Eleksyon 2013

Eleksyon 2013

Sa darating na Lunes, Mayo 13, 2013, ay araw na naman ng eleksyon. Magpupunta ang mga dati nang bumoboto kasama ng mga bagong botante sa kani-kanilang presinto upang iboto ang mga kandidato na gusto nilang maluklok sa gobyerno. Midterm election ang tawag sa magaganap na eleksyon sapagkat nasa kalagitnaan pa lamang ang panahong ito sa termino ng kasalukuyang presidente. Napakaimportante ng mangyayaring eleksyon sapagkat ito ay sumisimbolo na buhay ang demokrasya sa bansa.

Ano ba ang eleksyon? Ayon sa Brittanica Encyclopedia, ang eleksyon ay isang pormal na proseso ng pagpili ng tao sa pampublikong pangangasiwa (public office) o ng pagtanggap o pagtanggi sa isang politikal na proposisyon sa pamamagitan ng pagboto. Isa ang Pilipinas sa mga bansang nagsasagawa ng prosesong ito upang magluklok ng mga mamamayan sa pwesto.

Sa darating na halalan, boboto ang mamamayan ng mga sumusunod:

  • Labindalawang (12) senador (senators)
  • Isang (1) party list
  • Isang (1) kongresista
  • Isang (1) gobernador (governor; para sa mga nasa probinsiya)
  • Isang (1) bise gobernador (vice governor; para sa mga nasa probinsiya)
  • Provincial board members [ang bilang nito ay  depende sa lugar ng pagbobotohan; para sa amin sa San Jose del Monte, Bulacan, tatlo (3) ang kailangan]
  • Isang (1) alkalde (mayor)
  • Isang (1) bise alkalde (vice mayor)
  • Konsehal [councilor; ang bilang ng konsehal na ibuboto ay depende rin sa lugar ng pagbobotohan; sa amin dito sa San Jose del Monte, anim (6) ang kailangan]

May napili ka na bang mga kandidatong iboboto? Kung wala pa, ayos lang yan. Pag-isipan mo muna ng maigi ang mga gusto mong iluklok sa kapangyarihan. Pero bago yan, alamin mo munang maigi kung ano ba ang tungkulin ng mga tatakbuhan nilang posisyon. Kailangang malaman ng lahat na ang pinakanatatanging kapangyarihan ng mga kongresista at senador ay gumawa ng mga pambansang batas na huhubog sa bawat aksyon at desisyon ng mga mamamayan. Kailangan din nating malaman na ang alkalde ang pinakaresponsable sa pangangasiwa ng mga proyekto, regulasyon at iba pang bagay na ikauunlad ng kanyang nasasakupang munisipalidad o siyudad. Ang gobernador naman ay ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaang probinsiyal.

Sunod mong gawin, kilalanin ang mga tumatakbo sa iba’t-ibang pwesto ng gobyerno. Tandaan ha. Wag lamang babase sa popularidad. Bumase sa kakayahan. Wag babase sa kung kaninong mataas na opisyal nakadikit ang pangalan. Bumase sa track record. Higit sa lahat, bumase ayon sa galing mamuno at taos sa pusong paglilingkod.

Sa mga naisipan at nagdesisyong tumakbo ngayong eleksyon, heto ang para sa inyo: Hindi pwede yung literal na uupo lamang kayo at walang gagawing aksyon habang nasa pwesto. Mahalaga ang inyong katungkulan at dahil pinili ninyong tumakbo, maigi lamang na hangarin namin ang matalinong pagpapasya at pagpaplano ukol sa mga bagay na magpapabuti sa amin, pati na rin ang mabilisan pero wastong aksyon sa lahat ng panahon. Ayaw naming magrireklamo kayo tungkol sa inyong tungkulin. Pinili ninyong magsilbi kaya dapat unahin ninyo ang iba kaysa sa sarili ninyo. Mahiya kayo kung hindi iyan ang nasa isip at puso ninyo. Buhay at kinabukasan ng mamamayan ang nakataya sa inyong magiging mga desisyon at aksyon.

Sa Wakas

Sa Wakas: A New Pinoy Rock Musical

Matagal-tagal na rin nung huli akong nakapanood ng isang musical sa isang entablado. Kadalas kasi’y nanonood lamang ako ng mga ganito sa pelikula (I Do Bidoo, Mamma Mia, Jesus Christ Superstar). Natatangi ang pagtatanghal ng isang musical sapagkat di lamang umaarte ang mga actor at aktres sa entablado; sila pa’y kumakanta ng mga awiting kailangan nilang sabayan ng emosyong akma sa eksenang kanilang ginagawa.

Kagabi lamang ay nanood ako kasama ng aking kasintahan at mga kaibigan ng pinakabagong musical na may pangalang, Sa Wakas, sa PETA Theater. Nakapaloob sa musical na ito ang mga kanta ng popular na bandang Sugarfree, na ilang taon ding naghandog ng magagandang awitin bago sila ma-disband noong 2011. Ang titulo ay hango sa unang nilabas nilang album. Tungkol sa pag-iibigan, pagtataksil at paghuhubog ng pangarap ang Sa Wakas. Napaka-akma ang mga kanta ng banda dahil karamihan sa mga ito’y kwento ng pag-ibig at pagmamahalan. Di mabibigo ang mga taga-suporta ng Sugarfree na may gusto sa mga kantang Prom (“Parang atin ang gabi, para bang wala tayong katabi, at tayo’y sumayaw na parang di na tayo bibitaw”), Kwarto (“Maglilinis ako ng aking kwarto na punung-puno ng galit at poot”), Tulog Na (“Tulog na, mahal ko. Hayaan na muna natin ang mundong ito. Sige na, tulog na tayo.”), Hari ng Sablay (“Ako ang hari ng sablay. Hinding-hindi makasabay-sabay sa hangin ng aking buhay”), Wag Ka Nang Umiyak (“Kapit ka sa akin. Kumapit ka sa akin. At di kita bibitawan.”), Dear Kuya (“Dear kuya, kamusta ka na dyan? Anong balita?”) at marami pang iba dahil ang mga ito’y nakapaloob sa pagtatanghal. Ako nama’y nagkaroon ng mga bagong paboritong kanta dahil sa nasaksihan ko kagabi: Kwentuhan (“Kwentuhan lang, wala namang masama.”) at Kandila (“Magka-ilaw man, madilim pa rin kung wala ka.”) mula sa paborito kong album nilang, Dramachine.

Topper, Lexi, Gabby: Mga bida sa Sa Wakas

Topper, Lexi, Gabby: Mga bida sa Sa Wakas

Bida sa Sa Wakas si Topper, isang struggling photographer. Nakatakda siyang ikasal sa kanyang kasintahang si Lexi, isang mag-aaral ng medisina. Minsang di nagkasundo at nagkagalitan ang dalawa, si Topper ay napariwara sa kanilang relasyon. Iba ang kislap ng mga mata n’ya nang makita niya si Gabby, editor ng isang magasin. Ang kanilang pagmamahal sa potograpiya at iba pang bagay ang nagbuklod sa dalawa. Pero paano na ang relasyon nina Topper at Lexi? Matutuldukan na ba ito dahil sa nabuong pag-iibigan nina Topper at Gabby? Alamin ang kanilang kwento sa Sa Wakas.

Isang eksena sa Sa Wakas

Isang eksena sa Sa Wakas

Di tipikal na pagtatanghal ang aming nasaksihan kagabi. Sa wakas ng istorya nagsimula ang presentasyon, at pabalik ng kwento itong tumakbo hanggang sa malaman ng manonood kung paanong nagsimula ang lahat. Sa umpisa ay maari ka talagang malito, pero mangyayari talaga ito lalo’t unti-unti mo munang malalaman kung paano napunta sa ganoong sitwasyon sa wakas ng kwento ang tatlong pangunahing karakter.

Napaka-simple ng pagtatanghal, pero hindi ibig sabihin nito na hindi ito maganda. Sa katunayan, naipakita nila ng maganda ang mga eksena kahit na limitado ang espasyo ng kanilang pinagtanghalan. Magagaling ang mga nagsipagganap na kinabibilangan nina Fred Lo bilang Topper, Laura Cabochan bilang Lexi at Justine Pena bilang Gabbi. Kahit na may mga ilan silang pagkakamali sa pagbanggit ng kanilang dayalogo ay mas nanaig pa rin ang kanilang husay sa pagganap, lalo na sa pagkanta. Maganda ang chemistry nilang tatlo bilang mga pangunahing karakter at kitang-kita ito sa kanilang pag-arte. Magaling din ang iba nilang mga kasama na nagsipagganap bilang secondary characters.

Sa totoo lang, natuwa ako sa kakapanood mula simula hanggang matapos ang Sa Wakas. Di nakakapagtakang gusto ko itong uliting panoorin.

Bakasyon

Isa sa pinakanakakatuwa at pinakamasayang gawain ang pagbabakasyon. Bakit naman hindi? Marami ang magagandang epekto nito kaya’t halos lahat ay gustong-gusto ito.

Bakit ba nagbabakasyon ang isang tao? Maraming dahilan iyan. Isa na rito ay upang maipasyal natin ang ating sarili at ang pamilya natin sa kung saang-saang lugar. Hindi ba’t nakakatuwa itong dahilan sapagkat nadadala natin ang ating mga mahal sa buhay sa mga lugar na di pa natin napupuntahan dati? Isa sa mga dahilay ay gusto nating maranasan at masaksihan ang pamamaraan, kultura at tradisyon sa lugar na pupuntahan. Marami ang may gusto at gumagawa ng pakay na ito sa kanilang paglalakbay. Ang iba nama’y gusto lamang samantalahin ang libreng outing na ibibigay ng kanilang opisina at iba pang pinapasukan. Panghuli, ang pagbabakasyon ay para lumayo pansamantala sa mundo at iwan ang mga gawain na araw-araw nating ginagawa. Pagpapahinga kumbaga.

Kung iisiping mabuti, kailangan ng katawan at isipan natin ng mahaba-habang pahinga minsan, lalo na rito ang mga nakatatanda (o adults) na halos trabaho at pamilya lamang ang inaatupag. Nakakadulot pa naman ng matinding stress ang ating mga gawain paminsan-minsan. Marami ang nasi-stress out na tao ngayon. Di na kasi balanse ang buhay lalo na kung panay trabaho ang inaatupag. Sa lahat ng mga gaya kong kumakayod at naghahanap-buhay, kailangan natin ng papapahinga at pagbabakasyon. Di kasi magandang pinupukpok natin ang ating sarili sa trabaho buong araw buong taon. Tandaan nating di lang naman trabaho ang buhay natin. Marami pang bahagi ang buhay na kailangan nating bigyang-oras at pansin. Isang bahagi na d’yan ang ating sarili.

Isa pa sa mga nakadaragdag stress sa tao ay ang love life. Bakit kamo? Dahil di rin naman maganda kung panay love life ang iniisip natin, di ba? Nakaka-stress din ito paminsan-minsan lalo na kung isip tayo ng isip tungkol dito (o kawalan nito, hehe). Tandaan nating di naman sa taong iniibig lang natin umiikot ang mundo natin. May buhay din siya at may buhay ka rin na kailangang atupagin. Bigyan ng espasyo ang isa’t-isa paminsan-minsan. Maliban na lang siguro kung mag-asawa na kayo dahil ibang usapan na iyon.

Alam nating masama ang naidudulot ng stress. Sabi sa isang artikulo ng Psychology Today, nagpapahina ito ng ating resistensya na maaring umepekto sa ating pagtulog, pagkain at iba pang gawain. Tataas pa umano ang tsansang tayo ay ma-depress, humina ang ating memorya pati na sa pagdi-desisyon.

Kaya importante ang pagbabakasyon.

Ang pagbabakasyon ay isang napakagandang gawain. Yun nga lang, dapat talaga nating subukang kamtin ang mga dahilan kung bakit tayo nagbabakasyon. Ang ideyal kong bakasyon: walang stress, walang panggulo, walang bad vibes. Gusto kong maranasang maging isa sa kalikasan (o kung saan man ako magpupunta) kahit sa sandaling panahon lang. Pero dahil di perpekto ang ating mundo, di ito maiiwasan minsan. Nasa sa ating reaksyon at aksyon na lamang magbabase kung hahayaan ba nating mapurnada nito ang pahingang ating inaasam sa pagbabakasyon.

Trip to Puerto Princesa, Palawan: Isa itong pagkukwento sa aming bakasyon nitong mga nagdaang-araw lang.

Ang inyong lingkod habang kumakain ng tamilok

Ngayong Abril ay nanggaling ako at ilang mga kapamilya sa Puerto Princesa. Yun ang simula ng pagbabakasyon ko ngayong summer. Napakaganda ng mga tanawin dito sa lugar na ito. Pero dahil gabi kami nakarating sa siyudad na nabanggit, tanging magagawa na lang namin ay pumunta sa mismong bayan at hanapin ang lugar-kainan na binanggit sa amin ng isa kong pinsan. At yun nga, nakita namin ang aming hinahanap: ang Kinabuchs. Dito sa lugar na ito namin natikman ang dalawa sa mga exotic food ng Palawan: ang buwaya at ang tamilok. Di ko akalaing talagang kinakain ang buwaya, pero dahil sisig ang luto rito’y ginusto naming subukan. Ang tamilok naman ay isang uri ng mollusk na kinikilaw. Anong hitsura ng tamilok? Tila isa itong malaking earthworm na kitang-kita ang lamang-loob. Dahil napasubok na sa aming in-order na exotic food, nakatatlong subo kami ng kapatid kong mahilig din sa mga ganitong hamon. Pagkatapos nito, di na uli kami sumubok pa kahit na nangangalahati pa lamang kami sa in-order naming udo. Nakakatuwa lamang ang challenge na kumain ng uod na kay laki. Hehe.

1

Kinabukasan, nagtungo kami sa isa sa New 7 Wonders of Nature, ang Puerto Princesa Underground RiverIsa itong national park na ginawaran ng titulong World Heritage Site ng UNESCO noon taong 1999 dahil pinapakita ng lugar na ito ang biodiversity conservation at buong mountain-to-sea ecosystem. Kahit na kay haba-haba ng dadaanang proseso para makapunta rito sa lugar na ito ay tiyak na masusulit naman ito. Buti na lamang din at magaling ang aming tour guide na si Kuya Ernie kaya maaga-aga kaming nakarating. Napakaganda ng lugar sa palibot ng kweba. Masasabi mo namang one-of-a-kind experience ang pamamangka sa loob mismo ng kweba. Mga paniki at ahas, stalactites at stalagmites na may iba’t-ibang laki at porma, maliliit at malalaking chambers at marami pang iba ang makikita sa kwebang ito.

Ang aming Bunso, Tita at Mama sa Starfish Island

Marami ring mga isla na pwedeng puntahan sa Puerto Princesa. Una kaming nagpunta sa Pambato Reef at dun ay sumubok kami ng snorkeling. Marami masyado ang mga tao, kaya kahit na may mga isda kaming nakikita habang lumalangoy sa tulong ng life vest at snorkeling apparatus ay kakaunti ang mga ito. Malulungkot na sana ako pero di ito nangyari dahil sa ikalawang isla na pinuntahan namin, ang Starfish Island, ay sobra-sobra na ang tuwa ko. Manghang-mangha ako sa ganda ng lugar na iyon, lalo na’t perpekto ang pagkakahalu-halo ng iba’t-ibang shade ng kulay asul at berde upang maisalarawan ang ganda ng tubig, bundok at langit. Tila ito ang inspirasyon sa mga pintang dagat, bundok at langit ang nakikita gamit ang mga pastel colors. Ganda rin ng sandbar na mayroon dito. At nakadagdag pa sa tuwa naming dun sa lugar na iyon ay ang napakaraming isda na makikita sa napakalinaw nitong tubig. Kahit na nasa bandang mababaw pa lang kami ay talagang maraming isda ang pumupunta at patuloy na lumalangoy sa harap namin. Lalo na pag pinapakain na naming sila ng tinapay; talagang dagsa silang lalapit. Bukod sa mga karaniwan nang isda na nakikita sa mga dagat ng Pilipinas, nakakita rin kami ng stonefish at octopus dito. Oo, octopus o pogita. May isang boatman kaming nakasalamuha ng isa kong kapatid at dahil nakita nyang pumasok sa loob ng isang coral ang isang pogita, ginamit nya ang tsansang iyon upang makita namin ito. Saksi kami sa defense mechanism na ginagawa ng pogita pag may “kalaban” sa paligid: ang paglabas ng ink upang di siya makita ng kalaban. Pero magaling si manong na kalaban ng pogita nung mga panahong iyon. Nahuli nya ito (maliit pa naman ang pogita kaya kayang-kayang hulihin) at pinakita’t pinahawak nya sa amin. Kakaiba at nakakatuwa ang karanasan naming iyon. Ikatlong isla na pinuntahan namin ang Luli Island. Ang sabi ng aming tour guide, ganun daw ang pangalan ng islang ito dahil ang isla rito’y lulubog at lilitaw depende sa oras ng low tide/ high tide.  Bukod sa nakapag-snorkel kaming muli sa lugar na ito, kami rin ay nag-kayaking at nilibot ang isla na napapalibutan sa isang gilid ng napakaraming mangrove. May sandbar din dito yun nga lang, di namin  ito nakuhanan ng litrato sapagkat ubos na baterya ng mga camera namin.

Ang zipline sa Rancho Mitra. Tanaw na tanaw din dito ang mga isla sa Puerto Princesa.

Ang zipline sa Rancho Mitra. Tanaw na tanaw din dito ang mga isla sa Puerto Princesa.

Di naming akalaing makakapag-city tour pa kami kinahapunan pero sinubok talaga naming para naman makita ang iba’t-ibang tanawin sa Puerto Princesa. Balik sandali sa hotel, ligo ng mabilisan at pinalitan ang mga baterya ng camera upang magamit muli. Nakarating kami sa Crocodile Farm (kahit na di na naming nakita ang mga buhay na buwaya), rantso ng mga Mitra (napakaganda ng tanawin doon sapagkat kitang-kita ang mga isla nadaanan namin ilang oras lamang ang nakakaraan. Dami ring uri ng mga hayop doon). Huli naming pinuntahan ang pamosong Baker’s Hill. Bukod sa tanyag na masasarap nitong mga tinapay tulad ng hopia, nakakita rin kami ng iba’t-ibang uri ng mga ibon, halaman at bulaklak dito. Maganda ang pagkakadesenyo sa lugar kaya di kataka-takang paboritong lugar ito ng mga tao upang kumuha ng larawan. Kinagabihan, nagtungo kaming bayan upang kumain sa isa pang kilalang restaurant sa Puerto Princesa, ang Ka Lui. Masarap ang mga hinahaing seafood dito. At sa mga magtatanong kung aling lugar ang naghahain ng mas masarap na pagkain, sasabihin kong mas nasarapan ako sa Ka Lui kaysa sa Kinabuchs.

Ang aking Mama at mga nakababatang kapatid sa tanyag na Baker's Hill

Ang aking Mama at mga nakababatang kapatid sa tanyag na Baker’s Hill

Sa totoo lang, napakarami pa ng pwedeng puntahan sa Puerto Princesa at karatig-bayan. Kaya susubukan kong bumalik dito sa hinaharap upang masubukan naman ang mga di ko pa nasubukan at puntahan ang mga di ko pa napuntahang lugar.

***

Naramdaman ko ba ang bakasyon sa ginawa naming tour sa Palawan? Oo naman. Kahit na nakakapagod ang mga aktibidad na ginawa namin dito, nakapagpahinga naman ako kahit papaano. May mga bagay na nakapagpa-stess sa akin at aaminin kong nakabawas iyon sa inaasam kong pahinga sana pero ginawa ko na lamang ang magagawa ko para tanging magagandang alaala ng Puerto Princesa ang aking maiisip sa tuwi-tuwina.

Ano pang hinihintay mo? Magbakasyon ka na rin!

UP Naming… Kay Mahal?

Marso 15, 2013- Isang nakalulungkot na balita ang bumuluga sa buong sambayanan nitong Biyernes ng umaga. Isang freshman ng kursong Behavioral Sciences sa Unibersidad ng Pilipinas- Manila ang kinitil ang sariling buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner dahil umano sa sobrang depresyon. Ang sobrang kalungkutan na tinuturong dahilan ng kanyang pagpatay sa sarili ay dahil umano sa kahihiyang idinulot ng pwersahang leave of absence (o LOA) na ibinigay ng administrasyon ng unibersidad. Simula nang mabigyan ng LOA, di na umano siya pumasok sa kanyang mga klase. Dulot din ng di pagbayad ng tuition fee, wala siya sa opisyal na listahan ng mga estudyante ng paaralan.

UP SEAL

Nakakapanghina ang balitang ito sa itaas. Dati, tinitingala ang Unibersidad ng Pilipinas dahil sa napakaganda at napakagaling edukasyong nakukuha ng mga estudyante niya, mayaman man o mahirap. Iba ang karunungan at karanasang nakukuha ng mga estudyante rito. Bukod diyan, hindi lamang sa isip gustong ihulma ang kagalingan sa edukasyong natatamo ng mga estudyante, lalo’t higit sa gawa. Hindi ba’t kilala rin ang UP sa aktibismo? Maraming mga estudyante ng UP ang nakikibaka laban sa kamalian ng iba’t-ibang sektor ng gobyerno at mga institusyong mapang-abuso sa lipunan. Ang iba ma’y di nagpupunta sa lansangan, pero marami ang talagang nandoon kung nasaan ang aksyon.

Kuha mula sa http://anakbayanph.files.wordpress.com

Isang state university ang Unibersidad ng Pilipinas. Ibig sabihin, isa itong unibersidad na sinusuportahan at pinupondohan ng pamahalaan ng Pilipinas. Dahil isang public school ang UP, mababa ang tuition fee rito kumpara sa ibang mga unibersidad. Pero pagkatapos kong malaman na halos umabot na pala ng P30,000 ang tuition fee per sem rito ngayon, napapaisip ako kung isa pa nga bang state university ang UP. Noong panahong nag-aaral pa ako sa UP, P300 per unit ang tuition fee. Hinding-hindi umabot ng P10,000 ang binabayaran namin ng mga kaklase ko sa isang semestre. Napakalaking tulong nito sa pamilya naming mga estudyante noon na hindi mayayaman dahil nakakakuha kami ng de kalidad na edukasyon nang hindi nagbabayad ng malaki. Kaya lubos akong nagpasalamat at patuloy na nagpapasalamat dahil nakapagtapos ako sa institusyong tinitingala ng lahat nang hindi nabutas ang bulsa ng aking mga magulang na nagpupursigi upang mapag-aral kaming magkakapatid.

Nakakalungkot ngayon dahil marami sa mga estudyanteng nakapapasa ng University of the Philippines College Admission Test (o UPCAT) ang hindi tumutuloy sa pag-enroll sa unibersidad dahil sa kataasan ng tuition fee. Ayon sa nabasa ko sa isang pahayagan, tinatayang 60% ng mga pumapasa ay naghahanap na lamang ng ibang paaralang mapapasukan nila.

Huling Salita

Kung isa kang estudyante at nagkataong mayaman ang iyong pamilya, magpasalamat ka. Maaari kang mag-enroll sa unibersidad na iyong gusto. Wag magpakasasa; galingan at gamitin mo ang iyong yaman upang matulungan ang iba.

Kung isa kang estudyante at nagkataong nanggaling ka sa isang mahirap na pamilya, wag mawalan ng pag-asa. Gumawa ng paraan para makaagapay. Kung walang institusyong gustong tumulong sa’yo, katukin ang mga kaibigan at mga kakilala. Marami pa rin namang tao ang walang sawang tumutulong sa mga taong nangangailangan nito.

Kung may mataas kang posisyon sa gobyerno, hindi pa huli ang lahat. Gamitin ang iyong kapangyarihan upang maitama ang mali. Gumawa ka ng paraan para mapababa ang tuition fee ng mga state university. Bigyan ng kaukulang pondo ang mga pinakamahahalagang sektor ng isang bansa, at walang dudang isa na riyan ang edukasyon. Bigyang prayoridad ang talagang nangangailangan ng kaukulang pansin at hindi yung binubulong lang ng kung sinuman (Amerika, ikaw ba yan?). Kaya napapaisip ang lahat, bakit ba tila napakadamot ng gobyerno sa pagbibigay ng budget sa edukasyon? Hindi ba nila nalalamang mahusay na edukasyon ang nagbibigay-daan sa marami tungo sa magandang kinabukasan?

Hindi na natin maibabalik pa ang buhay ng estudyanteng namatay. Ang magagawa na lang natin, mag-alay ng dasal sa kanyang kaluluwa at iwasto ang pagkakamaling nagawa, hindi lamang sa kanya, kung hindi sa lahat ng mga estudyanteng napagkaitan ng magandang edukasyon dahil sa kataasan ng tuition.

P.S. (Huling Salita na talaga)

Nawa’y manatiling Honor and Excellence ang motto ng UP at hindi maging Honor and Excellence at Somebody’s Expense.

Habemus Papam

Pope Francis

Gabi ng Marso 13, 2015, Miyerkules, nang itinalaga ang ika-266 na Santo Papa ng Simbahang Katoliko, walang iba kung hindi si Jorge Mario Bergoglio o mas kilala na bilang si Pope Francis. Siya ang pumalit kay Pope Benedict XVI na bumitaw sa pwesto isang buwan na ang nakalilipas.

Narito ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa bagong pinuno ng Simbahang Katoliko. Hango ang mga impormasyong ito sa mga artikulo ng Independent, New York Times, Guardian at Rappler:

Pope Francis (kuha mula sa Wikipedia)

  1. Si Pope Francis ay tubong-Buenos Aires, Argentina sa Timog Amerika. Magandang malaman na 40% ng mga Katoliko sa buong mundo ay nasa rehiyong ito.
  2. Siya ay anak ng isang manggagawa sa riles ng tren at isang maybahay. Isa umano siyang tipikal na Porteňo (katawagan sa mga nakatira sa Buenos Aires): isang fan ng San Lorenzo Football Club, mahilig makinig ng classical music at magbasa ng mga akda ng manunulat na si Jorge Luis Borges.
  3. Pumasok siya sa Society of Jesus noong 1958 at nag-aral sa isang seminaryo para sa mga Heswita sa Villa Devoto upang maging pari. Nakakuha siya ng lisensya sa Pilosopiya sa Colegio Maximo San Jose noong 1960. Nagturo siya ng Literature at Psychology sa Colegio de la Inmaculada at Colegio del Salvador. Tinapos niya ang kanyang pag-aaral upang maging pari noong 1969. Pagtapos nito’y nagturo rin siya ng Theology.
  4. Siya ay naging arsobispo o archbishop ng Buenos Aires noong taong 1998 at cardinal naman noong 2001.
  5. Siya ang kauna-unahang Heswitang Santo Papa. Sinasabing ang mga paring kasama sa orden ng mga Heswita ay kumukuha ng vow of poverty at pinakapinagtutuunan ng pansin ang pagbibigay serbisyo sa mga tao.
  6. Siya ang unang Santo Papa na hindi Europeano sa loob ng ilang daang taon. Ang sinasabing huling Santo Papa na hindi Europeanong naihalal bago si Francis I ay si Gregory III, ay isang Syrian.  Taong 731 pa noong naihalal si Gregory III.
  7. Siya ang unang Santo Papa na gumamit ng pangalan ni San Francis ng Assisi, isa sa mga pinakatanyag na santo ng simbahan. Sinisimbolo umano nito ang kababaang loob, isa sa mga magagandang katangiang pinamalas ng nabanggit na santo.
  8. Siya ay 76 na taong gulang.
  9. Bagamat iisa na lamang ang baga ng bagong Santo Papa, sinasabing ang kanyang katawan ay nasa magandang kondisyon.
  10. Ayon sa Wikipedia, iba’t-ibang lenggwahe ang kaya umanong sabihin ni Pope Francis: Spanish, Latin, Italian, Aleman, Pranses at Ingles.

Pope-Francis

Ngayong naihalal na ang bagong mamumuno sa pinakamalaking relihiyong Kristiyano sa buong mundo, maiging puntiryahin nang maagap at mahusay ni Pope Francis at ng kanyang mga administrador ang mga problemang kinahaharap ng simbahan sa kasalukuyan: isyu ng sex abuse ng mga pari sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, kaguluhan umano sa Roman Curia, mga taong nasa administrasyong namamahala sa simbahan, at tumataas na sekularismo sa Europa at sa iba pang bahagi ng daigdig.

Nawa’y gabayan ng Panginoon ang ating bagong Santo Papa upang maitama ang mga maling nagawa ng simbahan, maibalik ang paniniwala ng mga kapatid sa pananalig na nawawala at palakasin pang lalo ang pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahang Katoliko.

P.S.

Ang ibig sabihin ng titulong Habemus Papam ay “We have a Pope” o “Mayroon nang Santo Papa!”

Santo Papa (kuha mula sa fastcompany.com)

Iba’t-ibang Uri ng Pag-ibig

Pag-ibig

Pag-ibig

Pag-ibig.

Ito na marahil ang damdaming pinakapinag-uusapan. Sa mga umpukan, sa mga kwentuhan, di maiiwasang di ito mabanggit man lang. Ang sabi ng iba, pag-ibig daw kasi ang pinakamagandang madarama ng isang tao. Hindi ba’t pambenta ng maraming pelikula ang temang pag-ibig? Di lilipas ang isang buwan na walang naipapalabas na romantic movie, lokal man o Hollywood. Marami kasi sa mga tao ang gustong manood ng mga taong umiibig. Sa telebisyon, ganun din. Hindi nawawalan ng kwentong pag-iibigan ang mga teleserye, mula umaga hanggang gabi. Sa katunayan nyan, talagang tumatatak pa sa isip ng mga manonood ang pinapanood nila. Sino ang di nakakaalam sa pagmamahalan nina Maya at Sir Chief ng Be Careful With My Heart? Kaya di kataka-takang pag-ibig ang nagpapaikot sa mundo para sa ilan sa atin. Sa paggising, sa pagkain, sa pagtulog, pag-ibig lang nila ang kanilang nasasaisip. Meron namang umiibig na di lang naman sa kanilang sinisinta umiinog ang mundo. Nagagawa pa rin naman nila ang ibang bagay na kanilang kailangang gawin. Pero mayroon ding umaaming di pa nila nararanasang umibig. Kung naramdaman man nila ito, sila mismo ang umayaw. Mapapaisip ka tuloy, pare-pareho nga tayong mga tao pero nag-iiba nga ba kung tayo’y umiibig? Ano sa tingin nyo?

Sa tingin ko, iba-iba kasi ang klase ng pag-ibig. Tinutukoy ko rito yung pag-ibig sa pagitan ng dalawang tao ha. Marami nang nabanggit na uri ng pag-ibig. Tulad ng sinabi sa isang artikulong nabasa ko, nariyan ang infatuation (pakiramdam na idealistic o base sa pantasya lamang kumpara sa nararanasan talaga), romantic love (pag-ibig na ibinibigay sa isang taong nakararamdam ka ng pasyon, atraksyon, pag-aaruga at respeto), eros (pag-ibig na kadalasa’y may sexual involvement), companionate love (pagmamahal sa isang kaibigan na gustong-gusto mong makasama), unconditional love (pagmamahal sa isang tao kahit na gaano pa siya di kamahal-mahal) at conditional love (pag-ibig na may kondisyon).

love (kuha mula sa http://www.wallpaperswala.com/wp-content/gallery/love-quotes/love.jpg)

Para naman sa akin, ang pag-ibig ay dumedepende sa taong nagmamahal. Ang mga taong nagmamahal kasi ay iba-ibang uri ang pinapakita at pinadaramang pag-ibig: (1) pinapakita at nadarama, (2) di pinapakita pero nadarama, (3) pinapakita pero di nadarama at (4) di pinapakita at di rin nadarama.

Madaling ipaliwanag ang una. Nandyan ang pag-ibig na pinapakita para mas maramdaman ng iniibig ang pagmamahal ng umiibig sa kanya. Yung tipong nararamdaman mo talagang mahal ka ng isang tao, mahal mo man siya o hindi.

Yung ikalawa, ito ang tinatawag ng iba na hindi showy ang isang taong nagmamahal. Ang sinasabi ng mga taong ganito, di man nila naipapakita sa iba, at least naipararamdaman nila sa kanilang iniibig ang nadarama niya. Di ba’t yun naman ang importante? Naipapakita mo sa taong mahal mo na mahal mo siya kahit di ito nakikita ng iba?

Ikatlo, ito siguro ang mapanlinlang na pagmamahal. Di tumatagos sa puso ang pinakikitang pagmamahal kuno ng isang tao sa kanyang minamahal kuno. Baka maitanong mo, paano kaya iyon? E di nanlilinlang ang isang tao sa kanyang iniibig kuno at ang iniibig nya ay nagpapalinlang naman.

Ang ikaapat naman na uri ay ang pagmamahal na lumipas na. Maaaring naipakita at naipadama dati, pero nang maglaon ang mga ito ay nawala na. Nakalulungkot ito pero may mga taong nakadarama talaga nito.

***

Ang sabi nila, kailangan daw masuklian ang pag-ibig para ito makumpleto. Para rin pala itong komunikasyon. Di kasi nagiging buo ang isang komunikasyon pag walang sasagot (sa anumang paraan) sa taong gustong makipag-ugnayan. Sa pag-iibigan, pag di sinagot ang pusong umiibig, ito ay masasaktan. Sa ganitong pag-iisip ay makikita nating pwede ring hatiin ang uri ng pag-ibig sa dalawa: pag-ibig na nasusuklian at pag-ibig na hindi nasusuklian.

Pag mahal ng isang tao ang taong mahal nya, yan ang tinatawag na pag-ibig na nasusuklian. Masarap ang pagmamahal na ito, sapagkat masasabi mong kumpleto talaga ang nararamdaman mo. Pero, pag hanggang kaibigan lang o kaya kakilala lang o maging wala lang ang turing sa isang taong umiibig ng kanyang minamahal, yan naman ang pag-ibig na di nasusuklian. Tawag ng iba dyan, pag-ibig na sawi. O kay sakit nito sapagkat nagpadama ka ng pag-ibig pero malamig na ayaw at hindi ang sagot sa iyo.

Pag iisipin mo pa, may mga iba pang uri ng pag-ibig na nararanasan ng dalawang tao sa isa’t-isa. Ang mga uri ng pag-ibig na nabanggit ay may iba pa palang kaurian. Mayroong bawal, mayroong ligal. Mayroong na-develop ng matagal, mayroon ding mabilisan lang (pasok marahil dito ang love at first sight). Mayroong kusa, mayroon ding sapilitan (di mahal sa una, pero sa huli’y natutunan na; narinig mo na ba ang shotgun wedding?).

Gayunpaman, masasabi nating iba ang tama ng pag-ibig sa oras na madama natin ito.

Bilang pagwawakas, iaalay ko sa inyo ang ilan sa mga tula at kanta na aking nalikha na pumupukaw sa ilang uri ng pag-ibig. Sana ang mga ito’y inyong magustuhan.

BASTA IKAW

Ang kantang ito ay nilikha ko noong panahong inspired na inspired ako.

J at K

Koro:

 Basta ikaw ang makita

Ako’y masaya na

Kapag ikaw ang kapiling

Araw ko’y kayganda

Bawa’t text mo iniipon ko

Mga smiley at tawa inaabangan ko

Magandang sorpresa pinapanalangin ko

Lahat ng makakaya’y gagawin ko

Basta ikaw, ikaw

Basta ikaw, ikaw

Basta ikaw, ikaw

Basta ikaw, ikaw

I

‘Kaw ang nasa isip paggising sa umaga

Mukha mong maganda, sana’y makita

Puso kong ito’y sadyang masaya

Basta ikaw palagi ay maaalala

(Koro)

II

Pagsapit ng gabi, ‘kaw ang dasal

Hinihiling, umaasang tayo’y legal

Buhay kong ito’y sadyang napakaligaya

Ngayong parang tayo na talaga

(Koro)

***

USE ME IF YOU WILL

Sa titulo pa lang, malalaman mo nang tungkol ito sa bigong pag-ibig. Haha.

Umiiyak na Puso

Umiiyak na Puso

Chorus:

 Use me if you will

Just don’t go away

My all, my everything

Just to keep you here

I want to live my life

With you by my side

I want to live this life

With you as my love

I

Yesterday I was crying

Singing the blues

Then, you came up

To bring some good news

I was the love of your life

I thought we’ll end up together

Never thought you’ll lose your sight

What happened to together forever?

(Repeat chorus)

II

Today I’m here waiting

Trying to think

Maybe you’ll come by

And be back for good

Oh please, be back

You know you are my joy

Oh would you please be back

And be mine again?

(Repeat chorus)

Bridge:

I know that tomorrow will bring

All the answers to me

But why is it so hard

To let you go?

(Repeat chorus)

***

TINIMBANG MO NA

Kinatha ko ang kantang ito noong panahong tila kay lungkot sa paligid buong araw. Ibinagay ko na lamang sa pag-iibigang tunay na nadarama pero mali mula pa lamang sa umpisa. Pag-ibig na salawahan? Ikaw na ang humusga.

Sino ang mas matimbang?

I

Ganun pala kasakit

Hapdi at punit

Ang nadarama

Dahil sa iyong ginawa

II

Alam kong di ako

Ang nauna sa’yo

Pero aking nadama

Iyong pag-aaruga

Koro:

Ngunit ngayo’y tinimbang mo na

Mas mahal mo siya

Habang ako ay nandirito

Nag-iisa’t nagdurusa

Di umasa sa’yo

III

Ano bang mapapala ko?

Kung ikaw ay suyuin

Kung ikaw ay mahalin

IV

Di alam, ang nadarama

Tatagal at lalakas pa

Hanggang sa ako ay umasa na

Magiging tayo pa

(Ulitin ang koro)

Bridge:

Ako ay nagpakahibang

Sa’yo pansamantala

Mali ang umasa sa mali

Simula’t sapul pa lang

(Huling koro: Pagka’t ngayo’y…)

***

UNA

Ang kantang ito’y inaalay ko sa aking sinisinta na pinapanalagin kong di lang una kong minahal kundi maging huli ko nang mamahalin. Para sa’yo ito, dear!

Ako at ang aking sinta

Ang aking sinta at ako

I

Muli nating ibalik

Ang dating pag-ibig

Limutin ang sakit

Ng ala-alang naitapon

II

Ako ba ay nalimutan?

Ikaw ba’y di pinaglaban?

Buti’y nakapagpatawaran

Koro:

Aaminin ko sa’yo

Kulang ako pag wala ka

Isisigaw sa buong mundo

Ikaw sa puso ko ay una

Di sapat ang minsang

Inilaan natin dati

Pangako sa iyo

Bukas ay ating-atin

III

Naging abala pareho

Puso nati’y nangulila

Inakalang ayaw mo

Kahit naman talaga’y gusto mo pa

IV

Ano ba ang nangyari

Sa ating kahapon?

Buti ngayo’y may pagkakataon

(Ulitin ang koro)

Sabah

Mainit-init na balita ngayon ang nangyayaring stand-off sa Lahad Datu, Malaysia (parte ng Sabah) gawa ng mga kababayan nating Muslim na nagpunta run bilang protesta sa nangyaring peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Libreation Front (MILF) noong Oktubre ng nakaraang taon. Anila, initsapwera ang sultanato nila sa Mindanao gayung pag-aari nila ang marami sa lupaing ibibigay umano sa MILF alinsunod na rin sa nasabing kasunduang pangkapayapaan. Di man lang daw sila kinunsulta tungkol dito, gayung sila umano ang talagang may-ari ng mga lupain. Isa na sa kanilang inaangking lupa ay ang Sabah na matagal na ring sinasabing pag-aari talaga ng Pilipinas.

Nasaan ang Sabah?

Mapa ng Sabah (courtesy of rappler.com)

Mapa ng Sabah (courtesy of rappler.com)

Ang Sabah ay isa sa 13 member states ng bansang Malaysia. Matatagpuan ito sa pinakamataas na bahagi ng Borneo, ang islang napakalapit sa Pilipinas, lalo na sa bandang Palawan at Sulu. Tingnan nyo ang mapa nang mas maintindihan nyo ang pagsasalarawan na sinabi ko.

Ano ang kasaysayan sa likod ng pag-angkin natin sa Sabah?

Ayon sa isang artikulo ng GMA News, ang sultanato ng Brunei ang talagang may kontrol sa Borneo (kung saan napapaloob ang Sabah) at ilang bahagi ng Sulu noon pa mang ika-14 na siglo. Noong Hunyo 1658, ibinigay umano ni Sultan Abdul Hakkul Mubin ng Brunei ang parte ng Sabah kay Sultan Salah-ud Din Karamat Bakhtiar ng Sulu dahil sa ginawang pagtulong ng huli sa giyerang nilahukan ng sultanato ng Brunei. Naging opisyal namang pag-aari ng sultanato ng Sulu ang Sabah noong 1673 matapos itong kumpirmahin ni Brunei Sultan Bongsu Muhyuddin. Noong ika-18 at ika-19 na siglo ay pinarentahan ng sultanato ng Sulu ang Sabah sa ilang kumpanya ng Britanya. Nang dumating ang ika-20 siglo ay gusto na muling angkinin ng ating mga kababayang Muslim ang kanilang teritoryo ngunit hindi ito naging madali sapagkat nagkaroon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig; naging kolonya ng Britanya ang North Borneo, kung saan bahagi ang Sabah (1946); at naging parte ng iisang bansang tinawag na Malaysia ang Sabah kasama ng Malaya, Sarawak at Singapore (1963). Ang pinakakontrobersyal na hakbangin noon ng mga Pilipino ay ang tinatawag na Operation Merdeka kung saan halos 200 Tausug at Samang Muslim na 18 hanggang 30 ang gulang ay kinuha at inensayo sa Simunul, Tawi-tawi. Ang commando unit na ito ay tinawag na Jabidah. Disyembre 30, 1967 nang pinasakay sa Philippine Navy Vessel patungong Corregidor ang Jabidah upang sumailalim sa special training. Nagkaroon nga lamang ng aberya nang malaman ng mga nabanggit na trainee na nasa plano ang pagsagupa nila sa mga kapatid nilang Muslim din na nasa Sabah. Marso 18, 1968 nang mangyari ang tinatawag na Jabidah Massacre, kung saan ang mga trainee ay pinaulanan ng bala sa di tiyak na kadahilanan. Mula nang mangyari ang insidente, di na muling uminit pa ang usaping Sabah hanggang nangyari nga ang stand-off nitong nagdaang linggo.

Sino ba talaga ang nagmamay-ari sa Sabah?

Philippines or Malaysia?

Di natin matitiyak yan, pero base sa mga naibalita ay talagang pag-aari ng mga kababayan nating Muslim ang Sabah. Bukod diyan, hanggang ngayon daw kasi ay binabayaran sila ng Malaysia sa ginawa nilang pagpapaupa rito mula pa noon. Maiisip mo nga, bakit nagbabayad pa rin hanggang ngayon ang mga Malay kung di nila binibigyang halaga ang naging usapan higit isang siglo na ang nakakaraan, hindi ba?

Huling Salita

Napakaraming taon nang usapin ang pag-angkin ng bansang Pilipinas sa Sabah. Kung sakaling tulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga kapatid nating Muslim na nandoon ngayon upang mabawi ang lupang sarilling atin talaga, magiging handa ba tayo sa mga maidudulot nito? Magiging atin ang lupa pero ang mga taong nakatira rito’y Malay (taong tawag sa mga taga-Malaysia) na ang turing sa kanilang mga sarili. Hindi sila papayag sa ganun sapagkat identidad na nila ang nakataya roon. Bukod dyan, di basta-basta papayag ang gobyerno ng Malaysia na maangkin nating muli ang Sabah. Marami silang nakukuhang yaman at pinagkukunang-yaman dito na pinakabukod-tangi’y ang mga mamamayan nila na nakatira roon.

Sa madaling salita, hindi tayo handa. Kaya di na kataka-takang ayaw sumuporta ng gobyerno sa isinasagawang protesta roon ngayon.

Maselang Usapan

MTRCB-Logo4

Nitong nakaraang araw, Pebrero 9, 2013, ay ibinalita ang pagkastigo sa programang Party Pilipinas ng The Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) dahil sa pagpapalabas ng isang mahalay na production number. Tama ba ang MTRCB sa kanilang ginawa? Ating alamin.

Ano ba ang nangyari?

Enero 27, 2013 nang ipalabas ang nasabing kontrobersyal na production number. Tampok dito ang mga artistang sina Lovi Poe at Rocco Nacino na habang sumasayaw ay iginigiling ang kanilang mga katawan na tila nagpapahiwatig na sila’y nagniniig.

Anong problema rito? Palabas ang programa tuwing tanghaling tapat ng Linggo, kung kailan maraming mga bata ang nanonood kasama ng kanilang pamilya. Kaya di kataka-takang marami ang nag-react agad sa mga social networking sites tulad ng Facebook at Twitter tungkol dito. Kinondena ng mga taong nakapanood ang programa sapagkat pinahintulutan nila itong mangyari. Anila, may tamang panahon at oras para sa mga ganitong uri ng pagpapalabas.

Ano kayang dahilan at ipinalabas ang nasabing production number?

ASAP 18 (courtesy of ABS-CBN)

Tila naging pabaya ang mga taong nasa likod ng programa sapagkat di nila naisip kung naaayon ba sa panahon ng pagpapalabas nila ang ganung uri ng production number. Huwag naman sanang ang dahilan ay upang mapukaw ang atensyon ng mga tao lalo na’t talo ang programang Party Pilipinas ng katapat nitong musical-variety show din na ASAP. Kahit pa sabihing nakuha nga nila ang atensyon ng mga tao kahit na sa hindi magandang paraan, napukaw pa rin nila ang atensyon nila. Sabi nga sa mga katagang Ingles, negative publicity is still publicity. Abangan na nga na lang natin kung may magiging epekto nga ito sa kanilang ratings.

Party Pilipinas (courtesy of GMA)

Ano bang pwedeng maging epekto ng ganung pagpapalabas sa mga bata?

Alam nating lahat na kung anong nakikita ng bata ay kanilang ginagawa. Kahit na insinuwasyon lamang ang nakita sa palabas, di maiiwasang magtaka sila kung ano ang nakikita nila. Maaari silang magtanong, sapagkat di pa nila ito nalalaman. Yun nga lang, tatanungin nga ba nila ang kanilang mga magulang tungkol dito? At kung magtanong man sila, sasagutin ba sila ng tama at maayos ng kanilang mga magulang?

Isa pa, may mentalidad ang ibang tao na kung anong nakikita nila sa mga palabas tulad ng telebisyon at pelikula ay nagiging isang lisensya para sa kanilang gawin ang mga ito. Inaakala kasi nilang kung anong nakikita nilang ginagawa ng kanilang mga paboritong artista ay dapat nilang gawin, tama man ito o mali. Dapat mahinto ang mentalidad na ito sapagkat di porke’t kilala ang mga sikat ay magandang modelo na sila sa mga tao, lalo na sa kabataan.

Anong ginawang aksyon ng MTRCB?

Ayon sa balita, sa loob ng anim na buwan ay mamatiyagan ng ahensiya ang Party Pilipinas. Kung sila’y magkaroong muli ng violation ay papatawan sila ng parusang magpapawala sa kanilang programa sa ere. Binigyang utos din nilang magbigay ng report ang GMA-7 (channel na nagpapalabas ng Party Pilipinas) tungkol sa ginagawa umano nitong internal investigation tungkol sa nangyaring insidente. Ngayong araw din ay inaasahang hihingi ng tawad ang mga taong nasa likod ng programa sa pamamagitan ng isang public apology sa kanilang palabas. Ang mga taong tinuturong may sala sa nangyari, kasama na sina Jose Mari Abacan (VP for Programming), Mark Reyes V (director ng programa) at Lui Cadag (executive producer) ay kinakailangang kumuha ng Gender and Development (GAD) Training para umano magkaroon ng epektibong self-regulation ang programa ukol sa gender sensitivity sa kanilang ipinapalabas.

Huling Salita

Sana’y magsilbing aral sa lahat ng mga nagtatrabaho sa mga palabas sa telebisyon ang nangyari sa Party Pilipinas na kinukondena ngayon dahil sa nagawang mali ng mga tao sa likod nito. Di naman siguro mahirap maging sensitibo. May klasipikasyon din namang binibigay ang MTRCB sa mga pinapalabas sa telebisyon. Maraming paraan upang mapukaw ang atensyon ng mga tao, lalo na’t libre lang naman ang panonood ng telebisyon. Pagandahin ang programa at pagbutihin ang ginagawa ay mga sapat nang paraan. Di na kinakailangan pang magpakita ng mga bagay na maselan.

Sandaang Libo

alaminmokasi.wordpress.com header

Mahigit isang taon na mula nang simulan ko ang aking kauna-unahang blog sa WordPress na pinamagatan kong ALAMIN MO KASI. Sabi ko nga sa blog kong ito, ang aking pakay sa paggawa nito’y upang alamin ang mga bagay na nakakaapekto sa atin, tuklasin ang mga bagay na di pa natin nalalaman at gunitain ang mga bagay na dati na nating alam. Di ko akalaing isang taon pagkatapos kong ihayag ang aking kauna-unahang blog post ay aabot na ng isandaang libo ang bumasa o kaya’y dumaan (man lang) sa aking website. Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng bumasa at patuloy na bumabasa sa blog kong ito. Asahan n’yong susubukan kong maparami pa ang mga aalamin nating mga bagay-bagay sa mundo!

Tubbataha

Ilang linggo na ang nakararaan nang maganap ang isang insidenteng damay ang isa nating likas yaman- ang Tubbataha Reef. Enero 17 ng taong kasalukuyan nang nasayaran ng USS Guardian, isang navy vessel ng Estados Unidos, ang nasabing reef. Dahil sa pagsayad na ito, malaking bahagi ng reef ang nasira at naapektuhan. Ayon pa nga sa pinakahuling balita, umabot na sa 4,000 square meters ang nasisira sa nasabing reef.

Tubbataha Reef

Tubbataha Reef

Ano ba ang Tubbataha Reef?

Ayon sa Wikipedia, ang Tubbataha Reef of Bahurang Tubbataha ay isang pulong batuhara na binubuo ng mga kural o batong-bulaklak na matatagpuan sa Dagat Sulu at malapit sa probinsiya ng Palawan dito sa Pilipinas. Ayon pa rin sa malayang ensiklopedia, ang bahurang ito ay isang santuwaryong-dagat na pinangangalagaan ng Pambansang Marinang Liwasan ng Bahurang Tubbataha (Tubbataha Reef National Marine Park). Dapat lamang na ito’y pangangalagaan sapagkat isa ito sa ating mga likas yaman. Katunayan n’yan, idineklara itong isang World Heritage Site ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noon pang taong 1993. Testimonya sa angkin nitong ganda ang pagkakanomina nito bilang isa sa New 7 Wonders of Nature ilang taon na ang nakararaan.

Saan nagmula ang pangalang Tubbataha?

Ang pangalang Tubbataha ay galing umano sa dalawang salitang Samal na nangangahulugang isang mahabang batuhang-harang na lumilitaw sa pagkati ng tubig.

Ano na ngayon ang planong gawin ng gobyerno?

USS Guardian sa itaas ng Tubbataha Reef

USS Guardian sa itaas ng Tubbataha Reef

Planong itaas ang USS Guardian upang mapigilan na ang  pagkasira pang lalo ng bahura. Ayon sa balita, kinontrata na ng Estados Unidos ang isang towing company sa Singapore upang alisin ang sasakyang pandagat. Nasa Puerto Princesa na umano ang isa sa mga crane na gagamitin para rito.

Ayon sa pinakahuling balita, magbibigay naman daw ng kaukulang planong teknikal na pamumunuan ng mga eksperto ang Estados Unidos para sa rehabilitasyon ng Tubbataha Reef. Makikipag-ugnayan umano sila sa lokal na pamahalaan para maisakatuparan ang dapat gawin sa nasabing likas yaman.

Baka nagtataka kayo kung ano ang kahalagahan ng isang reef. Ano ba ito?

Ayon dito, ang reef o bahura sa Tagalog ay tahanan ng mga isda at iba pang mga lamang-dagat. Inihahalintulad ito sa kagubatan sa lupa kung saan nakatira ang maraming uri ng mga hayop, halaman at iba pang organismo. Tinatayang 25% ng mga isda ay nakatira sa mga bahura. Bukod sa pangingisda, nagagamit ang mga bahura para sa turismo, proteksyon laban sa malalaking alon pati na sa paggawa ng mga gamot.

May katumbas na pera ba ang kalikasan?

Wala. Kahit pa magkano ang ibayad ng Estados Unidos, di na maibabalik pa ang nasirang parte ng ating likas yaman.

Pero alam n’yo ba, kahit na gayun ay may mga Amerikanong nagpu-protesta sa gagawing pagbayad ng Estados Unidos sa nagawa nilang pagsira sa isa nating mga bahura? Isa na riyan si Donald Trump Jr., anak ng kilala at mayamang negosyanteng si Donald Trump. Sa kanyang mga hinaing sa twitter, nagpakita siya ng kagaspangan ng ugali dahil sa kanyang pagkadismaya sa tinatayang babayaran ng Amerika dahil sa nagawang kasiraan ng pagsayad ng USS Guardian sa ating Bahurang Tubbataha. Pero, di patatalo ang mga Pinoy. IInilabas din ng marami nating mga kababayan ang kanilang mga saloobin at matatalinong argumento laban sa mga makasariling pahayag ni Trump Jr.

Ang kontrobersyal na pahayag ni Donald Trump Jr.

Ang kontrobersyal na pahayag ni Donald Trump Jr.