May mga kalsadang lampas-tao ang baha at hindi kayang madaanan ng anumang sasakyan. Lahat ng pasok, mapa-eskwela man o hindi, mapa-gobyerno o pribado, ay kinansela. Napuno ang mga social networking sites ng mga balita at impormasyon tungkol sa mga kabaha-bahalang nangyayari. Nagkalat sa Facebook at Twitter ang mga panukala ng mga numerong dapat tawagan para sa anumang uri ng tulong. Nai-poste rin ang iba’t-ibang larawan upang malaman ng lahat ang kalagayan ng baha at ulan sa mga lansangan. Higit sa lahat, nagbigay-daan din ang mga social networking sites na ito upang mapanatili ang pag-asa na kailangang-kailangan sa mga sakunang tulad nitong ating nararanasan.

Nagkaroon ng pag-asa nang dumating ang araw ng Miyerkules. Nagpakita ang haring araw at inakala ng maraming Pinoy tulad ko na tanda na iyon ng tuloy-tuloy na pagganda ng panahon. Pero, tulad na lamang ng nangyari noong Martes, bumuhos na naman ang napakalakas na ulan at bumaha sa maraming lansangan oras na matapos ang tanghalian. May mga nabasa, natakot at na-stranded. Pero sa lahat ng ito’y naging matatag pa rin ang mga Pilipino dahil na rin sa maraming taong patuloy na nagsisilbi at naglilingkod. Ang mga tinutukoy ko’y walang iba kung hindi ang mga kapwa nating mga Pilipinong nangunguna sa pagtulong sa mga biktimang nasalanta ng malakas na pag-ulan.

Maraming Pilipino ang talagang gumagawa ng paraan para tumulong sa mga biktima ng baha. Lahat ay may pangangailangan ngayon, pero mas pinili nilang kalimutan muna ang sarili para tumulong sa mga mas nangangailangan. Namumutawi ang bayanihan at sila ang pinakatanda nito. Kitang-kita ito di lamang sa mga taong nasa gobyerno o pribadong sektor kundi sa mga ordinaryong mamamayan din. Mga tunay na bayani nating maituturing ang mga taong naglilingkod na maaaring mamiligro ang buhay para lamang mailigtas ang iba na nasa peligro rin ang buhay. Salamat sa Diyos dahil may mga taong tulad nila na maituturing nating buhay na pag-asa.

Ilan sa mga impormasyong dapat nating malaman tungkol sa pangyayaring ito:

  1. Ang nagdulot ng matinding pagbaha at pag-ulan ay hindi isang bagyo kundi ang HANGING HABAGAT. Ano ang habagat? Ayon sa artikulo ni Sol Jose Vanzi, ang habagat ay nagsisimula sa panahon ng tag-init (summer) kung kailan ang kontinenteng Asya ay mas umiinit kumpara sa mga nakapaligid ditong mga anyong tubig. Dahil dito, namumuo ang mga tinatawag na low pressure area. Nangyayari ito sapagkat pag tumataas ang mainit na hangin, ang naiiwang bahagi sa ibaba ay pinupunan ng hanging nanggagaling naman sa mga dagat. Ang mga hanging nagmumula sa dagat ay nagdadala ng init (heat) at singaw (water vapor) na pag dumaan sa bansa’y maaaring magdala ng maalinsangang panahon pati na pag-ulan. Sinabi ring pag may bagyo sa Taiwan, isang bansang nasa itaas lamang ng Pilipinas, ay mas lumalakas ang hanging ito at ang dalang ulan ay mas nagtatagal. Ito na nga ang nangyayari sa atin ngayon sapagkat matatandaang ang bagyong Haikui ay nasa Taiwan nang magsimulang lumakas ang pag-uulan sa atin. Ang hanging habagat ay dumadaan sa ating bansa mula Hunyo hanggang Setyembre.
  2. Ayon naman sa Wikipedia, ang hangin naman na nararamdaman natin mula Setyembre o Oktubre hanggang Mayo  o Hunyo ay tinatawag na AMIHAN o northeast monsoon. Dulot ito ng tinatawag na trade winds, ang pattern ng mga hangin sa tropics, mga lugar na malapit sa equator. Malamig na hangin, na may kaunti o walang pag-uulan ang dala-dala ng amihan.
  3. Sa panahon ng mga sakuna tulad ng nararanasan natin ngayon, ang pangunahing ahensyang nagtataguyod sa kapakanan ng mga mamamayan ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRCMC). Gayunpaman, lahat ng local government units (o LGUs) ay inaasahan pa ring gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin habang nakikipag-ugnayan sa mga ahensyang tulad ng NDRCMC, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAG-ASA).
  4. Ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay bumuo ng programang tinatawag na Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) na naglalayong mabigyan ng babala ang iba’t-ibang komunidad sa banta ng baha. Gumagamit ito ng teknolohiyang nagpapakita ng dami ng tubig-ulan at potensyal na pagbabaha sa isang lugar.
  5. Heto naman ang listahan ng mga numero sa telepono ng iba’t-ibang ahensya at expressway na maaaring tawagan para sa mga emergency
  6. Paano tayo makatutulong? Maari tayong magdala ng donasyon o mag-volunteer sa iba’t-ibang eskwelahan tulad ng UP Diliman, UP Manila, Ateneo de Manila University, University of Asia and the Pacific; iba’t-ibang simbahan tulad ng Sto. Domingo Church sa Quezon Avenue; mga ahensya tulad ng DSWD at Philippine Red Cross; mga foundation tulad ng ABS-CBN Foundation at GMA Kapuso Foundation, o kaya naman sa iba’t-bang tanggapan tulad ng LBC. May alam ka pa bang iba? Idagdag mo na lang sa comment box sa ibaba.

TANDAAN: Kapag gagawin natin ang ating parte sa sakunang nangyari, mapapadali ang ating pagbangon. Alaming pagkatapos ng delubyo, aahon tayo.