Balik-Eskwela

k to 12

Nitong nakaraang Linggo ay nagsimula na naman ang pasukan ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa buong kapuluan. Ngayong linggo naman ay sumunod na ang mga pribadong paaralan pati na mga kolehiyo’t unibersidad.   Tulad noong mga lumipas na panahon, ganun pa rin ang mga nababalitang problemang kinahaharap ng mga estudyante at kanilang mga magulang. Kapos ang mga silid-aralan kaya nasa ilalim ng puno o kaya corridor nagkaklase ang ibang mga mag-aaral. Kulang pa rin umano ang mga guro kaya humigit kumulang limampu ang mga estudyante sa isang klase. May mga sirang upuan, may mga pader na di napinturahan, may mga silid-aralang napakaliit para sa buong klase. Pero di pa rin napigilan ang milyun-milyong mga estudyanteng magsipasok sapagkat oras nang muli ng pag-aaral.

Marami mang problema ang tulad pa rin ng dati, may bago namang inaabangan sa mga eskwela ngayon: ang K to 12 program ng Kagawaran ng Edukasyon. Bakit ito inaabangan? Sapagkat unang beses itong ipapatupad ngayong taon. Ano ang mga natatanging pagbabago sa panibagong sistema ng  ating edukasyon? Ang hayskul ay hahatiin sa dalawa: junior highschool at senior highschool. Dahil dito, ang dating apat (4) na taon lamang sa hayskul ay gagawin nang anim (6) na taon. Mapapansin ding ang kindergarten level naman ay isang taon na lamang, sapagkat pagkatapos ng mag-aaral dito’y pasok na agad siya sa Grade 1.   Anu-ano pa ang mga kailangan nating malaman tungkol sa K to 12 program? Basahin ninyo ang nasa ibaba na hango sa napakamatulunging artikulo ng Rappler:

1. Mayo 15, 2013 nang lagdaan ng kasalukuyang pangulo ang Enhanced Basic Education Act of 2013 upang maging batas. Ang Pilipinas ang huling bansa sa Asya na nagpatupad ng K to 12 program.

2. Ang pagpapatupad ng Universal Kindergarten ay nagsimula noong S.Y. 2011-2013. Ang baitang na Grade 11 ay sisimulan sa S.Y. 2016-2017 habang ang Grade 12 ay sisimulan sa S.Y. 2017-2018.

3. Sa 2018 magtatapos ang unang lupon ng mga estudyanteng dadaan sa K to 12.

4. Libre ang K to 12 sa mga pampublikong paaralan. Ang mga magtatapos ng K to 12 ay sinasabing handa na sa pagpasok sa trabaho, sakaling di sila magpatuloy as kolehiyo.

5. Mandatory o kinakailangang dumaan sa Kindergarten level ang lahat ng bata bago makatungtong ng Grade 1. Tandaang dati’y diretso Grade 1 na ang iba sa mga mag-aaral.

6. May mga specialization for employment ang programang K to 12. Ang mga senior high school students ay maaaring pumili sa tatlong ito: Academic, Sports and Arts, Technical-Vocational-Livelihood.

7. Nilalayon ng K to 12 na pagyabungin ang paggamit ng mother tongue o yaong lengwaheng gamit sa lugar ng mga mag-aaral. Halimbawa, Ilokano sa Ilocos Region, Tagalog sa Bulacan o Bicolano sa Camarines Norte. Gagamitin ang mother tongue sa Kinder; sa lahat ng subjects mula Grade 1 hanggang Grade 3 maliban sa Filipino at English subjects. Pagdating ng Grade 4 tsaka gagamitin ang Filipino at English bilang lenggwahe ng pagtuturo.

8. Makikipag-ugnayan ang Kagawaran ng Edukasyon sa iba’t-ibang kolehiyo, unibersidad at technical-vocational institutions upang makagamit ng mga pasilidad at mga guro na magtuturo.

9. Ang mga pribadong paaralan ay gagamit din ng K to 12 program. Inaasahan ang aktibong partisipasyon ng gobyerno sa pinapatupad na itong programa.  Isang Joint Oversight Committee mula Senado at Kongreso ang bubuuin upang masiguro ito.

Sa totoo lang, napakaganda ng programang ito ng Kagawaran ng Edukasyon. Di maiiwaasang marami ang tutol dito, pero ganun naman talaga ang mga tao kapag may pagbabago. May kahiligan tayong panatilihin ang kung anong pamilyar sa atin. Di pa nasusubukan ang K to 12 kaya marami ang di bilib dito. Pero iba ako. Naniniwala akong maganda ang madudulot ng K to 12 na ito upang mabago ang lebel ng edukasyon dito sa ating bansa. At saka kung tutuusin, maraming mga estudyante ang di natatapos ang kanilang pag-aaral, lalo na pagdating ng kolehiyo. Ang K to 12 ay magandang programa para maitama ang problemang ito. Di man matapos ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral sa kung anumang dahilan, maaari silang magtrabaho na pagkatapos ng hayskul. Maganda ang programang K to 12 dahil diyan at sa marami pang dahilan. Ang dapat na nga na lang gawin ay taasan ng ating gobyerno ang budget sa edukasyon upang maisakatuparan ng maayos ang programang ito, makiisa ang mga magulang sa panuntunan ng programa, pagbutihin ng ating mga dakilang guro ang kanilang pagtuturo at galingan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral. Gawin sanang motibasyon ng mga mag-aaral ang kagandahan ng programang ito. Hindi ba’t mas masarap mag-aral lalo na kung alam mong may napaganda at napakabuti itong maidudulot sa’yo?

Mahalagang Kasaysayan

Bukas, Pebrero 25, 2012, ang unang anibersaryo ng pagkamatay ng aking lolo (sa ina), si Lolo Ernesto Romero. Ang iba sa inyo ay maaaring ipagdiwang ang anibersaryo ng EDSA Revolution, habang kami naman ng aking pamilya at mga kamag-anak ay magkikita-kita upang ipagdasal ang kaluluwa ng aking namayapang lolo.

Sino ba ang lolo kong si Ernesto Romero? Base sa mga kwento ng aking mama, siya ay isang matapang at istriktong tatay sa kanila ng aking mga tito at tita. Mula naman sa karanasan ko habang nakatira sa bahay nila sa Quezon City tuwing summer break, siya ay isang disiplinadong tao, masungit minsan pero mapagbiro rin naman at tila hari siya kung umupo (talagang nakatindig parati), kumain (magana parati) at magbasa ng diyaryo sa kanila (sa kadahilanang siya lagi ang mauuna sa dyaryo pagkabigay ng newsboy). Maalaga rin nga pala si lolo. Dagdag kasi ng mama ko, maraming beses na iniiwan nila ako nung ako’y maliit na maliit pa sa pangangalaga n’ya pati ni lola habang silang dalawa ng papa ko ay nasa trabaho. Maraming kamag-anak at kaibigan si lolo at ang dinig ko noo’y palakaibigan at maaasahan nila siya. May mga kwento akong nakakatuwa at nakakamangha  tungkol sa aking lolo. Samahan ninyo akong balikan ang buhay ng isang taong napakahalaga sa aming pamilya.

Isinilang si lolo noong Setyembre 8, 1927. Kwento ng mga tita ko noon, si lolo raw ay bunso sa kanilang pamilya na nakatira sa Camarines Sur. Maaga umano siyang naulila sa ama at ina. Naging parte raw siya noon ng mga gerilya na lumaban sa mga kampon ng Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang giyera, sinubukan n’ya ang kanyang kapalaran sa Maynila. Doon ay pumasok siya sa iba’t-ibang trabaho para lang mabuhay. Napagtapos din n’ya ang sarili sa hayskul.

Sa Maynila nakita at nakilala ni lolo ang magiging asawa n’ya sa buhay, ang dalagang may pangalang Faustina Ablan. Si Lola Faustina, na tubong Candalican, Ilocos Sur ay isang tipikal na dalagang Pilipina: kayumanggi, mahinhin at maganda. Naisip kong bagay sila ni lolo sapagkat maputi, matipuno at gwapo naman ang aking lolo. Sila ay binayayaan ng walong anak, na ang ikatlo (tulad ko) ay ang aking mama.

 

Di madali ang naging buhay nila, lalo na’t marami sila sa pamilya. Di na rin naman nakapag-kolehiyo ang aking lolo kaya ang mga nakukuha niyang trabaho ay yung di pang-matagalan. Ang aking lola naman daw ay nanatili sa tahanan para mag-alaga ng mga anak. Maraming kwento ang aking mama tungkol sa kanilang pagkabata. Di ko man maikukwento ang lahat dito, sasabihin ko na lang ang pinakatumatak sa akin. Ito ay ang kwento niya tungkol sa galunggong. Madalas daw na ulam nila noon ang galunggong na noon pa ma’y sinasabi nang pagkain ng masa dahil sa murang presyo nito. Pero, kahit pa sabihing mura ang presyo nito, dumating pa rin sa pagkakataong nag-away siya at isa kong tita dahil sa iisang pirasong galunggong. Maiisip mo, ganun siguro talaga kahirap ang buhay nila noon. Lahat ay talagang tipid na tipid, kahit na sa pagkain.

Sa awa ng Panginoon, nagkaroon ng permanenteng trabaho ang aking lolo sa Veterans Memorial Medical Center. Siya raw ay naging maintenance man doon. Malaki ang pasasalamat ko sa kanya dahil kung di s’ya nakapagtrabaho run ay di makakapasok at magtatagal ng mahigit 30 taon doon ang aking mama bilang nursing assistant. Sa totoo lang kasi, malaking bagay ang makapagtrabaho di lang sa isang ospital, kung hindi pati na sa isang pasilidad na pag-aari ng gobyerno.

Naalala ko lang, kaya siguro nailalarawan kay lolo ang pagiging matapang at istrikto ay dahil sa kanyang ginagawa tuwing may gustong manligaw noon sa kanyang mga dalaga. Ang sabi ng mama ko, idi-demand daw ni lolo na humarap sa kanya ang mga manliligaw nilang magkakapatid at uuriratin kung ano at sino sila isa-isa. Nakakatawa pero ganun siguro talaga. Kaya lang, marami raw ang natatakot at hindi na uli bumabalik.

Tulad ng lahat ng mga tao, di perpektong tao si lolo. Marami rin siyang mga pagkukulang at pagkakamali. May mga bagay din siyang hindi nagawa na mas nakapagpabuti sana sa buhay nilang magpapamilya. Hindi man tuwirang sinasabi palagi sa akin pero dahil sa hirap na dinanas nila noon, maraming aral ang aking natutunan noon pa mang unang beses kong narinig ang kanilang mga kwento. Una, hindi maganda ang nagsasayang sapagkat maraming mga tao ang di nakakaranas na kumain palagi. Ikalawa, maganda ang nag-iimpok dahil bukod sa madali lang lumabas ang pera, di mo alam kung kalian mo ito talagang kakailanganin. Ikatlo, maganda ang nakikisama sa ibang tao (isa ito sa mga katangiang nakikita kong namana ng aking mama sa kanya). At ang pinakamaganda kong  natutunan sa lahat mula sa kanilang karanasan: ang kahalagahan ng edukasyon. Di matatawaran ang pagkatuto at pagkalinang ng isang tao sa isang magandang institusyon. Oo nga’t ibang magpangaral ang karanasan, pero iba rin naman ang napag-aaralan sa isang eskwelahan, lalo na kung ito ay tanyag dahil sa kagalingan. Kaya nagpapasalamat ako di lamang sa aking mga magulang na talagang nagtaguyod sa aming magkakapatid, kung hindi pati na sa aking lolo na siyang nagmulat sa kanila nito (kahit pa sabihin uling hindi direkta) base sa mga hirap na kanilang naranasan.

Huling salita:

Isa pa, kung wala si Lolo Ernesto, e di wala sana ako rito sa mundo at wala kayong binabasa ngayon. Kung hindi sa kanya, wala sanang pinakasalan si papa na taong tinatawag namin ngayong mama. Kung hindi rin dahil sa kanya, di magkakaroon ng mga anak na engineer, microbiologist at speech- language pathologist ang aking mga magulang. Kaya, nasaan ka man ngayon, lolo, kami sa’yo ay lubos na nagpapasalamat.